Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 32:20 - Deuteronomio 7:26

20 Sumagot si Moises, “Kung talagang gagawin ninyo iyan, ngayon mismo sa harapan ni Yahweh ay humanda na kayo sa pakikipaglaban. 21 Ang lahat ninyong mandirigma ay tatawid sa Jordan at sa pamumuno ni Yahweh ay sasalakayin nila ang mga kaaway hanggang malipol silang lahat ni Yahweh 22 at masakop ang buong lupain. Kapag nagampanan na ninyo ang inyong tungkulin sa kanya at sa buong Israel, makakauwi na kayo. Pagkatapos, tunay ngang ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito na nasa silangan ng Jordan. 23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang inyong sinabi, magkakasala kayo laban kay Yahweh. At ito ang tandaan ninyo: tiyak na pagbabayaran ninyo ang inyong kasalanan. 24 Sige, igawa na ninyo ng tirahan ang inyong mga pamilya at ng kulungan ang inyong mga tupa. Subalit huwag na huwag ninyong kalilimutan ang inyong pangako.”

25 Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben kay Moises, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ninyo sa amin. 26 Ang aming mga anak, asawa at mga hayop ay iiwan namin dito sa Gilead. 27 At kaming mga lingkod ninyo, lahat kaming maaaring makipaglaban ay tatawid ng Jordan sa pamumuno ni Yahweh at makikipaglaban gaya ng inyong ipinag-uutos.”

28 Kaya't(A) ipinagbilin ni Moises kay Eleazar, kay Josue, at sa mga pinuno ng mga angkan at mga lipi ng Israel, 29 “Kapag ang mga anak nina Gad at Ruben na handang makipaglaban sa ilalim ng pamumuno ni Yahweh ay tumawid ng Jordan at tumulong sa inyo sa pagsakop sa lupaing titirhan ninyo, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead. 30 Ngunit kapag hindi sila tumawid ng Jordan at hindi nakipaglabang kasama ninyo, sa Canaan din sila maninirahang kasama ninyo.”

31 Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ni Yahweh. 32 Sa pamumuno niya'y tatawid kami ng Jordan at makikipaglaban upang manatiling sa amin ang lupaing nasa silangan ng Jordan.”

33 At ibinigay nga ni Moises sa mga lipi ni Gad, Ruben at sa kalahati ng lipi ni Manases ang mga kaharian ni Haring Sihon ng mga Amoreo, at Haring Og ng Bashan. 34 Itinayong muli ng lipi ni Gad ang Dibon, Atarot, Aroer, 35 Atarot-sofan, Jazer, Jogbeha, 36 Beth-nimra at Beth-haran. Ang mga lunsod na ito'y pinaligiran nila ng pader at nilagyan ng mga kulungan ng kanilang mga hayop. 37 Itinayo naman ng lipi ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim, 38 Nebo,(B) Baal-meon (ang mga ito'y pinalitan nila ng pangalan) at Sibma. Binigyan nila ng bagong pangalan ang mga lunsod na muli nilang itinayo.

39 Ang Gilead ay sinakop naman ng mga anak ni Maquir, buhat sa lipi ni Manases; itinaboy nila ang mga Amoreo rito. 40 Ang lugar na iyo'y ibinigay ni Moises sa kanila at doon sila nanirahan. 41 Ang mga nayon sa paligid ng Ham ay sinakop ni Jair na anak din ni Manases; tinawag niya itong “Mga Nayon ni Jair.” 42 Ang Kenat at ang sakop nito ay sinakop naman ni Noba na anak din ni Manases. Tinawag niya itong Noba, ayon sa kanyang pangalan.

Ang Paglalakbay ng Israel

33 Ito ang mga yugto ng paglalakbay ng Israel mula sa Egipto, ayon sa kani-kanilang pangkat, sa pangunguna nina Moises at Aaron. Ayon sa utos ni Yahweh, itinala ni Moises ang bawat yugto ng kanilang paglalakbay buhat sa simula.

Umalis ang mga Israelita sa Rameses nang ika-15 araw ng unang buwan, kinabukasan ng Paskwa. Taas-noo silang umalis ng Egipto, kitang-kita ng mga Egipcio habang ang mga ito'y abalang-abala sa paglilibing sa kanilang mga panganay na pinatay ni Yahweh. Ipinakita ni Yahweh na siya'y mas makapangyarihan kaysa mga diyos ng Egipto.

Mula sa Rameses, nagkampo sila sa Sucot. Mula sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, sa may gilid ng ilang. Mula sa Etam, nagbalik sila sa Pi Hahirot, silangan ng Baal-zefon, at nagkampo sa tapat ng Migdol. Pag-alis nila ng Pi Hahirot, tumawid sila ng dagat at nagtuloy sa ilang. Tatlong araw silang naglakbay sa ilang ng Etam saka nagkampo sa Mara. Mula sa Mara nagtuloy sila ng Elim. Nakakita sila roon ng labindalawang bukal at pitumpung puno ng palmera, at nagkampo sila roon.

10 Mula sa Elim, nagkampo sila sa baybayin ng Dagat na Pula.[a] 11 Mula sa Dagat na Pula, nagkampo sila sa ilang ng Sin. 12 Mula sa ilang ng Sin, nagkampo sila sa Dofca. 13 Mula sa Dofca, nagtuloy sila ng Alus. 14 Mula sa Alus, nagkampo sila sa Refidim, isang lugar na walang maiinom na tubig.

15-37 Mula sa Refidim hanggang sa bundok ng Hor, sila ay nagkampo sa mga sumusunod na lugar: ilang ng Sinai, Kibrot-hataava, Hazerot, Ritma, Rimon-farez, Libna, Rissa, Ceelata, Bundok ng Sefer, Harada, Maquelot, Tahat, Tare, Mitca, Asmona, Moserot, Bene-yaacan, Hor-haguidgad, Jotbata, Abrona, Ezion-geber, ilang ng Zin na tinatawag na Kades, at sa Bundok ng Hor na nasa may hangganan ng lupain ng Edom.

38-39 Sa utos ni Yahweh, ang paring si Aaron ay umakyat sa Bundok ng Hor. Namatay siya roon sa gulang na 123 taon. Noo'y unang araw ng ikalimang buwan, ika-40 taon mula nang umalis sila sa Egipto.

40 Nabalitaan(C) ng hari ng Arad na naninirahan sa timog ng Canaan ang pagdating ng mga Israelita sa Bundok ng Hor.

41-49 Mula naman sa Bundok ng Hor hanggang sa kapatagan ng Moab, ang mga Israelita ay nagkampo sa mga sumusunod na lugar: Zalmona, Punon, Obot, Iye-Abarim na sakop ng Moab, Dibon-gad, Almondiblataim, kabundukan ng Abarim malapit sa Bundok ng Nebo, at sa kapatagan ng Moab sa kabila ng Jordan at katapat ng Jerico, sa pagitan ng Beth-jesimon at Abelsitim.

Ang mga Hangganan sa Canaan

50 Nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sinabi ni Yahweh kay Moises, 51 “Ganito ang sabihin mo sa mga Israelita: Pagkatawid ninyo ng Jordan papuntang Canaan, 52 palayasin ninyo ang mga naninirahan doon, durugin ninyo ang kanilang mga rebultong bato at imaheng metal. Gibain din ninyo ang mga sambahan nila sa burol. 53 Sakupin ninyo ang lupaing iyon at doon kayo tumira sapagkat ibinibigay ko sa inyo ang lupaing iyon. 54 Hatiin(D) ninyo ang lupain sa bawat lipi at ang paghahati ay ibabatay sa laki ng lipi. Sa malaking lipi malaking parte, sa maliit ay maliit din. Ang pagbibigay ng kanya-kanyang bahagi ay dadaanin sa palabunutan. 55 Ngunit kung hindi ninyo palalayasin ang mga nakatira doon, ang matitira ay magiging parang tinik sa inyong lalamunan, at puwing sa inyong mga mata. Balang araw, sila ang gugulo sa inyo. 56 Kapag nangyari ito, sa inyo ko ipalalasap ang parusang gagawin ko sana sa kanila.”

34 Sinabi ni Yahweh kay Moises ang mga tagubilin para sa bansang Israel, “Pagpasok ninyo sa Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa inyo, ang mga hangganan ng inyong nasasakupan ay ang mga ito: Sa timog, ang ilang ng Zin na katapat ng Edom, ang dulo ng Dagat na Patay, ang daan paakyat sa Acrabim, ang Zin hanggang sa timog ng Kades-barnea, ang Hazaradar at ang Azmon, at ang Batis ng Egipto hanggang sa dagat.

“Sa kanluran: ang Dagat Mediteraneo.

“Sa hilaga: ang bahagi ng Dagat Mediteraneo, ang Bundok ng Hor, ang Hamat, ang Zedad; at ang Zifron hanggang Hazar-enan.

10 “Sa silangan: mula sa Hazar-enan hanggang Sefam; 11 ang Ribla, gawing silangan ng Ayin, ang baybayin ng Lawa ng Cineret, 12 at ang Jordan hanggang sa Dagat na Patay. Ito ang mga hangganan ng inyong lupain.”

13 Sinabi(E) (F) ni Moises sa mga Israelita, “Iyan ang lupaing ibibigay ni Yahweh sa siyam at kalahating lipi ng Israel; ang partihan ay dadaanin sa pamamagitan ng palabunutan. 14 Ang mga lipi ni Ruben, ni Gad, at ang kalahati ng lipi ni Manases ay mayroon nang bahagi, at nahati na sa kani-kanilang sambahayan. 15 Ito ay nasa silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico.”

Ang mga Namahala sa Paghahati ng Lupain

16 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 17 “Ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun ang mamamahala sa pagpaparte sa lupain. 18 Pumili ka rin ng isang pinuno sa bawat lipi para makatulong nila sa pagpaparte ng lupain.” 19-28 Ito ang mga pinuno na napili ni Yahweh:

LipiPinuno
JudaCaleb na anak ni Jefune
SimeonSelemuel na anak ni Amiud
BenjaminElidad na anak ni Cislon
DanBuqui na anak ni Jogli
ManasesHaniel na anak ni Efod
EfraimKemuel na anak ni Siftan
ZebulunElisafan na anak ni Parnah
IsacarPaltiel na anak ni Azan
AsherAhiud na anak ni Selomi
NeftaliPedael na anak ni Amiud

29 Ang mga kalalakihang ito ang pinamahala ni Yahweh sa paghahati ng lupain ng Canaan na ibinigay niya sa Israel.

Ang mga Lunsod para sa mga Levita

35 Sinabi(G) ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sa may Jordan sa Jerico, “Sabihin mo sa mga Israelita na bigyan nila ng sariling mga lunsod at mga pastulan ang mga Levita. Ang mga lunsod na iyon ay magiging pag-aari ng mga Levita at doon sila maninirahan. Ang mga pastulang iyon ay para sa kanilang mga bakahan at kawan. Ang sukat ng pastulang ibibigay ninyo sa kanila ay 450 metro mula sa pader ng lunsod, 450 metro sa silangan, 450 sa timog, 450 sa kanluran, at 450 sa hilaga. Bigyan rin ninyo sila ng anim na lunsod-kanlungan na takbuhan ng mga nakapatay nang hindi sinasadya. Bukod dito, bibigyan pa ninyo sila ng apatnapu't dalawang lunsod, kasama ang mga pastulan ng mga ito. Samakatuwid, ang ibibigay ninyo sa kanila ay apatnapu't walong lunsod. Ang bilang ng lunsod na ibibigay ng bawat lipi ay batay sa laki ng lipi; sa malaking lipi, marami ang kukunin, sa maliit ay ilan lang.”

Ang mga Lunsod-Kanlungan(H)

Sinabi(I) ni Yahweh kay Moises, 10 “Sabihin mo sa mga Israelita: Pagtawid ninyo ng Ilog Jordan patungong Canaan, 11 pumili kayo ng mga lunsod-kanlungan na matatakbuhan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. 12 Doon siya magtatago habang nililitis pa ang kanyang kaso upang huwag mapatay ng malapit na kamag-anak na gustong maghiganti. 13 Pumili kayo ng anim na lunsod-kanlungan; 14 tatlo sa silangan ng Jordan at tatlo sa Canaan. 15 Ang mga lunsod na ito'y maaaring pagtaguan ng sinumang makapatay nang di sinasadya, maging siya'y Israelita o isang dayuhan.

16-18 “Ang sinumang pumatay ng kapwa sa pamamagitan ng sandatang bakal, bato o kahoy ay nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. 19 Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito.

20 “Papatayin din ang sinuman na dahil sa galit ay nakapatay sa pamamagitan ng panunulak, o pagpukol ng anuman, 21 o sa pamamagitan ng suntok, sapagkat siya'y nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito.

22 “Ngunit ang sinumang nakapatay nang hindi sinasadya, maging sa pamamagitan ng tulak, o pukol ng anumang bagay; 23 o kaya'y naghagis ng bato at may natamaang di niya nakikita, at hindi naman niya kaaway, 24 ang taong iyon ay hindi dapat ipaubaya ng sambayanan sa mga kamag-anak ng namatay upang paghigantihan ng mga ito. 25 Siya ay pangangalagaan ng sambayanan sa kamag-anak na gustong maghiganti; ibabalik siya sa lunsod-kanlungan at mananatili roon habang nabubuhay ang kasalukuyang pinakapunong pari. 26 Kapag ang nakapatay ay lumabas ng lunsod-kanlungan 27 at napatay siya ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay niya, ito'y walang pananagutan sa batas. 28 Ang nakapatay ay dapat manatili sa pinagtataguan niyang lunsod-kanlungan habang nabubuhay ang nanunungkulang pinakapunong pari. Pagkamatay nito, maaari nang umuwi ang nakapatay sa kanyang sariling bayan. 29 Ang mga tuntuning ito ay para sa inyo at sa lahat ng inyong mga salinlahi saanman kayo manirahan.

Mga Tuntunin tungkol sa Pagsaksi at Pagtubos sa Nakamatay

30 “Sinumang(J) pumatay ng kapwa ay papatayin din batay sa patotoo ng dalawa o higit pang saksi; walang papatayin dahil sa patotoo ng iisang saksi lang. 31 Sinumang pumatay nang sinasadya ay hindi maaaring tubusin ng salapi; dapat siyang patayin. 32 Sinumang nakapatay nang hindi sinasadya at nagtago sa isang lunsod-kanlungan ay hindi maaaring payagang umalis agad doon sa pamamagitan ng pagbabayad. Kailangang manatili siya roon habang nabubuhay pa ang nanunungkulang pinakapunong pari. 33 Kapag ginawa ninyo ito, dinudungisan ninyo ng dugo ang lupaing inyong tinitirhan. Ang dugo ng pagpaslang ay nagpaparumi sa lupa, at walang ibang makapagpapalinis nito kundi ang dugo ng pumaslang. 34 Huwag ninyong dungisan ang lupaing inyong tinitirhan, sapagkat akong si Yahweh ay naninirahang kasama ng sambayanang Israel.”

Mga Tuntunin tungkol sa Kaparte ng Babaing Tagapagmana

36 Ang mga pinuno ng sambahayan ng angkan ni Gilead na anak ni Maquir at apo ni Manases na anak ni Jose ay lumapit kay Moises at sa mga pinuno ng Israel. Sinabi(K) nila, “Iniutos sa inyo ni Yahweh na ipamahagi ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Iniutos din po na ang bahagi ng kapatid naming si Zelofehad ay ibigay sa mga anak niyang babae. Kung ang mapangasawa nila'y mula sa ibang lipi, ang bahagi nila'y mapupunta sa liping iyon, kaya't mababawasan ang bahagi ng aming lipi. At pagdating ng Taon ng Paglaya, kapag ang lupaing naipagbili ay ibinalik nang tuluyan sa dating may-ari, ang bahagi nila'y mauuwi nang lubusan sa lipi ng kanilang asawa. Kapag nagkagayon, mababawas ito sa aming lipi.”

Dahil dito, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tama ang sinabi ng mga apo ni Jose. Kaya't ang utos ni Yahweh tungkol sa mga anak ni Zelofehad ay malaya silang mag-asawa sa sinumang gusto nila, ngunit huwag lamang lalabas sa lipi ng kanilang ama. Ang bahagi ng alinmang lipi ay hindi maaaring ilipat sa ibang lipi, iyon ay pananatilihin sa lipi ng kanilang ama. Ang babaing may namana sa kanyang ama ay kailangang kumuha ng mapapangasawa mula rin sa lipi nito, upang hindi malipat sa ibang lipi ang kaparte ng kanilang ama. Ang kaparte ng alinmang lipi ay hindi maaaring ilipat sa ibang lipi; pananatilihin ng bawat lipi ang kani-kanilang kaparte.”

10 Sinunod nga ng mga anak ni Zelofehad ang utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. 11 Sina Maala, Tirza, Hogla, Milca at Noa ay nag-asawa nga ng mga lalaking mula sa angkan ng kanilang ama, 12 na kabilang sa lipi ni Manases na anak ni Jose. Kaya, nanatili ang kanilang kaparte sa lipi ng kanilang ama.

13 Ito ang mga batas at tuntuning ibinigay ni Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Moises, sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico.

Sinariwa ni Moises ang Pangako ni Yahweh

Ito ang tagubilin ni Moises sa buong Israel nang sila'y nasa ilang sa ibayo ng Jordan, sa Araba. Ito ay nasa tapat ng Suf, sa pagitan ng bayan ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Di-zahab. (Labing-isang araw ang paglalakbay mula sa Sinai[b] hanggang sa Kades-barnea kung sa kaburulan ng Seir dadaan.) Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan ng ikaapatnapung taon mula nang sila'y umalis sa Egipto, sinabi ni Moises sa mga Israelita ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh. Nalupig(L) na niya noon ang mga haring Amoreo na sina Sihon ng Hesbon, at Og ng Bashan na nakatira sa Astarot at Edrei. Ipinaliwanag ni Moises ang kautusang ito nang sila'y nasa lupain ng Moab sa silangan ng Jordan.

Ang sabi niya, “Nang tayo'y nasa Sinai,[c] ganito ang sinabi sa atin ni Yahweh na ating Diyos, ‘Matagal-tagal na rin kayong nakatigil sa bundok na ito. Magpatuloy na kayo ng paglalakbay papunta sa kaburulang tinitirhan ng mga Amoreo at sa mga karatig na lugar sa Araba, sa kaburulan, kapatagan, sa katimugang disyerto at sa baybay-dagat, samakatuwid ang buong lupain ng Canaan at Lebanon hanggang sa Ilog Eufrates. Sakupin ninyo ang lupaing ito na inihanda ko para sa inyo. Iyan ang lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’”

Ang Pagpili sa mga Hukom(M)

Patuloy pa ni Moises, “Sinabi ko sa inyo noon na hindi ko na kayo kayang pamahalaang mag-isa. 10 Pinarami kayo ni Yahweh na ating Diyos, at ngayon ay sindami na tayo ng bituin sa langit. 11 Nawa'y pagpalain niya kayo, at tulad ng kanyang pangako, paramihin nawa niya kayo ng sanlibo pang ulit. 12 Ngunit paano ko pa magagampanan ang aking tungkulin sa inyo at maigagawad ang angkop na hatol para sa inyong mga usapin? 13 Kaya, pinapili ko kayo ng mga taong matalino, maunawain at may sapat na karanasan upang italaga kong tagapamahala ninyo, 14 at sumang-ayon naman kayo sa akin. 15 Kaya't pumili kayo noon ng mga lalaking kilala sa inyong mga lipi, mga lalaking may talino at sapat na karanasan. Sila'y inilagay kong tagapamahala ng bawat angkan. Ang ilan sa kanila ay naging tagapamahala sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu.

16 “Ipinagbilin ko sa kanila noon na pag-aralang mabuti ang usaping idudulog sa kanila, at igawad ang kaukulang hatol nang walang kinikilingan, maging sa katutubong Israelita o sa dayuhan man. 17 Dapat maging pantay-pantay ang kanilang paghatol sa mga tao; ibibigay nila ang katarungan sa bawat tao, maging sinuman siya. Huwag silang matatakot kaninuman sapagkat ang ihahatol nila ay mula sa Diyos. Kung inaakala nilang mabigat ang usapin, dalhin nila ito sa akin at ako ang hahatol. 18 Sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.

Isinugo ang mga Espiya(N)

19 “Bilang pagsunod sa utos ni Yahweh, nagpatuloy tayo ng paglalakbay mula sa Sinai.[d] Pinasok natin ang napakalawak at nakakatakot na ilang bago tayo nakarating sa kaburulan ng mga Amoreo. At narating nga natin ang Kades-barnea. 20 Sinabi ko sa inyo noon, ‘Narito na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo, sa lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos. 21 Ang lupaing ito'y inihanda na niya sa atin. Huwag na kayong mag-atubili ni matakot man. Sakupin na ninyo agad iyon tulad ng ipinagbilin sa atin ng Diyos ng ating mga ninuno.’ 22 Ngunit hiniling ninyo na magpadala muna tayo ng mga espiya upang pag-aralan kung paano natin papasukin ang lugar na iyon. 23 Sa tingin ko'y mabuti ang sinabi ninyo, kaya pumili ako ng labindalawang kalalakihan, isa sa bawat lipi. 24 Pumunta sila sa kaburulang iyon hanggang sa libis ng Escol at doo'y nagsiyasat. 25 Nang sila'y magbalik, may dala silang mga prutas mula roon, at sinabi nilang maganda ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh.

26 “Ngunit(O) hindi kayo nagpunta; sa halip ay sinuway ninyo ang utos ni Yahweh. 27 Lihim kayong nag-usap-usap sa inyong mga tolda. Ang sabi ninyo, ‘Marahil ay galit sa atin si Yahweh kaya niya tayo inilabas sa Egipto at dinala rito upang ipapatay sa mga Amoreo. 28 Paano tayo makakarating sa lupaing iyon. Nakakatakot palang pumunta roon. Mas malalaki pala kaysa sa atin ang mga tao roon, malalaki ang lunsod, at ang pader ay abot sa langit; may mga higante pa roon!’

29 “Ang sabi ko naman sa inyo, ‘Huwag kayong matakot sa kanila 30 sapagkat si Yahweh ang mangunguna sa inyo at ipaglalaban niya kayong tulad ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto at sa ilang. 31 Dinala(P) niya kayong ligtas hanggang sa lugar na ito tulad ng pagkalong ng isang ama sa kanyang anak.’ 32 Sa(Q) kabila ng sinabi ko'y hindi pa rin kayo nagtiwala sa kanya 33 gayong siya ang nanguna sa inyo. Pinatnubayan niya kayo sa pamamagitan ng haliging apoy kung gabi, at haliging ulap kung araw, at itinuro sa inyo ang inyong daraanan at ang inyong pagkakampuhan.

Pinarusahan ni Yahweh ang Israel(R)

34 “Narinig(S) ni Yahweh ang usapan ninyo, at siya'y nagalit. Dahil dito, isinumpa niya: 35 ‘Isa man sa inyo ay hindi makakarating sa lupaing aking ipinangako sa inyong mga ninuno, 36 maliban kay Caleb na anak ni Jefune. Siya lamang ang makakapasok doon. Ibibigay ko sa kanya at sa kanyang magiging angkan ang lupaing maaabot niya sapagkat lubusan siyang sumunod sa akin.’ 37 Nagalit din sa akin si Yahweh dahil sa inyo. Sinabi niya, ‘Kahit ikaw, Moises, ay hindi makakapasok sa lupaing iyon. 38 Ang kanang kamay mong si Josue ang papasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop nila sa lupaing iyon.’

39 “Sinabi rin niya, ‘Makakarating doon ang mga maliliit ninyong anak na hindi pa nakakaalam ng mabuti at masama—ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng mga kaaway. Ibibigay ko sa kanila ang lupain at sasakupin nila ito. 40 Ngunit kayo'y babalik sa ilang papuntang Dagat na Pula.’[e]

Ang Pagkatalo ng Israel sa Horma(T)

41 “Sinabi naman ninyo sa akin noon, ‘Nagkasala kami kay Yahweh. Pupunta na kami roon at makikipaglaban tulad ng iniutos niya sa amin.’ At kayong lahat ay dali-daling nagsakbat ng sandata sapagkat akala ninyo'y madali lamang ang paglusob sa kaburulan ng mga Amoreo.

42 “Ipinapigil kayo sa akin ni Yahweh sapagkat hindi niya kayo papatnubayan, at malulupig lamang kayo ng inyong sasalakayin. 43 Ngunit hindi kayo nakinig sa akin. Sinuway ninyo ang utos ni Yahweh at nagpatuloy kayo sa inyong paglusob. 44 Kaya naman parang mga bubuyog na dinagsa kayo ng mga Amoreo; ginapi nila kayo at tinugis hanggang Horma. 45 Dumaing kayo kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo pinakinggan o pinansin man lamang.

Ang mga Taon sa Ilang

46 “Kaya, napilitan kayong tumigil nang matagal sa Kades.

Tulad(U) ng utos sa akin ni Yahweh, nagbalik tayo sa ilang, tungo sa Dagat na Pula.[f] Matagal din tayong naglakbay sa kaburulan ng Seir.

“Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Matagal na rin kayong nagpapaikut-ikot sa kaburulang ito. Ngayon, lumakad na kayo papuntang hilaga. Dadaan(V) kayo sa Seir, ang lupain ng mga kamag-anak ninyo, ang lahi ni Esau. Takot sila sa inyo ngunit mag-ingat pa rin kayo. Huwag ninyo silang kakalabanin sapagkat kapiraso man ng lupain nila'y hindi ko ibibigay sa inyo. Ibinigay ko na sa lahi ni Esau ang kaburulan ng Seir. Bibilhin ninyo ang pagkain at inuming kukunin ninyo sa kanila.’

“Pinagpala kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong ginawa, at hindi niya kayo hiniwalayan sa inyong paglalakbay sa ilang. Sa loob ng apatnapung taon, hindi kayo nagkulang sa anumang bagay.

“Kaya dumaan lamang tayo sa kanilang lupain at nagpatuloy sa paglalakbay palayo sa Araba, Elat at Ezion-geber. At tayo ay napunta sa ilang ng Moab.

“At(W) sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Huwag rin ninyong guguluhin o sasalakayin ang mga Moabita sapagkat kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo. Ang lupain ng Ar ay ibinigay ko na sa lahi ni Lot.’”

(10 Ang dating nakatira roon ay ang mga Emita. Marami sila at malalaki ring tulad ng mga higante. 11 Tulad ng mga higante, kilala rin sila sa tawag na Refaim, ngunit Emita ang tawag sa kanila ng mga Moabita. 12 Dati, nakatira rin sa Seir ang mga taga-Hor, ngunit pinuksa sila ng mga anak ni Esau, at sila ang nanirahan roon, tulad ng ginawa ng mga Israelita sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh.)

13 “‘Ngayon nga'y magpatuloy kayo; tumawid kayo sa batis ng Zared.’ At ganoon nga ang ginawa natin. 14 Tatlumpu't(X) walong taon ang nakalipas mula nang umalis tayo sa Kades-barnea hanggang sa pagtawid natin sa Zared. Tulad ng isinumpa ni Yahweh, walang natira sa mga mandirigma ng salinlahing iyon. 15 Patuloy silang nilabanan ni Yahweh hanggang malipol silang lahat.

16 “Nang wala na ngang natitira sa mga mandirigma ng lahing iyon, 17 sinabi sa akin ni Yahweh, 18 ‘Ngayon ay tumawid kayo sa Ar, sa hangganan ng Moab. 19 Pagdaan(Y) ninyo sa lupain ng mga anak ni Ammon, huwag ninyo silang guguluhin o didigmain sapagkat kapiraso man ng lupa nila'y hindi ko ibibigay sa inyo. Ibinigay ko na iyon sa mga anak ni Lot.’”

(20 Ang lupaing iyon ay dating sakop ng mga Refaim, na ang tawag ng mga Ammonita ay Zamzumim. 21 Marami rin sila at malalaking tulad ng mga higante. Ngunit pinuksa sila ni Yahweh; kaya't itinaboy sila ng mga Ammonita upang ang mga ito ang tumira roon. 22 Gayundin ang ginawa ni Yahweh sa lahi ni Esau nang ang mga ito'y magpunta sa Seir; itinaboy niya ang mga taga-Hor at ang lahi ni Esau ang nanirahan roon. 23 Ang mga taga-Awim naman sa Gaza ay itinaboy ng mga taga-Caftor at sila ang tumira roon.)

24 “At doon ay sinabi ni Yahweh, ‘Magpatuloy kayo; tumawid kayo sa Ilog Arnon. Mabibihag ninyo si Sihon, ang hari ng mga Amoreo sa Hesbon, at masasakop ninyo ang kanyang lupain. Kaya't simulan na ninyo ang pagsakop sa lupain niya. 25 Dahil sa gagawin ko ay matatakot sa inyo ang lahat ng bansa sa daigdig. Mabanggit lamang kayo'y manginginig na sila sa takot.’

Nalupig ng Israel si Haring Sihon(Z)

26 “At mula sa ilang ng Kedemot, nagpadala ako ng sugo kay Haring Sihon na taga-Hesbon upang mag-alok ng kapayapaan: 27 ‘Makikiraan kami sa iyong lupain. Hindi kami lilihis ng daan. 28 Babayaran namin ang aming kakainin at iinumin. Kung maaari'y paraanin mo lang kami 29 tulad ng ginawa ng mga anak ni Esau sa Seir at ng mga Moabita sa Ar. Makikiraan lamang kami para makarating sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa amin ni Yahweh, na aming Diyos.’

30 “Ngunit hindi niya ito pinahintulutan. Siya'y pinagmatigas ni Yahweh para matalo natin at makuha ang kanyang lupain na hanggang ngayon ay sakop natin.

31 “At sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ito na ang simula ng pagbagsak ng kaharian ni Haring Sihon sa inyong mga kamay; sakupin na ninyo ang kanyang lupain.’ 32 Sinalakay tayo ni Sihon at ng lahat ng kanyang mga tauhan sa Jahaz. 33 Ngunit siya at ang kanyang mga tauhan ay natalo natin sa tulong ni Yahweh. 34 Nasakop natin ang kanyang mga lunsod; giniba natin ang mga ito at walang itinirang buháy isa man sa mga tagaroon. 35 Ang kanilang mga hayop at ari-arian ay sinamsam natin. 36 Walang lunsod na hindi natin napasok, mula sa Aroer hanggang Gilead; lahat ay nasakop natin sa tulong ni Yahweh. 37 Ngunit hindi natin ginalaw ang lupain ng lahi ni Ammon, ang baybayin ng Ilog Jabok, at ang kaburulan, sapagkat iyon ang kabilin-bilinan ni Yahweh na ating Diyos.

Nalupig ng Israel si Haring Og(AA)

“Nagpatuloy tayo papuntang Bashan ngunit pagdating natin sa Edrei, sinalakay tayo ni Haring Og ng Bashan. Sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Huwag kayong matakot sa kanya sapagkat matatalo ninyo sila tulad ng ginawa ninyo kay Haring Sihon ng Hesbon at sa mga Amoreo.’

“Sa tulong ni Yahweh, natalo nga natin si Haring Og at ang buong Bashan; wala tayong itinirang buháy isa man sa kanila. Nasakop natin ang animnapu nilang lunsod sa Argob, ang buong kaharian ni Og sa Bashan, ang maraming maliliit na nayon, at ang malalaki nilang lunsod na napapaligiran ng pader. Tulad ng ginawa natin kay Haring Sihon ng Hesbon, nilipol natin sila pati mga kababaihan at mga bata. Ang itinira lamang natin ay ang mga hayop at iba pang ari-arian nilang sinamsam natin.

“Nasakop natin noon ang lupain ng dalawang haring Amoreo, ang lupain nila sa silangan ng Jordan, mula sa Ilog Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon. (Sirion ang tawag ng mga taga-Sidon sa Bundok ng Hermon at Senir naman ang tawag doon ng mga Amoreo.) 10 Nasakop din natin ang mga lunsod sa matataas na kapatagan, ang buong Gilead, ang Bashan, hanggang Salca at Edrei, na pawang sakop ni Haring Og.”

(11 Si Haring Og lamang ang natira sa mga taga-Refaim. Ang kabaong[g][h] niyang bato ay apat na metro ang haba at dalawang metro ang lapad. Ito ay nasa Lunsod ng Rabba, sa lupain ng Ammon, hanggang ngayon.)

Ang mga Liping Nanirahan sa Silangan ng Jordan(AB)

12 “Nang masakop natin ang bansang iyon, ibinigay ko sa lipi nina Ruben at Gad ang lupain mula sa Aroer na nasa tabi ng Ilog Arnon, at ang kalahati ng Gilead. 13 Ang kalahati naman ng Gilead, ang Bashan, samakatuwid ang buong Argob ay ibinigay ko sa kalahati ng lipi ni Manases.”

(Ang buong Bashan ay tinatawag na lupain ng mga Refaim. 14 Ang buong lupain nga ng Argob, at ang Bashan, hanggang sa hangganan ng mga Gesureo at Maacateo, ay napunta kay Jair na anak ni Manases. Hanggang ngayon, may ilang nayon doon na tinatawag na Mga Nayon ni Jair, sunod sa pangalan niya.)

15 “Ang Gilead naman ay ibinigay ko kay Maquir. 16 Sa mga lipi naman nina Ruben at Gad ay ibinigay ko ang lupain mula sa Gilead hanggang sa kalagitnaan ng Ilog Arnon. Ang Ilog Arnon ang hangganan nito sa timog at ang Ilog Jabok naman sa hilaga. Dito naman nagsimula ang lupain ng lahi ni Ammon. 17 Sa kanluran ang lupain nila'y abot sa Ilog Jordan, mula sa Lawa ng Cineret hanggang sa Dagat na Patay. Abot naman sa Bundok Pisga sa gawing silangan.

18 “Sinabi(AC) ko sa kanila noon: ‘Ang lupaing ito ang ibinibigay sa inyo ni Yahweh na ating Diyos, ngunit ang lahat ng mandirigma ay makikipaglaban munang kasama ng ibang Israelita. 19 Maiiwan dito ang inyong mga pamilya at ang inyong mga hayop sapagkat alam kong marami kayong alagang hayop. 20 Hindi kayo babalik dito hanggang ang mga kapatid ninyong Israelita ay hindi napapanatag sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh.’

21 “Ito naman ang sinabi ko kay Josue: ‘Nakita mo ang ginawa ni Yahweh sa dalawang haring Amoreo; ganoon din ang gagawin ni Yahweh sa mga hari ng lupaing pupuntahan ninyo. 22 Huwag kang matatakot sa kanila sapagkat si Yahweh ang siyang nakikipaglaban para sa inyo.’

Hindi Pinapasok sa Canaan si Moises

23 “Nakiusap(AD) ako noon kay Yahweh. Ang sabi ko, 24 ‘Panginoong Yahweh, pinasimulan mo nang ipakita sa akin ang iyong kapangyarihan. Sinong diyos sa langit o sa lupa ang makakagawa ng iyong ginagawa? 25 Hinihiling ko sa iyong patawirin mo ako sa ibayo ng Jordan upang makita ko ang maganda at masaganang lupaing iyon, ang kaburulan at ang Bundok Lebanon.’

26 “Ngunit hindi niya ako pinakinggan sapagkat nagalit nga siya sa akin dahil sa inyo. Ang sagot niya sa akin: ‘Tumigil ka na! Huwag mo nang mabanggit-banggit sa akin ang bagay na ito. 27 Umakyat ka na lamang sa tuktok ng Pisga at tanawin mo ang paligid sapagkat hindi ka makakatawid ng Jordan. 28 Ituro mo kay Josue ang dapat niyang gawin, at palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop sa lupaing matatanaw mo.’

29 “At nanatili tayo sa libis na nasa tapat ng Beth-peor.

Nanawagan si Moises na Maging Masunurin ang Israel

“Ngayon, O Israel, pakinggan ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo upang mabuhay kayo nang matagal at mapasainyo ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, na inyong Diyos. Huwag(AE) ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ang mga utos na ibinigay ko sa inyo mula kay Yahweh. Nakita(AF) ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Baal-peor; nilipol niya ang lahat ng sumamba kay Baal, ngunit kayong nanatiling tapat kay Yahweh na inyong Diyos ay buháy pa hanggang ngayon.

“Ngayon nga'y itinuturo ko sa inyo ang mga batas at tuntunin na ito gaya ng ipinag-utos sa akin ni Yahweh na ating Diyos. Sundin ninyo ang mga ito sa lupaing malapit na ninyong sakupin at tirhan. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayon makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at pang-unawa. Kaya't masasabi nila: ‘Ang dakilang bansang ito'y matalino at may malawak na pagkaunawa.’

“Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban kay Yahweh? Aling bansa ang may makatarungang tuntunin at kautusan tulad ng ibinigay ko sa inyo ngayon? Ngunit mag-ingat kayo. Huwag ninyong kakalimutan o babaliwalain ang mga bagay na inyong nasaksihan, habang kayo'y nabubuhay. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. 10 Huwag ninyong kalilimutan ang sinabi ni Yahweh nang kayo'y nasa harap ng Bundok ng Sinai:[i] ‘Tipunin mo sa harapan ko ang buong bayan. Ituturo ko sa kanila ang aking mga utos upang magkaroon sila ng takot sa akin habang sila'y nabubuhay; ituturo naman nila ito sa kanilang mga anak.’

11 “At(AG) kayo'y nagtipon sa paanan ng bundok; ito'y naglagablab nang abot sa langit. Pagkatapos, nabalot ito ng ulap at kadiliman. 12 Mula sa gitna ng apoy, nagsalita sa inyo si Yahweh; narinig ninyo ang kanyang tinig ngunit hindi ninyo siya nakita. 13 Ipinahayag(AH) niya ang mga tuntunin ng kasunduang ginawa niya sa inyo, ang sampung utos na isinulat niya sa dalawang tapyas ng bato. 14 Noon,(AI) iniutos niya sa akin na ituro sa inyo ang mga tuntunin na inyong susundin sa lupaing sasakupin ninyo.

Ang Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan

15 “Nang kayo'y kausapin ni Yahweh mula sa apoy sa Sinai,[j] wala kayong nakitang anyo, kaya mag-ingat kayong mabuti. 16 Huwag(AJ) kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, maging kawangis ng tao, 17 hayop(AK) sa ibabaw ng lupa, ibon, 18 ng anumang gumagapang o ng anumang isda. 19 Huwag ninyong sasambahin ang araw, buwan, bituin o alinmang bagay sa kalawakan na nilalang ni Yahweh para sa tao. 20 Iniligtas(AL) kayo ni Yahweh mula sa napakainit na pugon ng pagkaalipin sa Egipto upang maging kanyang bayang hinirang. 21 Nagalit(AM) sa akin si Yahweh dahil sa inyo, at isinumpa niyang hindi ako makakarating sa masaganang lupaing ibibigay niya sa inyo. 22 Hindi ninyo ako makakasama sa kabila ng Jordan. Dito na ako mamamatay ngunit kayo'y magpapatuloy upang sakupin ang lupaing iyon. 23 Mag-ingat kayo. Huwag na huwag ninyong kalilimutan ang kasunduan ninyo ni Yahweh. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, gaya ng ipinagbawal niya sa inyo. 24 Sapagkat(AN) si Yahweh na inyong Diyos ay tulad ng naglalagablab na apoy at siya ay mapanibughuing Diyos.

25 “Kahit gaano katagal ang abutin ninyo roon, kahit kayo'y magkaanak at magkaapo, huwag kayong gagawa ng mga larawan upang sambahin sapagkat magagalit sa inyo si Yahweh na inyong Diyos. Masama ito sa kanyang paningin. 26 Saksi ang langit at ang lupa na kapag nilabag ninyo ang utos na ito, hindi kayo magtatagal sa lupaing iyon sa kabila ng Jordan sapagkat malilipol kayo nang lubusan. 27 Paghihiwa-hiwalayin(AO) kayo ni Yahweh sa iba't ibang bansa at kaunti lamang ang matitira sa inyo. 28 At sa lugar na pagtatapunan sa inyo ay maglilingkod kayo sa mga diyus-diyosang kahoy at bato na gawa ng mga tao. Sila'y hindi nakakakita, nakakarinig, nakakaamoy ni nakakakain. 29 Gayunman,(AP) matatagpuan ninyong muli si Yahweh kung siya'y buong puso ninyong hahanapin. 30 Kapag nangyari na ang lahat ng ito, at kayo'y nasa matinding kahirapan, manunumbalik na kayo kay Yahweh at maglilingkod sa kanya. 31 Siya ay mahabagin. Hindi niya kayo pababayaang malipol sapagkat hindi niya kakalimutan ang kanyang kasunduan sa inyong mga ninuno.

32 “Ipagtanong ninyo kahit saan at kahit kanino kung may naganap nang tulad nito. May nasaksihan o nabalitaan na ba kayong gaya nito mula nang likhain ng Diyos ang daigdig? 33 Maliban sa inyo, mayroon pa bang ibang sambayanan na nakarinig sa tinig ng isang diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buháy? 34 Sino bang diyos ang nagtangkang maglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng tagisan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa sa Egipto ni Yahweh na inyong Diyos? 35 Ang(AQ) mga pangyayaring ito'y ipinakita niya sa inyo upang maniwala kayo na si Yahweh ay Diyos, at wala ng iba liban sa kanya. 36 Mula sa langit, nagsalita siya sa inyo upang kayo'y turuan. At dito sa lupa nagsalita siya mula sa apoy. 37 At dahil sa pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, pinili niya kayo, at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ay inilabas kayo sa Egipto. 38 Pinuksa niya ang mga bansang mas malaki at mas makapangyarihan kaysa inyo upang makapanirahan kayo sa lupaing ibinigay niya sa inyo ngayon. 39 Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh. 40 Kaya nga, dapat ninyong sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa ganoon, pagpapalain kayo at ang lahing susunod sa inyo. Magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.”

Ang mga Lunsod-Kanlungan sa Silangan ng Jordan

41 Pagkatapos,(AR) pumili si Moises ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan 42 upang maging kanlungan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. Kapag ito'y nakapasok sa alinman sa mga lunsod na iyon, ligtas na ito sa paghihiganti ng mga kamag-anak ng namatay. 43 Ito ang mga lunsod na ibinukod niya: ang Bezer sa mataas na kapatagan sa ilang para sa lipi ni Ruben; ang Ramot sa Gilead para sa lipi ni Gad, at ang Golan sa Bashan para sa lipi ni Manases.

Paunang Salita tungkol sa Kautusan

44 Ito ang kautusang ibinigay ni Moises sa mga Israelita, 45 mga batas at tuntuning ipinahayag niya nang sila'y lumabas sa Egipto. 46 Sila noon ay nasa silangan ng Jordan sa libis ng Beth-peor, sakop ni Haring Sihon ng mga Amoreo. Si Haring Sihon ay nagapi nga nina Moises nang sila'y umalis sa Egipto. 47 Sinakop nila ang lupain nito, pati ang lupain ni Haring Og. Ang dalawang haring ito ng mga Amoreo ang sumakop sa silangang bahagi ng Ilog Jordan. 48 Ang lupaing nasakop nila noon ay mula sa Aroer, sa tabi ng Ilog Arnon hanggang Bundok ng Zion o Hermon, 49 sakop din ang buong Araba sa silangan ng Jordan, hanggang sa baybayin ng Dagat na Patay sa paanan ng Bundok ng Pisga.

Ang Sampung Utos(AS)

Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Bayang Israel, dinggin ninyo ang kautusan at ang mga tuntuning ibibigay ko sa inyo ngayon. Unawain ninyong mabuti at tuparin ang mga ito. Ang Diyos nating si Yahweh ay gumawa ng kasunduan sa atin sa Bundok ng Sinai,[k] hindi sa ating mga ninuno kundi sa ating nabubuhay ngayon. Harap-harapan siyang nakipag-usap sa inyo sa bundok mula sa naglalagablab na apoy. Habang ibinibigay niya ang kanyang mga utos, nakatayo ako sa pagitan ninyo at ni Yahweh sapagkat natatakot kayo sa ningas at ayaw ninyong umakyat sa bundok. Sinabi niya:

“‘Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.

“‘Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.

“‘Huwag(AT) kang gagawa ng diyus-diyosang imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag(AU) mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. 10 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig at pagkalinga sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.

11 “‘Huwag(AV) mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang gumamit nito nang walang kabuluhan.

12 “‘Ilaan(AW) mo para sa akin ang Araw ng Pamamahinga, tulad ng ipinag-uutos ni Yahweh na iyong Diyos. 13 Anim(AX) na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 14 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyo'y huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo; ikaw, ang iyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ni alinman sa mga alaga mong hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. Ang iyong alipin, lalaki man o babae ay kailangang mamahingang tulad mo. 15 Alalahanin mong naging alipin ka rin sa Egipto at mula roo'y inilabas kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Kaya iniutos ko na panatilihin mong nakalaan kay Yahweh ang Araw ng Pamamahinga.

16 “‘Igalang(AY) mo ang iyong ama at ina tulad ng iniutos ko sa iyo. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal at sagana sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos.

17 “‘Huwag(AZ) kang papatay.

18 “‘Huwag(BA) kang mangangalunya.

19 “‘Huwag(BB) kang magnanakaw.

20 “‘Huwag(BC) kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.

21 “‘Huwag(BD) mong pagnanasaang maangkin ang asawa ng iyong kapwa. Huwag mong pagnasaang maangkin ang kanyang sambahayan, bukid, alilang lalaki o babae, baka, asno o anumang pag-aari niya.’

22 “Ang(BE) mga ito'y sinabi sa inyo ni Yahweh doon sa bundok, mula sa naglalagablab na apoy at makapal na usok. Liban doon, hindi na siya nagsalita sa inyo. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito sa dalawang tapyas na bato at ibinigay sa akin.

Pinagharian ng Takot ang Lahat(BF)

23 “Nang marinig ninyo ang kanyang tinig mula sa kadiliman, habang nagliliyab ang bundok, lumapit sa akin ang pinuno ng bawat angkan at ang inyong matatandang pinuno. 24 Sinabi nila, ‘Ipinakita sa atin ni Yahweh na ating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan, at ipinarinig sa atin ang kanyang tinig. Nakipag-usap siya sa atin nang harapan ngunit hindi tayo namatay. 25 Bakit natin hihintaying mamatay tayo rito? Lalamunin tayo ng apoy na ito at tiyak na mamamatay tayo kapag nagsalita pa siya sa atin. 26 Sinong tao ang nanatiling buháy matapos marinig mula sa apoy ang tinig ng Diyos na buháy? 27 Ikaw na lang ang makipag-usap kay Yahweh na ating Diyos. Sabihin mo na lamang sa amin ang lahat ng sasabihin niya sa iyo, at susundin namin.’

28 “Narinig ni Yahweh ang sinabi ninyo noon at ito naman ang kanyang sinabi sa akin: ‘Narinig ko ang sinabi nila sa iyo at tamang lahat iyon. 29 Sana nga'y manatili ang takot nila sa akin at lagi nilang sundin ang aking mga utos upang maging matiwasay ang buhay nila at ng kanilang mga anak habang panahon. 30 Magbalik ka sa kanila at pauwiin mo na sila. 31 Ngunit mananatili ka rito at sasabihin ko sa iyo ang aking mga batas at mga tuntunin. Ituturo mo ito sa kanila upang kanilang sundin sa lupaing ibibigay ko sa kanila.’

32 “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniuutos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Huwag kayong lilihis sa mga ito. 33 Mamuhay kayo ayon sa kanyang mga utos. Sa ganoon, sasagana kayo at hahaba ang buhay ninyo sa lupaing sasakupin ninyo.

Ang Pangunahing Utos

“Ito nga ang Kautusan at mga tuntuning ibinigay niya sa akin, na siya ninyong susundin sa lupaing inyong sasakupin. Ang mga ito'y ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga anak at sa mga susunod na salinlahi upang magkaroon kayo ng takot sa kanya. Kung ito'y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay. Kaya nga, pakinggan ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo'y sasagana kayo, at darami ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.

“Pakinggan(BG) mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh.[l] Ibigin(BH) mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas. Ang(BI) mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, isulat sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at mga tarangkahan.

Babala Laban sa Pagsuway

10 “Malapit(BJ) na kayong dalhin ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Maninirahan kayo sa malalaki at magagandang lunsod na hindi kayo ang nagtatag. 11 Titira kayo sa mga tahanang sagana sa lahat ng bagay ngunit hindi ninyo pinaghirapan. Iinom kayo ng tubig na galing sa mga balong hindi ninyo hinukay. Mamimitas kayo sa mga ubasan at sa mga olibong hindi ninyo itinanim. Kung kayo'y naroon na at masagana na sa lahat ng bagay, 12 huwag na huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na naglabas sa inyo sa Egipto, sa bayan ng pagkaalipin. 13 Magkaroon(BK) kayo ng takot kay Yahweh, paglingkuran ninyo siya at sa kanyang pangalan kayo manumpa. 14 Huwag kayong maglilingkod sa diyus-diyosan ng mga bayang pupuntahan ninyo 15 sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay mapanibughuing Diyos; kapag sumamba kayo sa diyus-diyosan magagalit siya sa inyo at lilipulin niya kayong lahat.

16 “Huwag(BL) ninyong susubukin si Yahweh na inyong Diyos, tulad ng ginawa ninyo sa Masah. 17 Sundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 18 Gawin ninyo kung ano ang tama at mabuti sa paningin ni Yahweh, at mamumuhay kayong matiwasay. Masasakop ninyo ang lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno; 19 mapapalayas ninyo ang inyong mga kaaway, tulad ng pangako niya sa inyo.

20 “Kapag dumating ang araw na itanong ng inyong mga anak kung bakit kayo binigyan ni Yahweh ng kautusan at mga tuntunin, 21 ganito ang sabihin ninyo: ‘Noong araw, inalipin kami ng Faraon sa Egipto. Pinalaya kami roon ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 22 Nasaksihan namin ang maraming kababalaghang ginawa niya laban sa Faraon at sa mga Egipcio. 23 Inilabas niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno. 24 Ibinigay niya sa amin ang kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa ganoon, sasagana tayo at iingatan niyang tulad ng ginagawa niya sa atin ngayon. 25 Kalulugdan tayo ng Diyos nating si Yahweh kung susundin natin nang buong katapatan ang lahat ng ipinag-uutos niya sa atin.’

Ang Bayang Hinirang ni Yahweh(BM)

“Pagdating(BN) ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh at kapag nasakop na ninyo ang pitong bansang nauna sa inyo roon—Heteo, Gergeseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo—mga bansang mas malakas at mas makapangyarihan kaysa inyo, at kapag sila'y ipinaubaya na ni Yahweh sa inyo, lipulin ninyo silang lahat. Huwag ninyo silang kaaawaan at huwag kayong gagawa ng kasunduan sa kanila. Huwag kayong papayag na mapangasawa ng inyong mga anak ang kanilang mga anak sapagkat tiyak na ilalayo nila ang inyong mga anak kay Yahweh, at pasasambahin sa kanilang mga diyus-diyosan. Kapag nagkaganoon, magagalit sa inyo si Yahweh at kayo'y kanyang lilipulin agad. Kaya(BO) nga, gibain ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, durugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, at sunugin ang mga diyus-diyosan. Kayo(BP) ay bansang itinalaga kay Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanyang sariling bayan.

“Pinili niya kayo at inibig hindi dahil mas marami kayo kaysa ibang mga bansa, sa katunayan, kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo, at sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. Ito rin ang dahilan kaya niya kayo iniligtas sa kamay ng Faraon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Kaya't(BQ) pakatatandaan ninyong si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos, at siya ay Diyos na hindi marunong sumira sa pangako. Tapat siya sa lahat ng umiibig sa kanya at sumusunod sa kanyang mga tuntunin. Ipinadarama niya ang kanyang pagmamahal hanggang sa ikasanlibong salinlahi. 10 Subalit nililipol niya ang lahat ng namumuhi sa kanya; hindi makakaligtas sa kanyang parusa ang lahat ng hindi sumusunod sa kanya. 11 Kaya, sundin ninyo ang kautusan at mga tuntuning ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon.

Ang Pagpapala ng Pagiging Masunurin(BR)

12 “Kung(BS) taos-puso ninyong susundin ang mga utos na ito, tutuparin naman ni Yahweh ang kanyang kasunduan, at patuloy niya kayong iibigin, tulad ng ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 13 Iibigin, pagpapalain, at pararamihin niya kayo. Magkakaroon kayo ng maraming anak, at bibigyan ng masaganang ani, inumin at langis. Pararamihin niya ang inyong mga hayop. Tutuparin niya ito pagdating ninyo sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 14 Pagpapalain niya kayo nang higit sa alinmang bansa. Walang magiging baog sa inyo, maging tao o maging alagang hayop man. 15 Ilalayo niya kayo sa mga karamdaman. Alinman sa mga sakit na ipinaranas sa mga Egipcio ay hindi niya padadapuin sa inyo kundi sa inyong mga kaaway. 16 Pupuksain ninyo ang lahat ng bansang ipapasakop ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo. Huwag ninyo silang kaaawaan. Huwag din ninyong sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan. Iyan ang patibong na naghihintay sa inyo roon.

17 “Huwag ninyong ikabahala kung paano ninyo matatalo ang mga mas makapangyarihang bansang ito. 18 Huwag kayong matatakot sa kanila. Alalahanin ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Faraon at sa buong Egipto, 19 ang malalagim na salot na kanyang ipinadala, at ang mga kababalaghang ipinakita niya nang ilabas niya kayo roon. Ganoon din ang gagawin niya sa mga taong iyan na kinatatakutan ninyo. 20 Maliban diyan, si Yahweh na inyong Diyos ay magpapadala ng kaguluhan[m] sa kanila hanggang sa lubusang malipol pati iyong mga nakapagtago at ang mga pugante. 21 Hindi kayo dapat matakot sa kanila sapagkat kasama ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh, ang dakila at makapangyarihang Diyos. 22 Unti-unti silang lilipulin ni Yahweh. Hindi sila uubusin agad at baka hindi ninyo makaya ang mababangis na hayop. 23 Ngunit tiyak na ipapasakop sila sa inyo ni Yahweh. Sila'y lilituhin niya sa matinding takot hanggang sa lubusang malipol. 24 Ipapabihag niya sa inyo ang kanilang mga hari. Ibabaon ninyo sila sa limot. Isa man sa kanila'y walang makakatalo sa inyo hanggang sa malipol ninyo sila. 25 Sunugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan. Huwag ninyong pagnanasaan ang mga pilak o gintong ginamit sa mga iyon sapagkat ito ang magiging patibong sa inyo dahil iyon ay kasuklam-suklam kay Yahweh. 26 Huwag kayong mag-uuwi ng anumang bagay na kasuklam-suklam sapagkat iyon ang magiging dahilan ng inyong kapahamakan. Lahat ng tulad ng diyus-diyosan ay sinumpa, kaya, dapat ituring na kasuklam-suklam.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.