Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Lucas 1:68-79

68 “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
    Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.
69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
    mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.
70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,
71     na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,
    mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,
    at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
73 Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
74     na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
    upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.
76 Ikaw,(A) anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,
77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,
    ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.
Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.
79     Tatanglawan(B) niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
    at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.”

Jeremias 22:1-17

Tagubilin sa mga Namumuno sa Juda

22 Pinapunta ako ni Yahweh sa palasyo ng hari ng Juda at ipinasabi niya sa hari, sa mga lingkod nito, at sa lahat ng taga-Jerusalem: “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran. Ipagtanggol ninyo ang mga naaapi laban sa mapagsamantala. Huwag ninyong sasaktan o aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Huwag kayong papatay ng mga taong walang kasalanan sa banal na lunsod na ito. Kung susundin ninyo ang mga utos ko, mananatili ang paghahari ng angkan ni David. At papasok silang nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, kasama ang kanilang mga tauhan at nasasakupan. Subalit(A) kung hindi kayo makikinig sa sinasabi ko, isinusumpa ko na aking wawasakin ang palasyong ito. Ganito ang sabi ni Yahweh tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:

“Ang palasyong ito'y singganda ng lupain ng Gilead, at nakakatulad ng Bundok ng Lebanon. Ngunit isinusumpa ko na gagawin ko itong isang disyerto, isang lunsod na walang mananahan. Magpapadala ako ng mga wawasak dito; may dalang palakol ang bawat isa. Puputulin nila ang mga haliging sedar nito at ihahagis sa apoy.

“Magtatanungan ang mga taong magdaraan dito mula sa iba't ibang bansa, ‘Bakit ganyan ang ginawa ni Yahweh sa dakilang lunsod na ito?’ At ang isasagot sa kanila, ‘Sapagkat hindi nila tinupad ang kasunduan nila ni Yahweh na kanilang Diyos; sa halip, sumamba sila at naglingkod sa mga diyus-diyosan.’”

Ang Pahayag tungkol kay Sallum

10 Huwag ninyong iyakan ang isang taong patay,
    o ikalungkot ang kanyang kamatayan.
Sa halip, tangisan ninyo si Sallum,
    sapagkat siya'y dinalang-bihag, at hindi na magbabalik.
    Hindi na niya makikita pa ang lupang kanyang sinilangan.

11 Ito(B) ang pahayag ni Yahweh tungkol kay Sallum na humalili sa kanyang amang si Josias bilang hari ng Juda, “Umalis siya ng Juda at hindi na magbabalik. 12 Doon na siya mamamatay sa lugar na pinagdalhan sa kanya bilang bihag, at hindi na niya makikita pang muli ang kanyang bayan.”

Ang Pahayag tungkol kay Jehoiakim

13 “Kahabag-habag ang magiging wakas ng taong nagtatayo ng kanyang bahay sa pamamagitan ng pandaraya,
    at naglalagay ng mga silid dito sa pamamagitan ng panlilinlang.
Pinagtatrabaho niya ang kanyang kapwa nang walang kabayaran.
14 Sinasabi pa niya,
    ‘Magtatayo ako ng malaking bahay
    na may malalaking silid sa itaas.
Lalagyan ko ito ng mga bintana,
    tablang sedar ang mga dingding,
    at pipinturahan ko ng kulay pula.’
15 Kung gumamit ka ba ng sedar sa iyong bahay,
    ikaw ba'y isa nang haring maituturing?
Alalahanin mo ang iyong ama; siya'y kumain at uminom,
    naging makatarungan siya at matuwid;
    kaya siya'y namuhay na tiwasay.
16 Tinulungan niya ang mga dukha at nangangailangan,
    kaya pinagpala siya sa lahat ng bagay.
Pinatunayan niyang ako'y kanyang nakikilala.
17 Subalit kayo, wala kayong iniisip kundi ang sariling kapakanan.
    Pumapatay kayo ng taong walang kasalanan,
    at pinagmamalupitan ang mga tao.”
Ito ang sabi ni Yahweh.

1 Pedro 1:3-9

Isang Buháy na Pag-asa

Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa na magmamana tayo ng kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon.

Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong[a] pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.