Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
117 Purihin(A) si Yahweh!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa.
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa!
2 Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.
Purihin si Yahweh!
Ang mga Pangako ni Yahweh para sa Israel
30 Kinausap ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, si Jeremias, 2 at sinabi: “Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo. 3 Sapagkat darating na ang panahon na palalayain ko ang aking bayan, ang Israel at ang Juda, at ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno; ito'y magiging kanila muli.” 4 Ito ang mga sinabi ni Yahweh tungkol sa Israel at sa Juda:
5 “Narinig ko ang sigaw ng isang takot na takot,
ng isang nasindak at walang kapayapaan.
6 Isipin mong mabuti:
Maaari bang manganak ang isang lalaki?
Bakit hawak-hawak ng bawat lalaki ang kanyang tiyan,
tulad ng isang babaing manganganak?
Bakit namumutla ang kanilang mga mukha?
7 Nakakatakot ang araw na iyon.
Wala itong katulad;
ito'y panahon ng paghihirap para kay Jacob,
ngunit siya'y makakaligtas.
8 “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “babaliin ko ang pamatok sa kanilang mga leeg at kakalagin ko ang kanilang tali; hindi na sila aalipinin ng mga dayuhan. 9 Sa halip, sila'y maglilingkod kay Yahweh na kanilang Diyos, at kay David na kanilang magiging hari.
10 “Ngunit(A) huwag kang matakot, lingkod kong Jacob;
at huwag kang manlupaypay, Israel.
Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon;
kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak.
Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob,
at siya'y sasagana at wala nang katatakutan.
11 Ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo.
Lilipulin ko ang lahat ng bansang pinagkalatan ko sa inyo;
subalit kayo'y hindi malilipol.
Paparusahan ko kayo nang marapat,
ngunit ako'y magiging makatarungan sa inyo.”
12 Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Wala nang lunas ang iyong sakit,
malalâ na ang iyong sugat.
13 Walang mag-aalaga sa iyo,
walang kagamutan sa iyong sugat;
wala ka nang pag-asang gumaling pa.
14 Nilimot ka na ng lahat mong mangingibig;
wala na silang malasakit sa iyo.
Sinaktan kita, gaya ng isang kaaway,
buong lupit kitang pinarusahan;
sapagkat matindi ang iyong kasamaan
at napakarami mong kasalanan.
15 Huwag ka nang umiyak dahil sa iyong sakit;
wala nang lunas ang sugat mo.
Ginawa ko ito sa iyo
sapagkat matindi ang iyong kasamaan
at napakarami mong kasalanan.
16 Gayunman, lahat ng umapi sa iyo ay aapihin;
lahat ng iyong kaaway ay bibihagin din.
Nanakawan ang nagnakaw ng kayamanan mo.
Ang bumiktima sa iyo ay bibiktimahin din.
17 Ibabalik ko ang kalusugan mo,
at pagagalingin ang iyong mga sugat.
Kayo'y tinawag nilang mga itinakwil,
ang Zion na walang nagmamalasakit.”
5 Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” 6 Sinabi(A) rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. 7 Ito(B) ang makakamtan ng magtatagumpay: ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko. 8 Subalit para naman sa mga duwag, mga taksil, mga gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, mga mamamatay-tao, mga nakikiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa lahat ng mga sinungaling—ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”
Ang Bagong Jerusalem
9 Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na punô ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.” 10 Napasailalim(C) ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. 11 Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, at sinlinaw ng kristal. 12 Ang(D) pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang (12) pinto, at sa bawat pinto ay may isang anghel. Nakasulat sa mga pinto ang mga pangalan ng labindalawang (12) lipi ng Israel, isang pangalan bawat pinto. 13 May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ng lungsod ay may labindalawang (12) pundasyon at nakasulat sa mga ito ang mga pangalan ng labindalawang (12) apostol ng Kordero.
15 Ang(E) anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lungsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. 16 Parisukat ang ayos ng lungsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lungsod, at ang lumabas na sukat ng lungsod ay dalawang libo apatnaraang (2,400) kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. 17 Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang (65) metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. 18 Batong(F)(G) jasper ang pader, at ang lungsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. 19 Ang saligan ng pader ay punô ng lahat ng uri ng mamahaling bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, at amatista ang ikalabindalawa. 21 Perlas ang labindalawang (12) pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lungsod at kumikinang na parang kristal.
22 Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi(H) na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lungsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon at ang Kordero ang siyang ilawan. 24 Sa(I) liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. 25 Hindi isasara ang mga pinto ng lungsod sa buong maghapon, at hindi na sasapit doon ang gabi. 26 Dadalhin sa lungsod ang yaman at dangal ng mga bansa, 27 ngunit(J) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, ni ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam, ni ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makakapasok sa lungsod.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.