Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 14:33-26:26

Ang Paglilinis ng Amag na Kumakalat sa Bahay

33 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron: 34 “Pagdating ninyo sa Canaan, sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at magkaroon ng amag[a] na kumakalat ang bahay na tinitirhan ninyo, 35 kailangang ipagbigay-alam agad ito sa pari. 36 Ipapaalis ng pari ang lahat ng kasangkapan doon bago siya magsiyasat; kung hindi, ituturing ding marumi ang mga bagay na naroon. Pagkatapos, papasok na siya upang magsiyasat. 37 Kung makita niyang may mga palatandaang bahid sa mga dingding, maging ang kulay ay berde o pula, 38 lalabas agad siya at pitong araw niyang ipasasara ang bahay na iyon. 39 Babalik siya sa ikapitong araw at kung ang bahid ay humawa sa dingding ng bahay, 40 ipapabakbak niya ang mga batong may bahid at ipapatapon sa labas ng bayan, sa tambakan ng dumi. 41 Ipapabakbak din ang palitada ng loob ng bahay at itatapon sa tambakan ng basura ang lahat ng duming makukuha. 42 Ang mga batong binakbak sa loob ng bahay ay papalitan ng bago at papalitadahan nang panibago ang loob ng bahay.

43 “Kung ang amag ay lumitaw na muli sa bahay matapos gawin ang lahat ng ito, 44 magsisiyasat muli ang pari. Kung ang amag ay kumalat, ipahahayag na niyang marumi ang bahay na iyon. 45 Ipasisira na niya ito nang lubusan at ipatatambak sa labas ng bayan sa tapunan ng basura. 46 Ang sinumang pumasok sa tahanang iyon habang nakasara ay ituturing na marumi hanggang gabi. 47 Ang sinumang kumain o matulog doon ay dapat magbihis at maglaba ng damit na kanyang sinuot.

48 “Kung makita ng pari na hindi naman kumakalat ang amag pagkatapos palitadahang muli ang bahay, ipahahayag niyang ito'y malinis na. 49 Upang lubos itong luminis, kukuha ang pari ng dalawang ibon, kapirasong kahoy na sedar, pulang lana at hisopo. 50 Papatayin niya ang isa sa mga ibon at ang dugo nito'y patutuluin sa isang bangang may tubig na galing sa bukal. 51 Ang kapirasong sedar, ang pulang lana, ang hisopo at ang buháy na ibon ay itutubog niya sa banga. Pagkatapos, wiwisikan niya ng pitong beses ang bahay. 52 Sa gayon, magiging malinis na ito. 53 Pakakawalan naman niya sa kaparangan ang buháy na ibon. Sa gayon, matutubos ang bahay at muling ituturing na malinis.”

54 Ito ang mga tuntunin tungkol sa sakit sa balat na parang ketong at pangangati: 55 sa amag sa damit o sa bahay, at 56 sa namamaga o anumang tumutubong sugat. 57 Ito ang mga tuntunin upang malaman kung ang isang tao o bagay ay malinis o marumi.

Iba't Ibang Karumihan ng Katawan

15 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo ito sa bayang Israel: Ang sinumang lalaking may tulo ay ituturing na marumi. At ito ang susundin niyang tuntunin malalâ man o hindi ang kanyang sakit, sapagkat siya'y itinuturing na marumi. Ang alinmang higaan at upuang gamitin niya ay ituturing na marumi. Sinumang makahipo sa higaan nito ay dapat maligo at magbihis. Lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. Gayon din ang dapat gawin ng umupo sa inupuan ng may tulo; lalabhan din ang damit, maliligo at magbibihis at ituturing na marumi hanggang gabi. Ang humawak sa may sakit na tulo ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit, at ituturing siyang marumi hanggang gabi. Sinumang maduraan ng may ganitong sakit ay dapat ding maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y ituturing na marumi hanggang gabi. Ituturing ding marumi ang upuan na ginamit sa hayop na sinakyan niya. 10 Ang sinumang makahipo sa anumang bagay na kanyang hinigan ay ituturing na marumi. Ang sinumang magdala ng kanyang inupuan ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. 11 Ang sinumang mahawakan ng lalaking may sakit na tulo na di muna naghugas ng kamay ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. 12 Ang mga sisidlang yari sa putik na mahipo niya ay dapat basagin; kung sisidlang kahoy naman, dapat itong hugasang mabuti.

13 “Kung ang maysakit nito ay gumaling na, maghihintay siya ng pitong araw saka maglilinis. Sa ikapitong araw, lalabhan niya ang kanyang kasuotan at maliligo sa umaagos na batis at siya'y magiging malinis na. 14 Kinabukasan, kukuha siya ng dalawang batu-bato o kaya'y dalawang kalapati at dadalhin niya sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ibibigay niya ito sa pari 15 upang ihandog, ang isa'y para sa kasalanan at ang isa nama'y handog na susunugin. Ganito lilinisin ng pari sa harapan ni Yahweh ang taong nagkasakit ng tulo.

16 “Kapag ang isang lalaki ay nilabasan ng sariling binhi, dapat siyang maligo; ituturing siyang marumi hanggang gabi. 17 Dapat labhan ang alinmang kasuotang yari sa tela o balat ng hayop na nabahiran nito, at hugasan ang alinmang bahagi ng katawan na natuluan ng binhi; iyo'y ituturing na marumi hanggang gabi. 18 Pagkatapos magtalik ang isang lalaki at isang babae, dapat maligo silang pareho; sila'y ituturing na marumi hanggang gabi.

19 “Ang sinumang babaing nireregla ay pitong araw na ituturing na marumi. Ituturing ding marumi hanggang gabi ang makahawak sa kanya. 20 Ang anumang kanyang mahigaan o maupuan sa loob ng panahong iyon ay ituturing na marumi. 21 Ang sinumang makahipo sa higaan niya ay dapat maligo, lalabhan nito ang kanyang kasuotan, at siya'y ituturing ding marumi hanggang gabi. 22 Ang sinumang makahawak sa anumang maupuan ng babaing ito ay dapat ding maligo, lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. 23 Ang makahawak ng anumang nasa hinigaan o inupuan ng babaing iyon ay ituturing na marumi hanggang gabi. 24 Sinumang lalaking makipagtalik sa babaing may regla ay pitong araw na ituturing na marumi. Anumang kanyang mahigaan ay ituturing ding marumi.

25 “Kung ang sinumang babae ay dinudugo nang wala sa panahon, o lumampas kaya sa takdang panahon ng kanyang pagreregla, ituturing siyang marumi habang siya'y dinudugo, tulad nang siya'y nireregla. 26 Ang anumang mahigaan o maupuan niya sa loob ng panahong iyon ay ituturing na marumi, tulad din ng siya'y nireregla. 27 Ang sinumang makahipo sa mga bagay na ito ay dapat maligo; lalabhan niya ang kanyang kasuotan at ituturing siyang marumi hanggang gabi. 28 Kung huminto na ang kanyang pagdurugo, siya'y bibilang ng pitong araw mula noon at magiging malinis na siya. 29 Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati at dadalhin niya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 30 Ihahandog ang isa nito para sa kasalanan, at ang isa nama'y handog na susunugin. Sa ganitong paraan lilinisin siya ng pari sa harapan ni Yahweh.

31 “Ganito ninyo ilalayo sa karumihan ang mga taga-Israel sapagkat kung hindi ninyo ito gagawin, mamamatay sila sa paglapastangan sa tabernakulo na nasa gitna nila.”

32 Ito ang mga tuntunin para sa paglilinis ng lalaking may tulo, o nilabasan ng sariling binhi, 33 sa babaing nireregla, at sa lalaking makikipagtalik sa isang babaing itinuturing na marumi.

Ang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan

16 Pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron dahil sa kanilang paglapit nang di nararapat sa harapan ni Yahweh, si(A) Moises ay kinausap ni Yahweh. Sabi niya, “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na makakalapit lamang siya sa Dakong Kabanal-banalan sa loob ng tabing sa takdang panahon. Sapagkat magpapakita ako roon sa pamamagitan ng ulap sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan. Mamamatay siya kapag siya'y sumuway. Makakapasok(B) lamang siya roon pagkatapos niyang magdala ng batang toro bilang handog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin. Siya'y maliligo; pagkatapos, magsusuot ng sagradong kasuotan—linong mahabang panloob na kasuotan, linong salawal, linong pamigkis, at linong turbante. Bibigyan siya ng mga Israelita ng dalawang lalaking kambing na ihahandog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin.

“Ihahandog niya ang toro para sa kasalanan niya at ng kanyang sambahayan. Pagkatapos, dadalhin niya ang dalawang kambing sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Sa pamamagitan ng palabunutan malalaman kung alin sa dalawa ang para kay Yahweh at alin ang para kay Azazel.[b] Ang para kay Yahweh ay papatayin at iaalay tulad ng karaniwang handog para sa kasalanan. 10 Ngunit ang para kay Azazel ay buháy na ihahandog sa akin bilang pantubos sa kasalanan, saka pakakawalan sa ilang para kay Azazel.

11 “Ang batang toro ay papatayin ni Aaron at ihahandog para sa kasalanan niya at ng kanyang pamilya. 12 Pagkatapos, kukunin niya ang lalagyan ng insenso at pupunuin ng baga buhat sa altar na sunugan ng handog. Kukuha rin siya ng dalawang dakot na pinulbos na insenso at dadalhin sa loob ng tabing. 13 Upang hindi siya mamatay, ibubuhos niya ang insenso sa apoy sa harapan ko upang ang usok nito ay tumakip sa harap ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan. 14 Kukuha siya ng dugo ng batang toro, at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay iwiwisik ito nang minsan sa harap ng Luklukan ng Awa at pitong beses sa harap ng Kaban ng Tipan.

15 “Pagkatapos,(C) papatayin niya ang kambing bilang handog para sa kasalanan ng sambayanan. Magdadala siya ng dugo nito sa loob ng tabing at gaya ng ginawa niya sa dugo ng batang toro, iwiwisik din niya ito sa harap ng Luklukan ng Awa at sa harap ng Kaban ng Tipan. 16 Sa gayong paraan, lilinisin niya ang Dakong Kabanal-banalan sa mga karumihan at kasalanan ng bayang Israel. Gayon din ang gagawin niya sa Toldang Tipanan na nahawa sa kanilang karumihan. 17 Walang sinumang lalapit sa Toldang Tipanan sa sandaling pumasok doon si Aaron hanggang hindi siya lumalabas pagkatapos niyang maghandog para sa kasalanan niya, para sa kanyang pamilya at para sa kasalanan ng sambayanan. 18 Paglabas niya, pupunta siya sa altar na sunugan ng handog upang linisin din iyon. Kukuha siya ng dugo ng batang toro at ng kambing at papahiran niya ang mga sungay ng altar. 19 Sa pamamagitan ng kanyang daliri, pitong beses niyang wiwisikan ang altar upang ito'y pabanalin at linisin sa kasalanan ng mga Israelita.

Ang Kambing na Pakakawalan

20 “Pagkatapos magawâ ni Aaron ang paghahandog para sa Dakong Kabanal-banalan, sa Toldang Tipanan at sa altar na sunugan ng mga handog, kukunin niya ang pangalawang kambing. 21 Ipapatong(D) niya ang kanyang mga kamay sa ulo nito at ipahahayag ang lahat ng kasamaan, kasalanan at pagsuway ng sambayanang Israel, sa gayon, masasalin sa hayop ang lahat ng ito. Ibibigay niya ang kambing sa isang taong naghihintay doon upang dalhin iyon sa ilang. 22 Tataglayin ng kambing ang kasalanan ng buong bayan at pagdating sa ilang ito'y pakakawalan.

23 “Pupunta(E) naman si Aaron sa Toldang Tipanan at doo'y huhubarin ang damit na suot niya nang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan at iiwan ito roon. 24 Maliligo siya sa isang banal na lugar at matapos magbihis ng sariling damit, ihahandog niya sa altar ang handog na susunugin para sa kanyang sarili at para sa buong bayan. 25 Susunugin din niya sa ibabaw ng altar ang taba ng mga handog para sa kasalanan. 26 Bago bumalik sa kampo ang taong nagdala ng kambing para kay Azazel, maliligo muna siya at maglalaba ng kanyang kasuotan. 27 Ilalabas(F) naman sa kampo ang toro at ang kambing na inihandog para sa kasalanan. Ang balat, ang laman at ang mga dumi nito ay susunugin sa labas ng kampo. 28 Maglalaba ng kasuotan at maliligo ang nagsunog nito bago siya makabalik sa kampo.

Ang Araw ng Pagdaraos Nito

29 “Ito(G) ay tuntuning susundin ninyo magpakailanman. Tuwing ikasampung araw ng ikapitong buwan, mag-aayuno kayo at huwag magtatrabaho. Dapat itong tuparin ng lahat, maging Israelita o dayuhan, 30 sapagkat sa araw na ito ay tutubusin kayo sa inyong mga kasalanan upang maging malinis kayo sa harapan ni Yahweh. 31 Ito'y araw ng ganap na pamamahinga. Mag-aayuno kayo at susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon. 32 Ang paghahandog para sa kasalanan ay gagampanan ng pinakapunong pari na nanunungkulan sa panahong iyon. Magsusuot siya ng mga sagradong kasuotang lino at 33 gagawin niya ang rituwal ng paglilinis ng Dakong Kabanal-banalan, ng Toldang Tipanan, ng altar, ng mga pari at ng buong bayan. 34 Ito'y batas na palaging tutuparin ng mga Israelita minsan isang taon upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan.”

At ginawa nga ni Moises ang utos ni Yahweh.

Sagrado ang Dugo

17 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita, ‘Ito ang iniuutos ko: Ang sinumang Israelita na magpapatay ng toro, tupa o kambing sa loob o labas man ng kampo nang hindi dinadala sa pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog sa akin, ay nagkakasala dahil sa dugong pinadanak niya. Dapat siyang itiwalag sa sambayanan. Ang layunin nito'y upang ihandog kay Yahweh ang mga hayop, sa halip na patayin sa parang. Dapat nilang dalhin iyon sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan. Iwiwisik ng pari ang dugo nito sa altar sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang taba niyon ay susunugin at ang usok nito'y magiging mabangong samyo para kay Yahweh. Sa gayon, hindi na nila iaalay ang mga hayop na ito sa demonyo na anyong kambing na kanilang sinasamba. Ito'y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon.’

“Sabihin mo sa kanila na sinumang Israelita o dayuhang kasama nila ang magsunog ng handog, na hindi dinadala sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog sa akin, ay ititiwalag sa sambayanan.

10 “Ang(H) sinumang kumain ng dugo ay kapopootan ko at ititiwalag ko sa sambayanan, maging Israelita o dayuhan man. 11 Sapagkat(I) ang buhay ay nasa dugo at iniuutos ko na dapat ihandog iyon sa altar bilang pantubos sa inyong buhay. 12 Kaya nga, hindi ito dapat kainin ninuman, maging siya'y Israelita o dayuhan man.

13 “At kapag ang sinuman sa inyo, maging Israelita o dayuhan ay humuli ng hayop o ibong makakain, dapat niyang itapon ang dugo niyon at tabunan ng lupa. 14 Sapagkat ang buhay ng bawat hayop ay nasa dugo, kaya huwag kayong kakain ng dugo. Ang sinumang lumabag dito'y ititiwalag sa sambayanan.

15 “Sinumang kumain ng hayop na namatay sa peste o pinatay ng kapwa hayop ay dapat maglaba ng kasuotan at maligo. Hanggang gabi siyang ituturing na marumi. 16 Kung hindi niya gagawin iyon, siya'y mananagot.”

Mga Bawal na Pagtatalik

18 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh ang inyong Diyos. Huwag ninyong gagayahin ang mga kaugalian sa Egipto na inyong pinanggalingan o ang mga kaugalian sa Canaan na pagdadalhan ko sa inyo. Ang sundin ninyo'y ang mga kautusan at tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. Ang(J) sinumang tutupad ng aking mga kautusan at tuntunin ay mabubuhay; ako si Yahweh.’

“Huwag kayong makipagtalik sa malapit na kamag-anak. Ako si Yahweh. Huwag kayong makipagtalik sa inyong ina, iyan ay kahihiyan sa inyong ama. Hindi ninyo dapat halayin ang inyong ina. Huwag(K) kayong makipagtalik sa ibang asawa ng inyong ama, inilalagay ninyo sa kahihiyan ang inyong sariling ama. Huwag(L) kayong makipagtalik sa inyong kapatid na babae, maging siya'y anak ng inyong ama o ng inyong ina, ipinanganak man siya sa inyong lupain o sa ibang bayan. 10 Huwag kayong makipagtalik sa inyong apo, maging sa anak ninyong lalaki o babae; iyan ay kahihiyan sa inyo. 11 Huwag kayong makipagtalik sa anak ng inyong ama sa ibang babae, sapagkat siya'y kapatid din ninyo. 12 Huwag(M) kayong makipagtalik sa kapatid na babae ng inyong ama, siya'y kadugo ng inyong ama. 13 Huwag kayong makipagtalik sa kapatid na babae ng inyong ina, siya'y kadugo ng inyong ina. 14 Huwag kayong makipagtalik sa asawa ng inyong tiyo, tiya mo na rin siya. 15 Huwag(N) kayong makipagtalik sa inyong manugang na babae; siya'y asawa ng inyong anak na lalaki. Hindi ninyo dapat ilagay sa kahihiyan ang inyong sariling anak. 16 Huwag(O) kayong makipagtalik sa inyong hipag; taglay niya ang kapurihan ng inyong kapatid. 17 Huwag(P) kayong makipagtalik sa anak o sa apong babae ng isang babaing nakatalik ninyo noon. Maaaring ang mga iyon ay kamag-anak ninyo, at iyan ay kahalayan. 18 Hindi ninyo maaaring maging asawa ang inyong hipag kung buháy pa ang inyong asawa. Inilalagay ninyo sa kahihiyan ang iyong asawa na kanyang kapatid.

19 “Huwag(Q) kayong makipagtalik sa isang babae habang siya'y may regla sapagkat siya'y marumi. 20 Huwag(R) ninyong durungisan ang inyong sarili sa pakikiapid sa asawa ng iba. 21 Huwag(S) ninyong ibibigay ang alinman sa inyong mga anak upang sunugin bilang handog kay Molec sapagkat ito'y paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh. 22 Huwag(T) kayong makipagtalik sa kapwa ninyo lalaki; iyan ay karumal-dumal. 23 Huwag(U) kayong makipagtalik sa alinmang hayop sapagkat durungisan ninyo ang inyong sarili kung gagawin ninyo ito. Hindi rin dapat pasiping ang sinumang babae sa anumang hayop; ito ay kasuklam-suklam.

24 “Huwag ninyong durungisan ang inyong sarili sa alinman sa mga gawaing ito. Ganyan ang ginawa ng mga bansang nauna sa inyo, kaya ko sila sinumpa. 25 Pati ang lupain nila'y naging kasuklam-suklam, kaya pinarusahan ko at itinakwil ang mga mamamayan doon. 26 Kaya dapat ninyong sundin ang aking mga utos at tuntunin, at iwasan ninyo ang lahat ng gawaing ipinagbabawal ko, maging Israelita o dayuhan man kayo. 27 Ang mga taong nauna sa inyo rito ay namuhay sa ganoong karumal-dumal na gawain kaya naging kasumpa-sumpa ang kanilang lupain. 28 Kapag sila'y inyong tinularan, palalayasin din kayo sa lupaing ito, tulad ng nangyari sa kanila. 29 Sapagkat ang sinumang gumawa ng alinmang karumal-dumal na gawaing ito ay dapat itiwalag sa sambayanan.

30 “Sundin ninyo ang ipinag-uutos ko at huwag ninyong gagayahin ang mga kasuklam-suklam na kaugalian nila upang hindi kayo maging maruming tulad nila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

Mga Tuntunin tungkol sa Kabanalan at Katarungan

19 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin(V) mo sa buong sambayanan ng Israel, ‘Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. Igalang(W) ninyo ang inyong ama at ina. Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

“Huwag(X) kayong maglilingkod sa mga diyus-diyosan ni gagawa ng mga imahen upang sambahin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.’

“Kung maghahandog kayo sa akin ng handog pangkapayapaan, gawin ninyo iyon ayon sa mga tuntuning ibinigay ko upang maging kalugud-lugod sa akin. Dapat ninyong kainin iyon sa mismong araw na iyo'y inihandog o sa kinabukasan. Kung may matira ay sunugin ninyo. Kung iyon ay kakainin sa ikatlong araw hindi magiging karapat-dapat ang inyong handog. Magkakasala at dapat parusahan ang kakain niyon sapagkat iyon ay paglapastangan sa isang bagay na banal; dapat siyang itiwalag sa sambayanan.

“Kung(Y) mag-aani kayo sa inyong bukirin, itira ninyo ang nasa gilid, at huwag na ninyong balikan ang inyong naanihan. 10 Huwag ninyong pipitasing lahat ang bunga ng ubasan ni pupulutin man ang mga nalaglag, bayaan na ninyo iyon para sa mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

11 “Huwag(Z) kayong magnanakaw, mandaraya, o magsisinungaling. 12 Huwag(AA) kayong manunumpa sa aking pangalan kung ito ay walang katotohanan. Iyon ay paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh.

13 “Huwag(AB) ninyong dadayain o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapabukas ang pagpapasweldo sa inyong mga manggagawa. 14 Huwag(AC) ninyong mumurahin ang mga bingi at lalagyan ng katitisuran ang daraanan ng mga bulag. Matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.

15 “Huwag(AD) kayong hahatol nang hindi makatarungan. Huwag ninyong kikilingan ang mahihirap o kaya'y katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran. 16 Huwag kayong magkakalat ng anumang nakakasira ng puri ng inyong kapwa, ni sasaksi laban sa inyong kapwa upang ipahamak lamang siya. Ako si Yahweh.

17 “Huwag(AE) kayong magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, makipagkasundo ka sa kanya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. 18 Huwag(AF) kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh.

19 “Sundin(AG) ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag ninyong palalahian ang hayop na inyong alaga sa hayop na di nito kauri. Huwag din kayong maghahasik ng dalawang uri ng binhi sa isang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang uri ng sinulid.

20 “Kung ang isang lalaki'y sumiping sa kanyang aliping babae na nakatakdang pakasal sa iba ngunit di pa natutubos o napapalaya, dapat itong siyasatin. Hindi sila dapat patayin, sapagkat di pa napapalaya ang aliping babae, 21 ngunit ang lalaki'y magdadala ng isang tupang lalaki bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan. Dadalhin niya ito sa pintuan ng Toldang Tipanan 22 at ihahandog ng pari. Sa gayon, siya'y patatawarin.

23 “Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, tatlong taon kayong hindi kakain ng bunga ng mga punong tanim ninyo roon. 24 Sa ikaapat na taon, ang mga bunga nito'y ihahandog ninyo sa akin bilang pasasalamat. 25 Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga nito, at ang mga ito'y mamumunga nang sagana. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

26 “Huwag(AH) kayong kakain ng anumang karneng may dugo. Huwag kayong manghuhula o mangkukulam. 27 Huwag(AI) kayong pagugupit nang pabilog at huwag magpapaahit o magpapaputol ng balbas. 28 Huwag kayong maghihiwa sa katawan dahil sa isang namatay ni maglalagay ng tatú. Ako si Yahweh.

29 “Huwag(AJ) ninyong itutulak ang inyong mga anak na babae sa pagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo sapagkat iyon ang magiging dahilan ng paglaganap ng kahalayan sa buong lupain. 30 Igalang(AK) ninyo ang Araw ng Pamamahinga at ang aking santuwaryo. Ako si Yahweh.

31 “Huwag(AL) kayong sasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay o sa mga manghuhula. Kayo'y ituturing na marumi kapag sumangguni kayo sa kanila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

32 “Tatayo kayo kapag may kaharap na matanda. Igalang ninyo sila at matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.

33 “Huwag(AM) ninyong aapihin ang mga dayuhang kasama ninyo. 34 Ibigin ninyo sila at ituring na kapatid. Alalahanin ninyong naging mga dayuhan din kayo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

35 “Huwag(AN) kayong mandaraya sa pagsukat, pagtitimbang o pagbilang ng anuman. 36 Ang inyong timbangan, kiluhan, sukatan ng harina, at sukatan ng langis ay kailangang walang daya. Ako ang nag-alis sa inyo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. 37 Sundin ninyo ang lahat kong tuntunin at kautusan. Ako si Yahweh.”

Mga Parusa sa Lalabag sa Tuntunin

20 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na ang sinuman sa Israel, katutubo o dayuhan, na mag-aalay ng kanyang anak bilang handog kay Molec ay babatuhin hanggang sa mamatay. Kasusuklaman ko siya at ititiwalag sa sambayanan ng Israel. Dahil sa kanyang ginawa, dinungisan niya ang banal kong tahanan at nilapastangan ang aking banal na pangalan. Kapag ipinagwalang-bahala ng mga taong-bayan ang ganoong kasamaan at hindi nila pinatay ang gumawa niyon, kasusuklaman ko ang taong iyon at ang kanyang sambahayan. Ititiwalag ko rin sa sambayanan ang mga sumasamba kay Molec.

“Ang sinumang sumasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na o sa mga manghuhula ay kasusuklaman ko at ititiwalag sa sambayanan. Ilaan ninyo sa akin ang inyong sarili at magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ang inyong Diyos. Ingatan ninyo at sundin ang aking mga tuntunin. Ako si Yahweh. Inilalaan ko kayo para sa akin.

“Ang(AO) sinumang magmura sa kanyang ama at ina ay dapat patayin. Mananagot ang sinumang lumait sa kanyang ama at ina.

10 “Ang(AP) lalaking mangangalunya sa asawa ng iba ay dapat patayin, gayundin ang babae. 11 Inilalagay(AQ) sa kahihiyan ng isang lalaki ang kanyang sariling ama kung siya'y nakikipagtalik sa ibang asawa nito; siya at ang babae'y dapat patayin. 12 Ang(AR) lalaking nakikipagtalik sa kanyang manugang ay nagkasala, at pareho silang dapat patayin. 13 Ang(AS) lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki ay gumagawa ng karumal-dumal na gawain at pareho silang dapat patayin. 14 Ang(AT) lalaking makipag-asawa sa isang babae at sa ina nito ay karumal-dumal; silang tatlo ay dapat sunugin upang mawala ang gayong kasamaan. 15 Ang(AU) lalaking nakipagtalik sa hayop ay dapat patayin, gayundin ang hayop. 16 Ang babaing nakipagtalik sa hayop ay dapat patayin, gayundin ang hayop.

17 “Ang(AV) lalaking nag-asawa sa kanyang kapatid, maging ito'y kapatid sa ama o ina, at sila'y nagsama ay gumawa ng isang kahihiyan. Dapat silang itiwalag sa sambayanan. Nilagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan, kaya dapat siyang parusahan. 18 Kapag(AW) nakipagtalik ang isang lalaki sa babaing may regla, nilabag nila ang tuntunin tungkol sa karumihan. Kapwa sila ititiwalag sa sambayanan.

19 “Kapag(AX) nakipagtalik ang isang lalaki sa kapatid ng kanyang ama o ina, sila'y nagkasala at dapat parusahan. 20 Kapag ang isang lalaki'y nakipagtalik sa asawa ng kanyang tiyo, dinungisan niya ang dangal nito. Ang lalaking iyon at ang babae ay nagkasala at dapat parusahan; mamamatay silang walang anak. 21 Kapag(AY) kinasama ng isang lalaki ang kanyang hipag, dinungisan niya ang dangal ng kanyang kapatid. Mamamatay silang walang anak.

22 “Sundin ninyo ang lahat ng utos at tuntunin ko upang hindi kayo mapalayas sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo. 23 Huwag ninyong tularan ang gawain ng bansang pupuntahan ninyo sapagkat iyon ang dahilan kaya ko sila itinakwil. 24 Ngunit kayo'y pinangakuan ko na ibibigay ko sa inyo ang kanilang lupain, isang lupain na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. Pinili ko kayo sa mga bansa. 25 Kaya, dapat ninyong makilala ang marumi at malinis na mga hayop at ibon. Huwag ninyong dudungisan ang inyong mga sarili sa pagkain ng mga hayop at ibong ipinagbabawal ko sa inyo. 26 Magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ay banal. Kayo'y pinili ko sa gitna ng mga bansa upang maging akin.

27 “Sinumang kumakausap sa mga espiritu ng mga patay na o mga manghuhula, maging lalaki o babae, ay babatuhin hanggang sa mamatay. Sila na rin ang may kagagawan sa sarili nilang kamatayan.”

Pag-iingat sa Kabanalan ng Pari

21 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga pari, sa mga anak ni Aaron, na ang sinuman sa kanila'y huwag lalapit sa patay, liban na lang kung ang patay ay kanyang ama, ina, anak, kapatid na lalaki o kapatid na dalaga na kasama niya sa bahay. Dapat niyang pag-ingatan na siya'y huwag marumihan sa pamamagitan ng bangkay ng kanyang mga kamag-anak sa asawa upang hindi malapastangan ang kanyang pagiging pari.

“Huwag(AZ) silang magpapakalbo, magpuputol ng balbas, o maghihiwa sa sarili upang ipakita lamang na sila'y nagluluksa. Ingatan nilang malinis ang kanilang sarili sa harapan ng Diyos at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng Diyos. Sila ang naghahain ng handog sa akin, kaya dapat silang maging banal. Huwag silang mag-aasawa ng babaing nagbebenta ng aliw sa mga sagradong lugar, o kaya'y babaing hiniwalayan at pinalayas ng kanilang asawa, sapagkat nakalaan sa Diyos ang mga pari. Ituring ninyong banal ang pari sapagkat siya ang naghahandog ng pagkain sa akin; dapat siyang maging banal sapagkat akong si Yahweh ay banal kaya't ginawa ko kayong banal. Kung ang babaing anak ng pari ay mamuhay nang may kahalayan, nilapastangan niya ang kanyang ama, kaya dapat siyang sunugin.

10 “Kung ang nahirang na pinakapunong pari, na binuhusan ng langis sa ulo at itinalagang magsuot ng sagradong kasuotan, ay mamatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa. 11 Hindi siya maaaring lumapit sa patay kahit ito'y kanyang ama o ina. 12 Dapat siyang manatili sa santuwaryo ng kanyang Diyos. Kapag umalis siya roon upang tingnan ang bangkay, nilapastangan na niya ang santuwaryo ng Diyos dahil nakalaan na siya sa Diyos. Ako si Yahweh. 13 Isang birhen ang dapat mapangasawa ng pinakapunong pari. 14 Hindi siya dapat mag-aasawa ng balo, hiwalay sa asawa, dalagang nadungisan na ang puri o babaing nagbebenta ng aliw. Ang dapat niyang mapangasawa'y isang kalahi at wala pang nakakasiping, 15 upang huwag magkaroon ng kapintasan sa harapan ng bayan ang magiging mga anak niya. Ako si Yahweh; inilaan ko siya para sa akin.”

16 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 17 “Sabihin mo rin kay Aaron na ang sinuman sa lahi niya na may kapintasan o kapansanan ay hindi kailanman nararapat mag-alay ng handog sa akin. 18 Hindi maaaring lumapit sa altar ang sinumang bulag, pilay, may sira ang mukha, at may kapansanan sa katawan, 19 may bali sa paa o kamay, 20 may depekto sa mata, may sakit sa balat, kuba, unano, o isang kapon. 21 Sinumang may kapintasan sa lahi ni Aaron ay hindi maaaring maghandog kay Yahweh. Hindi nga siya maaaring maghain ng pagkaing handog dahil sa kanyang kapintasan. 22 Maaari siyang kumain ng anumang handog sa Diyos, maging ito'y ganap na sagradong handog o sagradong handog, 23 ngunit hindi siya maaaring lumapit sa altar dahil sa kanyang kapintasan. Kapag lumapit siya sa altar, iyon ay paglapastangan sa aking santuwaryo. Ako si Yahweh, ginawa kong banal ang mga iyon.”

24 Gayon nga ang sinabi ni Moises kay Aaron, sa mga anak nito at sa buong Israel.

Paggalang sa mga Bagay na Inihandog

22 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na dapat nilang igalang ang mga bagay na inilaan sa akin ng mga Israelita upang hindi malapastangan ang aking pangalan. Ako si Yahweh. Sabihin mong hindi na makakapaglingkod pang muli sa aking harapan ang sinuman sa kanyang lahi na lalapit doon nang marumi ayon sa tuntunin. May bisa ang tuntuning ito sa buong panahon ng inyong lahi. Ako si Yahweh.

“Ang sinuman sa angkan ni Aaron na may sakit sa balat na parang ketong o kaya'y may tulo ay hindi dapat kumain ng anumang bagay na banal hanggang hindi siya gumagaling. Sinumang makahawak ng bagay na naging marumi dahil sa bangkay, o dahil sa lalaking nilabasan ng sariling binhi, sa mga hayop o taong itinuturing na marumi, ay ituturing na marumi hanggang kinagabihan. Hindi siya makakakain ng pagkaing banal hanggang hindi siya nakakapaligo. Paglubog ng araw, ituturing na siyang malinis, at makakakain na ng pagkaing banal na inilaan sa kanya. Ang mga pari ay hindi rin maaaring kumain ng karne ng hayop na namatay o pinatay ng kapwa hayop sapagkat iyon ang makapagpaparumi sa kanila. Ako si Yahweh.

“Dapat sundin ng mga pari ang mga tuntuning ito; kung hindi, magkakasala sila at mamamatay. Ako si Yahweh; inilaan ko sila para sa akin.

10 “Hindi makakakain ng anumang bagay na banal ang hindi ninyo kalahi. Hindi maaaring kumain nito ang mga nanunuluyan sa pari o bayarang manggagawa. 11 Ngunit ang aliping binili niya, o ipinanganak sa kanyang tahanan ay maaaring kumain niyon. 12 Hindi rin maaaring kumain nito ang babaing anak ng pari kung nag-asawa siya ng hindi pari. 13 Ngunit kung siya'y mabalo o hiwalayan ng asawa nang walang anak at umuwi sa kanyang ama, makakakain na siya ng pagkain ng kanyang ama. Hindi dapat kumain ng pagkaing banal ang hindi kabilang sa pamilya ng pari.

14 “Kung ang sinumang hindi pari ay makakain nito nang di sinasadya, babayaran niya at may patong pang ikalimang parte ng halaga ng kanyang kinain. 15 Dapat ingatang mabuti ng mga pari ang mga banal na bagay na inihandog ng mga Israelita para kay Yahweh. 16 Huwag nila itong ipapakain sa mga hindi kabilang sa kanilang angkan sapagkat kapag kumain sila nito, sila'y lumalabag sa tuntunin, at pananagutan nila iyon. Ako si Yahweh. Ginawa kong sagrado ang mga iyon.”

17 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 18 “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita: Kung may Israelita o dayuhang magdadala ng handog na susunugin bilang pagtupad sa panata o kusang-loob na handog, 19 ang dadalhin niya ay toro, lalaking tupa o kambing na walang kapintasan upang ito'y maging kalugud-lugod. 20 Huwag(BA) kayong maghahandog ng anumang bagay na may kapintasan, sapagkat hindi iyon kalugud-lugod. 21 Kailangan ding walang kapintasan ang baka, tupa o kambing na dadalhin bilang handog pangkapayapaan, ito man ay pagtupad sa panata o kusang-loob. 22 Huwag kayong magdadala sa altar ng baka, tupa o kambing na bulag, pilay, may galis at kati o may anumang kapansanan bilang handog na susunugin. 23 Ang alinmang toro o tupang tabingi ang katawan o bansot ay madadala bilang kusang-loob na handog ngunit hindi maihahandog bilang pagtupad sa panata. 24 Huwag kayong maghahandog ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Hindi ito dapat pahintulutan sa inyong lupain.

25 “Huwag din kayong tatanggap mula sa mga dayuhan ng hayop upang ihandog kay Yahweh. Huwag ninyong tatanggapin ang mga iyon sapagkat ang mga ito'y may kapintasan.”

26 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, 27 “Ang bisirong baka, tupa o kambing ay dapat manatili nang pitong araw sa piling ng inahin. Mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay kay Yahweh bilang handog na susunugin. 28 Huwag ninyong papatayin ang inahin sa araw na patayin ninyo ang bisiro. 29 Ang paghahain ng handog ng pasasalamat ay gawin ninyo ayon sa tuntunin upang kayo'y maging kalugud-lugod. 30 Kakainin ninyo ito sa araw ring iyon. Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Ako si Yahweh.

31 “Sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh. 32 Huwag ninyong lalapastanganin ang aking pangalan. Sa halip, ako'y inyong dakilain sapagkat ako si Yahweh. Inilaan ko kayo para sa akin. 33 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging inyong Diyos. Ako si Yahweh.”

Mga Itinakdang Kapistahan

23 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ipahayag mo sa mga Israelita ang mga pistang itinakda ko; ipangingilin nila ang mga banal na pagtitipong ito, at magkakaroon sila ng banal na pagpupulong. Anim(BB) na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw kayo'y magpapahinga. Iyon ay araw ng banal na pagtitipon. Huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo, saanman kayo naroroon; iyon ay Araw ng Pamamahinga para kay Yahweh.

Pista ng Paskwa(BC)

“Ito ang mga pistang itinakda ko: ang(BD) Pista ng Paskwa na gaganapin sa gabi ng ikalabing apat na araw ng unang buwan. Kinabukasan(BE) ay Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa; pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, magkakaroon kayo ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho. Pitong araw kayong mag-aalay kay Yahweh ng handog na susunugin. Sa ikapitong araw, muli kayong magkakaroon ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho.”

Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 10 “Sabihin mo rin sa mga Israelita na kapag naroon na sila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, tuwing anihan ay magdadala sila sa pari ng isang bigkis ng una nilang ani. 11 Ito'y iwawagayway niya sa harapan ni Yahweh upang kayo'y maging kalugud-lugod sa kanya. Gagawin ito kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga. 12 Sa araw na iyon, magdadala kayo ng isang lalaking korderong walang kapintasan at isang taon pa lang bilang handog na susunugin. 13 Sasamahan ninyo ito ng isang salop ng harinang minasa sa langis ng olibo bilang handog na pagkaing butil, at isang litrong alak bilang handog na inumin. Ang halimuyak ng handog na ito ay magiging mabangong samyo kay Yahweh. 14 Huwag kayong kakain ng tinapay o trigo, maging sinangag o sariwa, hanggang hindi ninyo nagagawa ang paghahandog na ito. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon.

Pista ng Pag-aani(BF)

15 “Mula(BG) sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga, araw ng pagdadala ninyo ng bigkis na ani, magpapalipas kayo ng pitong linggo; 16 ang ikalimampung araw ay tatama sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyon, magdadala kayo ng handog na pagkaing butil: 17 dalawang tinapay na may pampaalsa, isang salop ng harina ng bagong aning trigo ang gagamitin dito. Ito ang handog ninyo mula sa unang ani. 18 Magdadala rin kayo ng pitong tupa na tig-iisang taóng gulang na walang kapintasan, isang toro at dalawang kambing. Ito'y susunuging kasama ng handog na pagkaing butil at handog na inumin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin. 19 Magdadala pa kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at dalawang kordero na tig-iisang taóng gulang bilang handog pangkapayapaan. 20 Ang mga ito'y ihahandog ng pari, kasama ng dalawang kordero at dalawang tinapay na yari sa trigong bagong ani. 21 Sa araw ring iyon, tatawag kayo ng isang banal na pagtitipon; isa ma'y walang magtatrabaho. Ang tuntuning ito ay susundin ninyo habang panahon.

22 “Huwag(BH) ninyong aanihin ang nasa gilid ng triguhan at huwag din ninyong pupulutin ang inyong naiwang uhay. Ipaubaya na ninyo iyon sa mga mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

Pista ng mga Trumpeta(BI)

23 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 24 “Sabihin mo sa mga Israelita na ang unang araw ng ikapitong buwan ay Araw ng Pamamahinga, araw ng inyong banal na pagtitipon. Ipapaalam ito sa pamamagitan ng tunog ng mga trumpeta. 25 Sa araw na iyon, huwag kayong magtatrabaho; kayo'y magdadala kay Yahweh ng pagkaing handog.”

Ang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan(BJ)

26 Sinabi(BK) pa rin ni Yahweh kay Moises, 27 “Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ay Araw ng Pagtubos sa Kasalanan. Sa araw na iyon ng inyong banal na pagtitipon, mag-ayuno kayo at mag-alay ng pagkaing handog. 28 Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon sapagkat iyon ay Araw ng Pagtubos sa Kasalanan. Ito'y isasagawa bilang pagtubos sa inyong pagkakasala sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos. 29 Ang hindi mag-aayuno sa araw na iyon ay ititiwalag sa sambayanan ng Diyos. 30 Pupuksain ko sa harapan ng madla ang sinumang magtrabaho, 31 kaya huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon. Ito ay batas na dapat ninyong sundin sa habang panahon saanman kayo naroroon. 32 Sa araw na iyon, kayo ay dapat magpahinga at huwag nga kayong magtatrabaho mula sa gabi ng ikasiyam na araw hanggang sa kinabukasan ng hapon. At mag-aayuno kayo sa mga araw na iyon.”

Pista ng mga Tolda(BL)

33 Sinabi(BM) pa ni Yahweh kay Moises, 34 “Sabihin mo rin ito sa mga Israelita: Mula sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng mga Tolda. Pitong araw ninyo itong ipagdiriwang. 35 Sa unang araw, magkaroon kayo ng banal na pagtitipon, at huwag kayong magtatrabaho. 36 Pitong araw kayong maghahandog kay Yahweh ng handog na pagkain. Sa ikawalong araw, muli kayong magtitipon upang sumamba at mag-aalay ng pagkaing handog. Iyon ay banal na pagtitipon, kaya huwag kayong magtatrabaho.

37 “Iyan ang mga pistang itinakda ni Yahweh, mga araw ng inyong banal na pagtitipon. Sa mga araw na iyon, magdadala kayo ng handog na susunugin, handog na pagkaing butil, at handog na inumin ayon sa itinakda ng bawat araw. 38 Bukod ito sa mga karaniwang Araw ng Pamamahinga, at ang mga handog na ito ay iba pa sa mga pang-araw-araw na handog kay Yahweh, at sa mga kusang handog ninyo, o mga handog na ginagawa ninyo bilang pagtupad ng panata.

39 “Sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng pag-aani, pitong araw pa kayong magpipista para kay Yahweh. Huwag kayong magtatrabaho sa una at ikawalong araw. 40 Sa unang araw, pipitas kayo ng mabubuting bungangkahoy, mga sanga ng palmera at mayayabong na sanga ng kahoy sa tabing-ilog. Pitong araw kayong magdiriwang bilang parangal kay Yahweh na inyong Diyos. 41 Ang pistang ito ay ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw tuwing ikapitong buwan taun-taon. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. 42 Sa buong panahon ng pistang ito, lahat ng Israelita ay sa tolda maninirahan 43 upang malaman ng inyong mga anak na sa mga tolda tumira ang mga Israelita nang ilabas ko sila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

44 Gayon nga inihayag ni Moises sa mga Israelita ang mga kapistahan upang parangalan si Yahweh.

Ang mga Ilawan(BN)

24 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iutos mo sa mga Israelita na magdala ng dalisay na langis ng olibo upang patuloy na magningas ang ilawan sa labas ng tabing, sa loob ng Toldang Tipanan. Ang mga ilaw na iyon ay sisindihan ni Aaron tuwing hapon at pananatilihing may sindi hanggang umaga. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. Pangangalagaan niya ang mga ilaw na ito na nasa patungang ginto upang manatiling maningas sa harapan ni Yahweh.

Ang Sagradong mga Tinapay

“Magluluto(BO) kayo ng labindalawang tinapay; isang salop ng mainam na harina ang gagamitin sa bawat isa. Ang mga ito ay ihahanay nang tig-aanim sa ibabaw ng mesang ginto. Bawat hanay ay lalagyan ng dalisay na insenso at pagkatapos ay susunugin bilang handog kay Yahweh. Tuwing Araw ng Pamamahinga, ang tinapay na ito ay ihahandog kay Yahweh. Ito'y gagawin ng bayang Israel sa habang panahon. Pagkatapos(BP) ihandog, ang mga tinapay na iyon ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. Kakainin nila iyon sa isang banal na lugar sapagkat iyon ay inilaan kay Yahweh. Ito ay tuntuning dapat sundin habang panahon.”

Paglapastangan at Kaparusahan

10-11 Nang panahong iyon, may isang lalaking pumasok sa kampo ng Israel. Ang ama niya ay isang Egipcio at Israelita naman ang kanyang ina na ang pangala'y Selomit, isa sa mga anak ni Debri at mula sa lipi ni Dan. Ang anak ng mga ito ay napaaway sa isang tunay na Israelita. Sa kanilang pag-aaway, nagmura siya at nagsalita ng masama laban sa pangalan ni Yahweh, kaya dinala siya kay Moises. 12 Siya ay ipinakulong habang hinihintay ang pasya ni Yahweh.

13 At sinabi ni Yahweh kay Moises, 14 “Ilabas ninyo sa kampo ang nagmura. Ipatong sa ulo niya ang kamay ng lahat ng nakarinig sa kanya, at pagkatapos ay batuhin siya hanggang mamatay. 15 Sabihin mo sa bayang Israel na mananagot ang sinumang lumapastangan sa kanyang Diyos. 16 Ang lumapastangan sa pangalan ni Yahweh, maging katutubong Israelita o dayuhan, ay babatuhin ng taong-bayan hanggang sa mamatay.

17 “Ang(BQ) sinumang pumatay ng kapwa ay papatayin din. 18 Kung hayop naman ang pinatay niya, papalitan niya iyon; kapag buhay ang inutang buhay rin ang kabayaran.

19 “Ang makapinsala sa kapwa ay pipinsalain din, tulad ng kanyang ginawa. 20 Baling(BR) buto sa baling buto, mata sa mata, ngipin sa ngipin. Kung ano ang ginawa niya, gayundin ang gagawin sa kanya. 21 Ang makapatay ng hayop ng kanyang kapwa ay kinakailangang magbabayad ng hayop din, ngunit ang pumatay ng kapwa tao ay dapat patayin din. 22 Iisa(BS) ang batas na paiiralin sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

23 Nang masabi na ito ni Moises, inilabas nila sa kampo ang lumapastangan at binato hanggang mamatay. Sinunod ng mga Israelita ang mga utos ni Yahweh na ibinigay niya kay Moises.

Ang Taon ng Pamamahinga(BT)

25 Sinabi(BU) pa ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa Bundok ng Sinai, “Sabihin mo sa mga Israelita na pagpasok nila sa lupaing ibinigay ko sa inyo, pati ang lupain ay pagpapahingahin tuwing ikapitong taon upang parangalan si Yahweh. Anim na taon ninyong tatamnan ang inyong bukirin at aalagaan ang mga ubasan. Ang ikapitong taon ay taon ng lubos na pamamahinga ng lupain, isang taóng nakatalaga para kay Yahweh. Huwag ninyong tatamnan sa taóng iyon ang inyong bukirin at huwag pipitasan ang mga punong ubas na hindi naalagaan. Ang lahat ng maaani roon ay para sa lahat: sa inyo, sa inyong mga alipin, sa mga bayarang manggagawa, sa mga dayuhan, sa inyong mga kawan at iba pang mga hayop.

Ang Taon ng Paglaya

“Bibilang kayo ng pitong tigpipitong taon, bale apatnapu't siyam na taon. Pagkalipas nito, sa ikasampung araw ng ikapitong buwan na siyang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan, hihipan nang malakas ang trumpeta sa buong lupain. 10 Sa ganitong paraan, itatangi ninyo ang ikalimampung taon; ipahahayag ninyong malaya ang lahat sa buong lupain. Ito ay inyong Taon ng Paglaya; ang alipin ay babalik sa kanyang sariling tahanan at ang lupaing naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. 11 Sa buong taóng iyon, huwag kayong magtatanim sa inyong bukirin. Huwag din ninyong aanihin ang bunga ng mga punong ubas na hindi naalagaan. 12 Sapagkat ito'y taon ng pagdiriwang at ito ay sagrado para sa inyo. Ang inyong kakainin ay ang mga halaman na kusang tumubo sa bukid.

13 “Sa taóng iyon, ang lahat ng ari-ariang naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. 14 Kaya't kung magbebenta kayo o bibili sa inyong kapwa, huwag kayong mandaraya. 15 Magbabayad kayo ayon sa dami ng taon mula sa huling taon ng paglaya, at magbebenta naman ayon sa dami ng taon ng pamumunga bago dumating ang kasunod na Taon ng Paglaya. 16 Kung matagal pa, mataas ang halaga; kung iilang taon na lamang, mas mababa ang halaga sapagkat ang batayan ay ang dami ng maaani sa lupa. 17 Huwag kayong magdadayaan; sa halip ay matakot kayo sa akin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

18 “Kaya iingatan ninyo ang mga tuntunin at inyong tutuparin ang aking mga utos, upang kayo'y manatiling matatag sa lupaing pupuntahan ninyo. 19 Sa gayon, mag-aani kayo nang sagana; hindi kayo magugutom at magiging tiwasay ang pamumuhay ninyo sa lupaing iyon. 20 Huwag kayong mag-alala sa kakainin ninyo sa ikapitong taon kung hindi kayo magtatanim. 21 Pasasaganain ko ang inyong ani tuwing ikaanim na taon, at magiging sapat iyon para sa tatlong taon. 22 Kayo'y magtatanim na sa ikawalong taon ngunit ang dati pa rin ninyong inani ang kakainin ninyo hanggang sa anihan ng ikasiyam na taon.

Paglaya ng Ari-arian

23 “Hindi ninyo maipagbibili nang lubusan ang lupain sapagkat iyon ay akin; pinatitirhan ko lamang sa inyo iyon. 24 Kaya, maipagbili man ang alinmang bahagi ng inyong lupain, iyon ay maaaring tubusin ng dating may-ari.

25 “Kung sa inyo'y may maghirap at mapilitang magbenta ng kanyang ari-arian, iyon ay dapat tubusin agad ng pinakamalapit niyang kamag-anak. 26 Kung wala siyang kamag-anak na makakatubos niyon, siya na rin ang tutubos kapag umunlad uli ang kanyang kabuhayan. 27 Ibabalik niya sa bumili ang katumbas na halaga ng nalalabing taon bago dumating ang Taon ng Paglaya. Sa gayon, maibabalik sa kanya ang kanyang ari-arian. 28 Ngunit kung wala pa siyang sapat na pantubos, mananatili iyon sa bumili hanggang sa Taon ng Paglaya, at sa taóng iyon, ang ari-arian niya'y ibabalik sa kanya nang walang bayad.

29 “Kung may magbenta ng kanyang bahay na nasa loob ng lunsod na napapaderan, matutubos niya iyon sa loob ng isang taon. 30 Kung hindi niya matubos iyon sa loob ng isang taon, ang bahay ay magiging lubos nang pag-aari ng nakabili kahit sumapit pa ang Taon ng Paglaya. 31 Ang mga ipinagbiling bahay sa labas ng lunsod na napapaderan ay tulad ng lupang ipinagbili na maaaring matubos o kaya'y maisauli pagdating ng Taon ng Paglaya. 32 Ngunit ang mga bahay sa mga lunsod ng mga Levita, na kanilang ipinagbili ay maaari nilang tubusin kahit kailan. 33 Kung ayaw gamitin ng isang Levita ang karapatang ito, maibabalik iyon sa kanya pagdating ng Taon ng Paglaya kung ito'y nasa kanyang lunsod. Sapagkat ang mga gusaling tulad nito, ay lubos na pag-aari ng mga Levita, bilang kanilang bahagi sa bansang Israel. 34 Ngunit ang mga pastulan sa palibot ng kanilang mga lunsod ay hindi maaaring ipagbili, sapagkat iyo'y pag-aari nila magpakailanman.

Pagpapautang sa Mahihirap

35 “Kung(BV) ang isang kababayan ninyo ay naghirap at hindi na niya kayang buhayin ang sarili, kupkupin ninyo siya tulad ng isang dayuhang nakikipamayan sa inyo. 36 Huwag ninyo siyang patutubuan kung siya'y mangutang sa inyo. Matakot kayo sa Diyos, at hayaan ninyo itong mabuhay na kasama ninyo. 37 Huwag(BW) ninyong patutubuan ang pera o pagkaing inutang niya sa inyo. 38 Ako si Yahweh, ang inyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa Egipto upang ibigay sa inyo ang Canaan at upang maging Diyos ninyo.

Paglaya ng mga Alipin

39 “Kung(BX) dahil sa labis na kahirapan ay mapilitan ang isang Israelita na ipagbili sa inyo ang kanyang sarili, huwag ninyo siyang ituturing na alipin. 40 Ituring ninyo siyang katulong o dayuhang upahan, at maglilingkod siya sa inyo hanggang sumapit ang Taon ng Paglaya. 41 Pagdating ng panahong iyon, palalayain ninyo siya pati ang kanyang mga anak upang bumalik sa kanyang pamilya at ari-arian. 42 Akong si Yahweh ang naglabas sa kanila sa Egipto; hindi sila dapat ipagbili upang maging alipin. 43 Huwag ninyo silang pagmamalupitan; matakot kayo sa Diyos. 44 Kung kailangan ninyo ng aliping lalaki o babae, doon kayo bumili sa mga bansa sa inyong paligid. 45 Maaari ninyong bilhin bilang alipin ang mga anak ng mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 46 Maaari ninyo silang ipamigay sa inyong mga anak at maaari rin ninyo silang gawing alipin, ngunit huwag ninyong aalipinin o pagmamalupitan ang kapwa ninyo Israelita.

47 “Kung dahil sa labis na kahirapan at mapilitan ang isang Israelita na ipagbili ang kanyang sarili sa isang dayuhang mayaman, 48 siya ay may karapatang lumaya. Maaari siyang tubusin ng kanyang kapatid, 49 amain, pinsan, kamag-anak o siya mismo kung kaya na niya. 50 Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay kukuwentahin mula nang bilhin siya hanggang sa Taon ng Paglaya, at ang itutubos sa kanya ay katumbas ng sweldo ng isang manggagawa. 51 Kung matagal pa ang Taon ng Paglaya, malaki ang pagbabayaran ng tutubos. 52 Ngunit maliit lamang kung malapit na ang panahong iyon, sapagkat ang itutubos sa kanya ay batay sa dami ng taon na dapat pa niyang ipaglingkod. 53 Ituturing siyang bayarang manggagawa sa panahon ng kanyang paglilingkod ngunit hindi siya maaaring pagmalupitan. 54 Kung hindi siya matubos sa mga paraang nabanggit, siya at ang mga anak niya ay palalayain pagsapit ng Taon ng Paglaya, 55 sapagkat alipin ko ang mga Israelita, at ako ang nagpalaya sa kanila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo.

Mga Pagpapala sa Pagiging Masunurin(BY)

26 “Huwag(BZ) kayong gagawa ng mga diyus-diyosan o magtatayo ng mga inukit na rebulto o sagradong haligi, o mga batong hinugisan upang sambahin sa inyong lupain. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo. Igalang ninyo ang Araw ng Pamamahinga at ang aking santuwaryo. Ako si Yahweh.

“Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ang aking mga utos, pauulanin ko sa tamang panahon at mamumunga nang sagana ang mga punongkahoy sa kaparangan. Kahit(CA) tapos na ang panahon ng pitasan ng prutas at panahon ng muling pagtatanim ay gumigiik pa kayo. Sasagana kayo sa pagkain at mamumuhay nang panatag.

“Maghahari ang kapayapaan sa buong lupain at walang gagambala sa inyo. Palalayasin ko ang mababangis na hayop at wala nang dirigma sa inyo. Matatakot sa inyo ang inyong mga kaaway at malulupig ninyo sila sa labanan. Sapat na ang lima sa inyo upang talunin ang sandaang kaaway at ang sandaan para sa sampung libong kaaway. Malulupig ninyo ang inyong mga kalaban. Pagpapalain ko kayo; kayo'y uunlad at darami. Patuloy kong pagtitibayin ang ginawa kong kasunduan sa inyo. 10 Ang inyong ani ay sobra-sobra at tatagal sa mahabang panahon. Sa katunayan, sa dami ng inyong aanihin ay ilalabas ninyo ang mga luma upang maimbak lamang ang mga bagong ani. 11 Maninirahan ako sa kalagitnaan ninyo at hindi ko kayo pababayaan. 12 Ako'y(CB) (CC) inyong kasama saanman kayo magpunta; ako ang magiging Diyos ninyo at kayo naman ang magiging bayan ko. 13 Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo, ang siyang naglabas sa inyo sa Egipto. Pinalaya ko na kayo kaya't wala na kayong dapat ikahiya kaninuman.

Mga Parusa sa Pagsuway(CD)

14 “Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin at hindi tutuparin ang mga utos ko, 15 kung tatanggihan ninyo ang aking mga tuntunin at kautusan, kaya't ayaw ninyong sundin ang mga ito at sisirain ninyo ang ginawa kong kasunduan sa inyo, 16 padadalhan ko kayo ng mga sakuna. Makakaranas kayo ng matitinding sakit na magpapalabo ng inyong mata, at magpapahina ng inyong katawan. Hindi ninyo makakain ang pinagpagalan ninyo sapagkat ito'y kakainin ng inyong mga kaaway. 17 Hindi ko kayo gagabayan at pababayaan ko kayong malupig. Hahayaan ko kayong sakupin ng mga taong napopoot sa inyo, at kakaripas kayo ng takbo kahit walang humahabol sa inyo.

18 “Kung sa kabila nito'y hindi pa rin kayo makikinig, makapitong ibayo ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong mga kasalanan. 19 Paparusahan ko kayo dahil sa katigasan ng inyong ulo; hindi ko pauulanin ang langit at matitigang ang lupa. 20 Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagpapagal sapagkat hindi maaanihan ang inyong lupain, at hindi mamumunga ang inyong mga bungangkahoy.

21 “Kung patuloy kayong susuway at hindi makikinig sa akin, makapitong ibayo ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong kasalanan. 22 Pababayaan kong lapain ng mababangis na hayop ang inyong mga anak at mga alagang hayop. Kaunti lamang ang matitira sa inyo, at halos mawawalan na ng tao ang inyong mga lansangan.

23 “Kung sa kabila nito'y magmamatigas pa rin kayo at patuloy na susuway sa akin, 24 pitong ibayo pa ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong kasalanan. 25 Ipasasalakay ko kayo sa mga kaaway ninyo kaya't marami ang mapapatay sa inyo dahil sa inyong pagsira sa kasunduang ginawa ko sa inyo. Makapagtago man kayo sa mga kuta, padadalhan ko kayo roon ng salot, kaya babagsak din kayo sa kamay ng inyong kaaway. 26 Kukulangin kayo sa pagkain kaya't iisang kalan ang paglulutuan ng sampung babae. Tatakalin ang inyong pagkain kaya't hindi kayo mabubusog.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.