Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.
87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
2 ang lunsod na ito'y
higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
3 Kaya't iyong dinggin
ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]
4 “Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
5 At tungkol sa Zion,
sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
6 Si Yahweh ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
7 sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
“Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”
Hahatulan ni Yahweh ang mga Bansa
3 Sinabi ni Yahweh,
“Pagsapit ng araw na iyon,
pasasaganain kong muli ang Juda at ang Jerusalem.
2 Titipunin ko ang lahat ng bansa
at dadalhin sa Libis ng Jehoshafat.[a]
Doon ko sila hahatulan
ayon sa ginawa nila sa aking bayan.
Pinangalat nila sa iba't ibang bansa ang mga Israelita
at pinaghati-hatian ang aking lupain.
3 Nagpalabunutan sila upang magpasya
kung kanino mapupunta ang mga bihag.
Ipinagbili nila ang mga bata bilang mga alipin
upang ang pinagbilhan ay ibili naman ng alak at ibayad sa mga babaing parausan.
4 “Ano(A) (B) ang ginagawa ninyo sa akin, kayong mga taga-Tiro, Sidon at Filistia? Sinusuhulan ba ninyo ako bilang kapalit ng isang bagay? Kung gayon, mabilis ko kayong gagantihan! 5 Kinuha ninyo ang aking pilak, ginto at mga kayamanan at dinala ang mga ito sa inyong mga templo.[b] 6 Binihag ninyo at inilayo sa kanilang bayan ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem at ipinagbili sa mga Griego. 7 Pauuwiin ko na sila mula sa mga dakong pinagtapunan ninyo sa kanila. Ipararanas ko naman sa inyo ang ginawa ninyo sa kanila. 8 Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa mga taga-Juda upang ipagbili naman nila sa mga Sabeo.” Iyan ang sinabi ni Yahweh.
Ang Pagtitiis ng Cristiano
12 Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. 13 Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. 15 Huwag nawang mangyaring magdusa ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo.
17 Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? 18 Tulad(A) ng sinasabi ng kasulatan,
“Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas,
ano kaya ang kahihinatnan ng mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos?”
19 Kaya nga, ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.