Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
68 “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.
69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.
70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,
71 na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,
mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
73 Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
74 na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.
76 Ikaw,(A) anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,
77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,
ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.
Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.
79 Tatanglawan(B) niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.”
18 Kaya(A) ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Jehoiakim, anak ni Haring Josias ng Juda:
“Walang tatangis sa kanyang pagpanaw o magsasabing,
‘Mahal kong kapatid! O, ang kapatid ko!’
Wala ring tatangis para sa kanya, at sisigaw ng,
‘O, panginoon! O aking hari!’
19 Ililibing siyang tulad sa isang patay na asno;
kakaladkarin at ihahagis sa labas ng pintuang-bayan ng Jerusalem.”
Ang Pahayag tungkol sa Sasapitin ng Jerusalem
20 Umakyat kayo sa Lebanon at humiyaw,
sumigaw kayo hanggang sa marinig sa Bashan ang inyong tinig.
Kayo'y manangis mula sa tuktok ng Bundok Abarim,
sapagkat nilipol nang lahat ang kapanalig ninyo.
21 Nagsalita ako sa inyo noong kayo'y masagana,
subalit hindi kayo nakinig.
Ganyan na ang ugali ninyo mula pa sa inyong kabataan;
kahit minsan ay hindi kayo sumunod sa akin.
22 Tatangayin ng malakas na hangin ang inyong mga pinuno;
mabibihag ang lahat ng nagmamahal sa inyo.
Wawasakin ang lunsod ninyo at kayo'y mapapahiya
dahil sa inyong masasamang gawa.
23 Kayong nakatira sa mga bahay na yari sa sedar buhat sa Lebanon,
kaawa-awa kayo sa hirap na daranasin ninyo pagdating ng panahon,
gaya ng hirap ng babaing manganganak!
Ang Kahatulan ni Yahweh kay Jehoiakin
24 Sinabi(B) ni Yahweh, “Kung ikaw man, Conias, anak ni Haring Jehoiakim ng Juda, ay naging singsing na aking pantatak, huhugutin kita sa aking daliri. 25 Ibibigay kita sa kamay ng mga ibig pumatay sa iyo, sa mga taong iyong kinatatakutan, kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa kanyang mga sundalo. 26 Itatapon ko kayong mag-ina sa isang lupaing malayo sa lupang sinilangan mo. Doon na kayo mamamatay. 27 At hindi na kayo makakabalik sa sariling bayan na nais ninyong makitang muli.”
28 Ito bang si Conias ay tulad sa isang bangang itinakwil, basag, at walang ibig umangkin? Bakit siya itinapon, pati ang kanyang mga anak, sa isang bansang wala silang nalalaman?
29 O aking bayan!
Pakinggan ninyo ang mensahe ni Yahweh!
30 Ganito ang sinasabi niya:
“Isulat mo tungkol sa lalaking ito na siya'y hinatulang mawawalan ng anak,
na hindi magtatagumpay sa kanyang buhay,
sapagkat wala siyang anak na hahalili sa trono ni David
at maghaharing muli sa Juda.”
Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)
15 Inilalapit ng mga tao kay Jesus pati ang kanilang mga sanggol upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang mga kamay. Nang ito'y makita ng mga alagad, sinaway nila ang mga tao. 16 Ngunit tinawag ni Jesus ang mga bata at sinabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga katulad nila ang kaharian ng Diyos. 17 Tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos gaya ng pagtanggap ng isang bata ay hindi makakapasok doon.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.