Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 148

Paanyaya sa Lahat Upang Purihin ang Diyos

148 Purihin si Yahweh!

Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
    kayo sa itaas siya'y papurihan.
Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,
    kasama ang hukbo roong karamihan!

Ang araw at buwan, siya ay purihin,
    purihin din siya ng mga bituin,
mataas na langit, siya ay purihin,
    tubig sa itaas, gayon din ang gawin!

Siya ang may utos na kayo'y likhain,
    kaya ang ngalan niya ay dapat purihin.
Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan,
    hindi magbabago magpakailanpaman.[a]

Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan,
    maging dambuhala nitong karagatan.
Ulan na may yelo, kidlat pati ulap,
    malakas na hangin, sumunod na lahat!

Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol.
Mga kabundukan, mataas na burol,
    malawak na gubat, mabubungang kahoy;
10 hayop na maamo't mailap na naroon,
    maging hayop na gumagapang at mga ibon.

11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,
    hari at prinsipe, lahat ng pangulo;
12 babae't lalaki, mga kabataan,
    matatandang tao't kaliit-liitan.

13 Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat,
ang kanyang pangala'y pinakamataas;
    sa langit at lupa'y maluwalhating ganap.
14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,
    kaya pinupuri ng piniling madla,
    ang bayang Israel, mahal niyang lubha!

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 9:1-12

Ang Karunungan at ang Kahangalan

Gumawa na ng tahanan itong karunungan,
    na itinayo niya sa pitong patibayan.
Nagpatay siya ng hayop, nagtimpla ng inumin,
    ang mesa ay inihanda, punung-puno ng pagkain.
Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan,
    upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan:
“Ang kulang sa kaalaman, dito ngayon ay lumapit.”
    Sa mga mangmang ay ganito ang sinambit:
“Halikayo't inyong kainin ang pagkain ko,
    at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.
Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay,
    at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”

Ang pumupuna sa mapangutya ay nag-aani ng pagdusta,
    ang nagtutuwid sa masama'y nagkakamit ng alipusta.
Punahin mo ang mapangutya at magagalit pa sa iyo,
    ngunit payuhan mo ang matalino at iibigin ka nito.
Matalino'y turuan mo't lalo siyang tatalino,
    ang matuwid ay aralan, lalago ang dunong nito.
10 Ang(A) paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
    ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman.
11 Sa pamamagitan ko, hahaba ang iyong mga araw,
    dahil sa akin, lalawig ang iyong buhay.
12 Kung mayroon kang karunungan, mayroon kang pakinabang,
    ngunit ika'y magdurusa kapag siya'y tinanggihan.

2 Pedro 3:8-13

Mga(A) minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang. Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan.

10 Ngunit(B) ang Araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala.[a] 11 At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang dumating agad ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Subalit ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay(C) tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.