Chronological
64 Oh buksan mo sana ang langit, na ikaw ay bumaba, na ang mga bundok ay gumuho sa iyong harapan.
2 Gaya ng kung nililiyaban ng apoy ang siitan, at ng kung pinakukulo ng apoy ang tubig; upang ipakilala ang iyong pangalan sa iyong mga kaaway, upang ang mga bansa ay manginig sa iyong harapan!
3 Nang ikaw ay gumawa ng mga kakilakilabot na bagay na hindi namin hinihintay, ikaw ay bumaba, ang mga bundok ay gumuho sa iyong harapan.
4 Sapagka't hindi narinig ng mga tao mula nang una, o naulinigan man ng pakinig, o ang mata ay nakakita man ng Dios liban sa iyo, na iginagawa niya ng kabutihan ang naghihintay sa kaniya.
5 Iyong sinasalubong siya na nagagalak at gumagawa ng katuwiran, yaong nagsialaala sa iyo sa iyong mga daan: narito, ikaw ay napoot, at kami ay nagkasala: napasa kanila kaming malaong panahon; at maliligtas baga kami?
6 Sapagka't kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi: at nalalantang gaya ng dahon kaming lahat; at tinatangay kami ng aming mga kasamaan, na parang hangin.
7 At walang tumatawag ng iyong pangalan, na gumigising upang manghawak sa iyo; sapagka't ikinubli mo ang iyong mukha sa amin, at iyong pinugnaw kami sa aming mga kasamaan.
8 Nguni't ngayon, Oh Panginoon, ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay.
9 Huwag kang lubhang mapoot, Oh Panginoon, o umalaala man ng kasamaan ng magpakailan man: narito, tingnan mo, isinasamo namin sa iyo, kaming lahat ay iyong bayan.
10 Ang iyong mga bayang banal ay naging ilang, ang Sion ay naging giba, ang Jerusalem ay sira.
11 Ang aming banal at magandang bahay, na pinagpupurihan sa iyo ng aming mga magulang ay nasunog sa apoy; at lahat naming maligayang bagay ay nasira.
12 Magpipigil ka baga sa mga bagay na ito, Oh Panginoon? ikaw baga'y tatahimik, at pagdadalamhatiin mo kaming mainam?
65 Ako'y napagsasangunian ng mga hindi nagsipagtanong tungkol sa akin; ako'y nasusumpungan nila na hindi nagsihanap sa akin: aking sinabi, Narito ako, narito ako, sa bansa na hindi tinawag sa aking pangalan.
2 Aking iniunat ang aking mga kamay buong araw sa mapanghimagsik na bayan, na lumalakad sa daang hindi mabuti, ayon sa kanilang sariling mga pagiisip;
3 Bayan na minumungkahi akong palagi ng mukhaan, na naghahain sa mga halamanan, at nagsusunog ng kamangyan sa ibabaw ng mga laryo;
4 Na nauupo sa gitna ng mga libingan, at tumitigil sa mga lihim na dako; na kumakain ng laman ng baboy, at ang sabaw ng mga kasuklamsuklam na mga bagay ay nasa kanilang mga sisidlan;
5 Na nagsasabi, Humiwalay ka, huwag kang lumapit sa akin, sapagka't ako'y lalong banal kay sa iyo. Ang mga ito ay usok sa aking ilong, apoy na nagliliyab buong araw.
6 Narito, nasulat sa harap ko: hindi ako tatahimik, kundi ako'y gaganti, oo, ako'y gaganti sa kanilang sinapupunan,
7 Ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga kasamaan ng inyong mga magulang na magkakasama, sabi ng Panginoon, na mangagsunog ng kamangyan sa mga bundok, at nagsitungayaw sa akin sa mga burol: ay susukatan ko nga ng kanilang unang gawa sa kaniyang sinapupunan.
8 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung paanong nasusumpungan ang bagong alak sa kumpol, at may nagsasabi, Huwag mong sirain, sapagka't iyan ay mapapakinabangan: gayon ang gagawin ko sa ikagagaling ng aking mga lingkod, upang huwag kong malipol silang lahat.
9 At ako'y maglalabas ng lahi na mula sa Jacob, at mula sa Juda ng isang tagapagmana ng aking mga bundok; at mamanahin ng aking pinili, at tatahanan ng aking mga lingkod.
10 At ang Saron ay magiging kulungan ng mga kawan, at ang libis ng Achor ay dakong higaan ng mga bakahan, dahil sa aking bayan na humanap sa akin.
11 Nguni't kayo, na nangagpapabaya sa Panginoon, na nagsisilimot ng aking banal na bundok, na nangaghahanda ng dulang para sa Kapalaran, at pinupuno ang saro ng alak na haluan para sa Kaukulan;
12 Aking iuukol kayo sa tabak, at kayong lahat ay magsisiyuko sa patayan; sapagka't nang ako'y tumawag, kayo'y hindi nagsisagot; nang ako'y magsalita, kayo'y hindi nangakinig; kundi inyong ginawa ang masama sa harap ng aking mga mata, at inyong pinili ang di ko kinaluluguran.
13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ang aking mga lingkod ay magsisikain, nguni't kayo'y mangagugutom; narito, ang aking mga lingkod ay magsisiinom, nguni't kayo'y mangauuhaw; narito, mangagagalak ang aking mga lingkod, nguni't kayo'y mangapapahiya;
14 Narito, ang aking mga lingkod ay magsisiawit dahil sa kagalakan ng puso, nguni't kayo'y magsisidaing dahil sa kapanglawan ng puso, at aangal dahil sa pagkabagbag ng loob.
15 At inyong iiwan ang inyong pangalan na pinakasumpa sa aking mga pinili, at papatayin ka ng Panginoong Dios; at kaniyang tatawagin ang kaniyang mga lingkod ng ibang pangalan:
16 Na anopa't siyang nagpapala sa lupa ay magpapala sa Dios ng katotohanan; at siyang sumusumpa sa lupa ay susumpa sa pangalan ng Dios ng katotohanan; sapagka't ang mga dating kabagabagan ay nalimutan, at sapagka't nangakubli sa aking mga mata.
17 Sapagka't narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit, at ng bagong lupa, at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa isip man.
18 Nguni't kayo'y mangatuwa at mangagalak magpakailan man sa aking nilikha; sapagka't, narito, aking nililikha na kagalakan ang Jerusalem, at kaligayahan ang kaniyang bayan.
19 At ako'y magagalak sa Jerusalem, at maliligaya sa aking bayan; at ang tinig ng iyak ay hindi na maririnig pa sa kaniya, o ang tinig man ng daing.
20 Hindi na magkakaroon mula ngayon ng sanggol na mamamatay, o ng matanda man na hindi nalubos ang kaniyang mga kaarawan; sapagka't ang bata ay mamamatay na may isang daang taong gulang, at ang makasalanan na may isang daang taon ang gulang ay susumpain.
21 At sila'y mangagtatayo ng mga bahay, at ang mga yao'y kanilang tatahanan; at sila'y mangaguubasan, at magsisikain ng bunga niyaon.
22 Sila'y hindi magtatayo, at iba ang tatahan; sila'y hindi magtatanim, at iba ang kakain; sapagka't kung paano ang mga kaarawan ng punong kahoy, ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan, at ang aking mga pinili ay mangagagalak na malaon sa gawa ng kanilang mga kamay.
23 Sila'y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan, sapagka't sila ang lahi ng mga pinagpala ng Panginoon, at ang kanilang mga anak na kasama nila.
24 At mangyayari, na bago sila magsitawag, sasagot ako; at samantalang sila'y nangagsasalita, aking didinggin.
25 Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka; at alabok ang magiging pagkain ng ahas. Sila'y hindi mananakit o magpapahamak man sa aking buong banal na bundok, sabi ng Panginoon.
66 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang langit ay aking luklukan, at ang lupa ay aking tungtungan: anong anyong bahay ang inyong itatayo sa akin? at anong dako ang magiging aking pahingahan?
2 Sapagka't lahat ng mga bagay na ito ay nilikha ng aking kamay, at sa gayo'y nangyari ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng Panginoon: nguni't ang taong ito ay titingnan ko, sa makatuwid baga'y siyang dukha at may pagsisising loob, at nanginginig sa aking salita.
3 Siyang pumapatay ng baka ay gaya ng pumapatay ng tao; siyang naghahain ng kordero ay gaya ng bumabali ng leeg ng aso; siyang naghahandog ng alay ay gaya ng naghahandog ng dugo ng baboy; siyang nagsusunog ng kamangyan ay gaya ng pumupuri sa isang diosdiosan. Oo, sila'y nagsipili ng kanilang sariling mga lakad, at ang kanilang kaluluwa ay nalulugod sa kanilang mga kasuklamsuklam na bagay;
4 Akin namang pipiliin ang kanilang mga kakutyaan, at dadalhan ko sila ng kanilang takot, sapagka't nang ako'y tumawag, walang sumagot; nang ako'y magsalita ay walang nakinig; kundi sila'y nagsigawa ng masama sa harap ng aking mga mata, at pinili ang hindi ko kinaluluguran.
5 Inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, ninyong nanginginig sa kaniyang salita, Ang inyong mga kapatid na nangagtatanim sa inyo na nangagtatakuwil sa inyo dahil sa akin, nangagsabi, Luwalhatiin ang Panginoon, upang makita namin ang inyong kagalakan; nguni't sila'y mangapapahiya.
6 Ang ingay ng kagulo na mula sa bayan, ang tinig na mula sa templo, ang tinig ng Panginoon na naggagawad ng kagantihan sa kaniyang mga kaaway.
7 Bago siya nagdamdam, siya'y nanganak; bago dumating ang kaniyang paghihirap, siya'y nanganak ng isang lalake.
8 Sinong nakarinig ng ganyang bagay? sinong nakakita ng ganyang mga bagay? ipanganganak baga ang lupain sa isang araw? ilalabas bagang paminsan ang isang bansa? sapagka't pagdaramdam ng Sion, ay nanganak ng kaniyang mga anak.
9 Dadalhin ko baga sa kapanganakan, at hindi ko ilalabas? sabi ng Panginoon; magsasara baga ako ng bahay bata, akong nagpapanganak? sabi ng iyong Dios.
10 Kayo'y mangagalak na kasama ng Jerusalem, at mangatuwa dahil sa kaniya, kayong lahat na nagsisiibig sa kaniya: kayo'y mangagalak ng kagalakan na kasama niya, kayong lahat na nagsisitangis dahil sa kaniya:
11 Upang kayo'y makasuso at mabusog sa pamamagitan ng mga suso ng kaniyang mga kaaliwan; upang kayo'y makagatas, at malugod sa kasaganaan ng kaniyang kaluwalhatian.
12 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y maggagawad ng kapayapaan sa kaniya na parang isang ilog, at ang kaluwalhatian ng mga bansa ay parang malaking baha, at inyong sususuhin yaon; kayo'y kikilikin, at lilibangin sa mga tuhod.
13 Kung paanong ang sinoma'y inaaliw ng ina gayon ko aaliwin kayo; at kayo'y mangaaliw sa Jerusalem.
14 At inyong makikita, at magagalak ang inyong puso, at ang inyong mga buto ay giginhawang parang sariwang damo: at ang kamay ng Panginoon ay makikilala sa kaniyang mga lingkod, at siya'y magagalit laban sa kaniyang mga kaaway.
15 Sapagka't, narito, ang Panginoon ay darating na may apoy, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo; upang igawad ang kaniyang galit na may kapusukan, at ang kaniyang saway na may ningas ng apoy.
16 Sapagka't sa pamamagitan ng apoy makikipagpunyagi ang Panginoon, at sa pamamagitan ng kaniyang tabak, sa lahat ng mga tao: at ang mapapatay ng Panginoon ay magiging marami.
17 Silang nangagpapakabanal, at nangagpapakalinis na nagsisiparoon sa mga halamanan, sa likuran ng isa sa gitna, na nagsisikain ng laman ng baboy, at ng kasuklamsuklam, at ng daga; sila'y darating sa isang wakas na magkakasama, sabi ng Panginoon.
18 Sapagka't kilala ko ang kanilang mga gawa at ang kanilang mga pagiisip: ang panahon ay dumarating na aking pipisanin ang lahat na bansa at ang mga may iba't ibang wika; at sila'y magsisiparoon, at mangakikita ang aking kaluwalhatian.
19 At ako'y maglalagay ng tanda sa gitna nila, at aking susuguin ang mga nakatanan sa kanila sa mga bansa, sa Tarsia, Pul, at Lud, na nagsisihawak ng busog, sa Tubal at Javan, sa mga pulong malayo na hindi nangakarinig ng aking kabantugan, o nakakita man ng aking kaluwalhatian; at sila'y mangagpapahayag ng aking kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa.
20 At kanilang dadalhin ang lahat ninyong mga kapatid mula sa lahat na bansa na pinakahandog sa Panginoon, na nasasakay sa mga kabayo, at sa mga karo, at sa mga duyan, at sa mga mula, at sa mga maliksing hayop, sa aking banal na bundok na Jerusalem, sabi ng Panginoon, gaya ng pagdadala ng mga anak ni Israel ng kanilang handog sa malinis na sisidlan sa bahay ng Panginoon.
21 At sa kanila rin naman ako kukuha ng mga pinaka saserdote at mga pinaka Levita, sabi ng Panginoon.
22 Sapagka't kung paanong ang mga bagong langit at ang bagong lupa, na aking lilikhain ay mananatili sa harap ko, sabi ng Panginoon, gayon mananatili ang inyong lahi, at ang inyong pangalan.
23 At mangyayari, na mula sa bagong buwan hanggang sa panibago, at mula sa isang sabbath hanggang sa panibago, paroroon ang lahat na tao upang sumamba sa harap ko, sabi ng Panginoon.
24 At sila'y magsisilabas, at magsisitingin sa mga bangkay ng mga taong nagsisalangsang laban sa akin: sapagka't ang kanilang uod ay hindi mamamatay, o mamamatay man ang kanilang apoy; at sila'y magiging kayamutan sa lahat ng mga tao.
Public Domain