Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Ezekiel 5-8

At ikaw, anak ng tao, magdala ka ng matalas na tabak; na parang pangahit ng manggugupit ang iyong dadalhin, at iyong pararaanin sa iyong ulo at sa iyong balbas: kung magkagayo'y kumuha ka ng timbangang panimbang, at bahagihin mo ang buhok.

Ang ikatlong bahagi ay iyong susunugin sa apoy sa gitna ng bayan, pagka ang mga araw ng pagkubkob ay naganap; at iyong kukunin ang ikatlong bahagi, at susugatan mo ng tabak sa palibot; at ang ikatlong bahagi ay iyong pangangalatin sa hangin, at ako'y magbubunot ng tabak sa likuran nila.

At kukuha ka sa mga yaon ng kaunti sa bilang, at ipagtatali mo sa iyong mga tunika.

At sa mga ito'y kukuha ka uli, at ihahagis mo sa gitna ng apoy, at susunugin mo sa apoy; siyang panggagalingan ng apoy sa buong sangbahayan ni Israel.

Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ito ay Jerusalem; inilagay ko siya sa gitna ng mga bansa, at mga lupain ay nangasa palibot niya.

At siya'y nanghimagsik laban sa aking mga kahatulan sa paggawa ng kasamaan na higit kay sa ginawa ng mga bansa, at laban sa aking mga palatuntunan na higit kay sa mga lupain na nangasa palibot niya; sapagka't kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, at tungkol sa aking mga palatuntunan, hindi nila nilakaran.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't kayo'y manggugulo na higit kay sa mga bansa na nangasa palibot ninyo, at hindi nagsilakad sa aking mga palatuntunan, o iningatan man ang aking mga kahatulan, o nagsigawa man ng ayon sa mga ayos sa mga bansa na nangasa palibot ninyo;

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako, sa makatuwid baga'y ako, ay laban sa iyo; at ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa gitna mo sa paningin ng mga bansa.

At aking gagawin sa iyo ang hindi ko ginawa, at hindi ko na gagawin pa ang kaparis, dahil sa iyong lahat na kasuklamsuklam.

10 Kaya't kakanin ng mga magulang ang mga anak sa gitna mo, at kakanin ng mga anak ang kanilang mga magulang; at ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa iyo; at ang buong nalabi sa iyo ay aking pangangalatin sa lahat ng dako.

11 Kaya't buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, walang pagsala, na sapagka't iyong nilapastangan ang aking santuario ng lahat mong kasuklamsuklam na bagay, at ng lahat mong karumaldumal, kaya't akin namang babawasan ka; ni hindi magpapatawad ang aking mata, at ako nama'y hindi mahahabag.

12 Ang ikatlong bahagi mo ay mamamatay sa pamamagitan ng salot, at sa pamamagitan ng kagutom ay mauubos sila sa gitna mo; at ang isang ikatlong bahagi ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak sa palibot mo; at ang ikatlong bahagi ay aking pangangalatin sa lahat ng dako, at magbubunot ako ng tabak sa likuran.

13 Ganito magaganap ang aking galit, at aking lulubusin ang aking kapusukan sa kanila, at ako'y maaaliw: at kanilang malalaman na akong Panginoon ay nagsalita sa aking pagsisikap, pagka aking naganap ang aking kapusukan sa kanila.

14 Bukod dito'y gagawin kitang kasiraan at kapulaan, sa gitna ng mga bansa na nangasa palibot mo, sa paningin ng lahat na nagsisidaan.

15 Sa gayo'y magiging kadustaan at kapulaan, aral at katigilan sa mga bansang nangasa palibot mo, pagka ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa iyo sa galit at sa kapusukan, at sa mababagsik na pagsaway (akong Panginoon ang nagsalita);

16 Pagka ako'y magpapasapit sa kanila ng mga masamang pana ng kagutom na ikasisira nila, na siyang aking pasasapitin upang sirain kayo. At aking palalalain ang kagutom sa inyo, at aking babaliin ang inyong tungkod ng tinapay;

17 At ako'y magpapasapit sa inyo ng kagutom at mga masamang hayop, at kanilang aalisan ka ng anak; at salot at dugo ay daraan sa iyo; at aking pararatingin ang tabak sa iyo; ako ang Panginoon na nagsalita.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, itingin mo ang iyong mukha sa mga bundok ng Israel, at ikaw ay manghula tungkol sa mga yaon.

At magsabi, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ang salita ng Panginoong Dios. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa mga bundok at sa mga burol, sa mga batis at sa mga libis: Narito, ako sa makatuwid baga'y ako, magpaparating ng tabak sa inyo, at aking sisirain ang inyong mga mataas na dako.

At ang inyong mga dambana ay masisira, at ang inyong mga larawang araw ay mababasag; at aking ibubulagta ang inyong mga patay na tao sa harap ng inyong mga diosdiosan.

At aking ilalapag ang mga bangkay ng mga anak ni Israel sa harap ng kanilang mga diosdiosan; at aking ikakalat ang inyong mga buto sa palibot ng inyong mga dambana.

Sa lahat ng inyong mga tahanang dako ay mawawasak ang mga bayan, at ang mga mataas na dako ay mangasisira; upang ang inyong mga dambana ay mangawasak at mangagiba, at ang inyong mga diosdiosan ay mangabasag at mangaglikat, at ang inyong mga larawang araw ay mangabagsak, at ang inyong mga gawa ay mangawawala.

At ang mga patay ay mangabubuwal sa gitna ninyo, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

Gayon ma'y magiiwan ako ng nalabi, upang magkaroon sa inyo ng ilan na nakatanan sa tabak sa gitna ng mga bansa, pagka kayo'y mangangalat sa mga lupain.

At silang nangakatanan sa inyo ay aalalahanin ako sa gitna ng mga bansa na pagdadalhan sa kanilang bihag, kung paanong ako'y nakipagkasira sa kanilang masamang kalooban na humiwalay sa akin, at sa kanilang mga mata, na yumaong sumamba sa kanilang mga diosdiosan; at sila'y magiging kasuklamsuklam sa kanilang sariling paningin dahil sa mga kasamaan na kanilang nagawa sa lahat nilang kasuklamsuklam.

10 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon: hindi ako nagsalita ng walang kabuluhan na aking gagawin ang kasamaang ito sa kanila.

11 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Saktan mo ng iyong kamay, at sikaran mo ng iyong paa, at iyong sabihin, Sa aba nila! dahil sa lahat na masamang kasuklamsuklam ng sangbahayan ni Israel; sapagka't sila'y mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom, at ng salot.

12 Ang malayo ay mamamatay sa salot; at ang malapit ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak; at ang malabi at makubkob ay mamamatay sa pamamagitan ng kagutom: ganito ko gaganapin ang aking kapusukan sa kanila.

13 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka ang kanilang mga patay na tao ay mangalalagay sa gitna ng kanilang mga diosdiosan sa palibot ng kanilang mga dambana, sa ibabaw ng bawa't mataas na burol, sa lahat na taluktok ng mga bundok, at sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy, at sa ilalim ng bawa't mayabong na encina, na kanilang pinaghandugan ng masarap na amoy sa lahat nilang diosdiosan.

14 At aking iuunat ang kamay ko laban sa kanila, at gagawin kong sira at giba ang lupa, mula sa ilang hanggang sa Diblah, sa lahat nilang tahanan; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

At ikaw, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa lupain ng Israel, May wakas: ang wakas ay dumating sa apat na sulok ng lupain.

Ngayon ang wakas ay sumasaiyo at aking pararatingin ang aking galit sa iyo, at hahatulan ka ayon sa iyong mga lakad; at ipadadanas ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.

At hindi ka patatawarin ng aking mata, o kahahabagan man kita; kundi aking parurusahan ang iyong mga lakad, at ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa ay malilitaw; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang kasamaan, ang tanging kasamaan; narito, dumarating.

Ang wakas ay dumating, ang wakas ay dumating; ito'y gumigising laban sa iyo; narito, dumarating.

Ang parusa sa iyo ay dumarating, Oh mananahan sa lupain: ang panahon ay dumarating, ang kaarawan ay malapit na, kaarawan ng pagkakagulo, at hindi ng kagalakang may hiyawan, sa ibabaw ng mga bundok.

Bigla ko ngang ibubugso sa iyo ang aking kapusukan, at aking gaganapin ang aking galit laban sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad; at ipadadanas ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.

At ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako: padadatnin ko sa iyo ang ayon sa iyong mga lakad; at ang iyong mga kasuklamsuklam ay dadanasin mo; at inyong malalaman na ako ang Panginoon na nananakit.

10 Narito, ang kaarawan, narito, dumarating; ang hatol sa iyo ay ipinasiya; ang tungkod ay namulaklak, ang kapalaluan ay namuko.

11 Pangdadahas ay bumangon na naging pamalo ng kasamaan; walang malalabi sa kanila, o sa kanilang karamihan man, o sa kanilang kayamanan man: at hindi magkakaroon ng kahit karangalan sa kanila.

12 Ang panahon ay dumarating, ang kaarawan ay nalalapit: huwag magalak ang mamimili, o tumangis man ang manininda: sapagka't ang poot ay nasa lahat ng karamihan niyaon.

13 Sapagka't hindi na pagbabalikan ng manininda ang ipinagbili, bagaman sila'y buhay pa: sapagka't ang pangitain ay tungkol sa buong karamihan niyaon, walang babalik; at sinoman ay hindi magpapakalakas pa sa kasamaan ng kaniyang buhay.

14 Nagsihihip sila ng pakakak, at nagsihanda; nguni't walang naparoroon sa pagbabaka; sapagka't ang aking poot ay nasa buong karamihan niyaon.

15 Ang tabak ay nasa labas, at ang salot at ang kagutom ay nasa loob: siyang nasa parang ay mamamatay sa tabak; at siyang nasa bayan, kagutom at salot ay lalamon sa kaniya.

16 Nguni't silang nagsisitanan sa mga yaon ay tatanan, at mangapapasa mga bundok, na parang mga kalapati sa mga libis, silang lahat ay nagsisitangis, bawa't isa'y dahil sa kaniyang kasamaan.

17 Lahat ng kamay ay manghihina, at lahat ng tuhod ay manglalata na gaya ng tubig.

18 Sila'y mangagbibigkis din naman ng kayong magaspang, at pangingilabot ay sasa kanila; at kahihiyan ay sasa lahat ng mukha, at pagkakalbo sa lahat nilang ulo.

19 Kanilang ihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at ang kanilang ginto ay magiging parang isang maruming bagay; ang kanilang pilak at ang kanilang ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng poot ng Panginoon: hindi nila maaaliw ang kanilang mga kaluluwa, o mabubusog man ang kanilang mga tiyan; sapagka't naging katitisuran ng kanilang kasamaan.

20 Tungkol sa ganda ng kaniyang gayak, inilagay niya sa kamahalan; nguni't kanilang ginawang mga larawan ang kanilang mga kasuklamsuklam at karumaldumal na mga bagay: kaya't ginawa ko sa kanila na parang maruming bagay.

21 At aking ibibigay sa mga kamay ng mga taga ibang lupa na pinakahuli, at sa mga masama sa lupa na pinakasamsam; at kanilang lalapastanganin.

22 Ang aking mukha ay aking itatalikod naman sa kanila, at kanilang lalapastanganin ang aking lihim na dako: at mga magnanakaw ay magsisipasok doon, at lalapastangan.

23 Gumawa ka ng tanikala; sapagka't ang lupain ay puno ng mga sala sa pagbububo ng dugo, at ang bayan ay puno ng pangdadahas.

24 Kaya't aking dadalhin ang mga pinakamasama ng mga bansa, at aariin nila ang kanilang mga bahay: akin namang patitigilin ang kapalaluan ng malakas, at ang kanilang mga dakong banal ay lalapastanganin.

25 Kagibaan ay dumarating; at sila'y magsisihanap ng kapayapaan, at wala doon.

26 Kapanglawan at kapanglawan ay darating, at balita at balita ay darating; at sila'y magsisihanap ng pangitain ng propeta; nguni't ang kautusa'y mawawala sa saserdote, at ang payo'y mawawala sa mga matanda.

27 Ang hari ay tatangis, at ang prinsipe ay mananamit ng kapahamakan, at ang mga kamay ng mga tao ng lupain ay mababagbag: aking gagawin sa kanila ang ayon sa kanilang lakad, at ayon sa kanilang kaugalian ay hahatulan ko sila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

At nangyari nang ikaanim na taon, nang ikaanim na buwan, nang ikalima ng buwan, ako'y nakaupo sa aking bahay, at ang mga matanda sa Juda ay nangakaupo sa harap ko, na ang kamay ng Panginoong Dios ay dumating sa akin doon.

Nang magkagayo'y tumingin ako, at, narito, may isang anyo na parang apoy; mula sa anyo ng kaniyang mga balakang at paibaba, ay apoy; at mula sa kaniyang mga balakang at paitaas, parang anyo ng kinang, na parang metal na nagbabaga.

At kaniyang inilabas ang anyo ng isang kamay, at hinawakan ako sa buhok ng aking ulo; at itinaas ako ng Espiritu sa pagitan ng lupa at ng langit, at dinala ako sa pangitain na mula sa Dios sa Jerusalem, sa pintuan ng pintuang-daan ng pinakaloob na looban na nakaharap sa dakong hilagaan; na kinaroroonan ng upuan ng larawan ng panibugho, na namumungkahi sa paninibugho.

At, narito, ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nandoon, gaya ng anyo na aking nakita sa kapatagan.

Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, itingin mo ang iyong mga mata ngayon sa daan na dakong hilagaan. Sa gayo'y itiningin ko ang aking mga mata sa daan na dakong hilagaan, at narito, nasa dakong hilagaan ng pintuang-daan ng dambana ang larawang ito ng panibugho sa pasukan.

At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakikita mo baga ang kanilang ginagawa? ang malaking kasuklamsuklam na ginagawa ng sangbahayan ni Israel dito, upang ako'y lumayo sa aking santuario? Nguni't iyo muling makikita pa ang ibang mga malalaking kasuklamsuklam.

At dinala niya ako sa pintuan ng looban; at nang ako'y tumingin, narito, ang isang butas sa pader.

Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, humukay ka ngayon sa pader: at nang ako'y humukay sa pader, narito, ang isang pintuan.

At sinabi niya sa akin, Ikaw ay pumasok, at tingnan mo ang mga masamang kasuklamsuklam na kanilang ginagawa rito.

10 Sa gayo'y pumasok ako at nakita ko; at narito, ang bawa't anyo ng nagsisiusad na mga bagay, at kasuklamsuklam na mga hayop, at lahat ng mga diosdiosan ng sangbahayan ni Israel, na nakaguhit sa pader sa palibot.

11 At nagsitayo sa harap nila ang pitong pung lalake sa mga matanda ng sangbahayan ni Israel; at sa gitna nila ay tumayo si Jaazanias na anak ni Saphan, bawa't lalake ay may kaniyang pangsuub sa kaniyang kamay; at ang amoy ng usok ng kamangyan ay napailanglang.

12 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakikita mo baga kung anong ginagawa ng mga matanda ng sangbahayan ni Israel sa kadiliman, bawa't isa'y sa kaniyang mga silid na nilarawanan? sapagka't kanilang sinasabi, Hindi tayo nakikita ng Panginoon; pinabayaan ng Panginoon ang lupa.

13 Sinabi rin niya sa akin, Iyong muling makikita pa ang mga ibang malaking kasuklamsuklam na kanilang ginagawa.

14 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pintuan ng pintuang-daan ng bahay ng Panginoon na nasa dakong hilagaan; at, narito, doo'y nangaupo ang mga babae na iniiyakan si Tammuz.

15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Nakita mo baga ito, Oh anak ng tao? iyo pa muling makikita ang lalong malaking mga kasuklamsuklam kay sa mga ito.

16 At dinala niya ako sa pinakaloob na looban ng bahay ng Panginoon, at, narito, sa pintuan ng templo ng Panginoon sa pagitan ng malaking pintuan at ng dambana, ay may dalawang pu't limang lalake, na sila'y nakatalikod sa dako ng templo ng Panginoon, at nakaharap sa dakong silanganan; at kanilang sinasamba ang araw sa dakong silanganan.

17 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Nakita mo baga ito, Oh anak ng tao? Magaan bagang bagay sa sangbahayan ni Juda, na sila'y nagsisigawa ng mga kasuklamsuklam na kanilang ginagawa dito? sapagka't kanilang pinuno ng karahasan ang lupa, at sila'y nangagbalik uli upang mungkahiin ako sa galit: at, narito, kanilang inilalagay ang sanga sa kanilang ilong.

18 Kaya't akin namang gagawin sa kapusukan; ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako: at bagaman sila'y nagsisidaing sa aking pakinig ng malakas na tinig, gayon ma'y hindi ko sila didinggin.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain