Bible in 90 Days
Ang Lupang para sa Lipi ni Juda
15 Ang lupaing napapunta sa lipi ni Juda ay mula sa dulo ng Edom at hanggang sa ilang ng Zin sa kaduluhan sa gawing timog.
Ito ang pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi. 2 Nagmula ang hangganan ng lupaing ito sa timog ng Dagat na Patay, 3 nagtuloy sa Landas ng Acrabim, at lumampas patungo sa ilang ng Zin. Buhat doo'y umahon sa Kades-barnea, nagdaan ng Hezron, nagtuloy sa Adar at lumikong patungo sa Carca. 4 Matapos tahakin ang Asmona, tinunton ang batis ng Egipto at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Ito ang hangganan ng Juda sa timog.
5 Sa gawing silangan ang hangganan ng lupaing ito'y ang Dagat na Patay hanggang sa bunganga ng Jordan. Dito naman nagsimula ang hangganang hilaga. 6 Umahon ito sa balikat ng Beth-hogla, dumaan sa hilaga ng Beth-araba at nagtuloy sa Bato ni Bohan, na anak ni Ruben. 7 Buhat sa Libis ng Kaguluhan, umahon sa Debir at nagtuloy sa hilaga. Lumiko ito patungong Gilgal na nasa tapat ng Pag-ahon sa Adumim sa timog ng libis, tumawid ng batis ng En-shemes at nagtuloy sa Batis ng En-rogel. 8 Buhat dito'y paahong tinahak ang Libis ng Ben Hinom na nasa timog ng burol ng mga Jebuseo (na tinatawag ding Jerusalem). Umahon uli patungo sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng kanluran ng Libis ng Ben Hinom at sa dulong hilaga ng Libis ng Refaim. 9 Buhat sa taluktok ng bundok ay lumikong patungo sa Batis ng Neftoa, at lumabas sa mga lunsod sa Bundok ng Efron, at bumaling na papuntang Baala (na tinatawag ding Lunsod ng Jearim). 10 Umikot sa kanluran ng Baala patungo sa Bundok ng Seir, nagdaan sa libis na hilaga ng Bundok Jearim (na tinatawag ding Kesalon), lumusong na patungong Beth-semes, at nagtuloy sa Timna. 11 Buhat naman dito, umahon sa libis ng Bundok sa hilaga ng Ekron at bumaling na papuntang Sicron. Tinahak ang Bundok ng Baala, lumabas sa Jabneel, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo na siyang naging 12 hangganan sa kanluran. Ito ang mga hangganan ng lupaing napapunta sa lipi ni Juda na pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi.
Sinakop ni Caleb ang Hebron at Debir(A)
13 Gaya(B) ng sinabi ni Yahweh kay Josue, isang bahagi ng lupaing kaparte ng lipi ni Juda ay ibinigay kay Caleb na anak ni Jefune. Ibinigay sa kanya ang Hebron, ang lunsod na dating sakop ni Arba na ama ni Anac. 14 Pinalayas ni Caleb sa lupaing iyon ang tatlong anak na lalaki ni Anac: sina Sesai, Ahiman at Talmai. 15 Pagkatapos, nilusob niya ang Debir, na noong una'y tinatawag na Lunsod ng Sefer. 16 At sinabi ni Caleb, “Ipakakasal ko ang anak kong si Acsa sa sinumang sumalakay at sumakop sa Lunsod ng Sefer.” 17 Si Otniel na anak ni Kenaz na kapatid ni Caleb ang nakagawa niyon, kaya't si Acsa'y ipinakasal ni Caleb kay Otniel. 18 Nang makasal na ang dalawa, sinabi ni Otniel sa asawa na humingi ng isang bukirin kay Caleb na kanyang ama. Pumunta nga si Acsa kay Caleb, at pagkababa sa asnong sinasakyan, tinanong siya ni Caleb, “Anong kailangan mo?”
19 Sumagot si Acsa, “Bigyan mo po ako ng makukunan ng tubig, sapagkat lupang tigang ang ibinigay mo sa akin.” Kaya't ibinigay sa kanya ni Caleb ang mga bukal sa gawing itaas at sa gawing ibaba.
Ang mga Lunsod ng Juda
20 Ito ang mga lupaing napapunta sa lipi ni Juda, at pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi. 21 Ang mga lunsod na nasa kadulu-duluhang timog, sa may hangganan ng Edom ay ang Cabzeel, Eder at Jagur; 22 Cina, Dimona at Adada; 23 Kades, Hazor at Itnan; 24 Zif, Telem at Bealot; 25 Hazor-hadata, Kiryot-hesron (na tinatawag ding Hazor); 26 Amam, Shema at Molada; 27 Hazar-gada, Hesmon at Beth-pelet; 28 Hazar-shual, Beer-seba at Bizotia; 29 Baala, Iyim at Ezem; 30 Eltolad, Cesil at Horma; 31 Ziklag, Madmana at Sansana; 32 Lebaot, Silhim, Ayin at Rimon; dalawampu't siyam na lunsod, kasama ang mga nayon sa palibot.
33 Ang mga lunsod sa kapatagan ay ang sumusunod: Estaol, Zora at Asena; 34 Zanoa, En-ganim, Tapua at Enam; 35 Jarmut, Adullam, Soco at Azeka; 36 Saaraim, Aditaim, Gedera at Gederotaim. Lahat-lahat ay labing-apat na lunsod pati ang mga nayong nasa paligid.
37 Kasama rin ang mga sumusunod: Zenan, Hadasa at Migdal-gad; 38 Dilan, Mizpa at Jokteel; 39 Laquis, Bozcat at Eglon; 40 Cabon, Lamam at Kitlis; 41 Gederot, Beth-dagon, Naama at Makeda; labing-anim na lunsod, kasama ang mga nayong nasa paligid.
42 Kabilang din ang Libna, Eter at Asan; 43 Jefte, Asena at Nezib; 44 Keila, Aczib at Maresa—siyam na lunsod at ang mga nayon sa palibot.
45 Gayon din ang lunsod ng Ekron at ang mga bayan at nayon sa paligid; 46 ang lahat ng mga lunsod sa malapit sa Asdod buhat sa Ekron hanggang sa Dagat Mediteraneo.
47 Kasama rin ang mga lunsod ng Asdod at Gaza, at ang mga bayan at nayong sakop nila, hanggang sa batis ng Egipto at baybayin ng Dagat Mediteraneo.
48 Sa kaburulan naman ay ang mga lunsod ng Samir, Jatir, Soco; 49 Dana, Kiryat Sanna (na tinatawag ding Debir), 50 Anab, Estemoa at Anim; 51 Goshen, Holon at Gilo—labing-isang lunsod, kasama pati ang kanilang mga nayon.
52 Gayon din ang Arab, Duma at Eshan, 53 Janim, Beth-tapua at Afeca; 54 Humta, Lunsod ng Arba o Hebron at Sior—siyam na lunsod kasama ang mga nayon sa paligid.
55 Kabilang pa rin ang Maon, Carmelo, Zif at Juta; 56 Jezreel, Jocdeam at Zanoa, 57 Cain, Gabaa at Timna—sampung lunsod at ang mga nayon sa paligid.
58 Halhul, Beth-sur at Gedor, 59 Meara, Beth-anot at Eltecon—anim na lunsod, kasama ang kanilang mga nayon.
60 Kasama rin ang lunsod ng Baal (o Lunsod ng Jearim), at ang Rabba—dalawang lunsod kasama ang kanilang mga nayon.
61 Sa ilang naman, ang Beth-araba, Midin at Secaca; 62 Nibsan, ang Lunsod ng Asin at En-gedi—anim na lunsod, kasama pati ang mga nayon sa paligid nila.
63 Ngunit(C) hindi napaalis ng lipi ni Juda ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem, kaya hanggang ngayo'y kasama nilang naninirahan doon ang mga ito.
Ang Lupaing para sa Lipi ng Efraim at Manases
16 Ang lupaing napapunta sa angkan ni Jose ay nagsisimula sa Jordan sa tapat ng Jerico—sa silangan ng batis ng Jerico; papunta sa ilang, at umahon sa kaburulan hanggang sa Bethel; 2 buhat sa Bethel ay nagtuloy sa Luz at nilakbay ang Atarot na lupain ng mga Arkita; 3 bumabâ pakanluran sa lupain ng mga Jaflatita, nagdaan sa hangganan ng Timog Beth-horon, tumuloy ng Gezer, at nagwakas sa Dagat Mediteraneo.
4 Ito ang lupaing napapunta sa angkan ni Jose, sa mga lipi ni Efraim at Manases.
5 Ang hangganang silangan ng lupaing napunta sa lipi ni Efraim ay ang Atarot-adar, hanggang sa Hilagang Beth-horon. 6 Buhat doon ay naglakbay sa timog ng Micmetat, at nagtungo sa Dagat Mediteraneo. Sa gawing silanga'y lumikong patungo sa Taanat-silo, at buhat doo'y nagtuloy sa may silangan ng Janoa. 7 Lumampas ng Janoa at bumabâ sa Atarot at Naara, nagdaan sa tabi ng Jerico at nagtapos sa Jordan. 8 Pumakanluran buhat sa Tapua, namaybay ng batis ng Cana, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Ito ang lupaing napapunta sa lipi ni Efraim, 9 bukod sa mga bayan at nayong ibinigay sa kanila sa nasasakupan ng lupain ng lipi ni Manases. 10 Hindi(D) na nila pinaalis ang mga Cananeong nakatira sa Gezer, kaya may mga Cananeong naninirahan sa Efraim hanggang ngayon. Subalit sapilitang pinagtrabaho ang mga ito bilang mga alipin.
17 Isang bahagi ng lupain ang ibinigay sa lipi ni Manases, sapagkat siya'y panganay ni Jose. Ibinigay ang Gilead at Bashan kay Maquir na ama ni Gilead, anak na panganay ni Manases, sapagkat siya'y isang mandirigma. 2 Binigyan din ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang mga angkan nina Abiezer, Helec, Asriel, Shekem, Hefer at Semida. Sila ang mga anak na lalaki ni Manases, at mga pinuno ng kani-kanilang angkan. 3 Ngunit si Zelofehad na anak ni Hefer at apo ni Gilead na anak naman ni Maquir at apo ni Manases, ay walang anak na lalaki. Babae lahat ang anak niya, at ang pangalan nila'y Mahla, Noa, Hogla, Milca at Tirza. 4 Lumapit(E) sila kay Eleazar na pari, kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniutos ni Yahweh kay Moises na bigyan din kami ng lupain, gaya ng ginawa niya sa iba naming kapatid.” Kaya't ayon sa utos ni Yahweh, binigyan din sila ng bahagi tulad ng kanilang mga kamag-anak na lalaki. 5 Ito ang dahilan kung bakit ang lipi ni Manases ay tumanggap pa ng sampung parte, bukod sa Gilead at Bashan sa kabila ng Jordan. 6 Binigyan din ng kanilang kaparte ang mga anak na babae. Ang Gilead ay napunta sa ibang mga anak na lalaki ni Manases.
7 Ang lupain ng lipi ni Manases ay mula sa Asher hanggang sa Micmetat na nasa tapat ng Shekem. Buhat doon, nagtuloy ang hangganan sa En-tapua. 8 Talagang bahagi ng Manases ang lupain ng Tapua, ngunit ang bayan ng Tapua na nasa gilid ng hangganan ng Manases ay kabilang sa mga bayang napapunta sa lipi ni Efraim. 9 Ang hanggana'y nagtuloy sa batis ng Cana, namaybay rito, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Bahagi ng Efraim ang mga lunsod na nasa timog ng batis, kahit na malapit ang mga ito sa mga lunsod ng Manases. 10 Ang lupain ng Efraim ay nasa timog ng batis at ang lupain ng Manases ay nasa hilaga. Ang Dagat Mediteraneo ang hangganan nila sa kanluran. Katabi ng lipi ni Manases ang Asher sa dulong hilaga, at ang Isacar sa dakong silangan. 11 Sa loob ng lupain ng Isacar at Asher ay may mga lunsod pa ring napunta sa lipi ni Manases: ang mga lunsod ng Beth-sean at Ibleam, pati ang mga nayon sa paligid, gayundin ang mga naninirahan sa Dor, Endor, Taanac at Megido, at sa kanilang mga nayon sa paligid. 12 Ngunit(F) hindi napaalis lahat ng mga taga-Manases ang mga naninirahan sa mga nasabing lunsod, kaya't nanatili roon ang mga Cananeo. 13 Subalit nang maging mas makapangyarihan ang mga Israelita, hindi na nila lubusang pinaalis ang mga Cananeo ngunit sapilitan nilang pinagtrabaho ang mga ito bilang alipin.
14 Lumapit kay Josue ang mga lipi ni Jose at kanilang sinabi, “Bakit iisang bahagi ang ibinigay mo sa amin, gayong napakarami namin sapagkat pinagpala kami ni Yahweh?”
15 Sumagot si Josue, “Kung hindi sapat sa inyo ang kaburulan ng Efraim, pasukin ninyo at linisan ang mga kagubatan sa lupain ng mga Perezeo at mga Refaita.”
16 Tumutol pa ang mga lipi ni Jose, “Hindi pa rin sapat sa amin ang kaburulan. Hindi naman namin kaya ang mga Cananeo sa kapatagan sapagkat sila'y may mga karwaheng bakal; gayundin ang mga Cananeo sa Beth-sean, sa mga nayon sa paligid, at sa Kapatagan ng Jezreel.”
17 Sumagot muli si Josue, “Kayo'y napakarami at makapangyarihan. Hindi lamang iisa ang magiging kaparte ninyo. 18 Mapapasa-inyo ang kaburulan. Kahit na kagubatan pa ngayon, lilinisan ninyo at titirhan ang kabuuan niyon. Mapapalayas ninyo ang mga Cananeo kahit na makapangyarihan sila at may mga karwaheng bakal.”
Ang Paghahati sa Iba pang Bahagi ng Lupain
18 Matapos nilang sakupin ang lupaing iyon, ang buong Israel ay nagtipon sa Shilo at itinayo roon ang Toldang Tipanan. 2 Pitong lipi ni Israel ang hindi pa tumatanggap ng kanilang kaparte sa lupain. 3 Kaya sinabi sa kanila ni Josue, “Kailan pa ninyo sasakupin ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno? 4 Pumili kayo ng tatlong lalaki sa bawat lipi. Lilibutin nila ang buong lupain upang gumawa ng plano sa paghahati nito para sa kanila. Pagbalik nila, 5 hahatiin sa pito ang buong lupain. Ngunit hindi magagalaw ang bahagi ni Juda sa timog ni ang bahagi ni Jose sa hilaga. 6 Gagawa kayo ng plano at ilalagay roon ang kani-kanilang hangganan. Ibibigay sa akin ang plano at gagawin ko ang palabunutan ayon sa utos ni Yahweh. 7 Hindi tatanggap ng bahagi ang mga Levita sapagkat ang bahagi nila'y ang paglilingkod kay Yahweh bilang mga pari. Ang mga lipi naman nina Gad at Ruben, at ang kalahati ng lipi ni Manases ay matatag na sa lupaing ibinigay sa kanila ni Moises sa ibayo ng Jordan.”
8 Nang humarap sa kanya ang mga napili, sinabi sa kanila ni Josue, “Lumakad na kayo at tingnan ninyo ang lupain. Gumawa kayo ng ulat at ibigay sa akin sa inyong pagbabalik. Ako ang gagawa ng palabunutan dito sa Shilo para sa inyo, ayon sa utos ni Yahweh.” 9 Sinuri nga nila ang buong lupain, at hinati sa pito. Itinala nila ang mga lunsod at bayang saklaw ng bawat bahagi. Pagkatapos, bumalik sila kay Josue sa Shilo. 10 Ginawa nga ni Josue ang palabunutan ayon sa utos ni Yahweh, at sa pamamagitan nito'y binigyan niya ang bawat lipi ng kani-kanilang kaparte sa lupain.
Ang Bahagi ng Lipi ni Benjamin
11 Nasa pagitan ng lupain ng lipi ni Juda at ni Jose ang lupaing napapunta sa mga angkan ng lipi ni Benjamin. 12 Sa hilaga, ang hangganan nito'y nagsimula sa Ilog Jordan; umahon sa hilaga ng Jerico, napakanluran sa kaburulan, at nagtapos sa ilang ng Beth-aven. 13 Buhat dito'y nagtungo sa gulod, sa gawing timog ng Luz (na tinatawag na Bethel). Nagtuloy sa Atarot-adar, na nasa kabundukan sa timog ng Beth-horong ibaba. 14 Buhat naman sa kanluran ng bundok na nasa timog ng Beth-horon ay lumiko papuntang timog, at nagtapos sa lunsod ng Baal (na ngayo'y tinatawag na lunsod ng Jearim), isang lunsod ng lipi ni Juda. Ito ang hangganan sa kanluran. 15 Sa timog, ang hangganan ng lupaing ito'y nagsimula sa gilid ng Lunsod ng Jearim at nagtapos sa batisan ng Neftoa. 16 Lumusong patungo sa paanan ng bundok na nasa silangan ng Libis ng Ben Hinom at hilaga ng Libis ng Refaim, tinahak ang Libis ng Ben Hinom na nasa timog ng bundok ng mga Jebuseo, at nagtuloy sa En-rogel. 17 Buhat dito'y lumusong pahilaga patungo sa En-shemes. Nagtuloy ng Gelilot na nasa tapat ng tawiran ng Adumim, at lumusong sa Bato ni Bohan na anak ni Ruben. 18 Dumaan sa hilagang gulod ng Bundok ng Beth-araba, at lumusong sa Araba. 19 Dumaan sa hilaga ng Bundok ng Beth-hogla at nagtapos sa pinagtagpuan ng Dagat na Patay at ng Ilog Jordan. Ito ang hangganan sa timog. 20 Ang Ilog Jordan naman ang hangganan sa gawing silangan. Ito ang mga hangganan ng lupaing napapunta sa lipi ni Benjamin.
21 Ang mga lunsod na napapunta sa lipi ni Benjamin ay ang Jerico, Beth-hogla at Emec-casis; 22 Beth-araba, Zemaraim at Bethel; 23 Avim, Para at Ofra; 24 Kefar-ammoni, Ofni at Geba. Labindalawang lunsod kasama ang mga nayon sa paligid. 25 Kasama rin ang Gibeon, Rama at Beerot; 26 Mizpa, Cefira at Moza; 27 Requem, Irpeel at Tarala; 28 Zela, Elef at Jebus (o Jerusalem), Gibeat, at Lunsod ng Jearim—labing-apat na lunsod kasama ang kanilang mga nayon. Ito ang bahagi ni Benjamin ayon sa kani-kanilang mga angkan.
Ang Bahagi ng Lipi ni Simeon
19 Pangalawang lumabas sa palabunutan ang bahagi ng lipi ni Simeon. Nasa loob ng lupain ng Juda ang lupaing ibinigay sa kanila. 2 Sakop(G) nito ang Beer-seba, Seba at Molada; 3 Hazar-shual, Bala at Ezem; 4 Eltolad, Bethul at Horma; 5 Ziklag, Beth-marcabot at Hazar-susa; 6 Beth-lebaot at Saruhen—labingtatlong lunsod at bayan ang sakop nila.
7 Kasama rin ang apat na lunsod ng Ayin, Rimon, Eter at Asan at ang mga karatig-bayan nito. 8 Sakop nito ang mga nayon sa paligid hanggang Baalat-beer o Rama ng Negeb. Ito ang lupaing napunta sa lipi ni Simeon bilang bahagi nila. 9 Ang bahaging ito ay nasa loob ng teritoryo ng Juda; sapagkat ang lipi ni Juda ay tumanggap nang higit sa kanilang kinakailangan, ang bahagi nito ay ibinigay sa lipi ni Simeon.
Ang Bahagi ng Lipi ni Zebulun
10 Pangatlong lumabas sa palabunutan ang bahagi ng lipi ni Zebulun. Ang lupaing napunta sa kanila ay abot sa Sarid.[a] 11 Buhat dito ang kanyang hanggana'y umahong pakanluran patungo sa Marala, nagtuloy sa Dabeset, at sa batis na nasa silangan ng Jokneam. 12 Buhat din sa Sarid, ang hanggana'y pumasilangan hanggang sa Kislot-tabor, lumabas patungong Daberat, at umahon sa Jafia. 13 Buhat doon, nagpatuloy sa Gat-hefer, nagdaan ng Itcazin, lumabas sa Rimon, at lumikong patungo sa Nea. 14 Sa hilaga naman, ang hanggana'y lumikong patungo sa Hanaton, at nagtapos sa Kapatagan ng Jefte-el. 15 Ito ang mga lunsod ng Zebulun: Catat, Nahalal, Simron, Idala, Bethlehem—labindalawang lunsod kasama ang mga nayon nito. 16 Ang mga lunsod na ito at ang mga nayong sakop nila ang napapunta sa lipi ni Zebulun.
Ang Bahagi ng Lipi ni Isacar
17 Napunta sa lipi ni Isacar ang pang-apat na bahagi. 18 Sakop nito ang Jezreel, Kesulot at Sunem; 19 Hafaraim, Shion at Anaharat; 20 Rabit, Cision at Ebez; 21 Remet, En-ganim, En-hada at Beth-pazez. 22 Abot sa Tabor, sa Sahazuma at Beth-semes ang kanyang mga hangganan, at nagtapos sa Ilog Jordan. Labing-anim na lunsod, kasama ang kanilang mga sakop na nayon, ang nasasaklaw ng lupaing ito. 23 Ang mga lunsod at bayang ito ang bahaging napunta sa lipi ni Isacar.
Ang Bahagi ng Lipi ni Asher
24 Napunta naman sa lipi ni Asher ang ikalimang bahagi. 25 Sakop nito ang Helcat, Hali, Bethen at Acsaf; 26 ang Alamelec, Amad at Misal; abot sa Carmelo at sa Sihor-libnat ang hangganan sa kanluran. 27 Sa pasilangan naman, ang hanggana'y nagtungo sa Beth-dagon, at sa pahilaga, nagdaan sa gilid ng Zebulun at sa Kapatagan ng Jefte-el patungong Beth-emec at Neiel at nagtuloy sa Cabul. 28 Saklaw pa rin sa gawing hilaga ang Ebron, Rehob, Hamon, Cana at hanggang sa Dakilang Sidon. 29 Pagkatapos, ang hanggana'y lumikong patungo sa Rama, at nagtuloy sa Tiro, isang lunsod na napapaligiran ng pader; lumikong muli patungong Hosa, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Kasama sa hilagang-silangan ng lupaing iyon ang Mahalab, Aczib, 30 Uma, Afec at Rehob—dalawampu't dalawang lunsod, kasama ang mga nayong sakop nila. 31 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng mga angkan ng lipi ni Asher.
Ang Bahagi ng Lipi ni Neftali
32 Napunta naman sa lipi ni Neftali ang ikaanim na bahagi. 33 Buhat sa Helef, sa gubat ng mga punong roble sa Zaananim, ang hangganan nito'y nagtungo sa Adamineceb, lumampas ng Jabneel, nagtuloy sa Lacum at nagtapos sa Jordan. 34 Sa pakanluran naman, ang hanggana'y nagtungo sa Aznot-tabor at lumampas na papuntang Hucoca. Karatig ng lupaing ito sa timog ang lupain ng Zebulun, sa kanluran ang lupain ng Asher, at sa silangan ang Juda sa kabila ng Jordan. 35 Ito ang mga lunsod ng Neftali na may mga pader: Sidim, Ser, Hamat, Racat, Cineret, 36 Adama, Rama, Hazor, 37 Kades, Edrei, En-hazor, 38 Jiron, Migdal-el, Horem, Beth-anat at Beth-semes—labinsiyam na lunsod kasama ang mga nayong sakop nila. 39 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng lipi ni Neftali.
Ang Bahagi ng Lipi ni Dan
40 Napapunta sa lipi ni Dan ang ikapitong bahagi. 41 Sakop nito ang mga sumusunod: Zora, Estaol, Ir-semes, 42 Saalabin, Ayalon, Itla, 43 Elon, Timna, Ekron, 44 Elteque, Gibeton, Baalat, 45 Jehud, Bene-berac, Gat-rimon, 46 Me-jarcon, Racon at ang lupaing nasa tapat ng Joppa. 47 May(H) mga lupain para sa lipi ni Dan na hindi pa nila nasasakop. Kaya't nang kulangin sila ng lupain, sinalakay nila ang Lesem, sinakop ito at nilipol ang mga tagaroon. Pagkatapos nilang makuha ang Lesem, pinalitan nila ang pangalan nito at tinawag na Dan, alang-alang kay Dan na kanilang ninuno. 48 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng lipi ni Dan, at pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi.
Ang Lupaing Ibinigay kay Josue
49 Matapos tanggapin ng mga Israelita ang kani-kanilang bahagi ng lupain, binigyan naman nila si Josue na anak ni Nun ng para sa kanya. 50 Ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ibinigay nila sa kanya ang lunsod na kanyang hiniling, ang Timnat-sera na nasa lupain ng Efraim. Muli itong itinayo ni Josue at doon siya nanirahan.
51 Ginawa ng paring si Eleazar at ni Josue na anak ni Nun ang pagbabahagi ng lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Ginawa nila ito sa Shilo, sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan, katulong ang mga pinuno ng mga angkan. Sa ganitong paraan natapos ang pagbibigay sa bawat lipi ng kani-kanilang bahagi sa lupain.
Ang mga Lunsod-Kanlungan
20 Sinabi(I) ni Yahweh kay Josue, 2 “Sabihin(J) mo sa bayang Israel na pumili sila ng mga lunsod-kanlungan ayon sa sinabi ko kay Moises. 3 Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring tumakbo roon upang makaligtas sa paghihiganti ng namatayan. 4 Maaari siyang tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, humarap sa hukuman na nasa pagpasok ng lunsod, at ipaliwanag sa matatanda ang nangyari. Papapasukin siya, at doon papatirahin. 5 Kapag sinundan siya roon ng mga nagnanais maghiganti, hindi siya isusuko ng mga tagaroon sapagkat nakamatay siya ng kapwa Israelita nang di sinasadya at hindi bunsod ng galit. 6 Mananatili siya roon hanggang sa litisin sa harap ng mga taong-bayan, at hanggang hindi namamatay ang Pinakapunong Pari na nanunungkulan nang panahong iyon. Kung mangyari ito, maaari na siyang umuwi sa kanyang sariling bayan kung saan siya'y nakapatay.”
7 Pinili nga nila ang Kades, sa Galilea, sa kaburulan ng Neftali; ang Shekem sa kaburulan ng Efraim; at ang Lunsod ng Arba (o Hebron) sa kaburulan ng Juda. 8 Sa ibayo naman ng Jordan, sa kaburulang nasa silangan ng Jerico, pinili nila ang Bezer sa lupain ni Ruben; ang Ramot sa Gilead, sa lupain ni Gad; at ang Golan sa Bashan, sa lupain ni Manases. 9 Ito ang mga lunsod-kanlungan na pinili para sa mga Israelita at para sa sinumang dayuhang naninirahang kasama nila. Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring pumunta roon hanggang sa siya'y litisin sa harap ng mga taong-bayan, upang huwag mapatay ng mga kamag-anak ng namatay.
Ang mga Lunsod ng mga Levita
21 Ang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi ay lumapit sa paring si Eleazar, gayundin kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno ng mga angkan ng buong Israel. 2 Nasa Shilo pa sila noon, sa lupain ng Canaan. Sinabi nila, “Ipinag-utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises na kami'y bigyan ng mga lunsod na matitirhan at mga pastulan sa palibot para sa aming mga kawan.” 3 Dahil dito, ang mga anak ni Levi ay binigyan nga ng mga Israelita ng mga lunsod at pastulan mula sa kani-kanilang bahagi, ayon sa utos ni Yahweh.
4 Unang tumanggap ng mga lunsod ang mga sambahayan sa angkan ni Kohat. Labingtatlong lunsod mula sa mga lipi ni Juda, Simeon at Benjamin ang ibinigay sa mga angkan ng mga pari sa lahi ni Aaron. 5 Ang ibang mga sambahayan sa angkan ni Kohat ay tumanggap ng sampung lunsod mula sa lipi ni Efraim, ni Dan at sa kalahati ng lipi ni Manases.
6 Ang mga sambahayan sa angkan ni Gershon ay binigyan ng labingtatlong lunsod mula sa mga lipi ni Isacar, ni Asher, ni Neftali at sa kalahati ng lipi ni Manases na nasa Bashan.
7 Ang mga sambahayan sa angkan ni Merari ay tumanggap ng labindalawang lunsod mula sa mga lipi nina Ruben, Gad at Zebulun.
8 Sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises, binigyan ng mga Israelita ang mga anak ni Levi ng mga lunsod at mga pastulan.
9 Ito ang mga pangalan ng mga lunsod na galing sa mga lipi ni Simeon at ni Juda, na ibinigay sa 10 mga anak ni Aaron, mula sa angkan ni Kohat na anak ni Levi. Sila ang unang nabigyan batay sa palabunutan. 11 Tinanggap nila ang Lunsod ng Arba (si Arba ang ninuno ng mga Anaceo) na ngayo'y tinatawag na Hebron sa kaburulan ng Juda. Kasama nito ang mga pastulan sa palibot. 12 Ngunit ang mga bukirin ng bayan at ng mga nayon ay ibinigay na kay Caleb na anak ni Jefune, bilang kanyang bahagi sa lupain.
13 Ito pa ang mga lunsod na ibinigay sa mga anak ng paring si Aaron: ang Hebron na isa sa mga lunsod-kanlungan, at ang mga pastulang sakop nito; ang Libna, kasama rin ang mga pastulan nito; 14 ang Jatir, Estemoa, 15 Holon, Debir, 16 Ayin, Juta at Beth-semes, kasama rin ang mga pastulan nito. Siyam na lunsod ang galing sa mga lipi ni Simeon at ni Juda. 17 Mula naman sa lipi ni Benjamin, tinanggap nila ang Gibeon, Geba, 18 Anatot, at Almon—apat na lunsod, kasama ang pastulan ng mga ito. 19 Lahat-lahat, ang mga angkang ito buhat sa lahi ni Aaron ay tumanggap ng labingtatlong lunsod, kasama ang mga pastulan nito.
20 Ang ibang mga Levita sa angkan ni Kohat ay tumanggap ng ilang lunsod mula sa lipi ni Efraim. 21 Ibinigay sa kanila ang Shekem na isa rin sa mga lunsod-kanlungan sa kaburulan ng Efraim, kasama ang mga pastulan nito. Ibinigay rin sa kanila ang Gezer, 22 Kibzaim at Beth-horon, gayundin ang mga pastulan nito. Apat na lunsod ang galing sa lipi ni Efraim. 23 Binigyan din sila ng apat na lunsod mula sa lipi ni Dan: ang Elteque, Gibeton, 24 Ayalon, at Gat-rimon, kasama ang mga pastulan nito. 25 Dalawa naman ang galing sa kalahating lipi ni Manases sa kanluran ng Jordan: Taanac at Gat-rimon kasama rin ang mga pastulan nito. 26 Sampung lunsod lahat pati ang mga pastulan nito, ang napunta sa mga sambahayan sa angkan ni Kohat.
27 Ang mga sambahayan sa angkan ni Gershon na anak ni Levi ay tumanggap naman ng dalawang lunsod buhat sa kalahating lipi ni Manases sa silangan ng Jordan. Napunta sa kanila ang Golan na sakop ng Bashan at isang lunsod-kanlungan, pati ang Beestera, kasama ang mga pastulan nito. 28 Buhat naman sa lipi ni Isacar, tumanggap sila ng apat na lunsod: ang Cision at Daberat, 29 Jarmut at En-ganim, kasama ang mga pastulan nito. 30 Apat ding lunsod ang tinanggap nila sa lipi ni Asher: ang Misal, Abdon, 31 Helcat, at Rehob, kasama ang mga pastulan nito. 32 Tatlong lunsod ang tinanggap nila sa lipi ni Neftali: ang Kades sa Galilea, isang lunsod-kanlungan, Hamotdor at Cartan, kasama ang mga pastulan nito. 33 Labingtatlong lunsod lahat ang napunta sa mga Levitang buhat sa angkan ni Gershon.
34 Ang mga lunsod na ito mula sa lipi ni Zebulun ay tinanggap ng iba pang Levita, mga angkang buhat sa lahi ni Merari: ang Jokneam, Carta, 35 Dimna, at Nahalal—apat na lunsod, kasama ang mga pastulan nito. 36 Buhat naman sa lipi ni Ruben, tinanggap nila ang Bezer, Jahaz, 37 Kedemot, at Mefaat—apat na lunsod, kasama ang mga pastulan nito. 38 At buhat sa lipi ni Gad, tinanggap nila ang Ramot sa Gilead, isa pa rin sa mga lunsod-kanlungan, Mahanaim, 39 Hesbon, at Jazer—apat na lunsod, kasama ang kanilang mga pastulan. 40 Labindalawang lunsod, kasama ang kanilang mga pastulan, ang tinanggap ng mga sambahayan sa angkan ni Merari.
41 Apatnapu't walong lunsod lahat, kasama ang kanilang mga pastulan, ang binawas sa lupain ng labing-isang lipi ni Israel at ibinigay sa mga Levita. 42 May kanya-kanyang pastulan ang bawat lunsod na ito.
Ang Pagsakop ng Israel sa Buong Lupain
43 Ibinigay nga ni Yahweh sa bayang Israel ang lahat ng lupaing ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Kaya't nang masakop na nila ang buong lupain, doon na sila nanirahan. 44 Binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa buong lupain, ayon sa ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Hindi sila natalo kailanman ng kanilang mga kaaway, sapagkat pinagtatagumpay sila ni Yahweh laban sa lahat ng kaaway. 45 Tinupad ni Yahweh ang lahat ng ipinangako niya sa sambayanang Israel.
Ang Altar sa Tabi ng Jordan
22 Pagkatapos, tinipon ni Josue ang mga mandirigma ng lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. 2 Sinabi(K) niya, “Tinupad ninyo ang lahat ng tagubilin sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh, at sinunod ninyo ang bawat utos ko. 3 Hanggang sa panahong ito'y hindi ninyo pinabayaan ang mga kapatid ninyong Israelita. Tinupad ninyong mabuti ang lahat ng ipinag-utos ni Yahweh na inyong Diyos. 4 At ngayon, naibigay na ni Yahweh na inyong Diyos sa inyong mga kapatid ang kapayapaang ipinangako niya. Kaya umuwi na kayo sa inyong mga tahanan sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh. 5 Huwag lamang ninyong kakalimutang sundin ang mga tagubilin at kautusang ibinigay ni Moises sa inyo, “Ibigin ninyo si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang kalooban at tuparin ang kanyang mga utos. Maging tapat kayo sa kanya at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't kaluluwa.” 6 Binasbasan sila ni Josue, at umuwi na sila.
7 Ang kalahati ng lipi ni Manases ay binigyan ni Moises ng lupain sa Bashan; ang kalahati ay binigyan ni Josue ng lupa sa kanluran ng Jordan, katabi ng iba pang lipi ng Israel. Nang sila'y pauwi na, binasbasan sila ni Josue 8 at sinabi sa kanila, “Mayayaman kayong babalik sa inyo—maraming baka, ginto, pilak, tanso, bakal at mga damit. Bahaginan ninyo ng mga nasamsam ninyo sa mga kaaway ang inyong mga kapatid.” 9 Umuwi na nga ang mga mandirigma ng lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. Iniwan nila sa Canaan ang ibang mga Israelita at bumalik sila sa Gilead, sa lupaing naging bahagi nila ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
10 Pagdating nila ng Jordan na nasa panig ng Canaan, nagtayo sila ng isang mataas at malaking altar sa tabi ng ilog. 11 Nalaman ito ng ibang mga Israelita at ganito ang kumalat na usap-usapan, “Alam ninyo, nagtayo ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at ng kalahati ng lipi ni Manases ng isang altar sa hangganan ng Canaan bago tumawid ng Jordan.” 12 Pagkarinig nito'y nagtipun-tipon sila sa Shilo at humandang digmain ang nasabing mga lipi.
13 Sinugo ng bayang Israel si Finehas na anak ng paring si Eleazar, upang kausapin ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. 14 May kasama siyang sampung pinuno ng mga angkang buhat sa bawat lipi ni Israel. Bawat isa sa kanila ay pinuno ng mga angkan sa kani-kanilang mga lipi. 15 Pagdating sa Gilead, sinabi nila sa mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases, 16 “Ito(L) ang ipinapasabi sa inyo ng buong sambayanan ni Yahweh: ‘Bakit ninyo ginawa ang ganitong pagtataksil sa Diyos ng Israel? Naghihimagsik kayo laban kay Yahweh sa pagtatayo ninyo ng sariling altar. Siya'y tinalikuran ninyo. 17 Nalimutan(M) na ba ninyo ang kasalanan natin sa Peor? Hanggang ngayon nga'y nagtitiis pa tayo sa parusang salot na iginawad ni Yahweh sa atin! Hindi pa ba sapat iyon, 18 at ngayo'y nangahas pa kayong talikuran siya? Kapag naghimagsik kayo kay Yahweh ngayon, bukas din ay magagalit siya sa buong Israel. 19 Kaya, kung ang inyong lupain ay hindi angkop sa pagsamba sa kanya, tumawid kayo sa gawi namin, sa kinaroroonan ng kanyang tabernakulo. Doon na kayo manirahan, huwag lamang kayong magtayo ng ibang altar maliban sa altar ni Yahweh na ating Diyos, sapagkat iyan ay paghihimagsik laban sa kanya at sa amin. 20 Nakalimutan(N) na ba ninyo si Acan na anak ni Zera? Nang sumuway siya sa utos tungkol sa mga bagay na dapat sunugin, kasama niyang naparusahan ang buong Israel! Hindi lamang siya ang namatay dahil sa kanyang kasalanan.”
21 Sumagot ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases sa mga pinuno ng mga angkan ng Israel, 22 “Si Yahweh ay Diyos ng mga diyos! Si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat. Siya lamang ang Diyos! Alam niya kung bakit ginawa namin ito, at dapat din ninyong malaman! Kung kami'y sumuway at kung kami'y nagtaksil kay Yahweh, huwag na niya kaming hayaang mabuhay sa araw na ito. 23 Kung nagtayo kami ng sariling altar upang suwayin si Yahweh, kung nag-alay kami ng handog na susunugin, o handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, parusahan nawa kami ni Yahweh!
24 “Ginawa namin ito sa takot na baka dumating ang araw na sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Ano ang kinalaman ninyo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel? 25 Siya na rin ang nagtakda na ang Ilog Jordan ay maging hangganang maghihiwalay sa atin. Kayong mga lipi ni Ruben at ni Gad ay walang bahagi kay Yahweh na Diyos ng Israel.’ Kapag nangyari iyon, ang aming mga anak ay maaaring hadlangan ng inyong mga anak sa pagsamba kay Yahweh. 26 Ang totoo, itinayo namin ang altar na ito, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog. 27 Itinayo namin ito upang maging bantayog para sa amin, para sa inyo, at para sa ating mga salinlahi—upang maging katibayan na talagang sinasamba natin si Yahweh sa pamamagitan ng mga handog na susunugin, mga alay at handog na pinagsasaluhan. Sa ganoon, hindi masasabi ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Wala kayong pakialam kay Yahweh.’ 28 At kung sakaling mangyari ito, masasabi ng aming mga anak, ‘Tingnan ninyo! Nagtayo ang aming mga ninuno ng isang altar na katulad ng altar ni Yahweh, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog, kundi upang maging saksi para sa amin at para sa inyo.’ 29 Kailanma'y hindi namin inisip sumuway kay Yahweh o tumalikod sa kanya. Hindi kami nagtayo ng iba pang altar na pagsusunugan ng handog, o pag-aalayan ng handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, bukod sa altar ni Yahweh—sa altar na nasa harap ng kanyang tabernakulo.”
30 Narinig ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ng Israel na kasama niya, ang sinabi ng mga lipi nina Ruben, Gad at Manases, at nasiyahan sila. 31 Kaya, sinabi sa kanila ni Finehas, ang anak ng paring si Eleazar, “Alam na namin ngayon na kasama natin si Yahweh sa araw na ito. Hindi kayo nagtaksil kay Yahweh, kaya iniligtas ninyo ang Israel sa parusa ni Yahweh.”
32 Iniwan ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ang mga lipi ni Ruben at ni Gad sa lupain ng Gilead. Nagbalik na sila sa Canaan at iniulat sa Israel ang buong pangyayari. 33 Natuwa ang mga Israelita at nagpuri sa Diyos. Hindi na nila muling nabanggit ang balak nilang paglusob at pagwasak sa lupain nina Gad at Ruben.
34 Ang altar na iyon ay tinawag na “Saksi” sapagkat sabi ng mga lipi nina Gad at Ruben, “Saksi ito para sa ating lahat na si Yahweh ay siyang Diyos.”
Ang Pamamaalam ni Josue
23 Marami nang taon ang lumipas buhat nang bigyan ni Yahweh ang bayang Israel ng kapayapaan. Hindi na sila ginagambala ng mga kaaway na nasa palibot nila. At matandang-matanda na si Josue, 2 kaya tinipon niya ang buong Israel: ang matatanda, ang mga pinuno ng mga angkan, mga hukom at ang mga tagapangasiwa sa bayan. Sinabi niya, “Ako'y matanda na. 3 Nasaksihan ninyo ang ginawa ni Yahweh sa lahat ng bansang ito dahil sa inyo. Si Yahweh na inyong Diyos ang nakipaglaban sa inyong mga kaaway. 4 Kaya, makinig kayo! Ibinibigay ko sa inyong lahat bilang bahagi ng inyong mga lipi ang buong lupaing nasa pagitan ng Ilog Jordan sa gawing silangan, at ng Dagat Mediteraneo sa kanluran: ang lupain ng mga bansang nasakop ko na, gayundin ang mga lupaing hindi pa nasasakop. 5 Si Yahweh na inyong Diyos ang siyang magpapalayas sa mga bansang iyon pagdating ninyo roon. Sila'y palalayasin niya sa kanilang mga lupain upang kayo ang manirahan doon, gaya ng ipinangako sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 6 Magpakatatag kayo at sundin ninyo ang lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan ni Moises. Huwag kayong lilihis sa anumang ipinag-uutos nito. 7 Huwag kayong makikisalamuha sa mga bansang natitira pa sa lupain ninyo. Huwag kayong mananalangin sa kanilang mga diyus-diyosan; huwag kayong manunumpa sa pangalan ng mga ito, at huwag din kayong sasamba o maglilingkod sa kanila. 8 Sa halip ay manatili kayong tapat kay Yahweh na inyong Diyos, gaya ng ginagawa ninyo hanggang ngayon. 9 Dahil diyan, pinalayas niya ang maraming malalaki at makapangyarihang bansa pagdating ninyo, at wala pang nakakatalo sa inyo hanggang ngayon. 10 Ang(O) isa sa inyo'y kayang patakbuhin ang sanlibong kaaway sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ang siyang nakikipaglaban para sa inyo, tulad ng kanyang ipinangako. 11 Kaya palagi ninyong ibigin si Yahweh na inyong Diyos. 12 Kapag tinalikuran ninyo siya, at nakipagkaibigan kayo sa mga bansang natitira pa sa lupain ninyo, kapag nag-asawa kayo o nakisalamuha sa kanila, 13 tandaan ninyo ito: hindi na palalayasin ni Yahweh ang mga bansang ito. Sa halip, sila'y magiging parang bitag para sa inyo, malupit na latigo sa inyong gulugod, tinik na tutusok sa inyong mga mata, hanggang sa maubos ang lahi ninyo sa lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Yahweh.
14 “Malapit na akong pumanaw sa daigdig na ito. Alam ninyo sa inyong puso't kaluluwa na tinupad ng Diyos ninyong si Yahweh ang bawat mabuting bagay na ipinangako niya sa inyo. Wala siyang hindi tinupad. 15-16 Ngunit tulad ng lahat ng magagandang bagay na ipinangako sa inyo ay tinupad ni Yahweh, maaari rin niyang gawin sa inyo ang lahat ng mga masasamang bagay hanggang sa kayo'y malipol sa masaganang lupaing ito na ibinigay ni Yahweh na inyong Diyos. Kapag hindi kayo tumupad sa kasunduang ibinigay niya sa inyo, at kayo'y sumamba at naglingkod sa mga diyus-diyosan, paparusahan niya kayo.”
Nagsalita si Josue sa mga Tao sa Shekem
24 Tinipon ni Josue sa Shekem ang lahat ng lipi ng Israel. Pinapunta niya roon ang matatandang namumuno, mga tagapangasiwa, ang mga hukom at ang mga opisyal ng Israel, at sila'y humarap sa Diyos. 2 Sinabi(P) niya, “Ito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Noong una, ang inyong mga ninuno ay nanirahan sa kabila ng Ilog Eufrates. Isa sa mga ito si Terah na ama ni Abraham at ni Nahor. Sumamba sila sa mga diyus-diyosan. 3 Tinawag(Q) ko si Abraham buhat sa lupaing iyon at dinala ko siya at pinatnubayan sa buong lupain ng Canaan. Pinarami ko ang lahing nagmula sa kanya. Ibinigay ko sa kanya si Isaac, 4 at(R) kay Isaac ay ibinigay ko si Jacob at si Esau. Ibinigay ko kay Esau ang kaburulan ng Seir bilang bahagi niya. Ngunit si Jacob at ang kanyang mga anak ay nagpunta sa Egipto. 5 Isinugo(S) ko si Moises at si Aaron, at sa pamamagitan ng mga salot ay pinahirapan ko ang mga Egipcio. Pagkatapos ay inilabas ko kayo roon. 6 Inilabas(T) ko sa Egipto ang inyong mga ninuno at nakarating sila sa Dagat na Pula.[b] Hinabol sila ng mga Egipciong sakay ng mga karwahe at kabayo hanggang sa may dagat. 7 Ang inyong mga ninuno'y humingi ng tulong sa akin, at naglagay ako ng dilim sa pagitan nila at ng mga Egipcio. Pinagsama kong muli ang nahating dagat at sila'y natabunan ng tubig. Nasaksihan ninyo ang mga ginawa ko sa mga Egipcio. At matagal kayong nanirahan sa ilang.
8 “‘Pagkatapos,(U) dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan. Nilabanan nila kayo, ngunit pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. Pinuksa ko sila at nasakop ninyo ang kanilang lupain. 9 Nilabanan(V) kayo ng hari ng Moab na si Balac na anak ni Zippor at isinugo niya si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo. 10 Ngunit hindi ko hinayaang gawin ni Balaam iyon, sa halip pinagpala niya kayo. Sa ganoon, iniligtas ko kayo sa kamay ni Balac. 11 Tumawid(W) kayo ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nilabanan kayo ng mga taga-Jerico at ng mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Hivita, at Jebuseo. Ngunit sila'y ibinigay ko sa inyong kapangyarihan. 12 Parang(X) hinabol ng mga putakti na nagtakbuhan ang dalawang haring Amoreo at pinalayas ko sila bago kayo dumating. Walang kinalaman sa pangyayaring iyon ang inyong mga tabak at pana. 13 Binigyan(Y) ko kayo ng lupaing hindi ninyo binungkal. Pinatira ko kayo sa mga lunsod na hindi kayo ang nagtayo. Kumakain kayo ngayon ng ubas at olibo na galing sa mga punong hindi kayo ang nagtanim.’
14 “Kaya ngayon, sambahin ninyo si Yahweh at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't katapatan. Alisin ninyo ang mga diyus-diyosang dating sinasamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia at sa Egipto. Si Yahweh lamang ang inyong paglingkuran. 15 At kung ayaw ninyong maglingkod kay Yahweh, pumili kayo ngayon kung sino ang inyong paglilingkuran: ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o ang mga diyos ng mga Amoreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinitirhan. Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, kay Yahweh kami maglilingkod.”
16 Sumagot ang bayan, “Hindi namin magagawang talikuran si Yahweh at maglingkod sa ibang diyos! 17 Si Yahweh, na ating Diyos, ang siyang humango sa atin sa pagkaalipin sa Egipto. Nasaksihan din namin ang mga kababalaghang ginawa niya upang tayo'y maingatan saanman tayo makarating at mailigtas sa mga kaaway sa mga bansang ating dinaanan. 18 Pagdating natin, pinalayas ni Yahweh sa lupaing ito ang mga Amoreong nanirahan dito. Kaya't kay Yahweh rin kami maglilingkod sapagkat siya ang aming Diyos.”
19 Ngunit sinabi ni Josue sa taong-bayan, “Hindi ninyo kayang maglingkod kay Yahweh sapagkat siya'y isang Diyos na banal at siya'y mapanibughuing Diyos. Hindi niya palalampasin ang inyong mga pagsuway at pagkakasala. 20 Kapag tinalikuran ninyo siya at naglingkod kayo sa mga diyos ng ibang bansa, kapopootan niya kayo at paparusahan. Hindi niya panghihinayangang lipulin kayo sa kabila ng kanyang mga kabutihan sa inyo.”
21 Sumagot ang taong-bayan kay Josue, “Hindi po mangyayari iyan! Kay Yahweh kami maglilingkod.”
22 Sinabi ni Josue, “Kayo na rin ang mga saksi na pinili ninyong paglingkuran si Yahweh.”
Sumagot naman sila, “Opo! Saksi kami.”
23 Sinabing muli ni Josue, “Kung gayon, itapon ninyo ang mga diyus-diyosang iniingatan pa ninyo. Manumpa kayo kay Yahweh, sa Diyos ng Israel.”
24 Sumagot muli ang mga tao, “Maglilingkod kami kay Yahweh na aming Diyos at susundin namin ang kanyang mga utos.”
25 Kaya, nang araw na iyon ay gumawa si Josue ng kasunduan para tuparin ng sambayanan. Binigyan niya sila sa Shekem ng mga batas at tuntunin. 26 Isinulat ni Josue ang mga batas na ito sa Aklat ng Kautusan ng Diyos. Kumuha siya ng isang malaking bato, itinayo sa lilim ng sagradong puno sa Banal na Lugar ni Yahweh. 27 At sinabi niya sa lahat, “Tingnan ninyo ang batong ito. Ito ang ating saksi. Narinig nito ang lahat ng sinabi sa atin ni Yahweh. Ito rin ang magiging saksi laban sa inyo, kapag kayo'y tumalikod sa Diyos.” 28 Pagkatapos, pinaalis na ni Josue ang mga tao, at umuwi sila sa kani-kanilang lupain.
Ang Pagkamatay ni Josue at ni Eleazar
29 Lumipas ang sandaling panahon at ang lingkod ni Yahweh na si Josue, na anak ni Nun, ay namatay sa gulang na 110 taon. 30 Inilibing(Z) siya sa kanyang sariling lupain sa Timnat-sera, sa kaburulan ng Efraim, hilaga ng Bundok ng Gaas.
31 Naglingkod kay Yahweh ang sambayanang Israel habang nabubuhay si Josue. Kahit wala na siya, nanatili pa rin silang tapat kay Yahweh habang nabubuhay ang mga pinunong nakasaksi sa lahat ng mga ginawa ni Yahweh para sa Israel.
32 Dinala(AA) ng bayang Israel ang mga buto ni Jose nang sila'y umalis sa Egipto. Ibinaon nila ito sa Shekem, sa lupaing binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor, na ama ni Shekem, sa halagang sandaang pirasong pilak. Ang lupaing ito ay kasama sa naging bahagi ng mga anak ni Jose.
33 Namatay din si Eleazar na anak ni Aaron at inilibing sa Gibea, ang bayang ibinigay sa anak niyang si Finehas sa kaburulan ng Efraim.
Nabihag ng Lipi nina Juda at Simeon ang Hari ng Bezek
1 Pagkamatay ni Josue, nagtanong kay Yahweh ang mga Israelita, “Sino sa amin ang unang sasalakay sa mga Cananeo?”
2 “Ang lipi ni Juda ang mauuna. Ipapasakop ko sa kanila ang lupain,” sagot ni Yahweh.
3 Sinabi ng mga kabilang sa lipi ni Juda sa mga kabilang sa lipi ni Simeon, “Tulungan ninyo kami sa pagsakop sa lugar na nakalaan para sa amin, at pagkatapos ay tutulungan naman namin kayo sa pagsakop sa lupaing para sa inyo.” Tumulong nga ang lipi ni Simeon. 4 Tinulungan sila ni Yahweh na matalo ang mga Cananeo at ang mga Perezeo. Umabot sa sampung libo ang napatay nila sa Bezek. 5 Doon nila nilabanan ang hari ng Bezek, mga Cananeo at mga Perezeo. 6 Tumakas ang hari ng Bezek ngunit hinabol nila ito, at nang mahuli ay pinutulan ng hinlalaki sa paa't kamay. 7 Sinabi ng hari ng Bezek, “Pitumpung hari na ang naputulan ko ng hinlalaki ng paa't kamay, at pinamulot ng mumo sa ilalim ng aking mesa. Ngayo'y pinagbayad ako ng Diyos sa aking ginawa.” Dinala ito sa Jerusalem at doon namatay.
Nasakop ng Lipi ni Juda ang Jerusalem at Hebron
8 Ang Jerusalem ay sinalakay at nasakop ng lipi ni Juda. Pinatay nila ang mga nakatira roon at sinunog ang lunsod. 9 Pagkatapos, nilabanan naman nila ang mga Cananeo sa mga kaburulan, sa kapatagan at sa disyerto sa katimugan. 10 Sinalakay ng lipi ng Juda ang mga Cananeong nasa Hebron, dating Lunsod ng Arba, at natalo nila sina Sesai, Ahiman at Talmai.
Nasakop ni Otniel ang Debir(AB)
11 Mula sa Hebron, sinalakay naman nila ang Debir, ang dating Lunsod ng Sefer. 12 Sinabi ni Caleb, “Ang anak kong si Acsa ay ibibigay ko para maging asawa ng sinumang makakasakop sa Lunsod ng Sefer.” 13 Si Otniel na anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb ang nakasakop sa lunsod, kaya siya ang napangasawa ni Acsa. 14 Nang sila'y ikasal na, inutusan ni Otniel si Acsa[c] na humingi ng bukirin sa kanyang amang si Caleb. Kaya, nagpunta si Acsa kay Caleb. Pagdating doon, tinanong naman siya agad nito kung ano ang kailangan niya. 15 “Bigyan mo po sana ako ng lugar na may tubig. Ang lupang ibinigay mo sa akin ay walang mapagkukunan ng tubig,” sabi ni Acsa. At ibinigay sa kanya ni Caleb ang mga balon sa gawing itaas at ibaba.
Ang mga Tagumpay ng Lipi nina Juda at Benjamin
16 Ang angkan ni Hobab na isang Cineo, na kamag-anak ng biyenan ni Moises, ay sumama sa lipi ni Juda mula sa Jerico, ang Lunsod ng mga Palma, hanggang sa ilang ng Juda, sa timog ng Arad. Nanirahan silang kasama ng mga Amalekita.[d] 17 Ang lipi naman ni Simeon ay tinulungan ng lipi ni Juda sa pagsakop sa Lunsod ng Sefat. Winasak nila ito nang husto at pinangalanang Horma.[e] 18 Nasakop din nila ang buong Gaza, Ashkelon at Ekron. 19 Tinulungan ni Yahweh ang Juda, kaya't nasakop nila ang mga kaburulan. Ngunit hindi nila nasakop ang mga nasa kapatagan sapagkat ang mga tagaroon ay may mga karwaheng bakal. 20 At(AC) tulad ng sinabi ni Moises, ibinigay nga kay Caleb ang Hebron. Pinalayas niya roon ang tatlong anak ni Anac. 21 Ang(AD) mga Jebuseo namang naninirahan sa Jerusalem ay hindi pinaalis ng lipi ni Benjamin, kaya hanggang ngayo'y kasama nilang naninirahan doon ang mga ito.
Sinakop ng mga Lipi ni Jose ang Bethel
22-23 Ang lunsod naman ng Bethel na dating Luz ay sinalakay ng mga lipi ni Jose at tinulungan din sila ni Yahweh. Nagpadala muna sila roon ng mga espiya. 24 Sa daan ay may nasalubong silang isang tao mula sa lunsod. Sinabi nila rito, “Ituro mo sa amin ang pagpasok sa lunsod at gagantimpalaan ka namin.” 25 Itinuro naman nito sa kanila, at pinatay nila ang mga tagaroon maliban sa lalaking napagtanungan nila pati ang pamilya nito. 26 Pagkatapos, ang lalaking iyon ay nagpunta sa lupain ng mga Heteo at nagtayo ng isang lunsod na hanggang ngayo'y tinatawag na Luz.
Hindi Pinaalis ng mga Israelita ang mga Cananeo
27 Hindi(AE) pinaalis ng lipi ni Manases ang mga naninirahan sa mga lunsod ng Beth-sean, Taanac, Dor, Ibleam, Megido at sa mga nayong sakop ng mga ito. Kaya't nanatili roon ang mga Cananeo. 28 Subalit nang maging mas makapangyarihan ang mga Israelita, hindi na nila lubusang pinaalis ang mga Cananeo ngunit sapilitan nilang pinagtrabaho ang mga ito bilang alipin.
29 Hindi(AF) rin pinaalis ng lipi ni Efraim ang mga Cananeo sa lunsod ng Gezer. Sila'y sama-samang nanirahan doon.
30 Hindi pinaalis ng lipi ni Zebulun ang mga naninirahan sa mga lunsod ng Kitron at Nahalol. Sama-sama silang nanirahan doon, subalit sapilitan nilang pinagtatrabaho ang mga ito bilang mga alipin.
31 Hindi rin pinaalis ng lipi ni Asher ang mga taga-lunsod ng Acco, Sidon, Ahlab, Aczib, Helba, Afec at Rehob. 32 Sama-sama silang nanirahan doon.
33 Hindi rin pinaalis ng lipi ni Neftali ang mga taga-Beth-semes at Beth-anat. Sila'y sama-samang nanirahan doon ngunit inalipin nila ang mga tagaroon.
34 Ang lipi naman ni Dan ay napaurong ng mga Amoreo papuntang bulubundukin. Hindi sila pinayagan ng mga Amoreo na makapanirahan sa kapatagan, sa halip ay itinaboy sila sa kaburulan. 35 Hindi umalis sa Heres, Ayalon at Saalbim ang mga Amoreo, ngunit dumating ang araw na nasakop sila ng mga lipi ni Jose at inalipin sila ng mga ito. 36 Ang sakop ng mga Amoreo ay mula sa Pasong Alakdan hanggang sa Petra.
Nagpunta sa Boquim ang Anghel ni Yahweh
2 Mula sa Gilgal, nagpunta sa Boquim ang anghel ni Yahweh. Sinabi niya sa mga Israelita, “Inilabas ko kayo sa Egipto at dinala sa lupain na aking ipinangako sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ako sisira sa ating kasunduan. 2 Sinabi(AG) ko ring huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon, sa halip ay gibain ninyo ang kanilang mga altar. Ngunit ano ang inyong ginawa? Hindi ninyo ako sinunod! 3 Kaya ngayon, hindi ko sila paaalisin sa lupaing pupuntahan ninyo. Magiging tinik sila sa inyong landas at ang mga diyus-diyosan nila ay magiging mabigat na pagsubok sa inyo.” 4 Matapos sabihin ito ng anghel ni Yahweh, nag-iyakan ang mga Israelita. 5 Kaya, tinawag nilang Boquim[f] ang lugar na iyon, at naghandog sila roon kay Yahweh.
Ang Pagkamatay ni Josue
6-10 Pinalakad(AH) na ni Josue ang mga Israelita at kanila ngang tinirhan ang mga lupaing nakatalaga para sa kanila. Si Josue ay namatay sa edad na 110 taon at inilibing siya sa Timnat-heres, isang lugar na sakop ng kanyang lupain sa kaburulan ng Efraim, sa gawing hilaga ng Bundok Gaas. Namatay rin ang buong salinlahing kasabayan ni Josue. Naglingkod nang tapat kay Yahweh ang mga Israelita habang nabubuhay si Josue at ang mga pinunong nakasaksi sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ni Yahweh para sa Israel. Subalit ang sumunod na salinlahi ay nakalimot kay Yahweh at sa lahat ng ginawa niya para sa Israel.
Tumigil ang Israel sa Paglilingkod kay Yahweh
11 Ang mga Israelita ay gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh at sumamba sila sa mga Baal. 12 Tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na nagligtas sa kanila sa Egipto. Naglingkod sila at sumamba sa mga diyus-diyosan ng mga bayan sa kanilang paligid. Kaya nagalit sa kanila si Yahweh. 13 Itinakwil nila si Yahweh at naglingkod sa mga Baal at kay Astarot. 14 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel at sila'y hinayaan niyang matalo ng kaaway at samsaman ng ari-arian. 15 Tuwing makikipagdigma sila, hindi na sila tinutulungan ni Yahweh tulad ng kanyang babala. Kaya't wala silang kapanatagan.
16 Dahil dito, ang Israel ay binigyan ni Yahweh ng mga hukom na siyang magliligtas sa kanila sa kamay ng mga mananakop. 17 Ngunit hindi rin nila sinunod ang mga hukom na ito. Tinalikuran ng mga Israelita si Yahweh. Ang katapatan ng kanilang mga ninuno kay Yahweh ay hindi nila pinamarisan. 18 Lahat naman ng hukom na isinugo ni Yahweh ay pinatnubayan niya at iniligtas niya ang Israel sa mga kaaway habang nabubuhay ang hukom. Kinaawaan sila ni Yahweh dahil sa kanilang mga daing bunga ng hirap na dinaranas nila. 19 Ngunit pagkamatay ng hukom, muli na namang sumasamba sa mga diyus-diyosan ang mga Israelita. Higit pa sa kasamaan ng kanilang mga ninuno ang kanilang ginagawa; hindi nila maiwan ang kanilang masasamang gawain at katigasan ng ulo. 20 Kaya, lalong nagalit si Yahweh sa kanila. Sinabi niya, “Sumira ang mga Israelita sa kasunduang ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Dahil sa pagsuway nila sa akin, 21 hindi ko na palalayasin ang natitira pang Cananeo sa lupaing iniwan sa kanila ni Josue nang siya'y namatay. 22 Sa pamamagitan ng mga bansang ito, masusubok ko kung ang Israel ay susunod sa aking mga utos, tulad ng kanilang mga ninuno.” 23 Kaya, hindi agad pinaalis ni Yahweh ang mga tao sa mga lupaing hindi nasakop ng mga Israelita noong buháy pa si Josue.
Itinira ang Ibang Bayan Upang Subukin ang Israel
3 Hinayaan ni Yahweh na manatili sa lupain ang ilang mga bansa upang subukin ang mga Israelitang hindi nakaranas makipagdigma sa Canaan. 2 Ginawa niya ito upang turuang makipagdigma ang lahat ng salinlahi ng Israel, lalo na ang mga walang karanasan sa digmaan. 3 Ang mga naiwan sa lupain ay ang limang lunsod ng mga Filisteo, lahat ng lunsod ng mga Cananeo, mga taga-Sidon at mga Hivita na nanirahan sa Bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal-hermon hanggang sa Pasong Hamat. 4 Ginamit sila ni Yahweh upang subukin kung susunod o hindi ang mga Israelita sa mga utos na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises. 5 Kaya nanirahan ang mga Israelita sa lupaing iyon kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. 6 Pinayagan nila ang kanilang mga anak na mag-asawa ng mga tagaroon at makisama sa paglilingkod sa mga diyus-diyosan.
Si Otniel
7 Ang mga Israelita ay muling gumawa ng kasamaan laban sa Diyos. Tinalikuran nila si Yahweh na kanilang Diyos at sumamba sila sa mga Baal at sa mga Ashera. 8 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa kanila at pinabayaang masakop ni Haring Cushanrishataim ng Mesopotamia. Walong taon silang inalipin ng haring ito. 9 Subalit nang humingi sila ng tulong kay Yahweh, ginawa niyang hukom si Otniel, anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb, upang ito ang magligtas sa kanila sa pagkaalipin. 10 Nilukuban siya ng Espiritu[g] ni Yahweh, at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel. Nakipagdigma siya laban kay Cushanrishataim na hari ng Mesopotamia. Sa tulong ni Yahweh, natalo ito ni Otniel. 11 Nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon hanggang sa mamatay si Otniel na anak ni Kenaz.
Si Ehud
12 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh. Dahil dito, si Eglon na hari ng Moab ay pinalakas ni Yahweh nang higit kaysa sa Israel. 13 Nakipagsabwatan si Eglon sa mga Ammonita at mga Amalekita. Natalo nila ang Israel at nasakop ang Lunsod ng Palma. 14 Labingwalong taóng sakop ni Eglon ang mga Israelita.
15 Subalit nang muling humingi ng tulong kay Yahweh ang mga Israelita, ginawa niyang hukom si Ehud na isang kaliwete, anak ni Gera buhat sa lipi ni Benjamin, upang sila'y iligtas. Siya ang pinagdala ng mga Israelita ng kanilang buwis kay Haring Eglon, kaya't 16 si Ehud ay gumawa ng isang tabak na magkabila'y talim at isa't kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanan niyang hita, sa loob ng kanyang damit. 17 At dinala nga ni Ehud ang mga buwis ng Israel kay Haring Eglon na isang napakatabang lalaki. 18 Nang maibigay na ni Ehud ang mga buwis, pinauwi na niya ang mga nagbuhat nito. 19 Ngunit pagdating sa may mga inukit na bato malapit sa Gilgal, nagbalik si Ehud sa hari at sinabi niya rito, “Kamahalan, mayroon po akong lihim na mensahe para sa inyo.”
Dahil dito, sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Iwan ninyo kami.” At umalis ang lahat sa harapan ng hari.
20 Lumapit si Ehud sa kinauupuan ng hari sa malamig na silid-pahingahan na nasa tuktok ng palasyo, at muling sinabi, “May ipinapasabi po sa akin ang Diyos para sa inyo.” At nang tumayo ang hari, 21 binunot ng kaliwang kamay ni Ehud ang kanyang tabak na nakatago sa kanyang kanang hita at itinarak sa tiyan ng hari. 22 Bumaon pati ang hawakan ng tabak at ito ay natakpan ng taba. Hindi na binunot ni Ehud ang patalim dahil tumagos ito hanggang sa likuran ng hari. 23 Paglabas ni Ehud, isinara niya ang pinto 24 at tuluy-tuloy na umalis. Nang magbalik ang mga lingkod ng hari, nakita nilang sarado ang pinto kaya inisip nilang nagbabawas ang hari. 25 Hindi nila binuksan ang pinto at naghintay na lamang sila sa labas. Inabot na sila ng pagkainip ngunit hindi pa lumalabas ang hari. Kaya, binuksan na nila ang silid nito. At nakita nilang patay na ang hari at nakahandusay sa sahig.
26 Samantala, malayo na ang narating ni Ehud habang naghihintay ang mga lingkod ng hari. Nakalampas na siya sa mga inukit na bato at tumakas papuntang Seira. 27 Pagdating sa kaburulan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta at nagsidatingan ang mga Israelita. At mula roon, pinangunahan niya sa pakikidigma ang mga ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.