Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:49-56

Pananalig sa Kautusan ni Yahweh

(Zayin)

49 Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,
    pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.
50 Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,
    pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
51 Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,
    ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
52 Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,
    ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
    yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
    ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
    Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
    kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.

Jeremias 32:36-44

Ang Pangako ni Yahweh

36 Kaya nga, sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias, “Ipahayag mo na ang lunsod na ito'y ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, sa pamamagitan ng digmaan, gutom at salot. 37 Ngunit ngayon, titipunin ko sila mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila nang ako'y magalit. Ibabalik ko sila sa lupaing ito, at ligtas na maninirahan dito. 38 At sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos. 39 Magkakaisa sila ng puso at layunin sa pagsunod sa akin para sa kanilang kabutihan at ng kanilang mga anak. 40 Makikipagtipan ako sa kanila ng isang walang hanggang tipan; pagpapalain ko sila habang panahon at tuturuang sumunod sa akin nang buong puso upang hindi na sila tumalikod pa sa akin. 41 Ikagagalak ko ang gawan sila ng kabutihan. Ipinapangako kong patatatagin ko sila sa lupaing ito, at gagawin ko ito nang buong puso't kaluluwa.”

42 Sabi ni Yahweh, “Kung paanong pinadalhan ko ng kapahamakan ang bayang ito; gayon ko ipagkakaloob ang kasaganaang aking ipinangako. 43 Muling magbebentahan ng mga bukirin sa lupaing ito na ngayo'y wala nang naninirahan kahit tao o hayop, at nasa kamay ng mga taga-Babilonia. 44 At sa pagbibilihang muli ng mga bukirin, lalagdaan at tatatakan ang mga kasulatan ng pagkabili, sa harapan ng mga saksi. Ito'y magaganap sa Benjamin, sa paligid ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda, sa kaburulan, sa Sefela, at sa mga lunsod sa timog ng Juda; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan.”

Santiago 5:1-6

Babala sa mga Mapang-aping Mayayaman

Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok(A) na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. Kinakalawang(B) na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. Hinatulan(C) ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.