Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Jeremias 41-45

41 Nangyari nga, nang ikapitong buwan, na si Ismael na anak ni Nethanias, na anak ni Elisama, na lahing hari, at isa sa mga punong oficial ng hari, at sangpung lalake na kasama niya, ay nagsiparoon kay Gedalias na anak ni Ahicam sa Mizpa; at doo'y magkasama silang nagsikain ng tinapay sa Mizpa.

Nang magkagayo'y tumindig si Ismael na anak ni Nethanias, at ang sangpung lalake na kasama niya, at sinugatan ng tabak, si Gedalias na anak ni Ahicam na anak ni Saphan, at pinatay siya, na ginawang tagapamahala sa lupain ng hari sa Babilonia.

Pinatay rin naman ni Ismael ang lahat na Judio na kasama niya, na kasama ni Gedalias, sa Mizpa, at ang mga Caldeo na nangasumpungan doon, sa makatuwid baga'y ang mga lalaking mangdidigma.

At nangyari, nang ikalawang araw, pagkatapos na kaniyang mapatay si Gedalias, at wala pang lalaking nakakaalam,

Na nagsiparoon ang mga lalake na mula sa Sichem, mula sa Silo, at mula sa Samaria, sa makatuwid baga'y walong pung lalake, na may mga ahit na balbas at may mga hapak na kasuutan, at may mga kudlit, may mga alay at mga kamangyan sa kanilang kamay, upang dalhin sa bahay ng Panginoon.

At si Ismael na anak ni Nethanias ay lumabas na mula sa Mizpa upang salubungin sila, na umiiyak siya habang lumalakad: at nangyari, pagkasalubong niya sa kanila, sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo kay Gedalias na anak ni Ahicam.

At nangyari, na nang sila'y pumasok sa gitna ng bayan, na pinatay sila ni Ismael na anak ni Nethanias at inihagis sila sa hukay, niya at ng mga lalake na kasama niya.

Nguni't sangpung lalake ay nangasumpungan sa kanila na nangagsabi kay Ismael, Huwag mo kaming patayin; sapagka't kami ay may mga kayamanan na kubli sa parang, na trigo, at cebada, at langis, at pulot. Sa gayo'y nagpigil siya, at hindi niya pinatay sila sa gitna ng kanilang mga kapatid.

Ang hukay nga na pinagtapunan ni Ismael ng lahat ng bangkay ng mga tao na kaniyang pinatay, sa siping ni Gedalias, (siya ring ginawa ni Asa na hari dahil sa takot kay Baasa na hari sa Israel), pinuno ni Ismael na anak ni Nethanias ng nangapatay.

10 Nang magkagayo'y dinalang bihag ni Ismael ang lahat na nangalabi sa bayan na nangasa Mizpa, sa makatuwid baga'y ang mga anak na babae ng hari, at ang buong bayan na nalabi sa Mizpa, na siyang mga ibinilin ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahicam; sila'y dinalang bihag ni Ismael na anak ni Nethanias, at nagpatuloy na yumaon sa mga anak ni Ammon.

11 Nguni't nang mabalitaan ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat na kapitan sa mga kawal na kasama niya, ang buong kasamaan na ginawa ni Ismael na anak ni Nethanias,

12 Ipinagsama nga nila ang lahat na lalake, at sila'y nagsiyaong lumaban kay Ismael na anak ni Nethanias, at nasumpungan nila siya sa tabi ng malaking bukal na nasa Gabaon.

13 Nangyari nga, nang makita ng buong bayan na kasama ni Ismael si Johanan na anak ni Carea at ang lahat ng kapitan sa mga kawal na kasama niya, sila nga'y nangatuwa.

14 Sa gayo'y ang buong bayan na dinalang bihag ni Ismael na mula sa Mizpa, ay pumihit at bumalik, at naparoon kay Johanan na anak ni Carea.

15 Nguni't si Ismael na anak ni Nethanias ay tumanan mula kay Johanan na kasama ng walong lalake, at naparoon sa mga anak ni Ammon.

16 Nang magkagayo'y kinuha ni Johanan na anak ni Carea at ng lahat ng kapitan sa mga kawal na kasama niya, ang lahat na nalabi sa bayan na kaniyang nabawi kay Ismael na anak ni Nethanias, mula sa Mizpa, pagkatapos na kaniyang mapatay si Gedalias na anak ni Ahicam, sa makatuwid ang mga lalaking magdidigma, at ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga bating, na kaniyang mga ibinalik mula sa Gabaon;

17 At sila'y nagsiyaon at nagsitahan sa Geruth chimham, na malapit sa Bethlehem upang pumaroong masok sa Egipto.

18 Dahil sa mga Caldeo; sapagka't sila'y nangatakot sa kanila, sapagka't pinatay ni Ismael na anak ni Nethanias si Gedalias na anak ni Ahicam, na ginawang tagapamahala sa lupain ng hari sa Babilonia.

42 Nang magkagayo'y ang lahat na kapitan sa mga kawal, at si Johanan na anak ni Carea, at si Jezanias na anak ni Osaia, at ang buong bayan, mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan, ay nagsilapit,

At nangagsabi kay Jeremias na propeta, Isinasamo namin sa iyo, na tanggapin ang aming pamanhik sa harap mo, at idalangin mo kami sa Panginoon mong Dios, sa makatuwid baga'y ang lahat na nalabing ito (sapagka't kaming naiwan ay kaunti sa karamihan, gaya ng namamasdan ng iyong mga mata sa amin),

Upang ipakita sa amin ng Panginoon mong Dios ang daan na aming marapat na lakaran, at ang bagay na marapat naming gawin.

Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias na propeta sa kanila, Aking narinig kayo; narito, aking idadalangin kayo sa Panginoon ninyong Dios ayon sa inyong mga salita; at mangyayari, na anomang bagay na isasagot ng Panginoon sa inyo; aking ipahahayag sa inyo; hindi ako maglilihim sa inyo.

Nang magkagayo'y sinabi nila kay Jeremias, Ang Panginoon ay maging tunay at tapat na saksi sa gitna natin, kung hindi nga namin gawin ang ayon sa buong salita na ipasusugo sa iyo ng Panginoon mong Dios sa amin.

Maging mabuti, o maging masama, aming tatalimahin ang tinig ng Panginoon nating Dios, na siya naming pinagsusuguan sa iyo; upang ikabuti namin, pagka aming tinatalima ang tinig ng Panginoon nating Dios.

At nangyari, pagkatapos ng sangpung araw, na ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias.

Nang magkagayo'y tinawag niya si Johanan na anak ni Carea, at ang lahat na kapitan sa mga kawal na kasama niya, at ang buong bayan, mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan,

At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, na inyong pinagsuguan sa akin upang iharap ang inyong pamanhik sa harap niya:

10 Kung kayo'y magsisitahan pa sa lupaing ito, akin ngang itatayo kayo, at hindi ko kayo itutulak, at itatatag kayo, at hindi ko kayo paaalisin; sapagka't aking pinagsisihan ang kasamaang nagawa ko sa inyo.

11 Huwag kayong mangatakot sa hari sa Babilonia na inyong kinatatakutan; huwag kayong mangatakot sa kaniya, sabi ng Panginoon, sapagka't ako'y sumasainyo upang iligtas ko kayo, at alisin kayo sa kaniyang kamay.

12 At pagpapakitaan ko kayo ng kaawaan, upang kaawaan niya kayo, at upang pabalikin kayo sa inyong sariling lupain.

13 Nguni't kung inyong sabihin, Kami ay hindi magsisitahan sa lupaing ito; na anopa't hindi ninyo talimahin ang tinig ng Panginoon ninyong Dios,

14 Na nagsasabi, Hindi; kundi magsisiparoon kami sa lupain ng Egipto, na hindi namin kakikitaan ng digma, o kariringgan man ng tunog ng pakakak, o kagugutuman ng tinapay: at doon kami magsisitahan:

15 Inyo ngang pakinggan ang salita ng Panginoon, Oh nalabi sa Juda: ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel; Kung inyong lubos na ihaharap ang inyong mukha na pumasok sa Egipto, at magsiparoon upang mangibang bayan doon;

16 Mangyayari nga na ang tabak na inyong kinatatakutan, ay aabot sa inyo roon sa lupain ng Egipto, at ang kagutom na inyong kinatatakutan, ay susunod sa inyong mahigpit doon sa Egipto; at doon kayo mangamamatay.

17 Gayon ang mangyayari sa lahat ng tao na maghaharap ng kanilang mukha na magsiparoon sa Egipto, upang mangibang bayan doon; sila'y mangamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom at ng salot: at walang maiiwan sa kanila o makatatanan man sa kasamaan na aking dadalhin sa kanila.

18 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel: Kung paanong ang aking galit at ang aking kapusukan ay nabugso sa mga nananahan sa Jerusalem, gayon mabubugso ang aking kapusukan sa inyo, pagka kayo'y pumasok sa Egipto: at kayo'y magiging katungayawan, at katigilan, at kasumpaan, at kadustaan: at hindi na ninyo makikita ang dakong ito.

19 Ang Panginoon ay nagsalita tungkol sa inyo, Oh nalabi sa Juda, Huwag kayong pumasok sa Egipto: talastasin ninyong tunay na ako'y nagpapatotoo sa inyo sa araw na ito.

20 Sapagka't dinaya ninyo ang inyong sarili; sapagka't inyong sinugo ako sa Panginoon ninyong Dios, na inyong sinasabi, Idalangin mo kami sa Panginoon nating Dios: at ayon sa lahat na sasabihin ng Panginoon nating Dios ay gayon mo ipahayag sa amin, at aming gagawin.

21 At aking ipinahayag sa inyo sa araw na ito; nguni't hindi ninyo dininig ang tinig ng Panginoon ninyong Dios sa anomang bagay na kaniyang ipinasugo sa akin sa inyo.

22 Ngayon nga'y talastasin ninyong tunay na kayo'y mangapapatay ng tabak, ng kagutom, at ng salot, sa dakong inyong pagnasaang parunan na mangibang bayan.

43 At nangyari, na nang si Jeremias ay makatapos ng pagsasalita sa buong bayan ng lahat ng mga salita ng Panginoon nilang Dios, na ipinasugo sa kaniya ng Panginoon nilang Dios sa kanila, sa makatuwid ang lahat ng mga salitang ito;

Nagsalita nga kay Jeremias si Azarias na anak ni Osaias, at si Johanan na anak ni Carea, at ang lahat na palalong lalake, na nangagsasabi, Ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan: hindi ka sinugo ng Panginoon nating Dios, na magsabi, Kayo'y huwag magsisiparoon sa Egipto na mangibang bayan doon;

Kundi hinikayat ka ni Baruch na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga Caldeo, upang maipapatay nila kami, at mangadala kaming bihag sa Babilonia.

Sa gayo'y si Johanan na anak ni Carea, at ang lahat na kapitan sa mga kawal, at ang buong bayan, ay hindi nagsitalima sa tinig ng Panginoon na tumahan sa lupain ng Juda.

Kundi kinuha ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat na kapitan sa mga kawal ang buong nalabi sa Juda na nagbalik na mula sa lahat ng mga bansa na pinagtabuyan nila na mangibang bayan sa lupain ng Juda;

Ang mga lalake, at ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga anak na babae ng hari, at bawa't tao na naiwan ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay na kasama ni Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan, at si Jeremias na propeta, at si Baruch na anak ni Nerias:

At sila'y nagsipasok sa lupain ng Egipto; sapagka't hindi nila tinalima ang tinig ng Panginoon: at sila'y nagsiparoon hanggang sa Taphnes.

Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias sa Taphnes, na nagsasabi,

Magtangan ka ng mga malaking bato sa iyong kamay, at iyong kublihan ng argamasa sa nalaladrillohan, na nasa pasukan ng bahay ni Faraon, sa Taphnes sa paningin ng mga tao sa Juda;

10 At iyong sabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, ako'y magsusugo at kukunin ko si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na aking lingkod, at aking ilalagay ang kaniyang luklukan sa mga batong ito na aking ikinubli; at kaniyang ilaladlad ang kaniyang pabillong hari sa mga yaon.

11 At siya'y paririto, at kaniyang sasaktan ang lupain ng Egipto; na yaong sa pagkamatay ay mabibigay sa kamatayan, at yaong sa pagkabihag ay sa pagkabihag, at yaong sa tabak ay sa tabak.

12 At ako'y magsisilab ng apoy sa mga bahay ng mga dios ng Egipto; at kaniyang mga susunugin, at sila'y dadalhing bihag: at kaniyang aariin ang lupain ng Egipto na parang pastor na nagaari ng kaniyang kasuutan; at siya'y lalabas na payapa mula riyan.

13 Kaniya ring babaliin ang mga haligi ng Beth-semes na nasa lupain ng Egipto; at ang mga bahay ng mga dios ng Egipto ay susunugin ng apoy.

44 Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa lahat na Judio na nagsitahan sa lupain ng Egipto sa Migdol, at sa Taphnes, at sa Memphis, at sa lupain ng Patros, na nagsasabi,

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel: Inyong nakita ang buong kasamaan na aking dinala sa Jerusalem, at sa lahat ng mga bayan ng Juda; at, narito, sa araw na ito, sila'y kagibaan, at walang taong tumatahan doon,

Dahil sa kanilang kasamaan na kanilang ginawa upang mungkahiin ako sa galit, sa kanilang pagsusunog ng kamangyan, at sa paglilingkod sa ibang mga dios, na hindi nila nakilala, kahit nila, o ninyo man, o ng inyong mga magulang man.

Gayon ma'y sinugo ko sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila, na nagsasabi, Oh huwag ninyong gawin ang kasuklamsuklam na bagay na ito na aking kinapopootan.

Nguni't hindi sila nakinig, o ikiniling man nila ang kanilang pakinig na magsihiwalay sa kanilang kasamaan, na huwag mangagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios.

Kaya't ang aking kapusukan at ang aking galit ay nabuhos, at nagalab sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; at mga sira at giba, gaya sa araw na ito.

Kaya't ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Bakit kayo'y nagsigawa nitong malaking kasamaan laban sa inyong sariling mga kaluluwa, upang maghiwalay sa inyo ng lalake at babae, ng sanggol at pasusuhin, sa gitna ng Juda, upang huwag maiwanan kayo ng anomang labi;

Sa inyong pagkamungkahi sa akin sa galit sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay, na nangagsusunog kayo ng kamangyan sa ibang mga dios sa lupain ng Egipto, na inyong kinaparoonan na mangibang bayan; upang kayo'y maging kasumpaan at kadustaan sa gitna ng lahat na bansa sa lupa?

Inyo bagang kinalimutan ang kasamaan ng inyong mga magulang, at ang kasamaan ng mga hari sa Juda, at ang kasamaan ng kanilang mga asawa, at ang inyong sariling kasamaan, at ang kasamaan ng inyong mga asawa, na kanilang ginawa sa lupain ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem?

10 Sila'y hindi nagpakababa hanggang sa araw na ito, o nangatakot man sila, o nagsilakad man sila ng ayon sa aking kautusan, o sa aking mga palatuntunan man, na aking inilagay sa harap ninyo at sa harap ng inyong mga magulang.

11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking itititig ang aking mukha laban sa inyo sa ikasasama, sa makatuwid baga'y upang ihiwalay ang buong Juda.

12 At aking kukunin ang nalabi sa Juda na nagtitig ng kanilang mga mukha na pumasok sa lupain ng Egipto upang mangibang bayan doon, at silang lahat ay mangalipol; sa lupain ng Egipto ay mangabubuwal sila; sila'y lilipulin ng tabak, at ng kagutom; sila'y mangamamatay mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan sa pamamagitan ng tabak at ng kagutom; at sila'y magiging katungayawan, at katigilan, at kasumpaan, at kadustaan.

13 Sapagka't aking parurusahan silang nagsisitahan sa lupain ng Egipto, gaya ng aking pagkaparusa sa Jerusalem sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom, at ng salot;

14 Na anopa't wala sa nalabi sa Juda na pumasok sa lupain ng Egipto na nangibang bayan doon, ay makatatanan o maiiwan man, upang makabalik sa lupain ng Juda na kanilang pinagnanasaang pagbalikan upang tahanan: sapagka't walang magsisibalik liban sa mga makatatanan.

15 Nang magkagayo'y lahat ng lalake na nakaalam na ang kanilang mga asawa ay nangagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, at ang lahat na babae na nangakatayo, isang malaking kapulungan, sa makatuwid baga'y ang buong bayan na tumahan sa lupain ng Egipto, sa Pathros, ay sumagot kay Jeremias, na nagsasabi,

16 Tungkol sa salita na iyong sinalita sa amin sa pangalan ng Panginoon, hindi ka namin didinggin.

17 Kundi aming tunay na isasagawa ang bawa't salita na lumabas sa aming bibig, upang ipagsunog ng kamangyan ang reina ng langit, at ipagbuhos siya ng inuming handog, gaya ng aming ginawa, namin, at ng aming mga magulang, ng aming mga hari, at ng aming mga prinsipe sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem; sapagka't noon ay nagkaroon kami ng saganang pagkain, at kami ay nagsisibuti, at hindi nakakita ng kasamaan.

18 Nguni't mula nang aming iwan ang pagsusunog ng kamangyan sa reina ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, kami ay nangailangan ng lahat na bagay, at kami ay nangalipol ng tabak at ng kagutom.

19 At nang kami ay magsunog ng kamangyan sa reina ng langit at ipagbuhos siya ng mga inuming handog iginawa baga namin siya ng munting tinapay upang sambahin siya, at ipinagbuhos baga namin siya ng mga inuming handog, na wala ang aming mga asawa?

20 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa buong bayan, sa mga lalake, at sa mga babae sa buong bayan na nagbigay sa kaniya ng sagot na yaon, na nagsasabi,

21 Ang kamangyan na inyong sinunog sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, ninyo, at ng inyong mga magulang, ng inyong mga hari at ng inyong mga prinsipe, at ng bayan ng lupain, hindi baga inalaala ng Panginoon, at hindi baga pumasok sa kaniyang pagiisip?

22 Na anopa't ang Panginoon ay hindi nakapagpigil ng maluwat, dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa, at dahil sa mga kasuklamsuklam na inyong ginawa; kaya't ang inyong lupain ay naging sira, at katigilan, at kasumpaan, na walang mananahan gaya sa araw na ito.

23 Sapagka't kayo'y nangagsunog ng kamangyan, at sapagka't kayo'y nangagkasala laban sa Panginoon, at hindi nagsitalima sa tinig ng Panginoon, o nagsilakad man sa kaniyang kautusan, o sa kaniyang palatuntunan man, o sa kaniyang mga patotoo man; dahil dito ang kasamaang ito ay nangyari sa inyo, gaya sa araw na ito.

24 Bukod dito ay sinabi ni Jeremias sa buong bayan, at sa lahat ng mga babae, Inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, buong Juda, na nasa lupain ng Egipto:

25 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, na nagsasabi, Kayo at ang inyong mga asawa ay kapuwa nangagsalita ng inyong mga bibig, at ginanap ng inyong mga kamay, na nagsasabi, Tunay na aming tutuparin ang aming mga panata na aming ipinanata, na magsunog ng kamangyan sa reina ng langit, at ipagbuhos ng mga inuming handog siya: inyo ngang isagawa ang inyong mga panata, at inyong tuparin ang inyong mga panata.

26 Kaya't inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, buong Juda na tumatahan sa lupain ng Egipto. Narito, ako'y sumumpa ng aking dakilang pangalan, sabi ng Panginoon, na ang aking pangalan ay hindi mababanggit sa bibig ng sinoman sa Juda sa buong lupain ng Egipto, na sabihin, Buhay ang Panginoong Dios.

27 Narito, aking binabantayan sila sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti; at lahat ng tao ng Juda na nangasa lupain ng Egipto ay mangalilipol sa pamamagitan ng tabak at ng kagutom, hanggang sa umabot sila sa kawakasan.

28 At ang mga makatatanan sa tabak ay mangagbabalik sa lupain ng Juda na mula sa lupain ng Egipto, na kaunti sa bilang; at ang buong nalabi sa Juda, na pumasok sa lupain ng Egipto na nangibang bayan doon, ay makakaalam kung kaninong salita ang mananayo, kung akin, o kanila.

29 At ito ang magiging tanda sa inyo, sabi ng Panginoon, na aking parurusahan kayo sa dakong ito, upang inyong makilala na ang aking salita ay tunay na tatayo laban sa inyo sa ikasasama:

30 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibibigay si Faraon Hophra na hari sa Egipto sa kamay ng kaniyang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kaniyang buhay; gaya ng pagkabigay ko kay Sedechias na hari sa Juda sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na kaniyang kaaway, at umuusig ng kaniyang buhay.

45 Ang salita na sinalita ni Jeremias na propeta kay Baruch na anak ni Nerias, nang sulatin niya ang mga salitang ito sa isang aklat sa bibig ni Jeremias, nang ikaapat na taon ni Joacim na anak ni Josias, hari sa Juda na nagsasabi:

Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa iyo, Oh Baruch:

Iyong sinabi, Sa aba ko ngayon! sapagka't ang Panginoon ay nagdagdag ng kapanglawan sa aking sakit; ako'y pagod sa kaaangal, at wala akong kapahingahan.

Ganito ang sasabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, na ang aking itinayo ay aking ibabagsak, at ang aking itinanim ay aking bubunutin; at ito'y sa buong lupain.

At ikaw baga ay humahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili? huwag mong hanapin; sapagka't, narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa lahat ng tao, sabi ng Panginoon; nguni't ang iyong buhay ay ibibigay ko sa iyo na pinakahuli sa lahat ng dakong iyong kapaparoonan.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain