Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Jeremias 14-17

14 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias tungkol sa pagkakatuyo.

Ang Juda ay tumatangis, at ang mga pintuang-bayan niya ay nagsisihapay, mga bagsak na nangingitim sa lupa; at ang daing ng Jerusalem ay umilanglang.

At sinugo ng mga mahal na tao ang kanilang mga bata sa tubig: sila'y nagsisiparoon sa mga balon, at hindi nangakasumpong ng tubig; sila'y nagsisibalik na may mga sisidlang walang laman; sila'y nangapapahiya at nangalilito, at nangagtatakip ng kanilang mga ulo.

Dahil sa lupa na pumuputok, palibhasa't hindi nagkaroon ng ulan sa lupain, ang mga mangbubukid ay nangapahiya, kanilang tinatakpan ang kanilang mga ulo.

Oo, ang usa sa parang naman ay nanganganak, at pinababayaan ang anak, sapagka't walang damo.

At ang mga mailap na asno ay nagsisitayo sa mga luwal na kaitaasan, sila'y humihingal na parang mga chakal; sila ay nangangalumata, sapagka't walang pastulan.

Bagaman ang aming mga kasamaan ay sumasaksi laban sa amin, gumawa ka alangalang sa iyong pangalan, Oh Panginoon; sapagka't ang aming mga pagtalikod ay marami; kami ay nangagkasala laban sa iyo.

Oh ikaw na pagasa ng Israel, na Tagapagligtas sa kaniya sa panahon ng kabagabagan, bakit ka magiging parang nakikipamayan sa lupain, at parang gala na lumiliko na nagpaparaan ng gabi?

Bakit ka magiging parang taong natigilan, parang makapangyarihan na hindi makapagligtas? gayon man ikaw, Oh Panginoon, ay nasa gitna namin, at kami ay tinatawag sa iyong pangalan; huwag mo kaming iwan.

10 Ganito ang sabi ng Panginoon sa bayang ito, Yamang kanilang inibig ang paglaboy; hindi nila pinigil ang kanilang mga paa: kaya't hindi sila tinatanggap ng Panginoon; ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan, at dadalawin ang kanilang mga kasalanan.

11 At sinabi ng Panginoon sa akin, Huwag mong idalangin ang bayang ito sa kanilang ikabubuti.

12 Pagka sila'y nangagaayuno, hindi ko didinggin ang kanilang daing; at pagka sila'y nangaghahandog ng handog na susunugin at ng alay, hindi ko tatanggapin; kundi aking lilipulin sila ng tabak, at ng kagutom, at ng salot.

13 Nang magkagayo'y sinabi ko, Ah Panginoong Dios! narito, sinasabi ng mga propeta sa kanila, Kayo'y hindi makakakita ng tabak, o magkakaroon man kayo ng kagutom; kundi bibigyan ko kayo ng talagang kapayapaan sa dakong ito.

14 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Ang mga propeta ay nanghuhula ng kasinungalingan sa aking pangalan; hindi ko sila sinugo, o inutusan ko man sila, o nagsalita man ako sa kanila: sila'y nanganghuhula sa iyo ng sinungaling na pangitain, at ng panghuhula, at ng bagay na wala, at ng daya ng kanilang sariling puso.

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta na nanghuhula sa aking pangalan, at hindi ko sila sinugo, na gayon ma'y nagsasabi sila, Tabak at kagutom ay hindi sasapit sa lupaing ito: Sa pamamagitan ng tabak at ng kagutom ay malilipol ang mga propetang yaon.

16 At ang bayan na kanilang pinanghuhulaan ay ihahagis sa mga lansangan ng Jerusalem dahil sa kagutom at sa tabak; at walang maglilibing sa kanila-sa kanila, sa kanilang mga asawa, o sa kanilang mga anak na lalake man, o babae man: sapagka't aking ibubuhos sa kanila ang kanilang kasamaan.

17 At iyong sasabihin ang salitang ito sa kanila, Daluyan ang aking mga mata ng mga luha gabi at araw, at huwag maglikat; sapagka't ang anak na dalaga ng aking bayan ay nasira ng malaking pagkasira, na may totoong mabigat na sugat.

18 Kung ako'y lumabas sa parang, narito, ang mga pinatay ng tabak! at kung ako'y pumasok sa bayan, narito, sila na mga may sakit ng pagkagutom! sapagka't ang propeta at gayon din ang saserdote ay lumilibot sa lupain at walang kaalaman.

19 Iyo bagang lubos na itinakuwil ang Juda? kinapootan baga ng iyong kaluluwa ang Sion? bakit mo sinaktan kami, at walang kagalingan sa amin? Kami ay nangaghihintay ng kapayapaan, nguni't walang kabutihang dumating; at ng panahon ng kagalingan, at, narito, panglulupaypay!

20 Aming kinikilala, Oh Panginoon, ang aming kasamaan, at ang kasamaan ng aming mga magulang; sapagka't kami ay nangagkasala laban sa iyo.

21 Huwag mo kaming kayamutan, alangalang sa iyong pangalan; huwag mong hamakin ang luklukan ng iyong kaluwalhatian: iyong alalahanin, huwag mong sirain ang iyong tipan sa amin.

22 Mayroon bagang sinoman sa gitna ng mga walang kabuluhan ng mga bansa na makapagpapaulan? o makapagpapaambon baga ang mga langit? Hindi baga ikaw ay siya, Oh Panginoon naming Dios? kaya't kami ay mangaghihintay sa iyo; sapagka't iyong ginawa ang lahat na bagay na ito.

15 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Bagaman si Moises at si Samuel ay tumayo sa harap ko, gayon ma'y ang pagiisip ko ay hindi sasa bayang ito: iyong itakuwil sila sa aking paningin, at iyong palabasin sila.

At mangyayari, pagka kanilang sinabi sa iyo, Saan kami magsisilabas? sasaysayin mo nga sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang sa kamatayan, ay sa kamatayan; at ang sa tabak, ay sa tabak; at ang sa kagutom, ay sa kagutom; at ang sa pagkabihag, ay sa pagkabihag.

At ako'y magtatakda sa kanila ng apat na mga bagay, sabi ng Panginoon: ang tabak upang pumatay, at ang mga aso upang lumapa, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga hayop sa lupa, upang lumamon at lumipol.

At aking ipagugulo sila na paroo't parito sa gitna ng lahat na kaharian sa lupa, dahil kay Manases, na anak ni Ezechias, na hari sa Juda, dahil sa kaniyang ginawa sa Jerusalem.

Sapagka't sinong mahahabag sa iyo, Oh Jerusalem? o sinong tataghoy sa iyo? o sinong titigil na magtatanong ng iyong kalagayan?

Iyong itinakuwil ako, sabi ng Panginoon, ikaw ay umurong: kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at pinatay kita; ako'y dala na ng pagsisisi.

At aking pinahanginan sila ng pamaypay sa mga pintuang-bayan ng lupain; aking niwalaan sila ng mga anak, aking nilipol ang aking bayan; sila'y hindi humiwalay sa kanilang mga lakad.

Ang kanilang mga babaing bao ay naragdagan sa akin ng higit kay sa buhangin sa mga dagat; aking dinala sa kanila laban sa ina ng mga binata ang manglilipol sa katanghaliang tapat: aking pinabagsak na bigla sa kaniya ang kahapisan at kakilabutan.

Siyang nanganak ng pito ay nanglulupaypay; siya'y nalagutan ng hininga; ang kaniyang kaarawan ay lumubog nang may araw pa; napahiya at nalito: at ang nalabi sa kanila ay ibibigay ko sa tabak sa harap ng kanilang mga kaaway, sabi ng Panginoon.

10 Sa aba ko, ina ko, na ipinanganak mo ako na lalaking sa pakikipagpunyagi at lalaking sa pakikipaglaban sa buong lupa! ako'y hindi nagpautang na may tubo, o pinautang man ako na may patubo ng mga tao; gayon ma'y sinusumpa ako ng bawa't isa sa kanila.

11 Sinabi ng Panginoon, Katotohanang palalakasin kita sa ikabubuti; katotohanang aking pamamanhikin ang kaaway sa iyo sa panahon ng kasamaan at sa panahon ng pagdadalamhati.

12 Mababasag baga ng sinoman ang bakal, ang bakal na mula sa hilagaan, at ang tanso?

13 Ang iyong pag-aari at ang iyong kayamanan ay ibibigay ko na pinakasamsam na walang halaga, at iya'y dahil sa lahat mong kasalanan, sa lahat mo ngang hangganan.

14 At akin silang pararaanin na kasama ng iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala; sapagka't ang apoy ay nagniningas sa aking galit, na magniningas sa inyo.

15 Oh Panginoon, talastas mo; iyong alalahanin ako, at dalawin mo ako, at ipanghiganti mo ako sa mga manguusig sa akin; huwag mo akong kunin sa iyong pagtitiis: talastasin mo na dahil sa iyo ay nagtiis ako ng kakutyaan.

16 Ang iyong mga salita ay nangasumpungan, at aking kinain; at ang iyong mga salita sa ganang akin ay katuwaan at kagalakan sa aking puso: sapagka't ako'y tinawag sa iyong pangalan, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo.

17 Hindi ako nauupo sa kapisanan nila na nasasayahan, o nagagalak man; ako'y nauupong magisa dahil sa iyong kamay; sapagka't pinuno mo ako ng pagkagalit.

18 Bakit ang aking sakit ay walang hanggan, at ang aking sugat ay walang kagamutan, na hindi mapagaling? ikaw baga'y tunay na magiging parang magdarayang batis sa akin, parang tubig na nauubos?

19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Kung ikaw ay magbalikloob, papananauliin nga kita upang ikaw ay makatayo sa harap ko; at kung iyong ihiwalay ang may halaga sa walang halaga, ikaw ay magiging parang aking bibig: sila'y manunumbalik sa iyo, nguni't hindi ka manunumbalik sa kanila.

20 At gagawin kita sa bayang ito na tansong kuta na sanggalangan; at sila'y magsisilaban sa iyo, nguni't hindi sila magsisipanaig laban sa iyo; sapagka't ako'y sumasaiyo upang iligtas kita at upang papaging layain kita, sabi ng Panginoon.

21 At ililigtas kita sa kamay ng masama, at tutubusin kita sa kamay ng kakilakilabot.

16 Ang salita rin naman ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsabi,

Huwag kang magaasawa, o magkakaroon ka man ng mga anak na lalake o babae sa dakong ito.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na lalake at tungkol sa mga anak na babae na ipinanganak sa dakong ito, at tungkol sa kanilang mga ina na nanganak sa kanila, at tungkol sa kanilang mga ama na naging anak sila sa lupaing ito.

Sila'y mangamamatay ng mga mabigat na pagkamatay: hindi sila pananaghuyan, o ililibing man sila; sila'y magiging parang dumi sa ibabaw ng lupa; at sila'y mangalilipol ng tabak, at ng kagutom; at ang kanilang mga bangkay ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang pumasok sa bahay na may tangisan, o pumaroon man upang tumaghoy, o manangis man sa mga yaon; sapagka't aking inalis ang kapayapaan ko sa bayang ito, sabi ng Panginoon, ang kagandahang-loob at mga malumanay na kaawaan.

Ang malaki at gayon din ang maliit ay mangamamatay sa lupaing ito; sila'y hindi mangalilibing, o tataghuyan man sila ng mga tao, o magkukudlit man o mangagpapakakalbo man dahil sa kanila;

O magpuputol man ng tinapay ang mga tao, sa kanila na nananangis, upang aliwin sila dahil sa namatay; hindi man sila paiinumin sa saro ng kaaliwan ng dahil sa kanilang ama o dahil sa kanilang ina.

At huwag kang papasok sa bahay na anyayahan upang maupong kasalo nila, na kumain at uminom.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking ipatitigil sa dakong ito, sa harap ng iyong mga mata at sa inyong mga kaarawan, ang tinig ng kalayawan, at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalaki at ang tinig ng kasintahang babae.

10 At mangyayari, pagka iyong ipakikilala sa bayang ito ang lahat ng mga salitang ito, at kanilang sasabihin sa iyo, Bakit sinalita ng Panginoon ang lahat na malaking kasamaang ito laban sa amin? o ano ang aming kasamaan? o ano ang aming kasalanan na aming ginawa laban sa Panginoon naming Dios?

11 Kung magkagayo'y iyong sasabihin sa kanila, Sapagka't pinabayaan ako ng inyong mga magulang, sabi ng Panginoon, at nagsisunod sa ibang mga dios, at nangaglingkod sa kanila, at nagsisamba sa kanila, at pinabayaan ako, at hindi iningatan ang aking kautusan;

12 At kayo'y nagsigawa ng kasamaan na higit kay sa inyong mga magulang, sapagka't, narito, lumakad bawa't isa sa inyo ng ayon sa katigasan ng kanikaniyang masamang kalooban, na anopa't hindi ninyo ako dininig:

13 Kaya't kayo'y itataboy ko sa lupain na hindi ninyo nakilala, ninyo o ng inyong mga magulang man, na mula sa lupaing ito, at doo'y mangaglilingkod kayo sa ibang mga dios araw at gabi, sapagka't hindi ako magpapakita ng kagandahang loob.

14 Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin pa, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng angkan ni Israel mula sa lupain ng Egipto;

15 Kundi, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng hilagaan, at mula sa lahat ng lupain na kinatabuyan sa kanila. At akin silang ipapasok uli sa kanilang lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang.

16 Narito, ipasusundo ko ang maraming mangingisda, sabi ng Panginoon, at magsisipangisda sila; at ipasusundo ko pagkatapos ang maraming mangangaso, at sila'y magsisipangaso sa bawa't bundok, at sa bawa't burol, at sa mga bitak ng mga malaking bato.

17 Sapagka't ang aking mga mata ay nangasa lahat ng kanilang lakad, sila'y hindi nangakukubli sa aking mukha, o nangalilingid man ang kanilang kasamaan sa harap ng aking mga mata.

18 At akin munang gagantihin ng ibayo ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan, sapagka't kanilang dinumhan ang aking lupain ng mga bangkay ng kanilang karumaldumal na mga bagay, at kanilang pinuno ang aking mana ng kanilang mga kasuklamsuklam.

19 Oh Panginoon, aking kalakasan, at aking katibayan, at aking kanlungan sa kaarawan ng pagkadalamhati, sa iyo paroroon ang mga bansa na mula sa mga hangganan ng lupa, at mangagsasabi, Ang aming mga magulang ay walang minana kundi mga kabulaanan walang kabuluhan at mga bagay na hindi mapapakinabangan.

20 Gagawa baga ang tao sa kaniyang sarili ng mga dios na hindi mga dios?

21 Kaya't, narito, ipakikilala ko sa kanila, na paminsang ipakikilala ko sa kanila ang aking kamay at ang aking kapangyarihan; at kanilang makikilala na ang aking pangalan ay Jehova.

17 Ang kasalanan ng Juda ay nasulat ng panulat na bakal, at ng dulo ng diamante: nakintal sa kanilang puso, at sa mga sungay ng inyong mga dambana;

Habang naaalaala ng kanilang mga anak ang kanilang mga dambana at ang kanilang mga Asera sa tabi ng mga sariwang puno ng kahoy sa mga mataas na burol.

Oh aking bundok sa parang, aking ibibigay sa pagkasamsam ang iyong mga tinatangkilik sa lahat ng iyong lupa at ang lahat ng iyong mga kayamanan, at ang iyong mga mataas na dako, dahil sa kasalanan, sa lahat ng iyong hangganan.

At ikaw, sa makatuwid baga'y ang iyong sarili, mawawalaan ka ng iyong mana na ibinigay ko sa iyo; at paglilingkurin kita sa iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala: sapagka't pinapagningas ninyo ang aking galit na magniningas magpakailan man.

Ganito ang sabi ng Panginoon: Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kaniyang bisig, at ang puso ay humihiwalay sa Panginoon.

Sapagka't siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang, at hindi makakakita pagka ang mabuti ay dumarating, kundi tatahan sa mga tuyong dako sa ilang, lupaing maalat at hindi tinatahanan.

Mapalad ang tao na tumitiwala sa Panginoon, at ang pagasa ay ang Panginoon.

Sapagka't siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa tabi ng tubig, at naguugat sa tabi ng ilog, at hindi matatakot pagka ang init ay dumarating, kundi ang kaniyang dahon ay magiging sariwa; at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyu, o maglilikat man ng pagbubunga.

Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?

10 Akong Panginoon, ay sumisiyasat ng pagiisip, aking tinatarok ang mga puso, upang magbigay sa bawa't tao ng ayon sa kanikaniyang lakad, ayon sa bunga ng kanikaniyang mga gawain.

11 Kung paanong lumilimlim ang pugo sa mga itlog na hindi kaniya, gayon siya nagtatangkilik ng mga kayamanan, at hindi sa pamamagitan ng matuwid; sa kaniyang mga kaarawan ay iiwan niya yaon, at sa kaniyang wakas ay nagiging mangmang siya.

12 Ang maluwalhating luklukan, na naitaas mula nang pasimula, ay siyang dako ng aming santuario.

13 Oh Panginoon, na pagasa ng Israel, lahat na nagpapabaya sa iyo ay mapapahiya. Silang nagsisihiwalay sa akin ay masusulat sa lupa, sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, na bukal ng buhay na tubig.

14 Iyong pagalingin ako, Oh Panginoon, at gagaling ako; iyong iligtas ako, at maliligtas ako: sapagka't ikaw ang aking kapurihan.

15 Narito, kanilang sinasabi sa akin, Saan nandoon ang salita ng Panginoon? paratingin ngayon.

16 Sa ganang akin, ay hindi ako nagmadali sa pagpapakapastor sa pagsunod sa iyo; o ninasa ko man ang kaabaabang kaarawan: iyong nalalaman: ang lumabas sa aking mga labi ay nasa harap ng iyong mukha.

17 Huwag maging kakilabutan sa akin: ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasakunaan.

18 Mangapahiya sila sa nagsisiusig sa akin, nguni't huwag akong mapahiya; manganglupaypay sila, nguni't huwag akong manglupaypay; datnan sila ng araw ng kasakunaan, at ipahamak sila ng ibayong pagkapahamak.

19 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa pintuang-bayan ng mga anak ng bayan, na pinapasukan, at nilalabasan ng mga hari sa Juda, at sa lahat ng pintuang-bayan ng Jerusalem;

20 At iyong sabihin sa kanila, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari sa Juda, at ng buong Juda, at ng lahat na nananahan sa Jerusalem, na nagsisipasok sa pintuang-bayang ito:

21 Ganito ang sabi ng Panginoon, Mangagingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong mangagdala ng pasan sa araw ng sabbath, o mangagpasok man sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem;

22 Huwag din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng sabbath, o magsigawa man kayo ng anomang gawain: kundi inyong ipangilin ang araw ng sabbath, gaya ng iniutos ko sa inyong mga magulang.

23 Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg, upang huwag nilang marinig, at huwag makatanggap ng turo.

24 At mangyayari, kung kayo'y mangakinig na maingat sa akin, sabi ng Panginoon, na huwag magpasok ng pasan sa mga pintuan ng bayang ito sa araw ng sabbath, kundi ipangilin ang araw ng sabbath, upang huwag gawan ng anomang gawain;

25 Kung magkagayo'y magsisipasok sa mga pintuan ng bayang ito ang mga hari at mga prinsipe na nangauupo sa luklukan ni David, na nangakakaro at nangakakabayo, sila at ang kanilang mga pangulo, ang mga lalake ng Juda, at ang mga taga Jerusalem; at ang bayang ito ay mananatili magpakailan man.

26 At sila'y manganggagaling sa mga bayan ng Juda, at sa mga palibot ng Jerusalem, at sa lupain ng Benjamin, at sa mababang lupain, at sa mga bundok, at sa Timugan, na magdadala ng mga handog na susunugin, at ng mga hain, at ng mga alay, at ng kamangyan, at mangagdadala ng mga hain na pasalamat sa bahay ng Panginoon.

27 Nguni't kung hindi ninyo didinggin ako upang ipangilin ang araw ng sabbath, at huwag mangagdala ng pasan at pumasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem sa araw ng sabbath; kung magkagayo'y magsusulsol ako ng apoy sa mga pintuang-bayan niyaon, at pupugnawin niyaon ang mga palacio sa Jerusalem, at hindi mapapatay.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain