Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 40:1-11

Mga Salita ng Pag-asa

40 “Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos.
    “Aliwin ninyo sila!
Inyong ibalita sa mga taga-Jerusalem,
tapos na ang kanilang pagdurusa
sapagkat nabayaran na nila ng lubos
    ang kasalanang ginawa nila sa akin.”

Ganito(A) (B) ang isinisigaw ng isang tinig:
“Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang;
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang.
Tambakan ang mga libis,
    patagin ang mga burol at bundok,
at pantayin ang mga baku-bakong daan.
Mahahayag ang kaluwalhatian ni Yahweh,
    at makikita ito ng lahat ng tao.
Si Yahweh mismo ang nagsabi nito.”
“Magpahayag(C) ka!” ang sabi ng tinig.
“Ano ang ipahahayag ko?” tanong ko.
Sumagot siya, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
    ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang.
Natutuyo ang damo, kumukupas ang mga bulaklak,
    kapag sila'y mahipan ng hanging mula kay Yahweh.
    Tunay ngang ang tao ay tulad ng damo.
Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak,
    ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”

Ang Diyos ay Narito Na

Umakyat ka sa tuktok ng bundok, O Zion,
    magandang balita ay iyong ipahayag, O Jerusalem!
Sumigaw ka at huwag matatakot,[a]
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
    “Narito na ang inyong Diyos!”

10 Dumarating(D) ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan,
    dala ang gantimpala sa mga hinirang.
11 At(E) tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan;
    sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa'y kanyang yayakapin.
    Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin,
    at papatnubayan ang mga tupang may supling.

Mga Awit 85:1-2

Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
    pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
    pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[a]

Mga Awit 85:8-13

Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
    sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
    kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
    sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
    ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
    mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
    ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
    kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.

2 Pedro 3:8-15

Mga(A) minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang. Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan.

10 Ngunit(B) ang Araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala.[a] 11 At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang dumating agad ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Subalit ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay(C) tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran.

14 Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong kayo'y madatnang namumuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan. 15 Isipin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas. Iyan ang isinulat sa inyo ng kapatid nating si Pablo, taglay ang karunungang kaloob sa kanya ng Diyos.

Marcos 1:1-8

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Ito ang simula ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, [ang Anak ng Diyos].[a] Tulad(B) ng nakasulat sa aklat ni propeta Isaias,

“Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo;
    ihahanda niya ang iyong daraanan.
Ito(C) ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”

At dumating nga sa ilang si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral,[b] “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at pabautismo kayo, upang kayo'y patawarin ng Diyos.” Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.

Ang(D) damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Ito ang ipinapahayag niya sa mga tao, “Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas.[c] Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.