Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Jeremias 30-31

30 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi,

Ganito ang sinasalita ng Panginoon, ng Dios ng Israel, na nagsasabi, Iyong isulat sa isang aklat ang lahat ng mga salita na aking sinalita sa iyo.

Sapagka't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon na aking ibabalik na mula sa pagkabihag ang aking bayang Israel at Juda, sabi ng Panginoon, at aking pababalikin sila sa lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang, at kanilang aariin.

At ang mga ito ang mga salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Israel at tungkol sa Juda.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon; Kami ay nangakarinig ng tinig ng panginginig, ng takot, at hindi ng kapayapaan.

Kayo'y magtanong ngayon, at inyong tingnan kung ang lalake ay nagdaramdam ng panganganak: bakit aking nakikita ang lahat na lalake na ang mga kamay ay nangasa kaniyang mga balakang na parang babae sa pagdaramdam, at ang lahat na mukha ay naging maputla?

Ay! sapagka't ang araw na yaon ay dakila, na anopa't walang gaya niyaon: siya ngang panahon ng kabagabagan ng Jacob; nguni't siya'y maliligtas doon.

At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo na aking aalisin ang kaniyang pamatok sa iyo, at aking papatirin ang iyong mga tali at hindi na siya maglilingkod pa sa mga taga ibang lupa:

Kundi kanilang paglilingkuran ang Panginoong kanilang Dios, at si David na kanilang hari, na aking ibabangon sa kanila.

10 Kaya't huwag kang masindak, Oh Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon; huwag ka mang manglupaypay, Oh Israel: sapagka't narito, ililigtas kita mula sa malayo, at ang iyong binhi mula sa lupain ng kanilang pagkabihag; at ang Jacob ay babalik, at magiging tahimik at tiwasay, at walang tatakot sa kaniya.

11 Sapagka't ako'y sumasaiyo sabi ng Panginoon upang iligtas kita: sapagka't gagawa ako ng lubos na kawakasan sa lahat na bansa na aking pinapangalatan sa iyo, nguni't hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa iyo; kundi sasawayin kita ng kahatulan, at walang pagsalang hindi kita iiwan na walang parusa.

12 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Ang iyong sakit ay walang kagamutan, at ang iyong sugat ay mabigat.

13 Walang makipaglaban ng iyong usapin upang ikaw ay mapagaling: ikaw ay walang mga panggamot na nakagagaling.

14 Nilimot ka ng lahat na mangingibig sa iyo; hindi ka nila hinahanap: sapagka't sinugatan kita ng sugat ng kaaway, ng parusa ng mabagsik; dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan, sapagka't ang iyong mga kasalanan ay dumami.

15 Bakit ka humihiyaw ng dahil sa iyong sakit? ang iyong hirap ay walang kagamutan: dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan, sapagka't ang iyong mga kasalanan ay dumami, aking ginawa ang mga bagay na ito sa iyo.

16 Kaya't silang lahat na nagsisilamon sa iyo ay mangalalamon; at lahat ng iyong kaaway, bawa't isa sa kanila'y magsisipasok sa pagkabihag; at silang nagsisisamsam sa iyo ay magiging samsam, at lahat ng nagsisihuli sa iyo ay aking ibibigay na huli.

17 Sapagka't pagiginhawahin kita, at pagagalingin kita sa iyong mga sugat, sabi ng Panginoon; kanilang tinawag ka na tapon, na sinasabi, Ito ang Sion, na hindi hinahanap ng sinoman.

18 Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, aking ibabalik uli mula sa pagkabihag ang mga tolda ng Jacob, at pakukundanganan ko ang kaniyang mga tahanang dako; at ang bayan ay matatayo sa kaniyang sariling bunton, at ang bahay-hari ay tatahanan ng ayon sa ayos niyaon.

19 At mula sa kanila magmumula ang pagpapasalamat, at ang tinig ng nangagsasaya: at aking pararamihin sila, at sila'y hindi magiging kaunti; akin ding luluwalhatiin sila, at sila'y hindi magiging maliit.

20 Ang kanilang mga anak naman ay magiging gaya nang una, at ang kanilang kapisanan ay matatatag sa harap ko, at aking parurusahan yaong lahat na nagsisipighati sa kanila.

21 At ang kanilang prinsipe ay magiging isa sa kanila, at ang kanilang puno ay magmumula sa gitna nila: at aking palalapitin siya, at siya'y lalapit sa akin: sapagka't sino yaong nangahas upang lumapit sa akin? sabi ng Panginoon.

22 At kayo'y magiging aking bayan, at ako'y magiging inyong Dios.

23 Narito, ang unos ng Panginoon, ang kaniyang kapusukan, ay bumulalas na parang buhawi: hahampas sa ulo ng masama.

24 Ang mabangis na galit ng Panginoon ay hindi mapaparam hanggang sa maisagawa, at hanggang sa kaniyang maisagawa ang haka ng kaniyang puso; sa mga huling araw ay iyong mauunawa.

31 Sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, magiging Dios ako ng lahat na angkan ni Israel, at sila'y magiging aking bayan.

Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang bayan na naiwan ng tabak ay nakasumpong ng biyaya sa ilang; oo, ang Israel, nang aking papagpahingahin.

Ang Panginoon ay napakita nang una sa akin, na nagsasabi, Oo, inibig kita ng walang hanggang pagibig: kaya't ako'y lumapit sa iyo na may kagandahang-loob.

Muling itatayo kita, at ikaw ay matatayo, Oh dalaga ng Israel: muli na ikaw ay magagayakan ng iyong mga pandereta, at lalabas ka sa mga sayawan nila na nasasayahan.

Muli kang magtatanim ng mga ubasan sa mga bundok ng Samaria: ang mga manananim ay mangagtatanim, at mangagagalak sa bunga niyaon.

Sapagka't magkakaroon ng araw, na ang mga bantay sa mga burol ng Ephraim ay magsisihiyaw. Kayo'y magsibangon, at tayo'y magsisampa sa Sion na pumaroon sa Panginoon nating Dios.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y magsiawit ng kasayahan dahil sa Jacob, at magsihiyaw kayo dahil sa puno ng mga bansa: mangagtanyag kayo, magsipuri kayo, at mangagsabi, Oh Panginoon, iligtas mo ang iyong bayan, ang nalabi sa Israel.

Narito, aking dadalhin sila mula sa lupaing hilagaan, at pipisanin ko sila mula sa mga kahulihulihang bahagi ng lupa, at kasama nila ang bulag at ang pilay, at ang buntis at ang nagdadamdam na magkakasama: malaking pulutong na magsisibalik sila rito.

Sila'y magsisiparitong may iyakan, at may mga pamanhik na aking papatnubayan sila; akin silang palalakarin sa tabi ng mga ilog ng tubig, sa matuwid na daan na hindi nila katitisuran; sapagka't ako'y pinakaama sa Israel, at ang Ephraim ang aking panganay.

10 Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, Oh ninyong mga bansa, at inyong ipahayag sa mga pulo sa malayo; at inyong sabihin, Ang nagpangalat sa Israel, siyang magpipisan sa kaniya, at magiingat sa kaniya, gaya ng ginagawa ng pastor sa kaniyang kawan.

11 Sapagka't tinubos ng Panginoon ang Jacob, at tinubos niya siya sa kamay ng lalong malakas kay sa kaniya.

12 At sila'y magsisiparito at magsisiawit sa kaitaasan ng Sion, at magsisihugos na magkakasama sa kabutihan ng Panginoon, sa trigo, at sa alak, at sa langis, at sa guya ng kawan at ng bakahan: at ang kanilang kaluluwa ay magiging parang dinilig na halamanan; at hindi na sila mangamamanglaw pa sa anoman.

13 Kung magkagayo'y magagalak ang dalaga sa sayawan, at ang mga binata, at ang matanda na magkakasama: sapagka't aking gagawing kagalakan ang kanilang pagluluksa, at aking aaliwin sila at aking pagagalakin sila sa kanilang kapanglawan.

14 At aking sisiyahin ang loob ng mga saserdote sa kaginhawahan, at ang aking bayan ay masisiyahan sa aking kabutihan, sabi ng Panginoon.

15 Ganito ang sabi ng Panginoon, Isang tinig ay narinig sa Rama, panaghoy, at kalagimlagim na iyak, iniiyakan ni Raquel ang kaniyang mga anak; siya'y tumatangging maaliw dahil sa kaniyang mga anak, sapagka't sila'y wala na.

16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyong pigilin ang iyong tinig sa pagiyak, at ang iyong mga mata sa mga luha: sapagka't gagantihin ang iyong mga gawa, sabi ng Panginoon; at sila'y magsisibalik na mula sa lupain ng kaaway.

17 At may pagasa sa iyong huling wakas, sabi ng Panginoon; at ang iyong mga anak ay magsisiparoon uli sa kanilang sariling hangganan.

18 Tunay na aking narinig ang Ephraim na nananaghoy sa kaniyang sarili ng ganito, Inyong pinarusahan ako, at ako'y naparusahan na parang guya na hindi hirati sa pamatok: papanumbalikin mo ako, at ako'y manunumbalik sa iyo; sapagka't ikaw ang Panginoon kong Dios.

19 Tunay na pagkapanumbalik ko sa iyo ay nagsisi ako; at pagkatapos na ako'y maturuan ay nagsugat ako ng hita: ako'y napahiya, oo, lito, sapagka't aking dinala ang kakutyaan ng aking kabataan.

20 Ang Ephraim baga'y aking minamahal na anak? siya baga'y iniibig na anak? sapagka't kung gaano kadalas nagsasalita ako laban sa kaniya, ay gayon ko inaalaala siya ng di kawasa: kaya't nananabik ang aking puso sa kaniya; ako'y tunay na maaawa sa kaniya, sabi ng Panginoon.

21 Maglagay ka ng mga patotoo, gumawa ka ng mga haliging tanda: ilagak mo ang iyong puso sa dakong lansangan, sa daan na iyong pinaroonan: ikaw ay magbalik uli, Oh dalaga ng Israel, ikaw ay bumalik uli rito sa mga bayang ito.

22 Hanggang kailan magpaparoo't parito ka, Oh ikaw na tumatalikod na anak na babae? sapagka't ang Panginoon ay lumikha ng bagong bagay sa lupa, Ang babae ay siyang mananaig sa lalake.

23 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Kanilang gagamitin uli ang pananalitang ito sa lupain ng Juda at sa mga bayan niyaon, pagka aking dadalhin uli mula sa kanilang pagkabihag: Pagpalain ka ng Panginoon. Oh tahanan ng kaganapan, Oh bundok ng kabanalan.

24 At ang Juda at ang lahat na bayan niya ay tatahan doon na magkakasama; ang mga mangbubukid at ang mga lumilibot na may mga kawan.

25 Sapagka't aking bibigyang kasiyahan ang pagod na tao, at lahat na mapanglaw na tao ay aking pinasasaya.

26 Dito'y nagising ako, at ako'y lumingap; at ang aking pagkakatulog ay masarap.

27 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking hahasikan ang sangbahayan ni Israel at ang sangbahayan ni Juda ng binhi ng tao at ng binhi ng hayop.

28 At mangyayari, na kung paanong binantayan ko sila upang alisin, at upang ibuwal, at upang madaig at upang ipahamak, at upang pagdalamhatiin, gayon babantayan ko sila upang itayo at upang itatag sabi ng Panginoon.

29 Sa mga araw na yaon ay hindi na sila mangagsasabi. Ang mga magulang ay nagsikain ng mga maasim na ubas, at ang mga ngipin ng mga bata ay nagsisipangilo.

30 Nguni't bawa't isa ay mamamatay ng dahil sa kaniyang sariling kasamaan: lahat na nagsisikain ng mga maasim na ubas ay magsisipangilo ang mga ngipin.

31 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y makikipagtipan ng panibago sa sangbahayan ni Israel, at sa sangbahayan ni Juda:

32 Hindi ayon sa tipan na ipinakipagtipan ko sa kanilang mga magulang sa araw na aking kinuha sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Egipto; na ang aking tipan ay kanilang sinira, bagaman ako'y asawa nila, sabi ng Panginoon.

33 Kundi ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa sangbahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso; at ako'y magiging kanilang Dios, at sila'y magiging aking bayan;

34 At hindi na magtuturo bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at bawa't tao sa kaniyang kapatid, na magsasabi, Iyong kilalanin ang Panginoon; sapagka't makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliitliitan sa kanila hanggang sa kadakidakilaan sa kanila, sabi ng Panginoon: sapagka't aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin.

35 Ganito ang sabi ng Panginoon, na nagbibigay ng araw na sumisikat na pinakaliwanag sa araw, at ng mga ayos ng buwan at ng mga bituin na pinakaliwanag sa gabi, na nagpapakilos sa dagat, na humugong ang mga alon niyaon; ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan:

36 Kung ang mga ayos na ito ay humiwalay sa harap ko, sabi ng Panginoon, ang binhi nga ng Israel ay maglilikat sa pagkabansa sa harap ko magpakailan man.

37 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung ang langit sa itaas ay masusukat, at ang mga patibayan ng lupa ay masisiyasat sa ilalim, akin ngang ihahagis ang buong lahi ng Israel dahil sa lahat nilang nagawa, sabi ng Panginoon.

38 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang bayan ay matatayo sa Panginoon mula sa moog ni Hananeel hanggang sa pintuang-bayan sa sulok.

39 At ang panukat na pisi ay magpapatuloy na matuwid sa burol ng Gareb, at pipihit hanggang sa Goa.

40 At ang buong libis ng mga katawang patay, at ng mga abo, at ang lahat na parang hanggang sa batis ng Cedron, hanggang sa sulok ng pintuang-bayan ng kabayo sa dakong silanganan, magiging banal sa Panginoon; hindi mabubunot o mahahagis ang sinoman magpakailan pa man.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain