Bible in 90 Days
38 Gumawa(A) rin siya ng sampung hugasang tanso, tig-isa ang bawat patungan. Dalawang metro ang luwang ng labi, at naglalaman ang bawat isa ng 880 litrong tubig. 39 Inilagay niya ang lima sa gawing kaliwa at ang lima'y sa gawing kanan ng Templo. Samantala, ang tangkeng tanso ay nasa gawing kanan ng Templo, sa sulok na timog-silangan.
40 Gumawa rin si Hiram ng mga kaldero, mga pala at mga mangkok. Natapos nga niyang lahat ang mga ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon: 41 ang dalawang haliging tanso, ang mga kapitel nito at mga kadenang nakapalamuti sa kapitel; 42 ang 400 hugis granada na nakapaligid nang dalawang hanay sa puno ng kapitel; 43 ang sampung hugasan at ang kani-kanilang mga patungan; 44 ang tangkeng tanso at ang labindalawang toro na kinapapatungan niyon; 45 ang mga kaldero, pala at mangkok.
Ang lahat ng nasabing kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon kay Hiram ay purong tanso. 46 Ipinahulma niya ang lahat ng iyon sa kapatagan ng Jordan sa isang pagawaang nasa pagitan ng Sucot at Zaretan. 47 Hindi na ipinatimbang ni Solomon ang mga kasangkapang tanso sapagkat napakarami ng mga iyon.
48 Nagpagawa(B) rin si Solomon ng mga kagamitang ginto na nasa Templo ni Yahweh: ang altar na sunugan ng insenso, ang mesang patungan ng tinapay na handog; 49 ang(C) mga patungan ng ilawan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, lima sa kanan at lima sa kaliwa; ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at pang-ipit ng mitsa; 50 ang mga tasang lalagyan ng langis, ang mga pamutol ng mitsa, ang mga mangkok, ang mga sisidlan ng insenso at lalagyan ng apoy; at ang mga paikutan ng mga pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at gayundin ng mga pinto ng Dakong Banal.
51 Natapos(D) ngang lahat ang mga ipinagawa ni Solomon para sa Templo ni Yahweh. Tinipon din niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitang inihandog ng kanyang amang si David, at itinago sa lalagyan ng kayamanan ng Templo.
Dinala sa Templo ang Kaban ng Tipan(E)
8 Ang(F) pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng mga lipi at ng mga angkan ng Israel ay ipinatawag ni Solomon sa Jerusalem upang kunin ang Kaban ng Tipan sa Zion, ang lunsod ni David. 2 Kaya(G) nagpunta kay Solomon ang mga pinuno ng Israel noong kapistahan ng ikapitong buwan ng taon. 3 Nang naroon na ang lahat, binuhat ng mga pari ang Kaban ng Tipan. 4 Tinulungan sila ng mga Levita sa pagdadala ng Kaban ng Tipan, ng Tolda, at ng mga kagamitang naroroon. 5 Hindi mabilang ang mga baka at tupang inihandog ni Haring Solomon at ng buong Israel sa harap ng Kaban ng Tipan. 6 Pagkatapos, ipinasok ng mga pari ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan, at inilagay sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. 7 Nakabuka ang pakpak ng mga kerubin, kaya't nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. 8 Lampas sa Kaban ang mga dulo ng pasanan, kaya't kitang-kita sa Dakong Banal, sa harap ng Dakong Kabanal-banalan; ngunit hindi nakikita sa labas. Naroon pa ang mga pasanan hanggang sa panahong ito. 9 Walang(H) ibang laman ang Kaban kundi ang dalawang tapyas ng batong inilagay roon ni Moises noong sila'y nasa Sinai.[a] Ito ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa bayang Israel noong umalis sila sa lupain ng Egipto.
Ang Templo'y Napuno ng Kaluwalhatian ni Yahweh
10 Pagkalabas(I) ng mga pari, ang Templo'y napuno ng ulap; 11 kaya't hindi sila makapagpatuloy ng gawain sa loob. Ang Templo'y napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh.
12 Kaya't(J) sinabi ni Solomon:
“O Yahweh, kayo ang naglagay ng araw sa langit,
ngunit minabuti ninyong manirahan sa makapal na ulap.
13 Ipinagtayo ko kayo ng isang kahanga-hangang Templo,
isang bahay na titirhan ninyo habang panahon.”
Nagpuri si Solomon kay Yahweh(K)
14 Pagkatapos, humarap si Solomon sa buong bayan at sila'y binasbasan. 15 Wika niya, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako kay David na aking ama. Sinabi niya noon, 16 ‘Mula(L) pa nang ilabas ko sa Egipto ang aking bayang Israel hanggang ngayon, hindi ako pumili ng alinmang lunsod sa labindalawang lipi upang ipagtayo ako ng Templo na kung saa'y sasambahin ang aking pangalan. Ngunit pinili ko si David upang mamuno sa aking bayan.’
17 “Binalak(M) ng aking ama na ipagtayo ng Templo si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 18 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Maganda ang balak mong magtayo ng Templo para sa akin, 19 subalit(N) hindi ikaw ang magtatayo niyon. Ang iyong magiging anak ang siyang magtatayo ng Templo para sa ikararangal ng aking pangalan.’
20 “Natupad ngayon ang pangako ni Yahweh. Humalili ako sa aking amang si David at naupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako niya. Naitayo ko na ang Templo para sa ikararangal ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 21 Naglaan ako roon ng lugar para sa Kaban na kinalalagyan ng Tipan na ibinigay ni Yahweh sa ating mga ninuno nang sila'y ilabas niya sa Egipto.”
Ang Panalangin ni Solomon(O)
22 Pagkatapos nito, sa harapan pa rin ng buong bayan, tumayo si Solomon sa harap ng altar. Itinaas niya ang mga kamay, 23 at nanalangin ng ganito:
“Yahweh, Diyos ng Israel, sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos na tulad ninyo. Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; wagas ang pag-ibig na ipinadarama ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo. 24 Tinupad ninyo ang inyong pangako sa aking amang si David; ang ipinangako ninyo noon ay tinupad ninyo ngayon. 25 Kaya(P) nga Yahweh, ipagpatuloy ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na sa habang panahon ay magmumula sa kanyang angkan ang maghahari sa Israel, kung sila'y mananatiling tapat sa inyo gaya ng ginawa niya. 26 Pagtibayin ninyo, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong alipin.
27 “Maaari(Q) bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na templo na aking itinayo! 28 Gayunman, pakinggan ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Yahweh, aking Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin. 29 Huwag(R) ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang kayo ang maysabi na ang pangalan ninyo'y mamamalagi rito. Sa gayon maririnig ninyo ang bawat dalangin ng inyong alipin tuwing mananalangin sa lugar na ito.
30 “Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayang Israel tuwing kami'y mananalanging paharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami buhat sa inyong tahanan sa langit at patawarin ninyo kami!
31 “Kapag nagkasala sa kanyang kapwa ang isang tao, at siya'y pinanumpa sa harap ng inyong altar sa Templong ito, 32 pakinggan ninyo sila buhat sa langit at kayo ang humatol sa kanila. Parusahan ninyo ang nagkasala at pagpalain ninyo ang walang kasalanan.
33 “Kapag natalo ng kanilang mga kaaway ang bayan ninyong Israel dahil sa pagtalikod nila sa inyo, sa sandaling magbalik-loob sila sa inyo, kumilala sa inyong kapangyarihan, nanalangin at nanawagan sa inyo sa Templong ito, 34 pakinggan ninyo sila at patawarin. Ibalik ninyo sila sa lupaing ibinigay ninyo sa kanilang mga ninuno.
35 “Kapag ang langit ay nagkait ng ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang bayang Israel, kung sila'y manalangin sa Templong ito at magpuri sa inyong pangalan, kapag sila'y nagsisi sa kanilang kasalanan sa pagkakilalang iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa, 36 pakinggan ninyo sila, Yahweh. Patawarin ninyo ang inyong mga alipin, ang bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang lakaran. Ibuhos na ninyo ang ulan sa lupaing ibinigay ninyo sa inyong bayan.
37 “Kung lumaganap sa lupain ang gutom at salot, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng uod at balang, kapag ang alinman sa kanilang lunsod ay kinubkob ng kaaway, 38 pakinggan ninyo ang kanilang dalangin. Sa sandaling sila'y magsisi at iunat ang kanilang mga kamay paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa inyo, 39 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan at sila'y patawarin. Ibigay ninyo sa kanila ang nararapat sa kanilang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam kung ano ang nasa puso ng mga tao. 40 Sa gayon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno.
41-42 “Kung ang isang dayuhan na mula pa sa malayong lugar na nakarinig ng kadakilaan ng inyong pangalan at mga kabutihang ginawa ninyo para sa inyong bayang Israel ay nanirahan sa bayang ito at nagsadya sa Templong ito upang manalangin, 43 pakinggan ninyo siya buhat sa langit na inyong tahanan, at ipagkaloob ang kanyang hinihiling. Sa gayon, makikilala ng lahat ng tao sa buong mundo ang inyong pangalan at sila'y sasamba sa inyo, tulad ng Israel. Malalaman nilang dito sa Templong ito na aking itinayo, ang inyong pangalan ay dapat sambahin.
44 “Kapag inutusan ninyo ang inyong bayan na makipagdigma sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong kalooban, kapag sila'y humarap sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko para sa inyong karangalan, 45 pakinggan ninyo sila at papagtagumpayin ninyo sila.
46 “Yahweh, ang lahat po ay nagkasala. Kung ang bayang ito'y magkasala sa inyo at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang mabihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit man, 47 kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggapin nilang sila nga'y naging masama at nagkasala sa inyo, 48 sa sandaling sila'y magsisi at magbalik-loob sa inyo, at mula doo'y humarap sila sa lupaing kaloob sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko sa inyong pangalan, 49 pakinggan ninyo sila mula sa tahanan ninyo sa langit at ipaglaban po ninyo sila. 50 Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo. Loobin ninyong kahabagan sila ng mga kaaway na bumihag sa kanila, 51 sapagkat ito ang bayang inyong pinili at inilabas mula sa Egipto, ang lupaing tulad sa nagliliyab na hurno.
52 “Lagi ninyong lingapin ang bayang Israel; lagi ninyong pakinggan ang kanilang panawagan. 53 Kayo at wala nang iba pa ang pumili sa kanila mula sa lahat ng mga bansa sa buong mundo, upang sila'y maging inyo. Ito, Panginoong Yahweh, ang sinabi ninyo sa pamamagitan ni Moises nang hanguin ninyo sa Egipto ang aming mga ninuno.”
Pagbabasbas sa Bayan
54 Nakaluhod si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at nakataas ang mga kamay samantalang nananalangin. Nang matapos ang kanyang pananawagan kay Yahweh, 55 tumayo siya at sa malakas na tinig ay binasbasan ang buong Israel na nagkakatipon doon. 56 “Purihin(S) si Yahweh! Tinupad niyang lahat ang kanyang mga pangako, at binigyan ng kapayapaan ang bayan niyang Israel. Sa lahat niyang mga pangako kay Moises, wala isa mang nasira. 57 Sumaatin nawang lagi si Yahweh, ang ating Diyos, gaya ng ginawa niya sa ating mga ninuno. Huwag nawa niya tayong pabayaan o itakwil kailanman. 58 Tulungan nawa niya tayong maging tapat sa kanya, upang mamuhay ayon sa kanyang kalooban, at sundin ang kanyang mga batas, tuntunin at hatol, gaya ng ipinag-utos niya sa ating mga ninuno. 59 Manatili nawa araw-gabi sa harapan ni Yahweh itong aking panalangin upang sa bawat araw ay pagkalooban niya ng katarungan ang kanyang alipin, at ang kanyang bayang Israel ayon sa hinihingi ng pagkakataon. 60 Sa gayon, malalaman ng lahat ng tao sa balat ng lupa na si Yahweh ay Diyos, at liban sa kanya'y wala nang iba. 61 Manatili nga kayong tapat kay Yahweh, na ating Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos, tulad ng ginagawa ninyo ngayon.”
Mga Handog sa Araw ng Pagtatalaga ng Templo(T)
62 Sa pagtitipong ito nag-alay si Solomon at ang buong Israel ng napakaraming handog. 63 Nagpatay sila ng 22,000 baka at 120,000 tupa bilang handog na pinagsasaluhan. Sa gayong paraan ginawa ni Solomon at ng buong Israel ang pagtatalaga ng Templo ni Yahweh. 64 Nang araw ding iyon, itinalaga ni Solomon ang bulwagan sa harap ng Templo. Doon niya inihain ang handog na susunugin, ang mga handog na pagkaing butil, at ang mga taba ng handog na pinagsasaluhan sapagkat ang altar na tanso sa harapan ng Templo ay napakaliit para sa ganoon karaming handog.
65 Kaya nga't nang taóng iyon, natipon sa Jerusalem ang buong Israel mula sa Pasong Hamat hanggang sa Batis ng Egipto. Sa pamumuno ni Solomon, ipinagdiwang nila ang Pista ng mga Tolda sa loob ng pitong araw.[b] 66 Sa ikawalong araw, pinauwi na ni Solomon ang mga mamamayan. Masaya silang umuwi at binasbasan ang hari dahil sa mga pagpapalang ipinagkaloob ni Yahweh kay David na kanyang lingkod, at sa kanyang bayang Israel.
Muling Nagpakita kay Solomon si Yahweh(U)
9 Nang maipagawa na ni Solomon ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at ang lahat ng binalak niyang ipatayo, 2 nagpakita(V) muli sa kanya si Yahweh, tulad ng nangyari sa Gibeon. 3 Sinabi sa kanya, “Ibinigay ko ang lahat ng hiniling mo sa iyong panalangin. Itinatakda kong sa Templong ito na inyong ipinatayo, dito mo ako sasambahin magpakailanman. Babantayan ko at iingatan ang Templong ito habang panahon. 4 Kung ikaw naman ay mananatiling tapat sa akin, gaya ng iyong amang si David, kung gagawin mong lahat ang mga ipinagagawa ko sa iyo, at susundin mo ang aking mga utos at tuntunin, 5 pananatilihin(W) ko sa trono ng Israel ang iyong angkan. Iyan ang aking ipinangako sa iyong amang si David. 6 Ngunit kung ikaw, o ang iyong mga anak, ay tatalikod sa akin at hindi susunod sa aking mga kautusan at batas; kapag kayo'y sumamba at naglingkod sa ibang diyos, 7 palalayasin ko ang bayang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila. Itatakwil ko ang Templong ito na aking itinuring na banal at itinakdang lugar na kung saan ako ay sasambahin. Ang Israel ay pagtatawanan at hahamakin ng lahat ng bansa. 8 Magigiba(X) ang Templong ito, at sinumang mapadaan dito'y mangingilabot at magtataka. Sasabihin nila, ‘Bakit ginawa ito ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’ 9 At ganito ang isasagot ng mga tao: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang kanilang Diyos na nagligtas sa kanilang mga ninuno mula sa pagkaalipin sa Egipto. Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga diyos kaya pinabayaan sila ni Yahweh na mapahamak.’”
Iba pang mga Ipinagawa ni Solomon(Y)
10 Dalawampung taon ang nagugol ni Solomon sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo. 11 Si Hiram, hari ng Tiro, ang nagpadala ng mga kahoy na sedar at sipres at ginto na ginamit para doon. Dahil dito, siya'y binigyan ni Solomon ng dalawampung lunsod sa lupain ng Galilea bilang kapalit. 12 Ngunit nang dumating si Hiram mula sa Tiro upang tingnan ang mga lunsod na bigay sa kanya ni Solomon, hindi siya lubos na nasiyahan. 13 Kaya nasabi niya, “Kapatid, bakit naman ganito ang mga lunsod na ibinigay mo sa akin?” Kaya't tinawag na Lupa ng Cabul[c] ang mga lunsod na iyon hanggang ngayon. 14 Nagpadala si Hiram kay Solomon ng 4,200 kilong ginto.
15 Gumamit si Haring Solomon ng sapilitang pagtatrabaho upang maipatayo ang Templo ni Yahweh at ang kanyang palasyo, at upang patatagin ang Millo at ang mga pader ng Jerusalem, Hazor, Megido at Gezer. 16 Ang Gezer ay dating lunsod ng mga Cananeo na sinalakay at sinakop ng Faraon, hari ng Egipto. Sinunog niya ito at pinatay ang mga tagaroon. Pagkatapos, ibinigay ng Faraon ang lunsod na ito kay Solomon bilang dote ng kanyang anak na naging reyna ni Solomon. 17 Ngunit ito'y muling ipinatayo ni Solomon. Ipinagawa rin niya ang Beth-horon sa Timog, 18 ang Baalat, ang Tadmor sa ilang 19 at ang mga lunsod at bayang himpilan ng kanyang mga kabayo at karwahe. Ipinagpatuloy niya ang lahat niyang binalak ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng lupaing kanyang sakop. 20 Sapilitang pinapagtrabaho ni Solomon ang mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo na nakatira pa sa lupain. 21 Ito ang mga anak at apo ng mga nakaligtas nang iutos ni Yahweh sa mga Israelita na lipulin ang lahat ng lahi na daratnan nila sa lupain ng Canaan. 22 Hindi niya isinama sa sapilitang paggawa ang mga Israelita. Sa halip ang mga ito'y ginawa niyang mandirigma, mga kawal at pinuno ng hukbo, ng kanyang kabayuhan, at ng kanyang mga karwahe.
23 Ang bilang ng mga tagapangasiwa ni Solomon na pinamahala niya sa mga manggagawa ay 550 katao.
24 Nang mayari na ang palasyong ipinagawa niya para sa reyna na anak ng Faraon, pinalipat niya ito mula sa Lunsod ni David. Pagkatapos, ipinagawa niya ang Millo.
25 Taun-taon,(Z) tatlong beses na naghahandog si Solomon sa altar na itinayo niya para kay Yahweh. Nag-aalay siya ng mga handog na susunugin at mga handog na pinagsasaluhan, at nagsusunog din siya ng insenso para kay Yahweh. At natapos niya ang pagtatayo ng Templo.
26 Nagpagawa rin si Solomon ng maraming barko sa Ezion-geber. Ang lunsod na ito ay nasa baybayin ng Dagat na Pula,[d] sa lupain ng Edom, malapit sa Elat. 27 Upang tulungan ang mga tauhan ni Solomon, pinadalhan siya ni Hiram ng sarili niyang mga tauhan na parang mga sanay na mandaragat. 28 Pumunta sila sa Ofir, at pagbalik ay nag-uwi sila ng 14,700 kilong ginto at dinala nila kay Solomon.
Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(AA)
10 Nabalitaan(AB) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon.[e] Kaya't nagsadya siya upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. 2 Dumating siya sa Jerusalem na may kasamang maraming alalay at may dalang maraming kayamanan: mga kamelyo na may kargang iba't ibang uri ng pabango, napakaraming ginto at batong hiyas. At nang makaharap na siya ni Solomon, sinabi niya ang kanyang pakay. 3 Sinagot naman ni Solomon ang lahat ng kanyang tanong at wala ni isa mang hindi nito naipaliwanag. 4 Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito. 5 Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga opisyal at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuotan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita.
6 Kaya't sinabi niya sa hari, “Totoo nga palang lahat ang narinig ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. 7 Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong nakita ko na ang lahat, napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa ibinalita nila. 8 Napakapalad ng inyong mga asawa. Mapalad ang inyong mga tauhan sapagkat lagi nilang naririnig ang inyong karunungan! 9 Purihin si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagpala sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamahala dito at magpairal ng katarungan.”
10 At ang hari'y binigyan niya ng halos 4,200 kilong ginto, at napakaraming pabango at batong hiyas. Kailanma'y hindi natumbasan sa dami ang pabangong iyon na bigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
11 Bukod dito, ang mga barko ni Hiram na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mga batong hiyas at napakaraming kahoy na algum. 12 Ito ang kahoy na ginamit sa mga upuan sa Templo at sa palasyo ng hari at sa mga lira at alpa ng mga manunugtog. Wala na muling dumating o nakita pang kahoy na tulad nito mula noon hanggang ngayon.
13 Ibinigay naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang bawat magustuhan nito, ang lahat niyang hinihingi, bukod pa sa kanyang kusang ipinagkaloob sa reyna. Pagkatapos nito'y umuwi na ang reyna pati ang kanyang mga alalay sa lupain ng Seba.
Ang mga Kayamanan ni Solomon(AC)
14 Ang gintong dumarating kay Solomon taun-taon ay umaabot sa 23,310 kilo. 15 Hindi pa kabilang dito ang buwis na galing sa mga mangangalakal, ang tubo sa pangangalakal mula sa labas ng bansa, at ang buwis[f] na galing sa mga hari ng Arabia at sa mga gobernador ng mga lalawigan.
16 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na balot ng ginto. Umabot sa labinlimang librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. 17 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot ding ginto. Halos apat na librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. Ipinalagay ng hari ang mga nasabing kalasag sa palasyo, sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon.
18 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong yari sa garing ng elepante na may mga balot ding gintong lantay. 19 Anim na baytang ang paakyat sa trono. May ulo ng bisirong baka ang ulunan ng trono, at may patungan ng bisig sa dalawang tagiliran. May dalawang leon na nakatayo sa tabi nito, 20 at labindalawa naman sa magkabilang dulo ng mga baytang. Kailanma'y wala pang ginawang trono na tulad nito sa alinmang kaharian.
21 Gintong lahat ang mga inuman ng Haring Solomon, at gayundin ang mga kasangkapan sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon. Walang kagamitang pilak dahil hindi pa ito pinahahalagahan noong panahon ni Solomon. 22 May mga malalaking barko siya sa karagatan, kasama ng mga barko ni Hiram, at tuwing ikatlong taon ay dumarating ang mga barkong ito na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy at pabo real.
23 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 24 Dinadayo siya ng mga tao mula sa lahat ng panig ng daigdig upang marinig ang karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 25 At ang bawat isa'y may dalang regalo sa kanya: mga sisidlang ginto at pilak, mga damit at mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mola. At nagpatuloy ito sa loob ng maraming taon.
Mga Sasakyan ni Solomon
26 Nagtatag(AD) si Haring Solomon ng isang malaking hukbo na binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. 27 Sa(AE) Jerusalem, ang pilak ay naging parang bato sa dami, at ang sedar ay naging kasindami ng sikamoro sa kapatagan. 28 Galing(AF) pa sa Musri at Cilicia ang mga kabayo ni Solomon. May mga mangangalakal siyang tagapamili doon sa tiyak na halaga. 29 Bumibili din sila ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak bawat isa at sa 150 piraso naman ang bawat kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili ng mga mangangalakal ni Solomon sa mga haring Heteo at Arameo.
Tumalikod si Solomon sa Diyos
11 Umibig(AG) si Solomon sa maraming dayuhang babae. Bukod pa sa anak ni Faraon, nag-asawa siya ng mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonio at Heteo. 2 Ipinagbabawal(AH) ni Yahweh sa mga Israelita ang mag-asawa sa mga banyagang ito. “Huwag kayong mag-aasawa sa mga lahing iyan sapagkat tiyak na ililigaw nila kayo at hihikayating sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan,” sabi ni Yahweh. Ngunit nahulog ang loob ni Solomon sa mga babaing ito. 3 Ang mga asawa niyang mula sa lipi ng mga hari ay pitong daan, at ang kanya namang mga asawang-lingkod ay tatlong daan. 4 Nang matanda na si Solomon, nahikayat siya ng mga ito na sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Hindi siya nanatiling tapat kay Yahweh; hindi niya sinundan ang halimbawa ni David na kanyang ama. 5 Sumamba si Solomon kay Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio at kay Milcom, ang karumal-dumal na diyos ng mga Ammonita. 6 Gumawa nga ng kasamaan si Solomon laban kay Yahweh, at hindi niya sinundan ang halimbawa ng kanyang amang si David, na buong katapatang naglingkod kay Yahweh. 7 Sa burol na nasa silangan ng Jerusalem ay nagtayo si Solomon ng sambahan para kay Cemos, ang karumal-dumal na diyos ng Moab, at para kay Molec, ang kasuklam-suklam na diyos ng mga Ammonita. 8 Ipinagpagawa niya ng kanya-kanyang mga altar ang mga diyus-diyosan ng lahat niyang mga asawang dayuhan, at ang mga ito'y nagsunog doon ng insenso at naghain ng mga handog.
9 Nagalit si Yahweh kay Solomon dahil sa ginawa niyang ito. Dalawang beses na nagpakita sa kanya si Yahweh 10 at pinagbawalan siyang maglingkod sa mga diyus-diyosan. Ngunit hindi niya sinunod si Yahweh. 11 Kaya nga't sinabi nito sa kanya, “Dahil sumira ka sa ating kasunduan at sinuway mo ang aking mga utos, aalisin ko sa iyo ang kaharian at ibibigay ko sa isang lingkod mo. 12 Ngunit alang-alang kay David na iyong ama, hindi ko gagawin ito sa panahon ng paghahari mo, kundi sa panahon ng paghahari ng iyong anak. 13 Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanya alang-alang kay David na aking lingkod, at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili.”
Ang mga Kaaway ni Solomon
14 Ipinahintulot ni Yahweh na magkaroon ng kaaway si Solomon: ang Edomitang si Hadad, buhat sa lipi ng mga hari ng Edom. 15 Nang masakop ni David ang Edom, pumunta roon si Joab, ang pinuno ng kanyang hukbo, upang ipalibing ang mga nasawi sa labanan. 16 Anim na buwan siyang nanatili sa Edom, kasama ang buong hukbo ng Israel, at hindi sila umalis hangga't hindi nila napapatay lahat ang mga lalaki roon. 17 Subalit si Hadad na bata pa noon ay nakatakas patungo sa Egipto sa tulong ng ilang Edomitang tauhan ng kanyang ama. 18 Buhat sa Midian nagtungo sila sa Paran, at doo'y nakakuha sila ng ilan pang mga lalaki na isinama nila sa Egipto. Tinanggap siya ng Faraon, ang hari ng Egipto, binigyan ng bahay, lupa at lahat ng kailangan. 19 Napamahal si Hadad sa Faraon, at napangasawa niya ang hipag nito, ang kapatid na babae ni Reyna Tafnes. 20 Nagkaanak sila ng isang lalaki na tinawag nilang Genubat. Nang ito'y maaaring ihiwalay sa ina, ito'y kinuha ng reyna at pinalaki sa palasyo, kasama ng mga anak ng Faraon.
21 Nang mabalitaan ni Hadad na patay na si David at pati na rin si Joab, ang pinuno ng hukbo ng Israel, nagpaalam siya sa Faraon. “Ipahintulot po ninyong umuwi ako sa aming bayan,” wika niya.
22 “Kinukulang ka pa ba rito ng anuman at gusto mo nang umuwi sa inyo?” tanong ng Faraon.
“Hindi po naman,” sagot ni Hadad. “Ngunit ipahintulot po ninyong makauwi muna ako sa amin.”
23 May isa pang kaaway na ginamit si Yahweh laban kay Solomon: si Rezon na anak ni Eliada. Tumakas siya sa kanyang amo, si Hadadezer na hari ng Zoba. 24 Nagtipon siya ng mga tauhan at naging pinuno ng isang pangkat ng mga tulisan. Nangyari ito nang talunin ni David si Hadadezer at pinatay ang mga kakampi nitong taga-Siria. Si Rezon at ang pangkat niya ay nanirahan sa Damasco at doo'y ginawa siyang hari ng Siria ng kanyang mga tauhan. 25 Naging kaaway siya ng Israel sa buong panahon ng paghahari ni Solomon.
Ang Pag-aaklas ni Jeroboam
26 Isa pa sa mga lumaban kay Solomon ay isa ring tauhan niya, si Jeroboam na anak ng Efrateong si Nebat na taga-Sereda. Ang ina niya'y si Serua na isang biyuda. 27 Ito ang kasaysayan ng kanyang paghihimagsik laban sa hari. Ipinagagawa ni Solomon ang muog ng Millo at pinatatakpan ang mga butas sa pader ng Lunsod ng Jerusalem. 28 Si Jeroboam ay isang lalaking may kakayahan kaya't nang makita ito ni Solomon, inilagay itong tagapamahala ng lahat ng gawaing bayan sa lupain ng angkan ni Jose. 29 Isang araw, lumabas ng Jerusalem si Jeroboam at nasalubong niya si Ahias, ang propetang taga-Shilo. Ito'y nag-iisa, at bago ang dalang balabal. 30 Walang anu-ano'y inalis ni Ahias ang kanyang balabal at pinagpunit-punit sa labindalawang piraso. 31 Sabi niya kay Jeroboam, “Kunin mo ang sampung piraso sapagkat ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Hahatiin ko ang kaharian ni Solomon at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi. 32 Matitira sa kanya ang isang lipi, alang-alang kay David na aking lingkod at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili mula sa lahat ng lipi ng Israel. 33 Ginawa ko ito sapagkat tinalikuran niya ako at naglingkod siya kay Astarte, ang diyos ng mga Sidonio, kay Cemos, ang diyos ng Edom at kay Molec, ang diyos ng mga Ammonita. Hindi siya namuhay nang ayon sa kalooban ko. Hindi niya ginawa ang gusto ko, at hindi niya sinunod ang aking mga utos at tuntunin. Hindi nga niya sinundan ang halimbawa ni David. 34 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang kaharian habang siya'y nabubuhay. Pananatilihin ko siyang hari alang-alang kay David, ang aking lingkod na tumupad ng aking mga utos. 35 Ngunit kukunin ko ang malaking bahagi ng kaharian mula sa kanyang anak, at ang sampung lipi ay ibibigay ko sa iyo. 36 Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanyang anak. Sa gayon, ang lingkod kong si David ay laging magkakaroon ng isang apo na maghahari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ko upang doo'y sambahin ako. 37 Ikaw nga ang maghahari sa Israel at ilalagay ko sa ilalim ng iyong pamamahala ang lahat ng lupang magugustuhan mo. 38 Kung susundin mo ang lahat ng aking mga utos, kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban; kung ang iyong mga gawa'y magiging kalugud-lugod sa aking paningin at susundin mo ang aking mga batas at tuntunin, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod, ako'y sasaiyo. Pananatilihin ko ang iyong angkan tulad ng ginawa ko kay David. Ibibigay ko sa iyo ang Israel, 39 at paparusahan ko ang mga anak at apo ni David, ayon sa nararapat sa kanila. Gayunman, ito'y hindi panghabang panahon.’”
40 Dahil dito, sinikap ni Solomon na ipapatay si Jeroboam. Ngunit ito'y nakatakas at nagpunta kay Shishak, hari ng Egipto. Nanatili siya hanggang sa pagkamatay ni Solomon.
Wakas ng Paghahari ni Solomon(AI)
41 Ang iba pang kasaysayan ni Solomon, ang kanyang mga ginawa at mga karunungan ay pawang nakasulat sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon. 42 Naghari siya sa buong Israel sa loob ng apatnapung taon. 43 Nang siya'y mamatay, inilibing ang kanyang bangkay sa Lunsod ni David na kanyang ama. Humalili sa kanya ang anak niyang si Rehoboam.
Naghimagsik ang mga Lipi sa Hilaga(AJ)
12 Pumunta sa Shekem si Rehoboam sapagkat nagtipun-tipon doon ang lahat ng mga taga-Israel upang siya'y gawing hari. 2 Nasa Egipto pa noon si Jeroboam na anak ni Nebat. Nagtago siya roon noong pinaghahanap siya ni Solomon. Nang mabalitaan ni Jeroboam ang mga pangyayari, umuwi[g] siya mula sa Egipto. 3 Siya'y kanilang ipinasundo mula roon. Humarap nga kay Rehoboam si Jeroboam at ang buong Israel at sinabi sa kanya, 4 “Napakabigat po ng mga pasaning iniatang sa amin ng inyong ama. Bawasan po ninyo ang pahirap na ginawa niya sa amin; pagaanin ninyo ang pasanin na aming dinadala at paglilingkuran namin kayo.”
5 Sumagot si Rehoboam, “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang mapag-aralan ang bagay na ito, at pagkatapos bumalik kayo.” Kaya umalis muna ang mga tao.
6 Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod kay Solomon nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya sa kanila kung ano ang dapat niyang gawin. 7 At ganito ang sabi sa kanya ng matatanda: “Kapag pinagbigyan ninyo ang kanilang kahilingan at ipinakita ninyong handa kayong maglingkod sa kanila, kapag sila'y inyong pinakitunguhang mabuti, maglilingkod sila sa inyo habang panahon.”
8 Ngunit binaliwala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, nagtanong siya sa mga kababata niya na ngayo'y naglilingkod sa kanya, 9 “Ano ang dapat kong isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ko ang pasaning ipinataw sa kanila ng aking ama?”
10 Ganito naman ang payo nila: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina; 11 at daragdagan mo pa ang pahirap na kanyang ipinapasan sa kanila; at kung sila'y hinagupit niya ng latigo, hahagupitin mo naman sila ng mga panghampas na may tinik na bakal.”
12 Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao, ayon sa iniutos sa kanila ng hari. 13 Salungat sa payo ng matatanda, magaspang ang sagot na ibinigay ni Rehoboam sa mga tao. 14 Ang sinunod niya'y ang payo ng kabataan, kaya't sinabi niya, “Kung mabigat ang dalahing ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan! Kung hinagupit niya kayo ng latigo, panghampas na may tinik na bakal ang ihahagupit ko sa inyo!” 15 Hindi nga pinakinggan ng hari ang karaingan ng bayan. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng propeta ni Yahweh na si Ahias kay Jeroboam na anak ni Nebat nang sila'y magkita sa Shilo.
16 Nang(AK) makita ng mga taong-bayan na ayaw silang pakinggan ng hari ay sinabi nila, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Pabayaan na natin ang sambahayan ni David!”
Umuwi na nga sa kani-kanilang tahanan ang sampung lipi ng Israel. 17 Ang mga naninirahan lamang sa mga lunsod ng Juda ang nanatiling sakop ni Rehoboam.
18 Pagkatapos, pinapunta niya sa sampung lipi si Adoniram,[h] ang tagapangasiwa ng sapilitang pagtatrabaho, ngunit ito ay pinagbabato nila hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas patungo sa Jerusalem. 19 Magmula noon, patuloy na naghimagsik ang sampung lipi ng Israel sa paghahari ng angkan ni David.
Paghiwalay sa Pamahalaan(AL)
20 Nang marinig ng pinuno ng Israel na bumalik na si Jeroboam, siya'y ipinatawag nila sa kapulungan ng bayan at ginawang hari ng sampung lipi ng Israel. Ang lipi lamang ni Juda ang nanatili sa angkan ni David.
21 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ni Juda at ni Benjamin. Nakatipon siya ng 180,000 mga sanay na mandirigma upang digmain ang sampung lipi ni Israel at bawiin ang kanyang kaharian. 22 Subalit sinabi ni Yahweh kay Semaias na kanyang lingkod, 23 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng mga lipi ng Juda at Benjamin 24 na huwag na nilang digmain ang sampung lipi ng Israel. Hayaan na niyang makauwi ang bawat isa sa kanya-kanyang tahanan sapagkat ang nangyari ay aking kalooban.” Sinunod naman nila ang utos ni Yahweh at sila'y umuwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Paghiwalay sa Pagsamba
25 Pinatibay ni Jeroboam ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya pansamantalang nanirahan. Pagkatapos, lumipat siya sa Penuel. 26 Naisip ni Jeroboam na kung magpapatuloy ang dating kaugalian ng kanyang mga nasasakupan, malamang na manumbalik ang mga iyon sa angkan ni David. Ito ang sabi niya sa sarili, 27 “Kapag ang mga taong ito'y hindi tumigil ng pagpunta sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem upang mag-alay ng mga handog, mahuhulog muli ang kanilang loob sa dati nilang pinuno, si Rehoboam na hari ng Juda, at ako'y kanilang papatayin.”
28 Kaya't(AM) matapos pag-isipan ang bagay na ito, gumawa siya ng dalawang guyang ginto at sinabi sa mga taong-bayan, “Huwag na kayong mag-abalang pumunta sa Jerusalem. Narito, bayang Israel, ang inyong diyos na naglabas sa inyo sa Egipto.” 29 Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa nama'y sa Dan. 30 At ang bagay na ito'y naging sanhi ng pagkakasala ng Israel. May mga pumupunta sa Bethel upang sumamba at mayroon din sa Dan. 31 Nagtayo pa siya ng mga sambahan sa burol at naglagay ng mga paring hindi mula sa lipi ni Levi.
32 Ginawa(AN) niyang pista ang ikalabing limang araw ng ikawalong buwan ng taon, katulad ng kapistahang ipinagdiriwang sa Juda. Naghandog siya sa altar sa Bethel sa mga guyang ginto na kanyang ginawa at naglingkod doon ang mga paring inilagay niya sa mga sagradong burol. 33 Pumunta nga siya sa altar na kanyang ipinatayo sa Bethel noong ikalabing limang araw ng ikawalong buwan, buwan na siya ang pumili. Iyo'y ginawa niyang pista sa sampung lipi ng Israel, at siya mismo ang umakyat sa altar at nagsunog ng insenso.
Sinumpa ang Altar sa Bethel
13 Samantalang nakatayo si Jeroboam sa harap ng altar sa Bethel upang maghandog, dumating mula sa Juda ang isang propeta ng Diyos. 2 Inutusan(AO) siya ni Yahweh na sumpain ang altar na iyon. Wika niya, “Altar, O altar, pakinggan mo ang ipinapasabi ni Yahweh, ‘Isisilang sa angkan ni David ang isang lalaki na papangalanang Josias. Papatayin niya sa ibabaw mo ang mga pari ng sagradong burol na naghahandog ng mga hain sa ibabaw mo. Pagsusunugan ka niya ng mga buto ng tao.” 3 Sinabi pa niya, “Ito ang tanda na si Yahweh ang nagpapasabi nito: ‘Magkakadurug-durog ang altar na ito at sasambulat ang mga abo na nasa ibabaw ng altar.’”
4 Nang marinig ni Haring Jeroboam ang sumpang iyon laban sa altar ng Bethel, itinuro niya ang lingkod ng Diyos at pasigaw na iniutos; “Dakpin ang taong iyan!” Ngunit biglang nanigas ang kanyang kamay na itinuro sa lingkod ng Diyos, at hindi niya maikilos iyon. 5 Noon di'y nagkadurug-durog ang altar at sumambulat nga ang mga abo na nasa ibabaw ng altar, gaya ng ipinahayag ng lingkod ng Diyos. 6 Nakiusap ang hari sa lingkod ng Diyos, “Ipanalangin mo ako sa Diyos mong si Yahweh at hilingin mong magbalik sa dati ang aking kamay.”
Nanalangin nga ang lingkod ng Diyos kay Yahweh, at gumaling ang kamay ng hari. 7 Inanyayahan ng hari ang lingkod ng Diyos na sumama sa kanya at kumain sa kanyang bahay at pinangakuan pang bibigyan ng gantimpala.
8 Ngunit tumanggi ang lingkod ng Diyos. “Kahit na po ibigay ninyo sa akin ang kalahati ng inyong kayamanan, hindi ako sasama sa inyo. Hindi rin ako kakain ng anuman dito, 9 sapagkat sinabi sa akin ni Yahweh na huwag akong kakain o iinom ng anuman, at pag-uwi ko'y huwag akong magbabalik sa aking dinaanan.” 10 Nag-iba nga ng daan ang propeta ng Diyos at hindi dumaan sa dinaanan niya patungo sa Bethel.
Ang Matandang Propeta sa Bethel
11 Nang panahong iyon, may isang matandang propetang nakatira sa Bethel. Dumating ang kanyang mga anak na lalaki at ibinalita ang mga nangyari sa Bethel nang araw na iyon. Isinalaysay nila ang ginawa ng propeta ng Diyos at ang nangyari sa hari. 12 “Saan siya dumaan nang siya'y umalis?” tanong ng ama. Itinuro ng mga anak ang dinaanan ng propeta ng Diyos na nanggaling sa Juda. 13 “Ihanda ninyo ang asnong sasakyan ko,” utos ng ama. Inihanda nga ng mga anak ang asno at sumakay ang propeta. 14 Hinabol niya ang propeta ng Diyos at inabutan niyang nagpapahinga sa lilim ng puno ng ensina. “Ikaw ba ang propeta ng Diyos na nanggaling sa Juda?” tanong niya.
“Ako nga po,” sagot naman nito.
15 “Sumama ka sa akin sa aming tahanan upang makakain,” anyaya ng matandang propeta.
16 Sumagot naman ang propeta ng Diyos, “Hindi po ako maaaring sumama sa inyo pabalik; hindi rin po ako maaaring kumain o uminom ng anuman dito. 17 Sapagkat ganito ang utos sa akin ni Yahweh: ‘Huwag kang kakain o iinom ng anuman doon, at huwag ka ring babalik sa iyong dinaanan.’”
18 “Propeta rin akong tulad mo at sinabi sa akin ng isang anghel na inutusan ni Yahweh na dalhin kita sa bahay ko upang pakainin at painumin,” wika ng propeta. Ngunit nagsisinungaling lamang ang matandang propeta.
19 Sumama nga sa kanya ang propetang galing sa Juda. Kumain siya at uminom sa bahay ng matandang propeta. 20 Habang sila'y kumakain, dumating sa matandang propeta ang isang pahayag mula kay Yahweh. 21 Kaya't sumigaw siya sa propetang galing sa Juda, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sinuway mo ang aking utos; 22 bumalik ka sa iyong dinaanan at kumain ka at uminom dito sa lugar na ipinagbawal ko sa iyo. Dahil dito, ang bangkay mo ay hindi malilibing sa libingan ng iyong mga magulang.’”
23 Nang sila'y makakain, naghanda ang matandang propeta ng asnong masasakyan ng propetang galing sa Juda. 24 Sa kanyang pag-uwi, nakasalubong niya ang isang leon sa daan at siya'y pinatay nito. Nahandusay ang kanyang bangkay sa tabi ng daan at binantayan ng leon at ng asno. 25 May mga taong napadaan doon, at nakita nila ang bangkay sa tabi ng daan at ang leong nakabantay. Ibinalita nila sa bayan ang kanilang nakita, at nakarating ang balita sa matandang propeta.
26 Nang marinig niya ang nangyari ay kanyang sinabi, “Iyon ang propeta ng Diyos na lumabag sa iniutos sa kanya ni Yahweh. Kaya't pinabayaan siya ni Yahweh na makasalubong at lapain ng leon.” 27 Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga anak na lalaki na ipaghanda siya ng asnong masasakyan. 28 Umalis siya at nadatnan ang bangkay sa tabi ng daan. Nakabantay sa tabi ng bangkay ang asno at ang leon. Hindi nito kinain ang bangkay at hindi rin nito ginalaw ang asno. 29 Isinakay ng matandang propeta ang bangkay sa kanyang asno at ibinalik sa bayan upang ipagluksa at ilibing. 30 Sa sariling libingan ng propeta inilibing ang bangkay ng propeta ng Diyos. “Kawawa ka naman, kapatid!” panaghoy niya. 31 Nang mailibing ang bangkay, sinabi ng propeta sa kanyang mga anak na lalaki, “Kapag ako'y namatay, dito rin ninyo ako ililibing, katabi ng kanyang mga buto. 32 Sapagkat matutupad ang mga sinabi niya, sa utos ni Yahweh, laban sa altar ng Bethel at laban sa lahat ng sagradong burol ng Samaria.”
Itinakwil ni Yahweh ang Sambahayan ni Jeroboam
33 Sa kabila ng ganitong mga pangyayari, hindi tumigil si Jeroboam sa kanyang masamang gawain. Patuloy pa rin siya sa paglalagay ng mga paring hindi mula sa lipi ni Levi. Sinumang may gusto ay ginagawa niyang pari ng mga sagradong burol. 34 Dahil sa mga kasalanang ito ni Jeroboam, naubos ang kanyang angkan at hindi na muling naghari.
Ang Pagkamatay ng Anak ni Jeroboam
14 Nang panahong iyon, nagkasakit si Abias na anak ni Jeroboam. 2 Kaya't sinabi ni Jeroboam sa kanyang asawa, “Magbalatkayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa ka ng hari. Puntahan mo sa Shilo si Ahias, ang propetang nagsabi sa akin na maghahari ako sa bayang Israel. 3 Magdala ka ng sampung tinapay, ilang bibingka, at isang garapong pulot. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.”
4 Ganoon nga ang ginawa ng babae. Pinuntahan niya sa Shilo si Ahias. Matandang-matanda na noon si Ahias at bulag na. 5 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pupunta rito ang asawa ni Jeroboam at itatanong niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa kanyang anak na may sakit.” Sinabi rin ni Yahweh kay Ahias kung ano ang sasabihin niya sa babae.
Nang dumating ang asawa ni Jeroboam, siya'y nagkunwaring ibang babae. 6 Subalit nang marinig ni Ahias na nasa may pintuan na ang babae, sinabi niya, “Tuloy kayo, asawa ni Jeroboam. Bakit pa kayo nagkukunwari? Mayroon akong masamang balita para sa inyo. 7 Bumalik kayo kay Jeroboam at sabihin ninyo, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Pinili kita mula sa mga sambayanan at ginawang pinuno ng aking bayang Israel. 8 Inalis ko sa sambahayan ni David ang malaking bahagi ng kaharian at ibinigay sa iyo. Ngunit hindi ka tumulad kay David na aking lingkod. Tinupad niya ang lahat kong iniutos, sinunod niya ako nang buong-puso, at wala siyang ginawa kundi ang kalugud-lugod sa aking paningin. 9 Higit ang ginawa mong kasamaan kaysa ginawa ng lahat ng mga nauna sa iyo. Tinalikuran mo ako at ginalit nang magpagawa ka ng sarili mong mga diyos, mga imaheng yari sa tinunaw na metal. 10 Dahil(AP) dito paparusahan ko ang iyong angkan. Lilipulin ko silang lahat, matanda at bata. Wawalisin kong parang dumi ang buong angkan mo mula sa Israel. 11 Sinumang kamag-anak mo na mamatay sa loob ng lunsod ay kakainin ng mga aso; ang mamatay naman sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.’ Ito ang sabi ni Yahweh.
12 “Ngayon, umuwi na kayo. Pagpasok na pagpasok ninyo sa bayan ay mamamatay ang inyong anak. 13 Ipagluluksa siya ng buong Israel at ihahatid sa kanyang libingan. Siya lamang sa buong angkan ni Jeroboam ang maihahatid sa libingan sapagkat siya lamang ang kinalugdan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 14 Ang Israel ay bibigyan ng Diyos ng ibang hari na siyang magwawakas sa paghahari ng angkan ni Jeroboam. 15 Paparusahan ni Yahweh ang bayang Israel hanggang sa ito'y manginig na parang tambo sa tubig na pinapaspas ng hangin. Parang punong bubunutin niya ang bayang Israel mula sa masaganang lupaing ito na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno. Magkakawatak-watak sila sa mga lupaing nasa kabila ng ilog sapagkat ginalit nila si Yahweh nang gumawa sila ng mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. 16 Pababayaan ni Yahweh ang Israel dahil sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam at sa mga kasalanang ipinagawa nito sa bayang Israel.”
17 Nagmamadaling umalis ang asawa ni Jeroboam at nagbalik sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng kanilang bahay, namatay ang bata. 18 Siya'y ipinagluksa at inilibing ng buong bayang Israel, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias.
Ang Pagkamatay ni Jeroboam
19 Ang iba pang mga ginawa ni Jeroboam—ang kanyang mga pakikidigma at kung paano siya naghari ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 20 Naghari siya sa loob ng dalawampu't dalawang taon. Namatay siya at inilibing, at si Nadab na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Rehoboam(AQ)
21 Naghari naman sa Juda si Rehoboam na anak ni Solomon. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang nagsimulang maghari. Labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, sa lunsod na pinili ni Yahweh mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang doo'y sambahin siya. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama, isang taga-Ammon.
22 Gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang sambayanan ng Juda at higit na masama ang kanilang ginawa kaysa kanilang mga ninuno. Dahil dito'y nagalit sa kanila si Yahweh. 23 Nagtayo(AR) sila ng mga sambahan, mga haliging bato, at mga larawan ni Ashera sa ibabaw ng bawat burol at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy. 24 Ang(AS) pinakamasama pa nito, may mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba. Ginawa ng mga taga-Juda ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh mula sa lupain noong pumasok doon ang mga Israelita.
25 Nang(AT) ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sinalakay ni Shishak na hari ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem. 26 Kinuha(AU) niya ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Sinamsam niyang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon. 27 Pinalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng mga kalasag na tanso, at inilagay sa pag-iingat ng mga pinuno ng bantay sa hari na nagbabantay sa pintuan ng palasyo. 28 Tuwing pupunta ang hari sa Templo ni Yahweh, dala ng mga bantay ang mga kalasag na iyon. Pagkatapos, ibinabalik ang mga kalasag sa himpilan ng mga bantay.
Ang Pagkamatay ni Rehoboam
29 Ang ibang mga ginawa ni Rehoboam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 30 Patuloy ang labanan ni Rehoboam at ni Jeroboam sa panahon ng kanilang paghahari. 31 Namatay si Rehoboam at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Ang ina niya'y isang Ammonita na ang pangala'y Naama. Humalili sa kanya si Abiam na kanyang anak.
Ang Paghahari ni Abiam sa Juda(AV)
15 Noong ikalabing walong taon ng paghahari sa Israel ni Jeroboam na anak ni Nebat, naging hari naman ng Juda si Abiam 2 na anak ni Rehoboam kay Maaca na anak ni Absalom. Tatlong taon siyang naghari, at sa Jerusalem siya nanirahan. 3 Sumunod siya sa masasamang halimbawa ng kanyang ama, at hindi sa halimbawa ni David na kanyang ninuno. Hindi siya naging tapat kay Yahweh na kanyang Diyos. 4 Gayunman,(AW) alang-alang kay David, ang kanyang angkan ay pinapanatili ni Yahweh na maghari sa Jerusalem. Pinagkalooban siya ng anak na lalaki na hahalili sa kanya, at iningatan sa kaaway ang Jerusalem. 5 Ginawa(AX) ito ni Yahweh sapagkat pawang matuwid sa paningin niya ang mga gawa ni David. Sa buong buhay niya, hindi siya lumabag sa mga utos ni Yahweh, liban sa ginawa niya kay Urias na Heteo. 6 Nagpatuloy(AY) ang alitan nina Rehoboam at Jeroboam hanggang sa panahon ni Abiam.
Ang Pagkamatay ni Abiam
7 Ang iba pang mga ginawa ni Abiam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.
8 Nang mamatay si Abiam, siya'y inilibing sa Lunsod ni David at ang anak niyang si Asa ang humalili sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Asa sa Juda(AZ)
9 Noong ikadalawampung taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, naging hari naman ng Juda si Asa. 10 Naghari siya sa loob ng apatnapu't isang taon, at sa Jerusalem siya nanirahan. Ang lola ni Asa na si Maaca ay anak ni Absalom. 11 Namuhay si Asa nang matuwid sa paningin ni Yahweh, tulad ng kanyang ninunong si David. 12 Pinalayas(BA) niya sa kaharian ang mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa mga sambahan ng mga diyus-diyosan, at winasak ang mga imahen ng mga diyus-diyosang ipinagawa ng mga haring nauna sa kanya. 13 Pati ang kanyang lolang si Maaca ay inalisan niya ng karapatan sa pagiging inang-reyna, sapagkat nagpagawa ito ng isang malaswang rebulto ni Ashera. Ipinagiba niya ang rebultong ito at ipinasunog sa Batis ng Kidron. 14 Bagama't hindi niya naipagiba lahat ang mga sagradong burol, si Asa ay habang buhay na naging tapat kay Yahweh. 15 Ipinasok niya sa Templo ang mga handog ng kanyang ama kay Yahweh, gayundin ang kanyang sariling handog na ginto, pilak at mga kasangkapang sagrado.
16 Patuloy ang alitan nina Asa at Baasa na hari ng Israel sa buong panahon ng kanilang paghahari. 17 Pinasok ni Baasa ang lupain ng Juda at nagtayo ng kuta sa Rama upang harangan ang daan papunta kay Asa. 18 Kaya't tinipon ni Asa ang nalalabing ginto't pilak sa kabang-yaman ng Templo at ng palasyo. Ipinadala iyon sa Damasco, kay Ben-hadad na anak ni Tabrimon at apo ni Hezion na hari ng Siria. Ganito ang kanyang ipinasabi: 19 “Nais kong maging magkakampi tayo tulad ng ating mga magulang. Tanggapin mo ang mga regalo kong ito. Hinihiling kong putulin mo ang iyong pakikipagkaibigan kay Baasa na hari ng Israel upang mapilitan siyang umalis sa aking nasasakupan.”
20 Sumang-ayon si Ben-hadad kay Haring Asa at nagpadala siya ng mga hukbo at ng mga pinuno nito upang salakayin ang mga lunsod ng Israel. Nasakop nila ang mga bayan ng Ijon, Dan, Abel-bet-maaca, ang lupain sa may Lawa ng Galilea at ang Neftali. 21 Nang mabalitaan ito ni Baasa, ipinatigil niya ang pagpapagawa ng kuta sa Rama at pumunta siya sa Tirza.
22 Iniutos naman ni Asa sa lahat ng mga taga-Juda na kunin ang mga bato at kahoy na ginamit ni Baasa sa pagtatayo ng kuta sa Rama, at ginamit iyon sa paggawa ng kuta sa Geba at Mizpah, sa lupain ng Benjamin.
Ang Pagkamatay ni Asa
23 Ang iba pang ginawa ni Haring Asa, ang kanyang kagitingan at mga bayang pinagawan niya ng kuta ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Ngunit nang siya'y matanda na, nalumpo siya dahil sa karamdaman sa paa. 24 Namatay si Asa at inilibing sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David. At si Jehoshafat na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Nadab sa Israel
25 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari naman sa Israel si Nadab na anak ni Jeroboam, at dalawang taon siyang naghari sa Israel. 26 Katulad ng kanyang ama na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
27 Naghimagsik laban sa kanya si Baasa na anak ni Ahias, mula sa lipi ni Isacar. Pinatay ni Baasa si Nadab habang kinubkob nito at ng kanyang hukbo ang Gibeton, isang lunsod sa Filistia. 28 Nangyari ito nang ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda, at si Baasa ang pumalit kay Nadab bilang hari sa Israel. 29 Sa(BB) simula pa lamang ng kanyang paghahari ay pinagpapatay na niya ang buong pamilya ni Jeroboam, bilang katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias na taga-Shilo. 30 Ganito ang nangyari sa angkan ni Jeroboam sapagkat ginalit niya si Yahweh dahil sa kanyang mga kasalanan, at sa mga kasalanang ginawa ng bayang Israel dahil sa kanya.
31 Ang iba pang mga ginawa ni Nadab ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 32 Patuloy ang alitan ni Asa, hari ng Juda at ni Baasa ng Israel sa buong panahon ng kanilang paghahari.
Paghahari ni Baasa sa Israel
33 Ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda nang maghari sa Israel si Baasa, na anak ni Ahias. Dalawampu't apat na taon siyang naghari, at sa Tirza siya nanirahan. 34 Katulad ni Haring Jeroboam na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
16 Isinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu na anak ni Hanani kay Baasa at ganito ang ipinasabi: 2 “Pinili kita at ginawang hari ng bayan kong Israel. Ngunit sinundan mo ang halimbawa ni Jeroboam at ibinunsod mo sa pagkakasala ang bayan ko. 3 Kaya't itatakwil din kita at ang iyong angkan, gaya nang ginawa ko kay Jeroboam. 4 Sinuman sa iyong angkan ang mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.”
5 Ang iba pang mga ginawa ni Baasa at ang kanyang kagitingan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 6 Namatay si Baasa at inilibing sa Tirza. Ang anak niyang si Ela ang humalili sa kanya bilang hari.
7 Sinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu upang ipahayag kay Baasa at sa kanyang pamilya ang kanyang hatol laban sa hari. Gayundin naman, dahil sa kanyang pagsunod sa mga kasalanan ni Jeroboam, nilipol din niya ang buong angkan nito.
Ang Paghahari ni Ela
8 Naging hari ng Israel si Ela na anak ni Baasa noong ika-26 na taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Dalawang taon siyang naghari at sa Tirza nanirahan. 9 Pinagtaksilan siya ni Zimri na pinuno ng kalahati ng hukbong gumagamit ng karwahe. Samantalang lasing si Ela sa bahay ni Arsa na tagapamahala ng palasyo sa Tirza, 10 pumasok si Zimri sa palasyo at pinatay si Ela at siya ang pumalit na hari. Nangyari ito noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda.
11 Simula pa lamang ng paghahari ni Zimri, pinatay na niyang lahat ang buong pamilya ni Baasa. Ipinapatay niya ang lahat ng lalaking kamag-anak at mga kaibigan ni Baasa. 12 Nilipol nga niya ang buong angkan ni Baasa ayon sa sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng propetang si Jehu. 13 Nagalit si Yahweh, ang Diyos ng Israel, kina Baasa at Ela sapagkat ibinunsod nila ang Israel sa pagkakasala at pagsamba sa mga diyus-diyosan. 14 Ang iba pang ginawa ni Haring Ela ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Zimri
15 Naging hari naman ng Israel si Zimri noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari siya sa Tirza sa loob lamang ng pitong araw. Pinalibutan at nilusob noon ng hukbong Israel ang lunsod ng Gibeton sa Filistia at nang 16 mabalitaan nila ang pagtataksil ni Zimri at ang pagkamatay ng hari, pinagkaisahan nilang gawing hari si Omri, ang pinuno ng hukbo. 17 Iniwan nga nila ang Gibeton, at kinubkob ang Tirza. 18 Nang makita ni Zimri na mahuhulog na ang bayan sa kamay ng kalaban, nagkulong siya sa kastilyo ng palasyo at sinindihan iyon. Kaya't kasama siyang nasunog doon. 19 Nangyari ito sapagkat hindi rin kinalugdan ni Yahweh ang mga ginawa ni Zimri. Ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala tulad ng ginawa ni Jeroboam.
20 Ang iba pang ginawa ni Zimri, pati ang kanyang pakikipagsabwatan upang agawin ang trono, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.