Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
1 Mga Hari 20-21

Ang digma ni Ben-adad laban kay Achab.

20 At pinisan ni (A)Ben-adad na hari sa Siria ang buong hukbo niya: at may tatlong pu't dalawang hari na kasama siya, at mga kabayo, at mga karo: at siya'y umahon at kinubkob ang (B)Samaria, at nilabanan yaon.

At siya'y nagsugo ng mga sugo kay Achab na hari sa Israel, sa loob ng bayan, at sinabi niya sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ben-adad,

Ang iyong pilak at ang iyong ginto ay akin: pati ng iyong mga asawa at ng iyong mga anak, ang mga pinaka mahusay, ay akin.

At ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, Ayon sa iyong sabi, panginoon ko, Oh hari; ako'y iyo, at lahat ng aking tinatangkilik.

At ang mga sugo ay bumalik, at nagsabi, Ganito ang sinasalita ni Ben-adad na sinasabi, Ako'y tunay na nagsugo sa iyo, na nagpapasabi, Iyong ibibigay sa akin ang iyong pilak, at ang iyong ginto, at ang iyong mga asawa, at ang iyong mga anak;

Nguni't susuguin ko sa iyo kinabukasan ang aking mga lingkod; sa may ganitong panahon, at kanilang sasaliksikin ang iyong bahay, at ang mga bahay ng iyong mga lingkod, at mangyayari, na anomang maligaya sa harap ng iyong mga mata ay hahawakan nila ng kanilang kamay, at dadalhin.

Nang magkagayo'y tinawag ng hari ng Israel ang lahat na matanda sa lupain, at sinabi, (C)Isinasamo ko sa inyo na inyong tandaan at tingnan kung paanong ang taong ito'y humahanap ng pakikipagkaalit: sapagka't kaniyang ipinagbilin ang aking mga asawa, at aking mga anak, at aking pilak, at aking ginto; at hindi ko ipinahindi sa kaniya.

At sinabi sa kaniya ng lahat na matanda at ng buong bayan, Huwag mong dinggin, o tulutan man.

Kaya't kaniyang sinabi sa mga sugo ni Ben-adad, Saysayin ninyo sa aking panginoon na hari, Ang lahat na iyong ipinasugo sa iyong lingkod ng una ay aking gagawin: nguni't ang bagay na ito ay hindi ko magagawa. At ang mga sugo ay nagsialis at nagsipagbalik ng salita sa kaniya.

10 At si Ben-adad ay nagsugo sa kaniya, at nagsabi, (D)Gawing gayon ng mga dios sa akin, at lalo na (E)kung ang alabok sa Samaria ay magiging sukat na dakutin ng buong bayan na sumusunod sa akin.

11 At ang hari sa Israel ay sumagot, at nagsabi, Saysayin ninyo sa kaniya na huwag maghambog ang nagbibigkis ng sakbat na gaya ng naghuhubad.

12 At nangyari, nang marinig ni Ben-adad ang pasugong ito, sa paraang siya'y umiinom, siya, at ang mga hari sa mga kulandong, na kaniyang sinabi sa kaniyang mga lingkod, Magsihanay kayo. At sila'y nagsihanay laban sa bayan.

13 At, narito, isang propeta ay lumapit kay Achab na hari sa Israel, at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Nakita mo ba ang lubhang karamihang ito? narito, aking ibibigay sa iyong kamay sa araw na ito; at iyong (F)makikilala na ako ang Panginoon.

14 At sinabi ni Achab, Sa pamamagitan nino? At kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan. Nang magkagayo'y sinabi niya, Sino ang magpapasimula ng pagbabaka? At siya'y sumagot, Ikaw.

15 Nang magkagayo'y kaniyang hinusay ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at sila'y dalawang daan at tatlong pu't dalawa; at pagkatapos ay kaniyang pinisan ang buong bayan, ang lahat ng mga anak ni Israel, na may pitong libo.

Ang mga taga Siria ay tinalo.

16 At sila'y nagsialis ng katanghaliang tapat. Nguni't si Ben-adad ay umiinom na lango sa mga kulandong, siya, at ang mga hari, na tatlong pu't dalawang hari na nagsisitulong sa kaniya.

17 At ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan ay nagsilabas na una; at si Ben-adad ay nagsugo, at isinaysay nila sa kaniya, na sinabi, May mga taong nagsilabas na mula sa Samaria.

18 At kaniyang sinabi, Maging sila'y magsilabas sa ikapapayapa, ay hulihin ninyong buháy; o maging sila'y magsilabas sa pakikidigma, ay hulihin ninyong buháy.

19 Sa gayo'y ang mga ito ay lumabas sa bayan, ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at ang hukbong sumusunod sa kanila.

20 At pinatay ng bawa't isa ang kanikaniyang kalabang lalake; at ang mga taga Siria ay nagsitakas, at hinabol sila ng Israel; at si Ben-adad na hari sa Siria ay tumakas na nakasakay sa isang kabayo na kasama ng mga mangangabayo.

21 At ang hari sa Israel ay lumabas, at sinaktan ang mga kabayo at mga karo, at pinatay ang mga taga Siria ng malaking pagpatay.

Si Ben-adad ay tinalo, nguni't binayaang tumanan.

22 At (G)ang propeta ay lumapit sa hari sa Israel, at nagsabi sa kaniya, Ikaw ay yumaon, magpakalakas ka, at iyong tandaan, at tingnan mo kung ano ang iyong ginagawa; sapagka't (H)sa pagpihit ng taon ay aahon ang hari sa Siria laban sa iyo.

23 At sinabi ng mga lingkod ng hari sa Siria sa kaniya, Ang kanilang dios ay dios sa mga burol; kaya't sila'y nagsipanaig sa atin: nguni't magsilaban tayo laban sa kanila sa kapatagan, at walang pagsalang tayo'y magiging lalong malakas kay sa kanila.

24 At gawin mo ang bagay na ito; alisin mo ang mga hari sa kanikaniyang kalagayan, at maglagay ka ng mga punong kawal na kahalili nila:

25 At bumilang ka sa iyo ng isang hukbo, na gaya ng hukbo na iyong ipinahamak, kabayo kung kabayo, at karo kung karo: at tayo'y magsisilaban sa kanila sa kapatagan, at walang pagsalang tayo'y magiging lalong malakas kay sa kanila. At kaniyang dininig ang kanilang tinig at ginawang gayon.

26 At nangyari, sa pagpihit ng taon, na hinusay ni Ben-adad ang mga taga Siria at umahon sa (I)Aphec upang lumaban sa Israel.

27 At ang mga anak ng Israel ay nangaghusay rin, at nangagbaon, at nagsiyaon laban sa kanila: at ang mga anak ng Israel ay humantong sa harap nila na wari dalawang munting kawang anak ng kambing; nguni't linaganapan ng mga taga Siria ang lupain.

28 At isang lalake ng Dios ay lumapit at nagsalita sa hari ng Israel at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, (J)Sapagka't sinabi ng mga taga Siria, Ang Panginoon ay dios sa mga burol, nguni't hindi siya dios sa mga libis: kaya't (K)aking ibibigay ang buong malaking karamihang ito sa iyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

29 At sila'y humantong na ang isa ay tapat sa isa na pitong araw. At nagkagayon, nang sa ikapitong araw, ay sinimulan ang pagbabaka; at ang mga anak ni Israel ay nagsipatay sa mga taga Siria ng isang daang libong nangaglalakad sa isang araw.

30 Nguni't ang nangatira ay nagsitakas sa Aphec sa loob ng bayan; at ang kuta ay nabuwal sa dalawang pu't pitong libong lalake na nangatira. At si Ben-adad ay tumakas at pumasok sa bayan, sa isang silid na pinakaloob.

31 At sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya, Narito, ngayon, aming narinig na ang mga hari sa sangbahayan ng Israel ay maawaing mga hari: isinasamo namin sa iyo na kami ay papagbigkisin ng (L)magaspang na kayo sa aming mga balakang, at mga lubid sa aming mga leeg at labasin namin ang hari ng Israel: marahil, kaniyang ililigtas ang iyong buhay.

32 Sa gayo'y nagsipagbigkis sila ng magaspang na kayo sa kanilang mga balakang, at mga lubid sa kanilang mga leeg, at nagsiparoon sa hari ng Israel, at nagsipagsabi, Sinasabi ng iyong lingkod na si Ben-adad, Isinasamo ko sa iyo, na tulutan mong ako'y mabuhay. At sinabi niya, Siya ba'y buhay pa? siya'y aking kapatid.

33 Minatyagan ngang maingat ng mga lalake, at nagsipagmadaling hinuli kung sa ano nandoon ang kaniyang pagiisip: at kanilang sinabi, Ang iyong kapatid na si Ben-adad. Nang magkagayo'y sinabi niya, Kayo'y magsiyaon, dalhin ninyo siya sa akin. Nang magkagayo'y nilabas siya ni Ben-adad; at kaniyang pinasampa sa karo.

34 At sinabi ni Ben-adad sa kaniya, (M)Ang mga bayan na sinakop ng aking ama sa iyong ama ay aking isasauli; at ikaw ay gagawa sa ganang iyo ng mga lansangan sa (N)Damasco, gaya ng ginawa ng aking ama sa Samaria. At ako, sabi ni Achab, payayaunin kita sa tipang ito. Sa gayo'y nakipagtipan siya sa kaniya, at pinayaon niya siya.

Si Achab ay pinagsalitaan ng propeta.

35 At isang lalake sa (O)mga anak ng mga propeta ay nagsabi sa kaniyang kasama (P)sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, Isinasamo ko sa iyo na saktan mo ako. At tumanggi ang lalake na saktan niya.

36 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniya, Sapagka't hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, narito, pagkahiwalay mo sa akin, ay papatayin ka ng isang leon. At pagkahiwalay niya sa kaniya, ay (Q)nasumpungan siya ng isang leon, at pinatay siya.

37 Nang magkagayo'y nakasumpong siya ng isang lalake, at nagsabi, Isinasamo ko sa iyo na saktan mo ako. At sinaktan siya ng lalake, na sinaktan at sinugatan siya.

38 Sa gayo'y umalis ang propeta at hinintay ang hari sa daan, at nagpakunwari na may isang piring sa kaniyang mga mata.

39 At pagdadaan ng hari ay kaniyang sinigawan ang hari: at kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay lumabas sa gitna ng pagbabaka; at, narito, isang lalake ay lumihis, at nagdala ng isang lalake sa akin, at nagsabi, Ingatan mo ang lalaking ito: kung sa anomang paraan ay makatanan siya, ang iyo ngang buhay ang mapapalit sa kaniyang buhay, o (R)magbabayad ka kaya ng isang talentong pilak.

40 At sa paraang ang iyong lingkod ay may ginagawa rito at doon, siya'y nakaalis. At sinabi ng hari ng Israel sa kaniya, Magiging ganyan ang iyong kahatulan: ikaw rin ang magpasiya.

41 At siya'y nagmadali, at inalis niya ang piring sa kaniyang mga mata; at nakilala siya ng hari ng Israel na siya'y isa sa mga propeta.

42 At sinabi niya sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sapagka't iyong pinabayaang makatanan sa iyong kamay ang lalake na aking itinalaga sa kamatayan, ang iyo ngang buhay ay papanaw na kapalit ng kaniyang buhay, at ang iyong bayan ng kaniyang bayan.

43 At ang hari ng Israel ay umuwi sa kaniyang bahay na yamot at lunos at, naparoon sa Samaria.

Inibig ni Achab para sa kaniya ang ubasan ni Naboth.

21 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na si Naboth na Jezreelita ay mayroong isang ubasan na nasa (S)Jezreel, na malapit sa bahay ni Achab na hari ng Samaria.

At sinalita ni Achab kay Naboth, na sinabi, (T)Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, upang aking tangkilikin na pinaka halamanang pananim, sapagka't malapit sa aking bahay; at aking ipapalit sa iyo na kahalili niyaon ang isang mainam na ubasan kay sa roon; o kung inaakala mong mabuti, aking ibibigay sa iyo ang halaga niyaon na salapi.

At sinabi ni Naboth kay Achab, Huwag itulot ng Panginoon sa akin, na (U)aking ibigay ang mana sa aking mga magulang sa iyo.

At pumasok si Achab sa kaniyang bahay na yamot at lunos dahil sa salita na sinalita ni Naboth na Jezreelita sa kaniya: sapagka't kaniyang sinabi, Hindi ko ibibigay sa iyo ang mana sa aking mga magulang. At siya'y nahiga sa kaniyang higaan, at ipinihit ang kaniyang mukha, at ayaw kumain ng tinapay.

Nguni't si Jezabel na kaniyang asawa ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Bakit ang iyong diwa ay totoong malungkot na hindi ka kumakain ng tinapay?

At sinabi niya sa kaniya, Sapagka't nagsalita ako kay Naboth na Jezreelita, at nagsabi sa kaniya, Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan sa kahalagahang salapi; o kung dili, kung iyong minamabuti, papalitan ko sa iyo ng ibang ubasan: at siya'y sumagot, Hindi ko ibibigay sa iyo ang aking ubasan.

At sinabi ni Jezabel na kaniyang asawa sa kaniya, Ikaw ba ngayon ang namamahala sa kaharian ng Israel? ikaw ay bumangon, at kumain ng tinapay, at pasayahin mo ang iyong puso: aking ibibigay sa iyo ang ubasan ni Naboth na Jezreelita.

Sa gayo'y sumulat siya ng mga sulat (V)sa pangalan ni Achab, at pinagtatakan ng kaniyang tatak; at ipinadala ang mga sulat sa mga (W)matanda at sa mga maginoo na nangasa kaniyang bayan, at nagsisitahang kasama ni Naboth.

At kaniyang isinulat sa mga sulat, na sinasabi, Mangagtanyag kayo ng isang ayuno at ilagay ninyo si Naboth sa pangulo na kasamahan ng bayan:

10 At lumagay ang dalawang lalake na mga (X)hamak na tao sa harap niya, at mangagsisaksi laban sa kaniya, na magsipagsabi, Ikaw ay (Y)namusong sa Dios at sa hari. At ilabas nga siya, at batuhin siya, upang siya'y mamatay.

Pinatay si Naboth.

11 At ginawa ng mga tao sa kaniyang bayan, sa makatuwid baga'y ng mga matanda at ng mga maginoo na nagsisitahan sa kaniyang bayan, kung ano ang ipinagutos ni Jezabel sa kanila, ayon sa nangasusulat sa mga sulat na kaniyang ipinadala sa kanila.

12 Sila'y nangagtanyag ng isang ayuno, at inilagay si Naboth sa pangulo na kasamahan ng bayan.

13 At ang dalawang lalake na mga hamak na tao ay nagsipasok at nagsiupo sa harap niya: at ang mga lalake na hamak ay nagsisaksi laban sa kaniya, sa makatuwid baga'y laban kay Naboth sa harap ng bayan, na nagsisipagsabi, Si Naboth ay namusong sa Dios at sa hari. Nang magkagayo'y inilabas nila sa bayan, at binato nila siya ng mga bato, na anopa't siya'y namatay.

14 Nang magkagayo'y sila'y nagsipagsugo kay Jezabel, na nagsisipagsabi, Si Naboth ay pinagbatuhanan, at patay.

15 At nangyari, nang mabalitaan ni Jezabel na si Naboth ay pinagbatuhanan, at patay, na sinabi ni Jezabel kay Achab, Ikaw ay bumangon, ariin mo ang ubasan ni Naboth, na Jezreelita na kaniyang ipinagkait na ibigay sa iyo sa halaga ng salapi: sapagka't si Naboth ay hindi buháy, kundi patay.

16 At nangyari, nang mabalitaan ni Achab na patay si Naboth, na bumangon si Achab na bumaba sa ubasan ni Naboth na Jezreelita, upang ariin.

17 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na (Z)Thisbita, na nagsabi,

18 Bumangon ka, panaugin mong salubungin si Achab na hari ng Israel, na tumatahan sa (AA)Samaria: narito, siya'y nasa ubasan ni Naboth na kaniyang pinapanaog upang ariin.

19 At iyong sasalitain sa kaniya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyo bang pinatay at iyo rin namang inari? at iyong sasalitain sa kaniya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, (AB)Sa dakong pinaghimuran ng mga aso ng dugo ni Naboth ay hihimuran ng mga aso ang iyong dugo, sa makatuwid baga'y ang iyong dugo.

20 At sinabi ni Achab kay Elias, Nasumpungan mo ba ako, Oh aking kaaway? At sumagot siya, Nasumpungan kita: sapagka't (AC)ikaw ay napabili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.

21 Narito, aking dadalhan ng kasamaan ka, at (AD)aking lubos na papalisin ka, at aking ihihiwalay kay Achab ang bawa't anak na lalake, at ang nakukulong at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel.

22 At aking gagawin ang iyong sangbahayan na gaya ng sangbahayan ni (AE)Jeroboam na anak ni Nabat, at gaya ng sangbahayan ni (AF)Baasa na anak ni Ahia, dahil sa pamumungkahi na iyong iminungkahi sa akin sa galit, at (AG)iyong pinapagkasala ang Israel.

23 (AH)At tungkol kay Jezabel ay nagsalita naman ang Panginoon, na nagsabi, Lalapain ng mga aso si Jezabel sa tabi ng kuta ng Jezreel.

24 (AI)Ang mamatay kay Achab sa bayan ay lalapain ng mga aso; at ang mamatay sa parang ay tutukain ng mga ibon sa himpapawid.

25 (Nguni't (AJ)walang gaya ni Achab na nagbili ng kaniyang sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, na hinikayat ni Jezabel na kaniyang asawa.

26 At siya'y gumawa ng totoong karumaldumal sa pagsunod sa mga diosdiosan, ayon sa lahat na (AK)ginawa ng mga Amorrheo, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.)

27 At nangyari, nang marinig ni Achab ang mga salitang yaon, na kaniyang hinapak ang (AL)kaniyang mga damit, at (AM)nagsuot ng kayong magaspang sa kaniyang katawan, at (AN)nagayuno, at nahiga sa kayong magaspang, at lumakad ng marahan.

28 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Thisbita, na sinabi,

29 Nakita mo ba kung paanong si Achab ay nagpakababa sa harap ko? sapagka't siya'y nagpakababa sa harap ko, hindi ko dadalhin ang kasamaan sa kaniyang mga kaarawan: (AO)kundi sa mga kaarawan ng kaniyang anak dadalhin ko ang kasamaan sa kaniyang sangbahayan.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978