Bible in 90 Days
Kautusan tungkol sa mga Handog na Sinusunog
1 Tinawag ni Yahweh si Moises, at mula sa Toldang Tipanan ay sinabi sa kanya, 2 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Kung may maghahandog kay Yahweh, ang dapat niyang ihandog ay baka, tupa o kambing.’
3 “Kung baka ang kanyang handog na susunugin, kailangang ito'y lalaki at walang kapintasan. Dadalhin niya ito sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang maging kalugud-lugod sa akin. 4 Ipapatong niya sa ulo ng hayop ang kanyang kamay at iyo'y tatanggapin bilang pantubos sa kanyang kasalanan. 5 Pagkatapos, papatayin niya ito sa harapan ko at ang dugo'y ibubuhos ng mga paring mula sa angkan ni Aaron sa palibot ng altar, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 6 Babalatan niya ang hayop saka kakatayin. 7 Ang mga pari nama'y maglalagay ng baga sa altar at iaayos sa ibabaw nito ang kahoy na panggatong. 8 Ihahanay nila nang maayos sa ibabaw ng apoy ang mga pira-pirasong karne, kasama ang ulo at taba. 9 Ngunit dapat muna nilang hugasan ang laman-loob at ang mga paa bago ilagay sa altar. Pagkatapos, ang lahat ng ito'y sama-samang susunugin bilang handog, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.
10 “Kung tupa o kambing ang ihahandog, kailangang ito'y lalaki rin at walang kapintasan. 11 Papatayin ito ng naghahandog sa harapan ni Yahweh sa gawing hilaga ng altar at ang dugo'y ibubuhos ng mga pari sa paligid ng altar. 12 Kakatayin niya ito at ihahanay ng pari sa ibabaw ng apoy sa altar ang mga piraso ng karne kasama ang ulo at taba. 13 Ang laman-loob at mga paa ay dapat munang hugasan bago ilagay sa altar. Pagkatapos, ang lahat ay susunugin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.
14 “Kung ibon ang handog na susunugin, ang dadalhin niya'y batu-bato o kalapati. 15 Ibibigay niya ito sa pari upang dalhin sa altar. Pipilipitin ng pari ang leeg ng ibon at ang dugo'y patutuluin sa paligid ng altar. 16 Aalisin niya ang balahibo't bituka ng ibon at ihahagis sa tapunan ng abo, sa gawing silangan ng altar. 17 Bibiyakin niya ang katawan nito ngunit hindi paghihiwalayin. Pagkatapos, susunugin niya ito sa altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.”
Handog na Pagkaing Butil
2 “Kung may maghahandog ng pagkaing butil kay Yahweh, ang ihahandog niya'y ang mabuting uri ng harina. Bubuhusan niya ito ng langis ng olibo at bubudburan ng insenso 2 bago dalhin sa mga pari. Ang paring namumuno sa paghahandog ay dadakot ng harina, kasama ang langis at lahat ng insenso para sunugin sa altar bilang tanda na ang lahat ng ito'y inihandog kay Yahweh. Ang usok nito'y magiging mabangong samyo kay Yahweh. 3 Ang matitira sa handog na pagkaing butil ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito ay ganap na sagrado sapagkat ito'y bahagi ng pagkaing handog sa akin.
4 “Kung luto sa pugon ang handog na pagkaing butil, kailangang ito'y yari sa mabuting uri ng harina at walang pampaalsa. Maaari itong masahin sa langis at lutuin nang makapal o kaya'y lutuin nang maninipis at pahiran ng langis.
5 “Kung luto naman sa palapad na kawali ang handog na pagkaing butil, kailangang mabuti ring uri ng harina ang gamitin, walang pampaalsa at minasa rin sa langis. 6 Pagpipira-pirasuhin ito at bubuhusan ng langis; ito ay isang handog na pagkaing butil.
7 “Kung luto naman sa kawali ang handog na pagkaing butil, kailangang ito'y gawa din sa mabuting uri ng harina at langis ng olibo. 8 Ang mga pagkaing butil na handog kay Yahweh ay dadalhin sa pari; dadalhin naman niya ito sa altar. 9 Kukunin ng pari mula sa handog ang bahaging pang-alaala at susunugin sa ibabaw ng altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. 10 Ang matitira ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; ito'y ganap na sagrado sapagkat kinuha sa pagkaing handog kay Yahweh.
11 “Huwag kayong maghahandog kay Yahweh ng anumang handog na pagkaing butil na may pampaalsa, sapagkat hindi kayo dapat magsunog ng pampaalsa o pulot kung ito'y ihahandog sa akin. 12 Kung unang bunga naman ng halaman ang inyong ihahandog, huwag ninyo itong susunugin sa altar. 13 Titimplahan ninyo ng asin ang lahat ng handog na pagkaing butil. Huwag ninyong kakalimutang lagyan ng asin ang inyong handog na pagkaing butil sapagkat ang asin ay tanda ng inyong kasunduan kay Yahweh. Kaya lalagyan ninyo ng asin ang lahat ng handog. 14 Kung ang handog na pagkaing butil ay trigong mula sa unang ani, kailangang gilingin ito o isangag. 15 Bubuhusan ninyo ng langis at bubudburan ng insenso. 16 Kukuha ang pari ng bahaging susunugin kasama ang langis at insenso bilang alaala. Ito ay isang handog na pagkaing butil na susunugin para kay Yahweh.”
Mga Handog na Pangkapayapaan
3 “Kung ang iaalay na handog pangkapayapaan ay isang baka, maging babae o lalaki man, kailangang ito'y walang kapintasan. 2 Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At ibubuhos ng pari ang dugo sa paligid ng altar. 3 Sa handog na ito kukuha ang pari ng parteng susunugin para kay Yahweh. Kukunin niya ang tabang nakabalot sa laman-loob at lahat ng taba nito; 4 gayundin ang dalawang bato, ang taba sa balakang at ang tabang bumabalot sa atay. 5 Ang lahat ng ito'y ilalagay sa altar at susunugin ng mga pari bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh.
6 “Kung tupa o kambing ang handog pangkapayapaan, maging ito'y lalaki o babae, kailangang ito'y walang kapintasan. 7 Kung tupa ang handog ng isang tao, ito'y dadalhin niya sa harapan ko. 8 Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa harap ng Toldang Tipanan. Ibubuhos ng mga pari ang dugo nito sa paligid ng altar. 9 Kukunin niya ang lahat ng taba, pati ang nasa buntot hanggang sa gulugod at ang bumabalot sa mga laman-loob. 10 Kukunin din niya ang dalawang bato, pati ang taba nito sa balakang at ang tabang bumabalot sa atay. 11 Ang lahat ng ito'y ibibigay niya sa pari upang sunugin sa altar bilang pagkaing handog kay Yahweh.
12 “Kung kambing naman ang handog ng isang tao, ihaharap niya ito kay Yahweh. 13 Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa harap ng Toldang Tipanan. Ibubuhos ng mga pari ang dugo nito sa paligid ng altar. 14 Kukunin niya ang lahat ng tabang bumabalot sa laman-loob, 15 ang dalawang bato at ang tabang bumabalot dito, ang taba sa ibabaw ng balakang at sa atay. 16 Lahat ng ito'y ibibigay niya sa pari at susunugin sa altar bilang pagkaing handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. Lahat ng taba ay kay Yahweh. 17 Ito ang tuntuning susundin ninyo habang panahon saanman kayo naroroon: ‘Huwag kayong kakain ng taba o dugo.’”
Mga Handog para sa Kasalanang Di Sinasadya
4 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo sa bayang Israel kung ano ang dapat nilang gawin kapag sila'y nagkasala o hindi sinasadyang nakalabag sa alinmang utos ni Yahweh.
3 “Kung ang nagkasala'y ang pinakapunong pari, at nadamay pati ang sambayanan, mag-aalay siya ng isang batang toro na walang kapintasan bilang handog para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan. 4 Dadalhin niya ito sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at papatayin ito. 5 Kukuha ng kaunting dugo ang pinakapunong pari at dadalhin sa Toldang Tipanan. 6 Itutubog niya sa dugo ang kanyang daliri at sa harapan ko ay wiwisikan niya ng pitong beses ang tabing ng santuwaryo. 7 Lalagyan din niya ng dugo ang mga sungay ng altar ng insensong nasa harapan ni Yahweh sa Dakong Banal. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar na sunugan ng mga handog sa harap ng Toldang Tipanan. 8 Ang lahat ng taba nito ay kukunin, pati ang tabang bumabalot sa laman-loob. 9 Kukunin din ang dalawang bato, ang taba ng balakang at ang tabang bumabalot sa atay. 10 Ibubukod ito gaya ng ginagawa sa taba ng torong handog pangkapayapaan, saka dadalhin sa altar at susunugin ng pari. 11 Ngunit ang balat ng toro at lahat ng laman nito, ulo't mga hita, at mga laman-loob, kasama ang dumi 12 ay dadalhin lahat sa labas ng kampo at susunugin sa isang malinis na lugar na pinagtatapunan ng abo.
13 “Kung ang buong kapulungan ng Israel ay magkasala nang di sinasadya at makagawa sila nang labag sa Kautusan nang di nila nalalaman, 14 at pagkatapos ay malaman nila ito, maghahandog ng isang batang toro ang buong kapulungan para sa kanilang kasalanan. Dadalhin nila ito sa harap ng Toldang Tipanan. 15 Ipapatong ng pinuno ang kanilang kamay sa ulo ng toro at papatayin nila ito sa harapan ni Yahweh. 16 Kukuha ng kaunting dugo ang pinakapunong pari upang dalhin ito sa Toldang Tipanan. 17 Itutubog niya sa dugo ang kanyang daliri at pitong beses niyang iwiwisik iyon sa harap ng tabing. 18 Lalagyan din niya ng dugo ang mga sungay sa altar na nasa Toldang Tipanan. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar na sunugan ng mga handog sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 19 Kanyang susunugin sa altar ang lahat ng taba 20 tulad ng ginagawa sa taba ng torong inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ito ang gagawin ng pari upang mapatawad ang buong sambayanan. 21 Pagkatapos, ilalabas sa kampo ang torong pinatay at susunugin din sa lugar na pinagdalhan sa unang toro. Ito ang handog para sa kasalanan ng sambayanan.
22 “Kung isang pinuno ang nagkasala nang di sinasadya dahil nakagawa siya ng isang bagay na ipinagbabawal ni Yahweh na kanyang Diyos, 23 sa oras na malaman niya ito ay maghahandog siya ng isang lalaking kambing na walang kapintasan. 24 Ipapatong niya sa ulo ng kambing ang kanyang kamay at papatayin niya ito sa harapan ni Yahweh, sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin para sa kasalanan. 25 Kukuha ng dugo ang pari at sa pamamagitan ng kanyang daliri, papahiran niya ang mga sungay ng altar ng sunugan ng mga handog. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar. 26 Dadalhin niya sa altar ang lahat ng taba at susunugin gaya ng taba na handog pangkapayapaan. Ito ang gagawin ng pari para matubos ang kasalanan ng pinuno at siya'y patatawarin.
27 “Kung(A) ang nagkasala nang di sinasadya ay isang karaniwang tao dahil lumabag siya sa utos ko 28 at malaman niya ito pagkatapos, maghahandog siya ng isang babaing kambing na walang kapintasan. 29 Ipapatong niya sa ulo ng kambing ang kanyang kamay at papatayin niya ito doon sa lugar na patayan ng mga handog na sinusunog. 30 Kukuha ng dugo ang pari at sa pamamagitan ng kanyang daliri'y papahiran niya ang mga sungay ng altar. Ibubuhos niya sa paanan nito ang natirang dugo. 31 Kukuning lahat ang taba nito, tulad ng taba ng handog pangkapayapaan at dadalhin sa altar. Ito'y susunugin ng pari bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. Sa ganitong paraan, matutubos ang kasalanan ng taong iyon.
32 “Kung ang handog para sa kasalanan ay isang tupa, kailanga'y babaing walang kapintasan. 33 Ipapatong niya sa ulo ng tupa ang kanyang kamay at papatayin ito sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. 34 Kukuha ng kaunting dugo ang pari, at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay papahiran niya ang mga sungay ng altar na pinagsusunugan ng mga handog. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar. 35 Kukunin niya ang lahat ng taba nito gaya ng ginagawa sa taba ng tupang handog pangkapayapaan at dadalhin sa altar. Kasama ng pagkaing handog, susunugin ito ng pari para matubos ang kasalanan ng naghandog.
Mga Pagkakataong Kinakailangan ng Handog para sa Kapatawaran ng Kasalanan
5 “Kung kinakailangang tumestigo ang isang tao sa isang pangyayari na kanyang nakita o nalaman ngunit ayaw niyang magsalita, nagkakasala siya at dapat siyang parusahan. 2-3 Kung ang sinuman ay makahipo ng anumang bagay na marumi gaya ng patay na hayop, mailap man o hindi, o anumang bagay na marumi na nanggaling sa tao, matapos niyang malaman ito, siya'y nagkakasala at dapat panagutin.
4 “Kung ang isang tao ay sumumpa nang pabigla-bigla tungkol sa anumang bagay, mabuti man o masama, sa oras na malaman niya ito, siya'y nagkakasala at dapat panagutin.
5 “Kung magkasala ang sinuman sa alinmang paraang nabanggit, dapat niyang ipahayag ang kanyang kasalanan. 6 At upang siya'y mapatawad, maghahandog siya kay Yahweh ng isang babaing tupa o kambing. Ihahandog ito ng pari upang siya'y patawarin sa kanyang kasalanan.
7 “Ngunit kung hindi niya kayang maghandog ng tupa o kambing, magdala siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog para sa kasalanan at ang isa nama'y handog na susunugin. 8 Dadalhin niya ito sa pari upang ihandog sa akin. Ang ibong handog para sa kasalanan ay gigilitan niya ng leeg ngunit hindi puputulin ang ulo. 9 Ang dugo ay iwiwisik niya sa tabi ng altar at ang natira'y patutuluin sa paanan nito. Iyan ang handog pangkasalanan. 10 Ang isa naman ay iaalay bilang handog na susunugin ayon sa Kautusan upang patawarin siya.
11 “Kung hindi pa rin niya makayang maghandog ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati, magdadala na lamang siya ng kalahating salop ng piling harina. Hindi niya ito bubuhusan ng langis ni hahaluan man ng insenso sapagkat ito'y handog pangkasalanan. 12 Dadalhin niya sa pari ang harina. Kukuha naman ito ng sandakot at susunugin sa altar bilang tanda na iyon ay handog kay Yahweh. 13 Ganito ang gagawin ng pari bilang pantubos sa alinmang pagkakasalang nabanggit. Tulad ng handog na pagkaing butil, ang matitira ay para sa pari.”
Mga Handog na Pambayad sa Kasalanan
14 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, 15 “Kung ang sinuma'y makalimot magbigay ng anumang nauukol kay Yahweh, mag-aalay siya ng handog na pambayad sa kasalanan. Maghahandog siya ng isang lalaking tupa na walang kapintasan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa sukatang itinakda ng santuwaryo. 16 Babayaran niya ang halagang di niya naibigay at magdaragdag pa siya ng ikalimang bahagi nito, at ito'y ibibigay sa pari. Ang tupa'y dadalhin sa pari upang ialay bilang handog na pambayad sa kasalanan, at siya'y patatawarin.
17 “Kung ang sinuma'y makalabag sa alinmang utos ko kahit hindi niya ito nalalaman, siya'y nagkakasala at dapat parusahan. 18 Magdadala siya sa pari ng isang lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog na pambayad sa kasalanan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa halaga ng salapi sa santuwaryo. Ito'y ihahandog ng pari, at patatawarin ang nagkasala. 19 Ang handog na ito'y handog na pambayad sa kasalanan, sapagkat nagkasala siya kay Yahweh.”
6 Sinabi(B) pa ni Yahweh kay Moises, 2 “Nagkakasala ang sinumang magkaila tungkol sa isang bagay na inihabilin sa kanya, ang sumira sa kasunduan, ang magnakaw o magsamantala sa kapwa 3 at ang mag-angkin ng isang bagay na napulot at manumpang iyon ay wala sa kanya. 4 Babayaran niya ang kanyang ninakaw, o anumang napulot o inihabilin na inangkin niya. 5 Ibabalik niya ang alin man sa mga ito at daragdagan pa niya ito ng ikalimang bahagi ng halaga niyon sa araw na maghandog siya para sa kasalanan. 6 Ang iaalay naman niya bilang handog na pambayad sa kasalanan ay isang lalaking tupa na walang kapintasan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa sukatang itinakda ng santuwaryo. 7 Ihahandog iyon ng pari at siya'y patatawarin sa alinmang pagkakasala niya.”
Mga Handog na Sinusunog nang Buo
8 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 9 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ‘Ito ang tuntunin tungkol sa handog na sinusunog. Kailangang ilagay sa altar ang handog na sinusunog at doo'y hayaang magdamag na may apoy na nagniningas. 10 Magsusuot ng damit na lino at salawal na lino ang pari, at aalisin niya ang abo ng sinunog na handog at ilalagay sa tabi ng altar. 11 Pagkatapos, magpapalit siya ng kasuotan at dadalhin niya ang abo sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo. 12 Ang apoy sa altar ay dapat panatilihing nagniningas; ito'y dapat gatungan tuwing umaga. Ihahanay sa ibabaw ng gatong ang handog na susunugin at ang tabang kinuha sa handog pangkapayapaan. 13 Hayaang laging may apoy sa altar at hindi ito dapat pabayaang mamatay.’”
Handog na Pagkaing Butil
14 “Ito naman ang tuntunin tungkol sa mga handog na pagkaing butil. Mga pari lamang ang maghahandog nito sa altar. 15 Dadakot ang pari ng harinang binuhusan ng langis at binudburan ng insenso at ito'y susunugin sa altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. 16 Ang natira ay magiging pagkain ng mga pari. 17 Lulutuin ito nang walang pampaalsa at doon nila kakainin sa isang banal na lugar, sa patyo ng Toldang Tipanan. Inilaan ko iyon para sa kanila bilang kaparte ng pagkaing handog sa akin. Iyo'y ganap na sagrado tulad ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na pambayad sa kasalanan. 18 Lahat ng lalaki mula sa lahi ni Aaron ay maaaring kumain nito. Ito ay bahagi nila magpakailanman sa mga pagkaing handog sa akin. Anumang madampian nito ay ituturing na banal.”
19 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 20 “Ito ang handog na dadalhin sa akin nina Aaron at ng mga paring mula sa kanyang angkan sa araw ng pagtatalaga sa kanila: kalahating salop ng mainam na harinang panghandog. Ang kalahati nito'y ihahandog sa umaga at ang kalahati nama'y sa gabi. 21 Ito'y mamasahing mabuti sa langis at ipiprito sa kawali at pagpipira-pirasuhin. Pagkatapos, susunugin sa altar bilang mabangong samyong handog sa akin, gaya ng handog na pagkaing butil. 22 Ang paring mula sa angkan ni Aaron ang maghahandog nito sa akin; ito'y batas na dapat sundin magpakailanman. Ang handog na ito ay susunugin para sa akin. 23 Ang lahat ng pagkaing butil na handog ng pari ay lubusang susunugin, at hindi ito maaaring kainin.”
Mga Tuntunin tungkol sa Handog para sa Kapatawaran ng Kasalanan
24 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, 25 “Sabihin mo kay Aaron at sa mga paring mula sa kanyang angkan, ‘Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkasalanan. Ang handog pangkasalanan ay papatayin sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. Ito'y ganap na sagrado. 26 Ang natirang hindi sinunog ay maaaring kainin ng paring naghandog nito. Ngunit kakainin niya ito sa isang banal na lugar, sa patyo ng Toldang Tipanan. 27 Ang anumang madampi sa laman niyon ay ituturing na banal. Ang damit na malagyan ng dugo nito ay lalabhan sa isang banal na lugar. 28 Ang palayok na pinaglutuan ng handog ay babasagin; ngunit kung ang pinaglutuan ay sisidlang tanso, ito'y kukuskusin at huhugasang mabuti. 29 Ang sinumang lalaking kabilang sa sambahayan ng pari ay maaaring kumain ng handog na ito; iyon ay ganap na sagrado. 30 Ngunit hindi maaaring kainin ang handog para sa kasalanan kung ang dugo nito ay dinala sa Toldang Tipanan upang doo'y gawing pantubos sa kasalanan. Ito ay dapat sunugin na lamang.’”
Mga Tuntunin tungkol sa Handog na Pambayad sa Kasalanan
7 “Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog na pambayad sa kasalanan. Ito'y ganap na sagrado. 2 Ang handog na pambayad sa kasalanan ay papatayin sa lugar na pinagpapatayan ng mga handog na susunugin. Ang dugo nito'y ibubuhos sa paligid ng altar. 3 Ang lahat ng taba nito ay ibubukod at ihahandog—taba ng buntot, tabang bumabalot sa laman-loob, 4 ang dalawang bato at ang taba nito, ang taba ng balakang at ang taba na bumabalot sa atay. 5 Lahat ng ito'y dadalhin sa altar at susunugin ng pari bilang handog na pambayad sa kasalanan kay Yahweh. 6 Ang matitira ay maaaring kainin ng mga anak na lalaki na kabilang sa angkan ng pari. Ngunit ito'y kakainin sa isang sagradong lugar sapagkat ang pagkaing ito'y napakabanal.
7 “Iisa ang tuntunin sa handog na pambayad sa kasalanan at sa handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ang kukuha ng handog na ito ay ang paring gumaganap sa paghahandog. 8 Ang balat ng handog na susunugin ay ibibigay rin sa paring gumanap sa paghahandog, 9 gayundin ang mga handog na pagkaing butil na niluto sa pugon, sa ihawan o pinirito sa kawali. 10 Ngunit ang natirang handog na harina, maging ito'y may halong langis o wala, ay paghahati-hatian ng mga paring mula sa angkan ni Aaron.
Handog Pangkapayapaan
11 “Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkapayapaan. 12 Kung ito'y inihandog bilang pasasalamat, ang handog ay sasamahan ng tinapay na walang pampaalsa. Ito'y maaaring makakapal na tinapay na yari sa harinang minasa sa langis, o maninipis na tinapay na pinahiran ng langis, o tinapay na yari rin sa harinang minasa sa langis. 13 Ang mga ito ay isasama sa tinapay na may pampaalsa at sa handog pangkapayapaan bilang pagpapasalamat. 14 Sa bawat uri ng tinapay ay magbubukod ng isang ihahandog kay Yahweh at ito'y kukunin ng paring nagbuhos ng dugo ng handog pangkapayapaan. 15 Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pagpapasalamat ay kakaining lahat sa araw ng paghahandog; walang dapat itira para kinabukasan.
16 “Ngunit kung ang handog pangkapayapaan ay panata o kusang-loob, makakain iyon sa araw ng paghahandog at ang matitira'y maaaring kainin sa kinabukasan. 17 Kung mayroon pa ring natira sa ikatlong araw, dapat nang sunugin iyon. 18 Kapag may kumain pa nito, ang handog na iyo'y hindi tatanggapin at mawawalan ng kabuluhan. Iyo'y magiging kasuklam-suklam at pananagutin ang sinumang kumain niyon. 19 Ang handog na karneng nadampian ng anumang bagay na marumi ay hindi dapat kainin; dapat itong sunugin.
“Ang sinumang malinis ayon sa batas ay maaaring kumain ng karneng ito. 20 Ngunit ang kumain ng karneng handog pangkapayapaan nang di nararapat ay ititiwalag sa bayan ng Diyos. 21 Ititiwalag sa sambahayan ng Diyos ang sinumang makahawak ng marumi: tao, hayop o anumang bagay na karumal-dumal, at pagkatapos ay kumain ng handog pangkapayapaan.”
22 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 23 “Sabihin mo sa bayang Israel na huwag silang kakain ng taba ng baka, tupa o kambing. 24 Ang taba ng hayop na kusang namatay o ng hayop na niluray ng kapwa hayop ay maaaring gamitin sa ibang bagay, huwag lamang kakainin. 25 Kaya, ang sinumang kumain ng taba ng hayop na inihandog kay Yahweh ay ititiwalag sa sambayanan. 26 At(C) kahit saan kayo naroon, huwag kayong kakain ng dugo ng anumang hayop o ibon. 27 Ang sinumang kumain nito ay ititiwalag sa sambayanan ng Diyos.”
28 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 29 “Sabihin mo rin ito sa bayang Israel: ‘Ang sinumang maghahandog para sa kapayapaan ay magbubukod ng bahagi nito para sa akin. 30 Siya mismo ang maghahandog nito. Dadalhin din niya ang taba at dibdib nito sa harap ng altar upang ihain bilang tanging handog. 31 Kukunin ng pari ang taba nito at susunugin sa altar, ngunit ang dibdib ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. 32 Ang kanang hita naman ay ibibigay sa paring 33 nagbuhos ng dugo sa altar at nagsunog ng tabang handog pangkapayapaan. 34 Sapagkat iniuutos ko sa bayang Israel na ang dibdib at ang hita ng hayop na handog pangkapayapaan ay ipagkakaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito'y panghabang panahong tungkulin ng bayang Israel. 35 Ito nga ang bahagi ng handog kay Yahweh na nakalaan kay Aaron at sa kanyang mga anak mula nang sila'y gawing mga pari para kay Yahweh. 36 Nang araw na iyon, iniutos ni Yahweh na ito'y ibigay sa kanila. Ang tuntuning ito ay dapat tuparin ng bayang Israel habang panahon.’”
37 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga handog na susunugin, handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na pambayad sa kasalanan, handog sa pagtatalaga at handog pangkapayapaan. 38 Iniutos ito ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai, noong sila'y nasa ilang, nang araw na ang mga Israelita'y utusan ni Yahweh na maghandog sa kanya.
Ang Pagtatalaga sa mga Pari(D)
8 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Isama mo sa harap ng Toldang Tipanan si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki. Dalhin mo ang kanilang kasuotan at ang langis na pantalaga. Dalhin na rin ninyo ang torong panghandog sa kasalanan, dalawang lalaking tupa at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa 3 at tipunin mo roon ang buong bayan.”
4 Sinunod naman ni Moises ang utos sa kanya ni Yahweh. Nang ang buong kapulungan ay nagkatipon na, 5 sinabi ni Moises sa sambayanan na ang gagawin nila'y utos ni Yahweh.
6 Isinama muna ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak at sila'y pinaliguan ayon sa rituwal. 7 Pagkatapos, isinuot niya kay Aaron ang mahabang panloob na kasuotan at ang damit bago ang efod, at inilagay sa kanyang baywang ang pamigkis. Isinuot din niya sa kanya ang efod, at pinagkabit ito sa pamamagitan ng isa pang pamigkis sa kanyang baywang. 8 Pagkatapos, ipinatong ang pektoral na kinalalagyan ng Urim at Tumim. 9 Sinuotan ng turbante at sa noo nila ay ikinabit ang palamuting ginto na may tanda ng kabanalan, ayon sa iniutos ni Yahweh.
10 Pagkatapos nito, kinuha ni Moises ang langis na pantalaga, pinahiran ang Toldang Tipanan at lahat ng naroon, bilang tanda na ang mga ito'y nakalaan lamang kay Yahweh. 11 Gayundin ang ginawa niya sa altar at sa mga kagamitang naroon, pati na ang palangganang hugasan at ang patungan nito; pitong beses niyang winisikan ng langis ang mga ito. 12 Binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron upang ilaan siya kay Yahweh. 13 Matapos italaga si Aaron, pinalapit naman ni Moises ang mga anak ni Aaron at sinuotan ng mahabang panloob na kasuotan, binigkisan sa baywang, at nilagyan ng turbante, gaya ng iniutos ni Yahweh.
14 Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang torong handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak na lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ihahandog. 15 Pinatay niya ito, kumuha ng kaunting dugo at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay pinahiran ang mga sungay ng altar upang ito'y gawing malinis. Ang natirang dugo ay ibinuhos sa paanan ng altar bilang pagtatalaga at pagtubos. 16 Kinuha ni Moises ang taba ng laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati ang taba nito at kanyang sinunog sa altar. 17 Ang balat, laman at dumi nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo, gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
18 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang lalaking tupa na iaalay bilang handog na susunugin. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito bago niya ito pinatay. 19 Ibinuhos ni Moises ang dugo nito sa palibot ng altar. 20 Kinatay niya ang tupa at sinunog ang ulo't mga pira-pirasong laman pati taba nito. 21 Hinugasan niya ang laman-loob at mga hita nito, at sinunog lahat sa altar bilang handog na susunugin, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh. Ang usok nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh.
22 Pagkatapos, kinuha niya ang isa pang lalaking tupa na handog naman para sa pagtatalaga. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito. 23 Pinatay ni Moises ang hayop at ang kaunting dugo nito'y ipinahid niya sa lambi ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa nito. 24 Tinawag ni Moises ang mga anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo ang lambi ng mga kanang tainga at ang hinlalaki ng mga kanang kamay at paa ng mga ito. Ibinuhos niya ang natirang dugo sa mga gilid ng altar. 25 Pagkatapos kinuha niya ang taba ng buntot, ang tabang bumabalot sa laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati taba nito at ang kanang hita ng tupa. 26 Sa basket na nasa altar ay dumampot siya ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, isang tinapay na manipis, at ipinatong ang mga ito sa taba at kanang hita ng pinatay na tupa. Ang mga tinapay na ito'y walang pampaalsa. 27 Pinahawakan niya ito kina Aaron at sa kanyang mga anak at inialay nila ito bilang natatanging handog kay Yahweh. 28 Pagkatapos, ipinatong ito ni Moises sa handog na susunuging nasa altar, saka sinunog bilang handog para sa pagtatalaga. Ito'y handog na pagkain at ang halimuyak nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh. 29 Kinuha ni Moises ang parteng dibdib ng tupa at inialay bilang natatanging handog kay Yahweh; ito ang kanyang bahagi sa tupang handog na pantalaga gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
30 Kumuha siya ng langis na pantalaga at kaunting dugong nasa altar at winisikan si Aaron at ang kanyang mga anak, pati ang mga kasuotan nila. Ganito sila itinalaga kay Yahweh pati ang kanilang mga kasuotan.
31 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, “Dalhin ninyo ang laman ng karne sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ilaga ninyo ito at kainin kasama ang tinapay na nasa basket na ginagamit sa mga handog sa pagtatalaga, gaya ng ipinag-uutos ni Yahweh. 32 Ang matira ay inyong susunugin. 33 Huwag kayong aalis doon sa loob ng pitong araw hangga't hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34 Ito ang iniutos ni Yahweh para sa araw na ito upang kayo'y matubos sa inyong kasalanan. 35 Sa loob ng pitong araw, araw-gabi kayong magbabantay sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ito ang utos ni Yahweh. Kailangang sundin ninyo ito upang hindi kayo mamatay.” 36 Sinunod nina Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat ng iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
Ang Handog ni Aaron
9 Nang ikawalong araw, ipinatawag ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak, at ang mga pinuno ng Israel. 2 Sinabi niya kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro at isang lalaking tupa na walang kapintasan at ihandog mo kay Yahweh. Ang una'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang ikalawa'y handog na susunugin. 3 Sabihin mo naman sa bayang Israel na magdala sila ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Magdala rin sila ng isang guya at isang batang tupa na parehong isang taon ang gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin. 4 Pagdalhin mo rin sila ng isang toro at isang lalaking tupa upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan. Ihahandog nila ang lahat ng ito na may kasamang harinang hinaluan ng langis. Gawin ninyo ito sapagkat ngayo'y magpapakita sa inyo si Yahweh.” 5 Dinala nga nila ang mga ito sa harap ng Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Moises. Nagtipon ang buong bayan sa harapan ni Yahweh. 6 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh na dapat ninyong tuparin upang mahayag sa inyo ang kaluwalhatian niya.” 7 Kay(E) Aaron nama'y sinabi ni Moises, “Lumapit ka sa altar at ialay mo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at ang handog na susunugin para sa iyo at sa iyong sambahayan. Dalhin mo rin ang handog ng mga tao upang sila'y matubos din sa kanilang mga kasalanan; iyan ang iniutos ni Yahweh.”
8 Lumapit nga si Aaron sa altar at pinatay ang guya bilang handog para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan. 9 Ang dugo nito'y dinala ng mga anak ni Aaron sa kanya. Inilubog naman niya sa dugo ang kanyang daliri at nilagyan ang mga sungay ng altar at ibinuhos sa paanan nito ang natira. 10 Ngunit ang taba, mga bato at ang ibabang bahagi ng atay ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay sinunog niya sa altar, gaya ng utos ni Yahweh. 11 Ang laman at balat nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo.
12 Pinatay rin ni Aaron ang handog na susunugin. Ibinigay sa kanya ng kanyang mga anak ang dugo nito at ibinuhos sa paligid ng altar. 13 Ibinigay din sa kanya ang kinatay na handog, at kasama ng ulo'y sinunog niya ang mga ito sa altar. 14 Hinugasan niya ang laman-loob, ang mga hita at sinunog din sa altar, kasama ng iba pang bahagi ng handog na susunugin.
15 Pagkatapos, inilapit sa kanya ang lalaking kambing at pinatay niya ito bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan ng buong sambayanan. 16 Ang handog na susunugin ay inihandog din niya ayon sa utos. 17 Kumuha siya ng isang dakot na harina mula sa handog na pagkaing butil at sinunog ito sa altar kasama ng handog na sinusunog sa umaga. 18 Sa(F) kahuli-huliha'y pinatay niya ang toro at ang lalaking tupa, ang handog ng mga tao para sa kapayapaan. Ang dugo nito ay dinala kay Aaron ng kanyang mga anak, at ito nama'y ibinuhos niya sa paligid ng altar. 19 Ang taba naman ng mga ito, ang nasa buntot, ang bumabalot sa laman-loob, mga bato at ang ibabang bahagi ng atay, 20 ay ipinatong niya sa mga dibdib ng mga handog. Pagkatapos, ang mga taba ay sinunog niya sa ibabaw ng altar. 21 Ang dibdib at kanang hita ng mga hayop ay ginawang natatanging handog para kay Yahweh, ayon sa iniutos ni Moises.
22 Itinaas(G) ni Aaron ang kanyang mga kamay at binasbasan ang mga tao. Pagkatapos, bumabâ siya mula sa altar na pinaghandugan niya. 23 Sina Moises at Aaron ay pumasok sa Toldang Tipanan. Paglabas doon, binasbasan nila ang mga tao at nakita ng lahat ang maningning na kaluwalhatian ni Yahweh. 24 Sa harapan niya, nagkaroon ng apoy at tinupok ang handog na susunugin pati ang taba na nasa altar. Nang makita ito ng mga tao, sila'y napasigaw at nagpatirapa.
Ang Kasalanan nina Nadab at Abihu
10 Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kumuha ng sunugan ng insenso, nilagyan nila ito ng apoy at nagsunog ng insenso at humarap kay Yahweh. Ngunit gumamit sila ng apoy na hindi nararapat, sapagkat hindi ito iyong iniutos sa kanila ni Yahweh. 2 Kaya't mula kay Yahweh ay lumabas ang apoy at tinupok sila. 3 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang kahulugan ng sinabi ni Yahweh: ‘Dapat akong kilalaning banal ng sinumang lumalapit sa akin at dapat akong parangalan sa harapan ng mga tao.’” Hindi nakaimik si Aaron.
4 Kaya't ipinatawag ni Moises sina Misael at Elzafan, mga anak ni Uziel na tiyo ni Aaron at sinabi sa kanila, “Alisin ninyo sa harap ng santuwaryo ang bangkay ng inyong mga pinsan at ilabas ninyo sa kampo.” 5 Lumapit ang dalawa at inilabas nga nila ang mga bangkay na suot pa rin ang kanilang mahabang panloob na kasuotan.
6 Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak nitong sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guluhin ang inyong buhok ni punitin man ang inyong damit bilang pagluluksa dahil sa nangyari kung ayaw ninyong mamatay at magalit ang Diyos sa mga tao. Ngunit sila'y maaaring ipagluksa ng bayan dahil sa kanilang sinapit. 7 Huwag kayong lalayo sa pintuan ng Toldang Tipanan sapagkat kayo ay itinalaga na ng langis ni Yahweh. Baka kayo ay mamatay kapag di kayo sumunod.” At sinunod naman nila ang iniutos ni Moises.
Mga Tuntunin tungkol sa Pagkain ng mga Pari
8 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, 9 “Kung ikaw at ang iyong mga anak ay pupunta sa Toldang Tipanan, huwag kayong iinom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Mamamatay kayo kapag ginawa ninyo iyon. Ito ay tuntunin na dapat tuparin ng lahat ng inyong salinlahi. 10 Dapat ninyong malaman kung alin ang sagrado o hindi at kung alin ang malinis o marumi. 11 Ang lahat ng iniuutos ko kay Moises ay dapat ninyong ituro sa sambayanang Israel.”
12 Sinabi(H) ni Moises kay Aaron at sa dalawa pang anak niyang natitira, sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natira sa handog na pagkaing butil kay Yahweh at gawing tinapay na walang pampaalsa. Kakainin ninyo ito sa tabi ng altar sapagkat ito'y ganap na sagrado. 13 Kakainin ninyo ito sa isang banal na lugar sapagkat ito ang bahaging para sa inyo at sa inyong mga anak na lalaki mula sa pagkaing inihandog kay Yahweh. Ito ang iniutos niya sa akin. 14 Ngunit(I) ang dibdib at hita ng handog na susunugin ay para sa iyo at sa iyong mga anak na lalaki at babae. Kakainin ninyo iyon sa isang sagradong lugar ayon sa tuntunin sapagkat iyo'y kaloob sa inyo bilang bahagi mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita. 15 Ang dibdib at ang hitang binanggit ay dadalhin nila sa altar kasama ng mga tabang susunugin at iaalay bilang natatanging handog kay Yahweh. Pagkatapos, ito'y ibibigay sa inyo. Ang tuntunin na ito ay panghabang panahon, ayon sa utos ni Yahweh.”
16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan, natuklasan niyang iyo'y nasunog na. Nagalit siya kina Eleazar at Itamar at ang sabi, 17 “Bakit(J) hindi ninyo kinain sa banal na lugar ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan? Hindi ba ninyo alam na ganap na sagrado iyon at ibinigay sa inyo para kumatawan kayo sa buong bayan ng Israel sa harapan ni Yahweh upang sila'y patawarin niya sa kanilang kasalanan? 18 Sapagkat ang dugo niyon ay hindi dinala sa loob ng santuwaryo, dapat sana'y kinain ninyo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, gaya ng ipinag-utos ko.”
19 Ngunit sumagot si Aaron, “Sa araw na ito'y naghain sila ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin, ngunit ito pa ang aking sinapit. Kung ako ba'y kumain ngayon ng handog para sa kasalanan, ako ba'y magiging karapat-dapat sa paningin ni Yahweh?” 20 Sumang-ayon si Moises sa mga sinabing ito ni Aaron.
Mga Hayop na Maaari at Di Maaaring Kainin(K)
11 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 2 “Ganito ang sabihin ninyo sa bayang Israel: Sa mga hayop na lumalakad sa lupa, makakain ninyo 3 ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. 4 Kaya ang kamelyo kahit na ngumunguya ito ngunit hindi biyak ang kuko ay di dapat kainin. 5 Ang dagang gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing mula sa sikmura ngunit hindi biyak ang kuko; hindi ito malinis, kaya di dapat kainin. 6 Ang kunehong gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing galing sa sikmura ngunit hindi rin biyak ang kuko nito; hindi ito malinis. 7 Ang baboy, biyak nga ang kuko, ngunit hindi naman ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura, kaya hindi ito dapat kainin. 8 Huwag kayong kakain ng karne ni hihipo man ng bangkay ng mga hayop na ito; marurumi ito para sa inyo.
9 “Sa mga nilikhang nasa tubig, maging alat o tabang, ang maaari lamang ninyong kainin ay ang mga isdang may palikpik at kaliskis. 10 Ngunit ang isdang walang palikpik at kaliskis, malaki man o maliit, sa dagat o ilog ay marumi para sa inyo. 11 Huwag kayong kakain nito at iwasan ninyo ang mga patay nito. 12 Lahat ng nilikha sa tubig na walang palikpik at kaliskis ay huwag ninyong kainin.
13 “Tungkol naman sa mga ibon, ang mga ito ang huwag ninyong kakainin sapagkat marurumi: ang agila, ang buwitre at ang agilang-dagat; 14 ang lawin at ang limbas at mga kauri nito; 15 lahat ng uri ng uwak; 16 ang ostrits, panggabing lawin, lawing dagat at mga kauri nito; 17 lahat ng uri ng kuwago, ibong maninisid ng isda, 18 ang kuwagong parang may sungay, at ang pelicano; 19 ang lahat ng uri ng tagak, ang tariktik, paniki at kabag.[a]
20 “Lahat ng kulisap na may pakpak at may apat na paa ay marurumi para sa inyo, 21 maliban sa mga kulisap na lumulundag, 22 tulad ng lahat ng balang na mahahaba ang ulo, balang na kulay berde at bawat balang sa ilang. 23 Ang lahat ng naglipanang lumilipad na may apat na paa ay ituturing ninyong marurumi.
24 “Ang sinumang humawak sa bangkay ng mga hayop na ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 25 Ang sinumang dumampot sa mga ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw at dapat niyang labhan ang kanyang damit. 26 Bawat hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura ay marumi nga at ituturing na marumi rin ang bawat humawak rito. 27 Ituturing ninyong marumi ang mga hayop na may apat na paa, ngunit ang kuko'y hindi sumasayad sa lupa kapag lumalakad. Ang sinumang humawak sa bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 28 Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang humawak nito at siya ay ituturing ninyong marumi hanggang sa paglubog ng araw.
29 “Sa mga hayop na naglipana sa lupa, ituturing ninyong marumi ang mga sumusunod: ang bubuwit, ang daga, at lahat ng uri ng bayawak; 30 ang tuko, ang buwaya, ang butiki, ang bubuli at ang hunyango. 31 Marurumi ang lahat ng ito at sinumang humawak sa alinmang patay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 32 Kung ang alinman sa mga ito ang mamatay at lumagpak sa damit, kagamitang kahoy, balat o anumang kagamitang pang-araw-araw, ituturing na marumi ang nilagpakan nito hanggang sa paglubog ng araw; kailangang ibabad sa tubig ang nasabing kagamitan. 33 Kung sa palayok ito mahulog, ituring ding marumi ang laman nito at dapat nang basagin ang palayok. 34 Anumang pagkaing may sabaw o inuming tubig na malagay dito ay ituturing na marumi. 35 Marumi nga ang anumang lagpakan ng ganitong uri ng patay na hayop. Kung mahulog sa kalan o palayok, dapat sirain ito; ituturing nang marumi iyon. 36 Ngunit ang batis o ipunan ng tubig na malagpakan nito ay mananatiling malinis; gayunman, ang humawak sa patay na hayop ay ituturing na marumi. 37 Kung ang patay na hayop ay lumagpak sa binhing pananim, ito'y mananatiling malinis, 38 ngunit kung ang binhi ay babad na sa tubig, magiging marumi na ito.
39 “Kung mamatay ang anumang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humawak rito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 40 Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang kumain o bumuhat nito, at siya'y ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
41 “Lahat ng maliliit na hayop na gumagapang sa lupa ay huwag ninyong kakainin sapagkat ito'y marurumi, 42 maging ito'y gumagapang sa lupa o naglalakad na may apat na paa o higit pa. 43 Huwag ninyong dudumhan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa maruruming hayop na ito. 44 Panatilihin(L) ninyong malinis ang inyong sarili, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. 45 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Dapat kayong maging banal sapagkat ako'y banal.”
46 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga hayop, sa mga ibon at sa mga nilikha sa tubig, 47 para malaman ninyo ang malinis o hindi, ang makakain at hindi makakain.
Tuntunin sa Paglilinis ng Nanganak
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Ganito ang sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang isang babae ay manganak ng lalaki, pitong araw siyang ituturing na marumi, tulad nang panahong siya'y may regla. 3 Pagdating(M) ng ikawalong araw, dapat nang tuliin ang sanggol. 4 Tatlumpu't tatlong araw pa ang hihintayin ng ina bago siya ituring na malinis. Hindi siya dapat humawak ng anumang bagay na sagrado at hindi rin dapat pumasok sa santuwaryo hanggang hindi natatapos ang takdang panahon. 5 Kung babae naman ang kanyang anak, labing-apat na araw siyang ituturing na marumi, gaya rin nang siya'y may regla. Animnapu't anim na araw pa siyang maghihintay bago siya ituring na malinis.
6 “Kung tapos na ang panahon ng kanyang paglilinis, siya'y maghahandog kay Yahweh, maging lalaki o babae man ang kanyang anak. Magdadala siya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang tupang isang taóng gulang bilang handog na susunugin, at isang kalapati o batu-bato bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 7 Ihahandog ito ng pari para sa nanganak, at ang babae'y ituturing na malinis. Ganito ang tuntuning dapat sundin ng isang nanganak.
8 “Kung(N) hindi niya kayang maghandog ng tupa, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog na susunugin at ang isa nama'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Matapos ihandog ng pari ang mga ito, ituturing nang malinis ang ina.”
Tuntunin tungkol sa mga Sakit sa Balat
13 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 2 “Kung ang balat ninuman ay mamaga, magnana o kaya'y magkaroon ng parang singaw, at ang mga ito'y maging sakit sa balat na parang ketong, dapat siyang dalhin kay Aaron o sa mga anak niyang pari. 3 Susuriin ito ng pari at kung makita nitong namuti ang balahibo sa balat at sa palagay nito'y tagos hanggang laman, ang taong iyon ay maysakit sa balat na parang ketong. Kung magkagayon, ipahahayag niya itong marumi. 4 Ngunit kung balat lamang ang namuti at hindi pati balahibo, ihihiwalay siya nang pitong araw. 5 Pagkatapos, susuriin siyang muli sa ikapitong araw at kung sa tingin ng pari ay hindi lumalala ang sakit sa balat, pitong araw pa niya itong ihihiwalay. 6 Pagkaraan ng pitong araw, susuriin niyang muli ang may sakit. Kung nagbalik sa dati ang kulay ng kanyang balat at ang sakit sa balat ay hindi kumalat sa ibang bahagi ng kanyang katawan, ipahahayag siyang malinis dahil isa lamang itong pamamaga. Lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y magiging malinis na. 7 Ngunit kung mamaga uli ang kanyang balat at kumalat ang sakit sa ibang bahagi ng katawan, muli siyang haharap sa pari. 8 Sisiyasatin siyang muli at kung ang pamamaga ay kumakalat nga, ipahahayag ng pari na ang maysakit ay marumi. May sakit sa balat na parang ketong ang taong iyon.
9 “Ang sinumang magkaroon ng sakit na ito ay dapat dalhin sa pari 10 para masuri. Sisiyasatin ito at kung ang namamagang balat ay mamuti at magnaknak at ang balahibo nito ay mamuti rin, 11 hindi na siya ihihiwalay pa sapagkat tiyak ngang siya'y marumi. 12 Kung kumalat ito sa buong katawan, 13 sisiyasatin siya ng pari at kung naging maputing lahat ang balat niya, ipahahayag siyang malinis. 14 Subalit sa sandaling magbalik ang dating kulay at ang balat ay muling magsugat-sugat, ituturing siyang marumi. 15 Sisiyasatin siya ng pari at kung gayon nga ang makita rito, ipahahayag nitong marumi ang taong iyon. Ang paglitaw ng mga sugat ay tanda na ang taong iyon ay may sakit sa balat na parang ketong at siya ay maituturing na marumi. 16 Kung sakaling gumaling ang sugat at pumuti ang balat, dapat siyang pumunta sa pari 17 upang muling magpasuri. Kung makita ng pari na ang kanyang sugat ay pumuti, ipahahayag siyang magaling na. Malinis na siya ayon sa rituwal.
18 “Kung magkapigsa ang alinmang bahagi ng kanyang katawan at gumaling, 19 ngunit ito'y mamaga uli at mamuti o mamula, dapat humarap sa pari ang taong iyon. 20 Kung makita niyang tagos sa laman ang sugat at ang balahibo nito ay namuti, ang taong iyon ay may sakit sa balat na parang ketong; ang pinagmulan nito ay sa pigsa. 21 Ngunit kung hindi naman tagos sa laman at hindi namuti ang balahibo, ang maysakit ay ibubukod nang pitong araw. 22 Kung lumaganap ito sa ibang bahagi ng katawan, ipahahayag siyang marumi sapagkat siya'y may nakakahawang sakit sa balat. 23 Kung hindi naman kumalat sa ibang bahagi ng katawan, ito'y marka lamang ng pigsa at ipahahayag ng pari na malinis ang taong iyon.
24 “Kung mapaso ang isang parte ng katawan at ang parteng hindi napaso ay namula o namuti, 25 susuriin ito ng pari. Kung pumuti ang balahibo nito at tumagos sa laman ang sugat, ito'y sakit sa balat na parang ketong. Ipahahayag na marumi ang taong iyon. 26 Kung makita ng pari na ang balahibo ng napasong parte ng katawan ay hindi namuti at hindi tagos sa laman ang sugat, ihihiwalay niya ang taong iyon nang pitong araw. 27 Pagkatapos, ito'y susuriin ng pari at kung ang sakit ay kumakalat sa katawan, ipahahayag na marumi ang taong iyon. Siya ay may sakit sa balat na parang ketong. 28 Ngunit kung hindi kumakalat o humahawa sa ibang panig ng katawan at maputla ang kulay, pamamaga lamang ito ng napaso; ipahahayag siya ng pari bilang malinis sapagkat ito'y paltos lamang.
29 “Kung ang isang lalaki o babae ay magkasugat sa ulo o sa baba, 30 susuriin siya ng pari. Kung nangangati at tagos sa laman ang sugat, at ang buhok ay numinipis at naninilaw-nilaw, ipahahayag siyang marumi; siya'y may sakit sa balat na parang ketong. 31 Ngunit kung ang nangangating sugat ay hindi naman umabot sa laman at hindi nanilaw ang buhok, ihihiwalay siya sa loob nang pitong araw. 32 Pagkatapos, susuriin siya ng pari. Kung hindi ito kumakalat at di tagos sa laman o hindi naninilaw ang buhok, 33 mag-aahit ang maysakit maliban sa palibot ng sugat, ngunit pitong araw pa siyang ihihiwalay. 34 Sa ikapitong araw, susuriin siyang muli ng pari. Kung ang sugat ay hindi kumakalat sa ibang panig ng katawan, ipahahayag siya ng pari bilang malinis. Maglalaba siya ng kanyang damit at siya'y magiging malinis. 35 Ngunit pagkatapos niyang makapaglinis at magkaroon muli ng sugat sa ibang panig ng katawan, 36 susuriin siya ng pari. Kung kumakalat ang sugat, ang taong iyon ay ituturing na marumi kahit hindi naninilaw ang buhok sa may sugat. 37 Kung sa tingin ng pari ay hindi kumakalat ang sugat at tinutubuan na ito ng itim na buhok, magaling na ang taong iyon at ituturing nang malinis.
38 “Kung ang sinumang babae o lalaki ay magkaroon ng mga batik na puti sa kanyang balat, 39 susuriin siya ng pari. Kung hindi masyadong maputi ang batik, an-an lamang iyon; siya'y ituturing na malinis.
40 “Kung nalalagas ang buhok ng isang tao, hindi siya ituturing na marumi kahit siya'y kalbo. 41 Kung malugas ang buhok sa gawing noo, siya ay kalbo rin, ngunit ituturing na malinis. 42 Ngunit kung may lumitaw na mamula-mulang sugat sa kalbo niyang ulo o noo, ito'y maaaring sakit sa balat na parang ketong. 43 Susuriin siya ng pari. Kung ang sugat na iyon ay tulad ng sakit sa balat na parang ketong na tumubo sa ibang bahagi ng katawan, 44 ipahahayag ng pari na siya'y marumi dahil sa sakit sa balat na parang ketong na nasa kanyang ulo.
45 “Ang taong may sakit sa balat na parang ketong ay dapat magsuot ng sirang damit, huwag mag-aayos ng buhok, tatakpan ang kanyang nguso at laging sisigaw ng, ‘Marumi ako! Marumi ako!’ 46 Hangga't siya'y may sugat, ituturing siyang marumi at sa labas ng kampo maninirahang mag-isa.”
Tuntunin tungkol sa Mantsa sa Damit o Kagamitang Katad
47 “Kung magkaroon ng amag[b] ang damit na lana o lino 48 o ang sinulid na lana o lino na di pa nahahabi o anumang yari sa balat, at 49 kung berde o mamula-mula ang amag, ito'y dapat ipakita sa pari. 50 Susuriin niya ito at pitong araw na ipapatago ang damit na nagkabatik. 51 Sa ikapitong araw, muli niyang titingnan ito at kung ang amag ay humawa sa ibang bahagi ng damit, maging ito'y kagamitang yari sa tela o balat, ituturing itong marumi. 52 Susunugin na niya ang mga ito sapagkat ito'y nakakahawa.
53 “Subalit kung hindi naman humahawa sa ibang parte ang mantsa nito, maging ito'y sa damit, sa kagamitang yari sa balat o sinulid, 54 iuutos niyang labhan iyon, ngunit ipapatago pa niya nang pitong araw. 55 Pagkatapos, muli itong sisiyasatin ng pari. Kung hindi pa rin nagbabago ang kulay nito, kahit hindi humahawa, ituturing na itong marumi at dapat sunugin, kahit ang amag ay nasa loob o nasa labas na bahagi ng kagamitan.
56 “Ngunit kung mapuna niyang kumupas ang mantsa, ang bahaging iyo'y gugupitin niya sa damit o kagamitang yari sa tela o balat. 57 At kung may lumitaw pang ibang mantsa, ang damit ay dapat nang sunugin. 58 Ngunit kung malabhan ang damit, kagamitang yari sa balat o sinulid, at maalis ang mantsa, ito'y lalabhang muli at ituturing nang malinis.”
59 Ito ang tuntunin tungkol sa mga amag ng anumang kasuotang damit o balat upang malaman kung marumi o malinis ang mga iyon.
Paglilinis Matapos Gumaling sa Sakit sa Balat
14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Ganito(O) naman ang tuntunin sa paglilinis ng taong may sakit sa balat na parang ketong. Sa araw na siya'y lilinisin, haharap siya sa pari 3 sa labas ng kampo at susuriin. Kung magaling na ang maysakit, 4 magpapakuha ang pari ng dalawang ibong buháy at malinis, kapirasong kahoy na sedar, pulang lana at hisopo. 5 Ipapapatay sa kanya ng pari ang isang ibon sa tapat ng isang bangang may tubig na galing sa bukal. 6 Itutubog niya sa dugo nito ang ibong buháy, ang kahoy na sedar, ang pulang lana at ang hisopo. 7 Ang dugo ay iwiwisik nang pitong beses sa taong may sakit sa balat at ipahahayag siya ng pari bilang malinis. Pagkatapos, paliliparin niya sa kabukiran ang ibong buháy. 8 Lalabhan ng nagkasakit ang kanyang damit, siya'y magpapakalbo at maliligo, sa gayon, ituturing na siyang malinis. Pahihintulutan na siyang makapasok sa kampo ngunit mananatili pang pitong araw sa labas ng kanyang tolda. 9 At sa ikapitong araw, aahitin niyang muli ang lahat ng buhok niya sa ulo, ang kanyang balbas at kilay at lahat ng balahibo sa katawan. Lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y maliligo; sa gayon, magiging malinis siya.
10 “Sa ikawalong araw, magdadala siya ng tatlong tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan; dalawa nito'y lalaki. Magdadala rin siya ng isa't kalahating salop ng mainam na harina na may halong langis at 1/3 litrong langis bilang handog na pagkaing butil. 11 Dala ang kanyang handog, isasama siya ng pari sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 12 Itataas ng pari sa harapan ni Yahweh ang isang lalaking tupa at ang 1/3 litrong langis bilang natatanging handog na pambayad sa kasalanan. 13 Papatayin ang tupa doon sa lugar na pinagpapatayan ng mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin sa loob ng lugar na banal. Ang handog na pambayad sa kasalanan, tulad ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan, ay para sa pari at napakabanal. 14 Kukuha ang pari ng dugo ng handog na pambayad sa kasalanan at papahiran niya ang lambi ng kanang tainga at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa ng taong nililinis. 15 Pagkatapos, kukunin ng pari ang langis at magbubuhos ng kaunti sa kanyang kaliwang palad. 16 Isasawsaw niya rito ang isang daliri sa kanyang kanang kamay at pitong beses niyang wiwisikan ang harap ng altar. 17 Kukuha pa siya ng kaunting langis sa kanyang palad at kaunting dugo mula sa handog na pambayad sa kasalanan at ipapahid niya ito sa lambi ng tainga at sa hinlalaki ng kamay at paa ng taong nililinis. 18 Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo ng taong nililinis bilang handog kay Yahweh para sa kapatawaran ng kasalanan.
19 “Iaalay ng pari ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at sa pamamagitan nito'y tutubusin ang taong nililinis. Pagkatapos, papatayin niya ang handog na susunugin 20 at ihahandog niya ito sa altar kasama ng handog na pagkaing butil. Sa gayon, matutubos ang taong iyon at magiging malinis.
21 “Kung dukha ang taong maghahandog, mag-aalay siya ng isang tupang lalaki bilang natatanging handog na pambayad sa kasalanan, kalahating salop ng harinang may halong langis bilang handog na pagkaing butil at 1/3 litrong langis. 22 Mag-aalay rin siya ng dalawang batu-bato o kalapati, ayon sa kanyang kaya; ang isa'y handog para sa kasalanan at handog na susunugin naman ang isa. 23 Pagdating ng ikawalong araw, dadalhin niya ang kanyang mga handog sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 24 Kukunin at itataas ng pari sa harapan ni Yahweh ang tupang lalaki at ang 1/3 litrong langis bilang handog na pambayad sa kasalanan. 25 Ang tupa'y papatayin ng pari, kukuha siya ng dugo nito at ipapahid sa lambi ng kanang tainga at hinlalaki ng kanang kamay at paa ng maghahandog. 26 Magbubuhos ang pari ng kaunting langis sa kaliwang palad niya, 27 isasawsaw ang isang daliri sa kanyang kanang kamay at pitong beses niyang wiwisikan ang harap ng altar. 28 Papahiran din niya ng kaunting langis ang lambi ng kanang tainga at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa ng taong gumaling sa sakit, doon sa mismong bahaging pinahiran ng dugong galing sa handog na pambayad sa kasalanan. 29 Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo ng taong iyon bilang pantubos sa kanya sa harapan ni Yahweh. 30 Ihahandog din niya ang dalawang batu-bato o kalapati na kanyang nakayanan; 31 ang isa nito'y para sa kasalanan at ang isa naman ay para sa handog na susunugin kasama ang handog na pagkaing butil. Ito ang gagawin ng pari upang linisin ang nagkasakit. 32 Ganito ang tuntunin na dapat sundin para sa taong may sakit sa balat na parang ketong at hindi kayang maghandog ng ukol dito.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.