Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 89:1-4

Panalangin sa Panahong Nagkakagulo ang Bansa

Isang(A) Maskil[a] E ni Etan, na mula sa angkan ni Ezra.

89 Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
    ang katapatan mo'y laging sasambitin.
Ang iyong pag-ibig walang katapusan,
    sintatag ng langit ang iyong katapatan.

Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
    at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa(B) sa lahi mo'y laging maghahari,
    ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)[b]

Mga Awit 89:19-26

Ang Pangako ng Diyos kay David

19 Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,
    sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:
    “Aking pinutungan ang isang dakila,
    na aking pinili sa gitna ng madla.
20 Ang(A) piniling lingkod na ito'y si David,
    aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
    at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
    ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
    silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
    at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
    dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
    tagapagsanggalang niya't manunubos.

2 Samuel 6:1-11

Kinuha ni David ang Kaban ng Tipan(A)

Pagkatapos nito, muling tinipon ni David ang mga piling kawal ng Israel; may tatlumpung libong kalalakihan lahat. Pinangunahan(B) niya ang buong hukbo at nagpunta sila sa Baale-Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan na kumakatawan sa kaluwalhatian ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na nakaluklok sa ibabaw ng mga kerubin. Kinuha(C) nila ito sa bahay ni Abinadab doon sa burol at isinakay sa isang bagong kariton na inaalalayan ng dalawang anak nito na sina Uza at Ahio. Si Ahio ay nauuna ng paglakad sa kaban. Si David at ang buong bayan ng Israel ay buong galak na sumasayaw. Sila'y umaawit sa saliw ng mga lira, kudyapi, tamburin, kastaneta, at pompiyang.

Nang malapit na sila sa may giikan ni Nacon, natalisod ang mga baka kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan. Nagalit si Yahweh at siya'y pinarusahan sa ginawang iyon. Noon di'y namatay si Uza sa tabi ng Kaban ng Tipan. Nagalit si David dahil pinarusahan ni Yahweh si Uza. Hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez-uza.[a] Dahil dito'y natakot si David kay Yahweh. Sinabi niya, “Paano ko iingatan ngayon ang Kaban ng Tipan?” 10 Hindi niya ito mapangahasang dalhin sa Lunsod ni David, kaya't doon na niya inihatid sa bahay ni Obed-edom na taga-Gat. 11 Tatlong(D) buwang nanatili roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at pinagpala ni Yahweh si Obed-edom at ang kanyang sambahayan.

Mga Hebreo 1:1-4

Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak

Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit(A) sa mga huling araw na ito, siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sanlibutan, at siya ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay. Nakikita(B) sa Anak ang kaluwalhatian ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y umupo sa kanan ng Makapangyarihan doon sa langit.

Mas Dakila ang Anak kaysa sa mga Anghel

Ang Anak ay ginawang higit na dakila kaysa mga anghel, tulad ng pangalan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay higit na dakila.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.