Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Mga Hari 24-25

24 Nang kaniyang mga kaarawan ay umahon si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at si Joacim ay naging kaniyang alipin na tatlong taon: nang magkagayo'y bumalik siya at nanghimagsik laban sa kaniya.

At ang Panginoon ay nagsugo laban sa kaniya ng mga pulutong ng mga Caldeo, at ng mga pulutong ng mga taga Siria, at ng mga pulutong ng mga Moabita, at ng mga pulutong ng mga anak ni Ammon, at sinugo sila laban sa Juda upang lipulin ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta.

Tunay na sa utos ng Panginoon ay dumating ito sa Juda, upang alisin sila sa kaniyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, ayon sa lahat niyang ginawa.

At dahil naman sa walang salang dugo na kaniyang ibinubo; sapagka't kaniyang pinuno ang Jerusalem ng walang salang dugo: at hindi pinatawad ng Panginoon.

Ang iba nga sa mga gawa ni Joacim, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda.

Sa gayo'y natulog si Joacim na kasama ng kaniyang mga magulang: at si Joachin na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

At ang hari sa Egipto ay hindi na bumalik pa mula sa kaniyang lupain: sapagka't sinakop ng hari ng Babilonia, mula sa batis ng Egipto hanggang sa ilog Eufrates, lahat na nauukol sa hari sa Egipto.

Si Joachin ay may labing walong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y naghari sa Jerusalem na tatlong buwan: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Neusta na anak na babae ni Elnathan na taga Jerusalem.

At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang ama.

10 Nang panahong yao'y ang mga lingkod ni Nabucodonosor, na hari sa Babilonia ay nagsiahon sa Jerusalem, at ang bayan ay nakubkob.

11 At si Nabucodonosor, na hari sa Babilonia ay naparoon sa bayan, samantalang ang kaniyang mga lingkod ay nangakukulong.

12 At nilabas ni Joachin na hari sa Juda ang hari sa Babilonia, niya, at ng kaniyang ina, at ng kaniyang mga lingkod, at ng kaniyang mga prinsipe, at ng kaniyang mga pinuno: at kinuha siya ng hari ng Babilonia sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari.

13 At dinala niya mula roon ang lahat na kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at pinagputolputol ang lahat na kasangkapang ginto na ginawa ng haring Salomon sa templo ng Panginoon, gaya ng sinabi ng Panginoon.

14 At kaniyang dinala ang buong Jerusalem, at ang lahat na prinsipe, at ang lahat na makapangyarihang lalake na may tapang, sa makatuwid baga'y sangpung libong bihag, at ang lahat na manggagawa at mangbabakal; walang nalabi liban sa mga pinakadukha sa bayan ng lupain.

15 At dinala niya si Joachin sa Babilonia; at ang ina ng hari, at ang mga asawa ng hari, at ang kaniyang mga pinuno, at ang mga pinakamahal sa lupain, ay dinala niya sa pagkabihag sa Babilonia mula sa Jerusalem.

16 At ang lahat na makapangyarihang lalake na pitong libo, at ang mga manggagawa at ang mga mangbabakal na isang libo, lahat na sa kanila ay malakas at matalino sa pakikipagdigma, ay pinagdadalang bihag sa Babilonia ng hari.

17 At ginawa ng hari sa Babilonia na hari si Matanias na kapatid ng ama ni Joachin na kahalili niya, at binago ang kaniyang pangalan ng Sedecias.

18 Si Sedecias ay may dalawangpu't isang taon nang magpasimulang maghari, at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Amutal na anak ni Jeremias na taga Libna.

19 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni Joachin.

20 Sapagka't sa pamamagitan ng galit ng Panginoon ay nangyari sa Jerusalem at sa Juda, hanggang sa kaniyang itinaboy sila sa kaniyang harap: at si Sedecias ay nanghimagsik laban sa hari sa Babilonia.

25 At nangyari nang ikasiyam na taon ng kaniyang paghahari sa ikasangpung buwan, nang ikasangpung araw ng buwan, na si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay naparoon, siya at ang buo niyang hukbo, laban sa Jerusalem, at humantong laban doon; at nagsipagtayo sila ng mga kuta sa palibot laban doon.

Sa gayo'y nakubkob ang bayan hanggang sa ikalabing isang taon ng haring Sedecias.

Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, ang kagutom ay lumala sa bayan, na anopa't walang tinapay sa bayan ng lupain.

Nang magkagayo'y gumawa ng isang butas sa kuta ng bayan, at ang lahat na lalaking mangdidigma ay nagsitakas sa gabi sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta, na nasa siping ng halamanan ng hari (ang mga Caldeo nga ay nangasa tapat ng palibot ng bayan;) at ang hari ay yumaon sa daan ng Araba.

Nguni't hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabutan nila siya sa mga kapatagan ng Jerico: at ang buo niyang hukbo ay nangalat sa kaniya.

Nang magkagayo'y kinuha nila ang hari at dinala nila siya sa hari sa Babilonia sa Ribla; at sila'y nangagbigay ng kahatulan sa kaniya.

At kanilang pinatay ang mga anak ni Sedecias, sa harap ng kaniyang mga mata, at inukit ang mga mata ni Sedecias at siya'y nilagyan ng damal, at dinala siya sa Babilonia.

Nang ikalimang buwan nga, nang ikapitong araw ng buwan, na siyang ikalabing siyam na taon ng haring Nabucodonosor, na hari sa Babilonia, ay naparoon sa Jerusalem si Nabuzaradan na punong kawal ng bantay, na lingkod ng hari sa Babilonia.

At kaniyang sinunog ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari; at ang lahat na bahay sa Jerusalem, sa makatuwid baga'y bawa't malaking bahay, ay sinunog niya ng apoy.

10 At ibinagsak ang mga kuta ng Jerusalem sa palibot, ng buong hukbo ng mga Caldeo, na kasama ng punong kawal ng bantay.

11 At ang nalabi na mga tao na naiwan sa bayan, at yaong nagsihiwalay, na nagsihilig sa hari sa Babilonia, at ang labi sa karamihan, ay dinalang bihag ni Nabuzaradan na punong kawal ng bantay.

12 Nguni't iniwan ng punong kawal ng bantay ang mga pinakadukha sa lupain upang maging maguubas at magbubukid.

13 At ang mga haliging tanso na nangasa bahay ng Panginoon, at ang mga tungtungan at ang dagatdagatan na tanso na nasa bahay ng Panginoon, ay dinurog ng mga Caldeo, at dinala ang tanso sa Babilonia.

14 At ang mga palayok, at ang mga pala, at ang mga gunting, at ang mga kutchara, at ang lahat na kasangkapan na tanso na kanilang ipinangangasiwa, ay kanilang dinala.

15 At ang mga apuyan, at ang mga mangkok; na ang sa ginto, ay ginto, at ang sa pilak ay pilak, pinagdadala ng punong kawal ng bantay.

16 Ang dalawang haligi, ang dagatdagatan, at ang mga tungtungan, na ginawa ni Salomon sa bahay ng Panginoon; ang tanso ng lahat ng kasangkapang ito ay walang timbang.

17 Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang kapitel na tanso ang nasa dulo niyaon; at ang taas ng kapitel ay tatlong siko, na may yaring lambat at mga granada sa kapitel sa palibot, lahat ay tanso; at mayroong gaya ng mga ito ang ikalawang haligi na may yaring lambat.

18 At kinuha ng punong kawal ng bantay si Saraias na dakilang saserdote, at si Sophonias na ikalawang saserdote, at ang tatlong tagatanod-pinto:

19 At sa bayan ay kumuha siya ng isang pinuno na inilagay sa mga lalaking mangdidigma: at limang lalake sa kanila na nakakita ng mukha ng hari na nangasumpungan sa bayan: at ang kalihim, ang punong kawal ng hukbo, na humusay ng bayan ng lupain; at anim na pung lalake ng bayan ng lupain, na nangasumpungan sa bayan.

20 At kinuha sila ni Nabuzaradan na punong kawal ng bantay, at dinala sila sa hari sa Babilonia sa Ribla.

21 At sinaktan sila ng hari sa Babilonia, at pinatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamath. Sa gayo'y dinala ang Juda na bihag mula sa kaniyang lupain.

22 At tungkol sa bayan na naiwan sa lupain ng Juda, na iniwan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, ay sa mga yaon ginawa niyang tagapamahala si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan.

23 Nang mabalitaan nga ng lahat ng pinuno ng mga hukbo, nila, at ng kanilang mga lalake, na ginawang tagapamahala si Gedalias ng hari sa Babilonia, ay nagsiparoon sila kay Gedalias sa Mizpa, sa makatuwid bagay si Ismael na anak ni Nathanias, at si Johanan na anak ni Carea, at si Saraia na anak ni Tanhumet, na Netofatita, at si Jaazanias na anak ng Maachateo, sila at ang kanilang mga lalake.

24 At si Gedalias ay sumampa sa kanila at sa kanilang mga lalake, at nagsabi sa kanila, Kayo'y huwag mangatakot ng dahil sa mga lingkod ng mga Caldeo: magsitahan kayo sa lupain, at kayo'y magsipaglingkod sa hari sa Babilonia, at ikabubuti ninyo.

25 Nguni't nangyari nang ikapitong buwan, na si Ismael na anak ni Nathanias, na anak ni Elisama, na mula sa lahing hari, at sangpung lalake na kasama niya, ay naparoon, at sinaktan si Gedalias, na anopa't namatay, at ang mga Judio at ang mga Caldeo, na mga kasama niya sa Mizpa.

26 At ang buong bayan, maliit at gayon din ang malaki, at ang mga pinuno ng hukbo, ay nagsitindig, at nagsiparoon sa Egipto; sapagka't sila'y nangatakot sa mga Caldeo.

27 At nangyari nang ikatatlongpu't pitong taon ng pagkabihag ni Joachin na hari sa Juda, nang ikalabing dalawang buwan, nang ikadalawangpu't pitong araw ng buwan, na si Evil-merodach na hari sa Babilonia, nang taon na siya'y magpasimulang maghari, ay itinaas ang ulo ni Joachin na hari sa Juda sa bilangguan;

28 At siya'y nagsalita na may kagandahang loob sa kaniya, at inilagay ang kaniyang luklukan sa itaas ng luklukan ng mga hari na kasama niya sa Babilonia.

29 At kaniyang pinalitan ang kaniyang damit na pagkabihag. At kumain si Joachin ng tinapay sa harap niya na palagi sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.

30 At tungkol sa kaloob sa kaniya, may palaging kaloob na ibinibigay sa kaniya ang hari, bawa't araw isang bahagi ng pagkain, lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.

2 Paralipomeno 36

36 Nang magkagayo'y kinuha ng bayan ng lupain si Joachaz na anak ni Josias, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama sa Jerusalem.

Si Joachaz ay may dalawang pu't tatlong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong buwan sa Jerusalem.

At inalis siya sa Jerusalem ng hari sa Egipto, at pinabuwis ang lupain ng isang daang talentong pilak at ng isang talentong ginto.

At inihalal na hari sa Juda at sa Jerusalem ng hari sa Egipto si Eliacim na kaniyang kapatid, at pinalitan ang kaniyang pangalan ng Joacim. At kinuha ni Nechao si Joachaz na kaniyang kapatid, at dinala niya siya sa Egipto.

Si Joacim ay may dalawang pu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing isang taon, sa Jerusalem: at siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon niyang Dios.

Laban sa kaniya ay umahon si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at tinanikalaan siya, upang dalhin siya sa Babilonia.

Si Nabucodonosor ay nagdala naman ng mga sisidlan ng bahay ng Panginoon sa Babilonia, at inilagay sa kaniyang templo sa Babilonia.

Ang iba nga sa mga gawa ni Joacim, at ang kaniyang mga karumaldumal na kaniyang ginawa, at ang nasumpungan sa kaniya, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel at Juda: at si Joachin, na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

Si Joachin ay may walong taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari: at siya'y nagharing tatlong buwan at sangpung araw sa Jerusalem: at siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon.

10 At sa pagpihit ng taon, si Nabucodonosor ay nagsugo, at dinala siya sa Babilonia, pati ng mga mainam na sisidlan ng bahay ng Panginoon at ginawang hari si Zedecias na kaniyang kapatid sa Juda at Jerusalem.

11 Si Zedecias ay may dalawang pu't isang taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem:

12 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon niyang Dios; siya'y hindi nagpakababa sa harap ni Jeremias na propeta na nagsasalita ng galing sa bibig ng Panginoon.

13 At siya rin nama'y nanghimagsik laban sa haring Nabucodonosor, na siyang nagpasumpa sa kaniya sa pangalan ng Dios: nguni't pinapagmatigas niya ang kaniyang ulo at pinapagmatigas niya ang kaniyang puso sa panunumbalik sa Panginoon, sa Dios ng Israel.

14 Bukod dito'y lahat ng mga pinuno ng mga saserdote, at ang bayan, ay nagsisalangsang na mainam ayon sa lahat na karumaldumal ng mga bansa; at kanilang dinumhan ang bahay ng Panginoon na kaniyang itinalaga sa Jerusalem.

15 At ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga sugo, na bumangong maaga at nagsugo, sapagka't siya'y nagdalang habag sa kaniyang bayan, at sa kaniyang tahanang dako:

16 Nguni't kanilang tinuya ang mga sugo ng Dios, at niwalang kabuluhan ang kaniyang mga salita, at dinusta ang kaniyang mga propeta hanggang sa ang pagiinit ng Panginoon ay bumugso laban sa kaniyang bayan hanggang sa mawalan ng kagamutan.

17 Kaya't dinala niya sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na siyang pumatay sa kanilang mga binata sa pamamagitan ng tabak sa bahay ng kanilang santuario, at hindi nagkaroon ng habag sa binata, o sa dalaga, sa matanda o sa may uban: ibinigay niya silang lahat sa kaniyang kamay.

18 At lahat ng mga kasangkapan ng bahay ng Dios, malaki at maliit, at ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng hari, at ng kaniyang mga prinsipe; lahat ng mga ito'y dinala niya sa Babilonia.

19 At sinunog nila ang bahay ng Dios, at ibinagsak ang kuta ng Jerusalem, at sinunog sa apoy ang lahat na bahay hari niya, at giniba ang lahat na mainam na sisidlan niyaon.

20 At ang mga nakatanan sa tabak, dinala niya sa Babilonia; at mga naging alipin niya at ng kaniyang mga anak hanggang sa paghahari ng kaharian ng Persia:

21 Upang ganapin ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, hanggang sa ang lupain ay nagalak sa kaniyang mga sabbath: sapagka't habang giba ay kaniyang ipinagdidiwang ang sabbath, upang ganapin ang pitong pung taon.

22 Sa unang taon nga ni Ciro na hari sa Persia, upang ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias ay maganap, kinilos ng Panginoon ang loob ni Ciro na hari sa Persia, na siya'y nagtanyag sa kaniyang buong kaharian, at isinulat din naman, na sinasabi,

23 Ganito ang sabi ni Ciro na hari sa Persia: Lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ng Panginoon, ng Dios ng langit; at kaniyang binilinan ako na ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinomang mayroon sa inyo sa buong kaniyang bayan, sumakaniya nawa ang Panginoon niyang Dios, at umahon siya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain