Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
Katha ni David.
145 Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
2 aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
3 Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin;
kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.
4 Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
5 Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita,
at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
19 Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya,
kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
20 Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan;
ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay.
21 Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, habang nabubuhay,
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!
Panawagan na Manumbalik sa Diyos
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Zacarias, anak ni Berequias at apo ni Propeta Iddo. Noong ikawalong buwan, ng ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario ng Persia, nangusap si Yahweh sa kanya. 2 Ipinasabi niya sa mga taga-Juda, “Labis akong napoot sa inyong mga ninuno. 3 Kaya't sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ‘Manumbalik kayo sa akin at kakalingain ko kayo. 4 Huwag kayong tumulad sa inyong mga ninuno. Hindi sila nanumbalik sa akin, hindi nila tinalikuran ang kanilang kasamaan sa kabila ng aking mga panawagan sa pamamagitan ng mga propeta. 5 Nasaan sila ngayon? At ang mga propeta, nanatili ba silang buháy? 6 Ngunit natupad ang lahat ng sinabi ko sa pamamagitan ng mga propeta. Kaya naman sila'y nagsisi at sinabi nilang ginawa ko nga ang aking sinabi tungkol sa kanila na katumbas ng kanilang kasamaan.’”
Ang Pangitain tungkol sa mga Kabayo
7 Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikalabing isang buwan ng ikalawang taon ng pamamahala ni Haring Dario, nagpahayag si Yahweh kay Propeta Zacarias. Ganito ang salaysay ni Zacarias tungkol sa pangyayari, 8 “Kagabi,(B) nagkaroon ako ng pangitain. May nakita akong isang lalaking nakasakay sa kabayong pula. At siya'y huminto sa kalagitnaan ng mga punong mirto sa isang libis. Sa likuran niya ay may mga nakasakay rin sa kabayong pula, sa kabayong puti at sa kabayong batik-batik. 9 Kaya't itinanong ko sa anghel ni Yahweh na nasa tabi ng mirto kung ano ang kahulugan niyon.”
Ang sagot niya, “Halika't ipapaliwanag ko sa iyo. 10 Ang mga ito ay isinugo ni Yahweh upang magmanman sa buong daigdig.”
11 Sinabi ng mga tinutukoy ng anghel ni Yahweh, “Natingnan na po namin ang kalagayan ng buong daigdig; payapa po ang lahat.”
12 Nang magkagayon, sinabi ng anghel, “Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, hanggang kailan mo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda? Pitumpung taon na po silang nagtitiis.”
13 May sinabi si Yahweh sa anghel na kausap ko, mga salitang nakakaaliw at makapagpapalakas ng loob. 14 Pagkatapos, sinabi naman sa akin ng anghel, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Labis ang aking pagmamalasakit sa Jerusalem at sa Zion. 15 At malaki ang galit ko sa mga bansang palalo pagkat labis na ang pahirap nilang ginawa. 16 Kukupkupin kong muli ang Jerusalem at ang aking templo ay muling itatayo. Ibabalik ang dating sukat at kaayusan nito. 17 Muling sasagana ang aking mga lunsod. Ang Zion ay muli kong papatnubayan at hihirangin ang Jerusalem.”
22 Hanggang sa mga sandaling iyon, ang mga tao'y nakikinig kay Pablo. Ngunit pagkarinig sa huli niyang sinabi, sila'y nagsigawan, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay!”
23 Patuloy sila sa pagsigaw, sa pagsaboy ng alikabok sa hangin at sa paghahagis ng kanilang mga balabal. 24 Kaya't iniutos ng pinuno ng mga sundalo na dalhin si Pablo sa himpilan at hagupitin upang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga Judio laban sa kanya. 25 Ngunit nang siya'y magapos na nila ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa kapitang naroon, “Ipinapahintulot ba ng batas na hagupitin ang isang mamamayang Romano kahit wala pang hatol ang hukuman?”
26 Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa pinuno at sinabi, “Ano ang gagawin mong iyan? Mamamayang Romano ang taong iyon!”
27 Kaya't lumapit kay Pablo ang pinuno ng mga sundalo at siya'y tinanong, “Ikaw nga ba'y Romano?”
“Opo,” sagot niya.
28 Sinabi ng pinuno, “Malaki ang ibinayad ko para maging mamamayang Romano.”
“Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano,” sabi naman ni Pablo.
29 Kaagad lumayo ang mga magsisiyasat sa kanya. Natakot din ang pinuno ng mga sundalo sapagkat ipinagapos niya si Pablo, gayong ito pala ay isang Romano.
Si Pablo sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio
30 Nais matiyak ng pinuno kung ano nga ang paratang ng mga Judio laban kay Pablo. Kaya't kinabukasan, pinakalagan niya si Pablo, ipinatawag sa isang pulong ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at iniharap si Pablo sa kanila.
23 Tumingin si Pablo sa kanila, at sinabi, “Mga kapatid, namumuhay akong malinis ang budhi sa harap ng Diyos hanggang sa araw na ito.”
2 Pagkarinig nito'y iniutos ng pinakapunong pari na si Ananias sa mga taong nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig. 3 Sinabi(A) ni Pablo, “Hahampasin ka ng Diyos, ikaw na mapagkunwari! Nakaluklok ka riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag sa Kautusan ang ipasampal mo ako.”
4 Sinabi ng mga nakatayo roon, “Nilalapastangan mo ang pinakapunong pari ng Diyos!”
5 Sumagot(B) si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang pinakapunong pari. Sapagkat nasusulat nga, ‘Huwag kang magsalita ng masama laban sa pinuno ng iyong bayan.’”
6 Nang makita ni Pablo na may mga Saduseo at mga Pariseo sa kapulungan, sinabi niya nang malakas, “Mga kapatid, ako'y Pariseo, at anak ng mga Pariseo, at dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay kaya ako'y nililitis ngayon.”
7 Nang sabihin ito ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan. 8 Sapagkat(C) naniniwala ang mga Saduseo na hindi na muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu. Subalit ang mga Pariseo nama'y naniniwala sa lahat ng ito. 9 At lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan na kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol, “Wala kaming makitang pagkakasala sa taong ito. Anong malay natin, baka nga kinausap siya ng isang espiritu o isang anghel!”
10 Naging mainitan ang kanilang pagtatalo, at natakot ang pinuno ng mga sundalo na baka magkaluray-luray si Pablo. Pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok muli sa himpilan.
11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Kung paanong nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem, kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.