Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Parangal para sa Jerusalem
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
122 Ako ay nagalak nang sabihin nila:
“Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.”
2 Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.
3 Itong Jerusalem ay napakaganda,
matatag at maayos na lunsod siya.
4 Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,
pagkat ito'y utos na dapat gampanan.
5 Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
6 Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin:
“Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain.
7 Pumayapa nawa ang banal na bayan,
at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
8 Alang-alang sa kasama at pamilya ko,
sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.”
9 Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.
Ang Kasamaan ng Sangkatauhan
6 Napakarami(A) na ng mga tao sa daigdig nang panahong iyon. Nagkaroon sila ng mga anak na babae. 2 Nang makita ng mga anak ng Diyos[a] na ang mga babaing anak ng tao ay magaganda, ang mga ito'y pumili sa kanila ng kanya-kanyang asawa. 3 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko ipapahintulot na mabuhay nang habang panahon ang tao, sapagkat siya'y makalaman. Hindi na lalampas sa 120 taon ang kanyang buhay sa daigdig.” 4 Nang(B) panahong iyon, may mga higante sa ibabaw ng lupa. Sila ang naging bunga ng pakikipagtalik ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng tao. Ang mga higanteng iyon ay tinanghal na mga dakilang bayani at tanyag na tao noong unang panahon.
5 Nakita(C) ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito. 6 Kaya't labis na ikinalungkot ni Yahweh na nilikha pa niya ang tao. 7 Sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Ikinalulungkot kong nilalang ko pa ang mga ito.” 8 Ngunit si Noe ay naging kalugud-lugod kay Yahweh.
Si Noe
9 Ito(D) ang kasaysayan ni Noe. Matuwid at mabuting tao si Noe noong kanyang kapanahunan. Namuhay siya ayon sa kalooban ng Diyos. 10 Siya'y may tatlong anak na lalaki, sina Shem, Ham at Jafet.
Ang Pananampalataya sa Diyos
11 Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. 2 Kinalugdan(A) ng Diyos ang mga tao noong unang panahon dahil sa kanilang pananampalataya.
3 Dahil(B) sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay ginawa mula sa mga hindi nakikita.
4 Dahil(C) sa pananampalataya sa Diyos, si Abel ay nag-alay ng mas mabuting handog kaysa sa inihandog ni Cain. Kaya naman, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Kahit patay na, nagsasalita pa siya sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.
5 Dahil(D) sa pananampalataya, si Enoc ay hindi nakaranas ng kamatayan. Hindi na siya nakita sapagkat kinuha siya ng Diyos. Sinasabi sa kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod bago siya kinuha ng Diyos. 6 Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.
7 Dahil(E) sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari ngunit hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang malaking barko upang siya at ang kanyang pamilya ay maligtas. Sa pamamagitan nito'y nahatulan ang sanlibutan, ngunit si Noe ay ibinilang na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.