Bible in 90 Days
12 “Ito ang kahulugan ng panaginip mo,” sabi ni Jose. “Ang tatlong sanga ay tatlong araw. 13 Sa loob ng tatlong araw, ipapatawag ka ng Faraon at patatawarin. Ibabalik ka sa dati mong tungkulin. 14 Kaya, kapag naroon ka na, huwag mo naman akong kakalimutan. Banggitin mo naman ako sa Faraon at tulungan mo akong makalaya sa bilangguang ito. 15 Ang totoo'y kinuha lamang ako sa lupain ng mga Hebreo, at wala akong nalalamang dahilan upang mabilanggo rito.”
16 Pagkakita ng punong panadero na maganda ang kahulugan ng panaginip ng kanyang kasama, sinabi nito kay Jose, “Ako'y nanaginip din. May buhat daw akong tatlong basket sa aking ulo. 17 Sa basket na nasa ibabaw ay nakalagay ang iba't ibang pagkaing hinurno para sa Faraon, ngunit ang pagkaing iyo'y tinutuka ng mga ibon.”
18 Sinabi ni Jose, “Ito ang kahulugan ng panaginip mo: 19 sa loob ng tatlong araw ay ipapatawag ka rin ng Faraon at pupugutan ka. Pagkatapos, ibibitin sa kahoy ang iyong bangkay at hahayaang tukain ng mga ibon.”
20 Ang ikatlong araw ay kaarawan ng Faraon, at naghanda siya ng isang salu-salo para sa kanyang mga kagawad. Iniharap niya sa kanyang mga panauhin ang tagapangasiwa ng mga inumin at ang punong panadero. 21 Ibinalik niya sa tungkulin ang tagapangasiwa ng mga inumin, 22 ngunit ipinabitay ang punong panadero. Natupad nga ang sinabi ni Jose sa dalawa, 23 ngunit siya'y nakalimutan ng tagapangasiwa ng mga inumin.
Ipinaliwanag ni Jose ang mga Panaginip ng Faraon
41 Pagkaraan ng dalawang taon, ang Faraon naman ang nanaginip. Napanaginipan niyang siya'y nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. 2 Walang anu-ano'y may pitong magaganda't matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain ng damo. 3-4 Umahon din mula sa ilog na iyon ang pitong pangit at payat na baka. Lumapit ang mga ito at kinain ang pitong matatabang baka. At nagising ang Faraon. 5 Nakatulog siyang muli at nanaginip na naman. May pitong uhay na tumubo sa isang puno ng trigo. Malalaki at matataba ang mga butil nito. 6 Pagkatapos, may sumibol na pitong uhay. Ang mga ito ay payat at tuyot ang mga butil dahil sa hampas ng hanging silangan. 7 Kinain ng mga payat ang matatabang uhay, at muling nagising ang Faraon. Noon niya nalamang siya pala'y nananaginip. 8 Pagsapit(A) ng umaga, nabagabag siya, kaya't ipinatawag niyang lahat ang mga salamangkero at mga matatalinong tao sa buong Egipto. Isinalaysay niya ang kanyang mga panaginip, ngunit isa ma'y walang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga ito.
9 Lumapit sa Faraon ang tagapangasiwa ng mga inumin at sinabi sa kanya, “Ako po'y may malaking pagkukulang na nagawa. 10 Nang magalit po kayo sa amin ng punong panadero at ipabilanggo ninyo kami sa tahanan ng kapitan ng mga tanod, 11 kami po'y parehong nanaginip. 12 Isa pong binatang Hebreo na alipin ng kapitan ng mga tanod ang kasama namin doon. Siya po ang nagpaliwanag ng aming panaginip. 13 Sinabi po niyang ako'y mababalik sa tungkulin at ang punong panadero'y bibitayin; nangyari pong lahat ang kanyang sinabi.”
14 Ipinatawag agad ng Faraon si Jose. Nang mailabas na sa bilangguan, siya'y nag-ahit, nagbihis at kaagad humarap sa hari. 15 Sinabi ng Faraon sa kanya, “Ako'y nanaginip ngunit walang makapagsabi sa akin ng kahulugan niyon. Nabalitaan kong mahusay kang magpaliwanag ng mga panaginip.”
16 “Hindi po ako ang makapagpapaliwanag, kamahalan,” sabi ni Jose. “Ang Diyos po ang siyang magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan.”
17 Sinabi ng Faraon, “Ako raw ay nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. 18 May pitong magaganda at matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain. 19 Walang anu-ano'y pitong mga payat na baka, pinakapangit na sa nakita ko sa buong Egipto, ang umahon din sa ilog. 20 Kinain ng mga payat ang matatabang baka, 21 ngunit parang walang anumang nangyari. Matapos kainin ang matataba, iyon pa rin ang ayos ng mga payat, napakapangit pa rin, at ako'y nagising. 22 Muli akong nakatulog at nanaginip na naman. May nakita akong pitong uhay sa isang puno ng trigo na hitik na hitik ng hinog na butil. 23 Sa puno ring ito, may sumibol na pitong uhay, ngunit lanta, napakapayat ng mga butil, at tinuyo ng hanging silangan. 24 Kinain ng mga payat na uhay ang matataba. Isinalaysay ko na ito sa mga salamangkero, ngunit walang makapagpaliwanag sa akin.”
25 “Iisa po ang kahulugan ng dalawa ninyong panaginip,” sabi ni Jose. “Ipinapaalam sa inyo ng Diyos kung ano ang kanyang gagawin. 26 Ang pitong matatabang baka po ay pitong taon; iyon din po ang kahulugan ng pitong uhay na matataba ang butil. 27 Ang sinasabi ninyong pitong payat na baka at ang pitong uhay na payat ang mga butil ay pitong taon ng taggutom. 28 Gaya ng sinabi ko sa inyo, iyan po ang gagawin ng Diyos. 29 Magkakaroon ng pitong taóng kasaganaan sa buong Egipto. 30 Ang kasunod naman nito'y pitong taon ng taggutom at dahil sa kapinsalaang idudulot nito, malilimutan na sa Egipto ang nagdaang panahon ng kasaganaan. 31 Mangyayari ito dahil sa katakut-takot na hirap na daranasin sa panahon ng taggutom. 32 Dalawang ulit po ang inyong panaginip, mahal na Faraon, upang ipaalam sa inyo na itinakda na ng Diyos ang bagay na ito, at malapit na niya itong isagawa.
33 “Ang mabuti po'y pumili kayo ng taong matalino at may kakayahan upang siyang mamahala sa Egipto. 34 Maglagay kayo sa buong bansa ng mga tagalikom ng ikalimang bahagi ng lahat ng aanihin sa loob ng pitong taóng kasaganaan. 35 Lahat ng inaning butil sa panahong iyon ay dapat ipunin, ikamalig sa mga lunsod at pabantayang mabuti. Bigyan ninyo ng kapangyarihan ang mga tagalikom upang maisagawa ang lahat ng ito. 36 Ang maiipong pagkain ay ilalaan para sa pitong taon ng taggutom na tiyak na darating sa Egipto. Sa gayon, hindi mamamatay sa gutom ang mga mamamayan sa buong bansa.”
Ginawang Tagapamahala sa Egipto si Jose
37 Nagustuhan ng Faraon at ng kanyang mga kagawad ang panukala ni Jose. 38 Sinabi nila, “Bakit pa tayo hahanap ng iba, samantalang nasa kanya ang Espiritu[a] ng Diyos?” 39 Kaya't sinabi ng Faraon kay Jose, “Ang Diyos ang nagpakita sa iyo ng lahat ng ito, kaya't wala nang hihigit pa sa iyo sa karunungan at pang-unawa. 40 Ikaw(B) ang pamamahalain ko sa buong bansa, at susundin ka ng lahat. Ang aking trono lamang ang hindi mapapasaiyo. 41 At ngayon, inilalagay kitang gobernador ng buong Egipto!” 42 Inalis(C) ni Faraon sa kanyang daliri ang singsing na pantatak at isinuot iyon kay Jose; binihisan niya ito ng damit na lino at sinabitan ng gintong kuwintas sa leeg. 43 Ipinagamit kay Jose ang pangalawang sasakyan ng hari, at binigyan siya ng tanod pandangal na nauuna sa kanya at sumisigaw, “Lumuhod kayo!” Sa gayon, ipinailalim sa kanya ang pamamahala sa buong Egipto. 44 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako ang Faraon at ikaw ang aking pangalawa, ngunit kung wala kang pahintulot, walang sinuman sa Egipto na makakagawa ng anuman.” 45 Binigyan niya si Jose ng bagong pangalan: Zafenat-panea. At ipinakasal sa kanya si Asenat na anak ni Potifera, ang pari sa Heliopolis.[b] Bilang gobernador, pinamahalaan ni Jose ang buong lupain ng Egipto.
46 Tatlumpung taon si Jose nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Pagkaalis niya sa harapan ng hari, nilibot niya ang buong Egipto. 47 Pitong taóng nag-ani nang sagana sa buong lupain. 48 Inipon ni Jose ang lahat ng pagkain sa Egipto at ikinamalig sa mga lunsod. Sa loob ng pitong taon ng kasaganaan, inipon niya sa bawat lunsod ang mga pagkaing inani sa palibot nito. 49 Ang naipon niyang trigo ay sindami ng buhangin sa dagat, kaya't hindi na niya tinatakal dahil sa dami.
50 Bago dumating ang taggutom, nagkaanak si Jose ng dalawang lalaki kay Asenat. 51 Tinawag niyang Manases[c] ang panganay, sapagkat sinabi niya, “Niloob ng Diyos na malimot ko ang aking naging hirap sa bahay ng aking ama.” 52 Efraim[d] naman ang ipinangalan sa pangalawa, sapagkat ang sabi niya, “Pinagkalooban ako ng Diyos ng mga anak sa lupain ng aking paghihirap.”
53 Natapos ang pitong taon ng kasaganaan sa Egipto. 54 At(D) sumunod ang pitong taóng taggutom, tulad ng sinabi ni Jose. Ngunit sa buong Egipto'y may pagkain, samantalang taggutom sa ibang bansa. 55 Nang(E) wala nang makain ang mamamayan, sila'y dumaing sa Faraon. Sinabi niya sa mga taga-Egipto, “Magpunta kayo kay Jose, at sundin ninyo ang kanyang sasabihin.” 56 Lumaganap ang taggutom sa buong bansa. Binuksan ni Jose ang lahat ng mga kamalig, at pinagbilhan ng trigo ang mga taga-Egipto. Palubha nang palubha ang taggutom sa buong Egipto. 57 Lumaganap din ito sa ibang mga bansa, kaya't ang mga mamamayan nila'y pumunta sa Egipto upang bumili ng pagkain kay Jose.
Nagpunta sa Egipto ang mga Kapatid ni Jose
42 Nang mabalitaan ni Jacob na maraming pagkain sa Egipto, sinabi niya sa kanyang mga anak na lalaki, “Ano pang hinihintay ninyo? 2 Pumunta(F) kayo sa Egipto at bumili agad ng pagkain upang hindi tayo mamatay sa gutom. Balita ko'y maraming pagkain doon.” 3 Pumunta nga sa Egipto ang sampung kapatid ni Jose upang bumili ng pagkain. 4 Si Benjamin, ang tunay na kapatid ni Jose, ay hindi na pinasama ni Jacob sa takot na may masamang mangyari sa kanya.
5 Kasama ng ibang taga-Canaan, lumakad ang mga anak ni Jacob upang bumili ng pagkain sapagkat laganap na ang taggutom sa buong Canaan. 6 Bilang gobernador ng Egipto, si Jose ang nagbebenta ng pagkain sa mga tao, kaya't sa kanya pumunta ang kanyang mga kapatid. Paglapit ng mga ito, sila'y yumukod sa kanyang harapan. 7 Nakilala agad ni Jose ang mga kapatid niya, ngunit hindi siya nagpahalata. “Tagasaan kayo?” mabagsik niyang tanong.
“Taga-Canaan po. Naparito po kami upang bumili ng pagkain,” tugon nila.
8 Nakilala nga ni Jose ang kanyang mga kapatid ngunit hindi siya namukhaan ng mga ito. 9 Naalala(G) niya ang kanyang mga panaginip tungkol sa kanila, kaya't sinabi niya, “Kayo'y mga espiya, at naparito kayo upang makita ang kahinaan ng aming bansa, hindi ba?”
10 “Hindi po! Kami pong mga lingkod ninyo'y bumibili lamang ng pagkain. 11 Magkakapatid po kami, at kami'y mga taong tapat. Hindi po kami mga espiya.”
12 “Hindi ako naniniwala,” sabi ni Jose. “Naparito kayo upang alamin ang kahinaan ng aming bansa!”
13 Kaya't nagmakaawa sila, “Ginoo, kami po'y labindalawang magkakapatid; nasa Canaan po ang aming ama. Pinaiwan po ang bunso naming kapatid; ang isa po nama'y patay na.”
14 Sinabi ni Jose, “Tulad ng sinabi ko, kayo'y mga espiya! 15 At isinusumpa ko sa ngalan ng Faraon, hindi kayo makakaalis hanggang hindi ninyo dinadala rito ang inyong bunsong kapatid. 16 Umuwi ang isa sa inyo at kunin siya; ang iba'y ikukulong dito hanggang hindi ninyo napatutunayan ang inyong sinasabi. Kung hindi, mga espiya nga kayo!” 17 Tatlong araw niyang ikinulong ang kanyang mga kapatid.
18 Pagsapit ng ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Ako'y may takot sa Diyos; bibigyan ko kayo ng pagkakataong mabuhay kung gagawin ninyo ito: 19 Kung talagang nagsasabi kayo ng totoo, isa lamang sa inyo ang ibibilanggo; ang iba'y makakaalis na at maaari nang iuwi ang pagkaing binili ninyo para sa inyong mga pamilya. 20 Ngunit pagbalik ninyo'y kailangang isama ninyo ang bunso ninyong kapatid. Dito ko malalaman na kayo'y nagsasabi ng totoo, at hindi kayo mamamatay.” Sumang-ayon ang lahat.
21 Pagkatapos, ang sabi nila sa isa't isa, “Nagbabayad na tayo ngayon sa ginawa natin sa ating kapatid. Nakikita natin ang paghihirap ng kanyang kalooban noon ngunit hindi natin pinansin ang kanyang pagmamakaawa. Kaya tayo naman ngayon ang nasa kagipitan.”
22 “Iyan(H) na nga ba ang sinasabi ko,” sabi ni Ruben. “Nakiusap ako sa inyong huwag saktan ang bata, ngunit hindi kayo nakinig; ngayon, pinagbabayad tayo sa kanyang kamatayan.” 23 Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang kanilang usapan, sapagkat gumagamit pa ito ng tagasalin sa wika kapag humaharap sa kanila. 24 Iniwan muna sila ni Jose dahil sa hindi na niya mapigil ang pag-iyak. Nang panatag na ang kanyang kalooban, bumalik siya at ibinukod si Simeon. Ipinagapos niya ito sa harapan nila.
Nagbalik ang mga Kapatid ni Jose sa Canaan
25 Iniutos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sako at ilagay doon ang salaping ibinayad nila. Pinabigyan pa sila ng makakain sa kanilang paglalakbay. Nasunod lahat ang utos ni Jose. 26 Ikinarga ng magkakapatid sa mga asno ang kanilang biniling pagkain, at sila'y umalis. 27 Pagsapit ng gabi, tumigil sila upang magpahinga. Binuksan ng isa ang kanyang sako upang pakainin ang asno niya at nakita ang salapi sa loob ng sako. 28 Napasigaw ito, “Ibinalik sa akin ang aking salapi! Heto sa aking sako!”
Nanginig sila sa takot at nagtanong sa isa't isa, “Ano ang ginawang ito sa atin ng Diyos?”
29 Pagdating nila sa Canaan, isinalaysay nila kay Jacob ang nangyari sa kanila. Sinabi nila, 30 “Ama, napakabagsik pong magsalita ng gobernador sa Egipto. Akalain ba naman ninyong pagbintangan pa kaming mga espiya! 31 Sinabi po naming mga tapat na tao kami at hindi mga espiya. 32 Ipinagtapat pa naming kami'y labindalawang magkakapatid na lalaki at iisa ang aming ama. Sinabi po namin na patay na ang isa naming kapatid, at ang bunso nama'y kasama ninyo rito sa Canaan. 33 Pagkatapos po naming sabihin ito, akalain ninyong susubukan daw niya kung kami'y nagsasabi ng totoo! Pinaiwan po si Simeon, at pinauwi na kaming dala ang pagkaing aming binili. 34 Ngunit mahigpit po ang bilin niya na bumalik kaming kasama ang aming bunsong kapatid bilang katunayang kami'y nagsasabi ng totoo. Kung magagawa namin ito, nangako po siyang palalayain si Simeon at pahihintulutan kaming manirahan at magnegosyo sa kanyang bansa.”
35 Nang isalin nila ang kani-kanilang sako, nakita nila ang salaping kanilang ibinayad. Kaya't pati si Jacob ay natakot. 36 Sinabi niya, “Iiwan ba ninyo akong mag-isa? Wala na si Jose, wala rin si Simeon, ngayo'y gusto pa ninyong isama si Benjamin? Napakabigat namang pasanin ito para sa akin!”
37 Sinabi ni Ruben, “Ama, kung hindi ko maibalik sa inyo si Benjamin, patayin na ninyo ang dalawa kong anak. Ipaubaya ninyo sa akin si Benjamin at ibabalik ko siya.”
38 Ngunit sinabi ni Jacob, “Hindi ko papayagang sumama sa inyo ang aking anak, patay na ang kanyang kapatid at siya na lamang ang nasa akin. Sa tanda ko nang ito, kung siya'y masasawi sa daan, hindi ko na ito makakayanan; mamamatay akong nagdadalamhati.”
Nagbalik kay Jose ang Magkakapatid
43 Lalong tumindi ang taggutom sa Canaan. 2 Nang maubos na ng pamilya ni Jacob ang pagkaing binili sa Egipto, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Bumili uli kayo kahit kaunting pagkain sa Egipto.”
3 Sinabi ni Juda sa kanya, “Mahigpit po ang bilin sa amin ng gobernador doon na huwag na kaming magpapakita sa kanya kung hindi namin kasama ang kapatid naming bunso. 4 Kung pasasamahin ninyo siya, bibili po kami ng pagkain doon. 5 Kung hindi ninyo pahihintulutan, hindi po kami maaaring humarap sa gobernador.”
6 Sinabi ni Israel, “Bakit kasi sinabi ninyong mayroon pa kayong ibang kapatid? Ako ang pinahihirapan ninyo sa nangyayaring ito.”
7 Nagpaliwanag sila, “Inusisa pong mabuti ang ating pamilya. Itinanong sa amin kung mayroon pa kaming ama at iba pang kapatid. Sinagot po lamang namin ang kanyang mga tanong. Hindi po namin alam na pati si Benjamin ay pipiliting iharap namin sa kanya.”
8 Kaya sinabi ni Juda kay Israel, “Ama, mamamatay tayo sa gutom. Pasamahin na ninyo si Benjamin at nang makaalis na kami. 9 Itinataya ko ang aking buhay para sa kanya. Ako po ang bahala sa kanya. Kung hindi ko siya maibalik nang buháy, ako ang buntunan ninyo ng lahat ng sisi. 10 Kung hindi ninyo kami pinaghintay nang matagal, marahil ay nakadalawang balik na kami ngayon.”
11 Sinabi ni Israel, “Kung iyon ang mabuti, sige, payag na ako. Ngunit magdala kayo ng handog sa gobernador, kaunting balsamo, pulot-pukyutan, astragalo, laudano, alponsigo at almendra. 12 Doblehin ninyo ang dalang salapi, sapagkat kailangan ninyong ibalik ang salaping nailagay sa inyong mga sako. Maaaring isang pagkakamali lamang iyon. 13 Isama na ninyo ang inyong kapatid at lumakad na kayo. 14 Loobin nawa ng Makapangyarihang Diyos na kahabagan kayo ng taong iyon upang mabalik sa akin si Simeon at si Benjamin. Kung hindi man sila maibalik, handa na ang loob ko.”
15 Nagdala nga sila ng mga kaloob at salaping dapat dalhin, at nagbalik sa Egipto, kasama si Benjamin. 16 Nang makita ni Jose si Benjamin, iniutos niya sa aliping namamahala sa kanyang tahanan, “Isama mo sila sa bahay. Sila'y kasalo ko mamayang pananghalian. Magkatay ka ng hayop at iluto mo.” 17 Sinunod ng alipin ang utos ni Jose at isinama ang magkakapatid.
18 Natakot sila nang sila'y dalhin sa bahay ni Jose. Sa loob-loob nila, “Marahil, dinala tayo rito dahil sa salaping ibinalik sa ating mga sako nang una tayong pumarito. Maaaring bigla na lamang tayong dakpin, kunin ang ating mga asno, at tayo'y gawing mga alipin.”
19 Kaya't nilapitan nila ang katiwala ni Jose at kinausap sa may pintuan ng bahay nito. 20 Sinabi nila, “Ginoo, galing na po kami ritong minsan at bumili ng pagkain. 21 Nang kami'y nagpapahinga sa daan, binuksan namin ang aming mga sako at nakita sa loob ang lahat ng salaping ibinayad namin sa pagkain. Heto po't dala namin para ibalik sa inyo. 22 May dala po kaming bukod na pambili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng mga salaping iyon sa mga sako namin.”
23 “Huwag kayong mag-alaala,” sabi ng alipin. “Huwag kayong matakot. Ang inyong Diyos na siya ring Diyos ng inyong ama ang naglagay ng salaping iyon. Tinanggap ko na ang inyong kabayaran sa binili ninyong una.” Pagkatapos ay inilabas ng katiwala si Simeon at isinama sa kanila.
24 Sila'y pinapasok ng katiwala sa bahay ni Jose, pinaghugas ng mga paa, at pinakain ang kanilang mga asno. 25 Pagkatapos, inilabas ng magkakapatid ang kanilang handog para ipagkaloob kay Jose pagdating nito. Narinig nilang doon sila magsasalu-salo. 26 Pagdating ni Jose, yumukod silang lahat sa kanyang harapan at ibinigay ang dala nilang handog. 27 Kinumusta sila ni Jose at pagkatapos ay tinanong, “Kumusta naman ang inyong ama? Malakas pa ba siya?”
28 “Ginoo, buháy pa po siya at malakas,” tugon nila. At sila'y lumuhod at yumukod muli sa harapan niya.
29 Pagkakita ni Jose kay Benjamin, siya ay nagtanong, “Ito ba ang sinasabi ninyong bunsong kapatid? Pagpalain ka ng Diyos, anak!” 30 Hindi mapaglabanan ni Jose ang kanyang damdamin, at halos siya'y mapaiyak dahil sa pagkakita sa kanyang kapatid. Kaya't siya'y pumasok sa kanyang silid at doon umiyak. 31 Nang mapayapa na niya ang kanyang kalooban, naghilamos siya, lumabas, at nagpahain ng pagkain. 32 Si Jose ay ipinaghaing mag-isa sa isang mesa, at ang kanyang mga kapatid ay sa ibang mesa. Magkakasalo naman ang mga Egipcio, sapagkat ikinahihiya nilang makasalo ang mga Hebreo. 33 Kaharap ni Jose ang kanyang mga kapatid na sunud-sunod ang pagkaupo ayon sa gulang. Nagkatinginan sila at takang-taka sa gayong pagkakaayos ng kanilang upô. 34 Idinudulot mula sa mesa ni Jose ang pagkain nila, at limang beses ang dami ng pagkaing idinulot kay Benjamin. Masaya silang kumain at nag-inuman.
Ang Nawawalang Kopa
44 Inutusan ni Jose ang kanyang katiwala, “Punuin mo ng trigo ang kanilang mga sako at bago mo isara ay ilagay mo ang salaping ibinayad nila. 2 At sa sako ng pinakabunso, ilagay mo pa ang aking kopang pilak.” Ginawa naman ng katiwala ang iniutos sa kanya. 3 Kinabukasan, maaga pa'y umalis na ang magkakapatid, sakay ng kanilang mga asno. 4 Hindi pa sila nakakalayo sa lunsod, inutusan ni Jose ang kanyang katiwala, “Habulin mo ang mga taong iyon, at sabihin mo sa kanila, ‘Bakit naman ginantihan ninyo ng masama ang kabutihang ipinakita namin sa inyo? 5 Bakit ninyo ninakaw ang kopang pilak ng aking panginoon? Iyon ang iniinuman ng aking panginoon, at ginagamit din niya iyon sa panghuhula. Napakalaking kasalanan ang ginawa ninyong ito!’”
6 Inabutan sila ng katiwala, at gayon nga ang sinabi sa kanila. 7 Sumagot naman sila, “Ano pong ibig ninyong sabihin? Bakit kayo nagsalita ng ganyan? Ni sa isip ay hindi namin magagawa iyan! 8 Nakita naman ninyo, nakarating na kami sa Canaan, gayunma'y ibinalik pa rin namin sa inyo ang salaping nakita namin sa loob ng aming sako. Bakit kami magnanakaw ng pilak o ginto sa tahanan ng inyong panginoon? 9 Ginoo, kung makita po ninyo sa sinuman sa amin ang kopang sinasabi ninyo ay dapat mamatay, at alipinin ninyo kaming lahat.”
10 “Mabuti,” tugon ng katiwala. “Kung kanino makita ang kopa, siya ang gagawing alipin; makakalaya na ang iba.” 11 Ibinabâ nila ang kanilang mga sako at pinagbubuksan. 12 Isa-isa itong hinalughog ng katiwala mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata, at natagpuan ang kopa sa sako ni Benjamin. 13 Pinunit nila ang kanilang damit sa tindi ng kalungkutan, ikinargang muli sa asno ang kanilang mga sako, at bumalik sa lunsod.
14 Nasa bahay pa si Jose nang magbalik si Juda at ang kanyang mga kapatid. Pagdating doon, sila'y yumukod sa kanyang harapan. 15 Sinabi ni Jose, “Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo alam na marunong akong manghula? Wala kayong maitatago sa akin!”
16 “Wala na po kaming masasabi,” sagot ni Juda. “Wala po kaming maikakatuwiran sa mga pangyayari. Diyos na po ang nagbunyag ng aming pagkakasala. Kaya, hindi lamang ang kinakitaan ng kopa, kundi lahat kami'y alipin na ninyo ngayon.”
17 Sinabi ni Jose, “Hindi! Hindi ko gagawin iyon. Kung kanino nakita ang kopa, siya ang gagawin kong alipin; ang iba ay makakauwi na sa inyong ama.”
Nagmakaawa si Juda
18 Lumapit si Juda kay Jose at ang sabi, “Nakikiusap po ako, ginoo, kung inyong mamarapatin. Huwag sana ninyong ikagagalit. Ang turing ko sa inyo'y para na kayong Faraon. 19 Ginoo, tinanong ninyo kung mayroon pa kaming ama at kapatid. 20 Ang sabi po nami'y may ama kaming matanda na at bunsong kapatid na anak niya sa katandaan. Patay na ang kapatid nito at siya na lamang ang buháy na anak ng kanyang ina, kaya mahal na mahal siya ng aming ama. 21 Iniutos ninyong dalhin namin siya rito upang inyong makita. 22 Ipinaliwanag po naming mahirap ilayo sa aming ama ang bata sapagkat maaaring ikamatay niya ito. 23 Ngunit ang sabi naman ninyo'y hindi na ninyo kami tatanggapin dito kung hindi namin siya maihaharap sa inyo.
24 “Ang lahat ng ito'y sinabi namin sa aming ama nang umuwi kami. 25 Muli kaming inutusan ng aming ama na pumarito upang bumili ng kaunting pagkain. 26 Ipinaalala namin sa kanya na hindi ninyo kami tatanggapin kung hindi kasama ang bunso naming kapatid. 27 Sinabi po niya sa amin, ‘Alam naman ninyong dalawa lamang ang anak ng kanilang ina. 28 Wala na ang isa; maaaring siya'y niluray ng mabangis na hayop. 29 At kung ang natitira ay isasama pa ninyo, maaaring mamatay ako sa dalamhati.’
30 “Ang buhay po ng aming ama ay karugtong na ng buhay ng bata, kaya kung babalik kami na hindi ito kasama, 31 tiyak na siya'y mamamatay. Kapag nakita niyang hindi namin kasama ang bata, malalagutan siya ng hininga dahil sa kalungkutan. 32 Ang isa pa'y itinaya ko ang aking buhay para sa bata. Sinabi ko po na kung siya'y hindi ko maibabalik, ako ang buntunan niya ng sisi. 33 Kaya kung papayag kayo, ako na ang alipinin ninyo sa halip na itong aking bunsong kapatid. Pahintulutan na ninyong isama siya ng iba kong mga kapatid. 34 Hindi po ako makakauwi kung hindi kasama si Benjamin. Hindi ko po makakayanan ang matinding dagok na darating sa aming ama, kung iyon ang mangyayari.”
Nagpakilala na si Jose
45 Hindi(I) na mapigil ni Jose ang kanyang damdamin, kaya pinaalis niya ang kanyang mga tagapaglingkod na naroon. Nang sila na lamang ang naroon, ipinagtapat ni Jose sa kanyang mga kapatid kung sino siya. 2 Sa lakas ng kanyang iyak, narinig siya ng mga Egipcio, kaya't ang balita'y mabilis na nakarating sa palasyo. 3 “Ako si Jose!” ang pagtatapat niya sa kanyang mga kapatid. “Buháy pa bang talaga ang ating ama?” Nagulantang sila sa kanilang narinig at hindi nakasagot. 4 “Lumapit kayo,” sabi ni Jose. Lumapit nga sila, at nagpatuloy siya ng pagsasalita, “Ako nga si Jose, ang inyong kapatid na ipinagbili ninyo sa Egipto. 5 Ngunit huwag na ninyong ikalungkot ang nangyari. Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili sa ginawa ninyo sa akin. Ang Diyos ang nagpadala sa akin dito upang iligtas ang maraming buhay. 6 Dalawang taon pa lamang ang taggutom, limang taon pa ang darating at walang aanihin sa mga bukirin. 7 Pinauna ako rito ng Diyos upang huwag malipol ang ating lahi. 8 Kaya, hindi kayo kundi ang Diyos ang nagpadala sa akin dito. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapangasiwa ng kanyang sambahayan at tagapamahala ng buong Egipto.”
9 Sinabi(J) pa ni Jose, “Bumalik kayo agad sa ating ama at ibalita ninyo na ako ang pinapamahala ng Diyos sa buong Egipto. Sabihin ninyong pumarito agad siya sa lalong madaling panahon. 10 Doon siya titira sa lupain ng Goshen para mapalapit sa akin. Ang lahat niyang mga anak, mga apo, mga tupa, kambing, baka at lahat ng inyong ari-arian ay kanyang dalhin. 11 Doo'y mapangangalagaan ko kayo. Limang taon pa ang taggutom, at hindi ko gustong makita ang sinuman sa inyo na naghihirap. 12 Kitang-kita ninyo ngayon, pati ikaw, Benjamin, na ako talaga si Jose. 13 Ibalita ninyo sa ating ama ang taglay kong kapangyarihan dito sa Egipto, at ikuwento ninyo ang lahat ng inyong nakita. Hihintayin ko siya sa lalong madaling panahon.”
14 Umiiyak niyang niyakap si Benjamin, at ito nama'y umiiyak ding yumakap kay Jose. 15 Patuloy siyang umiiyak habang isa-isang hinahagkan ang ibang kapatid.
16 Nakarating sa palasyo ang balita na ang mga kapatid ni Jose ay dumating. Ikinatuwa ito ng Faraon at ng kanyang mga kagawad. 17 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Pakargahan mo ng pagkain ang mga hayop ng iyong mga kapatid, at pabalikin mo sila sa Canaan. 18 Sabihin mong dalhin dito ang inyong ama at ang buong sambahayan nila. Ibibigay ko sa kanila ang pinakamatabang lupain upang malasap nila ang masaganang pamumuhay rito. 19 Sabihin mo ring magdala sila ng mga karwahe para magamit ng kani-kanilang asawa at mga anak paglipat sa Egipto. 20 Huwag na nilang panghinayangang iwanan ang kanilang ari-arian doon, sapagkat ang pinakamabuting lupain dito ang ibibigay ko sa kanila.”
21 Sinunod ng mga anak ni Israel ang utos na ito. Binigyan sila ni Jose ng mga sasakyan, gaya ng utos ng Faraon, at pinadalhan din ng pagkain sa kanilang paglalakbay. 22 Ang bawat isa'y binigyan ng tig-iisang bihisan, maliban kay Benjamin. Lima ang kanyang bihisan at pinadalhan pa ng tatlong daang pirasong pilak. 23 Pinadalhan niya ang kanyang ama ng pinakamabuting produkto ng Egipto, karga ng sampung asno. Sampung asno rin ang may kargang trigo, tinapay at iba't ibang pagkain upang may baon ang kanilang ama sa paglalakbay. 24 Inutusan ni Jose na lumakad na ang kanyang mga kapatid ngunit bago umalis ay sinabi sa kanila, “Huwag na kayong magtatalu-talo sa daan.”
25 Umalis nga sila sa Egipto at umuwi sa Canaan. 26 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jacob, “Ama, buháy pa po si Jose! Siya ngayon ang namamahala sa buong Egipto!” Natigilan si Jacob, at halos hindi siya makapaniwala sa balitang ito.
27 Ngunit nang maisalaysay sa kanya ang bilin ni Jose at makita ang mga karwaheng ipinadala ni Jose, sumigla ang kanyang kalooban.
28 “Salamat sa Diyos!” sabi ni Jacob. “Buháy pa pala ang aking anak! Pupuntahan ko siya bago ako mamatay.”
Nagpunta sa Egipto ang Sambahayan ni Jacob
46 Naglakbay nga si Israel, dala ang lahat niyang ari-arian. Pagdating sa Beer-seba, naghandog siya sa Diyos ng kanyang amang si Isaac. 2 Pagsapit ng gabi, tinawag siya ng Diyos sa isang pangitain, “Jacob, Jacob!”
“Narito po ako,” sagot niya.
3 “Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama,” sabi sa kanya. “Huwag kang matakot na pumunta sa Egipto. Doon, ang lahi mo'y magiging isang malaking bansa. 4 Sasamahan ko kayo roon at ibabalik muli rito. Nasa piling mo si Jose kapag ikaw ay namatay.”
5 Mula sa Beer-seba'y naglakbay si Jacob. Siya, at ang kanyang mga apo at mga manugang ay isinakay ng kanyang mga anak sa mga karwaheng ipinadala ng Faraon. 6 Dinala(K) rin nila sa Egipto ang kanilang mga kawan at kagamitan mula sa Canaan. Kasama nga niya 7 ang kanyang mga anak, mga manugang at mga apo.
8 Ito ang talaan ng lahi ni Israel na nagpunta sa Egipto—si Jacob at ang kanyang mga anak at mga apo: si Ruben na kanyang panganay 9 at ang mga anak nitong sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi; 10 si Simeon at ang mga anak nitong sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at si Saul na anak ng babaing taga-Canaan. 11 Si Levi at ang mga anak nitong sina Gershon, Coat at Merari; 12 si Juda at ang mga anak nitong sina Sela, Fares at Zara. Si Er at Onan ay namatay sa Canaan. Ang mga anak ni Fares na sina Hezron at Hamul. 13 Si Isacar at ang mga anak nitong sina Tola, Pua, Job at Simron. 14 Si Zebulun at ang mga anak nitong sina Sered, Elon at Jahleel. 15 Ito ang mga anak at apo ni Jacob kay Lea na pawang ipinanganak sa Mesopotamia. Kabilang dito si Dina, ang anak na dalaga ni Jacob. Tatlumpu't tatlo silang lahat.
16 Kasama rin dito si Gad at ang mga anak nito na sina Zifion, Hagui, Suni, Ezbon, Eri, Arodi at Areli; 17 si Asher at ang mga anak nitong sina Jimna, Isua, Isui, Beria at ang babaing kapatid nilang si Sera. Ang mga anak ni Beria ay sina Heber at Malquiel. 18 Ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Zilpa, ang aliping ibinigay ni Laban kay Lea, ay labing-anim.
19 Kabilang din sa talaang ito ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Raquel: sina Jose at Benjamin; 20 sina(L) Manases at Efraim, mga anak ni Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari sa Heliopolis. Ang dalawang ito'y sa Egipto isinilang. 21 Ang mga anak ni Benjamin ay sina Bela, Bequer, Asbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Mupim, Hupim at Ard. 22 Labing-apat ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Raquel.
23 Kabilang pa rin dito si Dan at ang bugtong niyang anak na si Husim; at 24 si Neftali at ang mga anak nitong sina Jahzeel, Guni, Jeser at Silem. 25 Pito ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Bilha, ang aliping ibinigay ni Laban kay Raquel.
26 Animnapu't anim ang mga anak at mga apo ni Jacob na nagpunta sa Egipto. Hindi kabilang dito ang kanyang mga manugang. 27 Dalawa(M) ang naging anak ni Jose sa Egipto, kaya ang kabuuang bilang ng sambahayan ni Jacob na natipon doon ay pitumpu.
Si Jacob at ang Kanyang Sambahayan sa Egipto
28 Si Juda ang isinugo ni Israel kay Jose upang siya'y salubungin. 29 Dali-daling ipinahanda ni Jose ang sasakyan niya at sinalubong ang kanyang ama sa Goshen. Nang sila'y magkita, agad niyang niyakap ang kanyang ama, at matagal na umiyak. 30 Sinabi naman ni Israel, “Ngayo'y handa na akong mamatay sapagkat nakita na kitang buháy.”
31 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa buong sambahayan ni Jacob, “Ibabalita ko sa Faraon na dumating na kayo buhat sa Canaan. 32 Sasabihin kong kayo'y mga pastol; dala ninyo ang inyong mga kawan, at lahat ninyong ari-arian. 33 Kung ipatawag kayo ng Faraon at tanungin kung ano ang inyong gawain, 34 sabihin ninyong kayo'y nag-aalaga na ng mga baka buhat sa pagkabata, tulad ng inyong mga ninuno. Sa gayon, maaari kayong manirahan sa lupaing ito.” Sinabi niya ito sapagkat ang mga taga-Egipto'y namumuhi sa mga pastol.
47 Isinama ni Jose ang lima sa kanyang mga kapatid at nagpunta sa Faraon. Sinabi niya, “Dumating na po ang aking ama't mga kapatid buhat sa Canaan, dala ang kanilang mga kawan, at lahat ng ari-arian. Naroon po sila ngayon sa Goshen.” At ipinakilala niya sa Faraon ang kanyang mga kapatid.
3 Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?”
“Kami po'y mga pastol, tulad ng aming mga ninuno,” tugon nila. 4 “Nakarating po kami rito sapagkat sa amin sa Canaan ay wala na kaming mapagpastulan. Kung maaari po, doon na ninyo kami patirahin sa lupain ng Goshen.”
5 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong narito na ang iyong ama at mga kapatid, 6 at ikaw naman ang namamahala sa buong Egipto, ibigay mo sa kanila ang pinakamainam na lupain. Doon mo sila patirahin sa Goshen. Kung may mapipili kang mahuhusay na pastol, sila ang pamahalain mo sa aking mga kawan.”
7 Isinama ni Jose ang kanyang ama sa palasyo at pagdating doo'y binasbasan ni Jacob ang Faraon. 8 “Ilang taon na kayo?” tanong ng Faraon kay Jacob.
9 Sumagot siya, “Umabot na po sa 130 taon ang aking pagpapalipat-lipat ng tahanan. Maikli at mahirap ang aking naging buhay dito sa lupa. Malayung-malayo sa naging buhay ng aking mga ninuno.” 10 Matapos magpaalam sa Faraon, umalis na si Jacob. 11 Sa utos ng Faraon, ibinigay ni Jose sa kanyang ama at mga kapatid ang pinakamabuting lupain ng Rameses sa bansang Egipto. 12 Ang buong sambahayan ni Jacob hanggang sa kaliit-liitan ay kinalinga ni Jose.
Ang Pamamahala ni Jose sa Panahon ng Taggutom
13 Nang maubos na ang pagkain sa buong Canaan at Egipto, at ang mga tao'y hirap na hirap na sa gutom, 14 kay Jose bumibili ng pagkain ang lahat. Iniipon naman ni Jose ang pinagbilhan at dinadala sa kabang-yaman ng Faraon. 15 Dumating ang panahong wala nang maibayad ang mga tao, kaya't sinabi nila kay Jose, “Mamamatay kami ng gutom, bigyan mo kami ng pagkain.”
16 Kaya't sinabi ni Jose, “Kung wala na kayong salapi, palitan na lang ninyo ng hayop ang pagkaing ibibigay ko sa inyo.” 17 At gayon nga ang kanilang ginawa; ipinagpalit nila ang kanilang mga kabayo, tupa, kambing, baka at asno sa pagkaing kinukuha nila. Isang taon silang binibigyan ni Jose ng pagkain bilang kapalit ng mga hayop.
18 Nang sumunod na taon, lumapit na naman sa kanya ang mga tao. Sinabi nila, “Hindi namin maikakaila sa inyong kamahalan na ngayo'y ubos na ang lahat naming salapi at mga alagang hayop. Wala na pong nalalabi sa amin kundi ang aming katawan at bukirin.
19 “Kaya, tulungan naman ninyo kami; huwag ninyo kaming hayaang mamatay sa gutom at mapabayaan ang aming lupain. Bigyan ninyo kami ng makakain at binhing pananim nang kami'y huwag mamatay. Payag na po kaming maging alipin ng Faraon at ibenta sa kanya ang aming lupain.”
20 Nangyari nga ito, kaya't nakuha ni Jose para sa Faraon ang lahat ng lupain ng mga taga-Egipto dahil sa tindi ng taggutom noon. 21 Ang lahat ng tao sa Egipto ay ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon. 22 Ang hindi lamang nabili ni Jose ay ang lupain ng mga pari, sapagkat ang mga ito ay may sapat na sustento ng Faraon. 23 Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayo'y nabili ko na kayo at ang inyong mga lupain para sa Faraon. Bibigyan ko kayo ng binhing itatanim. 24 Ibibigay ninyo sa Faraon ang ikalimang bahagi ng inyong aanihin. Inyo na ang nalalabi para muling itanim at maging pagkain ng inyong pamilya.”
25 Sumagot ang mga tao, “Napakabuti ninyo sa amin; iniligtas ninyo kami. Handa po kaming maglingkod sa Faraon.” 26 Mula noon, ginawang batas ni Jose sa lupain ng Egipto na ang ikalimang bahagi ng ani ay para sa Faraon. Umiiral pa hanggang ngayon ang batas na ito maliban sa lupa ng mga pari, sapagkat ito'y hindi saklaw ng Faraon.
Huling Habilin ni Jacob
27 Nanirahan nga ang mga Israelita sa lupain ng Goshen sa Egipto. Yumaman sila roon at dumami ang kanilang lahi. 28 Labimpitong taóng tumira roon si Jacob at umabot siya ng 147 taon. 29 Nang(N) maramdaman niyang malapit na siyang mamatay, tinawag niya si Jose at sinabi, “Ilagay mo sa pagitan ng aking mga hita ang iyong kamay at ipangako mong magiging tapat ka sa akin, at hindi mo ako ililibing sa Egipto. 30 Ilabas mo ako sa Egipto at isama mo ako sa libingan ng aking mga magulang.”
“Masusunod po ang nais ninyo,” sagot ni Jose.
31 Sinabi ni Jacob, “Kung gayon, sumumpa ka sa akin.” Nanumpa nga si Jose, at si Jacob ay yumuko sa may ulunan ng higaan at nanalangin.
Binasbasan ni Jacob sina Efraim at Manases
48 Nabalitaan ni Jose na may sakit ang kanyang ama, kaya't isinama niya ang dalawang anak na lalaki, sina Manases at Efraim, at dinalaw ang matanda. 2 Nang sabihin kay Jacob na dumating si Jose, nagpilit siyang bumangon at naupo sa kanyang higaan. 3 Sinabi(O) niya kay Jose, “Nang ako'y nasa Luz, nagpakita sa akin ang Makapangyarihang Diyos at binasbasan ako. 4 Sinabi niya na darami ang aking mga anak at ang aking lahi ay magiging isang malaking bansa, at ibibigay niya sa kanila ang lupaing iyon habang panahon. 5 Ang dalawa mong anak na isinilang dito sa Egipto bago ako dumating ay ibibilang sa aking mga anak. Kaya, tulad nina Ruben at Simeon, sina Efraim at Manases ay magiging tagapagmana ko rin. 6 Ngunit ang susunod mong mga anak ay mananatiling iyo at ibibilang na lamang sa lipi ng dalawa nilang kapatid. 7 Ipinasiya(P) ko ito alang-alang kay Raquel na iyong ina. Nang pabalik ako buhat sa Mesopotamia, namatay siya sa Canaan, malapit sa Efrata. At dinamdam ko nang labis ang kanyang pagpanaw. Doon ko na siya inilibing.” (Ang Efrata ay tinatawag ngayong Bethlehem.)
8 Nang makita ni Israel ang mga anak ni Jose, tinanong ito, “Ito ba ang iyong mga anak?”
9 “Opo! Sila po ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos dito sa Egipto,” tugon niya.
Sinabi ni Israel, “Ilapit mo sila sa akin at babasbasan ko.” 10 Halos hindi na makakita noon si Israel dahil sa kanyang katandaan. Inilapit nga ni Jose ang mga bata at sila'y niyakap at hinagkan ng matanda. 11 Sinabi ni Jacob kay Jose, “Wala na akong pag-asa noon na makikita pa kita. Ngayon, nakita ko pati iyong mga anak.”
12 Inalis ni Jose ang mga bata sa kandungan ni Israel at yumuko siya sa harapan nito.
13 Pagkatapos, inilapit niya sa matanda ang dalawang bata, si Efraim sa gawing kaliwa at si Manases sa gawing kanan nito. 14 Ngunit pinagkurus ni Israel ang kanyang kamay at ipinatong ang kanan sa ulo ng nakababatang si Efraim at ang kaliwa sa ulo ni Manases. 15 At sila'y binasbasan,
“Pagpalain nawa kayo at palaging subaybayan,
ng Diyos na pinaglingkuran ni Isaac at ni Abraham;
ng Diyos na sa aki'y nangalaga't pumatnubay,
simula sa pagkabata't magpahanggang ngayon man.
16 At pati na ang anghel na sa akin ay nagligtas,
pagpalain nawa kayo, tanggapin ang kanyang basbas;
maingatan nawa ninyo at taglayin oras-oras
ang ngalan ko, at ang ngalan ni Abraham at ni Isaac.
Nawa kayo ay lumago, dumami at lumaganap.”
17 Nang makita ni Jose ang ginawa ng kanyang ama, minasama niya iyon kaya't hinawakan niya ang kanang kamay nito upang ilipat sa ulo ni Manases. 18 Wika niya, “Ito po ang matanda, ama. Sa kanya ninyo ipatong ang inyong kanang kamay.”
19 Ngunit sinabi ni Jacob, “Alam ko iyan, anak, alam ko. Alam kong magiging dakila si Manases, pati ang kanyang mga anak, ngunit lalong magiging dakila ang nakababata niyang kapatid. Ang kanyang lahi ay magiging dakilang mga bansa.”
20 Sinabi(Q) pa niya ito:
“Ang mga Israelita, sa Diyos ay hihilingin,
dahil kayo'y pinagpala, sila ma'y pagpalain din.
Sa kanilang kahilingan, ganito ang sasabihin:
‘Kayo nawa ay matulad kay Efraim at Manases.’”
Sa ganitong paraan ginawa ni Jacob na una si Efraim kay Manases.
21 Pagkatapos nito, sinabi ni Israel, “Jose, ako'y mamamatay na ngunit huwag kang mababahala. Sasamahan ka ng Diyos at kayo'y ibabalik niya sa lupain ng inyong mga ninuno. 22 Ikaw ang tanging magmamana ng Shekem na nakuha ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng aking tabak at pana.”
Ang Pahayag ni Jacob tungkol sa Kanyang mga Anak
49 Ipinatawag ni Jacob ang kanyang mga anak at sinabi, “Lumapit kayo sa akin, at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa hinaharap:
2 “Kayo mga anak, magsilapit sa akin,
akong inyong ama ay sumandaling dinggin.
3 “Si Ruben ang aking panganay na anak,
sa lahat kong supling ay pinakamalakas;
4 mapusok ang loob, baha ang katulad, bawat madaanan ay sumasambulat.
Sa kabila nito'y hindi ka sisikat, hindi mangunguna, hindi matatanyag;
pagkat ang ama mo ay iyong hinamak,
dangal ng aliping-asawa ko ay iyong winasak.
5 “Simeon at Levi na magkapatid,
ang sandata ninyo'y ipinanlulupig;
6 sa usapan ninyo'y di ako sasali,
sa inyong gawain, hindi babahagi.
Kapag nagagalit agad pumapatay,
lumpo pati hayop kung makatuwaan.
7 Kayo'y susumpain, sa bangis at galit,
sa ugali ninyo na mapagmalabis;
kayo'y magkawatak-watak sa buong lupain,
sa buong Israel ay pangangalatin.
8 “Ikaw naman, Juda, ay papupurihan niyong mga anak ng ina mong mahal,
hawak mo sa leeg ang iyong kaaway,
lahat mong kapatid sa iyo'y gagalang.
9 Mabangis(R) na leon ang iyong larawan,
muling nagkukubli matapos pumatay;
ang tulad ni Juda'y leong nahihimlay,
walang mangangahas lumapit sinuman.
10 Setrong sagisag ng lakas at kapangyarihan
sa kanya kailanma'y hindi lilisan;
mga bansa sa kanya'y magkakaloob,
mga angkan sa kanya'y maglilingkod.
11 Batang asno niya doon natatali,
sa puno ng ubas na tanging pinili;
mga damit niya'y doon nilalabhan,
sa alak ng ubas na lubhang matapang.
12 Mata'y namumula dahilan sa alak,
ngipi'y pumuputi sa inuming gatas.
13 “Sa baybaying-dagat doon ka, Zebulun,
ang sasakyang-dagat sa iyo kakanlong;
ang iyong lupai'y aabot sa Sidon.
14 “Malakas na asno ang katulad mo, Isacar,
ngunit sa kulungan ka maglulumagak.
15 Nang kanyang makita iyong pahingahan,
ang lupain doo'y tunay na mainam,
tiniis na niyang makuba sa pasan,
nagpaalipin na kahit mahirapan.
16 “Si Dan ay magiging isang pangunahin,
katulad ng ibang pinuno ng Israel.
17 Ahas na mabagsik sa tabi ng daan,
na handang tumuklaw sa kabayong daraan;
upang maihulog iyong taong sakay.
18 “Sa pagliligtas mo, O Diyos, ako'y maghihintay.
19 “Haharangin si Gad ng mga tulisan,
lalabanan niya at magtatakbuhan.
20 “Ang bukid ni Asher ay pag-aanihan
ng mga pagkain ng taong marangal.
21 “Si Neftali naman ay tulad ng usa,
malaya't ang dalang balita'y maganda.
22 “Si Jose nama'y baging na mabunga.
Sa tabi ng bukal nakatanim siya,
paakyat sa pader ang pagtubo niya.
23 Mga mangangaso ang nagpapahirap,
hinahabol siya ng palaso't sibat.
24 Subalit ang iyong busog ay mananatiling malakas,
ang iyong mga bisig ay palalakasin,
ang dahilan nito'y ang Diyos ni Jacob,
pastol ng Israel, matibay na muog.
25 Diyos ng iyong ama'y siyang sasaklolo,
ang Makapangyarihang Diyos magbabasbas sa iyo.
Magbuhat sa langit, bubuhos ang ulan,
malalim na tubig sa lupa'y bubukal;
dibdib na malusog, pati bahay-bata'y pagpapalain di't kanyang babasbasan.
26 Darami ang ani, bulaklak gayon din,
maalamat na bundok ay pagpapalain;
pati mga burol magkakamit-aliw.
Pagpapalang ito nawa ay makamit ni Joseng nawalay sa mga kapatid.
27 “Tulad ni Benjami'y lobong pumapatay,
sumisila ito ng inaalmusal.
Kung gabi, ang huli'y pinaghahatian.”
28 Ito ang labindalawang anak ni Israel, at gayon sila binasbasan ng kanilang ama ayon sa basbas na angkop sa kanila.
Namatay at Inilibing si Jacob
29 Pagkatapos, sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Ngayo'y papanaw na ako upang makasama ng mga ninunong namayapa na. Doon ninyo ako ililibing sa pinaglibingan sa aking mga magulang, sa yungib sa bukid ni Efron na Heteo. 30 Ang(S) libingang iyo'y nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, sa may Canaan. Binili iyon ni Abraham, 31 at(T) doon siya inilibing pati ang kanyang asawang si Sara. Doon din inilibing ang mag-asawang Isaac at Rebeca, at doon ko rin inilibing si Lea. 32 Ang bukid at yungib na iyon ay binili nga sa mga Heteo.” 33 Matapos(U) masabi ang lahat ng ito, siya ay humimlay at namatay.
50 Niyakap ni Jose ang kanyang ama at umiiyak na hinagkan. 2 Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga manggagamot na embalsamuhin ang bangkay. 3 Ayon sa kaugalian ng mga Egipcio, apatnapung araw ang ginugol nila sa paggawa nito. Pitumpung araw na nagluksa ang bansang Egipto.
4 Pagkatapos ng pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga kagawad ng Faraon, “Pakisabi nga ninyo sa Faraon na 5 hiniling(V)ng aking ama bago namatay na doon ko siya ilibing sa libingan na kanyang inihanda sa Canaan. At aking naipangakong susundin ko ang kanyang bilin. Kaya, humihingi ako ng pahintulot na dalhin ko roon ang kanyang bangkay at babalik agad ako pagkatapos.”
6 Sumagot ang Faraon, “Lumakad ka na at ilibing mo ang iyong ama ayon sa iyong pangako sa kanya.”
7 Sumama kay Jose para makipaglibing ang lahat ng kagawad ng Faraon, ang mga may matataas na katungkulan sa palasyo at ang mga kilalang mamamayan sa buong Egipto. 8 Kasama rin ni Jose ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama. Ang naiwan lamang sa Goshen ay ang maliliit na bata, mga kawan ng tupa, kambing at baka. 9 May mga nangangabayo, may mga sakay sa karwahe—talagang napakarami nila.
10 Pagsapit nila sa giikan sa Atad, sa silangan ng Ilog Jordan, huminto muna sila. Nagdaos sila roon ng luksang-parangal sa yumao, at pitong araw na nagdalamhati roon si Jose. 11 Nasaksihan ng mga taga-Canaan ang ginawang pagpaparangal na ito, kaya't nasabi nila, “Ganito palang magluksa ang mga taga-Egipto!” Dahil dito'y tinawag na Abelmizraim[e] ang lugar na iyon.
12 Sinunod nga ng mga anak ni Jacob ang hiling ng kanilang ama. 13 Dinala(W) nila sa Canaan ang bangkay at doon inilibing sa yungib na nasa kaparangan ng Macpela, silangan ng Mamre, na binili ni Abraham kay Efron na Heteo. 14 Matapos ilibing ang ama, si Jose'y nagbalik sa Egipto, kasama ang kanyang mga kapatid at lahat ng kasama sa paglilibing.
Binigyan ni Jose ng Kapanatagan ang mga Kapatid
15 Mula nang mamatay ang kanilang ama, nag-alala na ang mga kapatid ni Jose. Sabi nila, “Paano kung galit pa sa atin si Jose at gantihan tayo sa kalupitang ginawa natin sa kanya?” 16 Nagpasugo sila kay Jose at ipinasabi ang ganito: “Bago namatay ang ating ama, ipinagbilin niya na sabihin ito sa iyo, 17 ‘Nakikiusap ako na patawarin mo na ang iyong mga kapatid sa ginawa nila sa iyo.’ Kaya naman ngayon, nagsusumamo kami sa iyo na patawarin mo kaming mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Napaiyak si Jose nang marinig ito.
18 Lumapit lahat ang kanyang mga kapatid at yumuko sa harapan niya. “Kami'y mga alipin mo,” wika nila.
19 Ngunit sinabi ni Jose, “Huwag kayong matakot! Maaari ko bang palitan ang Diyos? 20 Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang marami ngayon. 21 Kaya, huwag na kayong mag-alala. Ako ang bahala sa inyo at sa inyong mga anak.” Napanatag ang kanilang kalooban sa mga sinabing ito ni Jose.
Ang Pagkamatay ni Jose
22 Nanatili nga si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid. Umabot siya ng 110 taon bago namatay. 23 Inabot pa siya ng mga apo ni Efraim, gayundin ng mga apo niya kay Maquir na anak ni Manases. 24 Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Malapit na akong mamatay, ngunit huwag kayong mag-alala. Iingatan kayo ng Diyos at ibabalik sa lupaing ipinangako niya kina Abraham, Isaac at Jacob.” 25 Pagkatapos,(X) ipinagbilin niya sa mga Israelita ang gagawin sa kanyang bangkay. Wika niya, “Isumpa ninyo sa akin na kapag kayo'y inilabas na ng Diyos sa lupaing ito, dadalhin ninyo ang aking mga buto.” 26 Namatay nga si Jose sa gulang na 110 taon. Siya'y inembalsamo sa Egipto at inilagay sa isang kabaong.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.