Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Panaghoy 1:1-6

Ang Pagdadalamhati ng Jerusalem

O(A) anong lungkot ng lunsod na dating matao!
    Siya na dating bantog sa buong mundo ngayo'y tulad na ng isang balo;
    siya na dating pangunahing lunsod ngayon ay isa nang lingkod!

Buong kapaitan siyang umiiyak sa magdamag, ang mga mata'y laging luhaan;
    lumayo na ang lahat at walang natira kahit isa upang umaliw sa kanya.
    Ang dati niyang mga kaibigan ngayon ay naging mga kaaway na.

Ang mga taga-Juda'y nabihag at dumanas ng kalungkutan at sapilitang paglilingkod.
    Sa pananahanan nila sa gitna ng mga bansa'y hindi man lamang sila makapagpahinga.
    Napapaligiran sila ng mga kaaway, walang paraan para makatakas.

Malungkot ang mga landas patungong Jerusalem, pagkat wala nang dumadalo sa kanyang mga takdang kapistahan.
    Wala nang nagdaraan sa kanyang mga pintuang-bayan; dumaraing at nagbubuntong-hininga ang kanyang mga pari,
    pinagmamalupitan ang mga dalagang mang-aawit sa templo. Napakapait ng sinapit niya!

Naging panginoon niya ang kanyang mga kaaway,
    pinapaghirap siya ni Yahweh dahil sa marami niyang kasalanan.
    Wala na ang kanyang mga anak, sila'y dinalang-bihag ng kaaway.

Naparam na ang karangyaan ng Jerusalem.
    Ang kanyang mga pinuno'y parang mga usang di makasumpong ng pastulan;
    nanghihina na sa pag-iwas sa mga humahabol sa kanila.

Panaghoy 3:19-26

19 Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan.
20     Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.
21     Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:

22 Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
23     Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
24     Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.

25 Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya,
26     kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala.

Mga Awit 137

Panaghoy ng mga Israelitang Dinalang-bihag

137 Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
    kami'y nakaupong tumatangis, sa tuwing Zion, aming naaalala.
Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila,
    isinabit namin doon, yaong dala naming lira.
Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
    na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
    tungkol sa Zion, yaong paksa, niyong nais nilang awit.

Ang awit para kay Yahweh, pa'no namin aawitin,
    samantalang kami'y bihag sa lupaing hindi amin?
Ayaw ko nang ang lira ko'y hawakan pa at tugtugin,
    kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem;
di na ako aawit pa, kung ang aking sasapitin
    sa isip ko't alaala, ika'y ganap na limutin,
    kung ang kaligayahan ko ay sa iba ko hahanapin.

Yahweh, sana'y gunitain, ginawa ng Edomita,
    nang ang bayang Jerusalem ay malupig at makuha;
sumisigaw silang lahat na ang wikang binabadya:
    “Iguho na nang lubusan, sa lupa ay ibagsak na!”

Tandaan(A) mo, Babilonia, ika'y tiyak wawasakin,
    dahilan sa ubod sama ang ginawa mo sa amin;
    yaong taong magwawasak, mapalad na ituturing
    kung ang inyong mga sanggol kunin niya at durugin!

2 Timoteo 1:1-14

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos upang ipangaral ang tungkol sa buhay na ipinangakong makakamtan natin sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus—

Kay(A) Timoteo na minamahal kong anak.

Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Pasasalamat at Paalala

Tuwing inaalala kita sa aking panalangin araw at gabi, nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang may malinis na budhi gaya ng ginawa ng aking mga ninuno. Kapag naaalala ko ang iyong pagluha, nananabik akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan. Hindi(B) ko nalilimutan ang tapat mong pananampalataya, na naunang tinaglay ng iyong lolang si Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong nasa iyo rin ang pananampalatayang ito. Dahil dito, ipinapaalala ko sa iyo na pag-alabin mong muli ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay. Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.

Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo para sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus, 10 ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.

11 Para(C) sa Magandang Balitang ito, ako'y itinalagang mangangaral, apostol at guro, 12 at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.[a] 13 Gawin mong batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo, at manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Espiritu Santo na nananatili sa atin, ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo.

Lucas 17:5-10

Pananampalataya sa Diyos

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!”

Tumugon ang Panginoon, “Kung ang inyong pananampalataya ay sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat!’ at susundin kayo nito.”

Ang Tungkulin ng Alipin

“Kapag nanggaling ang inyong alipin sa pag-aararo o pagpapastol ng mga tupa sa bukid, inaanyayahan ba ninyo siya agad upang kumain? Hindi ba't ang sasabihin ninyo ay, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at pagsilbihan mo ako habang ako'y kumakain. Pagkakain ko, saka ka kumain.’ Pinasasalamatan ba ng amo ang kanyang alipin dahil sinusunod siya nito? 10 Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.