Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Ezekiel 9-12

Nang magkagayo'y sumigaw siya sa aking pakinig ng malakas na tinig, na nagsasabi, Magsilapit yaong mga may katungkulan sa bayan, na bawa't isa'y may kaniyang pangpatay na almas sa kaniyang kamay.

At narito, anim na lalake ay nagsipanggaling sa daan ng mataas na pintuang-daan, na nalalagay sa dako ng hilagaan, na bawa't isa'y may kaniyang pangpatay na almas sa kaniyang kamay; at isang lalake ay nasa gitna nila na nakapanamit ng kayong lino, na may tintero ng manunulat sa kaniyang tagiliran. At sila'y nagsipasok, at nagsitayo sa siping ng tansong dambana.

At ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay umilanglang mula sa kerubin, na kinapapatungan, hanggang sa pintuan ng bahay: at kaniyang tinawag ang lalaking nakapanamit ng kayong lino, na may tintero ng manunulat sa kaniyang tagiliran.

At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Pumaroon ka sa gitna ng bayan, sa gitna ng Jerusalem, at maglagay ka ng mga tanda sa mga noo ng mga taong nangagbubuntong-hininga at nagsidaing dahil sa lahat na kasuklamsuklam na nagawa sa gitna niyaon.

At sa mga iba ay sinabi niya sa aking pakinig, Magsiparoon kayo sa bayan na magsisunod sa kaniya, at manakit kayo: huwag magpatawad ang inyong mata, o kayo man ay mahabag;

Lipulin ninyong lubos ang matanda, ang binata at ang dalaga, at ang mga bata at ang mga babae; nguni't huwag lumapit sa sinomang lalake na tinandaan; at inyong pasimulan sa aking santuario. Nang magkagayo'y kanilang pinasimulan sa mga matandang lalake na nangasa harap ng bahay.

At sinabi niya sa kanila, Lapastanganin ninyo ang bahay, at punuin ninyo ng patay ang mga looban: magsilabas kayo. At sila'y nagsilabas, at nanakit sa bayan.

At nangyari, habang sila'y nananakit, at ako'y naiwan, na ako'y nasubasob, at sumigaw ako, at aking sinabi, Ah Panginoong Dios! iyo bagang lilipulin ang buong nalabi sa Israel, sa iyong pagbubugso ng iyong kapusukan sa Jerusalem?

Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel at ni Juda ay totoong malaki, at ang lupain ay puno ng dugo, at ang bayan ay puno ng kasuwailan: sapagka't kanilang sinasabi, Pinabayaan ng Panginoon ang lupa, at hindi nakikita ng Panginoon.

10 At tungkol sa akin naman, ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako, kundi aking ipadadanas ang kanilang lakad sa kanilang ulo.

11 At, narito, ang lalaking nakapanamit ng kayong lino, na may tintero ng manunulat sa kaniyang tagiliran, nagbalita ng bagay; na sinabi, Aking ginawa na gaya ng iniutos mo sa akin.

10 Nang magkagayo'y tumingin ako, at, narito, sa langit na nasa ulunan ng mga kerubin, may nakita na parang isang batong zafiro, na parang isang luklukan.

At siya'y nagsalita sa lalake na nakapanamit ng kayong lino, at kaniyang sinabi, Pumasok ka sa pagitan ng nagsisiikot na mga gulong, sa ilalim ng kerubin, at punuin mo kapuwa ang iyong mga kamay ng mga bagang nagbabaga mula sa pagitan ng mga kerubin, at ikalat mo sa bayan. At sa aking paningin ay pumasok siya.

Ang mga kerubin nga ay nagsitayo sa dakong kanan ng bahay, nang ang lalake ay pumasok; at pinuno ng ulap ang pinakaloob na looban.

At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay napailanglang mula sa kerubin, at tumayo sa itaas ng pintuan ng bahay; at ang bahay ay napuno ng ulap, at ang looban ay napuno ng ningning ng kaluwalhatian ng Panginoon.

At ang pagaspas ng mga pakpak ng mga kerubin ay narinig hanggang sa looban sa labas, na gaya ng tinig ng Dios na Makapangyarihan sa lahat, pagka siya'y nagsasalita.

At nangyari, nang kaniyang utusan ang lalake na nakapanamit ng kayong lino, na sabihin, Kumuha ka ng apoy sa loob ng nagsisiikot na mga gulong mula sa pagitan ng mga kerubin, na siya'y pumasok, at tumayo sa tabi ng isang gulong.

At iniunat ng kerubin ang kaniyang kamay mula sa gitna ng mga kerubin sa apoy na nasa gitna ng mga kerubin, at kumuha niyaon, at inilagay sa mga kamay ng nakapanamit ng kayong lino, na siyang kumuha at lumabas.

At lumitaw sa gitna ng mga kerubin ang anyo ng kamay ng isang tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.

At ako'y tumingin, at narito, apat na gulong ay nangasa tabi ng mga kerubin, isang gulong ay nasa tabi ng isang kerubin, at ang ibang gulong ay nasa tabi ng ibang kerubin; at ang anyo ng mga gulong ay gaya ng kulay ng batong berila.

10 At tungkol sa kanilang anyo, silang apat ay may isang pagkakawangis, na para bagang isang gulong na napasa loob ng isang gulong.

11 Pagka nagsisiyaon, ay nagsisiyaon sa kanilang apat na dako: hindi nagsisipihit habang nagsisiyaon, kundi ang kinahaharapan ng ulo ay siyang sinusundan nila: hindi nagsisipihit habang nagsisiyaon.

12 At ang kanilang buong katawan, at ang kanilang mga likod, at ang kanilang mga kamay, at ang kanilang mga pakpak, at ang mga gulong ay puno ng mga mata sa palibot, sa makatuwid baga'y ang mga gulong na tinatangkilik ng apat.

13 Tungkol sa mga gulong, tinawag sa aking pakinig, ang nagsisiikot na mga gulong.

14 At bawa't isa'y may apat na mukha: ang unang mukha ay mukha ng kerubin, at ang ikalawang mukha ay mukha ng tao, at ang ikatlo ay mukha ng leon, at ang ikaapat ay mukha ng isang aguila.

15 At ang mga kerubin ay napaitaas: ito ang nilalang na may buhay na aking nakita sa pangpang ng ilog Chebar.

16 At nang magsiyaon ang mga kerubin, ang mga gulong ay nagsiyaong kasiping nila: at nang itaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak upang paitaas mula sa lupa, ang mga gulong naman ay hindi nagsihiwalay sa siping nila.

17 Pagka sila'y nagsisitayo, ang mga ito ay nagsisitayo; at pagka sila'y nangapaiitaas, ang mga ito'y nangapaiitaas na kasama nila: sapagka't ang espiritu ng nilalang na may buhay ay nasa mga yaon.

18 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumabas mula sa pintuan ng bahay, at lumagay sa ibabaw ng mga kerubin.

19 At itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak, at nangapaitaas mula sa lupa sa aking paningin, nang sila'y magsilabas, at ang mga gulong ay sa siping nila: at sila'y nagsitayo sa pintuan ng pintuang-daang silanganan ng bahay ng Panginoon; at ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila.

20 Ito ang nilalang na may buhay na aking nakita sa ilalim ng Dios ng Israel sa pangpang ng ilog Chebar; at naalaman ko na sila'y mga kerubin.

21 Bawa't isa'y may apat na mukha, at bawa't isa'y may apat na pakpak; at ang anyo ng mga kamay ng tao ay nasa ilalim ng kanilang mga pakpak.

22 At tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, ay mga mukha na aking nakita sa pangpang ng ilog Chebar, ang kanilang mga anyo at sila rin; sila'y yumaon bawa't isa na patuloy.

11 Bukod dito'y itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pintuang-daang silanganan ng bahay ng Panginoon, na nakaharap sa dakong silanganan: at narito, nasa pinto ng pintuang-daan ang dalawang pu't limang lalake; at nakita ko sa gitna nila si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatias na anak ni Benaias, na mga prinsipe ng bayan.

At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ito ang mga lalake na nagsisikatha ng kasamaan, at nagbibigay ng masamang payo sa bayang ito;

Na nagsasabi, Hindi malapit ang panahon ng pagtatayo ng mga bahay; ang bayang ito ang caldera, at tayo ang karne.

Kaya't manghula ka laban sa kanila, manghula ka, Oh anak ng tao.

At ang Espiritu ng Panginoon ay dumating sa akin, at sinabi niya sa akin, Salitain mo, Ganito ang sabi ng Panginoon: Ganito ang inyong sinabi, Oh sangbahayan ni Israel; sapagka't nalalaman ko ang mga bagay na pumasok sa inyong pag-iisip.

Inyong pinarami ang inyong pinatay sa bayang ito, at inyong pinuno ang mga lansangan nito ng mga patay.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang inyong mga patay na inyong ibinulagta sa gitna nito, ay karne, at ang bayang ito ay siyang caldera: nguni't kayo'y ilalabas sa gitna nito.

Kayo'y nangatakot sa tabak; at aking pararatingin ang tabak sa inyo, sabi ng Panginoong Dios.

At aking ilalabas kayo sa gitna nito, at ibibigay ko kayo sa mga kamay ng mga taga ibang lupa, at maglalapat ako ng mga kahatulan sa inyo.

10 Kayo'y mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak; aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

11 Ang bayang ito ay hindi magiging inyong caldera, o kayo man ay magiging karne sa gitna nito, aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel;

12 At inyong malalaman na ako ang Panginoon: sapagka't kayo'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, o inyo mang isinagawa ang aking mga kahatulan, kundi kayo'y nagsigawa ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansa na nangasa palibot ninyo.

13 At nangyari, nang ako'y nanghuhula, na si Pelatias na anak ni Benaias ay namatay. Nang magkagayo'y nasubasob ako, at ako'y sumigaw ng malakas, at aking sinabi, Ah Panginoong Dios! gagawa ka baga ng lubos na wakas sa nalabi sa Israel?

14 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

15 Anak ng tao, ang iyong mga kapatid, sa makatuwid baga'y ang iyong mga kapatid, na mga lalake sa iyong kamaganakan, at ang buong sangbahayan ni Israel, silang lahat, siyang mga pinagsabihan ng mga nananahan sa Jerusalem. Magsilayo kayo sa Panginoon; sa amin ay ibinigay ang lupaing ito na pinakaari.

16 Kaya't iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Bagaman sila'y aking inilayo sa gitna ng mga bansa, at bagaman aking pinangalat sila sa gitna ng mga lupain, gayon ma'y ako'y magiging pinaka santuario sa kanila sa sandaling panahon sa mga lupain na kanilang kapaparunan.

17 Kaya't iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Aking pipisanin kayo mula sa mga bayan, at titipunin ko kayo sa mga lupain na inyong pinangalatan, at aking ibibigay sa inyo ang lupain ng Israel.

18 At sila'y magsisiparoon, at kanilang aalisin ang lahat na karumaldumal na bagay niyaon, at ang lahat ng kasuklamsuklam niyaon, mula roon.

19 At aking bibigyan sila ng isang puso, at aking lalagyan ng bagong diwa ang loob ninyo; at aking aalisin ang batong puso sa kanilang laman, at aking bibigyan sila ng pusong laman;

20 Upang sila'y magsilakad sa aking mga palatuntunan, at ganapin ang aking mga kahatulan at isagawa: at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Dios.

21 Nguni't tungkol sa kanila na ang puso ay nagsisunod ayon sa kanilang mga karumaldumal na bagay, at sa kanilang mga kasuklamsuklam, aking pararatingin ang kanilang lakad sa kanilang sariling mga ulo, sabi ng Panginoong Dios.

22 Nang magkagayo'y itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak, at ang mga gulong ay nangasa siping nila; at ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nasa itaas ng mga yaon.

23 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay napailanglang mula sa pinakaloob ng bayan, lumagay sa ibabaw ng bundok na nasa dakong silanganan ng bayan.

24 At itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pangitain sa Caldea sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, sa kanila na mga bihag. Sa gayo'y ang pangitain na aking nakita ay napaitaas mula sa akin.

25 Nang magkagayo'y sinalita ko sa kanila na mga bihag ang lahat na bagay na ipinakita sa akin ng Panginoon.

12 Ang salita rin ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, ikaw ay tumatahan sa gitna ng mapanghimagsik na sangbahayan, na may mga mata na maititingin, at hindi nagsisitingin, na may mga pakinig na maipakikinig, at hindi nangakikinig; sapagka't sila'y isang mapanghimagsik na sangbahayan.

Kaya't ikaw na anak ng tao, maghanda ka ng daladalahan sa paglipat, at ikaw ay lumipat sa araw sa kanilang paningin; at ikaw ay lumipat mula sa iyong dako hanggang sa ibang dako sa kanilang paningin: baka sakaling sila'y magbulay, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan.

At iyong ilalabas ang iyong daladalahan sa araw sa kanilang paningin, na parang daladalahan sa paglipat; at ikaw ay lalabas sa hapon sa kanilang paningin, na gaya ng kung ang mga tao ay nangapasasa pagkatapon.

Bumutas ka sa pader sa kanilang paningin, at iyong ilabas doon.

Sa kanilang paningin ay iyong papasanin sa iyong balikat, at ilalabas sa pagdilim; iyong tatakpan ang iyong mukha, upang huwag mong makita ang lupa: sapagka't inilagay kita na pinakatanda sa sangbahayan ni Israel.

At aking ginawang gayon na gaya ng iniutos sa akin: aking inilabas ang aking daladalahan sa araw, na gaya ng daladalahan sa paglipat, at sa hapon ay bumutas ako ng aking kamay sa pader; aking inilabas sa dilim, at pinasan ko sa aking balikat sa kanilang paningin.

At nang kinaumagahan ay dumating ang salita ng Panginoon sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, hindi baga ang sangbahayan ni Israel na mapanghimagsik na sangbahayan, ay nagsabi sa iyo, Anong ginagawa mo?

10 Sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang hulang ito ay tungkol sa prinsipe sa Jerusalem, at sa buong sangbahayan ni Israel na kinalalakipan nila.

11 Sabihin mo, Ako'y inyong tanda: kung ano ang aking ginawa, gayon ang gagawin sa kanila: sila'y mapapasa pagkatapon, sa pagkabihag.

12 At ang prinsipe na nasa gitna nila ay magpapasan sa kaniyang balikat sa pagdilim, at lalabas: sila'y magsisibutas sa pader upang ilabas doon: siya'y magtatakip ng kaniyang mukha, sapagka't hindi niya makikita ang lupa ng kaniyang mga mata.

13 Ang akin namang panilo ay aking ilaladlad sa kaniya, at siya'y mahuhuli sa aking silo; at aking dadalhin siya sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo; gayon ma'y hindi niya makikita, bagaman siya'y mamamatay roon.

14 At aking pangangalatin sa bawa't dako ang lahat na nangasa palibot niya na nagsisitulong sa kaniya, at ang lahat niyang mga pulutong; at aking huhugutin ang tabak sa likuran nila.

15 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka sila'y aking pinanabog sa gitna ng mga bansa, at aking pinangalat sa mga lupain.

16 Nguni't magiiwan ako ng kaunting lalake sa kanila, na maiiwan ng tabak, ng kagutom, at ng salot, upang kanilang maipahayag ang lahat na kanilang kasuklamsuklam sa gitna ng mga bansa na kanilang pinaroroonan; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

17 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

18 Anak ng tao, kanin mo ang iyong tinapay na may panginginig, at inumin mo ang iyong tubig na may pangangatal at may pagkatakot;

19 At sabihin mo sa bayan ng lupain, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios tungkol sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa lupain ng Israel. Sila'y magsisikain ng kanilang tinapay na may pagkatakot, at nanglulupaypay na iinom ng tubig, upang ang kaniyang lupain ay masira na mawawalan ng lahat na nandoon, dahil sa pangdadahas nilang lahat na nagsisitahan doon.

20 At ang mga bayan na tinatahanan ay mawawasak, at ang lupain ay masisira; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

21 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

22 Anak ng tao, ano ang kawikaang ito na sinasambit ninyo sa lupain ng Israel, na sinasabi, Ang mga kaarawan ay tumatagal, at ang bawa't pangitain ay nabubulaanan?

23 Saysayin mo nga sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Aking papaglilikatin ang kawikaang ito, at hindi na sasambitin pang parang kawikaan sa Israel; kundi sabihin mo nga sa kanila, Ang mga kaarawan ay malapit na, at ang pagtupad ng lahat na pangitain.

24 Sapagka't hindi na magkakaroon pa ng walang kabuluhang pangitain o ng di tunay na panghuhula sa loob ng sangbahayan ni Israel.

25 Sapagka't ako ang Panginoon: ako'y magsasalita, at ang salita na aking sasalitain ay matutupad: hindi na magluluwat pa: sapagka't sa inyong mga kaarawan, Oh mapanghimagsik na sangbahayan, aking sasalitain ang salita, at aking tutuparin, sabi ng Panginoong Dios.

26 Muling ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

27 Anak ng tao, narito, silang nasa sangbahayan ni Israel ay nagsasabi, Ang pangitain na kaniyang nakikita ay sa malaong mga araw na darating, at nanghuhula ng mga panahong malayo.

28 Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Wala nang magluluwat pa sa aking mga salita, kundi ang salita na aking sasalitain ay matutupad, sabi ng Panginoon.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain