Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo
98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
2 Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
3 Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!
4 Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
5 Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
6 Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.
7 Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
8 Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
9 Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.
Ipinangako ang Muling Pagsasaya sa Jerusalem
8 Sinabi sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, 2 “Ganito ang sabihin mo: Sabik na sabik na akong ipadama sa Jerusalem ang aking pagmamahal; isang pagmamahal na naging dahilan upang mapoot ako sa kanyang mga kaaway. 3 Babalik ako sa Jerusalem upang muling manirahan doon. Tatawagin itong Tapat na Lunsod at Banal na Bundok ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 4 Ganito ang sinabi ni Yahweh: “Muling makikita ang matatandang babae't lalaking nakatungkod na nakaupo sa mga liwasan ng lunsod. 5 Ang mga lansangan ay mapupuno ng mga batang naglalaro. 6 Aakalain ng mga naiwan sa lupain na mahirap itong mangyari. Ngunit para kay Yahweh ay walang imposible. 7 Ililigtas ko ang aking bayan mula sa mga lugar sa silangan at sa kanluran, 8 at muli ko silang ibabalik sa Jerusalem. Sila ay aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Diyos.”
9 Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Lakasan ninyo ang inyong loob, kayo na nakarinig ng mensahe ng mga propeta noong inilalagay ang pundasyon ng aking templo. 10 Bago pa dumating ang panahong iyon, hindi nila kayang umupa ng tao o hayop, at mapanganib kahit saan sapagkat ang bawat isa'y ginawa kong kaaway ng kanyang kapwa. 11 Ngunit ngayon, hindi ko na pababayaang mangyari sa inyo ang nangyari noon. 12 Mapayapa na kayong makapaghahasik. Magbubunga na ang inyong mga ubasan. Papatak na ang ulan sa takdang panahon, ibibigay ko ang lahat ng ito sa mga naiwan sa lupain. 13 Bayan ng Juda at Israel, kayo ang naging sumpa sa mga bansa. Sinasabi nila, ‘Danasin sana ninyo ang kahirapang dinanas ng Juda at ng Israel.’ Ngunit ililigtas ko kayo at gagawing pagpapala para sa kanila. Kaya huwag kayong matakot at lakasan ninyo ang inyong loob.”
14 Ipinapasabi pa rin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Noong una, binalak kong parusahan ang inyong mga ninuno dahil sa kanilang kasamaan. Ginawa ko nga ito. 15 Ngunit ngayon, ipinasya ko namang pagpalain ang Jerusalem at ang Juda; kaya huwag kayong matakot. 16 Ganito(A) ang dapat ninyong gawin: Katotohanan lamang ang sasabihin ninyo sa isa't isa, paiiralin ninyo ang katarungan at pananatilihin ang kapayapaan. 17 Huwag kayong magbabalak ng masama laban sa inyong kapwa at huwag magsisinungaling, sapagkat nasusuklam ako sa mga ito.”
Ang Kapangyarihan ng Anak
19 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, 20 sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y mamangha. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyan sila ng buhay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. 22 Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol 23 upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak.
24 “Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Pakatandaan ninyo na darating ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. 27 Binigyan niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig 29 at sila'y(A) babangon. Lahat ng gumawa ng kabutihan ay babangon patungo sa buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay babangon patungo sa kaparusahan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.