Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
42 Inilaan nila ang kanilang mga sarili upang matuto sa turo ng mga apostol, magsama-sama bilang magkakapatid, magsalu-salo sa pagkain ng tinapay, at manalangin.
Ang Pamumuhay ng mga Sumasampalataya
43 Dahil sa maraming himala at kababalaghang ginagawa sa pamamagitan ng mga apostol [sa Jerusalem],[a] naghari sa lahat ang takot. 44 Nagsama-sama(A) ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay itinuring na para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. 46 Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo at nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, na masaya at may malinis na kalooban. 47 Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.
Si Yahweh ang Ating Pastol
Awit ni David.
23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.
3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
19 Sapagkat kapuri-puri ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. 20 Maipagmamalaki ba ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit kung magtiis kayo ng hirap sa kabila ng paggawa ninyo ng mabuti, pagpapalain kayo ng Diyos. 21 Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, nag-iwan siya sa inyo ng isang halimbawa na dapat ninyong lubos na tularan. 22 Hindi(A) siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman. 23 Nang(B) siya'y insultuhin, hindi siya gumanti ng insulto. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol. 24 Sa(C) kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan at mamuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo'y pinagaling. 25 Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naligaw, ngunit ngayon kayo'y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.
Ang Tunay na Pastol
10 “Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. 2 Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. 3 Pinapapasok siya ng bantay, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. 4 Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. 5 Hindi sila susunod sa iba, kundi tatakbong palayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”
6 Sinabi ni Jesus ang paglalarawang ito ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.
Si Jesus ang Mabuting Pastol
7 Kaya't muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. 8 Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. 9 Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.