Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
129 Ihayag mo, O Israel, ang ginawa ng kaaway,
sa simulang usigin ka, mula pa nang kabataan!
2 “Simula pa noong bata, ako'y di na nilubayan,
mahigpit na pinag-usig, bagaman di nagtagumpay.
3 Ako ay sinaktan nila, ang likod ko'y sinugatan,
mga sugat na malalim, parang bukid na binungkal.
4 Ngunit ang Diyos na si Yahweh, palibhasa ay matuwid,
pinalaya niya ako at sa hirap ay inalis.”
5 Nawa itong mga bansang laging namumuhi sa Zion,
sa labanan ay malupig, mapahiya't mapaurong!
6 Matulad sa mga damong tumubo sa mga bubong,
natutuyong lahat ito, kahit ito'y bagong sibol,
7 di na ito binibigkis at hindi na tinitipon.
8 Kahit isang dumaraa'y di man lamang banggitin,
“Nawa ang pagpapala ni Yahweh ay iyong tanggapin!
Sa pangalan ni Yahweh, pagpapala ay iyong tanggapin!”
Ang Hatol sa Babilonia
50 Sa(A) pamamagitan ni Propeta Jeremias ay ipinahayag ni Yahweh ang mangyayari sa Babilonia at sa mga mamamayan nito:
2 “Ipahayag mo sa mga bansa,
wala kang ililihim, ikalat mo ang balita:
Nasakop na ang Babilonia.
Nalagay na sa kahihiyan si Bel,
nanlupaypay na si Merodac,
mga diyus-diyosan sa Babilonia.
3 “Sapagkat isang bansang mula sa hilaga ang sumalakay sa kanya; gagawing isang disyerto ang kanyang lupain at walang tao o hayop na maninirahan doon.”
Ang Pagbabalik ng Israel
4 Sinabi ni Yahweh, “Pagdating ng panahong iyon, lumuluhang magsasama-sama ang mga taga-Israel at mga taga-Juda at hahanapin nila ako na kanilang Diyos. 5 Ipagtatanong nila ang daan patungo sa Zion, pupunta sila roon upang makipagkaisa kay Yahweh sa isang kasunduang kanilang tutuparin habang panahon.
6 “Ang aking bayan ay parang mga tupang naligaw, sapagkat pinabayaan sila ng kanilang mga pastol. Kaya lumayo sila at tumakbong papunta sa kabundukan; tinahak nila ang bundok at burol at nakalimutang magbalik sa kulungan. 7 Nilapa sila ng nakatagpo sa kanila. Ang sabi ng kanilang mga kaaway, ‘Wala kaming kasalanan, sapagkat nagkasala sila laban kay Yahweh, ang tunay na pastol at siyang pag-asa ng lahat ng kanilang mga ninuno.’
17 Ang Israel ay parang kawan ng tupa, hinahanap at hinahabol ng mga leon. Ang hari ng Asiria ang unang lumapa sa kanya, at ngayon ang haring si Nebucadnezar ng Babilonia ang huling kumagat sa kanyang mga buto.
18 Kaya nga, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Paparusahan ko si Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia at ang kanyang bayan, tulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria. 19 Ibabalik ko ang Israel sa kanyang pastulan, at manginginain siya sa bundok ng Carmelo at sa kapatagan ng Bashan; sa kaburulan ng Efraim at Gilead ay mabubusog siya. 20 Darating ang araw na lubusang mapapawi ang kasamaan ng Israel at ng Juda, sapagkat patatawarin ko ang nalabi na aking iniligtas.”
Nanalangin si Jesus(A)
39 Lumabas si Jesus, at gaya ng kanyang kinagawian, nagpunta siya sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. 40 Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.”
41 Iniwan niya sila at pumunta sa di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 Sabi niya, “Ama, kung loloobin mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. 44 Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.][a]
45 Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. 46 “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.