Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Mga Hari 22-23

22 Si Josias ay may walong taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlongpu't isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Idida na anak ni Adaia na taga Boscat.

At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad sa buong lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.

At nangyari, nang ikalabing walong taon ng haring Josias, na sinugo ng hari si Saphan na anak ni Azalia, na anak ni Mesullam, na kalihim, sa bahay ng Panginoon, na sinasabi,

Ahunin mo si Hilcias na dakilang saserdote, upang kaniyang bilangin ang salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon, na tinipon sa bayan ng tagatanod-pinto:

At ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang tumitingin ng gawain sa bahay ng Panginoon; at ibigay sa mga manggagawa na nangasa bahay ng Panginoon, upang husayin ang mga sira ng bahay.

Sa mga anluwagi, at sa mga manggagawa, at sa mga kantero at sa pagbili ng kahoy, at ng batong tabas upang husayin ang bahay.

Gayon ma'y walang pagtutuos na ginawa sila sa kanila sa salapi na nabigay sa kanilang kamay; sapagka't kanilang ginawang may pagtatapat.

At si Hilcias na dakilang saserdote ay nagsabi kay Saphan na kalihim, Aking nasumpungan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon. At ibinigay ni Hilcias ang aklat kay Saphan, at kaniyang binasa.

At si Saphan na kalihim ay naparoon sa hari, at nagbalik ng salita sa hari, at nagsabi, Inilabas ng iyong mga lingkod ang salapi na nasumpungan sa bahay, at ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang tumitingin ng gawain sa bahay ng Panginoon.

10 At isinaysay ni Saphan na kalihim, sa hari na sinasabi, Si Hilcias na saserdote ay nagbigay sa akin ng isang aklat.

11 At binasa ni Saphan sa harap ng hari. At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng aklat ng kautusan, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot.

12 At ang hari ay nagutos kay Hilcias na saserdote, at kay Ahicam na anak ni Saphan, at kay Achbor na anak ni Michaia, at kay Saphan na kalihim, at kay Asaia na lingkod ng hari, na sinasabi,

13 Kayo'y magsiyaon, isangguni ninyo sa Panginoon ako, at ang bayan, at ang buong Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na ito na nasumpungan: sapagka't malaki ang pagiinit ng Panginoon na nabugso sa atin, sapagka't hindi dininig ng ating mga magulang ang mga salita ng aklat na ito, na gawin ang ayon sa lahat na nasusulat tungkol sa atin.

14 Sa gayo'y si Hilcias na saserdote, at si Ahicam, at si Achbor, at si Saphan, at si Asaia, ay nagsiparoon kay Hulda na propetisa, na asawa ni Sallum na anak ni Ticva na anak ni Araas, na katiwala sa mga kasuutan (siya nga'y tumatahan sa Jerusalem sa ikalawang bahagi;) at sila'y nakipagsanggunian sa kaniya.

15 At sinabi niya sa kanila, Ganito, ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Saysayin ninyo sa lalake na nagsugo sa inyo sa akin,

16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito, at sa mga tagarito, sa makatuwid baga'y lahat na salita ng aklat na nabasa ng hari sa Juda:

17 Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at nagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, upang ipamungkahi nila ako sa galit sa lahat na gawa ng kanilang mga kamay, kaya't ang aking pagiinit ay magaalab sa dakong ito, at hindi mapapatay.

18 Nguni't sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo upang magusisa sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel. Tungkol sa mga salita na inyong narinig.

19 Sapagka't ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakababa sa harap ng Panginoon, nang iyong marinig ang aking sinalita laban sa dakong ito, at laban sa mga tagarito na sila'y magiging kagibaan, at sumpa, at hinapak mo ang iyong kasuutan, at umiyak sa harap ko: ay dininig naman kita, sabi ng Panginoon.

20 Kaya't narito, ipipisan kita sa iyong mga magulang, at ikaw ay malalagay sa iyong libingan na payapa, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito. At sila'y nagbalik ng salita sa hari.

23 At ang hari ay nagsugo, at pinisan nila sa kaniya ang lahat na matanda sa Juda, at sa Jerusalem.

At sumampa ang hari sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na lalake ng Juda, at ang lahat na taga Jerusalem na kasama niya, at ang mga saserdote, at ang mga propeta, at ang buong bayan, maliit at gayon din ang malaki: at kanilang binasa sa kanilang mga pakinig ang lahat na salita ng aklat ng tipan na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.

At ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon, at upang ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, ng buong puso at ng buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito: at ang buong bayan ay nananayo sa tipan.

At inutusan ng hari si Hilcias na dakilang saserdote, at ang mga saserdote sa ikalawang hanay, at ang mga tagatanod-pinto, na ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat na kasangkapan na ginawa kay Baal at sa mga Asera, at sa lahat na natatanaw sa langit; at kaniyang sinunog sa labas ng Jerusalem sa mga parang ng Cedron, at dinala ang mga abo niyaon sa Beth-el.

At kaniyang inalis ang mga saserdote na palasamba sa mga dios-diosan na inihalal ng mga hari sa Juda na nagpasunog ng kamangyan sa mga mataas na dako sa mga bayan ng Juda, at sa mga dakong nangasa palibot ng Jerusalem; pati silang nagsisipagsunog ng kamangyan kay Baal, sa araw, at sa buwan, at sa mga tala, at sa lahat ng natatanaw sa langit.

At kaniyang inilabas ang mga Asera sa bahay ng Panginoon, sa labas ng Jerusalem sa batis ng Cedron, at sinunog sa batis ng Cedron, at dinurog, at inihagis ang nangadurog niyaon sa libingan ng karaniwang mga tao.

At kaniyang ibinagsak ang mga bahay ng mga sodomita, na nangasa bahay ng Panginoon, na pinagtatahian ng mga tabing ng mga babae para sa mga Asera.

At dinala ang lahat na saserdote mula sa mga bayan ng Juda, at nilapastangan ang mga mataas na dako, sa pinagsusunugan ng kamangyan ng mga saserdote, mula sa Geba hanggang sa Beerseba; at kaniyang ibinagsak ang mga mataas na dako ng mga pintuang-bayan na nangasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng bayan, na nangasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng bayan.

Gayon ma'y ang mga saserdote sa mga mataas na dako ay hindi sumampa sa dambana ng Panginoon sa Jerusalem, kundi sila'y nagsikain ng tinapay na walang lebadura sa gitna ng kanilang mga kapatid.

10 At kaniyang nilapastangan ang Topheth, na nasa libis ng mga anak ni Hinnom, upang huwag paraanin ng sinoman ang kaniyang anak na lalake o babae sa apoy kay Moloch.

11 At kaniyang inalis ang mga kabayo na ibinigay ng hari ng Juda sa araw, sa pasukan ng bahay ng Panginoon, sa siping ng silid ni Nathan-melech na kamarero, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karo ng araw.

12 At ang mga dambana na nangasa bubungan ng silid sa itaas ni Achaz, na ginawa ng mga hari sa Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon ay ipinagbabagsak ng hari, at pinaggigiba mula roon, at inihagis ang alabok ng mga yaon sa batis ng Cedron.

13 At ang mga mataas na dako na nangasa harap ng Jerusalem, na nasa kanan ng bundok ng kapahamakan, na itinayo ng haring Salomon kay Asthareth na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Chemos na karumaldumal ng Moab, at sa kay Milcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon, ay nilapastangan ng hari.

14 At kaniyang pinagputolputol ang mga haligi na pinakaalaala, at pinutol ang mga Asera, at pinuno ang kanilang mga dako ng mga buto ng tao.

15 Bukod dito'y ang dambana na nasa Bethel at ang mataas na dako na ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nabat, na nakapagkasala sa Israel, sa makatuwid baga'y ang dambanang yaon at ang mataas na dako ay kaniyang ibinagsak; at kaniyang sinunog ang mataas na dako at dinurog, at sinunog ang mga Asera.

16 At pagpihit ni Josias, ay kaniyang natanawan ang mga libingan na nangasa bundok; at siya'y nagsugo, at kinuha ang mga buto sa mga libingan, at sinunog sa dambana, at dinumhan, ayon sa salita ng Panginoon na itinanyag ng lalake ng Dios, na siyang nagtanyag ng mga bagay na ito.

17 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Anong monumento yaong aking nakikita? At isinaysay ng mga lalake ng bayan sa kaniya, Yao'y libingan ng lalake ng Dios, na nanggaling sa Juda, at itinanyag ang mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Beth-el.

18 At kaniyang sinabi, Bayaan ninyo; huwag galawin ng sinoman ang mga buto niya. Sa gayo'y binayaan nila ang mga buto niya, na kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.

19 At ang lahat na bahay naman sa mga mataas na dako na nangasa bayan ng Samaria, na ginawa ng mga hari sa Israel upang mungkahiin ang Panginoon sa galit, ay pinagaalis ni Josias, at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat na gawa na kaniyang ginawa sa Beth-el.

20 At kaniyang pinatay ang lahat na saserdote sa mga mataas na dako na nangandoon, sa ibabaw ng mga dambana, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga yaon; at siya'y bumalik sa Jerusalem.

21 At iniutos ng hari sa buong bayan, na sinasabi, Ipagdiwang ninyo ang paskua sa Panginoon ninyong Dios, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.

22 Tunay na hindi ipinagdiwang ang gayong paskua mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa lahat ng mga araw man ng mga hari sa Israel, o ng mga hari man sa Juda;

23 Kundi nang ikalabing walong taon ng haring Josias ay ipinagdiwang ang paskuang ito sa Panginoon sa Jerusalem.

24 Bukod dito'y sila na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula, at ang mga terap, at ang mga diosdiosan, at ang lahat na karumaldumal na natanawan sa lupain ng Juda, at sa Jerusalem, ay pinagaalis ni Josias, upang kaniyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na nasumpungan ni Hilcias na saserdote sa bahay ng Panginoon.

25 At walang naging hari na gaya niya na una sa kaniya, na bumalik sa Panginoon ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, at ng buong kapangyarihan niya, ayon sa buong kautusan ni Moises; ni may bumangon mang sumunod sa kaniya na gaya niya.

26 Gayon ma'y hindi tinalikdan ng Panginoon ang bagsik ng kaniyang malaking pag-iinit, na ipinagalab ng kaniyang galit laban sa Juda, dahil sa lahat na pamumungkahi na iminungkahi ni Manases sa kaniya.

27 At sinabi ng Panginoon, Akin ding aalisin ang Juda sa aking paningin, gaya ng aking pagaalis sa Israel, at aking itatakuwil ang bayang ito na aking pinili, sa makatuwid baga'y ang Jerusalem, at ang bahay na aking pinagsabihan. Ang pangalan ko'y doroon.

28 Ang iba nga sa mga gawa ni Josias, at ang lahat na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

29 Nang mga kaarawan niya, si Faraon-nechao na hari sa Egipto at umahon laban sa hari sa Asiria, sa ilog Eufrates: at ang haring Josias ay naparoon laban sa kaniya; at pinatay niya siya sa Megiddo, nang makita niya siya.

30 At dinala siyang patay ng kaniyang mga lingkod sa isang karo, mula sa Megiddo at dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kaniyang sariling libingan. At kinuha ng bayan ng lupain si Joachaz na anak ni Josias, at pinahiran ng langis siya, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama.

31 Si Joachaz ay may dalawangpu't tatlong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong buwan sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Amutal na anak ni Jeremias na taga Libna.

32 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.

33 At inilagay ni Faraon-nechao siya sa pangawan sa Ribla, sa lupain ng Hamath, upang siya'y huwag makapaghari sa Jerusalem; at siningilan ang bayan ng isang daang talentong pilak, at isang talentong ginto.

34 At ginawa ni Faraon-nechao si Eliacim na anak ni Josias, na hari na kahalili ni Josias, na kaniyang ama, at pinalitan ang kaniyang pangalan ng Joacim: nguni't kaniyang dinala si Joachaz; at siya'y naparoon sa Egipto, at namatay roon.

35 At ibinigay ni Joacim ang pilak at ginto kay Faraon; nguni't kaniyang pinabuwis ang lupain upang magbigay ng salapi ayon sa utos ni Faraon; kaniyang siningil ang pilak at ginto ng bayan ng lupain, sa bawa't isa ayon sa ipinabuwis niya upang ibigay kay Faraon-nechao.

36 Si Joacim ay may dalawangpu't limang taon nang magpasimulang maghari: at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Zebuda na anak ni Pedaia na taga Ruma.

37 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.

2 Paralipomeno 34-35

34 Si Josias ay may walong taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong pu't isang taon sa Jerusalem.

At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad ng mga lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.

Sapagka't sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari, samantalang siya'y bata pa, kaniyang pinasimulang hinanap ang Dios ni David na kaniyang magulang: at sa ikalabing dalawang taon ay kaniyang pinasimulang nilinis ang Juda at Jerusalem na inalis ang mga mataas na dako, at ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan, at ang mga larawang binubo.

At kanilang ibinagsak ang mga dambana ng mga Baal sa kaniyang harapan; at ang mga larawang araw na nasa ibabaw nila, ay kaniyang ibinagsak; at ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan, at ang mga larawang binubo, ay kaniyang pinagputolputol, at dinurog, at isinabog sa mga libingan ng nangaghain sa kanila.

At sinunog niya ang mga buto ng mga saserdote sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem.

At gayon ang ginawa niya sa mga bayan ng Manases at Ephraim at Simeon, hanggang sa Nephtali, sa kanilang mga guho sa palibot.

At kaniyang ibinagsak ang mga dambana at pinukpok ang mga Asera at ang mga larawang inanyuan ay dinurog, at pinagputolputol ang lahat na larawang araw sa buong lupain ng Israel, at nagbalik sa Jerusalem.

Sa ikalabing walong taon nga ng kaniyang paghahari, nang kaniyang malinis ang lupain, at ang bahay, ay kaniyang sinugo si Saphan na anak ni Asalias, at si Maasias na tagapamahala ng bayan, at si Joah na anak ni Joachaz na kasangguni, upang husayin ang bahay ng Panginoon niyang Dios.

At sila'y nagsiparoon kay Hilcias na dakilang saserdote at ibinigay ang salapi na napasok sa bahay ng Dios, na nakuha ng mga Levita, na mga tagatanod-pinto, sa kamay ng Manases at ng Ephraim, at sa lahat ng nalabi sa Israel, at sa buong Juda, at Benjamin, at sa mga taga Jerusalem.

10 At kanilang ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang namamahala sa bahay ng Panginoon; at ibinigay ng mga manggagawa ng bahay ng Panginoon upang husayin at pagtibayin ang bahay;

11 Sa makatuwid baga'y sa mga anluwagi at sa mga nagtatayo ibinigay nila, upang ibili ng mga batong tinabas, at ng mga kahoy na panghalang, at upang ipaggawa ng mga sikang sa mga bahay na giniba ng mga hari, sa Juda.

12 At ginawa ng mga lalake na may pagtatapat ang gawain: at ang mga tagapamahala ng mga yaon ay si Jahath at si Abdias, na mga Levita, sa mga anak ni Merari; at si Zacharias at si Mesullam, sa mga anak ng mga Coathita, upang ipagpatuloy: at ang iba sa mga Levita, lahat na bihasa sa mga panugtog ng tugtugin.

13 Nasa mga tagadala ng mga pasan naman sila, at pinamamahalaan ang lahat na nagsisigawa ng gawain sa sarisaring paglilingkod: at sa mga Levita ay may mga kalihim, at mga pinuno, at mga tagatanod-pinto.

14 At nang kanilang ilalabas ang salapi na napasok sa bahay ng Panginoon, nasumpungan ni Hilcias na saserdote ang aklat ng kautusan ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.

15 At si Hilcias ay sumagot, at sinabi niya kay Saphan na kalihim: Aking nasumpungan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon, At ibinigay ni Hilcias ang aklat kay Saphan.

16 At dinala ni Saphan ang aklat sa hari, at bukod dito'y nagdala ng salita sa hari, na sinasabi, Lahat na ipinamahala sa iyong mga lingkod, ay kanilang ginagawa.

17 At kanilang ibinubo ang salapi na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at ibinigay sa kamay ng mga tagapamahala, at sa kamay ng mga manggagawa.

18 At sinaysay ni Saphan na kalihim sa hari, na sinasabi, Si Hilcias na saserdote ay nagbigay sa akin ng isang aklat. At binasa ni Saphan sa harap ng hari.

19 At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot.

20 At ang hari ay nagutos kay Hilcias, at kay Ahicham na anak ni Saphan, at kay Abdon na anak ni Micha, at kay Saphan na kalihim, at kay Asaia na lingkod ng hari, na kaniyang sinasabi,

21 Kayo'y magsiyaon, isangguni ninyo ako sa Panginoon, at silang naiwan sa Israel, at sa Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na nasumpungan: sapagka't malaki ang pagiinit ng Panginoon na nabugso sa atin, sapagka't hindi iningatan ng ating mga magulang ang salita ng Panginoon, upang gawin ayon sa lahat na nasusulat sa aklat na ito.

22 Sa gayo'y si Hilcias at silang pinagutusan ng hari, nagsiparoon kay Hulda na propetisa, na asawa ni Sallum na anak ni Tikoath, na anak ni Hasra, na tagapagingat ng silid ng kasuutan; (siya nga'y tumahan sa Jerusalem sa ikalawang pook;) at kanilang sinabi sa kanila sa gayong paraan.

23 At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Saysayin ninyo sa lalake na nagsugo sa inyo sa akin.

24 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito, at sa mga tagarito, sa makatuwid baga'y lahat ng sumpa na nangakasulat sa aklat na kanilang nabasa sa harap ng hari sa Juda:

25 Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at nagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, upang mungkahiin nila ako sa galit ng lahat na gawa ng kanilang mga kamay; kaya't ang aking pagiinit ay nabugso sa dakong ito, at hindi mapapawi.

26 Nguni't sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo upang magusisa sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig,

27 Sapagka't ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakababa sa harap ng Dios ng iyong marinig ang kaniyang mga salita laban sa dakong ito, at laban sa mga tagarito; at ikaw ay nagpakababa sa harap ko, at hinapak mo ang iyong suot, at umiyak sa harap ko; dininig naman kita, sabi ng Panginoon.

28 Narito, ipipisan kita sa iyong mga magulang, at ikaw ay mapipisan na payapa sa iyong libingan, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat na kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito, at sa mga tagarito. At sila'y nagbalik ng salita sa hari.

29 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari at pinisan ang lahat na matanda sa Juda at sa Jerusalem.

30 At sumampa ang hari sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na lalake ng Juda, at ang mga taga Jerusalem, at ang mga saserdote, at ang mga Levita, at ang buong bayan, malaki at gayon din ang maliit: at kaniyang binasa sa kanilang mga pakinig ang lahat na salita ng aklat ng tipan na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.

31 At ang hari ay tumayo sa kaniyang dako, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon, at upang ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, upang tuparin ang mga salita ng tipan na nasusulat sa aklat na ito.

32 At kaniyang pinapanayo sa tipan ang lahat na nasumpungan sa Jerusalem at Benjamin. At ginawa ng mga taga Jerusalem ang ayon sa tipan ng Dios ng kanilang mga magulang.

33 At inalis ni Josias ang lahat na karumaldumal sa lahat ng lupain na ukol sa mga anak ni Israel, at pinapaglingkod ang lahat na nangasumpungan sa Israel, upang mangaglingkod nga sa Panginoon nilang Dios. Lahat ng mga kaarawan niya ay hindi sila nagsihiwalay sa pagsunod sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.

35 At ipinagdiwang ni Josias ang isang paskua sa Panginoon sa Jerusalem; at kanilang pinatay ang kordero ng paskua, sa ikalabing apat na araw ng unang buwan.

At inilagay niya ang mga saserdote sa kanilang mga katungkulan, at pinatapang sila sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.

At sinabi niya sa mga Levita na nangagturo sa buong Israel, na mga banal sa Panginoon, Ilagay ninyo ang banal na kaban sa bahay na itinayo ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel; hindi na magkakaroon pa ng pasan sa inyong mga balikat. Maglingkod kayo ngayon sa Panginoon ninyong Dios, at sa kaniyang bayang Israel;

At magsihanda kayo ayon sa mga sangbahayan ng inyong mga magulang ayon sa inyong mga bahagi, ayon sa sulat ni David na hari sa Israel, at ayon sa sulat ni Salomon sa kaniyang anak.

At magsitayo kayo sa dakong banal ayon sa mga bahagi ng mga sangbahayan ng mga magulang ng inyong mga kapatid na mga anak ng bayan, at maukol sa bawa't isa'y isang bahagi ng sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita.

At patayin ninyo ang kordero ng paskua, at mangagpakabanal kayo, at ihanda ninyo sa inyong mga kapatid, upang magsigawa ng ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ng kamay ni Moises.

At si Josias ay nagbigay sa mga anak ng bayan, buhat sa kawan, ng mga kordero at ng mga anak ng kambing, lahat ng yaon ay mga pinakahandog sa paskua, sa lahat na nakaharap, sa bilang na tatlong pung libo, at tatlong libo na baka: ang mga ito'y mga pag-aari ng hari.

At ang kaniyang mga prinsipe ay nangagbigay ng pinakakusang handog sa bayan, sa mga saserdote, at sa mga Levita. Si Hilcias at si Zacharias at si Jehiel, na mga pinuno sa bahay ng Dios, nangagbigay sa mga saserdote ng mga pinakahandog sa paskua, na dalawang libo at anim na raang tupa at kambing, at tatlong daang baka.

Si Chonanias naman, at si Semeias, at si Nathanael, na kaniyang mga kapatid, at si Hasabias at si Jehiel at si Josabad, na mga pinuno ng mga Levita, nangagbigay sa mga Levita ng mga pinakahandog sa paskua, na limang libong tupa at kambing, at limang daang baka.

10 Sa gayo'y ang paglilingkod ay nahanda, at ang mga saserdote ay nagsitayo sa kanilang dako, at ang mga Levita ayon sa kanilang mga bahagi, ayon sa utos ng hari.

11 At kanilang pinatay ang kordero ng paskua, at iwinisik ng mga saserdote ang dugo, na tinangnan nila sa kanilang kamay, at mga nilapnusan ng mga Levita.

12 At kanilang ibinago ang mga handog na susunugin, upang kanilang ipamigay ayon sa mga bahagi ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ng bayan, upang ihandog sa Panginoon, gaya ng nasusulat sa aklat ni Moises. At gayon ang ginawa nila sa mga baka.

13 At kanilang inihaw ang kordero ng paskua, sa apoy ayon sa ayos: at ang mga banal na handog ay niluto sa mga palayok, at sa mga kaldera, at sa mga kawali, at pinagdadalang madali sa lahat na anak ng bayan.

14 At pagkatapos ay nangaghanda sila sa kanilang sarili, at sa mga saserdote; sapagka't ang mga saserdote na mga anak ni Aaron ay nangasa paghahandog ng mga handog na susunugin at ng taba hanggang sa kinagabihan: kaya't ang mga Levita ay nangaghanda sa kanilang sarili, at sa mga saserdote na mga anak ni Aaron.

15 At ang mga mangaawit na mga anak ni Asaph, ay nangasa kanilang dako, ayon sa utos ni David, at ni Asaph, at ni Heman, at ni Jeduthun na tagakita ng hari; at ang mga tagatanod-pinto ay nangasa bawa't pintuang-daan: sila'y hindi nangagkakailangang magsialis sa kanilang paglilingkod; sapagka't ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita.

16 Sa gayo'y ang lahat na paglilingkod sa Panginoon ay nahanda nang araw ding yaon, upang ipagdiwang ang paskua, at upang maghandog ng mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, ayon sa utos ng haring Josias.

17 At ang mga anak ni Israel na nangakaharap ay nangagdiwang ng paskua nang panahong yaon, at ng kapistahan ng tinapay na walang lebadura na pitong araw.

18 At hindi nagkaroon ng paskua na gaya ng ipinagdiwang na yaon sa Israel mula sa mga araw ni Samuel na propeta; ni nagdiwang man ang sinoman sa mga hari sa Israel ng gayong paskua na gaya ng ipinagdiwang ni Josias, at ng mga saserdote, at ng mga Levita, at ng buong Juda at Israel na nangakaharap, at ng mga taga Jerusalem.

19 Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias ay ipinagdiwang ang paskuang ito.

20 Pagkatapos ng lahat ng ito, nang maihanda ni Josias ang templo, si Nechao na hari sa Egipto ay umahon upang makipaglaban sa Carchemis sa siping ng Eufrates: at si Josias ay lumabas laban sa kaniya.

21 Nguni't siya'y nagsugo ng mga sugo sa kaniya, na ipinasasabi, Anong aking ipakikialam sa iyo, ikaw na hari sa Juda? ako'y hindi naparirito laban sa iyo sa araw na ito, kundi laban sa sangbahayan na kinakalaban ko: at iniutos sa akin ng Dios na ako'y magmamadali: iwan mo ang pakikialam sa Dios, na nasa akin nga, upang huwag ka niyang lipulin.

22 Gayon ma'y hindi itinalikod ni Josias ang kaniyang mukha sa kaniya, kundi nagpakunwaring iba, upang siya'y makipaglaban sa kaniya, at hindi dininig ang salita ni Nechao, na mula sa bibig ng Dios, at naparoong nakipaglaban sa libis ng Megiddo.

23 At pinana ng mga mamamana si Josias: at sinabi ng hari sa kaniyang mga lingkod, Ilabas ninyo ako; sapagka't ako'y nasugatan ng mabigat.

24 Sa gayo'y inalis siya ng kaniyang mga lingkod sa karo, at inilagay siya sa ikalawang karo, na kaniyang dala, at dinala siya sa Jerusalem; at siya'y namatay, at nalibing sa mga libingan ng kaniyang mga magulang. At ang buong Juda at Jerusalem ay tumangis kay Josias.

25 At tinaghuyan ni Jeremias si Josias: at ang lahat na mangaawit na lalake at babae ay nagsipanambitan tungkol kay Josias sa kanilang mga panaghoy, hanggang sa araw na ito; at sila'y nagsigawa ng alituntunin sa Israel; at, narito, nangasusulat sa mga panaghoy.

26 Ang iba nga sa mga gawa ni Josias, at ang kaniyang mga mabuting gawa, ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon,

27 At ang kaniyang mga gawa, na una at huli, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel at Juda.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain