Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 148

Paanyaya sa Lahat Upang Purihin ang Diyos

148 Purihin si Yahweh!

Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
    kayo sa itaas siya'y papurihan.
Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,
    kasama ang hukbo roong karamihan!

Ang araw at buwan, siya ay purihin,
    purihin din siya ng mga bituin,
mataas na langit, siya ay purihin,
    tubig sa itaas, gayon din ang gawin!

Siya ang may utos na kayo'y likhain,
    kaya ang ngalan niya ay dapat purihin.
Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan,
    hindi magbabago magpakailanpaman.[a]

Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan,
    maging dambuhala nitong karagatan.
Ulan na may yelo, kidlat pati ulap,
    malakas na hangin, sumunod na lahat!

Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol.
Mga kabundukan, mataas na burol,
    malawak na gubat, mabubungang kahoy;
10 hayop na maamo't mailap na naroon,
    maging hayop na gumagapang at mga ibon.

11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,
    hari at prinsipe, lahat ng pangulo;
12 babae't lalaki, mga kabataan,
    matatandang tao't kaliit-liitan.

13 Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat,
ang kanyang pangala'y pinakamataas;
    sa langit at lupa'y maluwalhating ganap.
14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,
    kaya pinupuri ng piniling madla,
    ang bayang Israel, mahal niyang lubha!

Purihin si Yahweh!

Jeremias 31:15-17

Ang Pagkahabag ni Yahweh sa Israel

15 Sinabi(A) ni Yahweh:
“Narinig sa Rama ang isang tinig—
    panaghoy at mapait na pagtangis
tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
    Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”
16 Sinasabi ni Yahweh:
“Itigil na ninyo ang inyong pag-iyak,
    huwag na kayong lumuha;
sapagkat gagantimpalaan ang inyong mga ginawa,
    babalik sila mula sa lupain ng kaaway.
17 May pag-asa sa hinaharap, sabi ni Yahweh,
    magbabalik sa sariling bayan ang inyong mga anak.

Mateo 2:13-18

Ang Pagtakas Papunta sa Egipto

13 Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin.” 14 Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag-ina. 15 Doon(A) sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.”

Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki

16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga pantas. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahong sinabi sa kanya ng mga pantas.

17 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:

18 “Narinig(B) sa Rama ang isang tinig,
    tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy.
Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
    Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.