Bible in 90 Days
20 Nangako si Jacob nang ganito: “O Yahweh, kung ako'y sasamahan ninyo at iingatan sa paglalakbay na ito, pakakainin at dadamitan, 21 at makakabalik na muli sa bahay ng aking ama, kayo po ang aking magiging Diyos. 22 Sasambahin kayo sa lugar na ito na pinagtayuan ko ng batong alaalang ito, at ibabalik ko sa inyo ang ikasampung bahagi ng lahat ng ipinagkakaloob ninyo sa akin.”
Dumating si Jacob kina Laban
29 Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay hanggang sa dumating siya sa lupain ng mga taga-Silangan. 2 May nakita siyang isang balon ng tubig sa kaparangan. Sa paligid nito'y may tatlong kawan ng mga tupang nagpapahinga, sapagkat doon pinapainom ang mga ito. Ang balon ay may takip na malaking bato, 3 at binubuksan lamang ito kapag papainumin na ang mga tinipong kawan. Matapos painumin ang mga ito, muli nilang tinatakpan ang balon.
4 Tinanong ni Jacob ang mga pastol na naroon, “Tagasaan kayo, mga kaibigan?”
“Taga-Haran,” tugon nila.
5 “Kilala ba ninyo si Laban na apo ni Nahor?” tanong niyang muli.
“Oo,” sagot naman nila.
6 “Kumusta na siya?” tanong pa niya.
“Mabuti,” sabi naman nila. “Hayun at dumarating si Raquel, ang anak niyang dalaga! Kasama niya ang kawan ng kanyang ama.”
7 “Maaga pa naman,” sabi ni Jacob, “bakit hindi ninyo painumin ang mga tupa at dalhin muna sa pastulan bago ikulong?”
8 “Aba, hindi maaari!” sagot ng mga pastol. “Ang lahat ng pastol ay kailangang narito bago buksan ang balon; saka pa lamang kami maaaring magpainom.”
9 Nakikipag-usap pa si Jacob nang dumating si Raquel na kasama ang kawan ng kanyang ama. 10 Nang makita ni Jacob si Raquel na kasama ang kawan ni Laban, binuksan ni Jacob ang balon at pinainom ang mga tupa. 11 Pagkatapos, nilapitan niya ang dalaga at hinagkan; napaiyak siya sa tuwa. 12 Sinabi niya, “Ako'y pamangkin ng iyong ama, anak ng iyong Tiya Rebeca!”
Patakbong umuwi si Raquel at ibinalita ito sa ama. 13 Sinalubong naman agad ni Laban ang kanyang pamangkin. Niyakap niya ito at hinagkan, saka isinama sa kanila. Nang maisalaysay ni Jacob ang lahat, 14 sinabi sa kanya ni Laban, “Tunay na ikaw ay laman ng aking laman at dugo ng aking dugo!” At doon na siya tumira sa loob ng isang buwan.
Naglingkod si Jacob Dahil kina Raquel at Lea
15 Pagkalipas ng isang buwan, sinabi ni Laban kay Jacob, “Hindi dahil magkamag-anak tayo ay pagtatrabahuhin kita nang walang bayad; magkano bang dapat kong isweldo sa iyo?” 16 Si Laban ay may dalawang anak na dalaga. Si Lea ang nakatatanda at si Raquel naman ang nakababata. 17 Mapupungay[a] ang mga mata ni Lea, ngunit mas maganda at kaakit-akit si Raquel.
18 Nabighani si Jacob kay Raquel, kaya't ang sabi niya kay Laban, “Paglilingkuran ko kayo nang pitong taon para kay Raquel.”
19 Sinabi ni Laban, “Mas gusto ko ngang ikaw ang mapangasawa niya kaysa iba. Sige, dumito ka na.” 20 Pitong taóng naglingkod si Jacob upang mapasakanya si Raquel, ngunit iyon ay parang katumbas lamang ng ilang araw dahil sa laki ng kanyang pag-ibig dito.
21 Sinabi ni Jacob kay Laban, “Dumating na po ang panahong dapat kaming makasal ng inyong anak.” 22 Naghanda nang malaki si Laban at inanyayahan ang lahat ng tagaroon. 23 Ngunit nang gabing iyon, hindi alam ni Jacob na ang pinasiping sa kanya ay si Lea, sa halip na si Raquel. 24 Ibinigay naman ni Laban kay Lea ang alipin nitong si Zilpa. 25 Kinaumagahan, nakita ni Jacob na si Lea pala ang kanyang kasiping. Kaya sinabi niya kay Laban, “Bakit ninyo ito ginawa sa akin? Bakit ninyo ako nilinlang? Naglingkod ako sa inyo para kay Raquel, hindi po ba?”
26 Sumagot si Laban, “Hindi kaugalian dito sa amin na mauna pang mag-asawa ang nakababatang kapatid. 27 Patapusin mo muna ang sanlinggong pagdiriwang na ito at pagkatapos ay ibibigay ko sa iyo si Raquel kung maglilingkod ka sa akin ng pitong taon pa.”
28 Sumang-ayon naman si Jacob at nang matapos ang pagdiriwang, ibinigay nga sa kanya ni Laban si Raquel bilang asawa. 29 Ibinigay rin ni Laban kay Raquel ang alipin nitong si Bilha. 30 Sa wakas, naangkin ni Jacob si Raquel; mas mahal niya ito kaysa kay Lea. Kaya't naglingkod pa si Jacob kay Laban nang pitong taon pa.
Ang mga Anak ni Jacob
31 Alam ni Yahweh na si Lea ay di gaanong mahal ni Jacob, kaya't niloob niyang magkaanak na ito, samantalang si Raquel ay baog. 32 Lalaki ang unang anak ni Lea. Ang sabi niya, “Nakita ni Yahweh ang aking suliranin. Ngayon, tiyak na mamahalin ako ng aking asawa.” Kaya't Ruben[b] ang ipinangalan niya rito. 33 Nagdalang-tao siyang muli at lalaki na naman ang kanyang naging anak. Kanyang sinabi, “Kaloob din ito sa akin ni Yahweh, dahil narinig niyang ako'y hindi mahal ng aking asawa.” Kaya't tinawag naman niya itong Simeon.[c] 34 Muling nagdalang-tao si Lea at lalaki uli ang naging anak. Sinabi niya, “Lalo akong mapapalapit sa aking asawa, sapagkat tatlong lalaki na ang aming anak.” At tinawag niya itong Levi.[d] 35 Nagdalang-tao siyang muli at lalaki pa rin ang kanyang anak. Sinabi niya, “Ngayo'y pupurihin ko si Yahweh.” Kaya't tinawag niya itong Juda.[e] Pagkatapos noo'y hindi na siya nagkaanak.
30 Nainggit si Raquel sa kanyang kapatid sapagkat hindi siya magkaanak. Sinabi niya kay Jacob, “Mamamatay ako kapag hindi pa tayo nagkaanak.”
2 Nagalit si Jacob at sinabi kay Raquel, “Bakit, Diyos ba ako na pumipigil sa iyong panganganak?”
3 Kaya't sinabi ni Raquel, “Kung gayon, sipingan mo ang alipin kong si Bilha upang magkaanak ako sa pamamagitan niya.”
4 At pinasiping niya kay Jacob ang kanyang aliping si Bilha. 5 Nagdalang-tao ito at nanganak ng lalaki. 6 “Panig sa akin ang hatol ng Diyos,” sabi ni Raquel. “Dininig niya ang aking dalangin at pinagkalooban ako ng anak na lalaki.” Kaya Dan[f] ang ipinangalan niya rito. 7 Muling nagdalang-tao si Bilha at nanganak ng isa pang lalaki. 8 Sinabi ni Raquel, “Naging mahigpit ang labanan naming magkapatid, ngunit ako ang nagtagumpay.” Kaya, tinawag niyang Neftali[g] ang bata.
9 Nang mapag-isip-isip ni Lea na hindi na siya nanganganak, ibinigay naman niya kay Jacob si Zilpa, 10 at nagkaanak ito ng lalaki. 11 “Mapalad ako,” sabi ni Lea, “kaya, Gad[h] ang ipapangalan ko sa kanya.” 12 Si Zilpa'y muling nagdalang-tao at nagkaanak ng isa pang lalaki. 13 Sinabi ni Lea, “Masayang-masaya ako! Masaya ang itatawag sa akin ng mga babae.” Kaya't tinawag niyang Asher[i] ang bata.
14 Anihan na noon ng trigo. Samantalang naglalakad sa kaparangan, si Ruben ay nakakita ng bunga ng mondragora at dinala niya ito kay Lea na kanyang ina. “Bigyan mo naman ako ng mondragorang dala ng iyong anak,” pakiusap ni Raquel kay Lea.
15 Sinagot siya ni Lea, “Hindi ka pa ba nasisiyahang nakuha mo ang aking asawa, at ngayo'y gusto mo pang kunin pati mondragora ng aking anak?”
Sinabi ni Raquel, “Bigyan mo ako ng mondragora, sa iyo na si Jacob ngayong gabi.”
16 Gabi na nang dumating noon si Jacob galing sa kaparangan. Sinalubong agad siya ni Lea at sinabi, “Sa akin ka sisiping ngayong gabi; si Raquel ay binigyan ko ng mondragorang dala ng aking anak para sa karapatang ito.” Nagsiping nga sila nang gabing iyon, 17 at dininig ng Diyos ang dalangin ni Lea. Nagdalang-tao siya at ito ang panlimang anak nila ni Jacob. 18 Kaya't sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Diyos sapagkat ipinagkaloob ko sa aking asawa ang aking alipin;” at pinangalanan niyang Isacar[j] ang kanyang anak. 19 Muling nagdalang-tao si Lea, at ito ang pang-anim niyang anak. 20 Kaya't ang sabi niya, “Napakainam itong kaloob sa akin ng Diyos! Ngayo'y pahahalagahan na ako ng aking asawa, sapagkat anim na ang aming anak.” Ang anak niyang ito'y tinawag naman niyang Zebulun.[k] 21 Di nagtagal, nagkaanak naman siya ng babae, at ito'y tinawag niyang Dina.
22 Sa wakas, nahabag din ang Diyos kay Raquel at dininig ang kanyang dalangin. 23 Nagdalang-tao siya at nagkaanak ng isang lalaki. Kaya't sinabi niya, “Tinubos din ako ng Diyos sa aking kahihiyan at niloob na ako'y magkaanak.” 24 At tinawag niyang Jose[l] ang kanyang anak sapagkat sinabi niyang “Sana'y bigyan ako ni Yahweh ng isa pa.”
Ang Kasunduan ni Jacob at ni Laban
25 Nang maipanganak si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan na po ninyo akong makauwi. 26 Isasama ko na po ang aking mga asawa at mga anak. Marahil po nama'y sapat na ang aking ipinaglingkod sa inyo dahil sa kanila.”
27 Sinabi ni Laban, “Kung mamarapatin mo'y ito ang sasabihin ko: Batay sa karanasan ko sa panghuhula, tunay na pinagpala ako ni Yahweh dahil sa iyo. 28 Sabihin mo kung magkano ang dapat kong ibayad sa iyo at babayaran kita.”
29 Sumagot si Jacob, “Alam naman ninyo kung paano ako naglingkod sa inyo at kung paano dumami ang inyong kawan sa aking pangangasiwa. 30 Ang kaunti ninyong kabuhayan bago ako dumating ay maunlad na ngayon, sapagkat pinagpala kayo ni Yahweh dahil sa akin. Kaya, dapat namang iukol ko na ngayon ang aking panahon sa aking sambahayan.”
31 “Ano ang gusto mong ibayad ko sa iyo?” tanong ni Laban.
Sumagot si Jacob, “Hindi ko po kailangang ako'y bayaran pa ninyo. Patuloy kong aalagaan ang inyong kawan, kung sasang-ayon kayo sa isang kondisyon. 32 Pupunta ako sa inyong kawan ngayon din at ibubukod ko ang mga tupang itim, gayon din ang mga batang kambing na may tagping puti. Iyon na po ang para sa akin. 33 Sa darating na panahon, madali ninyong malalaman kung ako'y tapat sa inyo o hindi. Tuwing titingnan ninyo ang mga hayop na naging kabayaran ninyo sa akin, at mayroon kayong makitang hindi itim na tupa o kaya'y kambing na walang tagpi, masasabi ninyong ninakaw ko iyon sa inyo.”
34 “Mabuti! Iyan ang ating gagawin,” tugon ni Laban. 35 Ngunit nang araw ring iyon, ibinukod ni Laban ang lahat ng kambing na may tagpi maging barako o inahin, gayundin ang mga tupang itim at ito'y pinaalagaan niya sa kanyang mga anak na lalaki. 36 Iniwan niya kay Jacob ang natira sa kawan at silang mag-aama'y lumayo nang may tatlong araw na paglalakbay, dala ang alaga nilang kawan.
37 Pumutol naman si Jacob ng mga sariwang sanga ng alamo, almendra at platano, at binalatan niya ang ibang parte upang magmukhang may batik. 38 Inilagay niya ito sa painuman upang makita ng mga hayop tuwing iinom. Sa ganoong pagkakataon nag-aasawahan ang mga hayop. 39 Napaglihian ang mga batik-batik na sanga, kaya naging batik-batik ang kanilang bisiro.
40 Ibinukod niya ang mga hayop na tagpian at itim sa kawan ni Laban upang ang mga ito ang laging natatanaw ng mga tupang puti. Sa gayon, parami nang parami ang sarili niyang kawan at ito'y hindi niya inihahalo sa kawan ni Laban.
41 Ang batik-batik na sanga ng kahoy ay inilalagay lamang ni Jacob sa painuman kung malulusog na hayop ang nag-aasawahan. 42 Ngunit hindi niya ito ginagawa kung ang mga hayop na nag-aasawahan ay hindi malulusog. Kaya't malulusog ang kanyang mga hayop samantalang ang kay Laban ay hindi. 43 Kaya't lalong yumaman si Jacob; lumaki ang kanyang kawan at dumami ang kanyang alipin, at mga kamelyo at asno.
Nilayasan ni Jacob si Laban
31 Nabalitaan ni Jacob na laging sinasabi ng kanyang mga bayaw na kinamkam na niyang lahat ang ari-arian ng kanilang ama at galing dito ang lahat niyang kayamanan. 2 Napuna rin niyang nagbago na ang pakikitungo sa kanya ni Laban. 3 Kaya sinabi sa kanya ni Yahweh, “Magbalik ka na sa lupain ng iyong mga magulang at mga kamag-anak at sasamahan kita.”
4 Pinasabihan ni Jacob si Raquel at si Lea na tagpuin siya sa parang na kinaroroonan ng kanyang mga kawan. 5 Sinabi niya sa kanila, “Napansin kong iba na ang pagtingin sa akin ng inyong ama, hindi na tulad ng dati. Subalit hindi ako pinabayaan ng Diyos ng aking mga magulang. 6 Alam ninyong ginugol ko ang aking buong lakas sa paglilingkod sa inyong ama. 7 Sa kabila noon, dinadaya pa rin niya ako. Sampung beses na niyang binabago ang kabayaran sa akin ngunit hindi ipinahintulot ng Diyos na ako'y maapi. 8 Kapag sinabi ni Laban na ang ibabayad sa akin ay ang batik-batik, ang buong kawan ay nanganganak nang ganoon. 9 Ang Diyos ang may kaloob na mapasaakin ang kawan ng inyong ama.
10 “Sa panahon ng pag-aasawahan ng mga hayop, ako'y nanaginip. Nakita ko na pawang batik-batik ang lahat ng barakong kambing. 11 Sa aking panaginip, tinawag ako ng anghel ng Diyos at ako nama'y sumagot. 12 Ang sabi sa akin, ‘Jacob, masdan mo ang lahat ng mga barakong kambing, silang lahat ay may batik. Ginawa ko ito sapagkat alam kong dinadaya ka ni Laban. 13 Ako(A) ang Diyos na nagpakita sa iyo sa Bethel na kung saan ay binuhusan mo ng langis ang isang bato bilang alaala. Doon ay gumawa ka rin ng isang panata sa akin. Maghanda ka na at umalis ka sa lupaing ito; umuwi ka na sa iyong lupang sinilangan.’”
14 Sinabi naman nina Raquel at Lea, “Wala na kaming mamanahin sa aming ama. 15 Dayuhan na ang turing niya sa amin. Ipinagbili niya kami, at nilustay ang lahat ng pinagbilhan sa amin. 16 Kaya, ang lahat ng kayamanang inalis ng Diyos sa aming ama ay sa amin at sa aming mga anak. Gawin mo ang sinasabi sa iyo ng Diyos.”
17 Isinakay niya sa kamelyo ang kanyang mga asawa't mga anak. 18 Dinala niya ang kanyang mga kawan at lahat ng kayamanang naipon niya sa Mesopotamia at bumalik sa Canaan, sa lupain ng kanyang amang si Isaac. 19 Wala noon si Laban sapagkat naggugupit ito ng balahibo ng mga tupa. Sinamantala iyon ni Raquel upang kunin ang mga diyus-diyosan sa tolda ng kanyang ama. 20 Nilinlang ni Jacob si Laban na Arameo; hindi niya ipinaalam ang kanyang pag-alis. 21 Tinawid niya ang Ilog Eufrates papunta sa bulubundukin ng Gilead, dala ang lahat niyang ari-arian.
Hinabol ni Laban si Jacob
22 Makaraan ang tatlong araw, nalaman ni Laban ang pag-alis nina Jacob. 23 Isinama niya ang kanyang mga tauhan at hinabol nila si Jacob. Inabot nila ito sa bulubundukin ng Gilead pagkaraan ng pitong araw. 24 Nang gabing iyon, si Laban ay kinausap ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip. Sinabi sa kanyang huwag pagbabantaan ng anuman si Jacob. 25 Nang dumating si Laban, si Jacob ay nakapagtayo na ng kanyang tolda sa kaburulan. Nagtayo rin ng tolda si Laban sa kaburulang iyon ng Gilead.
26 Tinanong ni Laban si Jacob, “Bakit mo ako nilinlang at itinakas mo pa ang aking mga anak na parang mga bihag? 27 Bakit mo inilihim sa akin ang iyong pag-alis? Sana'y inihatid ko kayo na may tugtugan at awitan sa saliw ng tamburin at alpa. 28 Hindi mo man lamang ako binigyan ng pagkakataong mahagkan ang aking mga anak at mga apo bago sila umalis. Napakalaking kahangalan ang ginawa mong ito! 29 Kung sabagay, kaya kitang saktan, ngunit hindi ko iyon gagawin sapagkat kagabi'y sinabi sa akin ng Diyos ng iyong ama na huwag kitang pagbantaan sa anumang paraan. 30 Alam kong ginawa mo ito dahil sabik na sabik ka nang umuwi sa inyo. Subalit bakit mo naman ninakaw ang aking mga diyos?”
31 Sumagot si Jacob, “Natakot po ako na baka hindi ninyo pasamahin sa akin ang inyong mga anak. 32 Ngayon, kung makita ninyo ang inyong mga diyos sa sinuman sa amin, dapat siyang mamatay. Saksi ang naritong mga kamag-anak natin; tingnan ninyo kung mayroon kayong anumang ari-arian dito at kunin ninyo.” Hindi alam ni Jacob na si Raquel ang kumuha ng mga diyus-diyosan ni Laban.
33 Hinalughog ni Laban ang tolda ni Jacob, ang kay Lea, at gayon din ang sa dalawang aliping babae, ngunit hindi niya nakita ang kanyang mga diyos. Pumasok din siya sa tolda ni Raquel, 34 ngunit naitago na nito ang mga diyus-diyosan sa upuang nasa likod ng kamelyo at iyon ay kanyang inuupuan. Hinalughog na mabuti ni Laban ang buong tolda, ngunit wala siyang nakita. 35 Sinabi ni Raquel sa kanyang ama, “Huwag po kayong magagalit sa akin kung sa harapan ninyo'y hindi ako makatayo, sapagkat ako po'y mayroon ngayon.”[m] Patuloy na naghanap si Laban, ngunit hindi rin niya nakita ang kanyang mga diyus-diyosan.
36 Nagalit nang husto si Jacob at tinanong niya si Laban, “Ano bang pagkakasala ang ginawa ko sa inyo? May batas ba akong nilabag at gayon na lamang ang paghahalughog ninyo? 37 Kung may nakuha kayong ari-arian sa sinuman sa amin, ilabas ninyo at hayaan ninyong hatulan tayo ng ating mga kasamahan! 38 Dalawampung taon tayong nagkasama. Patuloy ang pagdami ng inyong mga tupa't kambing, at ni isang tupang barako sa kawan ninyo'y di ko pinangahasang kainin. 39 Kung may tupang sinila ng mababangis na hayop, hindi ko na ipinapakita sa inyo. Pinapalitan ko agad. Pinipilit ninyo akong magbayad ng anumang nawawala, maging iyo'y ninakaw sa gabi o sa araw. 40 Mahabang panahon akong nagtiis ng matinding init ng araw, at lamig ng gabi. Kulang na kulang ako sa tulog. 41 Iyan ang naranasan ko sa loob ng dalawampung taóng kasama ninyo. Labing-apat na taon akong naglingkod sa inyo dahil sa dalawa ninyong anak na babae, at anim na taon pa para sa inyong mga kawan. Sa kabila noon, sampung beses ninyong binago ang ating partihan. 42 Mabuti na lamang at kasama ko ang Diyos ng aking mga magulang, ang Diyos ni Abraham na sinamba ni Isaac. Kung hindi, marahil ay pinalayas ninyo ako nang walang kadala-dala. Alam ng Diyos ang aking hirap at pagod, kaya, kagabi'y pinagsabihan niya kayo.”
Ang Kasunduan ni Jacob at ni Laban
43 Sinabi ni Laban kay Jacob, “Ang lahat ng dala mo'y akin: aking mga anak, aking mga apo at aking mga kawan. Ngunit ano pa ang magagawa ko? 44 Ang mabuti'y gumawa tayo ng kasunduan. Magbunton tayo ng bato na siyang magpapaalaala ng ating kasunduan.”
45 Naglagay si Jacob ng isang bato bilang isang alaala. 46 Sinabi niya sa kanyang mga tauhan na maglagay rin doon ng bato. Pagkatapos, kumain sila sa tabi ng bunton ng mga bato. 47 Ito'y tinawag ni Laban na Jegar-sahaduta,[n] at Gal-ed[o] naman ang itinawag doon ni Jacob, 48 sapagkat sinabi ni Laban, “Ang buntong ito ng mga bato ang tagapagpaalala ng kasunduan nating dalawa.” 49 Tinawag ding Mizpa[p] ang lugar na iyon sapagkat sinabi ni Laban, “Bantayan nawa tayo ni Yahweh samantalang tayo'y magkalayo. 50 Kapag inapi mo ang aking mga anak, o nag-asawa ka ng iba, alalahanin mo na wala man ako roon, ang Diyos ang saksi sa ating kasunduan.” 51 Pagkatapos, sinabi pa ni Laban, “Narito sa pagitan natin ang mga batong ibinunton ko, at narito rin ang batong inilagay mo. 52 Ang mga ito ang ating palatandaan. Ito rin ang magiging hanggahan natin upang maiwasan ang paglusob sa isa't isa. 53 Ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Nahor ang hahatol sa atin.” At sa pangalan ng Diyos na sinamba ng ama niyang si Isaac ay sumumpa si Jacob na tutupad siya sa kasunduang ito. 54 Pagkatapos, nagpatay siya ng isang hayop at ito'y inihandog doon sa bundok. Nagsalu-salo sila at doon na rin nagpalipas ng gabi. 55 Kinaumagahan, umuwi na si Laban matapos hagkan ang kanyang mga anak at mga apo.
Humanda si Jacob na Salubungin si Esau
32 Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. 2 Kaya't sinabi niya, “Ito ang hukbo ng Diyos,” kaya tinawag niyang Mahanaim[q] ang lugar na iyon.
3 Nagpadala siya ng mga sugo sa kapatid niyang si Esau sa lupain ng Seir, sa lupain ng Edom. 4 Ganito ang kanyang ipinasabi: “Ako si Jacob na abang lingkod mo. Matagal akong nanirahan sa Tiyo Laban at ngayon lamang ako uuwi. 5 Marami akong mga baka, asno, tupa, kambing at mga alipin. Pinauna ko ang mga sugong ito upang ipakiusap sa iyo na magkasundo na tayo.”
6 Pagbalik ng mga sugo, sinabi nila, “Nakausap po namin si Esau at ngayon po'y nasa daan na siya at may kasamang apatnaraang lalaki upang salubungin kayo.” 7 Natakot si Jacob at lubhang nabahala. Kaya't pinagdalawa niyang pangkat ang kanyang mga tauhan pati mga hayop 8 upang, kung salakayin sila ni Esau, ang isang pangkat ay makakatakas.
9 At nanalangin si Jacob, “Diyos ni Abraham at ni Isaac, tulungan po ninyo ako! Sinabi po ninyong ako'y bumalik sa aming lupain at mga kamag-anak, at hindi ninyo ako pababayaan. 10 Hindi po ako karapat-dapat sa lahat ng kagandahang-loob ninyo sa akin. Nang tumawid po ako sa Jordan, wala akong dala kundi tungkod, ngunit ngayon sa aking pagbabalik, dalawang pangkat na ang aking kasama. 11 Iligtas ninyo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Nangangamba po akong sa pagkikita nami'y patayin niya kami pati mga babae at mga bata. 12 Nangako(B) po kayong hindi ninyo ako pababayaan. Sinabi ninyong pararamihin ninyo ang aking lahi, sindami ng mga buhangin sa dagat.”
13 Kinabukasan, si Jacob ay naghanda ng regalo para kay Esau. Pumili siya ng 14 dalawampung barako at dalawandaang inahing kambing, dalawandaang inahing tupa at dalawampung barako, 15 tatlumpung gatasang kamelyo na may mga anak, apatnapung inahing baka at sampung toro, at dalawampung inahing asno at sampung lalaking asno. 16 Bawat kawan ay ipinagkatiwala niya sa isang alipin. Sinabi niya sa kanila, “Mauna kayo sa akin, ngunit huwag kayong magsasabay-sabay; lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan.” 17 Sinabi niya sa naunang alipin, “Kung masalubong mo ang aking kapatid at tanungin ka, ‘Sino ang iyong panginoon? Saan ka pupunta? Kaninong mga hayop ito?’ 18 Sabihin mong, ‘Ito po'y galing sa inyong lingkod na si Jacob. Regalo po niya ito sa panginoon niyang si Esau.’ Sabihin mo ring kasunod na ninyo ako.” 19 Ganito rin ang iniutos niya sa pangalawa, pangatlo at sa lahat ng aliping kasama ng kawan. 20 Ipinasabi rin niya sa mga ito na siya'y kasunod nila. Inisip ni Jacob na sa ganitong paraa'y patatawarin siya ni Esau, kung sila'y magtagpo, dahil sa mga regalong padala niya. 21 Ang mga regalong ito'y nauna sa kanya; nagpahinga muna siya sa kanyang kampo nang gabing iyon.
Nakipagbuno si Jacob sa Peniel
22 Nang gabi ring iyon, gumising si Jacob at itinawid sa Ilog Jabok ang dalawa niyang asawa, labing-isang anak at dalawang asawang-lingkod. 23 Pagkatapos(C) maitawid ang lahat niyang ari-arian, 24 naiwang(D) mag-isa si Jacob.
Doon, nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa pagbubukang-liwayway. 25 Nang maramdaman ng lalaki na hindi niya madadaig si Jacob, hinampas niya ito sa balakang at ang buto nito'y nalinsad. 26 Sinabi ng lalaki, “Bitiwan mo na ako at magbubukang-liwayway na!”
“Hindi kita bibitiwan hangga't hindi mo ako binabasbasan,” wika ni Jacob. 27 Tinanong ng lalaki kung sino siya, at sinabi niyang siya'y si Jacob.
28 Sinabi(E) sa kanya ng lalaki, “Mula ngayo'y Israel[r] na ang itatawag sa iyo, at hindi na Jacob, sapagkat nakipagbuno ka sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”
29 “Ano(F) namang pangalan ninyo?” tanong ni Jacob.
“Bakit gusto mo pang malaman?” sagot naman ng lalaki. At binasbasan niya si Jacob.
30 Sinabi ni Jacob, “Nakita ko ang mukha ng Diyos, gayunma'y buháy pa rin ako.” At tinawag niyang Peniel[s] ang lugar na iyon. 31 Sumisikat na ang araw nang umalis siya roon at papilay-pilay na lumakad. 32 Iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayo'y hindi kinakain ng mga Israelita ang litid ng pigi ng hayop, sapagkat iyon ang bahaging napilay kay Jacob.
Nagkita sina Jacob at Esau
33 Natanaw ni Jacob na dumarating si Esau kasama ang apatnaraan niyang tauhan. Kaya't pinasama niya ang mga bata sa kani-kanilang ina. 2 Nasa unahan ang dalawang asawang-lingkod at ang kanilang mga anak, kasunod si Lea at ang kanyang mga anak, at sa hulihan si Raquel at ang anak nitong si Jose. 3 Umuna si Jacob sa kanilang lahat at pitong ulit na yumukod hanggang sa makarating sa harapan ng kapatid. 4 Siya'y patakbong sinalubong ni Esau, niyakap nang mahigpit at hinagkan. Nag-iyakan ang magkapatid. 5 Nang makita ni Esau ang mga babae at mga bata, itinanong niya kung sino sila.
“Iyan ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos,” tugon ni Jacob. 6 Nagsilapit ang mga asawang-lingkod na kasama ang mga bata at yumukod; 7 sumunod si Lea at ang kasamang mga bata, at sa katapus-tapusa'y si Jose at si Raquel. Yumukod silang lahat at nagbigay-galang kay Esau.
8 “Ano naman ang mga kawan na nasalubong ko?” tanong ni Esau.
“Iyon ay mga pasalubong ko sa iyo,” sagot niya.
9 Ngunit sinabi ni Esau, “Sapat na ang kabuhayan ko. Sa iyo na lang iyan.”
10 Sinabi ni Jacob, “Hindi! Para sa iyo talaga ang mga iyan; tanggapin mo na kung talagang ako'y pinapatawad mo. Pagkakita ko sa mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang Diyos! 11 Kaya, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Naging mabuti sa akin ang Diyos; hindi ako kinapos sa anumang bagay.” At hindi niya tinigilan si Esau hanggang sa tanggapin nito ang kanyang kaloob.
12 “Sige, umalis na tayo, at ako na ang mauuna sa inyo,” sabi ni Esau.
13 Sinabi ni Jacob, “Ang mga bata'y mahina pa. Inaalaala ko rin ang mga tupa at bakang may bisiro. Kung tayo'y magmadali para makatipid ng isang araw, baka naman mamatay ang mga ito. 14 Mabuti pa, mauna ka na at kami'y susunod sa inyo. Sisikapin ko namang bilis-bilisan ang lakad hanggang kaya ng mga hayop at bata, at mag-aabot din tayo sa Seir.”
15 “Kung gayon, pasasamahan ko kayo sa ilang tauhan ko,” sabi ni Esau.
“Hindi na kailangan. Labis-labis na ang iyong kagandahang-loob sa akin,” sabi naman ni Jacob. 16 Nang araw na iyon ay umuna na si Esau papuntang Seir. 17 Pumunta naman si Jacob sa Sucot[t] at nagtayo roon ng kanyang toldang tirahan at kulungan ng mga hayop. Kaya, tinawag na Sucot ang lugar na iyon.
18 Mula sa Sucot, si Jacob ay tumawid sa Shekem at nagtayo ng kanyang tolda sa isang parang sa tapat ng lunsod. Nagbalik siya sa Canaan matapos manirahan nang matagal sa Mesopotamia. 19 Ang(G) parang na pinagtayuan niya ng tolda ay binili niya sa tagapagmana ni Hamor na ama ni Shekem sa halagang sandaang pirasong pilak. 20 Doon siya nagtayo ng altar at tinawag niyang El-Elohe-Israel, na ang kahulugan ay si El ang Diyos ng Israel.
Ginahasa si Dina
34 Minsan, si Dina, ang anak na dalaga ni Jacob kay Lea, ay dumalaw sa ilang kababaihan sa lupaing iyon. 2 Nakita siya ni Shekem, anak na binata ni Hamor na isang Hivita at pinuno sa lupaing iyon. Sapilitan siyang isinama nito at ginahasa. 3 Ngunit napamahal na nang husto kay Shekem si Dina at sinikap niyang suyuin ito. 4 Sinabi ni Shekem sa kanyang ama na lakaring mapangasawa niya ang dalaga.
5 Nalaman ni Jacob na pinagsamantalahan ni Shekem ang kanyang anak, ngunit hindi muna siya kumibo sapagkat nagpapastol noon ng baka ang kanyang mga anak na lalaki. 6 Nagpunta naman si Hamor kay Jacob upang makipag-usap. 7 Siya namang pagdating ng mga anak na lalaki ni Jacob mula sa kaparangan. Nabigla sila nang mabalitaan ang nangyari sa kapatid, at gayon na lamang ang kanilang galit dahil sa ginawa ni Shekem. Ito'y itinuring nilang isang paglapastangan sa buong angkan ni Jacob. 8 Sinabi ni Hamor, “Yaman din lamang na iniibig ni Shekem si Dina, bakit hindi pa natin sila ipakasal? 9 Magkaisa na tayo! Hayaan nating mapangasawa ng aming mga binata ang inyong mga dalaga, at ng aming mga dalaga ang inyong mga binata. 10 Sa gayo'y maaari na kayong manatili dito sa aming lupain. Maaari kayong tumira kung saan ninyo gusto; maaari kayong maghanapbuhay at magkaroon ng ari-arian.”
11 Nakiusap ding mabuti si Shekem sa ama at mga kapatid ni Dina. Sinabi niya, “Pagbigyan na po ninyo ang aking hangarin, at humiling naman kayo ng kahit anong gusto ninyo. 12 Sabihin po ninyo kung ano ang dote na dapat kong ibigay at kung magkano pa ang kailangan kong ipagkaloob sa inyo, makasal lamang kami.”
13 Dahil sa paglapastangan kay Dina, mapanlinlang ang pagsagot ng mga anak na lalaki ni Jacob sa mag-amang Hamor at Shekem. 14 Sinabi nila, “Malaking kahihiyan namin kung hindi tuli ang mapapangasawa ng aming kapatid. 15 Papayag lamang kami kung ikaw at ang lahat ng mga lalaking nasasakupan ninyo ay magpapatuli. 16 Pagkatapos, maaari na ninyong mapangasawa ang aming mga dalaga at ang inyo nama'y mapapangasawa namin. Magiging magkababayan na tayo at mamumuhay tayong magkakasama. 17 Kung di kayo sasang-ayon, isasama na namin si Dina at aalis na kami.”
18 Pumayag naman ang mag-amang Hamor at Shekem. 19 Hindi na sila nag-aksaya ng panahon sapagkat napakalaki ng pag-ibig ni Shekem kay Dina. Si Shekem ay iginagalang ng lahat sa kanilang sambahayan.
20 Sa may pintuan ng lunsod, tinipon ng mag-ama ang lahat ng lalaki sa Shekem. Sinabi nila, 21 “Napakabuting makisama ng mga dayuhang dumating dito sa atin. Dito na natin sila patirahin, maluwang din lamang ang ating lupain. Pakasalan natin ang kanilang mga dalaga at sila nama'y gayon din. 22 Ngunit mangyayari lamang ito kung ang ating mga kalalakihan ay patutuli na tulad nila. 23 Sa gayon, ang kanilang ari-arian, mga kawan at bakahan ay mapapasaatin. Sumang-ayon na tayong mamuhay silang kasama natin.” 24 Sumang-ayon naman sa panukalang ito ang mga lalaki, at silang lahat ay nagpatuli.
25 Nang ikatlong araw na matindi pa ang kirot ng sugat ng mga tinuli, kinuha nina Simeon at Levi na mga kapatid ni Dina, ang kanilang tabak at pinagpapatay ang mga lalaki roon na walang kamalay-malay. 26 Pinatay nila pati ang mag-amang Hamor at Shekem, at itinakas si Dina. 27 Pagkatapos ng pagpatay sinamsam naman ng ibang mga anak ni Jacob ang mahahalagang ari-arian doon. Ginawa nila ito dahil sa panghahalay sa kanilang kapatid na babae. 28 Sinamsam nila pati mga kawan, mga baka, mga asno at lahat ng mapapakinabangan sa bayan at sa bukid. 29 Dinala nilang lahat ang mga kayamanan, binihag ang mga babae't mga bata, at walang itinirang anuman.
30 Sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, “Binigyan ninyo ako ng napakalaking suliranin. Ngayon, kamumuhian ako ng mga Cananeo at Perezeo. Kapag nagkaisa silang salakayin tayo, wala tayong sapat na tauhang magtatanggol; maaari nilang lipulin ang aking sambahayan.”
31 Ngunit sila'y sumagot, “Hindi po kami makakapayag na ituring na isang masamang babae ang aming kapatid.”
Binasbasan ng Diyos si Jacob sa Bethel
35 Sinabi(H) ng Diyos kay Jacob, “Pumunta ka sa Bethel at doon ka manirahan. Ipagtayo mo roon ng altar ang Diyos na nagpakita sa iyo noong tumatakas ka sa iyong kapatid na si Esau.”
2 Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyong lahat ang diyus-diyosang taglay ninyo, maglinis kayo ng inyong katawan, at magbihis kayo. 3 Aalis tayo rito at pupunta sa Bethel. Magtatayo ako roon ng altar para sa Diyos na kasama ko saanman at laging tumutulong sa akin sa panahon ng kagipitan.” 4 Ibinigay nila kay Jacob ang kanilang mga diyus-diyosan at ang suot nilang mga hikaw. Ang lahat ng ito'y ibinaon ni Jacob sa tabi ng malaking punong malapit sa Shekem.
5 Ang mga tao sa mga karatig-bayan ay natakot kay Jacob at sa kanyang mga anak na lalaki, kaya't walang nangahas humabol sa kanila nang sila'y umalis. 6 Nang dumating sila sa Luz, sa lupain ng Canaan, 7 gumawa siya ng altar at tinawag niyang El-Bethel[u] ang lugar na iyon, sapagkat doon nagpakita sa kanya ang Diyos nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid. 8 Namatay si Debora, ang nag-alaga kay Rebeca, at inilibing sa tabi ng malaking puno sa gawing timog ng Bethel. At ang dakong iyo'y tinawag na “Roble ng Pagluha.”
9 Pagbalik ni Jacob mula sa Mesopotamia, muling nagpakita sa kanya ang Diyos at siya'y binasbasan, 10 “Jacob(I) ang pangalan mo, ngunit mula ngayon, Israel na ang itatawag sa iyo.” 11 Sinabi(J) pa sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Diyos; magkakaroon ka ng maraming anak. Darami ang iyong mga lahi at sa kanila'y may mga magiging hari. Magmumula sa lahi mo ang maraming bansa. 12 Ang mga lupaing aking ipinangako kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga anak.” 13 At iniwan siya ng Diyos. 14 Naglagay(K) si Jacob ng batong palatandaan sa lugar na pinagtagpuan nila. Binuhusan niya ito ng langis at alak bilang tanda na ito'y ukol sa Diyos. 15 Tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon.
Namatay si Raquel
16 Umalis sila sa Bethel. Nang sila'y malapit na sa Efrata, naramdaman ni Raquel na manganganak na siya at napakatindi ng kanyang hirap. 17 Sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, lalaki na naman ang isisilang mo.” 18 Nasa bingit na siya ng kamatayan, at bago siya nalagutan ng hininga, ang sanggol ay tinawag niyang Benoni,[v] ngunit Benjamin[w] naman ang ipinangalan ni Jacob.
19 Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daang patungo sa Efrata na ngayon ay Bethlehem. 20 Ang puntod ay nilagyan ni Jacob ng batong pananda at hanggang ngayo'y makikita pa rin ang panandang iyon sa puntod ni Raquel. 21 Nagpatuloy ng paglalakbay si Israel at nagkampo sa kabilang panig ng tore ng Eder.
Ang mga Anak ni Jacob(L)
22 Samantalang(M) sina Israel ay nasa lupaing iyon, sumiping si Ruben kay Bilha na isa sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Nalaman ito ni Israel.
Labindalawa ang mga anak na lalaki ni Jacob: 23 kay Lea, ang naging anak niya'y sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun; 24 kay Raquel, si Jose at si Benjamin; 25 kay Bilha na alipin ni Raquel, si Dan at si Neftali; 26 kay Zilpa naman na alipin ni Lea, ang naging anak niya'y sina Gad at Asher. Sa Mesopotamia ipinanganak ang lahat ng ito.
Namatay si Isaac
27 Dumalaw(N) si Jacob sa kanyang amang si Isaac sa Mamre, na tinatawag ding Lunsod ng Arba o Hebron. Dito rin tumira si Abraham. 28 Si Isaac ay 180 taon 29 nang mamatay at mamahinga sa piling ng kanyang mga ninuno. Siya'y inilibing nina Esau at Jacob.
Ang mga Nagmula sa Lahi ni Esau(O)
36 Ito ang kasaysayan ng lahi na mula kay Esau na tinatawag ding Edom. 2 Ang(P) napangasawa niya ay mga Cananea: si Ada, anak ni Elon na Heteo, si Aholibama, anak ni Ana at apo ni Zibeon na Hivita, 3 at(Q) si Basemat na anak naman ni Ismael at kapatid ni Nebayot. 4 Ang anak ni Esau kay Ada ay si Elifaz; kay Basemat ay si Reuel; 5 at kay Aholibama ay sina Jeus, Jalam at Korah. Silang lahat ay ipinanganak sa Canaan.
6 Nangibang-bayan si Esau kasama ang kanyang mga asawa, mga anak, mga tauhan, pati ang mga hayop at ang lahat ng ari-arian ay kanyang dinala. 7 Iniwan niya si Jacob sa Canaan, sapagkat ang lupaing ito'y hindi na sapat sa kanilang mga kawan. 8 Sa Seir nanirahan si Esau.
9 Ito ang kasaysayan ng lahi na mula kay Esau, ang pinagmulan ng mga Edomita sa kaburulan ng Seir: 10 si Elifaz, anak kay Ada; at si Reuel, kay Basemat. 11 Ang mga anak naman ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo, Gatam at Kenaz. 12 At si Amalek ang naging anak ni Elifaz kay Timna. Sila ang mga apo ni Esau kay Ada.
13 Ito naman ang mga apo ni Esau kay Reuel na anak ni Basemat: Nahat, Zera, Shammah at Miza.
14 Ang mga anak ni Esau kay Aholibama na anak ni Ana at apo ni Zibeon, ay sina Jeus, Jalam at Korah.
15-16 Ito ang mga pinuno sa lahi ni Esau: Teman, Omar, Zefo at Kenaz, Korah, Gatam at Amalek, mga anak ni Elifaz na kanyang panganay at apo ni Ada. Sila'y naging pinuno sa lupain ng Edom.
17 Naging mga pinuno rin sa lupain ng Edom sina Nahat, Zera, Shammah, at Miza na mga anak ni Reuel. Sila ang mga apo ni Esau kay Basemat.
18 Sina Jeus, Jalam at Korah ang naging pinuno sa mga anak ni Esau kay Aholibama na anak ni Ana. 19 Ang lahat ng mga liping ito'y nagmula sa lahi ni Esau.
Ang Lahi ni Seir(R)
20 Ito ang mga anak ni Seir, ang Horeo: Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, 21 Dishon, Ezer at Disan. Sila ang mga pinuno ng mga Horeo na unang nanirahan sa lupain ng Edom.
22 Ang mga anak ni Lotan ay sina Hori at Heman. Si Timna ay kapatid na babae ni Lotan.
23 Ito naman ang mga anak ni Sobal: Alvan, Manahat, Ebal, Zefo at Onam.
24 Ang kay Zibeon naman ay sina Aya at Ana. Si Ana ang siyang nakatuklas ng mainit na bukal sa ilang samantalang inaalagaan ang mga asno ng kanyang ama. 25 Ang mga anak ni Ana ay si Dishon at ang kapatid nitong babae na si Aholibama. 26 Ang mga anak naman ni Dishon ay sina Hemdan, Esban, Itran at Keran.
27 Sina Bilhan, Zaavan at Acan ang mga anak naman ni Ezer.
28 At ang kay Disan ay sina Hus at Aran.
29 Ito ang mga pinuno ng mga Horeo sa lupain ng Seir ayon sa kanilang angkan: Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, 30 Dishon, Ezer at Disan.
Ang mga Hari ng Edom(S)
31 Ito naman ang mga naging hari sa lupain ng Edom bago nagkaroon ng haring Israelita. 32 Si Bela, ang anak ni Beor, ay naghari sa Lunsod ng Dinaba. 33 Pagkamatay niya, pumalit si Jobab na anak ni Zerah, na taga-Bosra. 34 Nang mamatay naman si Jobab, pumalit si Husam na Temaneo. 35 Namatay si Husam, at humalili naman si Hadad, anak ni Bedad na tumalo sa mga Midianita sa lupain ng Moab. Avit ang tawag sa kanyang lunsod. 36 Pagkamatay ni Hadad, siya'y pinalitan ni Samla na taga-Masreca. 37 Si Saul namang taga-Rehobot sa Eufrates ang sumunod na namahala pagkamatay ni Samla. 38 Pagkamatay ni Saul, ang naghari ay si Baal-hanan na anak ni Acbor. 39 Pagkamatay ni Baal-hanan, pumalit si Hadar. Ang pangalan ng lunsod niya ay Pau. Si Mehetabel na anak ni Matred at apo ni Mezahab ang kanyang asawa.
40 Ito ang mga liping nagmula kay Esau ayon sa kanilang tirahan: Timna, Alva, Jetet, 41 Aholibama, Ela, Pinon, 42 Kenaz, Teman, Mibzar, 43 Magdiel at Iram. Ito ang mga bansa ng Edom ayon sa kani-kanilang tirahan. Si Esau ang ninuno ng mga Edomita.
Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid
37 Si Jacob ay nanatili sa Canaan, sa lupaing tinirhan ng kanyang ama. 2 Ito ang kasaysayan ng sambahayan ni Jacob:
Nang si Jose ay labimpitong taon na, nag-aalaga siya ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid sa ama, ang mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Alam niya ang masasamang gawain ng kanyang mga kapatid kaya't ang mga ito'y isinumbong niya sa kanilang ama.
3 Mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito'y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas.[x] 4 Nang mahalata ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama, kinamuhian siya ng mga ito at ayaw siyang pakisamahang mabuti.
5 Minsan, nanaginip si Jose at lalong namuhi ang mga kapatid niya nang ito'y ikuwento niya sa kanila. 6 Sabi ni Jose, “Napanaginipan ko, 7 na tayo ay nasa bukid at nagbibigkis ng trigo. Tumayo ang aking binigkis at yumukod sa paligid nito ang inyong mga binigkis.”
8 “Ano! Ang ibig mo bang sabihin ay maghahari ka sa amin?” tanong nila. At lalo silang nagalit kay Jose.
9 Nanaginip muli si Jose at isinalaysay sa kanyang mga kapatid ang ganito: “Nakita ko sa aking panaginip na ang araw, ang buwan at labing-isang bituin ay yumuko sa aking harapan.”
10 Sinabi rin niya ito sa kanyang ama, at ito'y nagalit din sa kanya.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong ng ama. “Kami ng iyong ina't mga kapatid ay yuyuko sa harapan mo?” 11 Inggit(T) na inggit kay Jose ang kanyang mga kapatid. Inisip-isip namang mabuti ng kanyang ama ang mga bagay na ito.
Ipinagbili si Jose at Dinala sa Egipto
12 Isang araw, nasa Shekem ang mga kapatid ni Jose at pinapastol doon ang kawan ng kanilang ama. 13 Sinabi ni Israel kay Jose, “Gumayak ka at sumunod sa iyong mga kapatid.”
“Opo,” tugon ni Jose.
14 Sinabi pa ng kanyang ama, “Tingnan mo kung sila'y nasa mabuting kalagayan. Pagkatapos, bumalik ka agad at nang malaman ko.” Lumakad nga si Jose mula sa libis ng Hebron at nakarating sa Shekem. 15 Sa kanyang paglalakad, nakita siya ng isang lalaki at tinanong kung anong hinahanap niya.
16 “Hinahanap ko po ang aking mga kapatid na nagpapastol ng aming kawan,” sagot niya. “Saan ko po kaya sila makikita?”
17 Sinabi ng lalaki, “Umalis na sila at ang dinig ko'y sa Dotan pupunta.” Sumunod si Jose at natagpuan nga roon ang mga kapatid.
18 Malayo pa'y natanaw na siya ng mga ito. Nagkaisa silang patayin siya. 19 Sinabi nila, “Ayan na ang mahilig managinip! 20 Patayin natin siya at ihulog sa balon, at sabihing siya'y sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.”
21 Narinig ito ni Ruben at binalak niyang iligtas si Jose. Sabi niya, “Huwag, huwag nating patayin. 22 Huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; ihulog na lamang natin sa balon.” Sinabi niya ito, sapagkat ang balak niya ay iligtas ang kapatid at dalhin ito sa kanyang ama. 23 Paglapit ni Jose, hinubad nila ang mahabang damit nito na may manggas,[y] 24 at inihulog sa isang tuyong balon.
25 Habang sila'y kumakain, may natanaw silang pangkat ng mga Ismaelitang mula sa Gilead. Ang kanilang mga kamelyo ay may kargang mga gagawing pabango na dadalhin sa Egipto. 26 Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Wala tayong mapapala kung papatayin natin ang ating kapatid. 27 Mabuti pa'y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan! Siya'y kapatid din natin, laman ng ating laman at dugo ng ating dugo.” At sila'y nagkasundo. 28 Kaya't(U) nang may dumaraang mga mangangalakal na Midianita, iniahon nila si Jose at ipinagbili sa halagang dalawampung pirasong pilak. At si Jose'y dinala ng mga Ismaelita sa Egipto.
29 Pagbalik ni Ruben sa balon, nakita niyang wala na roon si Jose. Sa laki ng kanyang pagdaramdam, pinunit niya ang kanyang damit. 30 Lumapit siya sa kanyang mga kapatid at ang sabi, “Wala na sa balon si Jose! Ano ang gagawin ko ngayon?”
31 Nagpatay sila ng kambing at itinubog sa dugo nito ang hinubad na damit ni Jose. 32 Pagkatapos, dinala nila ito sa kanilang ama at sinabi, “Nakita po namin ang damit na ito, tingnan nga ninyo kung ito nga ang sa mahal ninyong anak.”
33 Nakilala niya agad ang damit. “Kanya nga ito! Pinatay ng mabangis na hayop ang anak ko! Pihong nagkaluray-luray ang kanyang katawan.” 34 Sinira ni Jacob ang suot niyang damit, at nagsuot ng damit-panluksa. Ipinagluksa niya nang mahabang panahon ang nangyari sa kanyang anak. 35 Inaliw siya ng lahat niyang mga anak ngunit patuloy ang kanyang pamimighati. Sinabi niya, “Mapupunta ako sa daigdig ng mga patay na nagdadalamhati dahil sa pagkawala ng aking anak.” Patuloy siyang nagluksa dahil kay Jose.
36 Samantala, pagdating sa Egipto, ipinagbili si Jose ng mga Midianita kay Potifar, isang punong kawal ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo.
Si Juda at si Tamar
38 Nang panahong iyon, humiwalay si Juda sa kanyang mga kapatid at nakipanirahan kay Hira na isang Adullamita. 2 Napangasawa niya roon ang anak ni Sua, isang Cananeo. 3 Nagkaanak sila ng tatlong lalaki: Er ang ipinangalan sa panganay, 4 ang pangalawa'y Onan, 5 at Sela naman ang pangatlo. Si Juda ay nasa Kizib nang ipanganak si Sela.
6 Pinapag-asawa ni Juda ang kanyang panganay na si Er at ang napangasawa nito'y si Tamar. 7 Napakasama ng ugali ni Er, kaya't nagalit sa kanya si Yahweh at siya'y pinatay. 8 Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Tungkulin mong sipingan ang biyuda ng iyong kapatid upang magkaroon siya ng mga anak sa pamamagitan mo.” 9 Alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak niya sa kanyang hipag. Kaya itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi upang huwag magkaanak ang kanyang kapatid sa pamamagitan niya. 10 Ito'y kasuklam-suklam kay Yahweh kaya't pinatay rin siya. 11 Sinabi ni Juda sa manugang niyang si Tamar, “Umuwi ka na muna sa inyo at hintayin mong lumaki ang bunso kong si Sela.” Sinabi niya ito dahil sa takot na baka mangyari kay Sela ang sinapit ng kanyang mga kapatid. Kaya't umuwi muna si Tamar sa kanyang ama.
12 Pagkalipas ng panahon ay namatay ang asawa ni Juda. Matapos ang pagluluksa, nagpunta si Juda sa Timnat para tingnan ang paggugupit sa balahibo ng kanyang mga tupa. Kasama niya ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adullam. 13 Samantala, may nagsabi kay Tamar na pupunta sa Timnat ang kanyang biyenan upang gupitan ng balahibo ang mga tupa nito. 14 Pagkarinig nito, hinubad niya ang kanyang damit-panluksa. Nagtalukbong siya at naupo sa pagpasok ng Enaim, bayang nadadaanan patungo sa Timnat. Ginawa niya ito sapagkat alam niyang binata na si Sela, ngunit hindi pa sila ipinakakasal ng kanyang biyenan.
15 Nakita ni Juda si Tamar; inakala niyang ito'y isang babaing nagbebenta ng aliw sapagkat may takip ang mukha. 16 Lumapit siya at inalok ang babae na makipagtalik sa kanya. Hindi niya alam na ito ang kanyang manugang.
“Anong ibabayad mo sa akin?” tanong ng babae.
17 Sumagot si Juda, “Padadalhan kita ng isang batang kambing.”
“Payag ako,” sabi ng babae, “kung bibigyan mo ako ng isang sangla hangga't hindi ko tinatanggap ang ipadadala mo.”
18 “Anong sangla ang gusto mo?” tanong ni Juda.
Sumagot siya, “Ang iyong singsing na pantatak kasama ang kadena at ang tungkod mo.” Ibinigay niya ang hiningi ng babae at sila'y nagsiping. Nagdalang-tao si Tamar. 19 Pagkatapos, umuwi siya at inalis ang kanyang talukbong at isinuot muli ang kanyang damit-panluksa.
20 Pag-uwi ni Juda, isinugo niya ang kaibigan niyang taga-Adullam upang dalhin sa babae ang ipinangako niyang kambing, at bawiin naman ang iniwang sangla. 21 Nagtanung-tanong siya sa mga lalaking tagaroon, at ang sagot ng mga ito'y walang gayong babae roon.
22 Nagbalik kay Juda ang kanyang kaibigan at sinabi ang nangyari sa kanyang lakad. 23 Kaya't sinabi ni Juda, “Hayaan mo na sa kanya ang iniwan kong sangla, baka tayo'y pagtawanan pa ng mga tao. Dinala mo na sa kanya ang kambing, ngunit wala siya roon!”
24 Makaraan ang tatlong buwan, may nagsabi kay Juda, “Ang manugang mong si Tamar ay naglaro ng apoy at ngayo'y nagdadalang-tao.”
“Ilabas ninyo siya at sunugin!” ang utos ni Juda.
25 Habang siya'y kinakaladkad na palabas, ipinasabi niya sa kanyang biyenan, “Ang may-ari ng mga ito ang ama ng aking dinadala. Tingnan mo kung kanino ang singsing, kadena at tungkod na ito.”
26 Nakilala ni Juda ang iniwan niyang sangla, kaya't sinabi niya, “Wala siyang kasalanan, ako ang nagkulang; dapat sana'y ipinakasal ko siya kay Sela.” At hindi na niya ito muling sinipingan.
27 Dumating ang panahon ng panganganak ni Tamar at natuklasang kambal ang kanyang isisilang. 28 Sa oras ng kanyang panganganak, lumabas ang kamay ng isa at ito'y tinalian ng hilot ng pulang sinulid upang makilala ang unang inianak. 29 Ngunit iniurong ng sanggol ang kanyang kamay at naunang lumabas ang kanyang kakambal. Sinabi ng hilot, “Ano't nakipagsiksikan kang palabas?” Dahil dito, Fares[z] ang ipinangalan sa bata. 30 Ang sanggol na may taling pulang sinulid ang huling iniluwal. At ito'y pinangalanang Zara.[aa]
Si Jose at ang Asawa ni Potifar
39 Dinala nga si Jose sa Egipto at doo'y ipinagbili siya ng mga Ismaelita kay Potifar, isang Egipcio na pinuno sa pamahalaan ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo. 2 Sa(V) buong panahon ng paglilingkod ni Jose sa bahay ni Potifar ay pinatnubayan siya ni Yahweh. Anumang kanyang gawin ay nagtatagumpay. 3 Napansin ni Potifar na tinutulungan ni Yahweh si Jose, 4 kaya ginawa niya itong katiwala sa bahay at sa lahat niyang ari-arian. 5 Mula noon, dahil kay Jose ay pinagpala ni Yahweh ang buong sambahayan ni Potifar pati ang kanyang mga bukirin. 6 Ipinagkatiwala ni Potifar kay Jose ang lahat, maliban sa pagpili ng kanyang kakainin.
Si Jose'y matipuno at magandang lalaki. 7 Dumating ang panahon na pinagnasaan siya ng asawa ni Potifar. Sinabi nito, “Sipingan mo ako.”
8 Tumanggi si Jose at ang sabi, “Panatag po ang kalooban ng aking panginoon sapagkat ako'y narito. Ginawa niya akong katiwala, 9 at ipinamahala niya sa akin ang lahat sa bahay na ito, maliban sa inyo na kanyang asawa. Hindi ko po magagawa ang ganyan kalaking kataksilan at pagkakasala sa Diyos.” 10 Hindi pinapansin ni Jose ang babae kahit araw-araw itong nakikiusap na sumiping sa kanya.
11 Ngunit isang araw, nasa bahay si Jose upang gampanan ang kanyang tungkulin. Nagkataong wala roon ang ibang mga utusan. 12 Walang anu-ano'y hinablot ng babae ang kanyang balabal at sinabi, “Halika't sipingan mo na ako!” Patakbo siyang lumabas ngunit naiwan ang kanyang balabal sa babae. 13 Sa pangyayaring ito, 14 nagsisigaw ito at tinawag ang mga katulong na lalaki, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo ng asawa ko ng Hebreong ito para hamakin tayo. Sukat ba namang pasukin ako sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan! Mabuti na lamang at ako'y nakasigaw. 15 Pagsigaw ko'y kumaripas siya ng takbo, at naiwan sa akin ang kanyang damit.”
16 Itinago niya ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang asawa. 17 Sinabi niya rito, “Ang Hebreong dinala mo rito'y bigla na lamang pumasok sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan. 18 Nang ako'y sumigaw, kumaripas ng takbo at naiwan sa akin ang kanyang balabal.”
19 Nagalit si Potifar nang marinig ang sinabi ng asawa, 20 kaya't ipinahuli niya si Jose at isinama sa mga bilanggong tauhan ng Faraon. 21 Ngunit(W) si Jose ay hindi pinabayaan ni Yahweh. Ang bantay ng bilangguan ay naging napakabait sa kanya. 22 Si Jose ay ginawa niyang tagapamahala ng lahat ng mga bilanggo, at siya ang tanging nagpapasya kung ano ang gagawin sa loob ng bilangguan. 23 Hindi na halos nakikialam ang bantay ng bilangguan sa ginagawa ni Jose, sapagkat si Yahweh ay kasama nito at pinagtatagumpay siya sa lahat niyang gawain.
Ipinaliwanag ni Jose ang mga Panaginip
40 Minsan, ang tagapangasiwa ng mga inumin ng Faraon at ang punong panadero ay parehong nagkasala sa kanilang panginoon na hari ng Egipto. 2 Sa galit nito, 3 sila'y ipinakulong sa bahay ng punong guwardiya ng piitang pinagdalhan kay Jose. 4 Si Jose ang naatasan ng kapitan na tumingin at maglingkod sa dalawang bilanggo, kaya't matagal silang magkasama sa bilangguan.
5 Isang gabi, ang tagapangasiwa ng mga inumin at ang punong panadero ay parehong nanaginip. 6 Kinaumagahan, nang dumalaw si Jose, napuna niyang nababalisa ang dalawa. 7 Tinanong niya kung bakit, 8 at sila nama'y nagpaliwanag. “Alam mo, pareho kaming nanaginip, ngunit wala ni isa mang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga iyon.”
“Ang Diyos lamang ang nakapagpapaunawa sa atin ng kahulugan ng mga panaginip,” sabi ni Jose. “Ano ba ang napanaginipan ninyo?”
9 Ang tagapangasiwa ng inumin ang unang nagsalaysay. Ang sabi nito, “Napanaginipan kong sa harapan ko'y may puno ng ubas 10 na may tatlong sanga. Pagsibol ng dahon nito, namulaklak na rin at kaagad nahinog ang mga bunga. 11 Hawak ko noon ang kopa ng Faraon, kaya't pinisa ko ang ubas at ibinigay sa Faraon.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.