Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
2 Cronica 6-7

Ang talumpati ni Salomon sa mga tao.

Nang magkagayo'y nagsalita si Salomon, (A)Ang Panginoo'y nagsabi na siya'y tatahan sa salimuot na kadiliman,

Nguni't ipinagtayo kita ng isang bahay na tahanan, at isang dako na ukol sa iyo na tahanan magpakailan man.

At ipinihit ng hari ang kaniyang mukha, at binasbasan ang buong kapisanan ng Israel: at ang buong kapisanan ng Israel ay tumayo.

At kaniyang sinabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsalita ng kaniyang bibig kay David na aking ama, at tinupad ng kaniyang mga kamay, na sinasabi,

Mula sa araw na aking ilabas ang aking bayan mula sa lupain ng Egipto, hindi ako pumili ng siyudad mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; o pumili man ako ng sinomang lalake upang maging pangulo sa aking bayang Israel:

(B)Kundi aking pinili ang Jerusalem upang ang aking pangalan ay dumoon; aking pinili si David upang mamahala sa aking bayang Israel.

Nasa puso nga ni David na aking ama ang ipagtayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.

Nguni't sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, Yamang nasa iyong puso ang ipagtayo ng isang bahay ang aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na inakala mo sa iyong puso;

Gayon ma'y hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang iyong anak na lalabas sa iyong mga balakang ay siyang magtatayo ng bahay na ukol sa aking pangalan.

10 At tinupad ng Panginoon ang kaniyang salita na kaniyang sinalita; sapagka't ako'y bumangon na kahalili ni David na aking ama, at umupo sa luklukan ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay na ukol sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel.

11 At doo'y aking inilagay ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa mga anak ni Israel.

Ang panalangin ng pagtatalaga.

12 At siya'y tumayo sa harap ng dambana ng Panginoon sa harapan ng buong kapisanan ng Israel, at iniunat ang kaniyang mga kamay

13 (Sapagka't gumawa si Salomon ng isang (C)tungtungang tanso, na may limang siko ang haba, at limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas, at inilagay sa gitna ng looban; at sa ibabaw niyao'y tumayo siya, at lumuhod ng kaniyang mga tuhod sa harap ng buong kapisanan ng Israel, at iginawad ang kaniyang mga kamay sa dakong langit:)

14 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon ang Dios ng Israel, walang Dios na gaya mo, sa langit o sa lupa; na nagiingat ng tipan at ng kaawaan sa iyong mga lingkod, na nagsisilakad sa harap mo ng kanilang buong puso:

15 Na siyang tumupad sa iyong lingkod na kay David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kaniya: oo, ikaw ay nagsalita ng iyong bibig, at tinupad mo ng iyong kamay, gaya sa araw na ito.

16 Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na kay David na aking ama ang iyong ipinangako sa kaniya, na iyong sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa aking paningin na uupo sa luklukan ng Israel; kung ang iyong mga anak lamang ay magsisipagingat ng kanilang lakad, na magsisilakad sa aking kautusan, gaya ng inilakad mo sa harap ko.

17 Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, papangyarihin mo ang iyong salita na iyong sinalita sa iyong lingkod na kay David.

18 Nguni't katotohanan bang ang Dios ay tatahang kasama ng mga tao sa lupa? narito, sa langit, at sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa nga sa bahay na ito na aking itinayo!

19 Gayon ma'y iyong pakundanganan ang dalangin ng iyong lingkod, at ang kaniyang samo, Oh Panginoon kong Dios, na dinggin ang daing at ang dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harap mo:

20 Na anopa't ang iyong mga mata ay idilat sa dako ng bahay na ito araw at gabi, sa makatuwid baga'y sa gawi ng dakong iyong pinagsabihan na iyong ilalagay ang iyong pangalan doon: upang dinggin ang dalangin na idadalangin ng iyong lingkod (D)sa dakong ito.

21 At dinggin mo ang mga samo ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka sila'y dadalangin sa gawi ng dakong ito: oo, dinggin mo mula sa iyong tahanang dako, sa makatuwid baga'y mula sa langit; at pagka iyong narinig ay patawarin mo.

22 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kaniyang kapuwa, at papanumpain siya upang siya'y sumumpa, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito:

23 Dinggin mo nga sa langit, at iyong gawin, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang masama, upang iyong dalhin ang kaniyang lakad sa kaniyang sariling ulo: at patotohanan ang matuwid, upang bigyan siya ng ayon sa kaniyang katuwiran.

24 At kung ang iyong bayang Israel ay masaktan sa harap ng kaaway, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, at magbabalik-loob, at kikilalanin ang iyong pangalan, at mananalangin at mamamanhik sa harap mo sa bahay na ito:

25 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga magulang.

26 Pagka ang langit ay nasarhan, (E)at walang ulan, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo: kung sila'y dumalangin sa gawi ng dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikdan ang kanilang kasalanan, pagka iyong pinagdadalamhati sila:

27 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang kasalanan ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na kanilang lalakaran; at hulugan mo ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan na pinakamana.

28 Kung magkaroon ng kagutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng pagkalanta o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa lupain ng kanilang mga bayan; anomang salot o anomang sakit na magkaroon;

29 Anomang dalangin at samo na gawin ng sinomang tao, o ng iyong buong bayang Israel, pagka makikilala ng bawa't isa ang kaniyang sariling salot at ang kaniyang sariling sakit, at igagawad ang kaniyang mga kamay sa dako ng bahay na ito:

30 Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at iyong ipatawad, at gantihin mo ang bawa't tao, ng ayon sa lahat niyang mga lakad, na ang puso ay iyong natataho: (sapagka't ikaw, sa makatuwid baga'y ikaw lamang, ang nakatataho ng mga puso ng mga anak ng mga tao;)

31 Upang sila'y mangatakot sa iyo, upang magsilakad sa iyong mga daan, samantalang sila'y nangabubuhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga magulang.

32 Bukod dito'y tungkol sa taga ibang lupa, (F)na hindi sa iyong bayang Israel, pagka siya'y magbubuhat sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig; pagka sila'y magsisiparito at magsisidalangin sa dako ng bahay na ito:

33 Dinggin mo nga sa langit, sa makatuwid baga'y sa iyong tahanang dako, at gawin mo ang ayon sa lahat na itawag sa iyo ng taga ibang lupa; upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, at mangatakot sa iyo, na gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.

34 Kung ang iyong bayan ay lumabas sa pakikipagbaka laban sa kanilang mga kaaway, saan mo man sila suguin, at manalangin sa iyo sa dako ng bayang ito na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:

35 Dinggin mo nga sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang samo, at alalayan mo ang kanilang usap.

36 Kung sila'y magkasala laban sa iyo, (sapagka't walang tao na di nagkakasala,) at ikaw ay magalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, na anopa't sila'y dalhing bihag sa isang lupaing malayo o malapit;

37 Gayon ma'y kung sila'y magbulay sa kanilang sarili sa lupain na pagdadalhang bihag sa kanila, at magbalik-loob, at sumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sasabihin, Kami ay nangagkasala, kami ay nagsigawa ng kalikuan, at nagsigawa ng kasamaan;

38 Kung sila'y nangagbalik-loob sa iyo ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang pagkabihag, saan man sila dalhing bihag, at manalangin sa dako ng kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga magulang, at ng bayan na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:

39 Dinggin mo nga sa langit, sa makatuwid baga'y sa iyong tahanang dako, ang kanilang dalangin at ang kanilang mga pamanhik, at alalayan mo ang kanilang usap; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo.

40 Ngayon, Oh Dios ko, isinasamo ko sa iyo na iyong idilat ang iyong mga mata, at pakinggan ng iyong mga pakinig ang dalangin na gawin sa dakong ito.

41 (G)Ngayon nga'y bumangon ka, Oh Panginoong Dios, sa (H)iyong pahingahang dako, ikaw, at ang kaban ng iyong kalakasan: suutan mo ng kaligtasan, Oh Panginoong Dios, ang iyong mga saserdote, at ang iyong mga banal ay mangagalak sa kabutihan.

42 Oh Panginoon, Dios, (I)huwag mong papihitin ang mukha ng iyong pinahiran ng langis: (J)alalahanin mo ang iyong mga kaawaan kay David na iyong lingkod.

Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay suma buong templo.

Nang (K)makatapos nga ng pananalangin si Salomon, ang (L)apoy ay lumagpak mula sa langit, at sinupok ang handog na susunugin at ang mga hain; (M)at napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.

At ang mga saserdote ay hindi mangakapasok sa bahay ng Panginoon, sapagka't napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.

At ang lahat na mga anak ni Israel ay nagsitingin, nang ang apoy ay lumagpak, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nasa bahay; at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa pabimento, at nagsisamba, at nangagpasalamat sa Panginoon, na nagsisipagsabi, Sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.

Nagsunog ng mga handog.

(N)Nang magkagayo'y ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng hain sa harap ng Panginoon.

At ang haring Salomon ay naghandog ng hain sa dalawangpu't dalawang libong baka, at isang daan at dalawangpung libong tupa. Gayon ang hari at ang buong bayan ay nagtalaga sa bahay ng Dios.

At ang mga saserdote ay nagsitayo ayon sa kanilang mga katungkulan; gayon din ang mga Levita na may mga panugtog ng tugtugin ng Panginoon, na ginawa ni David na hari na ipinagpasalamat sa Panginoon, (sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man), nang si David ay dumalangin sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa: at ang mga saserdote ay nangagpatunog ng mga pakakak sa harap nila, at ang buong Israel ay tumayo.

Bukod dito'y itinalaga ni Salomon ang gitna ng looban na nasa harap ng bahay ng Panginoon; sapagka't doon niya inihandog ang mga handog na susunugin, at ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, sapagka't ang tansong dambana na ginawa ni Salomon ay hindi makakaya sa handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa taba.

Ang pista ng pagtatalaga.

Sa gayo'y ipinagdiwang ang kapistahan nang panahong yaon na pitong araw, ni Salomon, at ng buong Israel na kasama niya, ng totoong malaking kapisanan, mula sa pasukan sa Hamath (O)hanggang sa batis ng Egipto.

At sa ikawalong araw ay nagsipagdiwang sila ng dakilang kapulungan: (P)sapagka't kanilang iningatan ang pagtatalaga sa dambana na pitong araw, at ang kapistahan ay pitong araw.

10 At sa ikadalawangpu't tatlong araw ng ikapitong buwan, ay kaniyang pinauwi ang bayan sa kanilang mga tolda, na galak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David, at kay Salomon, at sa Israel na kaniyang bayan.

11 (Q)Ganito tinapos ni Salomon ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari: at lahat na isinaloob ni Salomon gawin sa bahay ng Panginoon, at sa kaniyang sariling bahay, ay nagkawakas ng mabuti.

12 At ang Panginoon ay napakita kay Salomon sa gabi, at sinabi sa kaniya, Aking narinig ang iyong dalangin, (R)at pinili ko ang dakong ito sa aking sarili na pinakabahay na hainan.

13 Kung aking sarhan ang langit na anopa't huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang na lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;

14 Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; (S)akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.

15 Ngayo'y ang aking mga mata ay didilat, at ang aking pakinig ay makikinig, sa dalangin na gagawin sa dakong ito.

16 Sapagka't ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito, upang ang aking pangalan ay dumoon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.

17 At tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng inilakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan;

18 Akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian ayon sa aking itinipan kay David na iyong ama, na sinasabi, (T)Hindi magkukulang sa iyo ng lalake na magpupuno sa Israel.

Pangako at babala ng Panginoon.

19 Nguni't kung kayo ay magsisihiwalay, at iiwan ninyo ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harap ninyo, at magsisiyaon at magsisipaglingkod sa ibang mga dios, at magsisisamba sa kanila:

20 Akin ngang bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan, at iwawaksi ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan, at isang kakutyaan sa gitna ng lahat ng mga bayan.

21 At ang bahay na ito na totoong mataas, bawa't magdaan sa kaniya'y magtataka, at magsasabi, Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?

22 At sila'y magsisisagot, Sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang na naglabas sa kanila sa lupain ng Egipto, at nanghawak sa ibang mga dios at sinamba nila, at pinaglingkuran nila: kaya't kaniyang dinala ang lahat na kasamaang ito sa kanila.

Mga Awit 136

Pasalamat dahil sa kagandahang-loob ng Panginoon sa Israel.

136 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; (A)sapagka't siya'y mabuti:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
(B)Oh mangagpasalamat kayo sa Dios ng mga dios:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
Sa kaniya na (C)gumagawang magisa ng mga dakilang kababalaghan:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
(D)Sa kaniya na gumawa ng mga langit sa pamamagitan ng unawa:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
(E)Sa kaniya na naglalatag ng lupa sa ibabaw ng tubig:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
(F)Sa kaniya na gumawa ng mga dakilang tanglaw;
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
Ng araw upang magpuno sa araw:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
Ng buwan at mga bituin upang magpuno sa gabi:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
10 (G)Sa kaniya na sumakit sa Egipto sa kanilang mga panganay:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
11 (H)At kinuha ang Israel sa kanila: Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
12 (I)Sa pamamagitan ng malakas na kamay, at ng unat na bisig:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
13 (J)Sa kaniya na humawi ng Dagat na Mapula:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
14 At nagparaan sa Israel sa gitna niyaon:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
15 (K)Nguni't tinabunan si Faraon at ang kaniyang hukbo sa Dagat na Mapula:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
16 (L)Sa kaniya na pumatnubay ng kaniyang bayan sa ilang:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
17 (M)Sa kaniya na sumakit sa mga dakilang hari:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
18 (N)At pumatay sa mga bantog na hari:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
19 (O)Kay Sehon na hari ng mga Amorrheo;
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
20 (P)At kay Og na hari sa Basan:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
21 (Q)At ibinigay ang kanilang lupain na pinakamana.
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
22 Sa makatuwid baga'y pinakamana sa Israel na (R)kaniyang lingkod:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
23 (S)Na siyang umalaala sa atin sa ating mababang kalagayan:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
24 At iniligtas tayo sa ating mga kaaway:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
25 (T)Siya'y nagbibigay ng pagkain sa lahat ng kinapal:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
26 Oh mangagpasalamat kayo sa Dios ng langit:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978