Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 8:1-23:11

Ang Masaganang Lupain

“Sundin ninyong mabuti ang mga batas na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon upang humaba ang inyong buhay, dumami ang inyong lahi, at kayo'y makarating sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. Alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang matuto kayong magpakumbaba. Sinubok niya kayo kung susundin ninyo siya. Tinuruan(A) nga kayong magpakumbaba; ginutom niya kayo bago binigyan ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Ginawa niya ito upang ipaunawa sa inyo na ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ni Yahweh. Sa loob ng apatnapung taon, hindi nasira ang inyong kasuotan ni hindi namaga ang inyong mga paa sa kalalakad. Itanim(B) ninyo sa inyong isipan na kayo'y dinidisiplina ni Yahweh na inyong Diyos gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. Kaya, matakot kayo sa kanya at sundin ang kanyang mga utos, sapagkat kayo'y dadalhin niya sa isang mainam na lupain, lupaing sagana sa tubig, maraming batis at bukal na umaagos sa mga burol at mga kapatagan. Sagana rin doon sa trigo, sebada, ubas, igos, bunga ng punong granada, olibo at pulot. Doon ay hindi kayo magkukulang ng pagkain o anumang pangangailangan. Ang mga bato roon ay makukunan ng bakal at makukunan ng mga tanso ang mga burol. 10 Mabubusog kayo roon at pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos dahil sa masaganang lupaing ibinigay niya sa inyo.

Babala Laban sa Pagtalikod kay Yahweh

11 “Huwag(C) ninyong kalilimutan si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 12 Kung kayo'y namumuhay na nang sagana, nakatira na sa magagandang bahay, 13 at marami nang alagang hayop, at marami nang naipong pilak at ginto, 14 huwag kayong magmamalaki. Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin sa bansang Egipto. 15 Siya ang pumatnubay sa inyo sa inyong paglalakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na puno ng makamandag na mga ahas at alakdan. Nang wala kayong mainom, nagpabukal siya ng tubig mula sa isang malaking bato. 16 Kayo'y pinakain niya roon ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala. Pinaranas niya kayo ng hirap para kayo'y subukin, at turuang magpakumbaba; ang lahat ng iyo'y sa ikabubuti rin ninyo. 17 Kaya, huwag na huwag ninyong iisipin na ang kayamanan ninyo'y bunga ng sariling lakas at kakayahan. 18 Subalit alalahanin ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang yumaman kayo. Ginagawa niya ito bilang pagtupad niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. 19 Kapag siya'y tinalikuran ninyo at sumamba kayo sa diyus-diyosan, ngayon pa'y binabalaan ko na kayo na malilipol kayo. 20 Kung hindi ninyo papakinggan ang kanyang tinig, malilipol kayo tulad ng nangyari sa mga bansang ipinalipol sa inyo ni Yahweh.

Mga Bunga ng Pagsuway kay Yahweh

“Pakinggan ninyo, O Israel: Ngayong araw na ito, tatawid kayo ng Jordan upang sakupin ang mga bansang makapangyarihan kaysa inyo at ang mga lunsod na napapaligiran ng matataas na pader. Malalaki at matataas ang mga tagaroon, mga higante. Hindi kaila sa inyo ang kasabihang: ‘Walang makakalupig sa angkan ng higante.’ Subalit pakatatandaan ninyo na ang Diyos ninyong si Yahweh ang nangunguna sa inyo tulad ng isang malakas na apoy. Sila'y kanyang gagapiin upang madali ninyo silang maitataboy gaya ng sinabi ni Yahweh.

“Kung sila'y maitaboy na ni Yahweh alang-alang sa inyo, huwag ninyong iisipin na sila'y itinaboy dahil sa kayo'y matuwid. Ang totoo'y itinaboy sila ni Yahweh dahil sa kanilang kasamaan at hindi dahil sa kayo'y matuwid kaya mapapasa-inyo ang lupaing iyon. Itataboy sila ni Yahweh dahil sa kanilang kasamaan, at bilang pagtupad pa rin sa pangako niya sa mga ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.

Naghimagsik ang Israel nang Sila'y nasa Sinai

“Kaya nga't pakatatandaan ninyo na ibinibigay ni Yahweh ang lupaing ito hindi dahil sa kayo'y matuwid; ang totoo'y lahi kayo ng matitigas ang ulo. Huwag ninyong kalilimutan kung bakit nagalit sa inyo si Yahweh nang kayo'y nasa ilang. Mula nang umalis kayo sa Egipto hanggang ngayon, wala na kayong ginawa kundi magreklamo. Noong kayo'y nasa Sinai,[a] ginalit ninyo nang labis si Yahweh at pupuksain na sana niya kayo noon. Nang(D) ako'y umakyat sa bundok at ibigay niya sa akin ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kanyang kasunduan sa inyo, nanatili ako roon sa loob ng apatnapung araw at gabi. Hindi ako kumain ni uminom. 10 Ibinigay niya sa akin ang dalawang tapyas ng batong sinulatan niya ng lahat ng kanyang sinabi sa inyo mula sa naglalagablab na apoy nang kayo'y nagkakatipon sa may paanan ng bundok. 11 Pagkalipas ng apatnapung araw at gabing pananatili ko sa bundok, ibinigay niya sa akin ang nasabing mga tapyas ng bato.

12 “Sinabi ni Yahweh sa akin, ‘Tumayo ka at puntahan mo agad ang mga taong pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto. Sila'y nagpapakasama na. Lumihis sila sa daang itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng imahen at iyon ang sinasamba nila.’

13 “Sinabi pa sa akin ni Yahweh, ‘Talagang matigas ang ulo ng mga taong ito. 14 Hayaan mo akong lipulin sila para mabura na ang alaala nila dito sa lupa, at sa iyo na magmumula ang isang bagong bansa na mas malaki at makapangyarihan kaysa kanila.’

15 “Kaya bumabâ ako mula sa nagliliyab na bundok, dala ang dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng kasunduan. 16 Nakita ko ang pagkakasalang ginawa ninyo laban kay Yahweh. Gumawa kayo ng guyang ginto, at lumihis sa daang itinuro niya sa inyo. 17 Dahil dito, ibinagsak ko sa lupa ang dalawang tapyas ng batong dala ko, at nagkadurug-durog iyon sa harapan ninyo. 18 Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ni Yahweh, at sa loob ng apatnapung araw at gabi hindi ako kumain ni uminom dahil sa mga kasalanan ninyo na labis na ikinagalit ni Yahweh. 19 Natakot(E) ako na baka sa tindi ng galit niya'y puksain kayo. Mabuti na lamang at pinakinggan niya ako. 20 Galit na galit din siya kay Aaron, at ibig na rin niya itong patayin, kaya nanalangin ako para sa kanya. 21 Pagkatapos, kinuha ko ang guyang ginawa ninyo. Sinunog ko ito at dinurog na parang alabok saka ko ibinuhos sa batis na nagmumula sa bundok.

22 “Muli(F) ninyong ginalit si Yahweh nang kayo'y nasa Tabera, Masah, at Kibrot-hataava. 23 Nang(G) kayo'y pinapapunta na niya mula sa Kades-barnea upang sakupin ang lupaing ibinigay niya sa inyo, naghimagsik na naman kayo. Hindi ninyo siya pinaniwalaan ni pinakinggan man. 24 Simula nang makilala ko kayo ay lagi na lamang kayong naghihimagsik laban kay Yahweh.

25 “Nagpatirapa muli ako sa harapan ni Yahweh sa loob ng apatnapung araw at gabi sapagkat nais na niya kayong puksain. 26 Ito ang dalangin ko sa kanya: ‘Panginoong Yahweh, huwag po ninyong pupuksain ang bayang iniligtas ninyo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng inyong walang kapantay na kapangyarihan. 27 Alalahanin po ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Huwag na ninyong pansinin ang katigasan ng ulo ng sambayanang ito ni ang kanilang kasamaan o kasalanan sa inyo. 28 Kapag sila'y pinuksa ninyo, sasabihin ng mga taong ipapasakop ninyo sa kanila na ang mga Israelita'y dinala ninyo sa ilang upang puksain; hindi ninyo sila maihatid sa lupaing ipinangako ninyo, sapagkat matindi ang galit ninyo sa kanila. 29 Sila ang inyong bayang hinirang, ang bayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.’

Ang Ikalawang Pagsulat sa Kautusan(H)

10 “Noon ay sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Magtapyas ka ng dalawang bato, tulad noong una, at gumawa ka ng kabang yari sa kahoy. Pagkatapos, umakyat ka sa bundok. Isusulat ko sa dalawang tapyas ng bato ang nakasulat sa unang dalawang tapyas na binasag mo. Pagkatapos, itago mo sa kaban.’

“Kaya gumawa ako ng kabang yari sa punong akasya, tumapyas ng dalawang batong katulad noong una at ako'y umakyat sa bundok. Isinulat nga ni Yahweh ang sampung utos sa dalawang tapyas ng bato. Ang sampung utos na ito ang sinabi niya sa inyo mula sa naglalagablab na apoy samantalang kayo'y nagkakatipon sa paanan ng bundok. Ang dalawang tapyas ng bato ay ibinigay sa akin ni Yahweh. Ako'y nagbalik mula sa bundok at inilagay ko sa kaban ang dalawang tapyas ng bato tulad ng utos sa akin ni Yahweh.”

(Ang(I) mga Israelita'y naglakbay mula sa Jaacan hanggang Mosera. Doon namatay at inilibing si Aaron. Ang anak niyang si Eleazar ang pumalit sa kanya bilang pari. Mula roo'y nagtuloy sila sa Gudgoda, at sa Jotbata, isang lugar na may maraming batis. Noon(J) pinili ni Yahweh ang mga Levita upang magbuhat ng Kaban ng Tipan, tumulong sa paglilingkod sa kanya, at magbasbas sa kanyang pangalan tulad ng ginagawa nila ngayon. Dahil dito, walang kaparte ang mga Levita sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Si Yahweh ang bahagi nila, tulad ng pangako niya.)

10 “Tulad(K) noong una, apatnapung araw at gabi akong nanatili sa bundok at pinakinggan naman ako ni Yahweh. Dahil dito, hindi na niya itinuloy ang balak na pagpuksa sa inyo. 11 Sinabi niya sa akin na pangunahan kayo sa paglalakbay at pagsakop sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno.

Ang Diwa ng Kautusan ni Yahweh

12 “Bayang Israel, ano nga ba ang nais ni Yahweh mula sa inyo? Ang gusto lang naman niya'y igalang ninyo siya, sundin ang kanyang mga utos, ibigin siya, paglingkuran ng buong puso't kaluluwa, 13 at tuparin ang kanyang mga bilin at tuntunin. Ito rin naman ay para sa inyong kabutihan. 14 Ang pinakamataas na langit, ang daigdig at ang lahat ng narito ay kay Yahweh. 15 Ngunit sa laki ng pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, kayong lahi nila ay pinili niya sa gitna ng maraming bansa. 16 Kaya nga, maging masunurin kayo at huwag maging matigas ang inyong ulo. 17 Sapagkat(L) si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, Panginoon ng mga panginoon, makapangyarihan at kakila-kilabot, walang itinatangi, at hindi nasusuhulan. 18 Binibigyan(M) niya ng katarungan ang mga ulila at balo; minamahal niya ang mga dayuhan at binibigyan ng pagkain at damit. 19 Ibigin ninyo ang mga dayuhan sapagkat kayo ma'y naging dayuhan din sa Egipto. 20 Magkaroon kayo ng takot kay Yahweh. Siya lang ang inyong sambahin; huwag kayong hihiwalay sa kanya, at sa pangalan lamang niya kayo manunumpa. 21 Siya lamang ang dapat ninyong purihin, siya ang inyong Diyos, ang gumawa ng marami at kakila-kilabot na mga bagay na inyong nasaksihan. 22 Pitumpu(N) lamang ang inyong mga ninuno nang pumunta sila sa Egipto ngunit ngayo'y pinarami kayo ng Diyos ninyong si Yahweh; sindami na kayo ng mga bituin sa langit.

Ang Pagpapala ng Pagsunod kay Yahweh

11 “Kaya nga, ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at sundin ninyong lagi ang lahat ng kanyang bilin, tuntunin, batas, at utos. Tandaan ninyo ngayon ang kanyang mga pagtutuwid sa inyo. Alam ninyo ito sapagkat nasaksihan mismo ninyo (hindi tulad ng inyong mga anak na hindi dumaan sa mga ito). Nakita ninyo ang kanyang kadakilaan at kapangyarihan, ang(O) mga kababalaghan, at lahat ng ginawa niya sa Faraon at sa buong Egipto. Nasaksihan(P) din ninyo ang ginawa niya sa buong hukbo ng Egipto pati sa kanilang mga karwahe't kabayo; nilunod sila ni Yahweh sa Dagat na Pula[b] nang kayo'y habulin nila. Hindi rin kaila sa inyo ang ginawa niya nang kayo'y nasa ilang hanggang makarating kayo sa lugar na ito. Nakita(Q) ninyo ang ginawa niya kina Datan at Abiram, mga anak ni Eliab at apo ni Ruben. Pinabuka ni Yahweh ang lupa at ipinalamon sila nang buháy, pati na ang kanilang mga kasama at sambahayan, at lahat ng bagay na kaugnay ng kanilang ginawa. Kitang-kita ng inyong mga mata ang lahat ng mga kababalaghang ginawa ni Yahweh.

Ang mga Pagpapala sa Lupang Pangako

“Kaya't sundin ninyo ang lahat ng utos niya na ipinapaalala ko sa inyo ngayon upang magkaroon kayo ng lakas na sakupin at ariin ang lupaing papasukin ninyo. Dahil dito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno, at sa kanilang magiging lahi—ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Ang lupaing titirhan ninyo ay hindi tulad ng lupaing iniwan ninyo sa Egipto. Doon, ang hinahasikan ninyo ay kailangang patubigan at diligin tulad ng hardin. 11 Ngunit ang lupaing pupuntahan ninyo ay laging inuulan, maraming burol at malawak ang mga kapatagan. 12 Ang lupaing iyon ay palaging inaalagaan at binabantayan ng Diyos ninyong si Yahweh.

13 “Kaya(R) nga, kung susundin lamang ninyo ang utos na sinasabi ko sa inyo ngayon: Ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at paglingkuran nang buong puso't kaluluwa, 14 sa tamang panahon ay pauulanin niya sa lupaing iyon, at magiging sagana kayo sa pagkain, inumin at langis. 15 Pananatilihin niyang sariwa ang damo para sa inyong mga alagang hayop upang kayo'y sumagana sa lahat ng bagay. 16 Ngunit mag-ingat kayo! Huwag kayong padadaya. Huwag kayong sasamba ni maglilingkod sa mga diyus-diyosan. 17 Kapag tinalikuran ninyo si Yahweh, kapopootan niya kayo. Isasara niya ang langit at hindi ito pauulanin. Kapag nangyari ito, mamamatay ang inyong mga pananim, at malilipol kayo sa mabuting lupaing ibinigay niya sa inyo.

18 “Itanim(S) nga ninyo ang mga utos na ito sa inyong mga puso't kaluluwa. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, at itali sa inyong noo. 19 Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. 20 Isulat ninyo ito sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at tarangkahan 21 upang kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. Mananatili kayo roon hangga't ang langit ay nasa ibabaw ng lupa.

22 “Kapag sinunod ninyong mabuti ang kanyang mga utos, inibig siya nang tapat, sinundan ang kanyang mga landas, at nanatili kayo sa kanya, 23 palalayasin niya ang mga tao sa lugar na titirhan ninyo. Masasakop ninyo ang lupain ng mga bansang mas malalaki at malalakas kaysa inyo. 24 Kung(T) magkaganoon, ibibigay niya sa inyo ang lahat ng lupang matapakan ninyo; masasakop ninyo mula sa ilang hanggang Lebanon, at mula sa Ilog Eufrates sa gawing silangan hanggang Dagat Mediteraneo sa gawing kanluran. 25 Walang makakatalo sa inyo. Tulad ng pangako ng Diyos ninyong si Yahweh, sisidlan niya ng matinding takot ang lahat sa lupaing pupuntahan ninyo.

26 “Sa araw na ito, binibigyan ko kayo ng pamimilian: pagpapala o sumpa. 27 Pagpapala kapag sinunod ninyo ang kanyang mga utos, 28 ngunit sumpa kapag sumamba kayo sa ibang diyos sa halip na sumunod sa kanyang mga utos. 29 Kapag(U) nadala na kayo ni Yahweh sa lupaing inyong sasakupin at aariin, ang pagpapala ay bibigkasin ninyo sa Bundok ng Gerizim at ang sumpa'y sa Bundok ng Ebal. 30 Ang mga ito'y nasa silangan ng Jordan, sa tapat ng Gilgal, sa tabi ng Encinar ng Moreh, sa lansangang pakanluran, sa lupain ng mga Cananeo sa Araba. 31 Malapit na kayong tumawid ng Jordan upang sakupin ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh. Pagdating ninyo roon, 32 sundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at tuntuning inilahad ko ngayon sa inyo.

Ang Tanging Lugar ng Pagsamba

12 “Ito ang mga tuntunin na kailangan ninyong sundin sa buong panahon ng inyong paninirahan sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagdarausan ng pagsamba ng mga tao roon sa kanilang mga diyus-diyosan: sa itaas ng mga bundok, sa mga burol, at sa lilim ng mga punongkahoy. Gibain(V) ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, sunugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, durugin ang kanilang mga diyus-diyosan, at alisin sa lugar na iyon ang anumang bakas nila.

“At sa pagsamba ninyo sa Diyos ninyong si Yahweh, huwag kayong tutulad sa kanila na sumasamba sa kanilang mga diyus-diyosan kahit saan maibigan. Sa halip, hanapin ninyo ang lugar na pipiliin ni Yahweh sa lupain ng isa sa inyong mga lipi; doon lamang niya ipahahayag ang kanyang pangalan at iyon ang ituturing niyang tahanan. Doon ninyo siya sasambahin at doon iaalay ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog tulad ng ikasampung bahagi, handog mula sa inyong ani, pangakong handog, kusang handog, ang mga unang bunga ng pananim, at ang panganay na anak ng inyong mga alagang hayop. Doon din kayo magsasalu-salo sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos bilang pasasalamat sa mga pagpapala niya sa inyo.

“Hindi na ninyo magagawa roon ang ginagawa ninyo rito ngayon. Nagagawa ninyo ngayon ang anumang magustuhan ninyo, sapagkat wala pa kayo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 10 Ngunit pagkatawid ninyo ng Jordan, kapag kayo'y nasa lupaing inyong pupuntahan, nalipol na ninyo ang inyong mga kaaway, at panatag na ang inyong pamumuhay, iba na ang inyong gagawin. 11 Ialay ninyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog, tulad ng ikapu, handog mula sa inyong mga ani, at mga pangakong handog. 12 Magdiwang kayo sa harapan ni Yahweh, kasama ang inyong mga anak at mga alipin. Isama rin ninyo ang mga Levita, sapagkat hindi sila kasama sa paghahati ng lupain. 13 Ngunit huwag na huwag kayong magsusunog ng handog kahit saan ninyo maibigan. 14 Doon lamang ninyo iaalay ang mga handog na susunugin at gagawin ang lahat ng iniuutos ko sa inyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh mula sa lupain ng isa sa inyong mga lipi.

15 “Kahit saan ay maaari kayong magpatay ng hayop at maaaring kumain ng karne nito hanggang gusto ninyo, katulad ng pagkain ng usa. Maaaring kumain nito pati ang mga itinuturing na marumi. 16 Ngunit(W) huwag ninyong kakainin ang dugo; kailangang patuluin ito sa lupa. 17 Hindi rin ninyo maaaring kainin sa inyong mga tirahan ang mga ito: ang ikasampung bahagi ng inyong mga ani, alak at langis, ang panganay na anak ng inyong mga hayop, ang pangakong handog, kusang handog, at iba pang handog. 18 Ang mga ito ay maaari lamang ninyong kainin sa harapan ng Diyos ninyong si Yahweh, sa lugar na pipiliin niya. Maaari ninyong makasalo ang inyong mga anak, mga alipin at ang mga Levita bilang pagdiriwang dahil sa pagpapala sa inyo ni Yahweh. 19 Huwag ninyong pababayaan ang mga Levita habang kayo'y nasa inyong lupain.

20 “Kapag napalawak na ni Yahweh ang lupaing nasasakop ninyo at ibig na ninyong kumain ng karne, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo. 21 Kung kayo'y malayo sa lugar ng pagsamba na pinili niya, maaari ninyong patayin ang isa sa inyong mga hayop, 22 at kainin tulad ng pagkain ng usa. Lahat ay maaari nang kumain, maging ang taong itinuturing na malinis o marumi. 23 Ngunit(X) huwag ninyong kakainin ang dugo sapagkat nasa dugo ang buhay; ang sangkap ng buhay ay hindi dapat kainin. 24 Huwag na huwag ninyong kakainin ang dugo, sa halip ay patuluin ito sa lupa. 25 Huwag ninyong kakainin iyon; magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak kung gagawin ninyo ang naaayon sa kagustuhan ni Yahweh. 26 Ang lahat ng handog na dapat ninyong ibigay at ang inyong pangakong handog ay dadalhin ninyo sa lugar na pipiliin niya. 27 Ang inyong mga handog na susunugin, laman at dugo, ay ihahain ninyo sa altar niya. Ibubuhos ninyo sa altar ang dugo, at ang laman ay maaari ninyong kainin. 28 Sundin ninyong mabuti ang mga tagubilin ko sa inyo at magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak sa habang panahon, sapagkat ang pagsunod na ito'y tama at katanggap-tanggap kay Yahweh na inyong Diyos.

Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan

29 “Kapag napalayas na ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tao sa lupaing iyon at kayo na ang nakatira roon, 30 huwag ninyong tutularan ang kasuklam-suklam nilang gawain. Huwag na ninyong alamin pa kung paano sila sumamba sa mga diyos nila, baka gayahin pa ninyo ang mga iyon. 31 Huwag ninyong gagawin kay Yahweh ang karumal-dumal na gawain nila sa pagsamba sa kanilang diyus-diyosan gaya ng pagsusunog ng kanilang anak bilang handog.

32 “Sundin(Y) ninyong mabuti ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan.

13 “Kung sa inyo'y may lumitaw na propeta o nagbibigay ng kahulugan sa mga panaginip, at nagpakita siya ng kababalaghan o kaya'y nagkatotoo ang kanyang pahayag, subalit hinihikayat kayong sumamba sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, huwag kayong makikinig sa kanya. Pagsubok lamang iyon ni Yahweh sa inyo kung talagang iniibig ninyo siya nang buong puso't kaluluwa. Si Yahweh lamang ang inyong sundin. Matakot kayo sa kanya at sundin ninyo ang kanyang mga utos. Paglingkuran ninyo siya, at manatili kayong tapat sa kanya. At ang propetang iyon o ang nagbibigay ng kahulugan sa panaginip ay dapat patayin sapagkat inuudyukan niya ang mga tao upang maghimagsik kay Yahweh na inyong Diyos, na siyang nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto; hinihikayat nila kayong iwan ang daang itinuro niya sa inyo. Iyan ay masama at dapat ninyong iwasan.

“Sinuman ang lapitan ng kanyang kapatid, anak, asawa, o matalik na kaibigan upang lihim na hikayating sumamba at maglingkod sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, o kaya'y sa diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan ninyo, maging malapit o malayo, huwag ninyo siyang papakinggan. Huwag ninyo siyang kaaawaan, o pagtatakpan. Sa halip, patayin ninyo siya. Ang nilapitan ang unang babato sa kanya, pagkatapos ay ang taong-bayan. 10 Batuhin ninyo siya hanggang mamatay sapagkat hinikayat niya kayong tumalikod kay Yahweh na inyong Diyos at siyang nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto. 11 Kapag ito'y napabalita sa buong Israel, wala nang mangangahas pang gumawa ng ganoon, at magkakaroon ng takot ang lahat.

12 “Kapag nabalitaan ninyo na sa alinman sa mga lunsod na ibinigay sa inyo ni Yahweh 13 ay may manlilinlang, at nanghihikayat sa mga tagaroon upang sumamba at maglingkod sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, 14 siyasatin ninyo itong mabuti. Kapag napatunayan ninyong totoo, 15 patayin ninyong lahat ang tagaroon, maging ang kanilang mga alagang hayop. 16 Ang lahat ng masamsam ninyo roon ay ipunin ninyo sa liwasan at sunugin pati ang buong lunsod upang maging handog kay Yahweh. Ang lugar na iyon ay hahayaan ninyong ganoon at hindi na dapat itayo pang muli. 17 Huwag kayong kukuha ng anumang ipinagbabawal sa inyo para hindi magalit si Yahweh sa inyo. Mahahabag siya sa inyo, at kayo'y kanyang pararamihin, tulad ng pangako niya sa inyong mga ninuno, 18 kung papakinggan ninyo ang tinig ng Diyos ninyong si Yahweh, susundin ang kanyang mga utos, at patuloy na gagawin ang ayon sa kanyang kalooban.

Maling Kaugalian ng Pagluluksa

14 “Kayo(Z) ang mga anak ng Diyos ninyong si Yahweh. Kung ang isang mahal sa buhay ay mamatay, huwag ninyong hihiwaan ang inyong sarili ni aahitan ang inyong noo upang ipakita lamang na kayo'y nagluluksa. Kayo(AA) ay bansang itinalaga kay Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanyang sariling bayan.

Ang Malilinis at ang Maruruming Hayop(AB)

“Huwag kayong kakain ng anumang bagay na marumi. Ito ang mga hayop na maaari ninyong kainin: baka, tupa, kambing, usa, gacela, kambing bundok, antilope, at tupang bundok. Maaari rin ninyong kainin ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkain mula sa sikmura. Huwag din ninyong kakainin iyong ngumunguya ngunit hindi biyak ang kuko, tulad ng kamelyo, kuneho, at dagang bukid. Ang mga ito ay marurumi. Ang baboy ay dapat ding ituring na marumi sapagkat biyak man ang kuko, hindi naman ito ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Huwag ninyo itong kakainin ni hahawakan ang kanilang bangkay.

“Sa mga nilikha sa tubig, ang lahat ng may palikpik at kaliskis ay maaari ninyong kainin. 10 Huwag ninyong kakainin ang mga walang kaliskis at walang palikpik; ito ay marurumi.

11-18 “Maaari ninyong kainin ang malilinis na ibon. Ngunit ito ang mga ibon na huwag ninyong kakainin: agila, buwitre, agilang dagat; azor, falcon, at lahat ng uri ng milano; lahat ng uri ng uwak; ang ostrits, kuwago, gaviota, at lahat ng uri ng lawin; lahat ng uri ng kuwago, sisne, pelicano, buwitre, somormuho; lahat ng uri ng tagak, abudilla, kabag, at paniki.

19 “Lahat ng kulisap na may pakpak ay marurumi. Huwag ninyong kakainin ang mga ito. 20 Maaari ninyong kainin ang anumang malilinis na ibon maliban sa mga nabanggit.

21 “Huwag(AC) ninyong kakainin ang anumang hayop na basta na lamang namatay. Maaari ninyo itong ibigay o ipagbili sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. Ito'y sa dahilang kayo'y sambayanang inilaan sa Diyos ninyong si Yahweh.

“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.

Ang Tuntunin tungkol sa Ikasampung Bahagi

22 “Kukunan(AD) ninyo ng ikasampung bahagi ang inyong ani taun-taon. 23 Ang ikasampung bahagi ng inyong ani, alak, langis, at ang panganay ng inyong mga alagang hayop ay doon ninyo kakainin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh upang siya'y inyong maparangalan. 24 Kung malayo ang lugar na pipiliin niya at magiging mahirap dalhin doon ang ikasampung bahagi ng inyong ani, 25 ipagbili ninyo iyon, at dalhin ang pinagbilhan sa lugar na pinili niya. 26 Pagdating doon, bumili kayo ng anumang gusto ninyo: baka, tupa, alak, o inuming nais ninyo at siya ninyong pagsalu-saluhang mag-anak bilang pagdiriwang sa harapan ng Diyos ninyong si Yahweh. 27 Ngunit huwag ninyong kalilimutang bigyan ang mga Levita sa inyong lugar, yamang sila'y walang kaparte sa lupaing minana ninyo.

28 “Tipunin ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani tuwing ikatlong taon. 29 Ito ay ibibigay ninyo sa mga Levita yamang wala silang kaparte sa inyong lupain. Bibigyan din ninyo ang mga dayuhang kasama ninyo, ang mga ulila, at ang mga balo. Kapag ginawa ninyo ito, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong mga gawain.

Ang Taon ng Pamamahinga(AE)

15 “Ang bawat ikapitong taon ay gagawin ninyong taon ng pagpapatawad sa mga may utang sa inyo. Ganito ang inyong gagawin: huwag na ninyong sisingilin ang kababayan ninyong may utang sa inyo, sapagkat ito'y taon ng pagpapatawad na itinakda ni Yahweh. Ang mga dayuhan lamang ang sisingilin ninyo, at hindi ang inyong mga kababayan.

“Walang maghihirap sa inyo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh sapagkat tiyak na pagpapalain niya kayo kung makikinig kayo sa kanyang tinig at susunod sa kanyang mga utos na sinasabi ko sa inyo ngayon. Nangako si Yahweh na kayo'y pagpapalain niya. Hindi na kayo mangungutang kaninuman, sa halip ay kayo ang magpapautang sa maraming bansa. Hindi kayo masasakop ng sinuman, sa halip ay kayo ang mananakop sa maraming bayan.

“Pagdating(AF) ninyo sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, huwag ninyong pagkakaitan ng tulong ang mga kababayan ninyong nangangailangan. Sa halip, ibukas ninyo sa kanila ang inyong mga palad at pahiramin sila ng anumang kailangan. Huwag ninyong pagdadamutan ang inyong kababayan kapag nangungutang siya sa panahong malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagpapatawad. Kapag sila'y tinanggihan ninyo at dumaing sila kay Yahweh, mananagot kayo sa kanya. 10 Pahiramin ninyo sila nang maluwag sa inyong kalooban at pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong gagawin. 11 Kailanma'y(AG) hindi kayo mawawalan ng mga kababayang mangangailangan, kaya sinasabi ko sa inyong ibukas ninyo ang inyong mga palad sa kanila.

Ang mga Tuntunin tungkol sa mga Alipin(AH)

12 “Kapag(AI) nakabili[c] kayo ng kapwa ninyong Israelita bilang alipin, babae o lalaki man, anim na taon siyang maglilingkod sa inyo. Pagdating ng ikapitong taon, palalayain na ninyo siya 13 at huwag ninyo siyang paaalisin nang walang dala. 14 Sa halip, bibigyan ninyo siya ng tupa, trigo, inumin at langis, mula sa mga ipinagkaloob sa inyo ni Yahweh. 15 Alalahanin ninyong naging alipin din kayo sa Egipto at mula roo'y pinalaya kayo ng Diyos ninyong si Yahweh, kaya iniuutos ko ito ngayon sa inyo. 16 Ngunit kung gusto niyang manatili dahil sa pagmamahal niya sa inyo at sa inyong sambahayan, 17 dalhin ninyo siya sa may pintuan at butasan ang kanyang tainga. Sa gayon, siya'y magiging alipin ninyo habang buhay. Ganito rin ang gagawin ninyo sa mga aliping babae. 18 Hindi kayo dapat manghinayang sa ibibigay ninyo sa kanya kung aalis siya sapagkat ang ibibigay ninyo'y katumbas lamang ng upa sa isang manggagawang nagtrabaho nang tatlong taon. Gawin ninyo ito at pagpapalain ng Diyos ninyong si Yahweh ang lahat ng inyong gagawin.

Ang Pagbubukod sa mga Panganay

19 “Lahat(AJ) ng panganay na lalaki ng inyong mga alagang hayop ay ibubukod ninyo para kay Yahweh; huwag ninyo itong pagtatrabahuhin ni gugupitan. 20 Ito ay kakainin ninyo sa harapan ni Yahweh, sa lugar na pipiliin niya. 21 Ngunit kung may kapansanan ang panganay na hayop, bulag o pilay, huwag ninyo itong ihahandog kay Yahweh na inyong Diyos. 22 Ito'y maaaring kainin sa bahay, tulad ng pagkain ninyo sa isang usa. Pati ang taong itinuturing na marumi ay maaaring kumain nito. 23 Huwag(AK) ninyong kakainin ang dugo; kailangang patuluin ito sa lupa.

Pinaalala ang Pista ng Paskwa(AL)

16 “Ipagdiwang(AM) ninyo ang unang buwan at ganapin ang Paskwa para kay Yahweh na inyong Diyos, sapagkat unang buwan nang ilabas niya kayo sa Egipto. Mag-aalay kayo ng tupa o baka bilang handog na pampaskwa sa lugar na pipiliin niya. Sa pagkain ninyo ng handog na ito, huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa; sa loob ng pitong araw, ang kakainin ninyo ay tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng pagtitiis. Gagawin ninyo ito bilang pag-alala sa inyong pag-alis sa Egipto. Sa loob ng pitong araw na iyon, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa nasasakupan ng inyong lupain. Huwag din ninyong pababayaang umagahin ang kahit kapiraso ng inihandog ninyo sa gabi. Ang paghahandog ay huwag ninyong gagawin sa loob ng inyu-inyong bayan, kundi sa lugar lamang na pipiliin ni Yahweh. Ito'y iaalay ninyo paglubog ng araw, sa oras ng pag-alis ninyo noon sa Egipto. Doon ninyo ito iluluto at kakainin sa lugar na pipiliin niya. Kinaumagahan, babalik na kayo sa inyu-inyong tolda. Anim na araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may pampaalsa. Sa ikapitong araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong; sinuma'y huwag magtatrabaho sa araw na iyon.

Pinaalala ang Pista ng mga Sanlinggo(AN)

“Pagkalipas(AO) ng pitong linggo mula sa unang araw ng paggapas, 10 ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo. Sa araw na iyon, dalhin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos ang inyong kusang handog mula sa inyong ani, ayon sa dami ng pagpapala niya sa inyo. 11 Kasama ninyo sa pagdiriwang ang inyong sambahayan, mga alipin, ang mga Levitang kasama ninyo, ang mga dayuhan, ang mga ulila, at ang mga babaing balo; gaganapin ninyo ito sa lugar na pipiliin ni Yahweh. 12 Huwag ninyong kalilimutang kayo'y naging alipin din sa Egipto, kaya't sundin ninyong mabuti ang kanyang mga tuntunin.

Pinaalala ang Pista ng mga Tolda(AP)

13 “Pitong(AQ) araw na ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Tolda, matapos iligpit sa kamalig ang inyong inani at mailagay sa imbakan ang katas ng ubas. 14 Isasama ninyo sa pagdiriwang na ito ang inyong mga anak, mga alipin, ang mga Levita, mga dayuhan, mga ulila, at mga babaing balo. 15 Pitong araw kayong magpipista sa lugar na pipiliin ni Yahweh; pagpapalain niya ang inyong mga pananim at lahat ng inyong gagawin para makapagdiwang kayong lahat.

16 “Sa loob ng isang taon, ang inyong kalalakihan ay tatlong beses haharap kay Yahweh: tuwing Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, Pista ng mga Sanlinggo, at Pista ng mga Tolda. Magdadala sila ng handog tuwing haharap, 17 ayon sa kanilang makakaya, ayon sa dami ng pagpapalang tinanggap ninyo mula kay Yahweh na inyong Diyos.

Ang Paggagawad ng Katarungan

18 “Pumili kayo ng mga hukom at ng iba pang pinuno para sa bawat bayan, ayon sa inyong mga lipi. Sila ang magpapasya sa inyong mga usapin at maggagawad ng katarungan. 19 Huwag(AR) ninyong pipilipitin ang katarungan at huwag kayong magtatangi ng tao ni tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa matatalino at nagpapahamak sa mga taong matuwid. 20 Katarungan lamang ang inyong paiiralin, at kayo'y mabubuhay nang matagal sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.

21 “Huwag(AS) kayong magtatayo ng haligi bilang rebulto ng diyosang si Ashera sa tabi ng altar na gagawin ninyo para kay Yahweh na inyong Diyos. 22 At(AT) huwag kayong gagawa ng rebultong sasambahin sapagkat iyon ay kasuklam-suklam sa kanya.

17 “Huwag kayong maghahandog ng baka o tupang may kapintasan o kapansanan sapagkat kasuklam-suklam iyon kay Yahweh na inyong Diyos.

“Sinuman sa inyo ang matuklasang gumagawa ng masama laban kay Yahweh na inyong Diyos at sumisira sa ating kasunduan kay Yahweh, naglilingkod(AU) at sumasamba sa mga diyus-diyosan, sa araw, sa buwan o sa mga bituin 4-5 ay siyasatin ninyong mabuti. Kapag ang sumbong o ang bintang na iyon ay napatunayan, ang nagkasala ay dadalhin sa pintuang bayan, at babatuhin hanggang mamatay. Ang(AV) hatol na kamatayan ay igagawad kung may dalawa o tatlong saksi na nagpapatotoo; hindi sapat ang patotoo ng isang saksi. Ang(AW) mga saksi ang unang babato sa nagkasala, saka ang taong-bayan. Sa ganitong paraan ay aalisin ninyo sa inyong sambayanan ang kasamaang tulad nito.

“Kung sa lugar ninyo ay may mabigat na usapin at hindi ninyo kayang lutasin, tulad ng patayan, pang-aapi o pananakit, pumunta kayo sa lugar na pinili ni Yahweh. Iharap ninyo ito sa mga paring Levita o hukom na nanunungkulan sa panahong iyon, at sila ang hahatol. 10 Tanggapin ninyo ang anumang ihatol nila sa inyo at sunding lahat ang kanilang tagubilin. 11 Kung ano ang sabihin nila, siya ninyong gawin; huwag kayong lalabag sa anumang pasya nila. 12 Papatayin ang sinumang hindi susunod sa katuruan ng pari o sa hatol ng hukom. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaan sa inyong sambayanan. 13 Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng gayunding kasamaan.

Ang Paglalagay ng Hari

14 “Kapag(AX) kayo'y naroon na at naninirahan nang maayos sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh, makakaisip kayong magkaroon ng hari, tulad ng mga bansa sa paligid ninyo. 15 Maaari kayong maglagay ng hari, ngunit ang ilalagay ninyo ay iyong pinili ni Yahweh at mula sa inyong lahi. Huwag ninyong gagawing hari ang sinumang dayuhan. 16 Ang(AY) gagawin ninyong hari ay hindi dapat magparami ng kabayo para sa kanyang sarili; hindi rin niya maaaring iutos sa iba na magbalik sa Egipto para ikuha siya ng maraming kabayo, sapagkat ipinag-utos ni Yahweh, na huwag nang bumalik pa roon. 17 Hindi(AZ) siya dapat mag-asawa ng marami at baka siya makalimot kay Yahweh; ni hindi siya dapat magpayaman sa panahon ng paghahari. 18 Kapag siya'y nakaupo na sa trono, gagawa siya ng isang kopya ng mga kautusang ito na nasa pag-iingat ng mga paring Levita. 19 Ito ay para sa kanya at babasahin niya araw-araw upang magkaroon siya ng takot kay Yahweh na kanyang Diyos at upang buong puso niyang masunod ang mga kautusan at mga tuntunin ni Yahweh, 20 upang hindi siya magmalaki sa kanyang mga kababayan, at upang hindi siya lilihis sa mga tuntuning ito. Kung magkagayon, siya at ang kanyang mga anak ay maghahari nang matagal sa Israel.

Ang Bahagi ng mga Pari

18 “Ang mga paring Levita, ang buong lipi ni Levi ay walang mamanahing bahagi sa lupain ng Israel. Ang para sa kanila ay ang mga kaloob at handog kay Yahweh. Wala(BA) silang bahagi sa lupain tulad ng ibang lipi sa Israel; si Yahweh ang kanilang bahagi, gaya ng kanyang pangako.

“Ang mga ito ang nakalaan para sa mga pari mula sa handog kay Yahweh, maging baka o tupa: ang mga balikat, ang mga pisngi at ang tiyan; ang unang ani ng mga pananim, ng alak, ng langis, at ang unang pinaggupitan ng inyong mga tupa. Ang lipi ni Levi ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya bilang mga pari habang panahon.

“Sakaling may Levita mula sa alinmang bayan ng lupain na kusang magpunta sa lugar na pinili ni Yahweh upang sumamba, maaaring maglingkod doon ang Levita kasama ng kapwa niya Levita. Siya ay bibigyan doon ng kanyang bahaging kasindami ng ibibigay sa mga Levita na dating naglilingkod doon, bukod sa bahagi niya mula sa mana ng kanyang ama.

Babala Laban sa Pagsunod sa Kaugalian ng mga Pagano

“Kapag kayo'y naroon na sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, huwag kayong gagaya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga tao roon. 10 Sinuman(BB) sa inyo'y huwag magsusunog ng kanyang anak bilang handog. Huwag kayong manghuhula, huwag gagawin ang ginagawa ng mga mangkukulam, 11 ng(BC) mga mananawas, at ng mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay. 12 Sinumang gumawa ng alinman sa mga ito ay kasusuklaman ni Yahweh na inyong Diyos. Pakatatandaan ninyo na iyan ang dahilan kaya niya itataboy ang mga nakatira sa lupaing pupuntahan ninyo. 13 Lubos(BD) kayong maging tapat sa Diyos ninyong si Yahweh. 14 Ang mga bansang inyong sasakupin ay sumusunod sa mga manghuhula at mga naniniwala sa mga agimat. Subalit ang mga ito ay ipinagbabawal sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.

Ang Diyos ay Magpapadala ng Propeta

15 “Mula(BE) sa inyo, si Yahweh na inyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang[d] katulad ko. Dapat kayong makinig sa kanya.[e] 16 Ito ang kasagutan sa hiling ninyo kay Yahweh nang kayo'y nagkakatipon sa Sinai.[f] Ang sabi ninyo, ‘Huwag mo nang iparinig pang muli sa amin ang tinig ni Yahweh ni ipakita ang kakila-kilabot na apoy na ito sapagkat tiyak na mamamatay kami.’ 17 Sinabi naman niya sa akin, ‘Tama ang sabi nila, 18 kaya mula sa kanila, pipili ako para sa kanila ng isang propetang[g] katulad mo. Sasabihin ko sa kanya[h] ang aking kalooban, at siya[i] ang magsasabi nito sa mga tao. 19 Sinumang(BF) hindi makinig sa kanya na nagsasalita para sa akin ay mananagot sa akin. 20 Ngunit ang sinumang propetang magsalita para sa ibang diyos o kaya'y magkunwaring nagsasalita para sa akin subalit hindi ko naman inatasan, ang propetang tulad niyon ay dapat patayin.’

21 “Upang matiyak ninyo kung ang sinabi ng propeta ay galing kay Yahweh o hindi, 22 ito ang palatandaan: kapag hindi nangyari o nagkatotoo ang sinabi niya, iyon ay hindi mula kay Yahweh; ang mensahe niya ay gawa-gawa lamang niya. Huwag ninyo siyang katatakutan.

Ang mga Lunsod-Kanlungan(BG)

19 “Kapag(BH) nalipol na ni Yahweh na inyong Diyos ang mga mamamayan sa lupaing ibinigay niya sa inyo, at kayo na ang nakatira roon, magbukod kayo ng tatlong lunsod. Gagawan ninyo iyon ng mga kalsada. Hatiin ninyo sa tatlo ang buong lupaing ibibigay ni Yahweh sa inyo. Sa bawat bahagi ay maglagay kayo ng lunsod-kanlungan na siyang tatakbuhan ng sinumang makapatay nang hindi sinasadya.

“Ito ang tuntunin ukol sa sinumang nakapatay ng tao nang hindi sinasadya o hindi dahil sa away. Halimbawa: sinumang nagpuputol ng kahoy sa gubat, tumilapon ang talim ng kanyang palakol, at tinamaan ang kasama niya. Kung namatay ang tinamaan, ang nakapatay ay maaaring magtago at manirahan sa isa sa mga lunsod na ito. Kung hindi siya makakapagtago agad dahil malayo ang lunsod-kanlungan, baka siya ay patayin ng kamag-anak ng namatay bilang paghihiganti dahil sa bugso ng damdamin. Hindi dapat patayin ang sinumang nakapatay sa ganitong paraan sapagkat hindi naman dahil sa alitan at hindi rin sinasadya ang pagkapatay. Iyan ang dahilan kaya ko kayo pinagbubukod ng tatlong lunsod.

“Kapag pinalawak na ng Diyos ninyong si Yahweh ang inyong nasasakupan sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno, at kapag naibigay na niya nang buong-buo ang lupang kanyang ipinangako, maaari kayong magbukod ng tatlo pang lunsod kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng kanyang utos, at iibigin siya nang tapat. (Pahihintulutan ito ni Yahweh kung buong sipag ninyong susundin ang kanyang mga tuntunin, kung siya ay buong puso ninyong iibigin, at kung lalakad kayo ayon sa kanyang kalooban.) 10 Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagdanak ng dugo ng mga taong walang kasalanan. Ang kamatayan ng walang sala ay pananagutan ninyo kay Yahweh sa lupaing ibinibigay niya sa inyo.

11 “Kung ang pagpatay ay binalak o dahil sa alitan at ang nakapatay ay tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, 12 ipadarakip siya ng pinuno ng kanyang bayan at ibibigay siya sa pinakamalapit na kamag-anak ng napatay upang patayin din. 13 Huwag ninyo siyang kaaawaan. Kailangang alisin sa Israel ang mamamatay-taong tulad nito. Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang matiwasay.

Mga Batong Palatandaan

14 “Huwag(BI) ninyong gagalawin ang mga batong palatandaan ng hangganan ng lupa ng inyong kapwa. Inilagay ng inyong mga ninuno ang mga palatandaang iyon sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.

Mga Tuntunin tungkol sa Pagsaksi

15 “Hindi(BJ) sapat ang patotoo ng isang saksi upang mahatulang nagkasala ang isang tao. Kailangan ang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. 16 Kapag ang isang taong may masamang hangarin ay nagbintang nang hindi totoo sa kanyang kapwa, 17 silang dalawa'y pupunta sa lugar na pinili ni Yahweh at haharap sa mga pari at sa mga hukom na nanunungkulan. 18 Sisiyasatin silang mabuti ng mga hukom at kapag napatunayang kasinungalingan ang bintang, 19 ang parusang hinahangad niya sa kanyang pinagbintangan ay sa kanya igagawad. Alisin ninyo ang ganyang kasamaan sa inyong sambayanan. 20 Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng ganoong kasamaan. 21 Huwag(BK) kayong maaawa sa ganitong uri ng tao. Kung ano ang inutang, iyon din ang kabayaran; buhay sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa.

Mga Tuntunin tungkol sa Pakikidigma

20 “Kung kayo'y makikipagdigma, huwag kayong matatakot kahit na mas malaki ang hukbong kalaban ninyo at mas marami ang kanilang kabayo at karwahe, sapagkat kasama ninyo si Yahweh, ang Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto. Bago kayo makipaglaban, tatayo ang isang pari sa unahan ng hukbo at sasabihin niya ang ganito: ‘Pakinggan mo, Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma ka. Lakasan mo ang iyong loob at huwag kang matakot sapagkat kasama mo ang Diyos mong si Yahweh; siya ang makikipaglaban para sa iyo at pagtatagumpayin ka niya.’ Ganito naman ang sasabihin ng mga pinunong kawal: ‘Sinuman ang may bagong bahay subalit hindi pa ito naitatalaga ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang tumira sa bahay niya. Sinuman ang may bagong ubasan subalit hindi pa nakakatikim ng bunga niyon ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang makinabang sa kanyang ubasan. Sinuman sa inyo ang nakatakdang ikasal subalit hindi pa nagsasama ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang magpakasal sa kanyang minamahal. Sinuman sa inyo ang natatakot o naduduwag ay maaari nang umuwi; baka maduwag ding kagaya niya ang iba.’ Matapos itong sabihin ng mga pinunong kawal, maglalagay sila ng mga mangunguna sa bawat pangkat.

10 “Bago ninyo salakayin ang isang lunsod, alamin muna ninyo kung gusto nilang sumuko. 11 Kapag binuksan nila ang pintuan ng kanilang lunsod at sumuko sa inyo, magiging alipin ninyo sila at magtatrabaho para sa inyo. 12 Kung ayaw nilang sumuko at sa halip ay gustong lumaban, kubkubin ninyo sila. 13 Kapag sila'y nalupig na ninyo sa tulong ng Diyos ninyong si Yahweh, patayin ninyo ang lahat ng kalalakihan roon. 14 Bihagin ninyo ang mga babae at ang mga bata, at samsamin ang mga hayop at lahat ng maaari ninyong makuha. Para sa inyo ang mga iyon, at maaari ninyong kunin sapagkat ipinagkaloob sa inyo ni Yahweh. 15 Ganyan ang gagawin ninyo sa mga lunsod na malayo sa inyo. 16 Ngunit sa mga lunsod sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh ay wala kayong ititirang buháy. 17 Lipulin ninyo ang mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo, tulad ng utos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 18 Kailangang gawin ninyo ito upang hindi nila kayo maakit sa kasuklam-suklam nilang pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Sa ganito'y makakaiwas kayo sa paggawa ng isang bagay na kasuklam-suklam kay Yahweh.

19 “Kapag kinubkob ninyo ang isang lunsod, huwag ninyong putulin ang mga punongkahoy doon kahit matagal na ninyong kinukubkob ang lugar na iyon. Ang mga puno ay hindi ninyo kaaway, bagkus makakapagbigay pa ito sa inyo ng pagkain, kaya huwag ninyo itong puputulin. 20 Ang mga puno na hindi makakain ang bunga ang siya ninyong puputulin kung kailangan ninyo sa pagkubkob.

Pagpapasya tungkol sa Di-malutas na Krimen

21 “Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh at may nakita kayong bangkay sa parang at hindi ninyo alam kung sino ang pumatay, ipagbigay-alam ninyo iyon sa matatandang pinuno at mga hukom upang sukatin nila ang distansya ng mga lunsod sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Pagkatapos, ang pinuno ng pinakamalapit na lunsod ay kukuha ng isang dumalagang baka na hindi pa napapagtrabaho. Dadalhin nila ito sa isang batis na may umaagos na tubig, sa isang lugar na hindi pa nabubungkal ni natatamnan. Pagdating doon, babaliin ang leeg ng baka. Pagkatapos, lalapit ang mga paring Levita sapagkat sila ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya at upang magbigay ng basbas sa pamamagitan ng kanyang pangalan. Sila ay magpapasya sa bawat usapin. Ang mga pinuno ng lunsod na malapit sa pinangyarihan ng krimen ay maghuhugas ng kanilang mga kamay sa ibabaw ng dumalagang baka. Sasabihin nila, ‘Hindi kami ang pumatay. Hindi rin namin alam kung sino ang gumawa nito. Patawarin mo po, Yahweh, ang iyong bayang Israel na iyong iniligtas. Huwag mo po kaming panagutin sa pagkamatay ng taong ito.’ Hindi kayo mananagot sa mga ganitong pangyayari kung gagawin ninyo ang naaayon sa kagustuhan ni Yahweh.

Mga Tuntunin tungkol sa mga Bihag na Babae

10 “Kung pagtagumpayin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh sa pakikipagdigma sa inyong mga kaaway at sila'y mabihag ninyo, 11 at kung sakaling may makita kayong magandang babae mula sa mga bihag at nais ninyo itong maging asawa, 12 dalhin ninyo siya sa inyong bahay, ipaahit ninyo ang kanyang buhok, ipaputol ang mga kuko, 13 at pagbihisin. Mananatili siya sa inyong bahay sa loob ng isang buwan upang ipagluksa ang kanyang mga magulang. Pagkatapos, maaari na siyang pakasalan at sipingan. 14 Subalit kung ang lalaki'y hindi na nasisiyahan sa kanya, dapat na niya itong palayain. Hindi siya maaaring ipagbili at gawing alipin sapagkat nadungisan na ang kanyang puri.

Tuntunin tungkol sa Karapatan ng Panganay

15 “Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa, at mas mahal niya ang isa, ngunit kapwa may anak at ang panganay niyang lalaki ay ipinanganak doon sa hindi niya gaanong mahal, 16 huwag aalisin sa kanya ang karapatan bilang panganay upang ilipat sa anak ng asawa na kanyang minamahal. 17 Ang kikilalaning panganay ay ang una niyang anak at dito ibibigay ang dalawang bahagi ng kanyang ari-arian, kahit siya'y anak ng hindi gaanong mahal.

Tuntunin tungkol sa Anak na Matigas ang Ulo

18 “Kung matigas ang ulo at suwail ang isang anak, at ayaw makinig sa kanyang mga magulang sa kabila ng kanilang pagdisiplina, 19 siya ay dadalhin ng kanyang mga magulang sa pintuang-bayan at ihaharap sa pinuno ng bayan. 20 Ang sasabihin nila, ‘Matigas ang ulo at suwail ang anak naming ito; at ayaw makinig sa amin. Siya ay lasenggo at nilulustay ang aming kayamanan.’ 21 Pagkatapos, babatuhin siya ng taong-bayan hanggang sa mamatay. Ganyan ang inyong gagawin sa masasamang tulad niya. Mapapabalita ito sa buong Israel at matatakot silang tumulad doon.

Iba't ibang Tuntunin

22 “Kapag ibinitin ninyo sa punongkahoy ang bangkay ng isang taong pinatay bilang parusa sa nagawang kasalanan, 23 hindi(BL) dapat abutan ng gabi ang bangkay na iyon sa ganoong kalagayan. Kailangan siyang ilibing sa araw ding iyon, sapagkat ang ibinitin sa punongkahoy ay isinumpa ng Diyos. Kapag hindi ninyo inilibing agad, madadamay sa sumpa ang lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.

22 “Kapag(BM) nakita ninyong nakawala ang baka o tupa ng inyong kapwa Israelita, huwag ninyo itong pababayaan; hulihin ninyo at dalhin sa may-ari. Kung malayo ang tirahan ng may-ari o kung hindi ninyo alam kung kanino, iuwi muna ninyo ito at hintaying hanapin ng may-ari saka ninyo ibigay. Ganyan din ang gagawin ninyo sa asno, damit o anumang bagay na inyong napulot na maaaring naiwala ng isang Israelita; ibalik ninyo sa may-ari.

“Kapag nakita ninyong nabuwal ang baka o asno ng inyong kapwa, tulungan ninyong ibangon iyon.

“Ang mga babae ay huwag magsusuot ng kasuotang panlalaki o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae. Sinumang gumawa nito ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.

“Kung may makita kayong pugad ng ibon, sa lupa o sa punongkahoy, na may inakay o kaya'y may nililimlimang itlog, huwag ninyong huhulihin ang inahin. Maaari ninyong kunin ang inakay o ang itlog ngunit pakawalan ninyo ang inahin upang mabuhay kayo nang mahaba at masagana.

“Lagyan ninyo ng harang ang bubong ng bahay na gagawin ninyo upang hindi kayo managot sakaling may mahulog mula roon.

“Huwag(BN) ninyong tatamnan ng magkaibang binhi ang inyong ubasan; kapag ginawa ninyo iyon, ang bunga ng ibang binhi at ng inyong ubas ay dapat dalhing lahat sa santuwaryo.

10 “Huwag ninyong pagsasamahin sa iisang araro ang baka at ang asno.

11 “Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa pinagsanib na lana at lino.

12 “Lagyan(BO) (BP) ninyo ng palawit ang apat na sulok ng inyong balabal.

Mga Tuntunin tungkol sa Puri ng Isang Babae

13 “Kung pinakasalan ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos magtalik ay inayawan niya ang babae, 14 at pinagbintangang hindi na ito birhen nang pakasalan niya, 15 dudulog sa matatandang pinuno ng bayan ang mga magulang ng babae, dala ang katibayan ng pagkabirhen ng kanilang anak nang ito'y mag-asawa. 16 Ganito ang sasabihin ng ama, ‘Ipinakasal ko sa lalaking ito ang anak kong babae ngunit ngayo'y ayaw na ng lalaking ito ang anak ko. 17 Sinira niya ang puri ng aking anak at ipinamalita niyang hindi na ito birhen nang pakasalan niya. Subalit narito po ang katunayan ng kanyang pagkabirhen.’ At ilalagay nila sa harapan ng matatandang pinuno ang damit na may bahid ng dugo ng babae. 18 Pagkatapos nito, huhulihin ng mga pinuno ng bayan ang lalaki at kanilang hahagupitin. 19 Bukod doon, siya'y pagmumultahin ng sandaang pirasong pilak at ito'y ibibigay sa ama ng babae dahil sa ginawa niyang paninirang-puri sa isang babaing Israelita. Sila'y mananatiling mag-asawa, at ang babae'y hindi maaaring palayasin at hiwalayan ng lalaki habang siya'y nabubuhay.

20 “Ngunit kung totoo ang bintang, at walang makitang katunayan ng pagiging birhen, 21 ilalabas ang babae sa may pintuan ng bahay ng kanyang ama. Babatuhin siya roon ng mga kalalakihan ng lunsod, hanggang sa mamatay sapagkat gumawa siya ng malaking kasalanan sa bahay mismo ng kanyang ama, at ito'y kasuklam-suklam na gawain sa Israel. Sa ganyang paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa inyong sambayanan.

22 “Kapag ang isang lalaki'y nahuling kasiping ang asawa ng iba, pareho silang dapat patayin. Sa ganyang paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa Israel.

23 “Kapag ang isang lalaki ay nahuling nakikipagtalik sa isang dalagang nakatakda nang ikasal at hindi naman ito humingi ng saklolo gayong sila'y nasa loob ng bayan, 24 dapat ninyo silang ilabas ng bayan at batuhin hanggang mamatay sapagkat hindi humingi ng saklolo ang babae, at ang lalaki naman ay lumapastangan ng isang babaing malapit nang ikasal. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa inyong sambayanan.

25 “Kapag ang isang dalagang nakatakda nang ikasal ay ginahasa sa labas ng lunsod, ang lalaki lamang ang dapat patayin. 26 Hindi paparusahan ang babae sapagkat wala siyang kasalanan. Ang lalaki lamang ang may kasalanan sapagkat katumbas na rin nito ang pagsalakay at pagpatay ng kapwa tao. 27 Ang babae ay ginahasa sa isang lugar na walang katau-tao at walang makakarinig humingi man ito ng saklolo.

28 “Kapag ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal ay ginahasa ng isang lalaki at nahuli ang lalaking iyon, 29 bibigyan niya ng limampung pirasong pilak ang ama ng babae, at pakakasalan niya ang babae. Dahil sinira niya ang puri nito, hindi maaaring palayasin at hiwalayan ng lalaki ang babae.

30 “Hindi(BQ) dapat pakasalan ng anak ang ibang asawa ng kanyang ama. Hindi niya dapat ilagay sa kahihiyan ang kanyang sariling ama.

Mga Hindi Kabilang sa Sambayanan ng Diyos

23 “Ang isang lalaking kinapon o naputulan ng ari ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh.

“Sinumang anak sa labas ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanyang lahi.

“Ang(BR) isang Ammonita o Moabita ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanilang lahi, sapagkat(BS) hindi nila kayo binigyan ng pagkain at inumin nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. Bukod dito, inupahan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo. Gayunman,(BT) hindi siya dininig ng Diyos ninyong si Yahweh. Sa halip, pinagpala niya kayo sapagkat mahal kayo ni Yahweh. Kailanma'y huwag ninyo silang tutulungan upang sila'y maging mapayapa o masagana.

“Huwag ninyong kasusuklaman ang mga Edomita sapagkat sila'y mga kapatid ninyo; gayundin ang mga Egipcio sapagkat kayo'y nanirahan sa kanilang lupain. Maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh ang ikatlong salin ng kanilang lahi.

Mga Tuntunin tungkol sa Kalinisan sa Loob ng Kampo

“Sa panahon ng digmaan, umiwas kayo sa anumang maaaring magparumi sa inyo sa loob ng inyong kampo.

10 “Kapag nilabasan ng sariling binhi ang isang lalaki habang natutulog, lalabas siya ng kampo at hindi muna babalik. 11 Maliligo siya sa dapit-hapon. Paglubog ng araw, saka lamang siya babalik sa kampo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.