Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pag-asang Darating
23 Paparusahan ni Yahweh ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito ay magkawatak-watak at mamatay. 2 Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga pinunong nangangalaga sa kanyang bayan: “Pinapangalat ninyo at ipinagtabuyan ang aking kawan. Hindi ninyo sila binantayan kaya kayo'y paparusahan ko dahil sa inyong ginawang ito. 3 Ako na ang magtitipon sa mga nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang tinubuang lupa, at sila'y muling darami. 4 Hihirang ako ng mga tagapangunang magmamalasakit at mangangalaga sa kanila. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at pag-aalala, at wala nang maliligaw kahit isa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
5 “Nalalapit(A) na ang araw,” sabi ni Yahweh, “na pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David, isang hari na mamamahala ng buong karunungan. Paiiralin niya sa buong lupain ang katarungan at katuwiran. 6 Magiging ligtas ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’”
68 “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.
69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.
70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,
71 na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,
mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
73 Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
74 na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.
76 Ikaw,(A) anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,
77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,
ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.
Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.
79 Tatanglawan(B) niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.”
11 Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. 12 Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo[a] sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag. 13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 Sa(A) pamamagitan niya ay napalaya tayo, samakatuwid ay pinatawad ang ating mga kasalanan [sa pamamagitan ng kanyang dugo].[b]
Ang Likas at Gawain ni Cristo
15 Si(B) Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. 18 Siya(C) ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na binuhay mula sa kamatayan, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. 19 Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, 20 at(D) sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa kanya. Nakamtan ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak na inialay sa krus.[c]
33 Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [34 Sinabi(A) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][a]
Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghati-hatian ang kasuotan niya. 35 Ang(B) mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!”
36 Nilait(C) din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, 37 kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”
38 Mayroon ding nakasulat sa kanyang ulunan [sa wikang Griego, Latin at Hebreo],[b] “Ito ang Hari ng mga Judio.”
39 Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”
40 Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! 41 Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”
43 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.