Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 27

Panalangin ng Pagpupuri

Katha ni David.

27 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
    sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
    sino pa ba ang aking kasisindakan?

Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
    sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
    mabubuwal lamang sila at mapapariwara.
Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
    hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
    magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.

Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
    iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
    upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
    at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
    sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
    sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
    Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay;
    aawitan ko si Yahweh at papupurihan.

Pakinggan mo ako, Yahweh, sa aking panawagan,
    sagutin mo ako at iyong kahabagan.
Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
Huwag ka sanang magagalit sa akin;
    ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
    huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!
10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
    si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.

11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
    sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
    pagkat naglipana ang aking mga kaaway.
12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
    na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.

13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
    kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.
14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
    Manalig sa kanya at huwag manghinawa.
Kay Yahweh tayo magtiwala!

Isaias 26:7-15

Patag ang daan ng taong matuwid,
    at ikaw, O Yahweh, ang dito'y pumatag.
Sinusunod namin ang mga kautusan mo;
    ikaw lamang ang aming inaasahan.
Pagsapit ng gabi'y hinahanap-hanap ka ng aking kaluluwa,
    nangungulila sa iyo ang aking espiritu.
Kapag hinatulan mo ang mga tao sa daigdig,
    malalaman nila kung ano ang matuwid.
10 Kahit mahabag ka sa taong masama,
    hindi rin siya matututong mamuhay nang tapat;
kahit na kasama siya ng bayang matuwid,
    kadakilaan ni Yahweh ay hindi pa rin mapapansin.
11 Nagbabala(A) ka ng parusa, O Yahweh, ngunit hindi rin nila ito pinansin.
Kaya ipadama mo sa kanila ang nakahandang parusa,
    upang makita nila ang pagmamahal mo sa iyong bayan.

12 Ikaw ang nagbibigay sa amin ng kapayapaan,
    at anumang nagawa nami'y
    dahil sa iyong kalooban.
13 O Yahweh, aming Diyos, may ibang panginoong sa ami'y nanguna,
    ngunit ang pangalan mo lamang ang aming kinikilala!
14 Mga patay na sila at hindi na mabubuhay,
    sapagkat pinarusahan mo at winasak na ganap,
hindi na sila maaalala kailanman.
15 Pinaunlad mo ang iyong bansa, O Yahweh,
    at pinalawak mo rin ang kanyang lupain.
    Dahil dito'y karapat-dapat kang parangalan.

Mga Gawa 2:37-42

37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?”

38 Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. 39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”

40 Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.”

41 Kaya't ang mga naniwala sa ipinangaral niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon. 42 Inilaan nila ang kanilang mga sarili upang matuto sa turo ng mga apostol, magsama-sama bilang magkakapatid, magsalu-salo sa pagkain ng tinapay, at manalangin.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.