Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kaligtasan ng mga Lingkod ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
125 Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala,
kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
2 Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok,
gayon nagtatanggol
sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.
3 Taong masasama
ay di hahayaang laging mamahala,
pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama.
4 Ang mga mabait na tapat sumunod sa iyong kautusan,
sana'y pagpalain mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.
5 Ngunit ang masama, sa kanilang hilig iyong parusahan,
parusahan sila, dahil sa di wasto nilang pamumuhay.
Kapayapaan para sa Israel!
9 Pagkatawid(A) nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.”
Sumagot si Eliseo, “Kung maaari'y ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.”
10 Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, kapag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.” 11 Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.
12 Kitang-kita(B) ito ni Eliseo, kaya't napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!” At nawala na sa paningin niya si Elias.
Pinalitan ni Eliseo si Elias
Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan. 13 Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at bumalik sa pampang ng Ilog Jordan. 14 Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, “Nasaan si Yahweh, ang Diyos ni Elias?” Nahawi ang tubig at siya'y tumawid.
15 Nang makita ito ng mga propetang taga-Jerico na nakatanaw sa di-kalayuan, sinabi nila, “Sumasakanya ang kapangyarihan ni Elias.” Siya'y sinalubong nila at buong paggalang na niyukuran. 16 Pagkatapos, sinabi nila, “May kasamahan pa po kaming limampu na pawang malalakas. Kung ibig ninyo, ipapahanap namin ang inyong panginoon. Maaaring tinangay lang siya ng Espiritu[a] ni Yahweh at ipinadpad sa ibabaw ng bundok o sa alinman sa mga libis sa paligid.”
Sinabi niyang huwag na. 17 Ngunit sa kapipilit sa kanya, hindi na siya nakatanggi kaya pinalakad na nila ang limampu.
Tatlong araw silang naghanap ngunit hindi nila nakita si Elias. 18 Nang magbalik sila kay Eliseo sa Jerico, sinabi niya sa kanila, “Hindi ba't sinabi ko nang huwag na ninyo siyang hanapin?”
Ginawang Dalisay ni Eliseo ang Tubig sa Jerico
19 Sinabi ng mga tagaroon kay Eliseo, “Tulad po ng inyong nakikita, maganda ang lunsod na ito, marumi nga lang ang tubig kaya't hindi mabunga ang lupa.”
20 Sinabi niya, “Bigyan ninyo ako ng isang bagong mangkok at lagyan ninyo ng asin.” Ganoon nga ang ginawa nila. 21 Dala ang mangkok, pumunta si Eliseo sa bukal ng tubig at ibinuhos ang asin. “Ito ang sabi ni Yahweh: ‘Lilinis ang tubig na ito at hindi na pagmumulan ng sakit o kamatayan,’” sabi niya. 22 Mula noon, naging malinis ang tubig na iyon gaya ng sinabi ni Eliseo.
17 “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nauunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Sa ganitong paraan ay natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin ang inyong mga kasalanan, 20 at nang sa gayon ay sumapit ang panahon ng pagpapanibagong lakas mula sa Panginoon. Susuguin niya si Jesus, ang Cristong hinirang mula pa noong una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una. 22 Sapagkat(A) sinabi ni Moises, ‘Mula sa inyo, ang Panginoon ninyong Diyos[a] ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Sundin ninyo ang lahat ng kanyang sasabihin sa inyo. 23 Ang(B) sinumang hindi sumunod sa propetang iyon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’ 24 Ang lahat ng mga propeta, kasama si Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa panahong ito. 25 Ang(C) mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasama kayo sa kasunduan na ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno[b] nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang kanyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo upang pagpalain kayo at tulungang tumalikod sa inyong masamang pamumuhay.”
Sina Pedro at Juan sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio
4 Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio,[c] ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. 2 Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil itinuturo ng mga ito sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. 3 Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. 4 Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.