Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 76

Diyos ang Magtatagumpay

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

76 Tunay na si Yahweh'y kilala sa Juda,
    sa buong Israel, dakilang talaga;
nasa Jerusalem ang tahanan niya,
    sa Bundok ng Zion, doon tumitira.
Lahat ng sandata ng mga kaaway,
    mga pana't sundang, baluting sanggalang, doon niya sinirang walang pakundangan. (Selah)[a]

O Diyos, dakila ka, ikaw ay maringal
    higit pa sa matatag na kabundukan.[b]
Walang magawâ, matatapang na kawal, binawi ng Diyos ang taglay na samsam;
    nahihimbing sila at nakahandusay,
    mga lakas nila, lahat ay pumanaw.
Nang ika'y magalit, O Diyos ni Jacob,
    sakay at kabayo'y pawang nangalugmok.

Ikaw, O Yahweh, kinatatakutan!
    Sino ang tatayo sa iyong harapan
    kapag nagalit ka sa mga kinapal?
Sa iyong paghatol na mula sa langit,
    ang lahat sa mundo'y takot at tahimik.
Nang ika'y tumayo't gawin ang paglitis,
    naligtas ang mga api sa daigdig. (Selah)[c]

10 Ang matinding galit sa iyo ng tao, hahantong na lahat sa pagpuri sa iyo.
    Silang nangaligtas sa mga labanan, laging magpupuri at mangagdiriwang.
11 Mga pangako mo kay Yahweh, iyong Diyos, ay iyong tuparin nang tapat sa loob;
    dapat na magdala ng mga kaloob ang lahat ng bansa sa iyong palibot.

12 Hambog na prinsipe ay ibinababâ,
    tinatakot niya hari mang dakila.

Isaias 60:17-22

17 “Sa halip na tanso ay bibigyan kita ng gintong dalisay,
pilak ang bigay ko sa halip na bakal;
sa halip na kahoy, tanso ang dala ko,
papalitan ko ng bakal ang dati'y bato.
Ang kapayapaan ay paghahariin sa iyo,
at ang katarungan ay mararanasan mo.
18 Ang ingay ng ‘Karahasan’ ay hindi na maririnig pa,
gayundin ang ‘Pagwasak’ sa iyong nasasakupan;
ang iyong mga pader ay tatawagin mong ‘Kaligtasan,’
at ‘Papuri’ naman ang iyong mga pintuan.

19 “Sa(A) buong maghapon ay wala nang araw na sisikat,
sa buong magdamag ay wala nang buwan na tatanglaw,
sapagkat si Yahweh mismo ang magiging ilaw mo magpakailanman,
at ang iyong Diyos ang liwanag mong walang katapusan.
20 Kailanma'y hindi na lulubog ang iyong araw,
at ang iyong buwan ay hindi na rin maglalaho;
si Yahweh ang iyong magiging walang hanggang ilaw,
at ang mga araw ng iyong kapighatian ay mawawala.
21 Ang mamamayan mo'y magkakaroon ng matuwid na pamumuhay,
kaya ang lupain ay aariin nila magpakailanman.
Sila'y nilikha ko at itinanim,
upang ihayag nila ang aking kadakilaan.
22 Ang pinakamaliit na lipi ninyo ay dadaming mainam,
at ang munting bansa ay magiging makapangyarihan.
Ako si Yahweh na kaagad tutupad sa aking mga pangako
kapag dumating na ang takdang panahon.”

Efeso 4:25-5:2

25 Dahil(A) dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26 Kung(B) magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. 30 At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32 Sa(C) halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.

Mamuhay Ayon sa Liwanag

Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. Mamuhay(D) kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.