Bible in 90 Days
27 “At kung sa kabila nito'y di pa rin kayo magbabago at patuloy pa ring sumuway sa akin, 28 magsisiklab na ang aking galit sa inyo, at ako na mismo ang magpaparusa sa inyo ng makapitong ibayo dahil sa inyong mga kasalanan. 29 Sa tindi ng gutom ay kakainin ninyo pati ang inyong mga anak. 30 Wawasakin ko ang inyong mga altar sa burol at ang altar na sunugan ng insenso. Itatakwil ko kayo at itatambak ang inyong mga bangkay sa ibabaw ng inyong mga diyus-diyosan. 31 Wawasakin ko ang inyong mga lunsod, at iiwanan kong tiwangwang ang mga santuwaryo at hindi ko tatanggapin ang mga handog ninyo. 32 Sasalantain ko ang inyong mga lupain at magtataka ang mga kaaway ninyong sasakop niyon. 33 Uusigin ko kayo ng tabak at magkakawatak-watak kayo sa iba't ibang lupain. Maiiwang nakatiwangwang ang inyong lupain at iguguho ang inyong mga lunsod. 34 Sa gayon, mamamahinga nang mahabang panahon ang inyong lupain samantalang kayo'y bihag sa ibang bansa. 35 Makakapagpahinga ang inyong lupain, hindi tulad nang kayo'y naroon.
36 “Ang mga maiiwan doon ay paghaharian ng matinding takot kaya't may malaglag lamang na dahon ng kahoy ay magkakandarapa na sila sa pagtakbo na parang hinahabol ng tagâ kahit wala naman. 37 Magkakadaganan sila sa pagtakbo na parang hinahabol ng tagâ, gayong wala namang humahabol. Hindi ninyo maipagtatanggol ang inyong sarili sa mga kaaway. 38 Mamamatay kayo sa lupain ng inyong mga kaaway. 39 Ang malalabi naman ay mamamatay sa hirap dahil sa kasalanan ninyo at ng inyong mga ninuno.
40 “Subalit kung pagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan at ang mga kasalanan ng kanilang ninuno, at tanggapin na naghimagsik sila laban sa akin, 41 at iyon ang dahilan kung bakit sila'y aking pinabayaan; kung sila'y magpakumbaba at pagsisihan ang kanilang mga kasalanan, 42 aalalahanin(A) ko ang aking kasunduan kay Jacob, kay Isaac, at kay Abraham. At aalalahanin kong muli ang aking pangako patungkol sa lupang pangako. 43 Subalit paaalisin ko muna sila roon. Sa gayon, makakapagpahinga nang lubusan ang lupain at madarama naman nila ang bagsik ng parusang ipapataw ko dahil sa pagsuway nila sa aking mga tuntunin at kautusan. 44 Gayunman, hindi ko sila lubos na pababayaan sa lupain ng kanilang mga kaaway, baka kung puksain ko'y mawalan ng kabuluhan ang kasunduang ginawa ko sa kanila. Ako si Yahweh na kanilang Diyos. 45 Aalalahanin ko sila alang-alang sa aking kasunduan sa kanilang mga ninunong inilabas ko mula sa Egipto. Nasaksihan ng mga bansa ang ginawa kong ito upang ako'y maging Diyos nila. Ako si Yahweh.”
46 Ito ang mga tuntunin at mga utos ni Yahweh na ibinigay sa mga Israelita sa Bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.
Mga Batas tungkol sa mga Kaloob kay Yahweh
27 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita: Kung may mamanata kay Yahweh na maghandog ng tao, iyon ay tutubusin nang ganito: 3 Kung anak na lalaki, mula sa dalawampu hanggang animnapung taóng gulang, ito ay susuriin upang palitan o tubusin sa halagang limampung pirasong pilak ayon sa timbangan sa santuwaryo 4 at tatlumpung pirasong pilak naman kung babae. 5 Mula sa lima hanggang dalawampung taon, dalawampung pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae. 6 Kapag isang buwan hanggang limang taon, limang pirasong pilak kung lalaki at tatlong pirasong pilak naman kung babae. 7 Kung mahigit nang animnapung taon, labinlimang pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae.
8 “Kung walang maitutubos dahil sa kahirapan, ang taong iyo'y ihaharap sa pari at siya ang magpapasya kung magkano ang itutubos ayon sa kakayahan ng may panata.
9 “Kung ang panatang handog ay hayop, dapat itong ilaan kay Yahweh. 10 Hindi ito maaaring palitan. Kapag pilit na pinalitan, ang papalitan at ipapalit ay parehong ilalaan kay Yahweh. 11 Kung ang ipinangakong hayop ay hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, dadalhin iyon sa pari. 12 Hahalagahan niya ito, anuman ang uri ng hayop at hindi matatawaran ang halagang ipinasya ng pari. 13 Kung tutubusin ang hayop, magdaragdag kayo ng halaga ng ikalimang bahagi ng halaga ng hayop.
14 “Kung bahay naman ang ipinangako, hahalagahan ito ng pari ayon sa uri at kayarian, at ang kanyang itinakdang halaga ay hindi matatawaran. 15 Kung ang bahay ay gustong tubusin ng naghandog, babayaran niya ito na may dagdag na ikalimang bahagi ng halaga niyon, at mababalik sa kanya ang bahay.
16 “Kung isang bahagi ng lupang minana ang ipinangako, ang itutubos ay batay sa dami ng maaani doon: limampung pirasong pilak sa bawat malaking sisidlan[a] ng sebada. 17 Kung ang paghahandog ay ginawa sa simula ng Taon ng Paglaya, babayaran ito nang buo upang matubos. 18 Ngunit kung ito'y ginawa matapos ang Taon ng Paglaya, ang itutubos ay ibabatay sa dami ng taon bago dumating ang susunod na pagdiriwang; babawasin ang halaga ng nakalipas na taon. 19 Kung ang lupa ay nais tubusin ng naghandog, babayaran niya ang takdang halaga maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halagang iyon. 20 Kung hindi pa niya ito natutubos at ipinagbili sa iba, kailanma'y hindi na niya matutubos iyon. 21 Pagdating ng Taon ng Paglaya, ituturing na nakalaan kay Yahweh ang lupaing iyon at ito'y ibibigay sa pangangalaga ng mga pari.
22 “Kung ang ipinangako naman ay ang lupang binili at hindi minana, 23 hahalagahan iyon ng pari ayon sa dami ng taon bago dumating ang Taon ng Paglaya. Sa araw ring iyon, ibibigay ng nangako ang pantubos bilang handog kay Yahweh. 24 Pagdating ng Taon ng Paglaya, mababalik ang lupang ito sa dating may-ari o sa kanyang tagapagmana. 25 Ang halaga ng pantubos ay batay sa timbangan ng santuwaryo. Bawat pirasong pilak ay katumbas ng labindalawang gramo.
26 “Hindi maaaring maipanata kay Yahweh ang panganay na hayop, maging baka o tupa sapagkat iyon ay sadyang para kay Yahweh. 27 Ngunit kung iyon ay hayop na hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, tutubusin ito ng may-ari sa takdang halaga maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halaga niyon. Kung hindi matubos, ipagbibili ito sa takdang halaga.
28 “Lahat(B) ng lubos na naialay kay Yahweh, maging tao, hayop, o minanang lupa, ay hindi na maaaring tubusin o ipagbili sapagkat iyon ay ganap na sagrado sa kanya. 29 Hindi na maaaring tubusin ang mga taong lubos na naialay kay Yahweh. Kailangan silang patayin.
30 “Lahat(C) ng ikasampung bahagi, maging binhi o bunga ng pananim ay nakalaan kay Yahweh. 31 Kung may nais tumubos sa alinman sa kanyang ikasampung bahagi, babayaran niya ito ayon sa itinakdang halaga nito maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halagang iyon. 32 Isa sa bawat sampung alagang hayop ay nakalaan para kay Yahweh. Ang bawat ikasampung tupa o baka na mabibilang ay para kay Yahweh. 33 Hindi iyon dapat suriin ng may-ari kung masama o hindi. Hindi rin iyon maaaring palitan, at kung ito'y mapalitan man, ang ipinalit at pinalitan ay parehong ilalaan kay Yahweh; hindi na matutubos ang mga ito.”
34 Ito ang mga tuntunin na ibinigay ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai para sa sambayanang Israel.
Ang Unang Sensus sa Israel
1 Noong(D) unang araw ng ikalawang buwan matapos umalis sa Egipto ang sambayanang Israel, si Yahweh ay nangusap kay Moises habang siya'y nasa loob ng Toldang Tipanan na noo'y nasa ilang ng Sinai. Ang sabi ni Yahweh, 2 “Magsagawa ka ng isang sensus. Bilangin at ilista ninyo ang pangalan ng buong sambayanan ng Israel ayon sa kani-kanilang angkan at lipi. Ilista ninyo ang lahat ng lalaki 3 mula sa gulang na dalawampu pataas, lahat ng maaari nang lumaban sa digmaan. Magpatulong ka kay Aaron 4 at sa pinuno ng bawat angkan.” 5-16 Ito ang mga pinuno ng bawat lipi na tutulong sa iyo:
Lipi | Pinuno |
---|---|
Ruben | Elizur na anak ni Sedeur |
Simeon | Selumiel na anak ni Zurisadai |
Juda | Naason na anak ni Aminadab |
Isacar | Nathanael na anak ni Zuar |
Zebulun | Eliab na anak ni Helon |
Efraim | Elisama na anak ni Amiud |
Manases | Gamaliel na anak ni Pedazur |
Benjamin | Abidan na anak ni Gideoni |
Dan | Ahiezer na anak ni Amisadai |
Asher | Pagiel na anak ni Ocran |
Gad | Eliasaf na anak ni Deuel |
Neftali | Ahira na anak ni Enan |
17 Ang mga taong nabanggit ay isinama nina Moises at Aaron, 18 at noong unang araw ng ikalawang buwan, tinipon nila ang lahat ng Israelita. Itinala nila ang lahat ng lalaki mula sa gulang na dalawampu pataas, ayon sa kani-kanilang lipi. 19 Ginawa nila ito sa ilang ng Sinai, ayon sa utos ni Yahweh.
20-43 Ito ang kanilang naitala:
Lipi | Bilang |
---|---|
Ruben | 46,500 |
Simeon | 59,300 |
Gad | 5,650 |
Juda | 74,600 |
Isacar | 54,400 |
Zebulun | 57,400 |
Efraim | 40,500 |
Manases | 32,200 |
Benjamin | 35,400 |
Dan | 62,700 |
Asher | 41,500 |
Neftali | 53,400 |
44-45 Lahat ng lalaki sa Israel mula sa dalawampung taon pataas at maaaring isama sa hukbo upang makidigma ay itinala nga nina Moises at Aaron. Sila ay tinulungan ng labindalawang pinuno na mula sa bawat lipi ng Israel. 46 Ang kabuuang bilang ay 603,550.
Ang Paghirang sa mga Levita
47 Ang mga Levita ay hindi kabilang sa sensus na ito 48 sapagkat ganito ang bilin ni Yahweh kay Moises: 49 “Huwag mong isasama sa sensus ng Israel ang mga Levita. 50 Sa kanila mo ibibigay ang tungkulin ng paglilingkod sa Toldang Tipanan. Itatayo nila ang kanilang mga tolda sa paligid ng Toldang Tipanan at sila ang bubuhat nito pati ang mga kasangkapan nito. 51 Kung kailangang tanggalin ang tabernakulo, sila ang magtatanggal at kung kailangang itayong muli, sila rin ang magtatayo. At sinumang lumapit sa tabernakulo liban sa kanila ay dapat patayin. 52 Ang mga lipi ng Israel ay magtatayo ng kanya-kanyang tolda sa ilalim ng kani-kanilang watawat. 53 Ang mga Levita naman ay magtatayo ng kanilang mga tolda sa paligid ng Toldang Tipanan para walang ibang makalapit dito, sapagkat kapag may ibang lumapit dito, tiyak na paparusahan ko ang buong Israel. Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan.” 54 Ang lahat ng mga utos na ito ni Yahweh ay sinunod ng mga Israelita.
Ang Kampo at ang Pinuno ng Bawat Lipi
2 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron: 2 Ang mga Israelita'y magtatayo ng kanilang tolda sa paligid ng Toldang Tipanan sa labas ng hanay ng mga Levita, at bawat angkan ay sama-sama sa ilalim ng kanilang watawat.
3-8 Sa gawing silangan magkakampo ang pangkat ng mga lipi ni Juda, Isacar, at Zebulun:
Lipi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Juda | Naason na anak ni Aminadab | 74,600 |
Isacar | Nathanael na anak ni Zuar | 54,400 |
Zebulun | Eliab na anak ni Helon | 57,400 |
9 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 186,400. Sila ang mauuna sa bawat paglakad.
10-15 Sa gawing timog naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Ruben, Simeon, at Gad:
Lipi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Ruben | Elizur na anak ni Sedeur | 46,500 |
Simeon | Selumiel na anak ni Zurisadai | 59,300 |
Gad | Eliasaf na anak ni Deuel | 45,650 |
16 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 151,450. Ang pangkat na ito ang susunod sa pangkat na pangungunahan ng lipi ni Juda.
17 Maging sa paglilipat ng Toldang Tipanan, ang pangkat ng mga Levita ay mananatili sa gitna ng ibang mga pangkat. Sa pagpapatuloy ng paglalakbay, mananatili ang bawat pangkat sa dating ayos sa ilalim ng kani-kanilang watawat.
18-23 Sa gawing kanluran naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Efraim, Manases, at Benjamin:
Lipi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Efraim | Elisama na anak ni Amiud | 40,500 |
Manases | Gamaliel na anak ni Pedazur | 32,200 |
Benjamin | Abidan na anak ni Gideoni | 35,400 |
24 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 108,100. Sila ang pangatlo sa hanay.
25-30 At sa gawing hilaga naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Dan, Asher, at Neftali:
Lipi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Dan | Ahiezer na anak ni Amisadai | 62,700 |
Asher | Pagiel na anak ni Ocran | 41,500 |
Neftali | Ahira na anak ni Enan | 53,400 |
31 Ang pangkat na ito ay umaabot sa 157,600. Sila ang kahuli-hulihan sa hanay ng mga kawal. 32 Iyon ang bilang ng mga Israelita ayon sa kani-kanilang lipi. Lahat-lahat ay umabot sa 603,550. 33 Hindi kabilang dito ang mga Levita tulad ng ipinagbilin ni Yahweh kay Moises na huwag isasama sa sensus ang mga ito.
34 Ang lahat ay ginawa ng mga Israelita ayon sa utos ni Yahweh. Nagtayo sila ng tolda sa ilalim ng kani-kanilang watawat, at pangkat-pangkat na nagpatuloy sa paglalakbay.
Ang Tungkulin ng mga Levita
3 Ito ang salinlahi nina Aaron at Moises nang kausapin siya ni Yahweh sa Bundok ng Sinai. 2 Ang(E) mga anak ni Aaron ay si Nadab na siyang panganay at sina Abihu, Eleazar at Itamar. 3 Sila ang mga itinalagang pari na magsisilbi sa Toldang Tipanan. 4 Ngunit(F) sina Nadab at Abihu ay namatay sa harap ng altar sa Bundok ng Sinai nang magsunog sila ng handog kay Yahweh sa pamamagitan ng apoy na hindi itinalaga para roon. Wala silang anak kaya sina Eleazar at Itamar ang naglingkod bilang pari habang nabubuhay ang kanilang ama.
5 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 6 “Tipunin mo ang lipi ni Levi at italaga mo sila bilang katulong ni Aaron. 7 Tutulungan nila si Aaron sa mga gawain sa Toldang Tipanan at ang mga mamamayan sa kanilang paghahandog. 8 Sila ang mangangasiwa sa mga kagamitan sa loob ng Toldang Tipanan at sila rin ang tutulong sa mga Israelita sa kanilang pagsamba. 9 Ang tanging tungkulin ng mga Levita ay ang tumulong kay Aaron at sa kanyang mga anak sa gawain nila sa Toldang Tipanan. 10 Si Aaron naman at ang kanyang mga anak na lalaki ay itatalaga mo bilang pari at sila lamang ang gaganap ng mga gawaing kaugnay nito. Sinumang hindi mula sa lipi ni Aaron na gumanap ng tungkulin ng pari ay dapat patayin.”
11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki, kaya sila'y para sa akin. 13 Akin(G) ang lahat ng panganay sapagkat nang lipulin ko ang lahat ng panganay ng Egipto, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay, maging tao o hayop. Kaya, sila ay akin, ako si Yahweh.”
14 Sinabi noon ni Yahweh kay Moises sa ilang ng Sinai, 15 “Lahat ng lalaki sa lipi ni Levi, mula sa gulang na isang buwan pataas ay ilista mo ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan.” 16 Kaya, ang lipi ni Levi ay inilista ni Moises ayon sa utos sa kanya ni Yahweh. 17 Ito ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat at Merari. 18 Ang mga anak naman ni Gershon ay sina Libni at Simei. 19 Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 20 Ang mga anak naman ni Merari ay sina Mahali at Musi. Ito ang talaan ng lipi ni Levi ayon sa kani-kanilang angkan.
21 Ang angkan ni Gershon na binubuo ng mga sambahayan nina Libni at Simei 22 ay umabot sa 7,500 ang may edad na isang buwan pataas. 23 Nagkampo sila sa gawing kanluran, sa likod ng tabernakulo, 24 at ang pinuno nila ay si Eliasaf na anak ni Lael. 25 Sila ang mangangasiwa sa kaayusan ng Toldang Tipanan, 26 sa bubong at sa tali nito, sa mga kurtina sa pinto at sa bulwagan sa paligid, at ng altar.
27 Ang angkan ni Kohat ay binubuo ng mga sambahayan nina Amram, Izar, Hebron at Uziel, 28 at umabot sa 8,600 ang mga kalalakihang isang buwan pataas ang edad. 29 Sila ay sa gawing timog ng tabernakulo pinagkampo 30 at pinamunuan ni Elizafan na anak ni Uziel. 31 Sila naman ang mangangalaga sa Kaban ng Tipan, sa mesang lalagyan ng handog, sa ilawan, sa mga altar, sa kagamitan ng mga pari at sa mga tabing.
32 Si Eleazar na anak ni Aaron ang magiging pinuno ng mga Levita at mamamahala sa mga katulong sa paglilingkod sa santuwaryo.
33 Ang angkan ni Merari ay binubuo ng mga sambahayan nina Mahali at Musi, 34 at umabot sa 6,200 ang kalalakihang may edad na isang buwan pataas. 35 Ang pinuno nila ay si Zuriel na anak ni Abihail, at ang pinagkampuhan nila ay ang gawing hilaga ng tabernakulo. 36 Sila ang pinamahala sa mga gamit sa tabernakulo tulad ng mga haliging patayo at pahalang, poste, patungan ng mga poste at lahat ng kawit na gamit dito. 37 Sila rin ang pinamahala sa mga poste, sa patungan ng mga poste, sa mga tulos at mga panali sa bulwagan sa labas.
38 Magkakampo naman sa gawing silangan ng tabernakulo, sa harap ng Toldang Tipanan, sina Moises at Aaron at ang mga anak nito. Ang tungkulin nila ay sa loob ng santuwaryo; gawin ang anumang kailangang gawin para sa Israel o paglilingkod para sa mga Israelita. Sinumang lumapit sa Dakong Banal liban sa kanila ay dapat patayin. 39 Ang kabuuang bilang ng mga Levita na naitala nina Moises at Aaron ayon sa utos ni Yahweh ay 22,000.
Ang Pagtubos sa mga Panganay
40 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bilangin at ilista mo ang pangalan ng mga panganay na lalaki sa buong Israel, mula sa edad na isang buwan pataas. 41 Ibubukod mo ang mga Levita para sa akin, bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng buong sambayanan. Ibubukod mo rin ang mga alagang hayop ng mga Levita bilang kapalit ng panganay ng mga hayop ng buong sambayanan.” 42 At itinala nga ni Moises ang lahat ng panganay na lalaki sa Israel ayon sa utos sa kanya ni Yahweh. 43 Ang naitala niya'y umabot sa 22,273.
44 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 45 “Ilaan mo sa akin ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel, at ang alagang hayop ng mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng mga hayop ng mga Israelita. Ang mga Levita ay para sa akin. 46 Sapagkat mas marami ng 273 ang panganay ng mga Israelita kaysa mga lalaking Levita, ipatutubos mo 47 ng limang pirasong pilak bawat isa, ayon sa opisyal na timbangan ng santuwaryo (ang isang pirasong pilak ay katumbas ng labindalawang gramo). 48 Lahat ng salaping malilikom ay ibibigay mo kay Aaron at sa kanyang mga anak.” 49 Kinuha nga ni Moises ang pantubos sa mga panganay ng mga Israelita na humigit sa bilang ng mga Levita. 50 Ang kabuuang nalikom ay umabot sa 1,365 pirasong pilak. 51 Ang lahat ng ito'y ibinigay ni Moises kay Aaron at sa mga anak nito bilang pagsunod sa utos ni Yahweh.
Ang Tungkulin ng mga Levitang Mula sa Angkan ni Kohat
4 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 2 “Bilangin at ilista ninyo ang angkan ni Kohat ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan. 3 Ibukod ninyo ang lahat ng maaari nang maglingkod sa Toldang Tipanan, ang mga lalaking may edad na tatlumpu hanggang limampung taon. 4 Sila ang maglilingkod sa mga bagay na ganap na sagrado sa loob ng Toldang Tipanan.
5 “Kung aalis na ang mga Israelita sa lugar na kanilang pinagkakampuhan, si Aaron at ang kanyang mga anak ang magtatanggal sa mga tabing ng Toldang Tipanan at ibabalot ito sa Kaban ng Tipan. 6 Pagkatapos, papatungan ito ng balat ng kambing, at babalutin ng telang asul saka isusuot ang mga pasanan sa mga argolya nito.
7 “Ang mesang lalagyan ng handog na tinapay ay lalatagan naman ng asul na tela, saka ipapatong sa ibabaw nito ang mga plato, mga lalagyan ng insenso, mga mangkok at mga pitsel. Hindi na aalisin ang tinapay na handog na naroroon. 8 Pagkatapos, tatakpan ang lahat ng ito ng pulang tela at ng balat ng kambing, saka isusuot sa mga argolya ang mga pasanan.
9 “Ang ilawan pati ang mga ilaw, pang-ipit, sisidlan ng abo at ang mga sisidlan ng langis ay babalutin din ng telang asul 10 at ng balat ng kambing, kasama ang lahat ng kagamitan at saka ilalagay sa sisidlan.
11 “Ang altar na ginto ay tatakpan din ng asul na tela, at babalutin ng balat ng kambing saka isusuot sa mga argolya ang mga pasanan nito. 12 Ang iba pang kagamitan sa Toldang Tipanan ay babalutin ng telang asul saka tatakpan ng balat ng kambing, at ilalagay sa sisidlan. 13 Ang abo sa altar ay aalisin bago ito takpan ng damit na pula. 14 Pagkatapos, ipapatong dito ang mga kagamitan sa altar tulad ng mga kawali, panusok, pala at palanggana. Tatakpan ito ng balat ng kambing saka isusuot sa argolya ang mga pasanan nito. 15 Kapag ang Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan dito'y naibalot na nina Aaron at ng kanyang mga anak, ang lahat ng ito'y dadalhin ng mga anak ni Kohat. Ngunit huwag nilang hahawakan ang mga sagradong bagay sapagkat mamamatay ang sinumang humawak sa mga sagradong kagamitang ito.
“Ito ang mga tungkulin ng mga anak ni Kohat tuwing ililipat ang Toldang Tipanan.
16 “Si Eleazar na anak ni Aaron ang mangangalaga sa langis para sa ilawan, sa insenso, sa karaniwang handog na pagkaing butil at sa langis na pantalaga. Siya rin ang mamamahala sa buong Toldang Tipanan at sa lahat ng kagamitan dito.”
17 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 18 “Huwag ninyong pababayaang mapahamak ang sambahayan ni Kohat 19 sa paglapit nila sa mga ganap na sagradong kasangkapan. Para hindi sila mamatay, ituturo sa kanila ni Aaron at ng mga anak nito kung ano ang dapat nilang dalhin at kung ano ang dapat nilang gawin. 20 Ngunit huwag na huwag silang papasok upang tingnan kahit sandali lang ang mga sagradong bagay doon sapagkat tiyak na mamamatay sila sa sandaling gawin nila iyon.”
Tungkulin ng mga Levitang Mula sa Lahi ni Gershon
21 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 22 “Bilangin at ilista mo rin ang mga anak ni Gershon ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan, 23 at ilista mo ang lahat ng lalaking maaaring maglingkod sa Toldang Tipanan, mula sa edad na tatlumpu hanggang limampu. 24 Ito ang tungkuling ibibigay mo sa kanila: 25 Dadalhin nila ang mga balat na asul at ang balat na yari sa balahibo ng kambing, at mga mainam na balat na itinatakip sa Toldang Tipanan, at ang tabing sa pintuan nito; 26 ang mga tali at balat na nakatabing sa bulwagan sa paligid ng tabernakulo at ng altar, ang tabing sa pasukan ng bulwagan, at ang lahat ng kagamitang kasama nito. Sila rin ang gaganap ng lahat ng gawaing kaugnay ng mga bagay na ito. 27 Ang lahat ng gagawin ng sambahayan ni Gershon ay pamamahalaan ni Aaron at ng kanyang mga anak. Ikaw ang magtatakda ng dapat nilang gawin. 28 Ito ang magiging gawain ng mga anak ni Gershon sa pangangasiwa ni Itamar na anak ni Aaron.
Tungkulin ng mga Levitang Mula sa Lahi ni Merari
29 “Bilangin at ilista mo rin ang mga anak ni Merari ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan, 30 at ilista mo ang mga lalaking maaari nang maglingkod sa Toldang Tipanan, ang mga may edad mula sa tatlumpu hanggang limampung taon. 31 Ito naman ang dadalhin nila bilang paglilingkod sa Toldang Tipanan: ang mga haliging pahalang at patayo, mga patungan ng haligi, 32 ang mga haligi ng tabing sa paligid ng bulwagan, pati mga patungan niyon, mga tulos, mga tali at ang lahat ng kagamitang kasama ng mga ito. Sasabihin mo sa kanila kung anu-ano ang kanilang dadalhin. 33 Ito ang tungkulin ng mga anak ni Merari patungkol sa Toldang Tipanan. Gagawin nila ito sa pangangasiwa ni Itamar.”
Ang Talaan ng mga Levita
34 Ang mga anak ni Kohat ay inilista nga nina Moises at Aaron sa tulong ng mga pinuno ng Israel. 35 Ang nailista nila na makakapaglingkod sa Toldang Tipanan, mula sa tatlumpu hanggang limampung taon, 36 ayon sa kani-kanilang sambahayan ay umabot sa 2,750. 37 Ito ang bilang ng mga anak ni Kohat na naitala nina Moises at Aaron bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Ang mga ito ay tumulong sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.
38-40 Ang bilang ng mga anak ni Gershon, ayon sa kanilang sambahayan, mula sa tatlumpung taon hanggang limampu, samakatuwid ay lahat ng maaaring makatulong sa mga gawain sa Toldang Tipanan ay 2,630. 41 Ito ang bilang ng mga anak ni Gershon na naitala nina Moises at Aaron bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Ang mga ito ay tumulong sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.
42-44 Ang bilang naman ng mga anak ni Merari, ayon sa kanilang angkan at sambahayan, mula sa tatlumpu hanggang limampung taon, lahat ng maaaring makatulong sa gawain sa Toldang Tipanan ay 3,200. 45 Ito ang bilang ng mga anak ni Merari na nailista nina Moises at Aaron ayon sa kani-kanilang sambahayan, bilang pagsunod sa utos ni Yahweh.
46 Inilista nga nina Moises at Aaron sa tulong ng mga pinuno ng Israel ang lahat ng Levitang 47 makatutulong sa mga gawain sa Toldang Tipanan, samakatuwid ay may edad na tatlumpu hanggang limampung taon. 48 Ang kabuuang bilang nila'y umabot sa 8,580. 49 Ginawa ito ni Moises ayon sa utos ni Yahweh at sila'y inatasan niya ng kani-kanilang gawain.
Ang mga Itinuturing na Marumi
5 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Paalisin mo sa kampo ng Israel ang lahat ng may sakit sa balat na parang ketong, ang mga may tulo at ang lahat ng naging marumi dahil napahawak sila sa patay. 3 Wala kayong itatangi maging lalaki o babae. Lahat ng mga ito ay palalabasin upang hindi maging marumi ang kanilang kampo. Ako'y naninirahang kasama ng aking bayan.” 4 Tulad ng utos ni Yahweh kay Moises, lahat ng may sakit sa balat na parang ketong, may tulo, at naging marumi dahil sa pagkahawak sa patay ay pinalabas nila sa kampo.
Ang Pagbabayad sa Nagawang Masama
5 Sinabi(H) ni Yahweh kay Moises, 6 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Sinumang magtaksil kay Yahweh at makagawa ng masama sa kanyang kapwa ay 7 dapat umamin sa kasalanang kanyang nagawa, pagbabayaran niya ito nang buo maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi nito. Ito'y ibibigay niya sa ginawan niya ng masama o sa pinakamalapit na kamag-anak nito. 8 Kung wala itong malapit na kamag-anak, ang halagang ibabayad ay mapupunta kay Yahweh at ibibigay sa mga pari, bukod sa tupang ibibigay ng nagkasala upang ihandog bilang pantubos sa kanyang kasalanan. 9 Lahat ng natatanging handog ng mga Israelita para kay Yahweh ay mauuwi sa paring tumanggap niyon. 10 Kukunin ng bawat pari ang handog na ibinigay sa kanya.”
Ang Tuntunin tungkol sa Pagtataksil at Pagseselos
11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Ito ang sabihin mo sa mga Israelita: Kung ang isang babae'y nagtaksil sa asawa, 13 nakipagtalik sa ibang lalaki ngunit walang katibayang maipakita laban sa kanya sapagkat hindi siya nahuli sa akto, 14 o kaya nama'y ang asawang lalaki'y naghihinala sa kanyang asawa kahit wala itong ginagawang masama, 15 ang babae ay dadalhin ng lalaki sa pari. Ang lalaki'y maghahandog ng kalahating salop ng harinang sebada. Ang handog na ito'y hindi bubuhusan ng langis ni sasamahan ng insenso sapagkat ito'y handog tungkol sa pagseselos, handog upang hilinging lumabas ang katotohanan.
16 “Ang babae ay dadalhin ng pari sa harap ng altar. 17 Ang pari ay maglalagay ng sagradong tubig sa isang tapayan at hahaluan ng kaunting alikabok mula sa sahig ng tabernakulo. 18 Pagkatapos, ilulugay ang buhok ng babae at pahahawakan sa kanya ang handog na harina. Samantala, ang mangkok na naglalaman ng mapait na tubig na magpapalitaw sa katotohanan ay hawak naman ng pari. 19 Ang babae'y panunumpain ng pari. Sasabihin niya, ‘Kung hindi ka nagtaksil sa iyong asawa, hindi tatalab sa iyo ang sumpang taglay ng tubig na ito. 20 Ngunit kung nagtaksil ka sa iyong asawa, 21 paparusahan ka ni Yahweh upang maging halimbawa sa iyong mga kababayan: Patutuyuin ni Yahweh ang iyong bahay-bata at pamamagain ang iyong tiyan. 22 Tumagos nawa ang tubig na ito sa kaloob-looban ng iyong tiyan, pamagain ito at patuyuin ang iyong bahay-bata.’
“Ang babae'y sasagot ng ‘Amen. Ako'y sumasang-ayon.’
23 “Ang mga sumpang ito ay isusulat ng pari sa isang sulatan, huhugasan ito sa mapait na tubig, 24 at ipapainom sa babae ang pinaghugasan. Ito'y magdudulot ng matinding sakit sa babae. 25 Pagkatapos, ang handog na harinang hawak pa ng babae ay kukunin ng pari, iaalay kay Yahweh at ilalagay sa altar. 26 Ang pari ay kukuha ng isang dakot na harina mula sa handog at susunugin ito sa altar. Pagkatapos, ipapainom sa babae ang mapait na tubig. 27 Kung nagtaksil nga siya sa kanyang asawa, makakaramdam siya ng matinding sakit, matutuyo ang kanyang balakang at mamamaga ang kanyang tiyan. Sa ganitong paraan, hindi siya pamamarisan ng kanyang mga kababayan. 28 Ngunit kung hindi siya nagtaksil, hindi tatalab sa kanya ang sumpa at maaari pa siyang magkaanak.
29 “Ito ang tuntunin tungkol sa babaing nagtaksil sa asawa, 30 o kaya, kung naghihinala ang lalaki sa katapatan ng kanyang asawa: ang babae'y ihaharap sa altar, at isasagawa naman ng pari ang lahat ng dapat gawin ayon sa Kautusan. 31 Ang asawang lalaki ay hindi madadamay sa kasalanan ng babae, kundi ang babae lamang, kung talagang nagkasala, ang magdurusa sa ginawa niyang masama.”
Ang Tuntunin sa Pagtatalaga Bilang Nazareo
6 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang sinuman, babae o lalaki, ay gagawa ng panata at ilalaan niya ang sarili kay Yahweh bilang Nazareo, 3 huwag(I) siyang iinom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Huwag din siyang iinom ng anumang inuming galing sa katas ng ubas, at huwag kakain ng ubas, o pasas. 4 Sa buong panahon ng kanyang panata ay huwag din siyang titikim ng anumang galing sa punong ubas kahit balat o buto ng ubas.
5 “Ang isang may panata ay huwag magpaputol ng buhok sa buong panahon ng kanyang panata; hahayaan niya itong humaba. Siya'y nakalaan para kay Yahweh. 6 Sa buong panahon na inilaan niya ang kanyang sarili kay Yahweh ay hindi siya dapat lumapit sa patay, 7 kahit ito'y kanyang ama, ina o kapatid. Hindi siya dapat gumawa ng anumang makapagpaparumi ayon sa Kautusan, sapagkat ipinapakita ng kanyang buhok na siya'y isang Nazareo. 8 Pananatilihin niyang malinis ang kanyang sarili sa buong panahon ng kanyang panata.
9 “Kung may biglang mamatay sa kanyang tabi at mahawakan niya ito, pagkalipas ng pitong araw ay aahitin niya ang kanyang buhok sapagkat nadungisan siya ayon sa Kautusan. 10 Sa ikawalong araw, magbibigay siya sa pari ng dalawang inakay ng kalapati o batu-bato sa pintuan ng Toldang Tipanan. 11 Ang isa nito ay handog ukol sa kasalanan at ang isa'y handog na susunugin, bilang katubusan sa naging kasalanan niya sa pagkakahawak sa bangkay. Sa araw ring iyon, muli niyang ilalaan sa Diyos ang kanyang buhok. 12 Ito ang pasimula na siya'y muling inilaan kay Yahweh bilang Nazareo. Ang mga araw na nagdaan sa panahon ng panatang iyon ay hindi ibibilang sapagkat nadungisan siya nang makahawak sa patay at mag-aalay siya ng isang kordero na isang taóng gulang bilang handog na pambayad sa kasalanan.
13 “Ito(J) naman ang gagawin pagkatapos ng kanyang panata bilang Nazareo. Haharap siya sa pintuan ng Toldang Tipanan 14 at maghahandog ng tatlong tupa: isang lalaking tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin; isang babaing tupa na isa ring taóng gulang at walang kapintasan bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan; at isang barakong tupa na walang kapintasan bilang handog na pangkapayapaan. 15 Bukod dito, maghahandog siya ng isang basket na tinapay na walang pampaalsa at hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at may pahid na langis. Magdadala rin siya ng mga handog na pagkaing butil at inumin.
16 “Ang lahat ng ito'y dadalhin naman ng pari sa harapan ni Yahweh at iaalay ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin. 17 Ang handog pangkapayapaan ay ihahandog niyang kasama ng basket ng tinapay na walang pampaalsa, saka isusunod ang handog na pagkaing butil at inumin. 18 Pagkatapos, aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok at susunugin sa apoy na pinagsusunugan ng handog pangkapayapaan.
19 “Kukunin naman ng pari ang nilagang balikat ng handog pangkapayapaan, sasamahan ng isang tinapay na walang pampaalsa at isang manipis na tinapay at ilalagay sa kamay ng Nazareo. 20 Kukunin niyang muli ang mga ito at iaalay kay Yahweh. Mapupunta ang mga ito sa pari, pati ang pitso at ang hita ng handog pangkapayapaan. Pagkatapos nito, ang Nazareo ay maaari nang uminom ng alak.
21 “Ito ang tuntunin tungkol sa panata ng Nazareo. Ngunit kung nangako siya ng iba pang bagay bukod rito, kailangang tuparin din niya iyon.”
Ang Pagbebendisyon ng mga Pari
22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 23 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na ang mga salitang ito ang bibigkasin nila sa pagbabasbas nila sa mga Israelita:
24 Pagpalain ka nawa at ingatan ni Yahweh;
25 kahabagan ka nawa at subaybayan ni Yahweh;
26 lingapin ka nawa at bigyan ng kapayapaan ni Yahweh.
27 “Ganito nila babanggitin ang pangalan ko sa pagbabasbas sa mga Israelita at tiyak ngang pagpapalain ko sila.”
Ang mga Handog sa Pagtatalaga sa Altar
7 Nang ganap na matapos na ang tabernakulo, pinahiran ito ni Moises ng langis at ipinahayag na para kay Yahweh, gayundin ang mga kagamitan doon, ang altar at ang lahat ng kagamitang ukol dito. 2 Nang araw na iyon, ang mga pinuno ng Israel na nakatulong sa pagkuha ng sensus, 3 ay naghandog kay Yahweh ng anim na malaking kariton at labindalawang toro: isang kariton sa bawat dalawang angkan at isang toro sa bawat angkan. 4 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 5 “Tanggapin mo ang mga handog nilang ito upang magamit sa paglilipat ng Toldang Tipanan. Ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga Levita ayon sa kanilang nakatakdang gawain.” 6 Kinuha nga ni Moises ang mga kariton at toro at ibinigay sa mga Levita. 7 Ang dalawang kariton at apat na toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Gershon; 8 ang apat na kariton at walong toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Merari; ang lahat ay nasa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ni Aaron. 9 Hindi na niya binigyan ang mga anak ni Kohat sapagkat sila ang nagpapasan ng mga sagradong bagay kapag inililipat ang mga ito.
10 Ang mga pinuno ng Israel ay nagdala rin ng kani-kanilang handog para sa pagtatalaga ng altar. 11 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa kanila na sa loob ng labindalawang araw ay tig-iisang araw sila ng paghahandog para sa pagtatalaga ng altar.”
12-83 Ganito ang pagkakasunud-sunod ng kanilang paghahandog:
Araw | Lipi | Pinuno ng Lipi |
---|---|---|
Unang araw | Juda | Naason-anak ni Aminadab |
Ika-2 araw | Isacar | Nathanael-anak ni Zuar |
Ika-3 araw | Zebulun | Eliab-anak ni Helon |
Ika-4 na araw | Ruben | Elizur-anak ni Sedeur |
Ika-5 araw | Simeon | Selumiel-anak ni Zurisadai |
Ika-6 na araw | Gad | Eliasaf-anak ni Deuel |
Ika-7 araw | Efraim | Elisama-anak ni Amiud |
Ika-8 araw | Manases | Gamaliel-anak ni Pedazur |
Ika-9 na araw | Benjamin | Abidan-anak ni Gideoni |
Ika-10 araw | Dan | Ahiezer-anak ni Amisadai |
Ika-11 araw | Asher | Pagiel-anak ni Ocran |
Ika-12 araw | Neftali | Ahira-anak ni Enan |
Ang mga handog na kanilang inalay kay Yahweh ay magkakapareho: isang malaking platong pilak na tumitimbang ng isa't kalahating kilo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng 800 gramo ayon sa opisyal na timbang. Ang malaking plato at ang mangkok ay parehong puno ng harinang hinaluan ng langis bilang handog na pagkaing butil; isang gintong platito na tumitimbang ng 110 gramo at puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, at isang batang tupa na isang taóng gulang bilang mga handog na susunugin; isang kambing bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan; dalawang toro, limang tupa, limang kambing, at limang batang tupa na tig-iisang taóng gulang bilang handog pangkapayapaan.
84-88 Ito ang kabuuang handog ng mga pinuno ng Israel nang italaga ang altar:
Labindalawang malaking platong pilak at labindalawang mangkok na pilak na ang kabuuang timbang lahat-lahat ay 27.6 kilo.
Labindalawang platitong ginto na ang kabuuang timbang ay 1,320 gramo. Ang mga ito'y puno ng insenso.
Labindalawang toro, labindalawang tupang barako, at labindalawang kordero na tig-iisang taóng gulang, kasama na ang mga handog na pagkaing butil. Ang lahat ng ito'y para sa mga pagkaing handog.
Labindalawang kambing bilang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
Dalawampu't apat na toro, animnapung tupang barako, animnapung kambing, animnapung kordero na tig-iisang taóng gulang. Ang lahat ng ito'y bilang mga handog pangkapayapaan.
89 Nang pumasok si Moises sa Toldang Tipanan upang makipag-usap kay Yahweh, narinig niya ang tinig nito mula sa pagitan ng dalawang kerubin, sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan.
Ang Pag-aayos ng mga Ilaw sa Toldang Tipanan
8 Sinabi(K) ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo kay Aaron na pagkasindi ng pitong ilaw, iaayos niya ang mga ito sa ibabaw ng patungan upang magliwanag sa paligid nito.” 3 Iyon nga ang ginawa ni Aaron ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises. 4 Ang ilawan ay yari sa pinitpit na ginto, gayundin ang palamuting bulaklak at ang mga tangkay nito. Ginawa ito ni Moises ayon sa anyong huwaran na ipinakita sa kanya ni Yahweh.
Ang Pagtatalaga sa mga Levita
5 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 6 “Ibukod mo ang mga Levita at linisin ayon sa Kautusan. 7 Wisikan mo sila ng tubig na panlinis ng kasalanan, paahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang kasuotan. 8 Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng dalawang batang toro; ang isa'y ihahandog na kasama ng handog na pagkaing butil, at ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 9 Dalhin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan at iharap mo sa sambayanang Israel. 10 Samantalang inihaharap mo sila kay Yahweh, ipapatong naman ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga Levita. 11 Ang mga ito'y iaalay ni Aaron kay Yahweh bilang natatanging handog ng bayang Israel para maglingkod sa akin. 12 Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang kanilang kamay sa ulo ng mga toro; ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang isa'y handog na susunugin upang sila'y matubos sa kanilang mga kasalanan.
13 “Ilaan mo ang mga Levita sa akin bilang natatanging handog, at ilagay mo sila sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. 14 Ganyan mo sila ibubukod mula sa sambayanang Israel at sila'y magiging akin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.