Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pasasalamat
12 Sa araw na iyon ay aawitin ng mga tao ang ganito:
“Yahweh, ikaw ay aking pasasalamatan,
sapagkat kung nagalit ka man sa akin noon,
nawala na ang galit mo ngayon, at ako'y iyong inaliw.
2 Tunay(A) na ang Diyos ang aking kaligtasan,
sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang aking tagapagligtas.
3 Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.”
4 Sasabihin ninyo sa araw na iyon:
“Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan;
ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa,
ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
5 Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
6 Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.”
Hinatulan ang Pang-aapi at Walang Katarungan
59 Tingnan ninyo, si Yahweh ay may kakayahan upang iligtas ka;
siya'y hindi bingi upang hindi marinig ang inyong hinaing.
2 Ang masasama ninyong gawa ang dahilan ng pagkawalay ninyo sa Diyos.
Nagkasala kayo kaya hindi ninyo siya makita,
at hindi niya kayo marinig.
3 Natigmak sa dugo ang inyong mga kamay,
ang inyong mga daliri'y sanhi ng katiwalian.
Ang inyong mga labi ay puno ng kasinungalingan;
ang sinasabi ng inyong mga dila ay pawang kasamaan.
4 Hindi makatarungan ang inyong pagsasakdal sa hukuman;
hindi rin matapat ang hatol ng inyong mga hukom.
Ang inyong batayan ay hindi tamang pangangatuwiran,
at ang pananalita ninyo'y pawang kasinungalingan.
Ang iniisip ninyo'y pawang kaguluhan
na nagiging sanhi ng maraming kasamaan.
5 Mga itlog ng ahas ang kanilang pinipisa,
mga sapot ng gagamba ang kanilang hinahabi.
Sinumang kumakain ng itlog na ito'y mamamatay;
bawat napipisa ay isang ulupong ang lumilitaw.
6 Hindi magagawang damit ang mga sapot,
hindi nito matatakpan ang kanilang mga katawan.
Ang mga ginagawa nila'y kasamaan,
pawang karahasan ang gawa ng kanilang mga kamay.
7 Mabilis(A) ang kanilang paa sa paggawa ng masama,
nagmamadali sila sa pagpatay ng mga walang sala;
pawang kasamaan ang kanilang iniisip.
Bakas ng pagkawasak ang kanilang iniiwan sa kanilang malalawak na lansangan.
8 Hindi nila alam ang landas patungo sa kapayapaan,
wala silang patnubay ng katarungan;
liku-likong landas ang kanilang ginagawa;
ang nagdaraan doo'y walang kapayapaan.
Inamin ng mga Tao ang Kanilang Kasalanan
9 Dahil dito, ang katarungan ay malayo sa amin,
hindi namin alam kung ano ang katuwiran.
Alam na namin ngayon kung bakit hindi kami iniligtas ng Diyos, sa mga nagpahirap sa amin.
Umasa kaming liwanag ay darating, ngunit kadiliman ang aming kinasadlakan.
10 Tulad nami'y bulag na nangangapa sa paglakad,
nadarapa kami tulad ng mga walang paningin.
Sa katanghaliang-tapat, kami'y natatalisod na para bang gabi na,
parang kami'y nasa dilim tulad ng mga patay.
11 Umuungal tayong lahat na gaya ng mga oso;
dumaraing tayo at nagdadalamhati tulad ng mga kalapati.
Ang hinihintay nating katarungan ay hindi dumarating.
Nais nating maligtas sa kaapihan at kahirapan ngunit ang kaligtasan ay malayo.
12 Yahweh, maraming beses kaming naghimagsik laban sa iyo;
inuusig kami ng aming mga kasalanan.
Alam naming kami'y naging makasalanan.
Nalalaman namin ang aming mga pagkakasala.
13 Naghimagsik kami sa iyo, O Yahweh, at itinakwil ka namin
at hindi na sumunod sa iyo.
Ang sinasabi namin ay pawang pang-aapi at pagtataksil;
ang inuusal ng aming mga bibig ay mga kasinungalingan, na katha ng aming mga isip.
14 Itinakwil namin ang katarungan
at lumayo kami sa katuwiran.
Ang katotohanan ay nahandusay sa mga liwasang-bayan,
at hindi makapanaig ang katapatan.
15 Hindi matagpuan ang katotohanan,
kaya nanganganib ang buhay ng mga tao, na ayaw gumawa ng kasamaan.
Humanda si Yahweh para Iligtas ang Kanyang Bayan
Nang makita ni Yahweh na wala nang katarungan,
siya ay nalungkot.
Ang Paghuhukom
3 Mga kapatid, tama lamang na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, sapagkat patuloy na lumalago ang inyong pananampalataya kay Cristo at lalong nagiging maalab ang inyong pagmamahalan sa isa't isa. 4 Kaya nga, ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya, sa gitna ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.
5 Ang lahat ng ito'y nagpapatunay na makatarungan ang paghatol ng Diyos, upang gawin niya kayong karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis. 6 Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. 7 Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin kapag ang Panginoong Jesus ay inihayag na mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel, 8 na may naglalagablab na apoy. Parurusahan ang lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Panginoong Jesus. 9 Magdurusa(A) sila ng walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa Araw ng kanyang pagparito upang tumanggap ng papuri mula sa kanyang mga hinirang at ng parangal ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat sinampalatayanan ninyo ang patotoong ipinahayag namin sa inyo. 11 Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang pangalan ng ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.