Chronological
23 Sa aba ng mga pastor na nangagpapahamak at nangagpapangalat sa mga tupa sa aking pastulan! sabi ng Panginoon.
2 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, laban sa mga pastor na nangagpastol ng aking bayan, Inyong pinangalat ang aking kawan, at inyong iniligaw sila, at hindi ninyo sila dinalaw; narito, dadalawin ko sa inyo ang kasamaan ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon.
3 At aking pipisanin ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat na lupain na aking pinagtabuyan sa kanila, at aking dadalhin sila uli sa kanilang mga kulungan; at sila'y magiging palaanak at magsisidami.
4 At ako'y maglalagay ng mga pastor sa kanila na kakandili sa kanila; at hindi na sila matatakot, o manglulupaypay pa, o kukulangin ang sinoman sa kanila, sabi ng Panginoon.
5 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon kay David ng matuwid na Sanga, at siya'y maghahari na gaya ng hari, at gagawang may kapantasan, at magsasagawa ng kahatulan at kaganapan sa lupain.
6 Sa kaniyang mga kaarawan ay maliligtas ang Juda, at ang Israel ay tatahang tiwasay; at ito ang kaniyang pangalan na itatawag sa kaniya, Ang Panginoon ay ating katuwiran.
7 Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na nila sasabihin, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng Egipto;
8 Kundi, Buhay ang Panginoon, na nagahon at pumatnubay sa angkan ng binhi ng Israel mula sa hilagaang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. At sila'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain.
9 Tungkol sa mga propeta. Ang puso ko sa loob ko ay bagbag, lahat kong buto ay nanginginig; ako'y parang langong tao, at parang taong dinaig ng alak, dahil sa Panginoon, at dahil sa kaniyang mga banal na salita.
10 Sapagka't ang lupain ay puno ng mga mangangalunya; sapagka't dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain; ang mga pastulan sa ilang ay natuyo. At ang kanilang lakad ay masama, at ang kanilang lakas ay hindi matuwid.
11 Sapagka't ang propeta ay gayon din ang saserdote ay marumi; oo, sa aking bahay ay nasumpungan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.
12 Kaya't ang kanilang daan ay magiging sa kanila'y parang mga madulas na dako sa kadiliman: sila'y isusudlong, at mangabubuwal doon; sapagka't ako'y magpaparating ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga'y sa taon ng pagdalaw sa kanila, sabi ng Panginoon.
13 At nakita ko ang kamangmangan sa mga propeta ng Samaria; sila'y nanganghuhula sa pamamagitan ni Baal, at inililigaw ang aking bayang Israel.
14 Sa mga propeta ng Jerusalem naman ay nakita ko ang kakilakilabot na bagay: sila'y nangangalunya, at nagsisilakad sa mga kasinungalingan; at kanilang pinalalakas ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan, na anopa't walang humihiwalay sa kaniyang kasamaan: silang lahat ay naging parang Sodoma sa akin, at ang mga nananahan dito ay parang Gomorra.
15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta, Narito, aking pakakanin sila ng ajenjo, at paiinumin ko sila ng inuming mapait, sapagka't mula sa mga propeta ng Jerusalem ay lumabas ang pagdudumi sa buong lupain.
16 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Huwag ninyong dinggin ang mga salita ng mga propeta na nanganghuhula sa inyo: sila'y nangagtuturo sa inyo ng walang kabuluhan; sila'y nangagsasalita ng pangitain ng kanilang sariling puso, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.
17 Kanilang sinasabing lagi sa kanila na nagsisihamak sa akin, Sabi ng Panginoon, Kayo'y mangagkakaroon ng kapayapaan; at sa bawa't isa na lumalakad sa katigasan ng kaniyang sariling puso ay sinasabi nila, Walang kasamaang darating sa inyo.
18 Sapagka't sinong tumayo sa payo ng Panginoon, upang makamalas at makarinig ng kaniyang salita? sinong nakinig ng aking salita, at nakarinig?
19 Narito, ang bagyo ng Panginoon, ang kaniyang kapusukan, ay lumabas, oo, ipoipong bagyo: babagsak sa ulo ng masama.
20 Ang galit ng Panginoon ay hindi mapaparam, hanggang sa kaniyang magawa, at hanggang sa kaniyang maisagawa ang haka ng kaniyang puso: sa mga huling araw ay lubos ninyong mauunawa.
21 Hindi ko sinugo ang mga propetang ito, gayon ma'y nagsitakbo sila: ako'y hindi nagsalita sa kanila, gayon ma'y nanghula sila.
22 Nguni't kung sila'y nanayo sana sa aking payo, kanila ngang naiparinig ang aking mga salita sa aking bayan, at kanilang naihiwalay sa kanilang masamang lakad, at sa kasamaan ng kanilang mga gawa.
23 Ako baga'y Dios lamang sa malapit, sabi ng Panginoon, at hindi Dios sa malayo?
24 May makapagkukubli bagang sinoman sa mga lihim na dako na hindi ko makikita siya? sabi ng Panginoon, Hindi baga pinupuno ko ang langit at ang lupa? sabi ng Panginoon.
25 Aking narinig kung ano ang sinabi ng mga propeta, na nanganghuhula ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nangagsasabi, Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip.
26 Hanggang kailan masusumpungan ito sa puso ng mga propeta na nanganghuhula ng mga kasinungalingan; sa makatuwid baga'y ng mga propeta na nanganghuhula ng daya ng kanilang sariling puso?
27 Na nagaakalang magpalimot sa aking bayan ng aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasaysay ng bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, gaya ng kanilang mga magulang na nakalimot ng aking pangalan dahil kay Baal.
28 Ang propeta na nanaginip, ay magsaysay siya ng isang panaginip; at siyang nagtamo ng aking salita, salitain niya ang aking salita na may pagtatapat. Ano ang dayami sa trigo? sabi ng Panginoon.
29 Hindi baga ang aking salita ay parang apoy? sabi ng Panginoon; at parang pamukpok na dumudurog ng bato?
30 Kaya't narito, ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na ninanakaw ng bawa't isa ang aking mga salita sa kaniyang kapuwa.
31 Narito, ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na nagsisipagsalita, at nangagsasabi, Kaniyang sinasabi.
32 Narito, ako'y laban sa kanila na nanghuhula ng mga sinungaling na panaginip, sabi ng Panginoon, at sinasaysay, at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan, at sa pamamagitan ng kanilang walang kabuluhang kahambugan: gayon man ay hindi ko sinugo sila, o inutusan ko man sila; at hindi man pinakikinabangan nila ang bayang ito sa anomang paraan, sabi ng Panginoon.
33 At pagka ang bayang ito, o ang propeta, o ang saserdote ay magtatanong sa iyo, na magsasabi, Ano ang hula na mula sa Panginoon? iyo ngang sasabihin sa kanila, Anong hula! Aking itatakuwil kayo, sabi ng Panginoon.
34 At tungkol sa propeta, at sa saserdote, at sa bayan, na magsasabi, Ang hula na mula sa Panginoon, ay akin ngang parurusahan ang lalaking yaon at ang kaniyang sangbahayan.
35 Ganito ang sasabihin ng bawa't isa sa inyo sa kaniyang kapuwa, at ng bawa't isa sa kaniyang kapatid, Ano ang isinagot ng Panginoon? at, Ano ang sinalita ng Panginoon?
36 At ang hula na mula sa Panginoon ay hindi na ninyo babanggitin pa: sapagka't bawa't sariling salita ng tao ay magiging kaniyang hula; sapagka't inyong binago ang mga salita ng buhay na Dios, ng Panginoon ng mga hukbo na ating Dios.
37 Ganito ang iyong sasabihin sa propeta, Ano ang isinagot sa iyo ng Panginoon? at, Ano ang sinalita ng Panginoon?
38 Nguni't kung inyong sabihin, Ang hula na mula sa Panginoon; ganito nga ang sabi ng Panginoon: Sapagka't inyong sinasabi ang salitang ito, Ang hula na mula sa Panginoon, at ako'y nagsugo sa inyo, na sinabi ko, Huwag ninyong sasabihin, Ang hula na mula sa Panginoon;
39 Kaya't, narito, aking lubos na kalilimutan kayo, at aking itatakuwil kayo, at ang bayang ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, mula sa aking harapan:
40 At ako'y magpaparating ng walang hanggang kakutyaan sa inyo, at walang hanggang kahihiyan, na hindi malilimutan.
24 Ang Panginoon ay nagpakita sa akin, at, narito, dalawang bakol na igos ay nakalagay sa harap ng templo ng Panginoon, pagkatapos na madalang bihag ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia si Jechonias na anak ni Joacim, hari sa Juda, at ang mga prinsipe sa Juda, na kasama ng mga manggagawa at ng mga mangbabakal, mula sa Jerusalem, at mangadala sila sa Babilonia.
2 Ang isang bakol ay may totoong mga mabuting igos, na parang mga igos na mga unang hinog; at ang isang bakol ay may totoong masamang mga igos, na hindi makain, nangapakasama.
3 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Anong iyong nakikita, Jeremias? At aking sinabi, Mga igos; ang mga mabuting igos, totoong mabuti; at ang masasama, totoong masama na hindi makakain, dahil sa nangapakasama.
4 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsabi,
5 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Kung paano ang mga mabuting igos na ito, gayon ko kikilalanin ang mga bihag ng Juda, na aking pinayaon mula sa dakong ito na patungo sa lupain ng mga Caldeo, sa ikabubuti.
6 Sapagka't aking itititig ang aking mga mata sa kanila sa ikabubuti, at aking dadalhin sila uli sa lupaing ito: at aking itatayo sila, at hindi ko itutulak sila; at aking itatatag sila, at hindi ko paaalisin.
7 At aking bibigyan sila ng puso upang makilala ako, na ako ang Panginoon: at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Dios; sapagka't sila'y manunumbalik sa akin ng kanilang buong puso.
8 At kung paanong ang masasamang igos, na hindi makakain, dahil sa nangapakasama, tunay na ganito ang sabi ng Panginoon, Sa gayo'y pababayaan ko si Sedechias na hari sa Juda, at ang kaniyang mga prinsipe, at ang nalabi sa Jerusalem, na naiwan sa lupaing ito, at ang nagsisitahan sa lupain ng Egipto.
9 Akin silang pababayaan upang mapahapay na paroo't parito sa gitna ng lahat na kaharian sa lupa sa ikasasama; upang maging kakutyaan at kawikaan, kabiruan at sumpa, sa lahat ng dakong aking pagtatabuyan sa kanila.
10 At aking pararatingin ang tabak, ang kagutom, at ang salot, sa gitna nila, hanggang sa sila'y mangalipol sa lupain na ibinigay ko sa kanila at sa kanilang mga magulang.
25 Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa buong bayan ng Juda nang ikaapat na taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda (siya ring unang taon ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia),
2 Na siyang sinalita ni Jeremias na propeta sa buong bayan ng Juda, at sa lahat ng nananahan sa Jerusalem, na sinasabi,
3 Mula nang ikalabing tatlong taon ni Josias na anak ni Ammon, na hari sa Juda, hanggang sa araw na ito, nitong dalawang pu't tatlong taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, at aking sinalita sa inyo na ako'y bumangong maaga, at nagsalita; nguni't hindi ninyo dininig.
4 At sinugo ng Panginoon sa inyo ang lahat niyang lingkod na mga propeta na gumising na maaga, at sinugo sila (nguni't hindi ninyo dininig, o ikiniling man ninyo ang inyong pakinig upang mangakinig),
5 Na nangagsasabi, Magsihiwalay bawa't isa sa inyo sa kanikaniyang masamang lakad, at sa kasamaan ng inyong mga gawa, at kayo'y magsitahan sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga magulang, mula nang una at hanggang sa magpakailan pa man;
6 At huwag kayong magsisunod sa ibang mga dios na mangaglingkod sa kanila, at magsisamba sa kanila, at huwag ninyo akong mungkahiin sa galit ng gawa ng inyong mga kamay, at hindi ko kayo sasaktan.
7 Gayon ma'y hindi kayo nangakinig sa akin, sabi ng Panginoon; upang mungkahiin ninyo ako sa galit, ng gawa ng inyong mga kamay sa inyong sariling ikapapahamak.
8 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Sapagka't hindi ninyo dininig ang aking mga salita,
9 Narito, ako'y magsusugo at kukunin ko ang lahat na angkan sa hilagaan, sabi ng Panginoon, at ako'y magsusugo kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na aking lingkod, at aking dadalhin sila laban sa lupaing ito, at laban sa mga nananahan dito, at laban sa lahat ng bansang ito sa palibot; at aking lubos na lilipulin sila, at gagawin ko silang katigilan, at kasutsutan, at mga walang hanggang kagibaan.
10 Bukod dito'y aalisin ko sa kanila ang tinig ng kalayawan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalaki at ang tinig ng kasintahang babae, ang tunog ng mga batong gilingan, at ang liwanag ng ilawan.
11 At ang buong lupaing ito ay magiging sira, at katigilan; at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari sa Babilonia na pitong pung taon.
12 At mangyayari, pagkaganap ng pitong pung taon, na aking parurusahan ang hari sa Babilonia, at ang bansang yaon, sabi ng Panginoon, dahil sa kaniyang kasamaan, at ang lupain ng mga Caldeo; at aking gagawing sira magpakailan man.
13 At aking gaganapin sa lupaing yaon ang lahat na aking salita na aking sinalita laban doon, lahat ng nakasulat sa aklat na ito, na inihula ni Jeremias laban sa lahat na bansa.
14 Sapagka't maraming bansa at mga dakilang hari ay paglilingkuran nila, nila nga; at gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga kilos, at ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.
15 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa akin, Abutin mo itong saro ng alak ng kapusukan sa aking kamay, at painumin mo ang lahat na bansa na pinagsuguan ko sa iyo.
16 At sila'y magsisiinom, at magsisihapay na paroo't parito, na mangauulol, dahil sa tabak na aking pasasapitin sa kanila.
17 Nang magkagayo'y inabot ko ang saro sa kamay ng Panginoon, at pinainom ko ang lahat na bansang pinagsuguan ng Panginoon:
18 Sa makatuwid, ang Jerusalem, at ang mga bayan ng Juda, at ang mga hari niyaon, at ang mga prinsipe niyaon, upang gawin silang kagibaan, katigilan, kasutsutan, at sumpa; gaya sa araw na ito;
19 Si Faraong hari sa Egipto, at ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang mga prinsipe, at ang buong bayan niya;
20 At ang lahat ng halohalong bayan, at ang lahat ng hari sa lupain ng Hus, at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, at ang Ascalon, at ang Gaza, at ang Ecron, at ang nalabi sa Asdod;
21 Ang Edom, at ang Moab, at ang mga anak ni Ammon;
22 At ang lahat ng hari sa Tiro, at ang lahat ng hari sa Sidon, at ang hari sa pulo na nasa dako roon ng dagat;
23 Ang Dedan, at ang Tema, at ang Buz, at ang lahat ng magsisiputol ng mga laylayan ng kanilang buhok;
24 At ang lahat ng hari sa Arabia, at ang lahat ng hari sa halohalong bayan na nagsisitahan sa ilang;
25 At ang lahat ng hari sa Zimri, at ang lahat ng hari sa Elam, at ang lahat ng hari ng mga Medo;
26 At ang lahat ng hari sa hilagaan, malayo't malapit na isa't isa; at ang lahat ng kaharian sa sanglibutan, na nangasa ibabaw ng lupa: at ang hari sa Sesach ay magsisiinom pagkatapos nila.
27 At iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Kayo'y magsiinom, at kayo'y mangagpakalasing, at kayo'y magsisuka, at mangabuwal, at huwag na kayong magsibangon, dahil sa tabak na aking pasasapitin sa inyo.
28 At mangyayari, kung tanggihan nilang abutin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y walang pagsalang magsisiinom.
29 Sapagka't, narito, ako'y nagpapasimulang gumawa ng kasamaan sa bayang tinawag sa aking pangalan, at kayo baga'y lubos na hindi mapaparusahan? Kayo'y walang pagsalang parurusahan; sapagka't aking tatawagin ang tabak laban sa lahat ng nananahan sa lupa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
30 Kaya't ihula mo laban sa kanila ang lahat ng mga salitang ito, at sabihin mo sa kanila, Ang Panginoon ay uungol mula sa itaas, at ilalakas ang kaniyang tinig mula sa kaniyang banal na tahanan; siya'y uungol ng malakas laban sa kaniyang kulungan; siya'y hihiyaw, gaya nila na magsisiyapak ng ubas, laban sa lahat na nananahan sa lupa.
31 Ang ingay ay darating hanggang sa wakas ng lupa; sapagka't ang Panginoon ay may pakikipagpunyagi sa mga bansa, siya'y papasok sa paghatol sa lahat ng tao; tungkol sa masasama ay kaniyang ibibigay sila sa tabak, sabi ng Panginoon.
32 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, kasamaan ay mangyayari sa bansa at bansa, at malakas na bagyo ay ibabangon mula sa kahulihulihang bahagi ng lupa.
33 At ang mapapatay ng Panginoon sa araw na yao'y magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa: sila'y hindi tataghuyan, o dadamputin man, o ililibing man; sila'y magiging dumi sa ibabaw ng lupa.
34 Kayo'y magsiangal, kayong mga pastor, at kayo'y magsihiyaw; at kayo'y mangagsigumon sa abo, kayong pinakamainam sa kawan; sapagka't ang mga kaarawan ng pagpatay at ang pangangalat sa inyo ay lubos na dumating, at kayo'y mangababagsak na parang mainam na sisidlan.
35 At ang mga pastor ay walang daang tatakasan, o tatanan man ang pinakamainam sa kawan.
36 Tinig ng hiyaw ng mga pastor, at ng angal ng pinakamainam sa kawan! sapagka't inilalagay ng Panginoon na sira ang kanilang pastulan.
37 At ang mga payapang tahanan ay nangadala sa katahimikan dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.
38 Kaniyang pinabayaan ang kaniyang kublihan na gaya ng leon; sapagka't ang kanilang lupain ay naging katigilan dahil sa kabangisan ng mamimighating tabak, at dahil sa kaniyang mabangis na kagalitan.
Public Domain