Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa
Awit ni Asaf.
79 O(A) Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo't iyong masdan!
Winasak ang lunsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
2 ang mga katawan
ng mga lingkod mo ay ginawang pagkain ng mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.
3 Dugo ng bayan mo'y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
katulad ay tubig; sa dami ng patay ay walang maglibing.
4 Ang karatig-bansang
doo'y nakasaksi, kami'y kinutya at nagtatawa sila,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.
5 Iyang iyong galit
sa amin, O Yahweh, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami'y tutupok?
6 Doon mo ibaling
ang matinding galit sa maraming bansang ayaw kang kilanlin,
mga kahariang ang banal mong ngala'y ayaw na tawagin.
7 Masdan ang ginawa
nila sa bayan mo, ang mga lingkod mo ay pinatay nila,
pati ang tahanan nila ay winasak, walang itinira.
8 Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa'y pumanaw.
9 Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Diyos na aming Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala'y patawaring ganap;
at sa karangalan ng iyong pangalan, kami ay iligtas.
10 Bakit magtatanong
itong mga bansa ng katagang ito: “Ang Diyos mo'y nasaan?”
Ipaghiganti mo ang mga lingkod mong kanilang pinatay,
ang pagpaparusa'y iyong ipakita sa iyong mga hirang.
11 Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
12 Iyong parusahan
yaong mga bansang sa iyo, O Yahweh, lumalapastangan,
parusahan sila ng pitong ibayo sa gawang pag-uyam.
13 Kaya nga, O Yahweh,
kaming iyong lingkod, parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi't magpapasalamat sa iyong pangalan!
Matutubos sa Pagkabihag ang Israel
6 Sinabi pa ni Yahweh, “Darating ang panahong titipunin ko ang mga napilayan at ang mga binihag, gayundin ang aking mga pinarusahan. 7 Ang mga pilay na nalabi ay bibigyan ko ng bagong buhay, at ang mga itinapon ay gagawin kong isang malakas na bansa. Akong si Yahweh, ang maghahari sa kanila buhat sa Bundok ng Zion sa araw na iyon at magpakailanman.”
8 At tungkol naman sa iyo, burol ng Zion, kung saan binabantayan ng Diyos ang kanyang bayan gaya ng isang pastol, ikaw ay muling magiging sentro ng kaharian katulad noon. 9 Bakit ka dumaraing nang malakas? Wala na bang haring mangunguna sa iyo? Namatay na ba ang tagapayo mo, kaya't namimilipit ka sa sakit tulad ng isang babaing malapit nang manganak? 10 Mamilipit kayo't dumaing dahil sa matinding sakit, mga taga-Jerusalem, sapagkat aalis kayo sa lunsod at maninirahan sa kabukiran. Itatapon kayo sa Babilonia ngunit kukunin muli roon; ililigtas kayo ni Yahweh mula sa kamay ng inyong mga kaaway.
11 Maraming bansa ang nag-aabang upang salakayin ka. Sinabi nila, “Wasakin natin ang Zion. Panoorin natin ang kanyang pagkawasak.” 12 Ngunit hindi nila alam ang iniisip ni Yahweh, hindi nila nauunawaan ang kanyang layunin. Sila'y kanya lamang tinitipon upang parusahan, gaya ng ginapas na trigo, upang dalhin sa giikan. 13 Mga taga-Jerusalem, humanda kayo at parusahan ninyo ang inyong mga kaaway. Gagawin ko kayong kasinlakas ng isang toro na ang sungay ay bakal, at tanso naman ang mga paa. Dudurugin ninyo ang maraming bansa, ang mga kayamanang nasamsam ninyo ay ihahandog ninyo sa akin na Panginoon ng buong mundo.
Ang Pagbagsak ng Babilonia
18 Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian. 2 Sumigaw(A) siya nang napakalakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Ngayon ay kulungan na lamang siya ng mga demonyo, ng masasamang espiritu, ng maruruming ibon at ng marurumi at kasuklam-suklam na mga hayop. 3 Sapagkat(B) pinainom niya ng alak ng kanyang kahalayan ang lahat ng bansa. Nakiapid sa kanya ang mga hari sa lupa, at ang mga mangangalakal sa buong daigdig ay yumaman sa kanyang mahalay na pamumuhay.”
4 Narinig(C) ko mula sa langit ang isa pang tinig na nagsasabi,
“Umalis ka sa Babilonia, bayan ko!
Huwag kang makibahagi sa kanyang mga kasalanan,
upang hindi ka maparusahang kasama niya!
5 Sapagkat(D) abot na hanggang langit ang mga kasalanan niya,
at hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang kasamaan.
6 Gawin(E) ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba,
gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.
Punuin ninyo ang kanyang kopa
ng inuming higit na mapait kaysa inihanda niya sa iba.
7 Kung(F) paano siya nagmataas at nagpasasa sa kalayawan,
palasapin ninyo siya ng ganoon ding pahirap at kapighatian.
Sapagkat lagi niyang sinasabi,
‘Ako'y nakaluklok na isang reyna!
Hindi ako biyuda,
hindi ako magluluksa kailanman!’
8 Dahil dito, daragsa sa kanya ang mga salot sa loob ng isang araw:
sakit, dalamhati, at taggutom;
at tutupukin siya ng apoy.
Sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya.”
9 Tatangis(G) at iiyak ang mga haring nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kalayawan sa piling niya, habang tinatanaw nila ang usok ng nasusunog na lungsod. 10 Tatayo sila sa malayo sapagkat takot silang madamay sa dinaranas niyang parusa. Sasabihin nila, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang dakilang Babilonia, ang makapangyarihang lungsod! Sa loob lamang ng isang oras ay naganap ang parusa sa kanya!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.