Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Cronica 10-23

Ang Pagkamatay ni Saul at ng Kanyang mga Anak(A)

10 Dinigma ng mga Filisteo ang mga Israelita; kaya't ang mga Israelita ay nagsitakas, at marami sa kanila ang namatay sa Bundok ng Gilboa. Si Saul at ang kanyang mga anak ay inabutan ng mga Filisteo; pinatay ng mga Filisteo sina Jonatan, Abinadab at Melquisua, ang mga anak ni Saul. Napakatindi ng labanan sa palibot ni Saul; at nang siya'y makita at panain ng mga manunudla, si Saul ay malubhang nasugatan. Dahil dito, sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang mga gamit-pandigma, “Saksakin mo na ako upang hindi na ako abutang buháy ng mga paganong iyan, at paglaruan pa nila.” Ngunit tumanggi ito, sapagkat natatakot siyang gawin ito. Kaya't binunot ni Saul ang kanyang espada, at sinaksak niya ang sarili. Nang makita ng tagapagdala na nagpakamatay si Saul, ganoon din ang ginawa nito sa kanyang sarili. Kaya't sabay-sabay na namatay si Saul, ang kanyang tatlong anak na lalaki, at lahat ng kanyang mga kamag-anak. Nang makita ng mga Israelitang nasa libis na tumakas na ang hukbo ng Israel at nang mabalitaang napatay na si Saul at ang mga anak nito, nilisan nila ang kanilang mga bayan at tumakas na rin. Kaya't nang dumating ang mga Filisteo, dito na sila nagkuta.

Kinabukasan, nang puntahan ng mga Filisteo ang kanilang mga napatay upang samsaman, natagpuan nila sa Bundok ng Gilboa ang bangkay ni Saul at ng tatlo niyang anak. Hinubaran nila si Saul, pinugutan ng ulo at kinuha ang kanyang mga gamit-pandigma. Pagkatapos, nagpadala sila ng mga sugo sa buong lupain upang ibalita sa mga Filisteo at sa kanilang mga diyus-diyosan ang kanilang tagumpay. 10 Ang mga gamit-pandigma ni Saul ay dinala nila sa templo ng kanilang mga diyus-diyosan at ang ulo niya'y isinabit nila sa templo ng kanilang diyos na si Dagon. 11 Subalit nang mabalitaan ng mga taga-Jabes-gilead ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, 12 nagtipun-tipon ang mga magigiting na mandirigma at kinuha nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak. Dinala nila ang mga ito sa Jabes, at doo'y inilibing sa ilalim ng malaking puno. Pitong araw silang nag-ayuno bilang pagluluksa. 13 Namatay(B) si Saul sapagkat hindi siya naging tapat kay Yahweh at sinuway niya ang kanyang mga utos; sumangguni pa siya sa kumakausap sa espiritu ng namatay na 14 sa halip na kay Yahweh. Kaya siya'y pinatay ni Yahweh at ibinigay ang paghahari kay David na anak ni Jesse.

Naging Hari si David(C)

11 Ang buong sambayanang Israel ay nagpunta kay David sa Hebron. “Kami ay dugo ng iyong dugo at laman ng iyong laman,” sabi nila. “Nang panahong hari si Saul, pinangunahan mo ang hukbo ng Israel sa pakikipaglaban, at ibinabalik mo silang muli. Sinabi sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos ang ganito: ‘Ikaw ang magiging pastol ng aking bayang Israel. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’” Lahat ng pinuno ng Israel ay pumunta sa Hebron, at sa harapan ni Yahweh ay gumawa si David ng kasunduan sa kanila. Binuhusan nila ito ng langis, at itinanghal na hari ng Israel. Kaya't natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Samuel.

Ang(D) Jerusalem na noo'y tinatawag na Jebus ay sinalakay ni Haring David at ng mga Israelita. Ngunit sinabi sa kanya ng mga Jebuseo na hindi siya makakapasok sa lunsod. Gayunman, pumasok din si David at nakuha nito ang kampo ng Zion, kaya't kilala ngayon ang lugar na iyon na Lunsod ni David. Bago nila pinasok ito, sinabi ni David, “Ang unang makapatay ng isang Jebuseo ay gagawin kong pinuno.” Ang unang nangahas umakyat sa kampo ay si Joab na anak ni Zeruias, kaya siya ang ginawang pinakamataas na pinuno ng hukbo. Doon tumira si David sa kampo, kaya tinawag ang lugar na iyon na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod sa palibot nito mula sa Millo, samantalang itinayong muli ni Joab ang ibang bahagi ng lunsod. Lalong tumatag ang paghahari ni David, sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.

Ang mga Bantog na Kawal ni David(E)

10 Ito naman ang mga pinuno ng mga magigiting na tauhan ni David na sa tulong ng buong Israel, ay nagpalakas at nagpatatag ng kanyang kaharian, sa pangako ni Yahweh. 11 Una sa lahat, ay si Jasobeam, isang Hacmonita. Siya ang pinuno ng pangkat na Tatlo.[a] Kahit nag-iisa, nakapatay siya ng 300 kaaway sa pamamagitan lamang ng kanyang sibat.

12 Ang pangalawa'y si Eleazar, isa sa tinaguriang Tatlo. Siya'y anak ni Dodo na isang Ahohita. 13 Si Eleazar ang kasama ni David sa Pas-dammim nang mapalaban sila sa mga Filisteo sa isang bukid ng sebada. Natakot noon ang mga Israelita, at sila'y tumakas. 14 Ngunit tumayo si Eleazar sa gitna ng bukid at nakipaglaban. Sa ginawang ito, napatay niya ang mga Filisteo at nagtagumpay sa tulong ni Yahweh.

15 Minsan, nang ang mga Filisteo'y nagkakampo sa kapatagan ng Higante, tatlo sa tatlumpung mga pinuno ng Israel ang bumabâ sa kampo ni David, malapit sa yungib ng Adullam. 16 Noo'y nasa isang kuta si David; nasakop naman ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Bethlehem. 17 Minsa'y buong pananabik na nasabi ni David, “May magbigay sana ng tubig sa akin mula sa balon sa tabi ng pintuang papasok sa Bethlehem!” 18 Nang marinig ito, sumugod agad ang tatlong magigiting na kawal, lumusot sa hanay ng mga Filisteo at kumuha nga ng tubig. Ngunit hindi ito ininom ni David. Sa halip, ibinuhos niya ito bilang handog kay Yahweh. 19 Sinabi niya, “Hindi ko maiinom ito sapagkat para nang dugo nila ang aking ininom. Buhay ang itinaya nila sa pagkuha nito!” Ito ang isa sa mga kagitingang ginawa ng Tatlo.

20 Si Abisai na kapatid ni Joab ay nakapatay ng tatlong daang kaaway sa pamamagitan ng sibat, kaya lalo siyang kinilala ng Bantog na Tatlumpu[b] na kanyang pinamumunuan. 21 Siya ang pinakamatapang sa Tatlumpu[c] kaya naging pinuno ng mga ito. Ngunit hindi niya napantayan ang Tatlong mandirigma.

22 Kabilang din sa mga kinilalang kawal si Benaias na anak ni Joiadang taga-Kabzeel. Siya naman ang pumatay sa dalawang mandirigma sa Moab, at lumusong sa balon minsang taglamig at pumatay sa leong naroon. 23 Siya rin ang pumatay sa higanteng Egipcio na dalawa't kalahating metro ang taas at may armas na isang sibat na ang hawakan ay napakalaki. Sinagupa niya ito na ang hawak lamang niya'y batuta, ngunit naagaw niya ang sibat. Ito na rin ang ginamit niya sa pagpatay sa higante. 24 Dahil sa mga ginawang ito, siya'y nakilala rin, tulad ng Tatlo.[d] 25 Nangunguna siya sa Tatlumpu, ngunit hindi rin niya nahigitan ang kagitingan ng Tatlo. Siya ang ginawa ni David na pinuno ng kanyang mga bantay.

26-47 Ito pa ang ilan sa mga magigiting na kawal ni David:

    Asahel, kapatid ni Joab
    Elhanan, anak ni Dodo na mula sa Bethlehem
    Samot na taga-Harod
    Helez na taga-Pelet
    Ira, anak ni Iques na taga-Tekoa
    Abiezer na taga-Anatot
    Sibecai na taga-Husa
    Ilai na taga-Aho
    Maharai na taga-Netofa
    Heled, anak ni Baana na taga-Netofa rin
    Itai, anak ni Ribai na taga-Gibea sa Benjamin
    Benaias na taga-Piraton
    Hurai na mula sa kapatagan ng Gaas
    Abiel na taga-Arba
    Azmavet na taga-Bahurim
    Eliaba na taga-Saalbon
    Hasem na taga-Gizon
    Jonatan, anak ni Sage na taga-Arar
    Ahiam, anak ni Sacar na taga-Arar din
    Elifal, anak ni Ur
    Hefer na taga-Mequera
    Ahias na taga-Pelon
    Hezro na taga-Carmel
    Naarai, anak ni Ezbai
    Joel, kapatid ni Natan
    Mibhar, anak ni Hagri
    Zelec na taga-Ammon
    Naarai na taga-Berot, tagadala ng sandata ni Joab
    Ira at Gareb na taga-Jatir
    Urias na Heteo
    Zabad, anak ni Ahlai
    Adina, anak ni Siza na isang pinuno sa angkan ni Ruben at may sariling pangkat ng tatlumpung tao
    Hanan, anak ni Maaca
    Joshafat na taga-Mitan
    Uzias na taga-Asterot
    Sammah at Jeiel, mga anak ni Hotam na taga-Aroer
    Jediael at Joha, mga anak ni Simri na taga-Tiz
    Eliel na taga-Mahava
    Jeribai at Josavia, mga anak ni Elnaam
    Itma na taga-Moab
    Eliel, Obed, at Jasael na mga taga-Zoba.

Ang mga Unang Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Benjamin

12 Narito ang mga lalaking pumunta sa Ziklag at sumama kay David noong siya'y nagtatago kay Saul. Sila'y kilalang mandirigma, kaliwa't kanan kung gumamit ng pana, at asintado sa tirador. Sa lipi ni Benjamin mula sa angkan ni Saul: si Ahiezer, ang pinakapinuno at si Joas ang pangalawa, parehong anak ni Semaa na taga-Gibea; sina Jeziel at Pelet na mga anak ni Azmavet; sina Beraca at Jehu na parehong taga-Anatot; si Ismaias, na taga-Gibeon, isa sa mga pinuno ng Tatlumpu; sina Jeremias, Jahaziel, Johanan at Jozabad na mga taga-Gedera; sina Eluzai, Jerimot, Bealias, Semarias at Sefatias na taga-Haruf; sina Elkana, Isaias, Azarel, Joezer at Jasobeam na buhat sa angkan ni Korah; sina Jocla at Zebadias na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.

Ang mga Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Gad

Sa lipi ni Gad, ang sumama kay David ay mga mahusay na mandirigma at sanay sa paggamit ng sibat at kalasag, mababagsik na parang leon at kung kumilos ay simbilis ng mga usa sa bundok. Ang pinakapinuno nila ay si Eser at ang iba pa ayon sa pagkakasunud-sunod ay sina Obadias, Eliab, 10 Mismana, Jeremias, 11 Atai, Eliel, 12 Johanan, Elzabad, 13 Jeremias at Macbanai. 14 Ang mga ito'y mga opisyal ng hukbo na ang pinakamaliit na pinapamahalaan ay hindi bababâ sa isang daan at ang pinakamalaki ay isang libo. 15 Sila ang tumawid sa Ilog Jordan nang unang buwan na ito'y umaapaw at naging dahilan nang paglikas ng mga taong naninirahan sa silangan at kanluran ng kapatagan doon.

Ang mga Tagasunod ni David Mula sa mga Lipi nina Benjamin at Juda

16 May iba pang mga tauhan mula sa mga lipi nina Benjamin at Juda na sumama na rin kay David. 17 Ang mga ito'y sinalubong ni David na nagsasabing, “Kung naparito kayo bilang mga kaibigan, tatanggapin ko kayo. Ngunit kung mga kaaway, kahit wala pa akong nagagawang karahasan, hatulan nawa kayo ng Diyos ng aming mga ninuno.” 18 Noon din si Amasai na pinuno ng Tatlumpu ay kinasihan ng Espiritu ng Diyos at nagsabi:

“Kami'y sa iyo, O David, kami'y kakampi mo, anak ni Jesse!
Kapayapaan nawa'y sumaiyo at sa mga kapanalig mo!
Sapagkat Diyos ang iyong katulong.”

Malugod silang tinanggap ni David at ginawa silang mga pinuno sa kanyang hukbo.

Ang mga Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Manases

19 Mayroon ding mula sa lipi ni Manases na nakiisa kay David nang kanilang sasalakayin si Saul, kasama ng mga Filisteo. Hindi na natuloy ang pagtulong niya sa mga Filisteo sapagkat hindi nagtiwala sa kanya ang mga pinuno nito. Siya'y pinaalis at sinabi, “Malalagay lamang sa panganib ang ating buhay, sapagkat tiyak na kay Saul pa rin papanig ang taong iyan!” 20 Nang bumalik na si David sa Ziklag, dumating nga sa kanya ang mga tauhan mula sa lipi ni Manases. Ito'y sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu at Zilletai. Bawat isa sa kanila'y pinuno ng sanlibong kawal. 21 Malaki ang naitulong nila kay David at sa kanyang mga tauhan, sapagkat sanay silang mandirigma. Ang mga ito'y ginawa niyang mga opisyal sa kanyang hukbo. 22 Araw-araw, may dumarating kay David upang tumulong, kaya't nakabuo siya ng napakalaking hukbo.

Ang Listahan ng Hukbo ni David

23 Ito ang bilang ng mga kawal na nagpunta kay David sa Hebron upang ilipat sa kanya ang pagiging hari ni Saul ayon sa pangako ni Yahweh:

24-37 Juda: 6,800 na mahuhusay gumamit ng sibat at kalasag; Simeon: 7,100 na mga kilala sa tapang at lakas; Levi: 4,600; Aaron sa pamumuno ni Joiada: 3,700; Zadok kasama ang 22 pinuno ng kanilang angkan; Benjamin, lipi ni Saul: 3,000, karamihan sa kanila'y nanatiling tapat sa angkan ni Saul; Efraim: 20,800 matatapang at kilala sa kanilang sambayanan; Kalahating lipi ni Manases: 18,000 na pinapunta upang gawing hari si David; Isacar: 200 mga pinuno kasama ang mga angkang kanilang pinamumunuan. Ang mga ito'y marunong humula ng panahon at nagpapasya kung ano ang hakbang na gagawin ng bansang Israel; Zebulun: 50,000 kawal na bihasa sa labanan at sanay sa lahat ng uri ng sandata; Neftali: 1,000 pinuno at 37,000 kawal na armado ng kalasag at sibat; Dan: 28,600 kawal na sanay sa labanan; Asher: 40,000 kawal na handa na sa labanan; Mula naman sa lipi nina Ruben, Gad at kalahating lipi ni Manases na nasa ibayo ng Jordan: 120,000 armado at bihasa sa lahat ng uri ng sandata.

38 Ang lahat ng ito ay handang makipagdigma, at nagpunta sa Hebron na iisa ang layunin: gawing hari ng Israel si David. 39 Tatlong araw silang kumain at uminom na kasama ni David sapagkat sila'y ipinaghanda roon ng kanilang mga kababayan. 40 Maging ang mga taga kalapit-bayan ng Isacar, Zebulun at Neftali ay nagdala sa kanila ng pagkain. Dumating sila roon na dala ang mga asno, kamelyo, bisiro at toro, at sari-saring pagkain tulad ng harina, igos, mga kumpol ng tinuyong ubas, alak, langis, mga toro at tupa. Nagkaroon ng malaking pagdiriwang sa buong Israel.

Ang Kaban ng Tipan ay Kinuha sa Lunsod ng Jearim(F)

13 Sumangguni si David sa mga pinuno ng mga pangkat ng libu-libo at daan-daang kawal. Sinabi niya sa buong sambayanan ng Israel, “Kung sumasang-ayon kayo, at kung ito'y ayon sa kalooban ni Yahweh na ating Diyos, anyayahan natin dito ang mga kapatid nating wala rito, pati ang mga pari at mga Levitang nasa mga lunsod na may pastulan. Pagkatapos, kunin nating muli ang Kaban ng Tipan na napabayaan natin noong panahon ni Saul.” Sumang-ayon ang lahat sa magandang panukalang ito.

Kaya't(G) tinipon ni David ang mga Israelita mula sa Sihor sa Egipto hanggang sa pasukan ng Hamat upang kunin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban ng Tipan at dalhin sa Jerusalem. Pumunta(H) silang lahat sa Baala papuntang Lunsod ng Jearim sa Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan ng Diyos na si Yahweh, na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Pagdating nila sa bahay ni Abinadab, isinakay nila ang Kaban ng Tipan sa isang bagong kariton na inaalalayan nina Uza at Ahio. Si David at ang buong Israel ay sumasayaw at umaawit sa saliw ng tugtugan ng mga lira, alpa, tamburin, pompiyang at trumpeta.

Ngunit pagsapit nila sa giikan sa Quidon, natisod ang mga bakang humihila sa kariton kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan upang hindi mahulog. 10 Dahil dito, nagalit sa kanya si Yahweh kaya't namatay siya noon din. 11 Nagalit si David dahil pinarusahan ng Diyos si Uza, kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza[e] mula noon.

12 Subalit(I) natakot rin si David sa Diyos kaya't nasabi niya, “Paano ko ngayon iuuwi ang Kaban ng Tipan?” 13 Sa halip na iuwi ito sa Jerusalem, dinala niya ang Kaban sa bahay ni Obed-edom na taga-lunsod ng Gat. 14 Tatlong(J) buwan doon ang Kaban. At pinagpala ni Yahweh ang sambahayan ni Obed-edom, pati na ang lahat ng kanyang ari-arian.

Ang mga Ginawa ni David sa Jerusalem(K)

14 Si Hiram na Hari ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Binigyan niya si David ng mga kahoy na sedar at nagsugo rin siya ng mga kantero at karpintero upang gumawa ng palasyo para kay David. Dito nabatid ni David na pinagtibay na ni Yahweh ang pagiging hari niya sa Israel, at ang kanyang kaharian ay pinasagana alang-alang sa bayang Israel.

Dinagdagan pa ni David ang kanyang mga asawa sa Jerusalem at nagkaanak siya ng marami. Ito ang mga anak niya na isinilang sa Jerusalem: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon; Ibhar, Elisua, Elpelet; Noga, Nefeg, Jafia; Elisama, Beeliada, at Elifelet.

Ang Tagumpay Laban sa mga Filisteo(L)

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinanghal nang hari sa buong Israel, lumusob sila upang hanapin si David. Nalaman ito ni David kaya't hinarap niya ang mga Filisteo. Unang sinalakay ng mga Filisteo ang libis ng Refaim. 10 Itinanong ni David sa Diyos, “Lalabanan ko po ba ang mga Filisteo? Magtatagumpay po ba ako laban sa kanila?”

“Humayo ka,” sagot ni Yahweh, “pagtatagumpayin kita laban sa iyong mga kaaway.”

11 Kaya't sinalakay niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim, at natalo niya ang mga ito. Sinabi ni David, “Kinasangkapan ako ng Diyos upang lupigin ang mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Ito ang dahilan kung bakit tinawag ang lugar na iyon na Baal-perazim.[f] 12 Naiwan doon ng mga kaaway ang kanilang mga diyus-diyosan at iniutos ni David na sunugin ang mga ito.

13 Sumalakay muli sa libis ang mga Filisteo. 14 Dahil dito, muling nagtanong sa Diyos si David. Sinabi sa kanya, “Huwag mo silang sasagupain nang harapan. Lumibot ka, at doon ka sumalakay sa may likuran, sa tapat ng mga puno ng balsam. 15 Kapag narinig mo ang mga yabag sa itaas ng mga puno, sumalakay ka na, sapagkat pinangungunahan ka ng Diyos upang wasakin ang hukbo ng mga Filisteo.” 16 Ganoon nga ang ginawa ni David at naitaboy niya ang mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang Gezer. 17 Naging tanyag si David sa buong lupain, at ginawa ni Yahweh na matakot kay David ang lahat ng mga bansa.

Inilipat sa Jerusalem ang Kaban ng Tipan

15 Nagpagawa si David para sa kanyang sarili ng maraming bahay sa Jerusalem. Naghanda rin siya ng isang lugar para sa Kaban ng Tipan at nagpatayo ng isang tolda para rito. Sinabi(M) niya, “Walang maaaring bumuhat sa Kaban ng Tipan ng Diyos maliban sa mga Levita, sapagkat sila ang pinili ni Yahweh upang magdala ng kanyang kaban at maglingkod sa kanya habang panahon.” Pagkatapos, tinipon ni David sa Jerusalem ang buong Israel upang dalhin ang Kaban ng Tipan sa lugar na inilaan para dito. Tinipon din niya ang mga mula sa angkan ni Aaron at ang mga Levita: sa angkan ni Kohat, si Uriel at ang 120 kamag-anak na pinamumunuan niya; sa angkan ni Merari, si Asaias at ang pinamumunuan niyang 220 mga kamag-anak; sa angkan ni Gershon ay si Joel at ang 130 kasama niya; sa angkan ni Elizafan, si Semaias at ang 200 mga kamag-anak na kanyang pinamumunuan; sa angkan ni Hebron, si Eliel at ang walumpung kamag-anak niya; 10 at sa angkan ni Uziel, si Aminadab at ang pinamumunuan niyang 112 mga kamag-anak.

11 Ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levitang sina Uriel, Asaias, Joel, Semaias, Eliel, at Aminadab. 12 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng angkan ng mga Levita. Linisin ninyo ang inyong sarili pati ang inyong mga kapatid at dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sa lugar na inihanda ko para dito. 13 Dahil hindi namin kayo kasama nang unang buhatin ito, nagalit ang Diyos nating si Yahweh sapagkat hindi namin ginawa ang ayon sa ipinag-uutos niya.”

14 Kaya nilinis ng mga pari at ng mga Levita ang kanilang sarili upang dalhin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 15 Pinasan(N) ito ng mga Levita sa pamamagitan ng mga kahoy na pambuhat, ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.

16 Inutusan din ni David ang mga pinunong Levita na pumili ng mga kapwa nila Levita upang umawit at tumugtog ng lira, alpa at pompiyang. 17 Kaya kinuha nila si Heman na anak ni Joel, si Asaf na anak ni Berequias; sa angkan ni Merari, si Etan, anak ni Cusaias. 18 Sa pangalawang hanay ng mang-aawit at manunugtog ay pinili nila sina Zacarias, Jaazael, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaias, Maasias, Matitias, Elifelehu, Micneias at sina Obed-edom at Jeiel, mga bantay sa pinto. 19 Sina Heman, Asaf at Etan ang pinili nilang tumugtog ng pompiyang. 20 Sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias at Benaias ang tutugtog ng mga lirang mataas ang tono. 21 At sina Matitias, Elifelehu, Micneias, Obed-edom, Jeiel at Azazias naman ang sa mga lirang mababa ang tono. 22 Ang kukumpas sa pagtugtog ay si Quenanias, pinuno ng mga manunugtog na Levita, sapagkat siya ang sanay sa gawaing ito. 23-24 Sina Berequias at Elkana kasama sina Obed-edom at Jehias ay ang mga bantay sa pinto sa kinalalagyan ng kaban. Ang iihip naman ng mga trumpeta sa harap ng Kaban ng Tipan ay ang mga paring sina Sebanias, Joshafat, Nathanael, Amazias, Zacarias, Benaias at Eliezer.

Dinala sa Jerusalem ang Kaban ng Tipan(O)

25 Pagkatapos, si David, ang pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng libu-libong kawal ay masayang nagpunta sa bahay ni Obed-edom upang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. 26 Sa tulong ng Diyos, nadala ng mga Levita ang Kaban ng Tipan, kaya't sila'y naghandog ng pitong toro at pitong tupang lalaki. 27 Si David ay nakasuot ng kamisetang yari sa magandang telang lino, gayundin ang mga Levitang may dala sa Kaban, ang mga manunugtog at si Kenaniaz, ang pinuno ng mga manunugtog. Suot din ni David ang isang efod na lino. 28 Ang buong Israel ay kasama nang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Sila'y nagsisigawan sa galak, hinihipan ang tambuli at trumpeta, at tinutugtog ang pompiyang, lira at alpa.

29 Habang ipinapasok sa Lunsod ni David ang Kaban ng Tipan, si Mical, anak na babae ni Saul ay dumungaw sa bintana. Nang makita niyang si David ay nagsasayaw sa tuwa, siya'y labis na nainis.

Ang Kaban sa Loob ng Tolda

16 Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David para dito. Nag-alay sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. Matapos makapaghandog, binasbasan ni David ang mga tao sa pangalan ni Yahweh, at binigyan niya ang bawat Israelita ng tinapay, karne at bibingkang may pasas.

Naglagay rin siya ng ilang Levita na maglilingkod sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh upang manalangin, magpasalamat at magpuri kay Yahweh na Diyos ng Israel. Si Asaf ang pinuno at ang mga katulong niya ay sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matitias, Eliab, Benaias, Obed-edom, at Jeiel. Ang tinutugtog nila'y mga alpa at lira, at ang kay Asaf naman ay pompiyang. Ang mga paring sina Benaias at Jahaziel ang tumutugtog ng mga trumpeta araw-araw sa harap ng Kaban ng Tipan ng Diyos. Nang araw na iyon, iniatas ni David kay Asaf at sa mga kasama nito ang tungkol sa pag-awit ng pasasalamat kay Yahweh.

Ang Awit ng Papuri(P)

Magpasalamat kay Yahweh, tumawag sa kanyang pangalan;
    ang lahat ng gawa niya sa lahat ay ipaalam.
Umawit ng pagpupuri at siya ay parangalan,
    ang kahanga-hangang gawa'y ibalita kahit saan.
10 Dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y kanyang bayan,
    ang lahat ng sumasamba sa kanya ay magdiwang.
11 Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin,
    sa tuwina'y parangalan siya at sambahin.
12 Inyong alalahanin ang mga kamangha-mangha niyang gawa,
    ang matuwid na paghatol at gawang kahanga-hanga.
13 Mga supling ni Abraham na kanyang lingkod,
    ang mga hinirang niya na mga anak ni Jacob.
14 Si Yahweh ang ating Diyos,
    nasa buong mundo ang kanyang mga utos.
15 Tipan niyang walang hangga'y hindi niya lilimutin,
    kahit libong salinlahi ito'y kanyang tutuparin.
16 Ang(Q) ginawa niyang tipan kay Abraham,
    pinagtibay kay Isaac ang pangakong sinumpaan.
17 Kay(R) Jacob ibinigay, pinagtibay na kautusan,
    walang hanggang tipan sa Israel, ito ang nilalaman:
18 “Ang lupain ng Canaan sa iyo nakalaan.
    Ito'y isang pamana ko sa iyo at sa iyong angkan.”

19 Nang sila ay kakaunti pa at walang halaga,
    nangibang-bayan sila't sa Canaan nakitira.
20 Sa maraming bansa sila'y natatagpuan,
    nagpalipat-lipat sa iba't ibang kaharian.
21 Di(S) hinayaan ng Diyos sila'y alipinin,
    mga hari'y binalaang huwag silang aapihin.
22 Sabi niya, “Huwag sasaktan ang bayan kong hinirang,
    ang mga propeta ko ay iyong igalang.”

23 Umawit ka kay Yahweh, buong sanlibutan,
    ipahayag araw-araw, bigay niyang kaligtasan.
24 Ipahayag sa mga bansa kanyang kaluwalhatian.
    Sabihin sa mga tao gawa niyang makapangyarihan.

25 Si Yahweh ay dakila at karapat-dapat papurihan,
    siya ay higit sa mga diyos ng buong sanlibutan.
26 Ang diyos ng mga bansa ay mga diyus-diyosan lamang,
    ngunit si Yahweh ang lumikha ng buong kalangitan.
27 Kanya ang kaluwalhatian at karangalan,
    lakas at kagalakan nasa kanyang tahanan.

28 Si Yahweh ay purihin ng lahat ng mga bansa,
    dapat siyang kilalanin na marangal at dakila.
29 Kilalanin ng lahat maluwalhati niyang pangalan,
    bawat isa'y lumapit at siya ay handugan.
Sambahin si Yahweh sa diwa ng kabanalan,
30     sa harap niya ay gumalang ang lahat ng mga bansa.
Ang sandigan ng daigdig ay matibay niyang ginawa.
31 Magalak ang kalangitan, ang daigdig ay matuwa.
    “Si Yahweh ay naghahari,” ganito ang ibalita.
32 Magpuri ang karagatan at ang lahat ng naroon,
    ang lahat sa kabukira'y magpuri kay Yahweh.
33 Umawit ang mga punongkahoy na nasa kagubatan
    sa pagdating ni Yahweh upang lahat ay hatulan.

34 Purihin(T) si Yahweh, sa kanyang kabutihan;
    pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
35 Sabihin ding: “Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
    tipunin mo kami ngayon at iligtas sa kalaban;
    upang aming pasalamatan ang banal mong pangalan
    at purihin ka sa iyong kaluwalhatian.”
36 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya ngayon at magpakailanman!

Pagkatapos, ang buong bayan ay sumagot ng “Amen,” at nagpuri kay Yahweh.

Ang Pananambahan sa Jerusalem at Gibeon

37 Si Asaf at ang kanyang mga kamag-anak ay inatasan ni David na mangasiwa sa pagsambang idinaraos araw-araw sa lugar na kinalalagyan ng Kaban ng Tipan. 38 Si Obed-edom kasama ang animnapu't walong kamag-anak niya ang tutulong sa kanila. Si Obed-edom na anak ni Jeduthun at si Hosa naman ang magbabantay sa pinto. 39 Inatasan naman ni David si Zadok at ang mga kamag-anak nitong pari na maglingkod sa tabernakulo ni Yahweh sa Burol ng Gibeon. 40 Umaga't gabi, ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Yahweh para sa Israel, patuloy silang nag-aalay ng mga handog na susunugin sa altar. 41 Kasama nila roon sina Heman at Jeduthun at iba pang pinili upang magpasalamat kay Yahweh sapagkat pag-ibig niya'y tunay at laging tapat kailanman. 42 Silang dalawa ang tumutugtog ng trumpeta at pompiyang at iba pang uri ng panugtog na pansaliw sa mga awiting ukol sa Diyos. Ang mga anak naman ni Jeduthun ang ginawang bantay sa pintuan.

43 Pagkatapos,(U) nagsiuwian na ang mga tao. Si David ay umuwi na rin upang makapiling ang kanyang pamilya.

Ang Mensahe ni Natan kay David(V)

17 Nang si Haring David ay nakatira na sa kanyang palasyo, sinabi niya kay Propeta Natan, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Tipan ni Yahweh.”

Sinabi ni Natan, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti, sapagkat ang Diyos ay kasama mo.”

Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mong hindi siya ang magtatayo ng Templo para sa akin. Sapagkat mula nang ilabas ko ang Israel mula sa Egipto hanggang sa araw na ito ay hindi pa ako nanirahan sa isang templo. Ang tahanan ko'y toldang palipat-lipat. Gayunman, kahit saan ako magpunta kasama ang bayang Israel, wala isa man sa mga hukom na inilagay kong tagapanguna ang sinumbatan ko o pinaghanapan man lang kung bakit hindi ako ipinagpatayo ng templong yari sa sedar. Sabihin mo kay David na aking lingkod na ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: ‘Inalis kita sa pagpapastol ng mga tupa upang pamunuan ang aking bayang Israel. Sinamahan kita saan ka man pumaroon, at sa harapan mo'y pinuksa ko ang iyong mga kaaway. Ang pangalan mo'y mapapabilang sa mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng sariling lupain at hindi na sila pahihirapan ni gagambalain man ng masasamang tao, 10 gaya ng nangyari sa kanila nang unang maglagay ako ng mga hukom sa aking bayang Israel. Papasukuin kong lahat ang iyong mga kaaway at patatatagin ko ang iyong angkan. 11 Pagkamatay mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at patatatagin ko ang kanyang kaharian. 12 Siya ang magtatayo ng aking templo at magiging walang katapusan ang kanyang paghahari. 13 Ako'y(W) kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Hindi magbabago ang aking pag-ibig sa kanya, di tulad ng ginawa ko sa sinundan mo. 14 Siya ang pamamahalain ko sa aking bayan at kaharian habang panahon. Mananatili magpakailanman ang kanyang trono.’”

15 Sinabi ni Natan kay David ang lahat nang narinig at nakita niya sa pangitain.

Ang Panalangin ni David(X)

16 Dumulog si Haring David kay Yahweh sa Toldang Tipanan at sinabi, “ Panginoong Yahweh, ako at ang aking sambahayan ay di karapat-dapat sa mga kabutihang ginawa mo na sa amin. 17 Ang kabutihang ito'y patuloy mo pang dinaragdagan. At ngayon ay may pangako ka pa sa aking susunod na salinlahi. Panginoong Yahweh, itinuturing mo pa ako ngayon na isa sa mga dakilang tao. 18 Sa ganitong pagpaparangal mo sa akin, ano pa ang masasabi ko? Higit mo akong kilala bilang iyong lingkod! 19 Alang-alang sa akin na iyong lingkod, at ayon sa iyong kalooban, ipinahayag mo ang mga dakilang bagay na ito. 20 Wala kang katulad, O Yahweh. Wala kaming kilalang Diyos na tulad mo. 21 Mayroon bang bansa sa daigdig na maitutulad sa Israel? Tinubos mo siya sa pagkaalipin upang maging bayan mo. Nakilala ng marami ang iyong pangalan dahil sa ginawa mong mga kababalaghan. Pinalayas mo ang mga bansang dinatnan ng bayan mong ito na inilabas mo sa Egipto. 22 Yahweh, tinanggap mo ang bayang Israel upang maging iyo magpakailanman, at kinilala ka namang Diyos nila.

23 “Kaya pagtibayin mo ang iyong sinabi tungkol sa iyong lingkod, at patatagin magpakailanman ang kanyang angkan. 24 Kung magkagayon, kikilalanin ang iyong pangalan at dadakilain ng mga tao. At sasabihin nila, ‘Si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel.’ Patatatagin mo ang paghahari ng angkan ng iyong lingkod na si David. 25 Ikaw na rin ang naghayag sa akin ng iyong pangakong patatatagin ang aking sambahayan kaya malakas ang loob kong hilingin ito sa iyo. 26 Ikaw, Yahweh, ay Diyos, at ang mga dakilang pangakong ito'y ginawa mo para sa iyong lingkod. 27 Kaya basbasan mo nawa ang angkan ng iyong lingkod upang magpatuloy ito sa iyong harapan magpakailanman, sapagkat ang pinagpapala mo ay pinagpapala magpakailanman.”

Mga Tagumpay ni David sa Labanan(Y)

18 Pagkatapos nito, sinalakay ni David ang mga Filisteo at tinalo ang mga ito. Sinakop niya ang Gat at ang mga nayon nito.

Tinalo niya ang mga Moabita at sinakop ang mga ito. Mula noo'y ipinag-utos niyang magbayad ng buwis ang mga ito.

Tinalo rin niya si Haring Hadadezer ng Zoba sa labanan sa Hamat nang gusto nitong sakupin ang lupain sa may Ilog Eufrates. Nakasamsam si David ng sanlibong karwahe, nakabihag ng pitong libong mangangabayo at dalawampung libong kawal. Pumili siya ng mga kabayo para sa sandaang karwahe at kanyang nilumpo ang natira.

Nang sumaklolo kay Hadadezer ang mga taga-Siria buhat sa Damasco, nilipol ni David ang 22,000 sa kanila. Pagkatapos, nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Damasco na sakop ng Siria. Pinagbuwis niya ang mga mamamayan nito. Kahit saan, si David ay nagtatagumpay sa mga labanan sa tulong ni Yahweh. Ang mga pananggang yari sa ginto na nasamsam ni David sa mga alipin ni Hadadezer ay dinala niya sa Jerusalem. Napakaraming(Z) tanso ang nasamsam niya sa Tibha at Cun, mga lunsod ni Hadadezer. Ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng tansong ipunan ng tubig, mga haligi at mga sisidlang tanso para sa Templo.

Nang mabalitaan ni Haring Tou ng Hamat na nalupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Zoba, 10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram upang batiin si David. Si Hadadezer ay kaaway ni Tou. Nagpadala siya ng mga sisidlang ginto, 11 pilak at tanso at ang mga ito'y inihandog ni Haring David kay Yahweh. Inihandog din niya ang iba pang nasamsam niyang ginto at pilak mula sa ibang mga bansa: mula sa Edom, Moab, Ammon, Filistia, at Amalek.

12 Si(AA) Abisai na anak ni Zeruias ay nakapatay ng 18,000 Edomita sa Libis ng Asin. 13 Nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Edom sapagkat ang mga Edomita ay nasakop rin ni David. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya makarating.

14 Naghari si David sa buong Israel at ito'y pinamahalaan niya nang may katarungan at pagkakapantay-pantay. 15 Si Joab na anak ni Zeruias ang siyang pinuno ng hukbo, at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang tagapagtala. 16 Si Zadok na anak ni Ahitob at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Si Seraia naman ang kalihim. 17 Ang tagapangasiwa sa mga bantay sa hari ay si Benaias na anak ni Joiada. Ang mga anak naman ni David ay nasa matataas na katungkulan.

Nilupig ni David ang mga Ammonita at mga Taga-Aram(AB)

19 Hindi nagtagal at namatay si Nahas na hari ng mga Ammonita. Ang anak niyang si Hanun ang humalili sa kanya. Sinabi ni David, “Napakabuti sa akin ni Nahas. Kailangang kaibiganin ko rin ang kanyang anak.” Kaya nagpadala siya ng mga sugo upang ipahatid ang kanyang pakikiramay kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.

Pagdating ng mga sugo, sinabi kay Hanun ng mga prinsipe ng Ammon, “Naniniwala ka bang ipinadala ni David ang mga sugong ito upang parangalan ang iyong ama? Hindi kaya naparito ang mga iyan bilang mga espiya at upang malaman kung paano sasakupin ang ating bansa?”

Dahil dito'y ipinahuli ni Hanun ang mga sugo ni David, pinaahitan ng balbas at ginupit ang kanilang kasuotan at pinauwing nakahubo. Ngunit nahihiya silang umuwi. Nang malaman ni David ang nangyari, iniutos niyang salubungin ang mga ito at ipinagbilin na sa Jerico muna pansamantalang manatili hanggang hindi tumutubo ang kanilang balbas.

Alam ng mga Ammonita na ang ginawa nila'y ikagagalit ni David, kaya nagpadala si Hanun ng 35,000 kilong pilak sa Mesopotamia, Siria, Maaca at Soba upang umupa ng mga karwahe at mangangabayo sa mga lupaing iyon. Nakakuha sila ng 32,000 karwahe at nakasama pati ang hari ng Maaca at ang kanyang hukbo. Doon sila nagkampo sa tapat ng Medeba. Dumating din ang mga Ammonita mula sa kani-kanilang mga lunsod at humanda rin sa paglaban. Nang malaman ito ni David, pinalabas niya ang kanyang mga mandirigma sa pangunguna ni Joab. Lumabas ang mga Ammonita at humanay sa mga pasukan ng lunsod samantalang ang kanilang mga haring kakampi ay humanay naman sa kapatagang malapit doon.

10 Nang makita ni Joab na dalawang pangkat ang kaaway nila at nanganganib sila sa unahan at likuran, nagdalawang pangkat din sila. Pumili siya ng matatapang na mga Israelita at pinaharap sa mga taga-Siria. 11 Ang mga iba naman na pinangunahan ng kapatid niyang si Abisai ay pinaharap sa mga Ammonita. 12 Sinabi niya rito, “Kung matatalo kami ng mga taga-Siria, tulungan mo kami. Kung kayo naman ang matatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 13 Kaya lakasan ninyo ang inyong loob! Lalaban tayo nang buong tapang alang-alang sa ating mga kababayan at sa mga lunsod ng ating Diyos. Mangyari nawa ang kalooban ni Yahweh.”

14 Nang magsagupa ang pangkat ni Joab at ang mga taga-Siria, napatakbo nila ang mga ito. 15 Nang makita ng mga Ammonita ang nangyari, pati sila'y umurong papuntang lunsod. Hinabol naman sila ng pangkat ni Abisai. Pagkatapos, bumalik na si Joab sa Jerusalem. 16 Nang makita ng mga taga-Siria na wala silang kalaban-laban sa Israel, humingi sila ng tulong sa mga kasamahan nila sa ibayo ng Ilog Eufrates. Tumulong naman ang pangkat na pinamumunuan ni Sofac, pinuno ng hukbo ni Hadadezer. 17 Agad namang ibinalita ito kay David, at noon di'y inihanda niya ang buong hukbo ng Israel. Tumawid sila sa Jordan at humanda sa pakikipaglaban. 18 Sinalakay sila ng mga taga-Siria, ngunit napaurong na naman ito ng hukbo ng Israel. Nakapatay sila ng 7,000 nakakarwahe, at 40,000 kawal na lakad kasama ang kanilang pinuno na si Sofac. 19 Nang matalo ng Israel ang mga haring kakampi ni Hadadezer, sumuko ang mga ito, nakipagkasundo kay David at nagpasakop sa kanya. 20 Mula noon, ayaw nang tumulong ng mga taga-Siria sa mga Ammonita.

Pinarusahan ang mga Ammonita(AC)

20 Nang(AD) sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang ang mga hari'y nakikipagdigma, lumabas ang hukbo ng Israel na pinamumunuan ni Joab at sinalakay ang lupain ng mga Ammonita. Umabot sila sa Rabba. Kinubkob nila ito, at pagkatapos ay sinunog nila. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem. Kinuha ni David sa ulo ng diyus-diyosang si Molec ang koronang ginto nito na tumitimbang ng tatlumpu't limang kilo. Tinanggal niya mula rito ang nakapalamuting mamahaling bato at inilagay niya sa kanyang sariling korona. Marami siyang kinuha mula sa nasamsam sa lunsod. Binihag niya ang mga mamamayan. Binigyan niya ang mga ito ng mga lagari at iba't ibang matatalim at matutulis na kasangkapang bakal, at sila'y sapilitang pinagtrabaho. Ganoon din ang ginawa niya sa lahat ng mamamayan ng iba pang lunsod ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik na sa Jerusalem.

Pakikipaglaban sa mga Higanteng Filisteo(AE)

Pagkatapos nito ay nakipaglaban naman sila sa mga Filisteo sa Gezer. Sa labanang ito, napatay ni Sibecai na Husatita si Sipai, na nagmula sa lahi ng mga higante, at natalo ang mga Filisteo.

Sa(AF) isa pang pakikidigma laban sa mga Filisteo, si Lahmi na kapatid ni Goliat na taga-Gat ay napatay ni Elhanan na anak ni Jair. Ang hawakan ng kanyang sibat ay sinlaki ng hawakan na ginagamit sa habihan ng tela.

Sa isa pang labanan na naganap naman sa Gat, may isa pang higante roon na may dalawampu't apat na daliri, tig-aanim sa paa't kamay. Nang laitin nito ang Israel, pinatay ito ni Jonatan, ang pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea.

Ang mga higanteng ito'y buhat sa lahi ng mga higanteng taga-Gat, at napatay silang lahat ni David at ng mga tauhan niya.

Ang Sensus at ang Salot(AG)

21 Nais guluhin ni Satanas ang Israel kaya inudyukan nito si David na magsensus. Dahil dito, inutusan ng hari si Joab at ang mga pinuno ng hukbo na alamin ang bilang ng mga Israelita mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, at iulat sa kanya.

Ngunit sinabi ni Joab, “Halimbawang ang mga tao'y paramihin ni Yahweh nang makasandaang beses, hindi ba't sila'y mga lingkod mo pa rin, at ikaw ang kanilang marangal na hari? Bakit pa ninyo kailangang gawin ito, Kamahalan? Bakit pa ninyo bibigyan ng dahilan upang magkasala ang Israel?” Ngunit nanaig ang utos ng hari. Kaya't si Joab ay naglibot sa buong lupain at pagkatapos ay nagbalik sa Jerusalem. Iniulat niya kay David ang kabuuang bilang ng kalalakihang maaaring gawing kawal: sa Israel ay 1,100,000 at sa Juda naman ay 470,000. Ngunit hindi niya isinama sa sensus ang lipi nina Levi at Benjamin, sapagkat labag sa kanyang kalooban ang utos na ito ng hari.

Nagalit ang Diyos sa ginawang ito, kaya pinarusahan niya ang Israel. Sinabi ni David sa Diyos, “Napakalaking kasalanan ang nagawa ko, Yahweh! Patawarin mo sana ako sa aking kahangalan.”

Sinabi ni Yahweh kay Gad, ang propeta ni David, 10-11 “Pumunta ka kay David at sabihin mo sa kanya, ‘Sinabi ni Yahweh, pumili ka sa tatlong bagay na maaari kong gawin sa iyo.’”

Pumunta nga si Gad kay David at pinapili ito: 12 tatlong taóng taggutom, tatlong buwang pananalanta ng mga kaaway, o tatlong araw na pananalanta ng Diyos sa pamamagitan ng salot sa buong Israel na isasagawa ng anghel ni Yahweh. “Magpasya ka ngayon upang masabi ko ito kay Yahweh,” sabi ni Gad kay David.

13 “Napakahirap ng kalagayan ko,” sagot ni David. “Gusto kong si Yahweh ang magparusa sa akin sapagkat mahabagin siya. Ayaw kong tao ang magparusa sa akin.”

14 Nagpadala nga ng salot sa Israel si Yahweh, at pitumpung libo ang namatay sa kanila. 15 Sinugo ng Diyos ang isang anghel ni Yahweh upang wasakin ang Jerusalem, ngunit nang wawasakin na ito, ikinalungkot ni Yahweh ang nangyayari. Kaya't sinabi niya, “Tama na! Huwag mo nang ituloy iyan.” Ang anghel noon ay nakatayo sa tabi ng giikan ni Ornan na isang Jebuseo.

16 Tumingala si David at nakita niya ang anghel ni Yahweh sa pagitan ng langit at lupa. May hawak itong espada at nakaamba sa Jerusalem. Si David at ang matatandang pinuno ay nagsuot ng damit-panluksa, at nagpatirapa. 17 Tumawag siya sa Diyos, “Ako po ang nag-utos na alamin ang bilang ng mga tao. Walang kasalanan ang mga taong-bayan. Kaya ako at ang aking angkan na lamang ang inyong parusahan. Huwag ninyong idamay sa salot ang mga tao.”

18 Si Gad ay inutusan ng anghel ni Yahweh upang sabihin kay David na magpunta sa giikan ni Ornan na Jebuseo at magtayo roon ng altar para kay Yahweh. 19 Sumunod naman si David sa ipinapasabi ni Yahweh kay Gad. 20 Gumigiik noon si Ornan kasama ang apat niyang anak na lalaki. Nang makita nila ang anghel, nagtago ang mga anak niya. 21 Nakita ni Ornan na dumarating si David, kaya't sinalubong niya ito. Nagpatirapa siya bilang pagbibigay-galang. 22 Sinabi ni David, “Bibilhin ko ang lupang ito para pagtayuan ko ng altar ni Yahweh upang matigil na ang salot na namiminsala sa bayan.”

23 “Sa inyo na lang po ito at huwag na ninyong bayaran,” sagot ni Ornan. “Kayo na po ang bahala kung anong gusto ninyong gawin. Narito pa po ang mga toro para sa handog na susunugin at ang mga kahoy na ginagamit sa paggiik para gawing panggatong. Narito rin po ang trigo para sa handog na pagkaing butil. Lahat pong ito'y sa inyo na.”

24 Ngunit sinabi ni David kay Ornan, “Hindi! Ibibigay ko sa iyo ang eksaktong bayad. Hindi ako maghahandog kay Yahweh ng bagay na hindi akin at ng anumang walang halaga.” 25 Kaya't binili ni David kay Ornan ang lugar na iyon sa halagang animnaraang pirasong ginto. 26 Nagtayo siya roon ng altar para kay Yahweh at nagdala ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Nanalangin siya kay Yahweh at sumagot naman si Yahweh sa pamamagitan ng apoy buhat sa langit upang sunugin ang mga handog sa ibabaw ng altar.

27 Iniutos ni Yahweh sa anghel na isuksok na ang espada, at sumunod naman ito. 28 Noon natiyak ni David na pinakinggan siya ni Yahweh. Kaya't nag-alay si David ng mga handog sa giikang pag-aari noon ni Ornan na Jebuseo. 29 Noon, ang tabernakulo ni Yahweh na ginawa ni Moises sa ilang, at ang altar na sunugan ng mga handog ay nasa burol na lugar ng pagsamba sa Gibeon. 30 Ngunit hindi makapunta doon si David upang sumangguni sa Diyos sapagkat natatakot siya sa espada ng anghel ni Yahweh.

22 Sinabi ni David, “Dito itatayo ang Templo ng Panginoong Yahweh. Dito rin ilalagay ang altar ng mga susunuging handog para sa Israel.”

Mga Paghahanda para sa Pagtatayo ng Templo

Iniutos ni David na magtipon ang lahat ng mga dayuhan sa Israel, at inatasan niya ang ilan sa mga ito na maging tagatapyas ng mga batong gagamitin sa itatayong Templo ng Diyos. Naghanda siya ng maraming bakal para gawing pako at pang-ipit sa mga pintuan at nag-ipon din siya ng tanso na sa sobrang bigat ay hindi na matimbang. Napakaraming tabla at trosong sedar ang dinala ng mga taga-Sidon at taga-Tiro. Sinabi ni David, “Napakabata pa ng anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Dahil dito'y ihahanda ko ang lahat ng kailangan sa ipatatayo niyang Templo ni Yahweh. Kailangang ito'y walang kasingganda upang ito'y matanyag at hahangaan ng buong daigdig.” Naghanda nga si David ng napakaraming kagamitan bago pa siya namatay.

Ipinatawag niya ang anak niyang si Solomon, at sinabi, “Ipagtatayo mo ng bahay si Yahweh, ang Diyos ng Israel.” Sinabi(AH) niya rito, “Anak, matagal ko nang binalak na magtayo ng templo upang parangalan ang aking Diyos na si Yahweh ngunit sinabi niya sa akin na marami na akong napatay at napakaraming hinarap na labanan. Dahil sa bahid ng dugo sa aking mga kamay, hindi niya ako pinayagang magtayo ng templo para sa kanya. Ngunit ipinangako niyang pagkakalooban niya ako ng isang anak na lalaki. Mamumuhay ito nang payapa at hindi gagambalain ng kanyang mga kaaway habang siya'y nabubuhay. Tatawagin siyang Solomon[g] sapagkat bibigyan ko ang Israel ng kapayapaan at kapanatagan sa panahon ng kanyang paghahari.’ 10 Sinabi pa niya sa akin, ‘Siya ang magtatayo ng templo para sa akin. Magiging anak ko siya at ako'y magiging ama niya. Patatatagin ko ang paghahari ng kanyang angkan sa Israel magpakailanman!’”

11 Sinabi pa ni David, “Samahan ka nawa ng iyong Diyos na si Yahweh. Tuparin nawa niya ang kanyang pangako na pagtatagumpayin ka niya sa pagtatayo ng templo para sa kanya. 12 Bigyan ka nawa ng Diyos mong si Yahweh ng karunungan at pang-unawa upang pagharian mo ang Israel ayon sa kanyang Kautusan. 13 Magtatagumpay(AI) ka kung susundin mong mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ni Yahweh kay Moises para sa Israel. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matakot ni panghinaan man ng loob. 14 Sinikap kong magtipon ng lahat ng kailangan sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh. Nakaipon ako ng may 3,500,000 kilong ginto, at humigit-kumulang sa 35,000,000 kilong pilak. Ang tinipon kong tanso't bakal ay hindi na kayang timbangin dahil sa sobrang bigat. Nakahanda na rin ang mga kahoy at batong kailangan. Dagdagan mo pa ang mga ito. 15 Marami ka nang manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at lahat ng uri ng napakaraming manggagawa na eksperto sa 16 ginto, pilak, tanso at bakal. Simulan mo na ngayon ang gawain at tulungan ka nawa ni Yahweh!”

17 Inatasan ni David ang mga pinuno ng Israel na tulungan si Solomon. Sabi niya, 18 “Kayo ay patuloy na pinapatnubayan ni Yahweh. Hindi niya kayo iniiwanan kaya nagtatamasa kayo ng kapayapaan saanmang lugar. Niloob niyang malupig ko ang mga dating naninirahan sa lupaing ito. Sila ngayon ay alipin ninyo at ni Yahweh. 19 Kaya, paglingkuran ninyo si Yahweh nang buong puso't kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng santuwaryo niya upang madala na roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang lahat ng sagradong kagamitan para sa pagsamba sa kanya.”

Ang Gawain ng mga Levita

23 Nang(AJ) matandang matanda na si David, ginawa niyang hari ng Israel ang anak niyang si Solomon.

Tinipon ni David ang mga pinuno ng Israel, ang mga pari at ang mga Levita. Ang mga nabilang na Levita mula sa gulang na tatlumpung taon pataas ay 38,000. Ang mga inatasan sa pangangalaga at paglilingkod sa Templo ay 24,000. Ang ginawang mga opisyal at mga hukom ay 6,000, at 4,000 ang kinuhang mga bantay sa pintuan. Ang magpupuri kay Yahweh sa saliw ng mga instrumentong ginawa ni David ay 4,000 rin. Pinagtatlong pangkat ni David ang mga Levita ayon sa tatlong anak ni Levi na sina Gershon, Kohat at Merari.

Ang mga anak ni Gershon ay sina Ladan at Simei. Tatlo ang anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, si Zetam at si Joel. Tatlo rin ang anak ni Simei: sina Zelomit, Haziel at Haran. Sila ang mga pinuno ng mga angkan na nagbuhat kay Ladan. 10 Apat ang anak ni Simei na kapatid ni Ladan: sina Jahat, Zina, Jeus at Berias. 11 Si Jahat ang pinuno at si Zisa naman ang kanang kamay. Kakaunti ang mga anak na lalaki nina Jeus at Berias kaya't pinagsama na sila at ibinilang na iisang angkan.

12 Apat ang anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 13 Mga(AK) anak ni Amram sina Aaron at Moises. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay ibinukod upang mangalaga sa mga ganap na sagradong bagay habang panahon. Sila ang magsusunog ng mga handog sa harapan ni Yahweh, maglilingkod at magbabasbas sa pangalan ni Yahweh magpakailanman. 14 Ngunit ang mga anak ni Moises, ang lingkod ng Diyos, ay ibinilang na kasama ng mga Levita. 15 Ang mga anak ni Moises ay sina Gershon at Eliezer. 16 Sa mga anak ni Gershon, si Sebuel ang pinuno; 17 kay Eliezer naman ay si Rehabias na kaisa-isa niyang anak na lalaki. Si Rehabias naman ay maraming anak.

18 Sa mga anak ni Izar, na pangalawang anak ni Kohat, si Zelomit ang pinuno. 19 Ang apat na anak ni Hebron ay sina Jerias na pinuno, Amarias, Jahaziel at Jecamiam. 20 Sa mga anak naman ni Uziel, si Micas ang pinuno at si Isias ang pangalawa.

21 Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Musi. Mga anak ni Mahli sina Eleazar at Kis. 22 Namatay si Eleazar na walang anak na lalaki, kundi panay babae. Sila ay napangasawa ng kanilang mga pinsan na mula sa angkan ni Kish. 23 Tatlo naman ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder at Jeremot.

24 Ito ang bumubuo sa lipi ni Levi ayon sa angkan at sambahayan. Bawat isa, mula sa edad na dalawampu pataas ay katulong sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh.

25 Sinabi ni David, “Binigyan na ni Yahweh, na Diyos ng Israel, ng kapayapaan ang kanyang bayan, at maninirahan na siya sa Jerusalem magpakailanman. 26 Dahil(AL) dito'y hindi na bubuhatin ng mga Levita ang tabernakulo at ang mga kagamitan sa paglilingkod dito.” 27 Iyan ang dahilan kaya ipinapalista ang mga Levita mula sa gulang na dalawampu pataas. 28 Sila'y(AM) tutulong na lamang sa mga paring mula sa angkan ni Aaron sa paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. Sila ang mangangalaga sa mga bulwagan, mga silid, mga sagradong kasangkapan, at iba pang mga gawain sa Templo ng Diyos. 29 Sila rin ang tutulong sa paghahanda ng tinapay na panghandog, ng harinang panghalo sa mga panghandog, ng manipis na tinapay na walang pampaalsa, mga nilutong handog, at ng harinang hinaluan ng langis. Tutulong din sila sa pagtakal at pagsukat ng mga handog. 30 Umaga't hapon, haharap sila kay Yahweh upang magpuri at magpasalamat, 31 at kung may handog na susunugin, sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang kapistahan ayon sa bilang at patakarang ipinag-uutos, sa harapan ni Yahweh, sa lahat ng panahon. 32 Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan at sa dakong banal, at tutulungan nila ang mga paring kamag-anak nila sa lahat ng paglilingkod sa Templo ni Yahweh.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.