Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Habakuk 1:1-4

Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Habakuk.

Inireklamo ni Habakuk ang Kawalang-katarungan

O Yahweh, hanggang kailan ako hihingi ng tulong sa inyo,
    bago ninyo ako dinggin,
    bago ninyo ako iligtas sa karahasan?
Bakit puro kaguluhan at kasamaan
    ang ipinapakita mo sa akin?
Sa magkabi-kabila'y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan;
    laganap ang karahasan at ang labanan.
Ang batas ay walang bisa at walang pakinabang,
    at hindi umiiral ang katarungan.
Sa husgado ay laging natatalo ng masasama ang walang kasalanan,
    kaya't nababaluktot ang katarungan.

Habakuk 2:1-4

Ang Tugon ni Yahweh

Aakyat ako sa bantayan at hihintayin
    ang sasabihin ni Yahweh sa akin,
    at ang tugon niya sa aking daing.
Ito ang tugon ni Yahweh:
“Isulat mo nang malinaw sa mga tapyas ng bato
    ang pangitaing ipahahayag ko sa iyo,
    upang sa isang sulyap ay mabasa agad at maipabatid ito.
Isulat(A) mo ito sapagkat hindi pa panahon upang ito ay maganap.
Ngunit mabilis na lilipas ang panahon,
    at mangyayari ang ipinakita ko sa iyo.
Bagama't parang mabagal ito, hintayin mo.
    Tiyak na mangyayari at hindi maaantala ito.
Ito(B) ang mensahe: “Ang hambog ay mabibigo sa kanyang pagmamataas,
    ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.”

Mga Awit 119:137-144

Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh

(Tsade)

137 Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal,
    matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan.
138 Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin,
    sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin.
139 Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,
    pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.
140 Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,
    kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.
141 Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,
    gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin.
142 Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas,
    katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas.
143 Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,
    ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw.
144 Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,
    bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay.

2 Tesalonica 1:1-4

Mula(A) kina Pablo, Silas, at Timoteo—

Para sa iglesya sa Tesalonica, na nasa Diyos na ating Ama at nasa Panginoong Jesu-Cristo.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at ang kapayapaang mula sa [ating][a] Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Paghuhukom

Mga kapatid, tama lamang na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, sapagkat patuloy na lumalago ang inyong pananampalataya kay Cristo at lalong nagiging maalab ang inyong pagmamahalan sa isa't isa. Kaya nga, ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya, sa gitna ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.

2 Tesalonica 1:11-12

11 Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang pangalan ng ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Lucas 19:1-10

Nakilala ni Zaqueo si Jesus

19 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at siya'y mayaman. Sinikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil siya'y pandak. Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, “Zaqueo, bumabâ ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay.”

Nagmamadaling bumabâ si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” sabi nila.

Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses.”

At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang(A) Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.