Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 12

Awit ng Pasasalamat

12 Sa araw na iyon ay aawitin ng mga tao ang ganito:

“Yahweh, ikaw ay aking pasasalamatan,
    sapagkat kung nagalit ka man sa akin noon,
    nawala na ang galit mo ngayon, at ako'y iyong inaliw.
Tunay(A) na ang Diyos ang aking kaligtasan,
    sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
    siya ang aking tagapagligtas.
Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.”

Sasabihin ninyo sa araw na iyon:
“Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan;
    ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa,
    ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
    ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak,
    sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.”

Isaias 57:14-21

Ang Pangakong Tulong at Pagpapagaling ng Diyos

14 Ang sabi ni Yahweh:
“Ang mga hinirang ay inyong bayaang magbalik sa akin,
    ang bawat hadlang sa daan ay inyong alisin; ang landas ay gawin at inyong ayusin.”

15 “Ako ang Kataas-taasan at Banal na Diyos,
    ang Diyos na walang hanggan.
Matataas at banal na lugar ang aking tahanan,
    sa mababang-loob at nagsisisi, ako ay sasama,
aking ibabalik ang pagtitiwala nila at pag-asa.
16 Ako ang nagbigay ng buhay sa aking bayan,
    sila'y hindi ko patuloy na uusigin;
at ang galit ko sa kanila'y
    hindi mananatili sa habang panahon.
17 Nagalit ako sa kanila dahil sa kanilang kasalana't kasakiman,
    kaya sila'y aking itinakwil.
Ngunit matigas ang kanilang ulo at patuloy na sumuway sa akin.
18 Sa kabila ng ginawa nila, sila'y aking pagagalingin at tutulungan,
    at ang nagluluksa'y aking aaliwin.
19 Bibigyan(A) ko ng kapayapaan ang lahat, maging nasa malayo o nasa malapit man.
    Aking pagagalingin ang aking bayan.
20 Ngunit ang masasama ay tulad ng dagat na laging maalon,
    walang pahinga sa buong panahon;
    mga burak at putik buhat sa ilalim ang iniaahon.
21 Walang(B) kapayapaan ang mga makasalanan.” Sabi ng aking Diyos.

Roma 1:18-25

Mga Kasalanan ng Sangkatauhan

18 Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. 20 Mula(A) pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa. 21 Kahit na kilala nila ang Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. 22 Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal. 23 Tinalikuran(B) nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad, at ng mga hayop na gumagapang.

24 Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa. 25 Tinalikuran nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.