Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Jeremias 26-29

26 Nang pasimula ng paghahari ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, dumating ang salitang ito na mula sa Panginoon, na nagsasabi,

Ganito ang sabi ng Panginoon, Tumayo ka sa looban ng bahay ng Panginoon at salitain mo sa lahat ng bayan ng Juda, na nagsisiparoon upang magsisamba sa bahay ng Panginoon, ang lahat na salita na iniutos ko sa iyo upang salitain sa kanila; huwag kang magbawas ng kahit isang salita.

Marahil ay kanilang didinggin, at hihiwalay ang bawa't tao sa kanikaniyang masamang lakad; upang aking mapagsisihan ang kasamaan na aking pinanukalang gawin sa kanila dahil sa kasamaan ng kanilang mga gawa.

At iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung hindi ninyo didinggin ako, na magsilakad sa aking kautusan, na aking inilagay sa harap ninyo,

Na makinig sa mga salita ng aking mga lingkod na mga propeta, na aking sinusugo sa inyo, na bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila, nguni't hindi ninyo pinakinggan;

Ay akin ngang gagawin ang bahay na ito na gaya ng Silo, at gagawin ko ang bayang ito na sumpa sa lahat ng mga bansa sa lupa.

At narinig ng mga saserdote at ng mga propeta at ng buong bayan si Jeremias na nagsasalita ng mga salitang ito sa bahay ng Panginoon.

At nangyari, nang si Jeremias ay makatapos sa pagsasalita ng lahat na iniutos ng Panginoon sa kaniya na salitain sa buong bayan, na hinuli siya ng mga saserdote at ng mga propeta at ng buong bayan, na sinasabi: Ikaw ay walang pagsalang mamamatay.

Bakit ka nanghula sa pangalan ng Panginoon, na iyong sinasabi, Ang bahay na ito ay magiging gaya ng Silo, at ang bayang ito ay magiging sira, na mawawalan ng mananahan? At ang bayan ay nagpipisan kay Jeremias sa bahay ng Panginoon.

10 At nang mabalitaan ng mga prinsipe sa Juda ang mga bagay na ito, sila'y nagsisampa sa bahay ng Panginoon na mula sa bahay ng hari; at sila'y nangaupo sa pasukan ng bagong pintuang-daan ng bahay ng Panginoon.

11 Nang magkagayo'y nagsalita ang mga saserdote at ang mga propeta sa mga prinsipe at sa buong bayan, na sinasabi, Ang lalaking ito ay marapat patayin; sapagka't siya'y nanghula laban sa bayang ito, gaya ng inyong narinig ng inyong mga pakinig.

12 Nang magkagayo'y nagsalita si Jeremias sa lahat ng prinsipe at sa buong bayan, na sinasabi, Sinugo ako ng Panginoon upang manghula laban sa bahay na ito at laban sa bayang ito ng lahat na salita na inyong narinig.

13 Kaya't ngayo'y pabutihin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at inyong talimahin ang tinig ng Panginoon ninyong Dios; at pagsisisihan ng Panginoon ang kasamaan na kaniyang sinalita laban sa inyo.

14 Nguni't tungkol sa akin, narito, ako'y nasa inyong kamay: inyong gawin sa akin ang minamabuti at minamatuwid sa harap ng inyong mga mata.

15 Talastasin lamang ninyong mabuti na kung ako'y inyong ipapatay, kayo'y magdadala ng walang salang dugo sa inyo at sa bayang ito, at sa mga nananahan dito: sapagka't katotohanang sinugo ako ng Panginoon sa inyo upang magsalita ng lahat ng mga salitang ito sa inyong mga pakinig.

16 Nang magkagayo'y sinabi ng mga pangulo at ng buong bayan sa mga saserdote at sa mga propeta: Ang lalaking ito ay hindi marapat patayin; sapagka't siya'y nagsalita sa atin sa pangalan ng Panginoon nating Dios.

17 Nang magkagayo'y nagsitindig ang ilan sa mga matanda sa lupain, at nangagsalita sa buong kapulungan ng bayan, na nangagsasabi,

18 Si Miqueas na Morastita ay nanghula sa mga kaarawan ni Ezechias na hari sa Juda: at siya'y nagsalita sa buong bayan ng Juda, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang Sion ay aararuhing parang bukid, at ang Jerusalem ay magiging mga bunton, at ang bundok ng bahay ay parang mga mataas na dako sa gugubat.

19 Si Ezechias bagang hari sa Juda at ang buong Juda ay nagpapatay sa kaniya? hindi baga siya natakot sa Panginoon, at dumalangin ng lingap ng Panginoon, at ang Panginoon ay nagsisi sa kasamaan na kaniyang sinalita laban sa kanila? Ganito gagawa tayo ng malaking kasamaan laban sa ating sariling mga kaluluwa.

20 At may lalake naman na nanghula sa pangalan ng Panginoon, si Urias na anak ni Semaias na taga Chiriath-jearim: at siya'y nanghula laban sa lupaing ito ayon sa lahat ng mga salita ni Jeremias:

21 At nang marinig ni Joacim na hari sangpu ng lahat niyang mga makapangyarihang lalake, at ng lahat na prinsipe, ang kaniyang mga salita, pinagsikapan ng hari na ipapatay siya; nguni't nang marinig ni Urias, siya'y natakot, at tumakas, at pumasok sa Egipto:

22 At si Joacim na hari ay nagsugo ng mga lalake sa Egipto, ang mga ito nga, si Elnathan na anak ni Acbor, at ilang mga lalake na kasama niya, sa Egipto:

23 At kaniyang inilabas si Urias sa Egipto, at dinala niya siya kay Joacim na hari; na pumatay sa kaniya ng tabak, at naghagis ng kaniyang bangkay sa mga libingan ng karaniwang tao.

24 Nguni't ang kamay ni Ahicam na anak ni Zaphan ay sumasa kay Jeremias upang huwag siyang ibigay nila sa kamay ng bayan at ipapatay siya.

27 Nang pasimula ng paghahari ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, dumating ang salitang ito kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi,

Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Gumawa ka para sa iyo ng mga panali at mga pamatok, at ilagay mo sa iyong batok,

At iyong mga ipadala sa hari sa Edom, at sa hari sa Moab, at sa hari ng mga anak ni Ammon, at sa hari sa Tiro, at sa hari sa Sidon, sa pamamagitan ng kamay ng mga sugo na nagsisiparoon sa Jerusalem kay Sedechias na hari sa Juda,

At ipagbilin mo sa kanilang mga panginoon, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong mga panginoon.

Aking ginawa ang lupa, ang tao at ang hayop na nasa ibabaw ng lupa, sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng aking unat na bisig; at aking ibinigay doon sa minamarapat ko.

At ngayon ay ibinigay ko ang lahat ng lupaing ito sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na aking lingkod at ang mga hayop sa parang ay ibinigay ko rin naman sa kaniya upang mangaglingkod sa kaniya.

At lahat ng mga bansa ay mangaglilingkod sa kaniya, at sa kaniyang anak at sa anak ng kaniyang anak, hanggang dumating ang panahon ng kaniyang sariling lupain: at kung magkagayo'y maraming bansa at mga dakilang hari ay paglilingkuran siya.

At mangyayari, na ang bansa at ang kaharian na hindi maglilingkod kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at yaong hindi yuyukod ng kanilang ulo sa pamatok ng hari sa Babilonia, ang bansang yaon, sabi ng Panginoon, ay parurusahan ko ng tabak, at ng kagutom, at ng salot, hanggang sa aking malipol sila sa pamamagitan ng kaniyang kamay.

Nguni't tungkol sa inyo, huwag ninyong dinggin ang inyong mga propeta, o ang inyong mga manghuhula man, o ang inyong mga panaginip man, o ang inyong mga mapamahiin man, o ang inyong mga manggagaway man, na nangagsasalita sa inyo, na nagsasabi, Kayo'y hindi mangaglilingkod sa hari sa Babilonia:

10 Sapagka't sila'y nanganghuhula ng kasinungalingan sa inyo, upang ilayo kayo sa inyong lupain; at aking palalayasin kayo at kayo'y mangalilipol.

11 Nguni't ang bansa na iyukod ang kaniyang ulo sa pamatok ng hari sa Babilonia, at maglilingkod sa kaniya, ang bansang yaon ay aking ilalabi sa kaniyang sariling lupain, sabi ng Panginoon; at kanilang bubukirin, at tatahanan.

12 At ako'y nagsalita kay Sedechias na hari sa Juda ayon sa lahat ng mga salitang ito na aking sinabi, Inyong iyukod ang inyong ulo sa pamatok ng hari sa Babilonia, at mangaglilingkod kayo sa kaniya at sa kaniyang bayan, at kayo'y mangabuhay:

13 Bakit kayo'y mangamamatay, ikaw, at ang iyong bayan, sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom, at ng salot, gaya ng sinalita ng Panginoon tungkol sa bansa na hindi maglilingkod sa hari sa Babilonia?

14 At huwag kayong mangakinig ng salita ng mga propeta na nangagsasalita sa inyo, na nangagsasabi, Kayo'y hindi mangaglilingkod sa hari sa Babilonia: sapagka't sila'y nanganghuhula ng kabulaanan sa inyo.

15 Sapagka't hindi ko sinugo sila, sabi ng Panginoon; kundi sila'y nanganghuhulang may kasinungalingan sa aking pangalan; upang aking mapalayas kayo, at kayo'y mangalipol, kayo, at ang mga propeta na nanganghuhula sa inyo.

16 Ako naman ay nagsalita rin sa mga saserdote at sa lahat ng bayang ito, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kayong mangakinig ng mga salita ng inyong mga propeta, na nanganghuhula sa inyo, na nangagsasabi, Narito, ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon ay madaling madadala uli na mula sa Babilonia: sapagka't sila'y nanganghuhula ng kasinungalingan sa inyo.

17 Huwag ninyong dinggin sila, mangaglingkod kayo sa hari sa Babilonia, at kayo'y mangabuhay: bakit nga ang bayang ito ay magiging sira?

18 Nguni't kung sila'y mga propeta, at ang mga salita ng Panginoon ay sumasakanila, mamagitan sila ngayon sa Panginoon ng mga hukbo, upang ang mga sisidlan na naiwan sa bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari sa Juda, at ng Jerusalem, ay huwag mangaparoon sa Babilonia.

19 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga haligi, at tungkol sa dagatdagatan, at tungkol sa mga tungtungan, at tungkol sa nalabi sa mga sisidlan na nangaiwan sa bayang ito,

20 Na hindi kinuha ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, nang kaniyang dalhing bihag si Jechonias na anak ni Joacim na hari sa Juda, mula sa Jerusalem hanggang sa Babilonia, at ang lahat ng mahal na tao ng Juda at ng Jerusalem;

21 Oo, ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, tungkol sa mga sisidlan na naiwan sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari sa Juda, at ng Jerusalem:

22 Mangadadala sa Babilonia, at mangapaparoon, hanggang sa araw na dalawin ko sila, sabi ng Panginoon; kung magkagayo'y isasampa ko sila, at isasauli ko sa dakong ito.

28 At nangyari, nang taon ding yaon sa pasimula ng paghahari ni Sedechias na hari sa Juda, sa ikaapat na taon, sa ikalimang buwan, na si Hananias na anak ni Azur na propeta, na taga Gabaon, ay nagsalita sa akin sa bahay ng Panginoon, sa harapan ng mga saserdote, at ng buong bayan, na nagsasabi,

Ganito ang sinasalita ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, na nagsasabi, Aking inalis ang pamatok ng hari sa Babilonia.

Sa loob ng dalawang buong taon ay dadalhin ko uli sa dakong ito, ang lahat na sisidlan ng bahay ng Panginoon, na dinala ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia mula sa dakong ito, at mga dinala sa Babilonia:

At aking dadalhin uli sa dakong ito si Jechonias na anak ni Joacim, na hari sa Juda, sangpu ng lahat na bihag sa Juda, na nangaparoon sa Babilonia, sabi ng Panginoon: sapagka't aking aalisin ang pamatok ng hari sa Babilonia.

Nang magkagayo'y nagsabi ang propeta Jeremias sa propeta Hananias sa harapan ng mga saserdote, at sa harapan ng buong bayan, na nakatayo sa bahay ng Panginoon,

Sinabi nga ng propeta Jeremias, Siya nawa: gawing gayon ng Panginoon: isagawa ng Panginoon ang iyong mga salita na iyong ipinanghula, na ibalik uli ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon, at silang lahat na bihag, mula sa Babilonia hanggang sa dakong ito.

Gayon ma'y dinggin mo ang mga salitang ito na sinasalita ko sa iyong mga pakinig, at sa mga pakinig ng buong bayan:

Ang mga naging propeta bago ako at bago ikaw nang una ay nanghula laban sa maraming lupain, at laban sa mga malaking kaharian, tungkol sa digma, at tungkol sa kasamaan, at tungkol sa salot.

Ang propeta, na nanghuhula ng tungkol sa kapayapaan, ay makikilala nga siyang propeta, na tunay na sinugo ng Panginoon siya, pagka ang salita ng propeta ay mangyayari.

10 Nang magkagayo'y kinuha ng propeta Hananias ang pamatok sa batok ng propeta Jeremias, at binali.

11 At si Hananias ay nagsalita sa harapan ng buong bayan, na nagsasabi: Ganito ang sabi ng Panginoon, Gayon ko rin babaliin ang pamatok ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia sa loob ng dalawang taong ganap sa batok ng lahat na bansa. At ang propeta Jeremias ay yumaon ng kaniyang lakad.

12 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, pagkatapos na mabali ni Hananias ang pamatok sa batok ng propeta Jeremias, na nagsasabi,

13 Ikaw ay yumaon, at saysayin mo kay Hananias na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon: Iyong binali ang mga pamatok na kahoy, nguni't ginawa mo na kahalili ng mga yaon ay mga pamatok na bakal.

14 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Ako'y naglagay ng pamatok na bakal sa batok ng lahat na bansang ito, upang sila'y makapaglingkod kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia; at sila'y mangaglilingkod sa kaniya: at ibinigay ko rin sa kaniya ang mga hayop sa parang.

15 Nang magkagayo'y sinabi ng propeta Jeremias kay Hananias na propeta, Dinggin mo ngayon, Hananias; hindi ka sinugo ng Panginoon; kundi iyong pinaasa ang bayang ito sa kasinungalingan.

16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ikaw ay aking palalayasin mula sa ibabaw ng lupa: mamamatay ka sa taong ito sapagka't ikaw ay nagsalita ng panghihimagsik laban sa Panginoon.

17 Sa gayo'y namatay si Hananias na propeta ng taon ding yaon sa ikapitong buwan.

29 Ito nga ang mga salita ng sulat na ipinadala ni Jeremias na propeta mula sa Jerusalem sa nalabi sa mga matanda sa pagkabihag, at sa mga saserdote, at sa mga propeta, at sa buong bayan, na dinalang bihag ni Nabucodonosor sa Babilonia mula sa Jerusalem:

(Pagkatapos na makaalis sa Jerusalem si Jechonias na hari, at ang ina ng hari, at ang mga bating, at ang mga prinsipe sa Juda at sa Jerusalem, at ang mga manggagawa at ang mga mangbabakal;)

Sa pamamagitan ng kamay ni Elasa na anak ni Saphan, at ni Gemarias na anak ni Hilcias, (na siyang sinugo sa Babilonia ni Sedechias na hari sa Juda kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia,) na nagsasabi,

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, sa lahat ng bihag na aking ipinadalang bihag sa Babilonia mula sa Jerusalem,

Kayo'y mangagtayo ng mga bahay, at inyong tahanan; at kayo'y maghalamanan, at kanin ninyo ang bunga ng mga yaon.

Magsipagasawa kayo, at kayo'y mangagkaanak ng mga lalake at mga babae; at ikuha ninyo ng mga asawa ang inyong mga anak na lalake, at inyong ibigay na asawa ang inyong mga anak na babae, upang sila'y mangagkaanak ng mga lalake at mga babae: at kayo'y magsidami roon, at huwag kayong magpakaunti.

At inyong hanapin ang kapayapaan sa bayan na aking pinagdalhan sa inyong bihag, at inyong idalangin sa Panginoon: sapagka't sa kapayapaan niyaon ay magkakaroon naman kayo ng kapayapaan.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Huwag kayong dayain ng mga propeta na nangasa gitna ninyo, at ng inyong mga manghuhula, o mangakinig man kayo sa inyong mga panaginip na inyong napapanaginip.

Sapagka't sila'y nanganghuhulang may kasinungalingan sa inyo sa aking pangalan: hindi ko sinugo sila, sabi ng Panginoon.

10 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Pagkatapos na maganap ang pitong pung taon sa Babilonia, aking dadalawin kayo, at aking tutuparin ang aking mabuting salita sa inyo, sa pagpapabalik sa inyo sa dakong ito.

11 Sapagka't nalalaman ko ang mga pagiisip na aking iniisip sa inyo, sabi ng Panginoon, mga pagiisip tungkol sa kapayapaan, at hindi tungkol sa kasamaan, upang bigyan kayo ng pagasa sa inyong huling wakas.

12 At kayo'y magsisitawag sa akin, at kayo'y magsisiyaon at magsisidalangin sa akin, at aking didinggin kayo.

13 At inyong hahanapin ako, at masusumpungan ako, pagka inyong sisiyasatin ako ng inyong buong puso.

14 At ako'y masusumpungan sa inyo, sabi ng Panginoon, at aking ibabalik uli kayo na mula sa inyong pagkabihag, at aking pipisanin kayo mula sa lahat ng bansa, at mula sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa inyo, sabi ng Panginoon; at aking ibabalik kayo uli sa dakong mula sa aking pinagdalhang bihag sa inyo.

15 Sapagka't inyong sinabi, Ang Panginoon ay nagbangon sa amin ng mga propeta sa Babilonia.

16 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari na nauupo sa luklukan ni David, at tungkol sa buong bayan na tumatahan sa bayang ito, sa inyo ngang mga kapatid na hindi nagsilabas na kasama ninyo sa pagkabihag;

17 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking susuguin sa kanila ang tabak, ang kagutom at ang salot, at gagawin ko silang parang masamang igos, na hindi makakain, dahil sa nangapakasama.

18 At aking hahabulin sila ng tabak, at kagutom, at ng salot, at aking ibibigay sila sa kakutyaan na paroo't parito sa gitna ng lahat na kaharian sa lupa, upang maging kasumpaan, at katigilan, at kasutsutan, at katuyaan, sa gitna ng lahat na bansa na aking pinagtabuyan sa kanila;

19 Sapagka't hindi sila nangakinig sa aking mga salita, sabi ng Panginoon, na aking mga ipinasugo sa aking mga propeta, na ako'y bumangong maaga at sinugo ko sila; nguni't hindi ninyo dininig sila, sabi ng Panginoon.

20 Inyo ngang dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong lahat na nasa pagkabihag, na aking itinaboy sa Babilonia mula sa Jerusalem.

21 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, tungkol kay Achab na anak ni Colias, at tungkol kay Sedechias na anak ni Maasias na nanghuhula ng kasinungalingan sa inyo sa aking pangalan, Narito, aking ibibigay sila sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia; at papatayin niya sila sa harap ng inyong mga mata;

22 At sa kanila kukuha ng kasumpaan sa lahat ng bihag sa Juda na nangasa Babilonia, na magsasabi, Gawin ka ng Panginoon na gaya ni Sedechias at gaya ni Achab, na iniihaw sa apoy ng hari sa Babilonia.

23 Sapagka't sila'y gumawang may kamangmangan sa Israel, at nangalunya sa mga asawa ng kanilang mga kapuwa, at nangagsalita ng mga salita sa aking pangalan na may kasinungalingan, na hindi ko iniutos sa kanila; at ako ang siyang nakakakilala, at ako'y saksi, sabi ng Panginoon.

24 At tungkol kay Semaias na Nehelamita ay iyong sasalitain, na sasabihin,

25 Ganito ang sinasalita ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, na sinasabi, Sapagka't ikaw ay nagpadala ng mga sulat sa iyong sariling pangalan sa buong bayan na nasa Jerusalem, at kay Sophonias na anak ni Maasias na saserdote, at sa lahat na saserdote, na iyong sinasabi,

26 Ginawa kang saserdote ng Panginoon na kahalili ni Joiada na saserdote, upang kayo'y maging mga lingkod sa bahay ng Panginoon, sa bawa't tao na ulol, at nagpapanggap na propeta, upang iyong mailagay sa pangawan at sa mga tanikala.

27 Ngayon nga, bakit hindi mo sinaway si Jeremias na taga Anathoth, na nagpapanggap na propeta sa inyo,

28 Yamang siya'y nagsugo sa Babilonia, na nagsasabi, Ang pagkabihag ay malaon: kayo'y mangagtayo ng mga bahay at inyong tahanan; at kayo'y mangaghalaman, at inyong kanin ang bunga ng mga yaon?

29 At binasa ni Sophonia na saserdote ang sulat na ito sa mga pakinig ni Jeremias na propeta.

30 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na nagsasabi,

31 Ikaw ay magsugo sa kanilang lahat na nasa pagkabihag, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Semaias na Nehelamita. Yamang nanghula si Semaias sa inyo, at hindi ko sinugo siya, at kaniyang pinatiwala kayo sa kasinungalingan.

32 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking parurusahan si Semaias na Nehelamita, at ang kaniyang binhi; siya'y hindi magkakaroon ng lalake na tatahan sa gitna ng bayang ito, o mamamasdan man niya ang mabuti na gagawin ko sa aking bayan, sabi ng Panginoon, sapagka't siya'y nagsalita ng panghihimagsik laban sa Panginoon.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain