Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 64:1-9

64 Bakit hindi mo buksan ang langit at bumabâ ka sa mundong ibabaw,
    upang ang mga bundok ay manginig sa takot sa iyong harapan?
Sila'y manginginig na parang tubig na kumukulo sa init ng apoy.
Ipakita mo ang iyong kapangyarihan sa iyong mga kaaway,
    upang manginig ang mga bansa sa iyong harapan.
Nang ikaw ay dumating sa nakaraang panahon, gumawa ka ng mga bagay na nakakapangilabot na hindi namin inaasahan;
    ang mga bundok ay nanginig sa takot nang ikaw ay makita.
Sangkatauhan(A) ay wala pang nakikita
    o naririnig na Diyos maliban sa iyo;
    ikaw na tumutugon sa mga dalangin ng mga umaasa sa iyo.
Tinatanggap mo ang mga taong nagagalak gumawa ng tama;
    at sila na sa iyo'y nakakaalala sa nais mong maging buhay nila.
Ngunit kapag patuloy kaming nagkakasala, ikaw ay nagagalit.
    At sa kabila ng iyong poot, patuloy kami sa paggawa ng masama.
Lahat tayo'y naging marumi sa harapan ng Diyos;
    ang mabubuting gawa nati'y maruruming basahan ang katulad.
Nalanta na tayong lahat gaya ng mga dahon;
    tinatangay tayo ng malakas na hangin ng ating kasamaan.
Walang sinumang tumatawag sa pangalan mo;
    walang sinumang bumabangon upang sa iyo'y lumapit.
Kami'y iyong pinagtaguan,
    at dahil sa aming mga kasalanan, kami'y iyong pinuksa.
Gayunman, O Yahweh, ikaw pa rin ang aming Ama.
    Kami ang putik at ikaw ang magpapalayok.
    Ikaw ang sa ami'y humubog.
O Yahweh, huwag kang mapoot sa amin nang labis;
    huwag mo nang alalahanin magpakailanman ang aming mga kasamaan;
    mahabag ka sa amin sapagkat kami'y iyong bayan.

Mga Awit 80:1-7

Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.

80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
    mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
    sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!

Ibalik mo kami, O Diyos,
    at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.

Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
    Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
    luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
    iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.

Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!

Mga Awit 80:17-19

17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
    iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
    kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!

1 Corinto 1:3-9

Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Pagpapala Mula kay Cristo

Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo, kayo ay naging masagana sa lahat ng bagay, maging sa pananalita at sa kaalaman. Ang katotohanan tungkol kay Cristo ay pinagtibay sa inyo kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang pagpapala, habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kayo'y gagawin niyang matatag hanggang wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo.[a] Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Marcos 13:24-37

Ang Pagbabalik ng Anak ng Tao(A)

24 “Subalit(B) sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, 25 malalaglag(C) mula sa langit ang mga bituin, at magugulo ang mga kapangyarihan sa kalawakan. 26 Pagkatapos,(D) makikita nila ang Anak ng Tao na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at karangalan. 27 Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig upang tipunin ng mga ito ang mga hinirang ng Diyos.”

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(E)

28 “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag sumisibol na ang mga sanga nito at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang kanyang pagdating; siya'y halos naririto na. 30 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang kasalukuyang salinlahi. 31 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.”

Walang Nakakaalam ng Araw o Oras(F)

32 “Ngunit(G) walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 33 Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari. 34 Ang(H) katulad nito'y isang taong maglalakbay sa malayo. Iniwan niya ang kanyang tahanan sa pamamahala ng kanyang mga alipin. Binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang gawain, at inutusan niya ang tanod na magbantay. 35 Gayundin naman, magbantay kayong lagi dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng sambahayan. Ito'y maaaring sa takipsilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya'y sa umaga. 36 Baka siya'y biglang dumating at maratnan kayong natutulog. 37 Ang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat. Maging handa kayo!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.