Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kaligtasan ng mga Lingkod ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
125 Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala,
kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
2 Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok,
gayon nagtatanggol
sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.
3 Taong masasama
ay di hahayaang laging mamahala,
pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama.
4 Ang mga mabait na tapat sumunod sa iyong kautusan,
sana'y pagpalain mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.
5 Ngunit ang masama, sa kanilang hilig iyong parusahan,
parusahan sila, dahil sa di wasto nilang pamumuhay.
Kapayapaan para sa Israel!
16 Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang kay Yahweh. Pinakinggan niyang mabuti ang kanilang usapan, kaya ipinatala niya sa isang aklat ang mga pangalan ng mga gumagalang sa kanya. 17 “Magiging akin sila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Sa araw na ako'y kumilos, itatangi ko sila bilang sariling akin. Ililigtas ko sila, tulad ng pagliligtas ng isang ama sa anak na naglilingkod sa kanya. 18 Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.”
Ang Darating na Araw ni Yahweh
4 “Darating ang araw na gaya ng isang nagbabagang hurno, tutupukin ang mga palalo at masasama gaya ng dayami at walang matitira sa kanila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 2 “Ngunit sa inyo na nagpaparangal sa akin ay sisikat ang aking katarungan na tulad ng araw, at ang sinag nito'y magpapagaling sa inyo. Lulundag kayo sa tuwa na parang mga guyang pinalaya sa kulungan. 3 Sa araw na ako'y kumilos, magtatagumpay kayo laban sa masasama at sila'y tatapakan ninyo na parang alabok,” sabi ni Yahweh.
4 “Alalahanin ninyo ang mga itinuro ni Moises, ang mga tuntunin at kautusang ibinigay ko sa kanya sa Bundok ng Sinai,[a] upang sundin ng bansang Israel.
5 “Ngunit(A) bago dumating ang kakila-kilabot na araw ni Yahweh, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. 6 Muling magkakasundo ang mga ama at ang mga anak. Kung hindi'y mapipilitan akong magtungo riyan at ganap na wasakin ang inyong bayan.”
9 Nang sila'y bumababa na mula sa bundok, mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang kanilang nakita hangga't hindi pa muling nabubuhay ang Anak ng Tao. 10 Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila'y nagtanungan sa isa't isa kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay. 11 At(A) tinanong nila si Jesus, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?”
12 Tumugon(B) siya, “Darating nga muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit bakit sinasabi din sa Kasulatan na ang Anak ng Tao'y hahamakin at magtitiis ng maraming hirap? 13 Subalit sinasabi ko sa inyo, dumating na nga si Elias at ginawa sa kanya ng mga tao ang nais nila, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.