Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Paanyaya sa Lahat Upang Purihin ang Diyos
148 Purihin si Yahweh!
Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
kayo sa itaas siya'y papurihan.
2 Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,
kasama ang hukbo roong karamihan!
3 Ang araw at buwan, siya ay purihin,
purihin din siya ng mga bituin,
4 mataas na langit, siya ay purihin,
tubig sa itaas, gayon din ang gawin!
5 Siya ang may utos na kayo'y likhain,
kaya ang ngalan niya ay dapat purihin.
6 Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan,
hindi magbabago magpakailanpaman.[a]
7 Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan,
maging dambuhala nitong karagatan.
8 Ulan na may yelo, kidlat pati ulap,
malakas na hangin, sumunod na lahat!
9 Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol.
Mga kabundukan, mataas na burol,
malawak na gubat, mabubungang kahoy;
10 hayop na maamo't mailap na naroon,
maging hayop na gumagapang at mga ibon.
11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,
hari at prinsipe, lahat ng pangulo;
12 babae't lalaki, mga kabataan,
matatandang tao't kaliit-liitan.
13 Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat,
ang kanyang pangala'y pinakamataas;
sa langit at lupa'y maluwalhating ganap.
14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,
kaya pinupuri ng piniling madla,
ang bayang Israel, mahal niyang lubha!
Purihin si Yahweh!
5 Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ni Yahweh;
pinili niya ako para maging lingkod niya,
upang tipunin ang bayang Israel na nagkawatak-watak.
Binigyan ako ni Yahweh ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat ang aking kalakasan.
6 Sinabi(A) sa akin ni Yahweh:
“Israel na aking lingkod, may mas mahalaga pa akong ipapagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik sa mga Israelitang nalabi,
gagawin din kitang liwanag sa mga bansa
upang ang buong daigdig ay maligtas.”
7 Ganito ang sinabi ni Yahweh, ang Tagapagligtas ng Israel,
sa itinakwil at kinamuhian ng mga bansa
at inalipin ng mga pinuno:
“Makikita ng mga hari ang pagpapalaya sa iyo;
sila'y titindig bilang pagpaparangal sa iyo.
At yuyukod ang mga prinsipe bilang paggalang sa iyo,
sapagkat hinirang ka ni Yahweh, ang banal na Diyos ng Israel.”
Muling Itatayo ang Jerusalem
8 Sinabi(B) pa ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Sa tamang panahon ay tinugon kita,
sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.
Iingatan kita at sa pamamagitan mo
gagawa ako ng kasunduan sa mga tao,
ibabalik kita sa sariling lupain
na ngayon ay wasak na.
9 Palalayain ko ang mga nasa bilangguan
at dadalhin sa liwanag ang mga nasa kadiliman.
Sila'y matutulad sa mga tupang
nanginginain sa masaganang pastulan.
10 Hindi(C) sila magugutom o mauuhaw,
hindi rin sila mabibilad sa matinding hangin at nakakapasong init sa disyerto,
sapagkat papatnubayan sila ng Diyos na nagmamahal sa kanila.
Sila'y gagabayan niya patungo sa bukal ng tubig.
11 Gagawa ako ng daan sa gitna ng kabundukan,
at ako'y maghahanda ng lansangan, upang maging daanan ng aking bayan.
12 Darating ang bayan ko buhat sa malayo,
mula sa hilaga at sa kanluran,
gayon din sa lupain ng Syene sa timog.”
13 O langit, magpuri ka sa tuwa!
Lupa, magalak ka, gayundin kayong mga bundok,
sapagkat inaaliw ni Yahweh ang kanyang hinirang,
sa gitna ng hirap ay kinahahabagan.
14 Ngunit ang sabi ng mga taga-Jerusalem,
“Pinabayaan na tayo ni Yahweh.
Nakalimutan na niya tayo.”
15 Ang sagot ni Yahweh,
“Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak?
Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal?
Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak,
hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali.
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(A)
46 Habang si Jesus ay nagsasalita sa maraming tao, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas dahil nais nila siyang makausap. [47 May nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid. Ibig nila kayong makausap.”][a] 48 Ngunit sinabi niya, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit, iyon ang aking ina at mga kapatid.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.