Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
2 Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[a]
8 Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
9 Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.
Hindi Taos ang Pagsisisi ng Israel
6 “Halikayo, tayo'y manumbalik kay Yahweh;
sapagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling.
Siya ang nanugat, kaya't siya rin ang gagamot.
2 Sa loob ng dalawang araw ay mapapalakas niya tayo;
sa ikatlong araw, tayo'y kanyang ibabangon,
upang tayo'y mabuhay sa kanyang harapan.
3 Halikayo't kilalanin natin si Yahweh, sikapin nating siya'y makilala.
Kasintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala,
tulad ng patak ng ulan sa panahon ng taglamig,
tulad ng tubig-ulan na nagpapasibol sa mga halaman.”
Ang Tugon ni Yahweh
4 “Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim?
Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda?
Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga,
gaya ng hamog na dagling napapawi.
5 Kaya nga, pinarusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta,
at pinagpapatay sa pamamagitan ng aking mga salita;
simbilis ng kidlat ang katuparan ng aking[a] hatol.
6 Sapagkat(A) wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog,
pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog.
Ang Pamumuhay at Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica
2 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y kasama kayo sa aming mga dalangin. 3 Inaalala namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawa dahil sa inyong pananampalataya, ang inyong pagpapagal dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiis dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Mga kapatid, nalalaman namin na kayo'y pinili ng Diyos na nagmamahal sa inyo. 5 Sapagkat ang Magandang Balitang lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi lamang sa pamamagitan ng salita, kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling; ito ay ginawa namin alang-alang sa inyo. 6 Sinundan(A) ninyo ang aming halimbawa at ang halimbawa ng Panginoon. Kahit dumanas kayo ng napakaraming paghihirap, tinanggap ninyo ang salita ng Diyos nang may kagalakang mula sa Espiritu Santo. 7 Kaya't naging huwaran kayo ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaya, 8 sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Ang inyong pananampalataya sa Diyos ay nabalita rin sa lahat ng dako, kaya't hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. 9 Ang mga tagaroon na rin ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsasabi kung paano ninyo tinalikuran ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buháy na Diyos, 10 at maghintay sa pagbabalik ng kanyang Anak mula sa langit. Ito'y si Jesus na muli niyang binuhay; na siya ring nagliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.