Chronological
1 Nangyari nga nang ikatatlong pung taon, sa ikaapat na buwan, nang ikalimang araw ng buwan, samantalang ako'y kasama ng mga bihag sa pangpang ng ilog Chebar, na ang langit ay nabuksan, at ako'y nakakita ng mga pangitain mula sa Dios.
2 Nang ikalimang araw ng buwan, na siyang ikalimang taon ng pagkabihag ng haring Joacim,
3 Ang salita ng Panginoon ay dumating na maliwanag kay Ezekiel na saserdote, na anak ni Buzi, sa lupain ng mga Caldeo sa pangpang ng ilog Chebar: at ang kamay ng Panginoon, ay sumasa kaniya.
4 At ako'y tumingin, at, narito, isang unos na hangin ay lumabas na mula sa hilagaan, na isang malaking ulap, na may isang apoy na naglilikom sa sarili, at isang ningning sa palibot, at mula sa gitna niyao'y may parang metal na nagbabaga, mula sa gitna ng apoy.
5 At mula sa gitna niyao'y nanggaling ang kahawig ng apat na nilalang na may buhay. At ito ang kanilang anyo, Sila'y nakawangis ng isang tao;
6 At bawa't isa ay may apat na mukha, at bawa't isa sa kanila ay may apat na pakpak.
7 At ang kanilang mga paa ay mga matuwid na paa; at ang talampakan ng kanilang mga paa ay parang talampakan ng paa ng isang guya; at sila'y nagsisikinang na parang kulay ng tansong binuli.
8 At sila'y may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa kanilang apat na tagiliran; at silang apat ay may kanilang mga mukha, at may kanilang mga pakpak na ganito:
9 Ang kanilang mga pakpak ay nagkakadaitan; sila'y hindi nagsisipihit nang sila'y yumaon; yumaon bawa't isa sa kanila na patuloy.
10 Tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, sila'y may mukhang tao; at silang apat ay may mukha ng leon sa kanang tagiliran; at silang apat ay may mukha ng baka sa kaliwang tagiliran; silang apat ay may mukha rin ng aguila.
11 At ang kanilang mga mukha at ang kanilang mga pakpak ay magkahiwalay sa itaas: dalawang pakpak ng bawa't isa ay nagkakadaitan at ang dalawa ay nagsisitakip ng kanilang mga katawan.
12 At yumaon bawa't isa sa kanila na patuloy; kung saan naparoroon ang espiritu, doon sila nangaparoroon; sila'y hindi nagsisipihit nang sila'y yumaon.
13 Tungkol sa anyo ng mga nilalang na may buhay, ang kanilang katulad ay parang mga bagang nagniningas; parang mga sulo: ang apoy ay tumataas at bumababa sa gitna ng mga nilalang na may buhay at ang apoy ay maningas, at mula sa apoy ay may lumabas na kidlat.
14 At ang mga nilalang na may buhay ay nagsitakbo at nagsibalik na parang kislap ng kidlat.
15 Samantala ngang minamasdan ko ang mga nilalang na may buhay, narito, ang isang gulong sa lupa sa siping ng mga nilalang na may buhay, sa bawa't isa ng apat na mukha ng mga yaon.
16 Ang anyo ng mga gulong at ng kanilang pagkayari ay parang kulay ng berilo: at ang apat na yaon ay may isang anyo: at ang kanilang anyo at ang kanilang pagkayari ay parang isang gulong sa loob ng isang gulong.
17 Pagka yumaon, nagsisiyaon sa kanilang apat na dako: hindi nagsisipihit nang sila'y yumaon.
18 Tungkol sa kanilang mga Rueda ay matataas at kakilakilabot; at itong apat ay may kanilang mga Ilanta na puno ng mga mata sa palibot.
19 At pagka ang mga nilalang na may buhay ay nagsisiyaon, ang mga gulong ay nagsisiyaon sa siping nila; at pagka ang mga nilalang na may buhay ay nangatataas mula sa lupa, ang mga gulong ay nangatataas.
20 Kung saan naparoroon ang espiritu ay nangaparoroon sila; doon pinaparoonan ng espiritu; at ang mga gulong ay nangatataas sa siping nila; sapagka't ang espiritu ng nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.
21 Pagka ang mga yaon ay nagsisiyaon, ang mga ito'y nagsisiyaon; at pagka ang mga yaon ay nagsisitayo, ang mga ito ay nagsisitayo; at pagka ang mga yaon ay nangatataas mula sa lupa, ang mga gulong ay nangatataas sa siping nila; sapagka't ang espiritu ng nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.
22 At sa ibabaw ng ulo ng nilalang na may buhay, may kawangis ng langit, na parang kulay ng kakilakilabot na bubog, na nakaunat sa itaas ng kanilang mga ulo.
23 At sa ilalim ng langit ay nakaunat ang kanilang mga pakpak, na ang isa ay sa gawi ng isa: bawa't isa'y may dalawa na tumatakip ng kaniyang katawan sa dakong ito, at bawa't isa'y may dalawa na tumatakip sa dakong yaon.
24 At nang sila'y magsiyaon, aking narinig ang pagaspas ng kanilang mga pakpak na parang hugong ng maraming tubig, parang tinig ng Makapangyarihan sa lahat, na hugong ng kagulo na gaya ng kaingay ng isang hukbo: pagka sila'y nagsisitayo, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak.
25 At may tinig na nagmula sa itaas ng langit na nasa ibabaw ng kanilang mga ulo: pagka sila'y nagsisitayo, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak.
26 At sa itaas ng langit na nasa itaas ng kanilang mga ulo ay may kawangis ng isang luklukan na parang anyo ng batong zafiro; at sa ibabaw ng kawangis ng luklukan ay may kawangis ng isang tao sa itaas niyaon.
27 At ako'y nakakita ng parang metal na nagbabaga, na parang anyo ng apoy sa loob niyaon, na nakikita mula sa kaniyang mga balakang na paitaas; at mula sa kaniyang mga balakang na paibaba ay nakakita ako ng parang anyo ng apoy, at may ningning sa palibot niyaon.
28 Kung paano ang anyo ng bahaghari na nasa alapaap sa kaarawan ng ulan, gayon ang anyo ng kinang sa palibot. Ito ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon. At nang aking makita, ako'y nasubasob, at aking narinig ang tinig ng isang nagsasalita.
2 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako'y makikipagsalitaan sa iyo.
2 At ang Espiritu ay sumaakin nang siya'y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin.
3 At kaniyang sinabi sa akin, Anak ng tao, sinusugo kita sa mga anak ni Israel, sa mga bansa na mapanghimagsik, na nanganghimagsik laban sa akin: sila at ang kanilang mga magulang ay nagsisalangsang laban sa akin, hanggang sa kaarawan ngang ito.
4 At ang mga anak ay walang galang at mapagmatigas na loob; sinusugo kita sa kanila: at iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios.
5 At sila sa didinggin man nila, o sa itatakuwil man nila (sapagka't sila'y mapanghimagsik na sangbahayan), gayon man ay matatalastas nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila.
6 At ikaw, anak ng tao, huwag matakot sa kanila, o matakot man sa kanilang mga salita, bagaman maging mga dawag at mga tinik ang kasama mo, at bagaman ikaw ay tumatahan sa gitna ng mga alakdan: huwag kang matakot sa kanilang mga salita, o manglupaypay man sa kanilang mga tingin, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan.
7 At iyong sasalitain ang aking mga salita sa kanila, sa didinggin, o sa itatakuwil man; sapagka't sila'y totoong mapanghimagsik.
8 Nguni't ikaw, anak ng tao, dinggin mo kung ano ang sinasabi ko sa iyo; huwag kang mapanghimagsik na gaya niyaong mapanghimagsik na sangbahayan; ibuka mo ang iyong bibig, at iyong kanin ang ibinibigay ko sa iyo.
9 At nang ako'y tumingin, narito, isang kamay ay nakaunat sa akin; at narito, isang balumbon ay nandoon;
10 At ikinadkad niya sa harap ko: at nasusulatan sa loob at sa labas; at may nakasulat doon na mga taghoy, at panangis, at mga daing.
3 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, kanin mo ang iyong nasusumpungan; kanin mo ang balumbong ito, at ikaw ay yumaon, magsalita ka sa sangbahayan ni Israel.
2 Sa gayo'y ibinuka ko ang aking bibig, at ipinakain niya sa akin ang balumbon.
3 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, pakanin mo ang iyong tiyan, at busugin mo ang iyong bituka ng balumbong ito na aking ibinibigay sa iyo. Nang magkagayo'y kinain ko, at sa aking bibig ay naging parang pulot sa katamisan.
4 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, yumaon ka, paroon ka sa sangbahayan ni Israel, at magsalita ka ng aking mga salita sa kanila.
5 Sapagka't ikaw ay hindi sinugo sa isang bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, kundi sa sangbahayan ni Israel;
6 Hindi sa maraming bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, na ang mga salita ay hindi mo nauunawa. Tunay na kung suguin kita sa mga yaon, didinggin ka ng mga yaon.
7 Nguni't hindi ka didinggin ng sangbahayan ni Israel; sapagka't hindi nila ako didinggin: sapagka't ang buong sangbahayan ni Israel ay may matigas na ulo, at may mapagmatigas na loob.
8 Narito, aking pinapagmatigas ang iyong mukha laban sa kanilang mga mukha, at pinatigas ko ang iyong ulo laban sa kanilang mga ulo.
9 Ginawa kong parang isang diamante na lalong matigas kay sa pingkiang bato ang iyong ulo: huwag mo silang katakutan, o manglupaypay man sa kanilang tingin, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan.
10 Bukod dito'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, lahat ng aking mga salita na aking sasalitain sa iyo ay tanggapin mo sa iyong puso, at dinggin mo ng iyong mga pakinig.
11 At yumaon ka, pumaroon ka sa mga bihag, na mga anak ng iyong bayan at magsalita ka sa kanila, at saysayin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; sa didinggin man nila, o sa itatakuwil man nila.
12 Nang magkagayo'y itinaas ako ng Espiritu, at aking narinig sa likuran ko ang tinig ng malaking hugong, na nagsasabi; Purihin ang kaluwalhatian ng Panginoon mula sa kaniyang dako.
13 At aking narinig ang pagaspas ng mga pakpak ng mga nilalang na may buhay na nagkakadagisdisan, at ang hugong ng mga gulong sa siping nila, sa makatuwid baga'y ang ingay ng malaking hugong.
14 Sa gayo'y itinaas ako ng Espiritu, at ako'y dinala; at ako'y yumaong namamanglaw, sa pagiinit ng aking kalooban; at ang kamay ng Panginoon ay naging malakas sa akin.
15 Nang magkagayo'y naparoon ako sa mga bihag sa Tel-abib, na nagsisitahan sa pangpang ng ilog Chebar, at sa kanikanilang kinatatahanan; at ako'y umupo roong natitigilan sa gitna nila na pitong araw.
16 At nangyari, sa katapusan ng pitong araw, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
17 Anak ng tao, ginawa kitang bantay sa sangbahayan ni Israel: kaya't pakinggan mo ang salita sa aking bibig, at ipanguna mo sa kanila sa ganang akin.
18 Pagka aking sinabi sa masama, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay; at hindi mo pinagpaunahan siya, o nagsasalita ka man upang hikayatin ang masama mula sa kaniyang masamang lakad, upang iligtas ang kaniyang buhay; ang gayong masamang tao ay mamamatay sa kaniyang kasamaan; nguni't ang kaniyang dugo ay aking sisiyasatin sa iyong kamay.
19 Gayon ma'y kung iyong pagpaunahan ang masama, at siya'y hindi humiwalay sa kaniyang kasamaan, o sa kaniyang masamang lakad man, siya'y mamamatay sa kaniyang kasamaan; nguni't iyong iniligtas ang iyong kaluluwa.
20 Muli, pagka ang isang taong matuwid ay lumilihis sa kaniyang katuwiran, at gumawa ng kasamaan, at ako'y naglalagay ng katitisuran sa harap niya, siya'y mamamatay; sapagka't hindi mo siya pinagpaunahan, siya'y mamamatay sa kaniyang kasalanan, at ang kaniyang mga matuwid na gawa na kaniyang ginawa ay hindi aalalahanin; nguni't ang kaniyang dugo ay aking sisiyasatin sa iyong kamay.
21 Gayon ma'y kung iyong pinagpaunahan ang taong matuwid, upang ang matuwid ay huwag magkasala, at siya'y hindi nagkakasala, siya'y walang pagsalang mabubuhay, sapagka't siya'y nahikayat; at iyong iniligtas ang iyong kaluluwa.
22 At ang kamay ng Panginoon ay sumasa akin, at sinabi niya sa akin, Bumangon ka, lumabas ka sa kapatagan at doo'y makikipagusap ako sa iyo.
23 Nang magkagayo'y bumangon ako, at ako'y lumabas sa kapatagan; at, narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay dumoon, na gaya ng kaluwalhatian na aking nakita sa pangpang ng ilog Chebar; at ako'y napasubasob.
24 Nang magkagayo'y suma akin ang Espiritu, at itinayo ako sa aking mga paa; at siya'y nakipagsalitaan sa akin, at nagsabi sa akin, Yumaon ka, magsara ka sa loob ng iyong bahay.
25 Nguni't ikaw, anak ng tao, narito, sila'y mangaglalagay ng mga lubid sa iyo, at itatali sa iyo, at ikaw ay hindi lalabas sa gitna nila.
26 At aking paninikitin ang iyong dila sa ngalangala ng iyong bibig, upang ikaw ay mapipi, at huwag maging mananaway sa kanila: sapagka't sila'y mapanghimagsik na sangbahayan.
27 Nguni't pag ako'y makikipagsalitaan sa iyo, aking ibubuka ang iyong bibig, at iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Siyang nakikinig ay makinig; at ang nagtatakuwil ay magtakuwil: sapagka't sila'y mapanghimagsik na sangbahayan.
4 Ikaw naman, anak ng tao, kumuha ka ng isang losa, at ilagay mo sa harap mo, at gumuhit ka sa ibabaw ng isang bayan, sa makatuwid baga'y ng Jerusalem.
2 At kubkubin mo, at magtayo ka ng mga katibayan sa tapat noon, at maglagay ka ng bunton sa tapat noon; maglagay ka rin ng mga kampamento sa tapat noon; at magumang ka ng mga pangsaksak sa tapat noon sa palibot.
3 At magdala ka ng kawaling bakal, at ilagay mo na pinakakutang bakal sa pagitan mo at ng bayan: at iharap mo ang iyong mukha sa dako niyaon, at makukubkob, at iyong kukubkubin. Ito ang magiging tanda sa sangbahayan ni Israel.
4 Bukod dito'y humiga ka ng patagilid sa iyong kaliwa at ilagay mo ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel doon; ayon sa bilang ng mga araw na iyong ihihiga roon, magdadanas ka ng kanilang kasamaan.
5 Sapagka't aking itinakda ang mga taon ng kanilang kasamaan upang maging sa iyo'y isang bilang ng mga araw, sa makatuwid baga'y tatlong daan at siyam na pung araw: gayon mo dadanasin ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel.
6 At muli, pagka iyong natapos ang mga ito, ikaw ay hihiga sa iyong tagilirang kanan, at iyong dadanasin ang kasamaan ng sangbahayan ni Juda; apat na pung araw, bawa't araw ay pinaka isang taon, aking itinakda sa iyo.
7 At iyong ihaharap ang iyong mukha sa pagkubkob ng Jerusalem na may lilis kang manggas; at ikaw ay manghuhula laban doon.
8 At, narito, ipinaglalagay kita ng lubid, at ikaw ay huwag magpapalikoliko mula sa isang dako hanggang sa kabila, hanggang sa matupad mo ang mga kaarawan ng iyong pagkubkob.
9 Magdala ka rin ng trigo, at ng cebada, at ng habas, at ng lentejas, at ng mijo, at ng espelta, at ilagay mo sa isang sisidlan, at gawin mong tinapay; ayon sa bilang ng mga araw na iyong ihihiga sa iyong tagiliran, sa makatuwid baga'y tatlong daan at siyam na pung araw, iyong kakanin yaon.
10 At ang iyong pagkain na iyong kakanin ay magiging ayon sa timbang, dalawang pung siklo isang araw: araw-araw ay iyong kakanin.
11 At ikaw ay iinom ng tubig ayon sa takal, na ikaanim na bahagi ng isang hin: araw-araw ikaw ay iinom.
12 At iyong kakaning parang mga munting tinapay na cebada, at iyong lulutuin sa dumi na galing sa tao sa kanilang paningin.
13 At sinabi ng Panginoon, Ganito kakanin ng mga anak ni Israel ang kanilang maruming tinapay, sa gitna ng mga bansa na aking pagtatabuyan sa kanila.
14 Nang magkagayo'y sinabi ko, Ah Panginoong Dios! narito, ang aking kaluluwa ay hindi nadumhan, sapagka't mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay hindi ako kumain ng namamatay sa sarili, o nilapa ng mga hayop; o pumasok man ang kasuklamsuklam na karne sa aking bibig.
15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Tingnan mo, ibinigay ko sa iyo'y dumi ng baka na kahalili ng dumi ng tao, at iyong ihahanda ang iyong tinapay sa ibabaw niyaon.
16 Bukod dito'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, narito, aking babaliin ang tungkod ng tinapay sa Jerusalem: at sila'y magsisikain ng tinapay ayon sa timbang, at may pagkatakot; at magsisiinom sila ng tubig ayon sa takal, at manglulupaypay:
17 Upang sila'y mangailangan ng tinapay at tubig, at manglupaypay na magkakasama, at manganlata sa kanilang kasamaan.
Public Domain